“Ang Barya ng Kabaitan,” Kaibigan, Hunyo 2023, 36–37.
Ang Barya ng Kabaitan
Itinago ni Nina ang barya sa balkon ni Máté.
Naganap ang kuwentong ito sa USA.
Ngumiti nang malaki si Nina habang tinatapos niyang idikit ang karatula sa kanyang tindahan ng lemonada. “Lemonada! 25 sentimo” ang nakasaad dito. Isinalansan niya ang mga plastik na baso sa tabi ng pitsel ng lemonada.
Mainit na araw ng tag-init iyon. Umasa si Nina na maraming kapitbahay niya ang gugustuhin ang masarap at malamig na inumin.
Dumaan si G. Burleigh habang hila ang kanyang maliit na anak na sakay ng isang bagon. “Pabili ako.” Naglagay siya ng barya sa garapon ni Nina. Ipinagsalok siya ni Nina ng isang basong lemonada.
Sumunod ay ang mga kaibigan ni Nina na sina Bethany at Livvy ang dumaan sakay ng kanilang mga bisikleta. Huminto sila at bumili rin ng lemonada. “Salamat!” sabi ni Bethany.
Inalog ni Nina ang kanyang garapon, na kinakalansing ang mga barya sa loob. Kumita na siya ng kaunting pera!
Pagkatapos ay lumabas ang paboritong kapitbahay ni Nina para magtapon ng basura. “Hi, Nina,” sabi ni Máté. “Gusto ko sana ng lemonada.”
Marami na ang naitulong ni Máté at ng kanyang asawang si Tanya sa pamilya ni Nina. Matapos mamatay ang tatay ni Nina, tinulungan sila ni Máté sa mga proyekto sa loob at labas ng bahay. Minsan ay inayos nito ang kanilang tumutulong hose. Pinutulan niya ng sanga ang matataas na puno sa kanilang bakuran. At tinulungan niyang ayusin ang kotse ni Inay nang nasira ang baterya.
“Heto po.” Inabutan siya ni Nina ng baso.
Maglalagay na ng barya si Máté sa kanyang garapon, ngunit pinigilan siya ni Nina.
“Hindi mo po kailangang magbayad!” sabi niya. “Ang lemonadang ito ay isang pasasalamat para sa lahat ng nagawa mo po para tulungan kami.”
“Pero ang sabi sa karatula ay 25 sentimos!” sabi ni Máté. “At masyadong masarap ang lemonadang ito para hindi bayaran.”
Hinilang palayo ni Nina ang garapon at tumawa. “Hindi. Libre po ito para sa inyo!”
Kinabukasan, nang lumabas ng bahay si Nina para kunin ang koreo, napatigil siya. Isang baryang pilak ang nagniningning sa araw sa hagdanan sa balkon. Lumingon siya sa bahay ni Máté. Inilagay niya siguro doon ang barya! Sinusubukan pa rin niyang bayaran ang kanyang lemonada.
Ngumiti si Nina. Hindi lang si Máté ang maaaring patagong kumilos, naisip niya. Tumakbo siya sa kabilang bahay at inilagay ang barya sa doormat ni Máté.
Isang araw pagkatapos niyon, lumabas si Nina para sakyan ang kanyang scooter. At naroon ang barya ni Máté, na nakalagay sa tabi ng paso sa may pintuan sa harapan.
Muling sumakay si Nina sa kanyang scooter papunta sa bahay ni Máté. Sa pagkakataong ito ay inilagay niya ang barya sa isang bato sa tabi ng balkon.
Lumipas ang mga linggo. Pabalik-balik ang barya. Bawat araw ay natatagpuan ni Nina ang barya sa kanilang balkonahe sa isang bagong lugar. At araw-araw, itinatago niya ito sa isang bagong lugar sa balkon naman ni Máté.
Pagkatapos isang araw, lumabas si Nina para makakita ng sorpresa. Ang barya iyon—na ginawang isang magandang kuwintas. Hinawakan niya ito at ngumiti. Tumama ang araw sa barya at kuminang ito.
Sa kabilang bahay ay nagtatrabaho si Máté sa kanyang gawaan ng kahoy.
“Salamat po!” sigaw ni Nina sa gitna ng ingay ng lagari.
Tumingala si Máté. Itinaas ni Nina ang kuwintas.
“Tinulungan ako ni Tanya na gawin iyan,” sabi ni Máté. “Ito ay isang regalo mula sa aming dalawa sa pagiging mabait mo.”
“Palagay ko ay panalo ka.” Tumawa si Nina at isinuot ang kuwintas. “Gustung-gusto ko po ito kaya iingatan ko ito.”
Sobrang nagpapasalamat siyang magkaroon ng gayong kabait at mapagmalasakit na mga kapitbahay.