“Isang Munting Piraso ng Tinapay,” Kaibigan, Hunyo 2023, 4–5.
Isang Munting Piraso ng Tinapay
Walang laman ang sacrament tray!
Ang kuwentong ito ay naganap sa Guatemala.
“Sabik na sabik akong magsimba sa chapel!” sabi ni Anah sa almusal.
Dahil sa pandemyang COVID-19, halos dalawang taon nang hindi nakakapagsimba si Anahí at ang kanyang pamilya. Pero sa wakas ay magagawa na nila ito! Natuwa si Anahí na muli ay makikita na niya ang kanyang mga kaibigan at matatanggap ang sacrament kasama ang kanilang ward.
Umupo si Anahí at ang kanyang pamilya sa chapel. Kumaway si Anahí sa kanyang mga kaibigan.
Hindi nagtagal ay oras na para sa sacrament. Pagkatapos ng himno, humalukipkip si Anahí at yumuko. Nakinig siya sa panalangin sa sacrament. Pagkatapos ay tiningnan niya ang maliit na larawan ni Jesus. Tinulungan siya nitong maalala na maging mapitagan.
Dinala ng isang binatilyo ang tray sa kanilang hanay. Pero nang makarating ang tray kay Anahí, wala na itong laman!
Pagkatapos ay tumingin nang mas malapitan si Anahí. Sa sulok ng tray, may isang natitirang napakaliit na piraso ng tinapay. Kinuha niya ito at inilagay ito sa kanyang bibig.
Sa buong maghapon, nag-alala nang husto si Anahí. Patuloy niyang iniisip ang napakaliit na piraso ng tinapay. Nag-alala siya sa buong hapunan. Ni hindi niya kinain ang kanyang panghimagas na ice cream. Nakaupo lang siya sa mesa habang naghuhugas si Mami ng mga pinggan.
May halaga ba ang sacrament kung napakaliit na piraso ng tinapay lang ang nakuha ko? naisip niya.
Nagpunas si Mami ng kamay gamit ang tuwalya. “May problema ka ba, anak?”
Umiling si Anahí.
“Ang natunaw mong ice cream ay nagsasabi sa akin na may bumabagabag sa iyo.” Ngumiti si Mami at naupo sa tabi ni Anahí. “Tungkol saan?”
Napuno ng luha ang mga mata ni Anahí. “Sabik po akong tumanggap ng sacrament ngayon. Pero nang makarating sa akin ang tray, napakaliit na piraso na lamang ng tinapay ang natira.” Huminga siya nang malalim. “Nagkamali po ba ako sa pagtanggap ng sacrament?”
“Hindi,” sabi ni Mami. Niyakap niya nang mahigpit si Anahí. “Nakita kong nakatingin ka sa munting larawan ni Jesus na dala-dala mo sa iyong mga banal na kasulatan. Ano’ng iniisip mo?”
“Iniisip ko po kung gaano ako kamahal ni Jesus. At ang tungkol po sa mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa. At ang lahat po ng ginawa Niya para sa atin.”
“Hindi mo ba nakikita?” tanong ni Mami. “Iyon ang dahilan kaya tayo tumatanggap ng tinapay at tubig. Upang maalala ang sakripisyong ginawa ni Jesus para sa atin.”
“Bale hindi po mahalaga ang laki ng tinapay?”
“Hindi. Ang mahalaga ay ang nadama mo habang inaalala mo ang Tagapagligtas,” sabi ni Mami. “At kahit maliit na piraso ng tinapay lamang ang nakuha mo, ang pagmamahal ni Jesus sa iyo ay hindi maliit. Mahal na mahal ka Niya.”
Ngumiti si Anahí. Alam niyang tama si Mami. Ang sacrament ay palaging maaaring maging espesyal na panahon para alalahanin si Jesus—kahit maliit na piraso lamang ng tinapay ang naroon.