“Higit na Paglapit sa Tagapagligtas—Mga Sipi,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Nob. 2022.
Higit na Paglapit sa Tagapagligtas
Mga Sipi
Natatanto natin na habang nadaragdagan ang kasamaan sa mundo, ang ating espirituwal na kaligtasan, at ang espirituwal na kaligtasan ng mga minamahal natin, ay mangangailangan ng ating lubos na pangangalaga, pagpapatibay, at pagpapalakas ng mga ugat ng ating pananampalataya kay Jesucristo. …
Tulad ng alam na alam natin, ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at pagiging isang tunay na disipulo ay higit pa sa minsanang desisyon—higit pa sa minsanang pangyayari. Ito ay isang sagrado at patuloy na prosesong lumalago at lumalawak sa iba’t ibang yugto ng ating buhay, na nagpapatuloy hanggang sa lumuhod tayo sa Kanyang paanan.
Habang sabay na tumutubo ang trigo at mga damo sa mundo, paano natin mapapalalim at mapapalakas ang ating katapatan sa Tagapagligtas sa mga araw na darating?
Narito ang tatlong ideya:
Una, maaari nating ituon nang mas lubusan ang ating sarili sa buhay, mga turo, karingalan, kapangyarihan, at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesus. …
Susunod, habang lalo nating nakikilala at minamahal ang Tagapagligtas, lalo pa nating ninanais na ipangako sa Kanya ang ating katapatan at tiwala. Nakikipagtipan tayo sa Kanya. …
Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay nagtutulot na mas tumimo sa ating puso ang pagmamahal ng Tagapagligtas. …
Sa huli, ang ikatlo kong ideya: sa sagradong hangaring ito, pinahahalagahan, pinoprotektahan, ipinagtatanggol, at iniingatan natin ang kaloob na Espiritu Santo. …
… Habang tinutulutan ninyong tumimo nang malalim sa puso ninyo ang inyong pagmamahal para sa Tagapagligtas at ang Kanyang pagmamahal sa inyo, ipinapangako ko na magkakaroon kayo ng dagdag na tiwala, kapayapaan, at kagalakan sa pagharap sa mga hamon ninyo sa buhay.