“Ang Malaswang Website,” Kaibigan, Hunyo 2023, 40–41.
Para sa Mas Nakatatandang mga Bata
Ang Malaswang Website
Natatakot si Kevin na kausapin si Inay.
Naganap ang kuwentong ito sa USA.
Lumingon si Kevin mula sa computer chair. Basta-basta siya pumindot sa keyboard.
“Inay, puwede ko na po bang laruin ang larong karera?” malakas niyang itinanong.
Tumingin sa kanya si Inay mula sa kusina. “Tapusin mo muna ang takdang-aralin mo.”
Bumuntong-hininga si Kevin. Paano siya makakatuon sa paggawa ng takdang-aralin? Napakalapit na niyang manalo para umusad sa mas mataas na antas ng kanyang paboritong computer game. At ang takdang-aralin niya ay, hay, takdang-aralin.
Naisip niya na siguro ay mainam na simulan man lang niya ito. Nag-scroll siya sa isang website. Hindi talaga ito kasing-ganda ng larong karera.
Pagkatapos ay nakakita si Kevin ng isang link. Nag-klik siya rito. Dinala siya ng link sa isang website na may mga larawan ng mga taong walang suot na damit.
Masama ito, naisip niya. Dapat akong umalis dito. Lumingon si Kevin. Walang nakamasid sa kanya. Tumingin siya sa ilan pang mga larawan. Naiintriga lang siya.
Nagsimulang pumangit ang pakiramdam ni Kevin. Mabilis niyang isinara ang website. Sinubukan niyang bumalik sa takdang-aralin niya. OK lang iyan, naisip ni Kevin. Ilang larawan lang naman ang nakita ko. Pero hindi nawala ang masamang pakiramdam.
Nadama ni Kevin na dapat niyang kausapin si Inay tungkol sa website. Pero natatakot siya. Paano kung magalit ito?
Nang gabing iyon, pagkatapos ng hapunan, tinulungan ni Kevin si Inay na maghugas ng mga pinggan.
“OK ka lang ba?” tanong ni Inay.
“Opo,” sabi ni Kevin.
Pero hindi siya OK. Pakiramdam niya ay naiiyak siya. Bumalik ang pakiramdam na dapat siyang magsabi kay Inay. Pero natatakot pa rin si Kevin.
Ama sa Langit, tulungan po Ninyo ako, tahimik niyang panalangin. Medyo gumaan ang pakiramdam niya.
“Maaari ko po ba kayong kausapin?” tanong ni Kevin.
“Oo naman,” sabi ni Inay. “Ano ba ang gusto mong pag-usapan?”
Tumingin si Kevin sa sahig. Hindi siya sigurado kung paano magsisimula. “Noong ginagawa ko po ang takdang-aralin ko, tumingin ako sa isang website na may mga larawan ng mga taong walang damit. Naintriga lang po ako. Pero ngayon ay hindi ko na po malimutan ang nakita ko.”
“Masaya akong sinabi mo ito sa akin,” sabi ni Inay. Niyakap ni Inay si Kevin. “Normal lang ang maintriga. Alam mong masama ang mga bagay na iyon, at hindi mo dapat tingnan ang mga ito. Pero ang mainam ay naging matapat ka. Mas maganda na ang magiging pakiramdam mo ngayon dahil nagsabi ka sa akin.”
“Hindi po kayo galit?” tanong ni Kevin.
“Siyempre hindi,” sabi ni Inay. “Mahal kita. Gusto kitang tulungan. At gayundin ang Ama sa Langit. Matutulungan ka Niya palagi na gawing tama ang mga bagay-bagay.”
Nawala ang pangit na pakiramdam ni Kevin.
“Takot na takot po akong magsabi sa inyo,” sabi niya. “Pero gumaan po ang pakiramdam ko matapos akong magdasal.”
“Mukhang tinulungan ka ng Espiritu Santo na maging matapang!” sabi ni Inay.
Nadama nga ni Kevin ang kapanatagan at kapayapaan nang manalangin siya. Ngunit bago pa man siya nagdasal, nadama niyang kailangan niyang kausapin si Inay.
“Palagay ko po ay tinulungan ako ng Espiritu Santo sa lahat ng ito,” sabi ni Kevin. “Sinabi Niya sa akin na masama ang mga larawan. At sinabi Niya sa akin na kailangan ko pong sabihin sa inyo ang nangyari.”
“Palagi akong narito kung kailangan mong pag-usapan ang mga bagay na tulad nito,” sabi ni Inay. “Hindi ako magagalit. Magtulungan tayong bumuo ng planong pangkaligtasan sa computer.”
Ngumiti si Kevin. “Mukhang magandang ideya po iyan.”