Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 2: ‘Ang Aking Kapayapaan ay Ibinibigay Ko sa Inyo’


Kabanata 2

“Ang Aking Kapayapaan ay Ibinibigay Ko sa Inyo”

“Ang kapayapaan ay darating lamang sa isang tao sa pamamagitan ng walang kundisyong pagpapasakop—pagpapasakop sa kanya na Prinsipe ng kapayapaan, na may kapangyarihang magkaloob ng kapayapaan.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Inilarawan ng isa sa mga kasamahan ni Pangulong Howard W. Hunter sa Korum ng Labindalawa na siya ay isang taong may “pambihirang pagtitiis na nagmumula sa malaking kapayapaan ng kalooban.”1 Madalas bumanggit noon si Pangulong Hunter tungkol sa kapayapaan ng kalooban, na itinuturo na matatanggap lamang ito ng isang tao sa pagbaling sa Diyos—sa pagtitiwala sa Kanya, pagpapakita ng pananampalataya, at pagsisikap na gawin ang Kanyang kalooban. Nakatulong sa kanya ang gayong kapayapaan sa maraming mahihirap na panahon.

Sa huling bahagi ng taong 1975 inirekomenda ng isang doktor na operahan sa utak ang asawa ni Pangulong Hunter na si Claire. Nahirapang magdesisyon si Pangulong Hunter kung operasyon nga sa utak ang pinakamabuting gawin kay Claire, dahil mahihirapan ang kanyang mahinang katawan at baka hindi bumuti ang kanyang kalagayan. Nagpunta siya sa templo, humingi ng payo sa mga miyembro ng pamilya, at di-nagtagal ay nadama na operasyon ang pinakamalaking pag-asa para maginhawahan nang kaunti si Claire. Sa paglalarawan ng kanyang damdamin sa araw ng operasyon, isinulat niya:

“Sinamahan ko siya hanggang sa pintuan ng operating room, hinagkan ko siya, at ipinasok na siya roon. Sa paglipas ng oras, naghintay ako at nag-isip-isip. … Ang matinding pagkabalisa ay biglang napalitan ng payapang damdamin. Alam ko na tama ang ginawang desisyon at nasagot ang aking mga dalangin.”2

Noong 1989, si Pangulong Hunter ay nagkaroon ng isa pang karanasan kung kailan nakadama siya ng kapayapaan sa nakababagabag na panahon. Nasa Jerusalem siya noon upang ilaan ang Brigham Young University Jerusalem Center for Near Eastern Studies. May ilang grupong nagprotesta sa presensya ng Simbahan sa Jerusalem, at may ilang nagbanta na gagawa sila ng karahasan. Isa sa mga tagapagsalita sa dedikasyon si Elder Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawa, na kalaunan ay nagkuwento tungkol sa pangyayaring ito:

“Habang nagsasalita ako, nagkaroon ng kaunting kaguluhan sa likuran ng bulwagan. Pumasok sa silid ang mga lalaking nakasuot ng unipormeng militar. May ipinabigay silang sulat kay Pangulong Hunter. Lumingon ako at nagtanong kung ano ang nangyayari. Sabi niya, ‘May sasabog daw na bomba. Natatakot ka ba?’ Sabi ko, ‘Hindi.’ Sabi Niya, ‘Ako rin, hindi; tapusin mo ang mensahe mo.’”3 Nagpatuloy ang mga serbisyo sa paglalaan nang walang masamang nangyari; wala namang bomba.

Sa ganitong mga sitwasyon, nagtiwala si Pangulong Hunter sa pangakong ito ng kapayapaan mula sa Tagapagligtas, na madalas niyang banggitin noon: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27).

si Cristo kasama si Pedro sa tubig

Dapat nating “ipako ang ating tingin kay Jesus” at kailanman ay “huwag alisin ang ating paningin sa kanya na dapat nating paniwalaan.”

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Si Jesucristo ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan.

Sa pagpopropesiya tungkol sa pagsilang ni Cristo mahigit 700 taon bago ito nangyari, gumamit ang propetang si Isaias ng mga titulo na nagpapahayag ng malaking paghanga. … Isa sa mga titulong ito na kapansin-pansin sa ating mundo ngayon ang “[Prinsipe] ng Kapayapaan” (Isa. 9:6). “Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas,” sabi ni Isaias (t. 7). Napakagandang pangako ng pag-asa sa isang daigdig na pagod na sa digmaan, at puno ng kasalanan!4

Ang kapayapaang pinapangarap ng mundo ay isang panahon na walang kaguluhan; ngunit hindi alam ng mga tao na ang kapayapaan ay isang kalagayan sa buhay na dumarating lamang sa tao ayon sa mga tuntunin at kundisyong itinakda ng Diyos, at hindi sa ibang paraan.

Ganito ang mga salita sa isang awit sa Aklat ni Isaias: “Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pagiisip ay sumasa iyo: sapagka’t siya’y tumitiwala sa iyo.” (Isa. 26:3.) Ang ganap na kapayapaan na binanggit ni Isaias ay dumarating lamang sa isang tao sa pamamagitan ng paniniwala sa Diyos. Hindi ito nauunawaan ng isang mundong walang paniniwala.

Sa huling pagkakataon na naghapunan si Jesus kasama ang Labindalawa, hinugasan niya ang kanilang mga paa, pinira-piraso niya ang tinapay para sa kanila, at ipinasa sa kanila ang saro; at, nang umalis na si Judas sa kanilang kalipunan, matagal silang kinausap ng Panginoon. Maliban sa iba pang mga bagay, sinabi niya ang kanyang nalalapit na kamatayan at ang pamanang iniwan niya para sa bawat isa sa kanila. Wala siyang naipong mga kalakal, ari-arian, o kayamanan. Ayon sa talaan wala siyang pag-aari maliban sa damit na suot niya, at kinabukasan pagkatapos ng pagpapako sa krus ay paghahati-hatian ito ng mga sundalo, na magpapalabunutan para malaman kung kanino mapupunta ang kanyang balabal. Ang Kanyang pamana ay ibinigay sa kanyang mga disipulo sa simple ngunit may malalim na kahulugang mga salitang ito: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” (Juan 14:27.)

Ginamit niya ang paraan ng pagbati at pagbabasbas ng mga Judio, “Ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo.” Ang pagbati at pamanang ito ay hindi nila kukunin sa karaniwang paraan, sapagkat sinabi niya, “… hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo.” Hindi mga pangarap na walang-saysay, hindi basta magalang na seremonya, tulad ng paggamit ng mga tao sa mundo sa mga salitang ito batay sa kaugalian; kundi bilang may-akda at Prinsipe ng kapayapaan, ibinigay niya ito sa kanila. Ipinagkaloob niya ito sa kanila at sinabing, “Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” Sa loob ng ilang oras daranas sila ng hirap, ngunit sa kapayapaang bigay niya madaraig nila ang takot at sila’y maninindigan.

Ang huling sinabi niya sa kanila bago ang pangwakas na panalangin sa di-malilimutang gabing iyon ay ito: “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.” (Juan 16:33.)5

2

Nagkakaroon tayo ng kapayapaan kapag ipinamuhay natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

Iisa lang ang kamay na pumapatnubay sa sansinukob, iisa lang ang tunay na ilaw, isang walang-mintis na tanglaw sa mundo. Ang ilaw na iyon ay si Jesucristo, ang ilaw at buhay ng daigdig, ang ilaw na inilarawan ng isang propeta sa Aklat ni Mormon bilang “isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim.” (Mosias 16:9.)

Habang naghahanap tayo ng kanlungan ng kaligtasan at kapayapaan, tayo man ay mga babae at lalaki, mga pamilya, mga komunidad, o mga bansa, si Cristo ang tanging tanglaw na maaasahan natin sa huli. Siya ang nagsabi tungkol sa kanyang misyon, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.” (Juan 14:6) …

Isipin, halimbawa, ang utos na ito ni Cristo sa kanyang mga disipulo. Sabi niya, “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, pagpalain ang sa inyo’y sumusumpa, gawan ng mabuti ang napopoot sa inyo, at idalangin ninyo ang sa inyo’y lumalait at nagsisiusig.” (Mat. 5:44.)

Isipin ang magagawa ng payong ito sa inyo at aking pamayanan, sa mga komunidad na tinitirhan ninyo ng inyong mga anak, sa mga bansang bumubuo sa ating malaking pamilya sa mundo. Nauunawaan ko na may malaking hamon ang doktrinang ito, ngunit tiyak na mas nakalulugod na hamon ito kaysa sa nakahihindik na mga gawaing inilantad sa atin ng digmaan at karukhaan at pasakit na patuloy na kinakaharap ng mundo.6

Kapag sinikap nating tulungan ang mga taong nakasakit sa ating kalooban, kapag ipinagdasal natin ang mga taong nagpahamak sa atin, gaganda ang ating buhay. Maaari tayong magkaroon ng kapayapaan kapag nakiisa tayo sa Espiritu at sa isa’t isa habang naglilingkod tayo sa Panginoon at sinusunod natin ang kanyang mga utos.7

Ang mundong ating ginagalawan, malayo man o malapit sa ating tirahan, ay kailangan ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ang tanging paraan para magkaroon ng kapayapaan sa mundo. … Kailangan natin ng mas payapang daigdig, na nagmumula sa mas payapang mga pamilya at sambayanan at komunidad. Para matamo at magkaroon ng lubos na kapayapaan, “kailangan natin[g] … mahalin [ang iba], maging ang ating mga kaaway at kaibigan” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 462]. … Kailangan natin silang kaibiganin. Kailangan tayong maging mas mabait, mas magiliw, mas mapagpatawad, at mas mabagal magalit.8

Ang pangunahing paraan ng pagkilos ng Diyos ay sa paghihikayat at tiyaga at mahabang pagtitiis, hindi sa pamimilit at harapang pakikipagtalo. Kumikilos siya sa magiliw na paghingi ng opinyon at malambing na panggaganyak.9

Walang ipinangakong kapayapaan sa mga tumatanggi sa Diyos, sa mga taong hindi sumusunod sa kanyang mga utos, o sa mga taong lumalabag sa kanyang mga batas. Nagsalita si Propetang Isaias tungkol sa pagbaba ng moralidad at katiwalian ng mga pinuno at saka siya nagpatuloy sa kanyang mga pangaral sa pagsasabing: “Ngunit ang masama ay parang maunos na dagat, sapagka’t hindi maaaring humusay, at ang kaniyang tubig ay umaalimbukay ng burak at dumi. Walang kapayapaan, sabi ng aking Dios, sa mga masama.” (Isa. 57:20–21.) …

… Ang panlalamig sa Tagapagligtas o kabiguang sundin ang mga utos ng Diyos ay nagdudulot ng kawalan ng katatagan, kaligaligan, at pagtatalo. Kabaligtaran ito ng kapayapaan. Ang kapayapaan ay darating lamang sa isang tao sa pamamagitan ng walang-kundisyong pagpapasakop—pagpapasakop sa kanya na Prinsipe ng kapayapaan, na may kapangyarihang magkaloob ng kapayapaan.10

Ang mga suliranin ng mundo na kadalasang naipapahayag sa nakahihindik na mga ulo ng balita ay nagpapaalala sa atin na hangarin ang kapayapaang nagmumula sa pamumuhay ng mga simpleng alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi mapipigilan ng minoryang grupo ng mga taong maligalig ang kapayapaan ng ating kaluluwa kung mahal natin ang ating kapwa-tao at may pananampalataya tayo sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at sa payapang katiyakang ibinibigay niya tungkol sa buhay na walang hanggan. Saan natin matatagpuan ang gayong pananampalataya sa magulong mundo? Sinabi ng Panginoon, “Magsihingi kayo, at kayo‘y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo‘y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo‘y bubuksan. Sapagka‘t ang bawat humihingi ay tumatanggap, at siya na naghahanap ay makasusumpong; at sa kanya na kumakatok, siya ay pagbubuksan.” (Lucas 11:9–10.)11

Tila kailangang tanggapin ng lahat ang dalawang walang-hanggang katotohanan para magkaroon tayo ng kapayapaan sa daigdig na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. (1) Na si Jesus ang Cristo, ang walang-hanggang anak ng ating Ama sa Langit, na naparito sa lupa para tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan at sa libingan, at na siya ay buhay para ibalik tayo sa piling ng Ama. (2) Na si Joseph Smith ay kanyang propeta, na ibinangon sa mga huling araw upang ipanumbalik ang katotohanang nawala sa sangkatauhan dahil sa paglabag. Kung tatanggapin at ipamumuhay ng lahat ng tao ang dalawang pangunahing katotohanang ito, magkakaroon ng kapayapaan sa mundo.12

Kung lalabanan ninyo, ninyo mismo, … ang mga tukso at ipapasiya ninyong pagsikapan araw-araw, na ipamuhay ang alituntunin ng Batas ng Pag-ani sa pamamagitan ng malinis at moral na mga kaisipan at gawi, sa matwid at tapat na pakikitungo, nang may integridad at pag-iingat sa inyong pag-aaral, sa pag-aayuno, pagdarasal, at pagsamba, aanihin ninyo ang kalayaan at kapayapaan ng kalooban at kaunlaran.13

Ang buhay na puno ng di-makasariling paglilingkod ay mapupuno rin ng kapayapaang di-maaarok ng pang-unawa. … Ang kapayapaang ito ay darating lamang sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang mga alituntuning ito ang bumubuo sa programa ng Prinsipe ng Kapayapaan.14

Napakarami sa mundo natin ang may layong wasakin … ang personal na kapayapaan sa pamamagitan ng mga kasalanan at libu-libong uri ng tukso. Dalangin namin na mamuhay ang mga Banal nang naaayon sa huwarang itinakda sa atin ni Jesus ng Nazaret.

Dalangin namin na mapigilan ang mga ginagawa ni Satanas, na maging payapa at panatag ang mga personal na buhay, na maging malapit at nagmamalasakit ang mga pamilya sa bawat miyembro, na mabuo ng mga ward at stake, branch at district ang dakilang katawan ni Cristo, na natutugunan ang bawat pangangailangan, nalalapatan ng lunas ang bawat sakit, napapagaling ang bawat sugat hanggang sa ang buong mundo, tulad ng pagsamo ni Nephi, ay “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. …

“Mga minamahal kong kapatid,” pagpapatuloy ni Nephi, “ito ang daan; at walang ibang daan.” (2 Nephi 31:20–21.)15

pinapahiran ng isang babae ng langis ang mga paa ni Cristo

“Ang buhay na puno ng di-makasariling paglilingkod ay mapupuno rin ng kapayapaang di-maaarok ng pang-unawa.”

3

Matutulungan tayo ng Tagapagligtas na makasumpong ng kapayapaan sa kabila ng kaguluhan sa ating paligid.

Si Jesus ay hindi nakaligtas sa kalungkutan at pasakit at dalamhati at pananakit. Imposibleng mailarawan ang kanyang mabigat na pasanin, ni hindi sapat ang ating karunungan upang maunawaan ang paglalarawan ng propetang si Isaias sa kanya bilang “isang taong sa kapanglawan.” (Isa. 53:3.) Halos buong buhay siyang pinahirapan, at, sa paningin man lang ng mortal, dinurog siya sa mabatong Kalbaryo. Sinabihan tayo na huwag tingnan ang buhay ayon sa paningin ng mortal; sa espirituwal na pananaw alam nating may kakaibang nangyayari noon sa krus.

Kapayapaan ang namumutawi sa mga labi at sa puso ng Tagapagligtas gaano man katindi ang pagpapahirap sa kanya. Nawa’y gayon din ang mangyari sa atin—sa sarili nating puso, sa sarili nating tahanan, sa ating mga bansa sa buong mundo, at maging sa mga pananakit na dinanas ng Simbahan paminsan-minsan. Hindi natin dapat asahang mabuhay nang mag-isa o nang sama-sama nang walang kaunting oposisyon.16

Maaaring nakatira ang isang tao sa maganda at payapang kapaligiran ngunit, dahil may mga pagtatalo sa loob, magkakaroon palagi ng kaguluhan. Sa kabilang banda, maaaring nasa gitna ng lubos na pagkalipol at pagdanak ng dugo sa digmaan ang isang tao subalit mayroon pa ring katahimikan ng di-masambit na kapayapaan. Kung aasa tayo sa tulong ng tao at sa mga paraan ng mundo, ang matatagpuan natin ay kaguluhan at pagkalito. Kung babaling lang tayo sa Diyos, makasusumpong tayo ng kapayapaan para sa naliligalig na kaluluwa. Nilinaw ito sa mga salita ng Tagapagligtas: “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian” (Juan 16:33); at sa kanyang pamana sa Labindalawa at sa buong sangkatauhan, sinabi niya, “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan ang ibinibigay ko sa inyo. …” (Juan 14:27.)

Masusumpungan natin ang kapayapaang ito ngayon sa isang mundong puno ng pagtatalo kung tatanggapin lang natin ang kanyang dakilang kaloob at paanyaya: “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako‘y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mat. 11:28–29.)

Ang kapayapaang ito ang ating kanlungan sa mga kaguluhan ng mundo. Ang kaalaman na ang Diyos ay buhay, na tayo ay kanyang mga anak, at mahal niya tayo ay nakagiginhawa sa nagugulumihanang puso. Ang sagot sa tanong ay nakasalalay sa pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Maghahatid ito ng kapayapaan sa atin ngayon at sa susunod na kawalang-hanggan.17

Sa mundong ito ng kalituhan at abalang temporal na pag-unlad, kailangan tayong bumalik sa simpleng pagkaunawa kay Cristo. … Kailangan nating pag-aralan ang mga simple at mahahalagang paniniwala ukol sa mga katotohanang itinuro ng Panginoon at iwaksi ang mga bagay na maaaring pagtalunan. Ang ating pananampalataya sa Diyos ay kailangang maging tunay at hindi sapalaran lamang. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay maaaring maging mabisa at nakaaantig na impluwensya, at ang tunay na pagtanggap dito ay magbibigay sa atin ng makabuluhan at banal na karanasan. Ang isang napakaganda sa relihiyong Mormon ay ang pagsasabuhay sa paniniwalang ito sa araw-araw na pag-iisip at pagkilos. Pinapalitan nito ng kapayapaan at katiwasayan ang kaguluhan at pagkalito.18

4

Sa pagtutuon ng ating paningin kay Jesus, maaari tayong magtagumpay laban sa mga bagay na makakasira sa kapayapaan.

Gugunitain ko ang isa sa mga dakilang kuwento ng tagumpay ni Cristo laban sa bagay na tila sumusubok at namimilit sa atin at naghahatid ng takot sa ating puso. Nang paalis na ang mga disipulo ni Cristo papunta sa isa sa madalas nilang mga paglalakbay patawid sa Dagat ng Galilea, madilim ang gabi at masungit at maunos ang panahon. Malalaki ang alon at matindi ang ihip ng hangin, at nasindak ang mortal at nanghihinang mga lalaking ito. Sa kasamaang-palad wala silang kasama na magpapanatag at magliligtas sa kanila, dahil naiwang mag-isa si Jesus sa pampang.

Tulad ng dati, binabantayan niya sila. Mahal niya sila at pinagmamalasakitan niya sila. Sa sandali ng kanilang matinding pagkabalisa tumingin sila at nakita sa dilim ang isang imaheng nakasuot ng bata na pumapagaspas sa hangin, na naglalakad patungo sa kanila sa ibabaw ng dagat. Napasigaw sila sa takot sa nakita nila, na inaakalang multo iyon na naglalakad sa ibabaw ng mga alon. At sa kabila ng bagyo at dilim sa paligid nila—tulad ng madalas mangyari sa atin, kapag ang karagatan, sa gitna ng mga kadiliman ng buhay, ay tila napakalawak at napakaliit ng ating mga bangka—dumating ang pinakadakila at nakapapanatag na tinig ng kapayapaan sa simpleng pahayag na ito, “Ako nga; huwag kayong mangatakot.” At bulalas ni Pedro, “Panginoon, kung ikaw nga, ay papariyanin mo ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.” At ang sagot ni Cristo sa kanya ay kapareho ng isasagot niya sa ating lahat: “Halika.”

Tumalon si Pedro mula sa bangka at lumakad sa ibabaw ng malalaking alon, at habang nakatuon ang kanyang mga mata sa Panginoon, maaaring gumulo ang kanyang buhok dahil sa hangin at nawisikan ng tubig ang kanyang kasuotan, ngunit lahat ay maayos. Tanging nang mag-alinlangan ang kanyang pananampalataya at alisin niya ang kanyang tingin sa Panginoon para tumingin sa nagngangalit na mga alon at itim na dagat sa kanyang paanan, noon lamang siya nagsimulang lumubog. Muli, gaya ng karamihan sa atin, siya ay sumigaw, “Panginoon, iligtas mo ako.” At hindi siya binigo ni Jesus. Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan ang nalulunod na disipulo at magiliw na pinagsabihan, “Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka [nag-alinlangan]?”

At nang ligtas na silang makasakay sa kanilang munting bangka, nakita nilang tumigil ang malakas na ihip ng hangin at pumayapa ang malalaking alon. Hindi nagtagal at nakarating sila sa kanilang kanlungan, sa kanilang ligtas na daungan, na aasaming paroonan ng lahat balang-araw. Ang mga tripulante at ang kanyang mga disipulo ay puno ng matinding pagkamangha. Ang ilan sa kanila ay tinawag siya sa titulong ipapahayag ko ngayon: “Tunay na ikaw ang Anak ng Dios.” (Hango mula sa Farrar, The Life of Christ, pp. 310–13; tingnan sa Mat. 14:22–33.)

Matibay ang paniniwala ko na kung magagawa natin bilang mga indibiduwal, pamilya, komunidad, at bansa, gaya ni Pedro, na ipako ang ating tingin kay Jesus, baka tayo man ay tagumpay na makalakad sa ibabaw ng “napakalalaking alon ng kawalan ng pananampalataya” at “hindi masindak sa gitna ng paparating na mga hangin ng pag-aalinlangan.” Ngunit kung hindi natin itutuon ang ating mga mata sa kanya na kailangan nating paniwalaan, na napakadaling gawin at gustung-gustong gawin ng mundo, kung aasa tayo sa kapangyarihan at lakas ng kahindik-hindik at mapanirang mga elemento sa paligid natin sa halip na sa kanya na makakatulong at makapagliligtas sa atin, tiyak na lulubog tayo sa dagat ng pagtatalo at kalungkutan at dalamhati.

Sa mga pagkakataong dama natin na lulunurin tayo ng mga baha at lalamunin sa kailaliman ang ating pananampalataya, dalangin ko na nawa’y palagi nating marinig sa gitna ng unos at ng kadiliman ang magiliw na salita ng Tagapagligtas ng sanlibutan: “Laksan ninyo ang inyong loob; ako nga; huwag kayong mangatakot.” (Mat. 14:27.)19

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Itinuro ni Pangulong Hunter na si Jesucristo ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan (tingnan sa bahagi 1). Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo na malaman ang katotohanang ito? Paano natin matatanggap ang kapayapaang alok ni Jesus?

  • Paano nagdudulot sa atin ng kapayapaan ang pagmamahal sa iba? (Tingnan sa bahagi 2.) Paano tayo nagkakaroon ng kapayapaan sa pamumuhay ng ebanghelyo? Bakit mahalaga ang “walang pasubaling pagsuko” sa Tagapagligtas para magkaroon tayo ng kapayapaan?

  • Repasuhin ang mga turo ni Pangulong Hunter sa bahagi 3. Paano mo naranasan ang katuparan ng pangako ng Tagapagligtas na “bibigyan ka ng kapahingahan” sa iyong mga pasanin kapag lumapit ka sa Kanya?

  • Pagnilayan ang salaysay ni Pangulong Hunter tungkol sa paglakad ni Pedro sa tubig (tingnan sa bahagi 4). Ano ang matututuhan mo sa kuwentong ito tungkol sa kung paano makasumpong ng kapayapaan sa panahon ng kaguluhan? Paano ka natulungan ng Tagapagligtas na “laksan ang iyong loob” at “huwag matakot” sa mahihirap na sandali?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mga Awit 46:10; 85:8; Isaias 32:17; Marcos 4:36–40; Mga Taga Roma 8:6; Mga Taga Galacia 5:22–23; Mga Taga Filipos 4:9; Mosias 4:3; D at T 19:23; 59:23; 88:125

Tulong sa Pagtuturo

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng isa sa mga bahagi sa kabanata na gusto nilang talakayin at bumuo ng isang grupo kasama ang mga pumili ng bahaging iyon. Hikayatin ang bawat grupo na pag-usapan ang kaugnay na tanong sa dulo ng kabanata.

Mga Tala

  1. Sa Eleanor Knowles, Howard W. Hunter (1994), 185.

  2. Sa Eleanor Knowles, Howard W. Hunter (1994), 266.

  3. Boyd K. Packer, “President Howard W. Hunter—He Endured to the End,” Ensign, Abr. 1995, 29.

  4. “The Gifts of Christmas,” Ensign, Dis. 2002, 16.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1966, 15–16.

  6. “The Beacon in the Harbor of Peace,” Ensign, Nob. 1992, 18.

  7. The Teachings of Howard W. Hunter, inedit ni Clyde J. Williams (1997), 40.

  8. “A More Excellent Way,” Ensign, Mayo 1992, 61, 63.

  9. “The Golden Thread of Choice,” Ensign, Nob. 1989, 18.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1966, 16.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1969, 113.

  12. The Teachings of Howard W. Hunter, 172–73.

  13. The Teachings of Howard W. Hunter, 73–74.

  14. “The Gifts of Christmas,” 19.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1976, 157.

  16. “Master, the Tempest Is Raging,” Ensign, Nob. 1984, 35.

  17. Sa Conference Report, Okt. 1966, 16–17.

  18. Sa Conference Report, Okt. 1970, 131–32.

  19. “The Beacon in the Harbor of Peace,” 19.