Kabanata 1
Jesucristo—Ang Tanging Daan Natin Tungo sa Pag-asa at Kagalakan
“Kung ang ating buhay at pananampalataya ay nakasentro kay Jesuristo at sa kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, walang anumang mananatiling mali kailanman.”
Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter
Ang isang mahalagang tema sa mga turo ni Pangulong Howard W. Hunter ay na ang tunay na kapayapaan, pagpapagaling, at kaligayahan ay dumarating lamang kapag sinisikap ng isang tao na kilalanin at sundin si Jesucristo. Itinuro ni Pangulong Hunter na “ang paraan ni Cristo ay hindi lamang ang tamang daan, kundi ang tanging daan tungo sa pag-asa at kagalakan.”1
Matapang din si Pangulong Hunter sa pagpapatotoo tungkol sa banal na misyon ng Tagapagligtas. “Bilang isang inorden na Apostol at natatanging saksi ni Cristo, ibinibigay ko sa inyo ang taimtim kong patotoo na sa katunayan ay si Jesucristo ang Anak ng Diyos,” pahayag niya. “Siya ang Mesiyas na inasam ng mga propeta sa Lumang Tipan. Siya ang Pag-asa ng Israel, na ang pagdating ay ipinagdasal ng mga anak ni Abraham, Isaac, at Jacob sa mahahabang siglo ng itinakdang pagsamba. …
“Ibinibigay ko ang patotoong ito sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Alam kong tunay si Cristo na para bang nakita Siya mismo ng aking mga mata at narinig mismo ng aking mga tainga. Alam ko rin na pagtitibayin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng aking patotoo sa puso ng lahat ng nakikinig nang may pananampalataya.”2
Sa pagnanais na bumisita sa mga lugar na pinaglingkuran ni Jesus, naglakbay si Pangulong Hunter sa Banal na Lupain nang mahigit dalawampu’t apat na beses. Sinabi ni Elder James E. Faust ng Korum ng Labindalawa na “ang Jerusalem ay parang isang batubalani sa kanya. … Tila hindi mabigyang-kasiyahan ang pagnanais niyang puntahan ang lugar na nilakaran at pinagturuan ng Tagapagligtas. Minahal niya ang lahat ng tanawin at tunog. Minahal niya lalo na ang Galilea. Ngunit may isang lugar siyang minahal nang higit sa lahat. Lagi niyang sinasabing, ‘Pumunta tayo ulit sa Libingan sa Halamanan, tulad ng dati.’ Doon siya uupo at magninilay na para bang nadarama niya ang Tagapagligtas sa kabila ng tabing.”3
Mga Turo ni Howard W. Hunter
1
Kailangan nating kilalanin si Cristo nang higit kaysa pagkakilala natin sa Kanya at alalahanin Siya nang mas madalas kaysa pag-alaala natin sa Kanya.
Mapitagang kinakanta ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang:
Jesus, ang ’Nyong alaala
Dulot ay ligaya;
Ngunit kung kapiling t’wina
Ay mas mainam pa. …
… Gaano kadalas natin iniisip ang Tagapagligtas? Gaano kalalim at gaano katindi ang pasasalamat at pagmamahal natin kapag pinagninilayan natin ang kanyang buhay? Gaano natin itinutuon ang ating buhay sa Kanya?
Halimbawa, gaano ang inilalaan natin sa isang karaniwang araw, sa isang linggo ng pagtatrabaho, o sa isang mabilis na paglipas ng buwan “sa pag-alaala kay Jesus”? Marahil para sa ilan sa atin, hindi sapat.
Siguradong magiging mas payapa ang buhay, mas matatag ang pagsasama ng mga mag-asawa at pamilya, tiyak na magiging mas ligtas at payapa at makabuluhan ang mga sambayanan at bansa kung mapupuspos ang ating dibdib ng mas malaking bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo na “dulot ay ligaya.”
Maliban kung mas pagtutuunan natin ng pansin ang saloobin ng ating mga puso, iniisip ko ang pag-asang kailangan natin para makamit ang mas malaking kagalakan, ang mas matamis na gantimpala: balang-araw “[mukha’y makita] / At [ma]kapiling t’wina.”
Araw-araw sa ating buhay at sa bawat panahon ng taon … , itinatanong ni Jesus sa bawat isa sa atin, tulad ng ginawa niya matapos ang kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem maraming taon na ang nakararaan, “Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo? kanino bagang anak siya?” (Mat. 22:42.)
Ipinapahayag natin na Siya ang Anak ng Diyos, at ang katunayan niyon ay dapat umantig nang mas madalas sa ating kaluluwa.4
Kailangan nating kilalanin si Cristo nang higit kaysa pagkakilala natin sa Kanya; kailangan natin siyang alalahanin nang mas madalas kaysa pag-alaala natin sa kanya; kailangan natin siyang paglingkuran nang mas masigasig kaysa paglilingkod natin sa kanya. Sa gayon ay iinom tayo ng tubig na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan at kakain ng tinapay ng kabuhayan.5
2
Si Jesucristo ang tanging pinagmumulan ng ating pag-asa at kaligayahan.
O pag-asa at ligaya
Ng sangkatauhan,
O kaybait sa may sala
At nangangailangan!
Napakagandang taludtod ng musika, at napakagandang mensahe ng pag-asa na nakasalig sa ebanghelyo ni Jesucristo! Mayroon bang sinuman sa atin, sa anumang aspeto ng buhay, na hindi nangangailangan ng pag-asa at naghahangad ng mas malaking kagalakan? Ang mga ito ay kailangan ng lahat at inaasam ng kaluluwa ng tao, at ito ang mga pangako ni Cristo sa kanyang mga tagasunod. Ang pag-asa ay ipinagkakaloob sa “bawat bagbag na puso” at ang kagalakan ay dumarating sa “lahat ng maaamo.”
Matindi ang katumbas na halaga ng pagsisisi—kailangan nating talikuran ang ating kapalaluan at kawalan ng pakiramdam, ngunit lalo na ang ating mga kasalanan. Sapagkat, tulad ng alam ng ama ni Haring Lamoni dalawampung siglo na ang nakararaan, ito ang katumbas ng tunay na pag-asa. “O Diyos,” sabi niya, “maaari bang ipakilala ninyo ang inyong sarili sa akin, at tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo … upang magbangon ako mula sa pagkamatay, at maligtas sa huling araw.” (Alma 22:18.) Kapag handa rin tayong talikuran ang lahat ng ating kasalanan upang makilala siya at sumunod sa kanya, tayo man ay mapupuspos ng galak sa buhay na walang hanggan.
Ano naman ang mangyayari sa mga maamo? Sa isang mundong masyadong abala sa pagwawagi sa pamamagitan ng pananakot at paghahangad na manguna, walang malaking grupo ng mga tao na pumipila para bumili ng mga aklat na nag-aanyaya sa mga tao na maging mas maamo. Ngunit ang maamo ay mamanahin ang lupa, isang kahanga-hangang paraan ng pamamahala—at ginagawa nang walang pananakot! Sa malao’t madali, at sana’y sa lalong madaling panahon, kikilalanin ng lahat na ang paraan ni Cristo ay hindi lamang ang tamang daan, kundi sa huli’y ang tanging daan tungo sa pag-asa at kagalakan. Bawat tuhod ay luluhod at bawat dila ay magtatapat na ang kahinahunan ay mas mainam kaysa kalupitan, na ang kabaitan ay mas mainam kaysa pamimilit, na ang malumanay na tinig ay pumapawi ng poot. Sa huli, at sa lalong madaling panahon, kailangan tayong maging higit na katulad Niya. …
Tanging ligaya’y sa Inyo,
Jesucristong asam,
L’walhati namin ay kayo,
Magpakailanpaman.
Iyan ang aking personal na panalangin at hangarin para sa buong mundo. … Pinatototohanan ko na si Jesus ang tanging tunay na pinagmumulan ng walang-hanggang kagalakan, na ang ating tanging walang-katapusang kapayapaan ay nasa kanya. Gusto ko sana siyang maging “ating kaluwalhatian ngayon,” ang kaluwalhatiang inaasam ng bawat isa sa atin at ang tanging gantimpalang habampanahong pahahalagahan ng mga tao at bansa. Siya ang ating gantimpala sa panahong ito at sa kawalang-hanggan. Lahat ng iba pang gantimpala ay walang saysay sa huli. Lahat ng iba pang karingalan ay kumukupas sa paglipas ng panahon at nalulusaw na kasama ng mga elemento. Sa huli, … malalaman natin na walang tunay na kagalakan maliban kay Cristo.
… Nawa’y maging mas deboto at disiplinadong mga alagad tayo ni Cristo. Nawa’y pahalagahan natin siya sa ating isipan at sambitin ang kanyang pangalan nang may pagmamahal. Nawa’y lumuhod tayo sa Kanyang harapan nang may kaamuan at awa. Nawa’y mapagpala at mapaglingkuran natin ang iba upang gayon din ang gawin nila.6
3
Ang pinakamatinding pangangailangan sa buong mundo ay ang aktibo at tapat na pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo.
May mga nagsasabi na makaluma ang maniwala sa Biblia. Makaluma ba ang maniwala sa Diyos, kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos na Buhay? Makaluma ba ang maniwala sa kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at sa pagkabuhay na mag-uli? Kung totoo ito, masasabi kong ako ay makaluma at ang Simbahang ito ay makaluma. Sa napakasimpleng paraan itinuro ng Panginoon ang mga alituntunin ng buhay na walang hanggan at mga aral na nagdudulot ng kaligayahan sa mga naniniwala nang may pananampalataya. Tila hindi makatwirang ipalagay na kailangang gawing makabago ang mga turong ito ng Panginoon. Ang kanyang mensahe ay tungkol sa mga alituntunin na walang hanggan.7
Sa panahong ito, tulad sa bawat panahong nauna at sa bawat panahong kasunod nito, ang pinakamalaking pangangailangan sa buong mundo ay ang aktibo at tapat na pananampalataya sa mga pangunahing turo ni Jesus ng Nazaret, ang buhay na Anak ng buhay na Diyos. Dahil maraming tumatanggi sa mga turong iyon, mas malaki ang dahilan kung bakit dapat ipahayag ng matatapat na mananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo ang katotohanan nito at ipakita sa pamamagitan ng halimbawa ang kapangyarihan at kapayapaan ng mabuti at matiwasay na pamumuhay. …
Paano tayo dapat kumilos kapag tayo ay nasaktan, hindi naunawaan, pinakitunguhan nang masama o hindi makatarungan, o pinagkasalahan? Ano ang nararapat nating gawin kung tayo ay sinaktan ng mga mahal natin sa buhay, o naunahan ng iba sa pag-asenso sa trabaho, o pinaratangan nang mali, o hindi makatarungang pinulaan ang ating mga motibo?
Gaganti ba tayo? Magpapadala ba tayo ng mas malaking batalyon? Gaganti ba tayo nang mata sa mata at ngipin sa ngipin, o matatanto ba natin na sa bandang huli ay maiiwan tayong mga bulag at bungi? …
Sa karingalan ng kanyang buhay at sa halimbawa ng kanyang mga turo, maraming ipinayo sa atin si Jesucristo na may palaging kaakibat na ligtas na mga pangako. Nagturo siya nang may karingalan at awtoridad na nagbigay ng pag-asa sa mga edukado at mangmang, sa mayayaman at mga maralita, sa malulusog at may karamdaman.8
Sikaping magkaroon ng sariling patotoo tungkol kay Jesucristo at sa pagbabayad-sala. Ang pag-aaral tungkol sa buhay ni Cristo at ang patotoo tungkol sa kanyang katotohanan ay isang bagay na dapat hangarin ng bawat isa sa atin. Kapag naunawaan natin ang kanyang misyon, at ang pagbabayad-salang isinagawa niya, hahangarin nating mamuhay nang higit na katulad niya.9
4
Sa pagsampalataya natin sa Tagapagligtas, papayapain Niya ang malalaking alon ng ating buhay.
Lahat tayo ay dumanas na ng biglaang mga unos sa ating buhay. Ang ilan sa mga ito … ay maaaring maging marahas at nakakatakot at maaaring makapinsala. Bilang mga indibiduwal, bilang mga pamilya, bilang mga komunidad, bilang mga bansa, kahit bilang isang simbahan, nagkaroon na tayo ng mga biglang pag-ihip ng malalakas na hangin kaya kahit paano ay naitatanong natin, “Guro, wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo?” [Marcos 4:38.] At kahit paano palagi nating naririnig sa gitna ng katahimikan pagkaraan ng bagyo, “Bakit ba kayo nangatakot? wala pa baga kayong pananampalataya?” [Marcos 4:40.]
Walang sinuman sa atin na gustong isipin na wala tayong pananampalataya, ngunit sa palagay ko ang magiliw na pangaral ng Panginoon dito ay nararapat lang sa atin. At ang dakilang Jehova na ito, na sinasabi nating pinagtitiwalaan natin at ang pangalan ay taglay natin, ang siyang nagsabing, “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng mga tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapuwa tubig.” (Gen. 1:6.) At siya rin ang nagsabing, “Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang katuyuan.” (Gen. 1:9.) Bukod pa rito, Siya rin ang humawi sa Dagat na Pula, kaya’t nakadaan ang mga Israelita sa tuyong lupa. (Tingnan sa Ex. 14:21–22.) Kaya nga, hindi dapat ikagulat na kaya niyang utusan ang ilang elementong kumikilos sa Dagat ng Galilea. At dapat ipaalala sa atin ng ating pananampalataya na kaya niyang payapain ang malalaking alon sa ating buhay. …
Lahat tayo ay magkakaroon ng paghihirap sa ating buhay. Palagay ko ay makatitiyak tayo riyan. Ang ilan sa mga ito ay may potensyal na maging marahas at makasira at makapinsala. Ang ilan ay maaari pang sirain ang ating pananampalataya sa mapagmahal na Diyos na may kapangyarihang magbigay sa atin ng ginhawa.
Sa lahat ng pagkaligalig na ito palagay ko sasabihin ng Ama nating lahat na, “Bakit ba kayo nangatatakot? wala pa baga kayong pananampalataya?” At siyempre kailangan ang pananampalatayang iyan sa buong paglalakbay, sa buong karanasan, sa kabuuan ng ating buhay, hindi lamang sa ilang saglit at ilang piraso ng mauunos na sandali. …
Sabi ni Jesus, “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: ngunit laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.” (Juan 16:33.)10
5
Kapag nakasentro ang ating buhay sa Tagapagligtas, hindi tayo kailangang matakot, at ang ating mga pangamba ay magiging kagalakan.
Sapat ang alam ko sa inyong napakaabalang buhay para malaman na kung minsa’y naiinis kayo. Maaari din kayong mag-alala nang bahagya paminsan-minsan. Alam kong lahat iyan. …
Ang mensahe ko sa inyo ngayon ay “huwag matakot, munting kawan.” Ito’y para hikayatin kayong magalak sa mga dakilang pagpapala ng buhay. Ito’y para anyayahan kayong makadama ng malaking pananabik na ipamuhay ang ebanghelyo at madama ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit. Napakaganda ng buhay, kahit sa mga panahon ng paghihirap, at may kaligayahan, kagalakan, at kapayapaan sa daanan, at napakarami pa nito sa dulo ng landas.
Totoo na napakaraming bagay na dapat ipag-alala—ang ilan sa mga ito ay napakatitindi—ngunit iyan ang dahilan kung bakit kami nagsasalita gamit ang mga termino ng ebanghelyo na pananampalataya, at pag-asa, at pag-ibig sa kapwa. Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, sumasaatin “ang masaganang buhay,” at sinisikap nating bigyang-diin ang ating mga pagpapala at pagkakataon habang binabawasan natin ang ating mga kabiguan at pangamba. “Masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya,” ayon sa banal na kasulatan, “at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti” (D at T 90:24). Gusto kong ipaalala sa inyo ang pangakong ito. …
Alalahanin sana ninyo ang bagay na ito. Kung ang ating buhay at pananampalataya ay nakasentro kay Jesuristo at sa kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, walang anumang bagay na mananatiling mali kailanman. Sa kabilang banda, kung ang buhay natin ay hindi nakasentro sa Tagapagligtas at sa kanyang mga turo, walang anumang tagumpay na mananatiling tama kailanman. …
Lahat tayo ay may mga problema sa kalusugan paminsan-minsan—ang ilan ay palaging mayroon nito. Ang pagkakasakit at karamdaman ay bahagi ng pasakit ng mortalidad. Manampalataya at maging positibo. Ang kapangyarihan ng priesthood ay tunay, at napakaraming kabutihan sa buhay, kahit nahihirapan ang ating katawan. Malaking kagalakan ang malaman na wala nang sugat o karamdaman sa Pagkabuhay na Mag-uli.
Ang ilan sa ating mga alalahanin ay darating sa pamamagitan ng mga tukso. Ang iba ay maaaring mahihirap na desisyon ukol sa pag-aaral o trabaho o pera o pag-aasawa. Anuman ang inyong pasanin, matatagpuan ninyo ang lakas na kailangan ninyo kay Cristo. Si Jesucristo ang Alpha at Omega, ang literal na simula at wakas. Kasama natin siya mula simula hanggang katapusan, at dahil dito ay higit pa siya sa isang manonood lang sa ating buhay. …
Kung ang pamatok na nakapasan sa atin ay kasalanan mismo, gayon pa rin ang mensahe. Alam ni Cristo ang buong bigat ng ating mga kasalanan, sapagkat Siya ang unang nagpasan nito. Kung ang ating pasanin ay hindi kasalanan o tukso, kundi karamdaman o kahirapan o pagtanggi sa atin, gayon pa rin ang mensahe. Alam Niya. …
Pinagdusahan Niya ang higit pa sa ating mga kasalanan. Siya na tinawag ni Isaias na “tao sa kapanglawan” (Isaias 53: 3; Mosias 14:3) ay lubos na batid ang bawat problemang pinagdaraanan natin dahil pinili niyang tiisin ang buong bigat ng lahat ng ating problema at pasakit. …
Mga kapatid, mayroon at magkakaroon kayo ng mga alalahanin at iba’t ibang uri ng mga hamon sa buhay, ngunit buong galak na tanggapin ang buhay at mapuno ng pananampalataya. Regular na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Manalangin nang taimtim. Sundin ang tinig ng Espiritu at ng mga propeta. Gawin ninyo ang lahat para tulungan ang iba. Magkakaroon kayo ng malaking kaligayahan sa gayong paraan. Pagdating ng maluwalhating araw lahat ng pag-aalala ninyo ay magiging kagalakan.
Tulad ng isinulat ni Joseph Smith sa naghihirap na mga Banal mula sa kanyang selda sa Liberty Jail:
Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag [D at T 123:17; idinagdag ang pagbibigay-diin].
[Sa mga salita ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith:]
Huwag matakot, munting kawan; gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig. …
Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.
Masdan ang sugat na tumagos sa aking tagiliran, at gayon din ang bakas ng mga pako sa aking mga kamay at paa; maging matapat, sundin ang aking mga kautusan, at inyong mamamana ang kaharian ng langit [D at T 6:34–37].11
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Isipin kung paano mo sasagutin ang mga tanong ni Pangulong Hunter sa bahagi 1. Paano natin mas maisesentro ang ating buhay kay Jesucristo? Paano natin mas maisesentro ang ating tahanan kay Jesucristo? Paano natin makikilala si Cristo nang higit kaysa sa pagkakilala natin sa Kanya?
-
Ano ang “kapalit” ng pagtanggap ng pag-asa, kagalakan, at kapayapaan na alok ni Cristo? (Tingnan sa bahagi 2.) Kailan mo nadama ang pag-asa, kapayapaan, at kagalakang nagmumula sa Tagapagligtas?
-
Bakit kaya “ang pinakamatinding pangangailangan sa buong mundo ay ang aktibo at tapat na pananampalataya sa mahahalagang turo ni Jesus ng Nazaret”? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano mo maipapakita ang iyong pananampalataya sa mga turo ni Cristo kapag ikaw ay “nasaktan, hindi naunawaan, pinakitunguhan nang masama o hindi makatarungan, o pinagkasalahan”?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga turo ni Pangulong Hunter tungkol sa takot at pananampalataya? (Tingnan sa bahagi 4.) Paano tayo natutulungan ng pananampalataya na madaig ang takot? Isipin ang mga pagkakataon na pinayapa ng Tagapagligtas ang mga unos sa buhay mo nang magpakita ka ng pananampalataya sa Kanya.
-
Paano tayo matutulungan ng payo ni Pangulong Hunter sa bahagi 5 na “buong galak na tanggapin ang buhay,” kahit dumaranas tayo ng pighati, pagkasiphayo, at mga karamdaman? Paano tayo magkakaroon ng walang-hanggang pananaw? Paano ka natulungan ng Tagapagligtas na magkaroon ng mas saganang pamumuhay?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mateo 11:28–30; Juan 14:6; 2 Nephi 31:19–21; Alma 5:14–16; 7:10–14; 23:6; Helaman 3:35; 5:9–12; D at T 50:40–46; 93:1
Tulong sa Pag-aaral
“Sa pag-aaral mo, pansining mabuti ang mga ideya na dumarating sa iyong isipan at damdamin na [dumarating sa] puso mo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 21). Isiping itala ang mga impresyong natatanggap mo, kahit parang wala itong kaugnayan sa mga salitang binabasa mo. Maaaring ang mga ito mismo ang nais ihayag ng Panginoon sa iyo.