“Madaling Dalhin ang Kanyang Pamatok at Magaan ang Kanyang Pasan—Mga Sipi,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Nob. 2022.
Madaling Dalhin ang Kanyang Pamatok at Magaan ang Kanyang Pasan
Mga Sipi
Maraming mensahe na ang ibinahagi ng mga lider natin sa Simbahan tungkol sa pag-ibig sa kapwa, pagkakaisa, pagmamahal, kabaitan, pagkahabag, pagpapatawad, at awa. Naniniwala ako na inaanyayahan tayong lahat ng Tagapagligtas na mamuhay sa mas dakila, mas banal na paraan—ang Kanyang paraan ng pagmamahal kung saan madarama ng lahat na sila ay tunay na kabilang at kailangan.
Tayo ay inutusan na mahalin ang ibang tao, at huwag silang husgahan. Ilapag natin ang mabigat na pasanin; hindi iyan natin dapat pasanin. Sa halip, maaari nating dalhin ang pamatok ng pagmamahal at pagkahabag ng Tagapagligtas. …
… Ang mga taong nakasalamuha Niya ay nadama ang Kanyang pagmamahal, at ang pagmamahal na iyon ang nagpagaling sa kanila at nagpabago ng kanilang buhay. Ang Kanyang pagmamahal ay nagtulak sa kanila na naising baguhin ang kanilang buhay. Ang pagsasabuhay ng Kanyang mga kaparaanan ay nagdadala ng kaligayahan at kapayapaan, at inanyayahan Niya ang iba na gayon din ang gawin nang may kahinahunan, kabaitan, at pagmamahal. …
… Habang unti-unti nating natututuhang gawin ang mga ipinagagawa Niya sa atin—hindi dahil responsibilidad natin itong gawin o dahil sa mga pagpapalang maaari nating matanggap, ngunit dahil sa dalisay na pagmamahal sa Kanya at sa ating Ama sa Langit—ang Kanyang pagmamahal ay dadaloy sa atin at ang Kanyang mga ipinagagawa ay hindi lamang magiging posible, kundi kalaunan ang mga ito ay magiging mas madali at mas magaan at mas masayang gawin kaysa sa kaya nating isipin. …
… Kailangan ng lahat ng tao na madama na sila ay talagang kabilang at talagang kailangan sa katawan ni Cristo. Ang pinakahangarin ni Satanas ay paghiwa-hiwalayin ang mga anak ng Diyos, at siya ay lubhang nagtatagumpay, pero may kapangyarihan sa pagkakaisa. At talagang kailangan nating magkaisa at magtulungan sa pagharap sa mga hamon dito sa lupa!