“Ang Pagpili sa Pagsayaw,” Kaibigan, Hunyo 2023, 10–11.
Ang Pagpili sa Pagsayaw
Gumanda ang pakiramdam ni Maddie habang pinanonood niyang sumasayaw ang kanyang mga kaklase.
Naganap ang kuwentong ito sa USA.
Inilagay ni Maddie ang kanyang sapatos na pansayaw sa kanyang bag. Katatapos lang ng klase sa pagsasayaw, at oras na para mananghalian. Nakita niya ang kaibigan niyang si Ashlynn sa pintuan.
“Ano ang palagay mo sa bagong awitin na iyon?” tanong ni Maddie habang naglalakad sila papunta sa lunchroom. Sasayawin ng klase nila ang isang bagong awitin para sa kanilang huling palabas ng taon, sa harap ng lahat ng kanilang mga pamilya.
“OK lang siguro,” sabi ni Ashlynn.
“Parang kakatwa ang ilan sa mga salita,” sabi ni Maddie. “Hindi ko masyadong gusto ito.”
Inakala ni Maddie na mapapahiya siya kung panonoorin ng kanyang mga magulang at nakababatang kapatid ang kanyang sayaw sa tugtog ng musikang tulad niyon.
Nagkibit-balikat si Ashlynn. “Talagang gusto ito ng kapatid ko. Lagi niya itong pinapatugtog.”
“Ah.” Yumuko si Maddie.
Buong araw na tumugtog ang awitin sa isip ni Maddie. Hindi niya gusto ang naramdaman niya dahil dito. Pero para kay Ashlynn ay hindi iyon masama. Siguro OK lang iyon.
Naalala ni Maddie ang isang lesson tungkol sa musika sa home evening na ginawa ng kanyang pamilya. Sinabi ni Inay na ang magandang musika ay makatutulong sa mga taong madama ang Espiritu Santo. At sa musikang may masasamang titik ay mas mahirap sa kanila na madama ang Espiritu. Siguro ay sinasabi sa kanya ng Espiritu Santo na hindi maganda ang awitin.
Sumimangot siya. Wala namang pagmumura sa awitin. Masama pa rin ba ito?
Nang makauwi si Maddie, sinabi niya kay Inay ang tungkol sa awitin.
“Maaari po ba ninyong basahin ang mga titik ng kanta at sabihin ninyo sa akin ang palagay ninyo tungkol dito?” tanong ni Maddie.
Magkakasama nilang hinanap online ang mga titik ng awitin. Pinagmasdan ni Maddie ang mukha ni Inay habang binabasa ito.
Napasimangot si Inay. “Nauunawaan ko kung bakit hindi mo ito gusto,” sabi niya. “Wala itong pagmumura, pero palagay ko ay hindi ito magandang awitin para sayawan ng mga nasa ika-apat na baitang. Tatanungin ko bukas ang iyong guro sa sayaw tungkol dito.”
Kinabukasan, kinausap ni Inay sa paaralan ang kanyang gurong si Gng. Slater. Nag-alala si Maddie na baka magalit si Gng. Slater, pero hindi naman! Sinabi nito na naunawaan niya kung bakit ayaw ni Inay sa awitin. Pero sinabi nito na huli na ang lahat para baguhin ang musika.
“Hindi kinakailangang sumayaw si Maddie sa tugtog ng awitin,” sabi ni Gng. Slater. “Maaari siyang umupo kapag sasayawin na iyon.”
Parang nakakatakot maupo nang mag-isa. Nagpasiya si Maddie na hilingin kay Ashyln na umupong kasama niya. Pumayag si Ashlynn!
Nang sumapit ang araw ng sayawan, nakita ni Maddie si Ashlynn sa pasilyo.
“Masaya akong sasamahan mo akong maupo!” nakangiting sabi ni Maddie.
Pero hindi gumanti ng ngiti si Ashlynn. “Hindi ako uupo sa oras ng sayaw,” sabi niya habang inaayos ang kanyang palda. “Sasayaw ako kasama ng lahat.”
Naging pangit ang pakiramdam ni Maddie. Ayaw niyang maupo nang mag-isa. Pero hindi pa rin maganda ang pakiramdam niya sa awitin.
Sumama sa linya si Maddie kasama ng iba pa at sumayaw sa unang awitin. Pagkatapos ay oras na para sa susunod na kanta.
Mabilis na tumibok ang kanyang puso. Nanalangin siya nang kaunti sa kanyang puso. Pagkatapos ay huminga siya nang malalim, naglakad papunta sa gilid ng entablado, at umupo.
Nang wala na siya sa entablado, naging mas maganda ang pakiramdam ni Maddie. Pinanood niyang sumayaw ang kanyang mga kaklase. Nang matapos na ang mga ito, pumalakpak siya. Pagkatapos ay nadama niya ang init at tuwa.
Ngumiti si Maddie. Nakakatakot maupong mag-isa, pero naging maganda ang pakiramdam niya na nakinig siya sa Espiritu Santo.