Bahagi 134
Isang pahayag ng paniniwala tungkol sa mga pamahalaan at batas na pangkalahatan, pinagtibay nang buong pagkakaisa sa isang pangkalahatang pagtitipon ng Simbahan na ginanap sa Kirtland, Ohio, ika-17 ng Agosto 1835 (History of the Church, 2:247–249). Ang pagkakataon ay isang pagpupulong ng mga pinuno ng Simbahan, na nagsama-sama upang isaalang-alang ang mga mungkahing nilalaman ng naunang edisyon ng Doktrina at mga Tipan. Sa panahong yaon, ang pahayag na ito ay binigyan ng sumusunod na panimula: “Upang ang ating paniniwala tungkol sa mga panlupang pamahalaan at batas na pangkalahatan ay hindi mabigyan ng ibang pakahulugan o hindi maunawaan, aming naisip na nararapat na maglahad, sa pagtatapos ng tomong ito, ng aming kuru-kuro hinggil sa nabanggit” (History of the Church, 2:247).
1–4, Ang mga pamahalaan ay dapat mangalaga sa kalayaan ng budhi at pagsamba; 5–8, Ang lahat ng tao ay dapat itaguyod ang kanilang mga pamahalaan at nararapat gumalang at magpitagan sa batas; 9–10, Ang mga samahang pangrelihiyon ay hindi dapat gumamit ng mga kapangyarihang sibil; 11–12, Ang tao ay binibigyang-katwiran sa pagtatanggol sa kanilang sarili at sa kanilang ari-arian.
1 Kami ay naniniwala na ang mga pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa kapakinabangan ng tao; at kanyang pinananagot ang mga tao sa kanilang mga gawa na may kaugnayan sa mga ito, kapwa sa paggawa ng mga batas at pagpapatupad sa mga ito, para sa ikabubuti at kaligtasan ng lipunan.
2 Kami ay naniniwala na walang pamahalaang makaiiral sa kapayapaan, maliban kung ang gayong mga batas ay binalangkas at ipinalagay na hindi malalabag nang masiguro sa bawat tao ang malayang paggamit ng budhi, ang karapatan at pamamahala ng ari-arian, at ang pangangalaga ng buhay.
3 Kami ay naniniwala na ang lahat ng pamahalaan ay kinakailangang humingi ng mga pambayang pinunong sibil at mga hukom upang ipatupad ang mga batas ng gayon din; at yaong mamamahala ng batas na pantay-pantay at makatarungan ay nararapat hanapin at itaguyod ng tinig ng mga tao kung isang republika, o ang kagustuhan ng pinakamataas na pinuno.
4 Kami ay naniniwala na ang relihiyon ay itinatag ng Diyos; at ang tao ay masunurin sa kanya, at sa kanya lamang, para sa pagpapairal nito, maliban kung ang kanilang mga pangrelihiyong kuru-kuro ay magbubunsod sa kanila na manghimasok sa mga karapatan at kalayaan ng iba; subalit kami ay hindi naniniwala na ang batas ng tao ay may karapatang makialam sa mga iniatas na alituntunin ng pagsamba upang igapos ang mga budhi ng tao, o magdikta ng mga uri para sa pangmadla o pansariling pagsamba; na ang pambayang hukom ay nararapat na sugpuin ang krimen, subalit hindi kailanman pamahalaan ang budhi; nararapat parusahan ang may pagkakasala, subalit di kailanman sawatahin ang kalayaan ng kaluluwa.
5 Kami ay naniniwala na ang lahat ng tao ay may pananagutan na pagtibayin at itaguyod ang kani-kanilang mga pamahalaan kung saan sila naninirahan, habang pinangangalagaan sa kanilang likas at hindi maikakait na mga karapatan ng mga batas ng mga gayong pamahalaan; at yaong panunulsol at paghihimagsik laban sa pamahalaan ay di nararapat sa bawat mamamayang sa ganito pinangangalagaan, at nararapat na parusahan nang naaayon; at na ang lahat ng pamahalaan ay may karapatang magpatupad ng mga batas na sa kanilang sariling paghuhusga ay kinalkulang pinakamahusay upang tiyakin ang kapakanan ng madla; at gayon man, kaalinsabay nito, pinamamalaging banal ang kalayaan ng budhi.
6 Kami ay naniniwala na ang bawat tao ay nararapat igalang sa kanyang katayuan, tulad ng mga pinuno at hukom, na itinalaga para sa pangangalaga sa mga walang malay at pagpaparusa sa mga nagkasala; at sa mga batas ang lahat ng tao ay nararapat gumalang at magpitagan, dahil kung wala ang mga ito ang kapayapaan at pagkakaisa ay mahahalinhan ng kaguluhang pambansa at sindak; ang mga batas ng tao ay itinatag para sa malinaw na layuning pangalagaan ang ating mga kapakanan bilang mga tao at bansa, sa pagitan ng tao at tao; at mga banal na batas na ibinigay ng langit, nag-aatas ng mga alituntunin na may kinalaman sa espirituwal na bagay, para sa pananampalataya at pagsamba, na kapwa pananagutan ng tao sa kanyang Tagapaglikha.
7 Kami ay naniniwala na ang mga pinuno, bansa, at pamahalaan ay may karapatan, at may pananagutang ipatupad ang mga batas para sa pangangalaga ng lahat ng mamamayan sa malayang pagtupad ng kanilang pangrelihiyong paniniwala; subalit kami ay hindi naniniwala na sila ay may karapatan sa katarungan na alisan ang mga mamamayan ng pribilehiyong ito, o pagbawalan sila sa kanilang mga kuru-kuro, hanggang ang pagsasaalang-alang at paggalang na ipinakikita sa mga batas at ang ganoong mga pangrelihiyong kuru-kuro na ito ay hindi magbibigay-katwiran sa panunulsol ni pagsasabwatan laban sa pamahalaan.
8 Kami ay naniniwala na ang paggawa ng krimen ay nararapat parusahan alinsunod sa uri ng pagkakasala; na ang pagpaslang, pagtataksil, panloloob, pagnanakaw, at ang paggambala sa pangkalahatang kapayapaan, sa lahat ng kadahilanan, ay nararapat parusahan alinsunod sa kanilang kasamaan at sa kanilang pagkahilig sa masama ng mga tao, sa pamamagitan ng mga batas ng yaong pamahalaan na kung saan ang pagkakasala ay nagawa; at para sa kapayapaan ng madla at katahimikan ng lahat ng tao ay nararapat humakbang pasulong at gamitin ang kanilang kakayahan sa pagdadala ng mga nagkakasala laban sa mabubuting batas sa kaparusahan.
9 Kami ay hindi naniniwala na makatarungang isama ang pangrelihiyong kapangyarihan sa pamahalaang sibil, na kung saan ang isang pangrelihiyong samahan ay pinagyayaman at ang iba pa ay pinagbabawalan nito sa mga espirituwal na pribilehiyo, at ang mga pansariling karapatan ng mga kasapi nito, bilang mga mamamayan, ay ipinagkakait.
10 Kami ay naniniwala na ang lahat ng pangrelihiyong samahan ay may karapatang harapin ang kanilang mga kasapi dahil sa di-wastong asal, alinsunod sa mga alituntunin at pamamalakad ng nasabing mga samahan; kung ang mga pagharap ay para sa pakikipagkaibigan at mabuting katayuan; subalit kami ay hindi naniniwala na ang anumang pangrelihiyong samahan ay may karapatang litisin ang mga tao sa karapatan sa ari-arian o buhay, upang kunin sa kanila ang mga pandaigdig na ari-arian, o ilagay sila sa panganib maging buhay o bisig, o magpataw sa kanila ng anumang pangkatawang kaparusahan. Kanila lamang maititiwalag sila mula sa kanilang samahan, at bawiin mula sa kanila ang kanilang pakikipagkaibigan.
11 Kami ay naniniwala na ang mga tao ay nararapat umapela sa batas sibil upang iwasto ang lahat ng pang-aapi at karaingan, kung saan ang pansariling pang-aabuso ay ipinataw o ang karapatan sa ari-arian o ang pagkatao ay pinanghimasukan, kung saan ang mga batas ay umiiral upang pangalagaan ang gayon din; subalit kami ay naniniwala na ang lahat ng tao ay mabibigyang-katwiran sa pagtatanggol ng kanilang sarili, kanilang mga kaibigan, at ari-arian, at ang pamahalaan, mula sa mga labag sa batas na pagsalakay at mga panghihimasok sa lahat ng tao sa panahon ng kagipitan, na kung saan ang mabilisang pag-aapela ay hindi magagawa sa mga batas, at kaginhawaan ay maidulot.
12 Kami ay naniniwala na makatarungang ipangaral ang ebanghelyo sa mga bansa ng mundo, at balaan ang mabubuti na iligtas ang kanilang sarili mula sa katiwalian ng sanlibutan; subalit kami ay hindi naniniwala na makatarungang makialam sa mga alipin, ni ipangaral ang ebanghelyo, o binyagan sila salungat sa kagustuhan at kahilingan ng kanilang mga panginoon, o makialam o sila ay impluwensiyahan kahit gaano upang di-masiyahan sa kanilang mga kalagayan sa buhay na ito, sa gayong paraan ay isinusuong sa panganib ang buhay ng mga tao; ang mga ganitong panghihimasok ay pinaniniwalaan naming labag sa batas at di-makatarungan, at mapanganib sa kapayapaan ng bawat pamahalaan na pahintulutan ang mga tao na malagay sa pagkaalipin.