2021
Dalisay na Katotohanan, Dalisay na Doktrina, at Dalisay na Paghahayag
Nobyembre 2021


“Dalisay na Katotohanan, Dalisay na Doktrina, at Dalisay na Paghahayag,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Nob. 2021.

Sesyon sa Sabado ng Umaga

Dalisay na Katotohanan, Dalisay na Doktrina, at Dalisay na Paghahayag

Mga Sipi

Minamahal kong mga kapatid, welcome sa pangkalahatang kumperensya! …

… Inaanyayahan ko kayong pakinggan ang tatlong ito sa kumperensya: dalisay na katotohanan, ang dalisay na doktrina ni Cristo, at dalisay na paghahayag. Salungat sa pagdududa ng ilang tao, talagang mayroong tama at mayroong mali. Talagang mayroong hindi nagbabagong katotohanan—ang walang hanggang katotohanan. Ang isa sa mga salot ng ating panahon ay na kakaunti lamang ang may alam kung saan matatagpuan ang katotohanan. Tinitiyak ko sa inyo na ang maririnig ninyo ngayon at bukas ay dalisay na katotohanan.

Makapangyarihan ang dalisay na doktrina ni Cristo. Binabago nito ang buhay ng lahat ng taong nakauunawa rito at hangad na ipamuhay ito. Tinutulungan tayo ng doktrina ni Cristo na matagpuan ang landas ng tipan at manatili rito. Ang pananatili sa makipot at tiyak na landas na ito ay tutulong sa atin na maging karapat-dapat na tanggapin ang lahat ng mayroon ang Diyos. Wala nang hihigit pa sa lahat ng mayroon ang Ama!

At sa dalisay na paghahayag para sa mga katanungan ng inyong puso, ang kumperensyang ito ay magiging tunay na nakalulugod at di-malilimutan. Kung hindi pa ninyo hinangad ang patnubay ng Espiritu Santo na tulungan kayong marinig ang nais ng Panginoon na marinig ninyo ngayon at bukas, inaanyayahan ko kayong gawin na ito ngayon. Nawa ang kumperensyang ito ay maging pagpapakabusog sa mga mensahe ng Panginoon na ibibigay sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod. Alamin ninyo kung paano ninyo maipapamuhay ang mga ito.