2021
Anyayahan si Cristo na Maging May-akda ng Inyong Kuwento
Nobyembre 2021


“Anyayahan si Cristo na Maging May-akda ng Inyong Kuwento,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Nob. 2021.

Sesyon sa Linggo ng Umaga

Anyayahan si Cristo na Maging May-akda ng Inyong Kuwento

Mga Sipi

mga aklat

Pinatototohanan ko na ang Tagapagligtas ang “siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya” [Mga Hebreo 12:2]. Aanyayahan ba ninyo Siya na itatag at pasakdalin ang inyong kuwento, maging may-akda at tagatapos nito? …

Mangyari pa, ang pinakadakilang alituntunin ng kalayaang pumili ay tayo ang susulat ng sarili nating mga kuwento—maaari ngang umuwi na lang si David at nag-alaga ng mga tupa. Ngunit si Jesucristo ay handang gamitin tayo bilang mga banal na kasangkapan, mga tinasahang lapis sa Kanyang kamay, upang makasulat ng isang obra-maestra! …

… Ngunit kapag hinayaan nating manaig ang Diyos, ang hayaan Siya na maging may-akda at tagatapos ng ating mga kuwento, nangangailangan ito ng pagsunod natin sa Kanyang mga kautusan at pagtupad sa mga tipang ginawa natin. Sa pagsunod natin sa kautusan at pagtupad sa tipan mananatiling bukas ang linya ng komunikasyon para sa atin upang makatanggap tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. At sa pamamagitan ng mga pahiwatig ng Espiritu, madarama natin ang kamay ng Panginoon, na isinusulat ang ating mga kuwento kasama natin. …

Bakit nais natin na ang Tagapagligtas ang maging may-akda at tagatapos ng ating mga kuwento? Dahil ganap na alam Niya ang ating potensyal, dadalhin Niya tayo sa mga lugar na hindi natin naisip kailanman. Maaari Niya tayong gawing isang David o isang Esther. Tayo ay Kanyang susubukan at dadalisayin upang maging lalong katulad Niya. Ang mga matatamo natin kapag kumilos tayo nang may higit na pananampalataya ay mas magpapalakas sa ating pananampalataya kay Jesucristo. …

Tayo ay hahatulan batay sa ating aklat ng buhay. Maaari nating piliin ang komportableng kuwento ng buhay para sa ating sarili. O maaari nating hayaang ang Dalubhasang May-akda at Tagatapos ang magsulat ng ating kuwento na katuwang natin, na inuuna ang ipinagagawa Niya sa atin kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon.

Hayaang si Cristo ang maging may-akda at tagatapos ng inyong kuwento!