2022
Si Jesucristo ang Lakas ng mga Kabataan—Mga Sipi
Nobyembre 2022


“Si Jesucristo ang Lakas ng mga Kabataan—Mga Sipi,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Nob. 2022.

Sesyon sa Sabado ng Umaga

Si Jesucristo ang Lakas ng mga Kabataan

Mga Sipi

sipi sa data-poster

I-download ang PDF

Kung kayo ay nasa pagitan ng edad 11 at 18, may mensahe ako lalo na para sa inyo mula sa inyong Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ang Mensahe ng Tagapagligtas sa Inyo

Minamahal kong mga kaibigang kabataan, kung naririto mismo ang Panginoon ngayon, ano kaya ang sasabihin Niya sa inyo?

Naniniwala ako na magsisimula Siya sa pagpapahayag ng Kanyang matinding pagmamahal sa inyo. …

At magkagayunman, dahil lahat tayo ay mahina at hindi perpekto, may ilang alalahaning maaaring pumasok sa inyong isipan. Maaaring maalala ninyo ang mga pagkakamaling nagawa ninyo, mga pagkakataong nagpatangay kayo sa tukso, mga bagay na hindi sana ninyo ginawa—o sana’y naisagawa ninyo nang mas maayos. …

Naniniwala ako na gugustuhin ng Tagapagligtas na si Jesucristo na makita, madama, at malaman ninyo na Siya ang inyong lakas. Na sa tulong Niya, walang limitasyon sa maaari ninyong maisakatuparan. …

Ipapahayag ng Tagapagligtas, nang may katiyakan, na kayo ay anak na babae o lalaki ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Ang inyong Ama sa Langit ang pinakamaluwalhating nilalang sa sansinukob, puno ng pagmamahal, kagalakan, kadalisayan, kabanalan, liwanag, biyaya, at katotohanan. At balang-araw nais Niyang manahin ninyo ang lahat ng mayroon Siya. …

Para maging posible ito, isinugo Niya si Jesucristo para maging Tagapagligtas ninyo. …

Iyan ang inyong tadhana. Iyan ang inyong kinabukasan. Iyan ang pinili ninyo!

Katotohanan at mga Pagpili

Nasa sentro ng plano ng Diyos para sa inyong kaligayahan ang kapangyarihan ninyong pumili. …

Kapag may mahahalagang pagpili kayong gagawin, si Jesucristo at ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ang pinakamainam na piliin. Kapag may mga tanong kayo, si Jesucristo at ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ang pinakamainam na sagot. Kapag nanghihina kayo, si Jesucristo ang inyong lakas. …

Para sa Lakas ng mga Kabataan

Para matulungan kayong makita ang Daan at matulungan kayong gawing gumagabay na impluwensya ang doktrina ni Cristo sa inyong buhay, naghanda Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ng isang bagong resource, isang binagong bersyon ng Para sa Lakas ng mga Kabataan. …

Para maging napakalinaw, ang pinakamahusay na gabay na posibleng mapasainyo sa paggawa ng mga pagpili ay si Jesucristo. Si Jesucristo ang lakas ng mga kabataan.

Kaya ang layunin ng Para sa Lakas ng mga Kabataan ay ibaling kayo sa Kanya. …

Mahalaga ring malaman ninyo kung ano ang hindi ginagawa ng Para sa Lakas ng mga Kabataan. Hindi ito nagpapasiya para sa inyo. Hindi ito nagsasabi sa inyo ng “oo” o “hindi” sa bawat pagpiling kakaharapin ninyo. Ang Para sa Lakas ng mga Kabataan ay nagtutuon sa pundasyon ng inyong mga pagpili. Nagtutuon ito sa mga pinahahalagahan, alituntunin, at doktrina sa halip na sa bawat partikular na pag-uugali. …

Mali bang magkaroon ng mga panuntunan? Siyempre hindi. Kailangan nating lahat ang mga iyon araw-araw. Ngunit maling magtuon lamang sa mga panuntunan sa halip na magtuon sa Tagapagligtas. …

Isang Mas Mataas na Pamantayan

Napakataas ng mga pamantayan ni Jesucristo para sa Kanyang mga tagasunod. At ang paanyaya na masigasig na hangarin ang Kanyang kalooban at mamuhay ayon sa Kanyang mga katotohanan ang posibleng pinakamataas na pamantayan!

Ang mahahalagang temporal at espirituwal na pagpili ay hindi lamang dapat na nakabatay sa personal na kagustuhan o kung ano ang mas madali o popular. Hindi sinasabi ng Panginoon na, “Gawin ninyo ang anumang gusto ninyo.”

Ang sinasabi Niya ay, “Hayaang manaig ang Diyos.”

Ang sinasabi Niya ay, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”

Ang sinasabi Niya ay, “Mamuhay sa mas banal, mas mataas, mas ganap na paraan.”

Ang sinasabi Niya ay, “Sundin ang aking mga kautusan.”

Si Jesucristo ang ating perpektong halimbawa, at nagsisikap tayo nang buong lakas ng ating kaluluwa na sundan Siya.

Mahal kong mga kaibigan, hayaan ninyong ulitin ko, kung nakatayo ang Tagapagligtas ngayon dito, ipapahayag Niya ang Kanyang walang-hanggang pagmamahal sa inyo, ang Kanyang lubos na tiwala sa inyo. Sasabihin Niya sa inyo na kaya ninyong gawin ito. Kaya ninyong bumuo ng isang kalugud-lugod at masayang buhay dahil si Jesucristo ang inyong lakas. Makakahanap kayo ng tiwala, kapayapaan, kaligtasan, kaligayahan, at pagiging kabahagi ngayon at magpakailanman, dahil matatagpuan ninyo ang lahat ng ito kay Jesucristo, sa Kanyang ebanghelyo, at sa Kanyang Simbahan.