2023
Paglilingkod Gamit ang Sining
Hunyo 2023


“Paglilingkod Gamit ang Sining,” Kaibigan, Hunyo 2023, 32–33.

Kaibigan sa Kaibigan

Paglilingkod Gamit ang Sining

Mula sa panayam ni Gretchen Picklesimer Kinney.

Buong buhay akong nagdodrowing ng mga larawan. Noong maliit pa ako, palagi akong nagdodrowing. Hiniling sa akin ng nanay ko na ikuwento sa kanya ang bawat larawan na iginuhit ko. Sinabi ko sa kanya ang mga kuwento, at isinulat niya ang mga ito para sa akin.

Mga guhit ni Kristin M. Yee mula noong bata pa siya

Mula sa batang edad, gusto kong maging isang alagad ng sining. Gustung-gusto kong manood ng mga pelikulang iginuhit. Gusto kong maging bahagi sa paggawa ng ganoon. Palaging naniniwala sa akin ang nanay ko, at tinulungan niya akong maniwala na magagawa ko ito.

Para maging mas mahusay sa sining, nagpraktis ako nang husto. Nagboluntaryo ako sa mga bagay-bagay. Nagdrowing ako ng mga poster para sa mga aktibidad sa komunidad. Nagpinta ako ng mga bintana ng mga tindahan. Nagpinta ako ng mga banner. Minsan ay tumulong ako sa pagpipinta ng mga set sa isang teatro para sa opera.

Itinuro sa akin ng mga karanasang ito na ang sining ay isang paraan para makapaglingkod ako. Masaya akong gamitin ang aking mga talento para tumulong sa iba. Lalo akong naganyak dahil gumagawa ako ng isang bagay na maganda para sa iba.

Nang lumaki ako, naging artist o gumuhit ako para sa Disney. Sinubukan ko ang mga bagong bagay at nilinang ang mga talento na hindi ko alam na mayroon ako. Inakay at ginabayan ako ng Ama sa Langit patungo sa kailangan kong kalagyan.

Huwag matakot subukan ang mga bagong bagay! Hindi mo kailangang maging pinakamahusay sa isang bagay para masiyahan dito. Isipin ang mga talento na maaari mong gamitin ngayon para maglingkod. Kapag ginagamit natin ang ating mga talento sa paraan ng Ama sa Langit, tinutulungan Niya tayong umunlad at paunlarin ang mga ito.

Mga Gumagalaw na Larawan

Halimbawa ng aktibidad ng animation

Gumawa ng sarili mong animation! Kapag nalaman mo na kung paano, maaari mo ring turuan ang iba.

  1. Gumupit ng isang pirasong papel at itupi ito sa kalahati.

  2. Ibuka ang nakatuping papel. Magdrowing ng larawan sa ibabang kalahati. Maaari itong maging isang hayop, isang tao, o anumang gusto mo!

  3. Muling itupi ang papel. Bakatin ang iyong unang drowing, ngunit gumawa ng maliliit na pagbabago para makalikha ng bagong bersyon.

  4. Irolyo nang mahigpit ang itaas na papel gamit ang bolpen. Pagkatapos ay pagulungin nang mabilis pataas at pababa ang bolpen para lumipat sa pagitan ng dalawang drowing. Magmumukhang kumikilos na ang iyong larawan!

PDF ng Kuwento

Mga drowing sa kagandahang-loob ni Kristin M. Yee