2023
Ang Daya!
Hunyo 2023


“Ang Daya!” Kaibigan, Hunyo 2023, 20–21.

Ang Daya!

Bakit si Ephraim lang ang tumutulong?

Ang kuwentong ito ay naganap sa Nigeria.

Isang nagmamaktol na batang lalaki na naghahalo sa isang mangkok

Tumakbo nang mabilis si Ephraim sa abot-kaya niya. Kumakabog ang puso niya. Bawat hakbang ay nagpapalipad ng ulap ng alikabok sa hangin. Inilabas niya ang kanyang braso. Napakalapit na niya!

“Taya ka!” Sabi ni Ephraim habang tinatapik niya sa braso ang kanyang kapatid na si Uchenna.

“Ephraim! Uchenna!” sigaw ni Inay mula sa bahay. “Oras na para umuwi. Marami pa tayong gagawin.”

“Opo, Inay,” sabi ni Ephraim. Pumasok sila ni Uchenna.

Ngayong araw ay kaarawan ng kanilang nakababatang kapatid na si Johanna. May mga panauhin sila para sa hapunan sa kaarawan nito. At napakaraming dapat gawin.

Tinulungan ni Ephraim si Inay na lutuin ang cake para sa kaarawan ni Johanna. Gusto niyang tulungang magluto si Inay. Lalo na kapag nagluluto sila ng cake.

Tiningnan ni Ephraim ang kanyang mga kapatid. Nagsisikap nang husto si Uchenna na linisin ang bahay. Pero hindi man lang tumutulong si Johanna. Nagbabasa lang siya ng aklat.

“Bakit hindi po tumutulong si Johanna?” tanong ni Ephraim habang hinahalo niya ang batter ng cake.

“Kaarawan niya,” sabi ni Inay. “Gagawin natin ang lahat ng trabaho para sa kanya.”

“Pero ang daya naman po! Hindi ako tutulungan ni Johanna kung kaarawan ko.” Medyo nagalit si Ephraim. Mas mabilis niyang hinalo ang mangkok, at tumilamsik ang kaunting batter sa kanyang mukha.

Pagkatapos ay ngumisi si Ephraim. May naisip siya. Kukumbinsihin niya si Johanna na mangakong tutulungan siya nito sa kanyang kaarawan. Kung hindi ito mangangako, hindi na tutulong si Ephraim ngayon! Kung gayon ay magiging patas na ang lahat.

Sinabi niya kay Inay ang kanyang plano. Pero parang hindi masyadong masaya si Inay tungkol dito.

“Alalahanin mo kung ano ang maaaring gawin ni Jesus,” sabi niya.

Nag-isip si Ephraim tungkol kay Jesus. Tumulong si Jesus sa iba, pero wala Siyang hininging kapalit. Alam ni Ephraim na nais ni Jesus na maglingkod siya sa iba, tulad ng ginawa Niya.

“Palagay ko po ay nais ni Jesus na tulungan ko si Johanna nang hindi siya nangangako sa akin ng anuman,” sabi ni Ephraim.

“Palagay ko rin,” sabi ni Inay. Tinulungan niya si Ephraim na ibuhos ang batter ng cake sa lalagyan.

Inilagay ni Inay ang cake sa oven. Pagkatapos ay tinulungan ni Ephraim si Inay na magluto ng meat pie para sa hapunan. Sabik na siyang makakain noon.

Magkapatid na lalaki at babae na naglalaro

Nakita ni Ephraim na hindi na naglilinis si Uchenna. Naglalaro na siya kasama si Johanna.

Muling nainis si Ephraim. Bakit siya lang ang tumutulong? Siguro ay dapat siyang kumuha ng dalawang hiwa ng meat pie. At hindi dapat makakuha sina Johanna at Uchenna ng kahit ano! Patas lang iyon.

Pero muling naisip ni Ephraim si Jesus. Nais ni Jesus na lahat kami ay magkaroon ng isang piraso, naisip niya.

Tinulungan ni Ephraim si Inay na tapusin ang pagluluto ng hapunan. Tumulong pa siyang maghain nang hindi inuutusan. Mas masaya ang pakiramdam niya. Alam niya na sinasabi sa kanya ng Espiritu Santo na tama ang pagpili niya.

Nang maupo silang lahat para kumain, kinantahan nila si Johanna para sa kanyang kaarawan. Kumanta nang malakas si Ephraim sa abot-kaya niya.

Hiniwa ni Inay ang meat pie, at mabilis na umabot si Ephraim para kumuha nito. Pero napatigil siya.

“Maaari mong kunin ang unang piraso,” sabi niya kay Johanna. “Maligayang kaarawan!”

Isang piraso ng cake at isang pie
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Corey Egbert