“Itinaas sa Krus—Mga Sipi,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Nob. 2022.
Itinaas sa Krus
Mga Sipi
Ang isang dahilan kung bakit hindi natin binibigyang-diin ang krus bilang isang simbolo ay mula sa pinag-ugatan natin sa Biblia. Dahil ang pagpapako sa krus ay isa sa pinakamasakit na uri ng pagpatay sa Imperyo ng Roma, marami sa mga naunang tagasunod ni Jesus ay piniling huwag magtuon sa brutal na kasangkapang ito ng pagpapahirap. Ang kahulugan ng kamatayan ni Cristo ay tiyak na sentral sa kanilang pananampalataya, ngunit sa loob ng mga 300 taon, kadalasa’y pinili nilang ipaalam ang kanilang identidad sa ebanghelyo sa ibang mga paraan. …
Ang isa pang dahilan sa hindi paggamit ng krus ay ang ating pagtutuon sa ganap na himala ng misyon ni Cristo—ang Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli, gayundin ang Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa at kamatayan. …
… Saan mang lugar at anuman ang edad, sinasabi Niya sa ating lahat, “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin” [Mateo 16:24].
Binabanggit nito ang mga krus na dapat nating pasanin sa halip na isuot. Upang maging tagasunod ni Jesucristo, kailangang magdusa kung minsan—pansarili man o para sa iba—at pumunta kung saan kinakailangang magsakripisyo at hindi maiiwasan ang pagdurusa. Ang tunay na Kristiyano ay hindi maaaring sumunod sa Maestro sa mga bagay na sinasang-ayunan lamang niya. Hindi. Sumusunod tayo sa Kanya sa lahat ng lugar, kabilang, kung kinakailangan, sa malalaking gusaling puno ng mga luha at kaguluhan, kung saan minsan ay mag-isa lamang tayong nakatayo.
… Nawa’y sundin natin Siya—nang walang humpay, nang hindi tumitigil o tumatakas, nang hindi umuurong sa gawain, hindi kapag maaaring mabigat ang ating mga krus at hindi kapag, paminsan-minsan, madilim ang daan.