2023
Pagdodrowing Kasama si Christian
Hunyo 2023


“Pagdodrowing Kasama si Christian,” Kaibigan, Hunyo 2023, 30–31.

Pagdodrowing Kasama si Christian

Maaari sigurong tulungan ni Gabriel si Christian sa pagkakataong ito.

Ang kuwentong ito ay naganap sa Brazil.

Mga drowing ng mga hayop na gawa ng mga bata

“Ngayon ay may mensahe tayo mula kay Sister Almeida,” sabi ng bishop.

Naglabas si Gabriel ng isang papel at ilang lapis. Gusto niyang magdrowing habang nakikinig siya sa mga mensahe. Gayundin ang kapatid niyang si Alice.

Sa pagkakataong ito, gumuhit si Alice ng isang leon. Nagdrowing naman si Gabriel ng dinosaur. Nilagyan niya ito ng mahabang leeg at buntot.

Pagkatapos ay tumingala si Gabriel. Isang batang lalaki ang naglalakad palapit sa kanila.

“Naku!” bulong niya kay Alice. “Heto na si Christian!”

Si Christian ay apat na taong gulang. Hindi siya makapagsalita, at hindi rin siya mapakali kapag nakaupo. Naglalakad-lakad siya sa paligid ng chapel sa oras ng mga meeting. Kung minsan ay nagsusulat siya sa mga drowing ni Gabriel.

Itinago ni Gabriel sa likod niya ang kanyang mga lapis. Ayaw niyang makuha ni Christian ang mga ito.

Inabot ng Christian ang mga lapis.

“Huwag! Akin ang mga iyan!” Bumulong si Gabriel, na nakaturo sa pamilya ni Christian. “Umupo ka na.”

Pero parang hindi nakakaunawa si Christian. Patuloy niyang sinusunggaban ang mga lapis ni Gabriel.

Nang tapos na ang miting, naglakad si Gabriel kasama nina Inay at Alice papunta sa Primary.

“Bakit kailangang maglakad-lakad ni Christian sa paligid ng chapel pero kailangan kong tumahimik?” tanong ni Gabriel kay Inay.

“Iba ang paraan ng pag-iisip ni Christian,” sabi ni Inay. “Ang paglakad sa paligid ay nakakatulong sa kanya na maging panatag at komportable.”

“Pero lagi niya tayong ginagambala,” sabi ni Gabriel.

Kumunot ang noo ni Alice. “Gusto lang niyang magdrowing.”

“Pero hindi niya alam kung paano!”

“Siguro ay puwede natin siyang tulungan,” sabi ni Alice.

Nang sumunod na Linggo, umupo si Gabriel sa tabi ni Alice sa oras ng sacrament meeting. Matapos ipasa ang tinapay at tubig, inilabas niya ang kanyang mga lapis at papel para magdrowing. Pagkatapos ay nakita niyang naglalakad palapit sa kanila si Christian.

Nagsimulang itago ni Gabriel ang kanyang mga lapis, pero tumigil siya. Mayroong malaking ngiti sa mukha ni Christian. Naalala ni Gabriel ang sinabi ni Alice. Siguro ay matutulungan niya si Christian na magdrowing sa pagkakataong ito!

Tatlong batang magkakasamang nagdodrowing

Gumanti ng ngiti si Gabriel kay Christian. Umusad siya para makaupo sa pagitan niya at ni Alice si Christian. Binigyan ni Gabriel ng lapis at papel si Christian. Tinulungan ni Alice si Christian na hawakan ang lapis. Magkasama silang gumuhit ng isang stick figure.

Tumawa si Christian at pumalakpak. Mukhang masaya siya. Masaya rin si Gabriel. Sa pagkakataong ito tinulungan ni Gabriel si Christian na hawakan ang lapis. Magkasama silang nagdrowing ng isang aso. Ngumiti nang malaki si Gabriel. Masaya ang pagdodrowing kasama ni Christian.

Nang natapos ang miting, mayroon nang isang buong salansan ng mga drowing si Christian. Niyakap niya nang mahigpit ang mga drowing at itinuro ang bangko ng kanyang pamilya. Sinamahan nina Gabriel at Alice si Christian pabalik sa pamilya nito. Ipinakita ni Christian ang mga drowing sa kanyang ina na may malaking ngiti.

Masaya si Gabriel na nakapagdrowing siya kasama ni Christian. At natuwa siya na may ate siya na isang magandang halimbawa.

kapalit na teksto dito

Mga larawang-guhit ni Josh Talbot