“Ang Pinakamahalagang Pag-aari,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Nob. 2021.
Sesyon sa Sabado ng Umaga
Ang Pinakamahalagang Pag-aari
Mga Sipi
Kapag ang pag-ibig sa Diyos ang nananaig sa ating buhay, sa pakikipag-ugnayan natin sa isa’t isa at sa nadarama natin sa buong sangkatauhan, ang mga diskriminasyon, paglalagay ng mga label, at artipisyal na pagkakahati-hati ay nagsisimulang mapawi, at nadaragdagan ang kapayapaan. …
Siyempre, ang tinutukoy natin dito ay ang unang dakilang utos na ibinigay sa sangkatauhan—ang ibigin ang Diyos nang lubos, nang walang pag-aalinlangan o pasubali, ibig sabihin, nang ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Ang pag-ibig sa Diyos ang unang dakilang utos sa sansinukob. Ngunit ang una at dakilang katotohanan sa buong sansinukob ay mahal tayo ng Diyos sa paraan ding iyon—nang lubos, nang walang pag-aalinlangan o pasubali, nang Kanyang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. At kapag ang dakilang damdaming iyon sa Kanyang puso at sa ating mga puso ay nagtugma, mapupuspos tayo ng espirituwal at moral na lakas. …
At sa gayon lamang natin masusunod nang mabuti ang pangalawang dakilang utos sa paraang walang pagkukunwari. Kung talagang mahal natin ang Diyos kaya nagsisikap tayong maging lubos na tapat sa Kanya, bibigyan Niya tayo ng kakayahan, lakas, determinasyon, at paraan upang mahalin ang ating kapwa at ang ating sarili. Sa gayon marahil ay muli nating masasabi, “Wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos” [4 Nephi 1:16].