“Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Nob. 2021.
Sesyon sa Linggo ng Umaga
Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon
Mga Sipi
Tulad ng alam ninyo, nagsasagawa tayo ng malaking renobasyon sa makasaysayang Salt Lake Temple. …
Ginagawa namin ang lahat upang mabigyan ang sagradong templong ito, na malaki na ang pinsala, ng isang pundasyon na makakayanan ang mga kalamidad hanggang sa Milenyo. Sa gayon ding paraan, panahon na upang ang bawat isa sa atin ay magsagawa ng napakahusay na mga pamamaraan—marahil mga pamamaraang hindi pa natin nagawa noon—upang patibayin ang ating sariling espirituwal na pundasyon. Ang mga panahong hindi pa kailanman naranasan ay nangangailangan ng mga pamamaraan na hindi pa kailanman nagawa.
Mahal kong mga kapatid, ito ang mga huling araw. Kung nais nating makayanan ang mga darating na panganib at hirap, kinakailangang may matibay na espirituwal na pundasyon ang bawat isa sa atin na itinayo sa bato na ating Manunubos na si Jesucristo.
Kaya, itinatanong ko sa bawat isa sa inyo, gaano katibay ang inyong pundasyon? At ano ang kailangan ninyong gawin upang tumibay pa ang inyong patotoo at pag-unawa sa ebanghelyo?
Ang templo ang sentro sa pagpapalakas ng ating pananampalataya at espirituwal na katatagan dahil ang Tagapagligtas at ang Kanyang doktrina ang pinakasentro ng templo. …
Kung hindi pa ninyo gustong pumunta sa templo, magpunta nang mas madalas—hindi nang minsan lang. Hayaang turuan at bigyang-inspirasyon kayo roon ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. …
Mangyaring paniwalaan ako na kapag matibay na nakatayo ang inyong espirituwal na pundasyon kay Jesucristo, hindi kayo kailangang matakot. Kapag tapat kayo sa inyong mga tipan na ginawa sa templo, mapalalakas kayo ng Kanyang kapangyarihan. Pagkatapos, kapag nagkaroon ng mga espirituwal na lindol, makatatayo kayo nang matatag dahil ang inyong espirituwal na pundasyon ay matibay at hindi natitinag.