Ang Kahulugan ng Pagiging Disipulo
Kapag pagmamahal ang naging gabay na alituntunin natin sa pangangalaga sa ating kapwa, ang paglilingkod natin sa kanila ay nagiging halimbawa ng pamumuhay sa ebanghelyo.
Mula pa sa simula, itinuro na ng Panginoon na upang maging Kanyang mga tao, kailangan ay may isang puso at isang isipan tayo.1 Ipinaliwanag din ng Tagapagligtas na ang dalawang dakilang kautusan sa batas ay, “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo” at “iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”2 At ang huli, matapos maorganisa ang Simbahan, iniutos ng Panginoon sa mga banal na “dalawin ninyo ang mga maralita at ang mga nangangailangan at magbigay sa kanila ng tulong.”3
Ano ang temang karaniwan sa lahat ng kautusang ito? Iyon ay ang mahalin at paglingkuran natin ang isa’t isa. Katunayan, ito ang kahulugan ng pagiging disipulo sa totoong Simbahan ni Jesucristo.
Habang ipinagdiriwang natin ang ika-75 taon ng programang pangkapakanan ng Simbahan, naaalala natin ang mga layunin ng gawaing ito, na tulungan ang mga miyembro na umasa sa kanilang sarili, pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan, at maglingkod. Inorganisa ng Simbahan ang mga mapagkukunan nito upang tulungan ang mga miyembro na makapaglaan para sa pisikal, espirituwal, sosyal, at emosyonal na kapakanan ng kanilang sarili, kanilang pamilya, at ang iba. Kabilang sa tungkulin ng bishop ang pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan at pangasiwaan ang mga mapagkukunang iyon para sa mga miyembro ng kanyang ward. Siya ay tinutulungan sa kanyang gawain ng mga korum ng priesthood, Relief Society, lalo na, ng mga home at visiting teacher.
Ang Relief Society ay mahalagang bahagi ng gawaing pangkapakanan. Nang iorganisa ni Propetang Joseph Smith ang Relief Society noong 1842, sinabi niya sa mga kababaihan, “Ito ang simula ng mas magagandang araw sa mga maralita at nangangailangan.”4 Sinabi niya sa kababaihan na ang layunin ng samahan ay “bigyang-ginhawa ang mga maralita, dukha, balo at ulila, at gawin ang lahat ng mabubuting layunin. … Bubuhusan nila ng langis at alak ang sugatang puso ng naghihinagpis; papahirin nila ang mga luha ng mga ulila at pasasayahin ang puso ng balo.”5
Sinabi rin niya na ang society ay “maaaring [maghikayat] sa kalalakihan na gumawa ng mabuti sa paglingap sa mahihirap—na naghahanap ng mga pagkakataong mapakitaan ng pag-ibig ang kapwa, at maibigay ang kanilang pangangailangan—upang umalalay sa pamamagitan ng pagwawasto ng mga pag-uugali at pagpapaibayo ng mabubuting katangian ng komunidad.”6
Ang kalalakihan at kababaihan ng Simbahan ay magkasama ngayong nagbibigay-ginhawa sa mga nangangailangan. Ang mga mayhawak ng priesthood ay naglalaan ng kinakailangang suporta para sa mga nangangailangan ng espirituwal na patnubay at tulong. Ang mga home teacher na nabigyang-inspirasyon ay nagbabasbas ng mga buhay at naglalaan ng mga pagpapala ng ebanghelyo sa bawat pamilya. Bukod pa rito, ibinabahagi nila ang kanilang lakas at mga talento sa iba pang kaparaanan, tulad ng pagtulong sa pamilya sa pagkukumpuni ng bahay, paglilipat ng bahay, o pagtulong sa isang miyembrong lalaki na makahanap ng trabaho.
Ang mga Relief Society president ay bumibisita sa mga tahanan para alamin ang mga pangangailangang iuulat sa bishop. Ang mga visiting teacher na nabigyang-inspirasyon ay nangangalaga at nagmamalasakit sa kababaihan at mga pamilya. Sila kadalasan ang unang tumutugon sa oras ng kagipitan. Ang kababaihan ng Relief Society ay naglalaan ng pagkain, naglilingkod nang may pagkahabag, at laging sumusuporta sa panahon ng pagsubok.
Ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo ay nagalak noong araw at dapat magalak ngayon sa mga pagkakataon nating makapaglingkod sa iba. Ang ating pinagsamang mga pagsisikap ay nagpapaginhawa sa mga maralita, nagugutom, nagdurusa, o naliligalig, sa gayon ay nagliligtas tayo ng mga kaluluwa.
Magagamit ng lahat ng bishop ang kamalig ng Panginoon, na itinayo yamang “nagbibigay ang matatapat na miyembro sa bishop ng kanilang panahon, mga talento, kasanayan, habag, materyal, at kabuhayan para sa pangangalaga sa mga maralita at sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa.”7 Lahat tayo ay nagbibigay sa kamalig ng Panginoon kapag nagbabayad tayo ng handog-ayuno at ipinapagamit sa bishop ang lahat ng ating mapagkukunan upang tulungan ang mga nangangailangan.
Sa kabila ng mabilis na pagbabago ng mundo, ang mga alituntunin ng gawaing pangkapakanan ay hindi nagbago sa paglipas ng panahon dahil ang mga ito ay binigyang-inspirasyon at inihayag na katotohanan ng langit. Kapag ginagawa ng mga miyembro ng Simbahan at ng kanilang pamilya ang lahat para matustusan ang kanilang sarili at hindi pa rin matugunan ang mga pangunahing pangangailangan, handang tumulong ang Simbahan. Ang mga panandaliang pangangailangan ay agad natutugunan, at naisasagawa ang planong tulungan ang tao na umasa sa sarili. Ang pag-asa sa sarili ay kakayahang mailaan ang mga pangangailangang espirituwal at temporal ng sarili at pamilya.
Kapag pinag-ibayo natin ang ating pag-asa sa sarili, nag-iibayo ang ating kakayahang tulungan at paglingkuran ang iba ayon sa paraan ng Tagapagligtas. Sinusundan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas kapag naglilingkod tayo sa mga nangangailangan, maysakit, at nagdurusa. Kapag pagmamahal ang naging gabay na alituntunin natin sa pangangalaga sa iba, ang paglilingkod natin sa kanila ay nagiging halimbawa ng pamumuhay sa ebanghelyo. Ito ay matwid na pamumuhay sa ebanghelyo. Ito ay dalisay na relihiyon.
Sa iba’t iba kong tungkulin sa Simbahan, napakumbaba ako ng pagmamahal at malasakit ng mga bishop at lider ng Relief Society sa kanilang nasasakupan. Habang naglilingkod ako bilang stake Relief Society president sa Chile noong mga unang taon ng 1980s, bagsak ang ekonomiya ng bansa at 30 porsiyento ang walang trabaho. Nasaksihan ko ang kabayanihan ng mga Relief Society president at matatapat na visiting teacher na “gumagawa ng mabuti”8 sa gayon kahihirap na sitwasyon. Isinabuhay nila ang banal na kasulatan sa Mga Kawikaan 31:20: “Iginagawad niya ang kaniyang kamay sa dukha; oo iniaabot niya ang kaniyang mga kamay sa mapagkailangan.”
Ang kababaihang hikahos din ang pamilya ay tinulungan sa tuwina ang mga taong inakala nilang mas nangangailangan. Doon ko mas malinaw na naunawaan ang nakita ng Tagapagligtas nang ipahayag niya sa Lucas 21:3–4:
“Sa katotohana’y sinasabi ko sa inyo, ang dukhang babaing baong ito ay naghulog ng higit kay sa kanilang lahat:
“Sapagka’t ang lahat ng mga yaon ay nangahulog sa mga alay ng sa kanila’y labis [sa Diyos]: datapuwa’t siya, sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong kaniyang ikabubuhay na nasa kaniya.”
Ilang taon ang lumipas nasaksihan ko rin ang gayong pangyayari bilang stake Relief Society president sa Argentina nang dumanas ng labis na pagtaas ng presyo ng bilihin ang bansa at ang sumunod na pagbagsak ng ekonomiya ay nakaapekto sa marami nating matatapat na miyembro. Muli ko itong nasaksihan sa pagbisita ko kamakailan sa Kinshasa sa Democratic Republic of Congo; Antananarivo sa Madagascar; at Bulawayo sa Zimbabwe. Ang mga miyembro ng ward sa lahat ng dako, at lalo na ang kababaihan ng Relief Society, ay patuloy na pinatatatag ang pananampalataya, pinalalakas ang bawat isa at mga pamilya, at tinutulungan ang mga nangangailangan.
Kahanga-hangang isipin na ang isang mapakumbabang miyembrong may tungkulin sa Simbahan ay pupunta sa isang tahanan kung saan may kahirapan, kalungkutan, sakit, o kaligaligan at makapaghatid ng kapayapaan, ginhawa, at kaligayahan. Hindi mahalaga kung saan naroon ang ward o branch o gaano kalaki o kaliit ang grupo, lahat ng miyembro sa buong mundo ay may ganitong pagkakataon. Nangyayari ito araw-araw, at nangyayari ito saanman sa sandaling ito.
Si Karla ay bata pang ina na may dalawang anak. Ang kanyang asawang si Brent ay nagtatrabaho nang mahabang oras at isang oras ang biyahe papasok sa trabaho. Makaraang isilang niya ang kanyang pangalawang anak na babae, ikinuwento niya ang sumusunod: “Noong araw na tawagin akong maglingkod bilang tagapayo sa aming ward Relief Society, nagsimula akong makadama ng pagkabalisa. Paano ko magagawang tulungang pangalagaan ang kababaihan sa aming ward gayong nahihirapan akong gampanan ang aking tungkulin bilang asawa at ina ng napakaaktibong dalawang-taong-gulang at isang bagong silang na sanggol? Noong pinag-iisipan ko ang mga bagay na ito, nagkasakit ang dalawang-taong-gulang kong anak. Hindi ko talaga alam ang gagawin ko sa kanya maliban pa sa kailangan kong alagaan ang aking sanggol. Sa gayong sitwasyon, si Sister Wasden, na isa sa aking mga visiting teacher, ang di-inaasahang dumating. Dahil malalaki na ang kanyang mga anak, alam niya kung paano ako tutulungan. Sinabi niya sa akin ang kailangan kong gawin at nagpunta siya sa botika para bumili ng ilang suplay. Kalaunan pinasundo niya [sa iba] ang asawa ko sa istasyon ng tren para makauwi ito kaagad at matulungan ako. Ang kanyang pagtulong na pinaniniwalaan kong inspirasyon mula sa Espiritu Santo pati na ang kanyang kahandaang paglingkuran ako ang tanging katiyakang kailangan ko mula sa Panginoon na tutulungan Niya ako na magampanan ang aking bagong tungkulin.”
Mahal tayo ng Ama sa Langit at alam Niya ang ating iba’t ibang sitwasyon at mga kakayahan. Bagama’t hinahangad natin ang tulong Niya sa araw-araw sa pamamagitan ng panalangin, karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao Niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan.9
Sabi ng Panginoon, “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa.”10
Ipinapakita natin ang dalisay na pag-ibig ni Cristo kapag nagbigay tayo ng di-makasariling paglilingkod. Ang pagtulong sa isa’t isa ay isang nagpapabanal na karanasang nagpapadakila sa tumatanggap at nagpapakumbaba sa nagbibigay. Tinutulungan tayo nito na maging tunay na mga disipulo ni Cristo.
Ang planong pangkapakanan noon pa man ay pagsasabuhay ng walang hanggang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ito ay tunay na pagtulong ayon sa paraan ng Panginoon. Panibaguhin natin ang ating pagnanais na maging bahagi ng kamalig ng Panginoon sa pagtulong sa iba.
Dalangin ko na biyayaan ng Panginoon ang bawat isa sa atin ng mas ibayong awa, pag-ibig sa kapwa, at habag. Sumasamo ako na dagdagan pa nating ang ating pagnanais at kakayahang tulungan ang mga di-gaanong mapalad, naliligalig, at nagdurusa, upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan, mapalakas ang kanilang pananampalataya, at mapuspos ng pasasalamat at pagmamahal ang kanilang puso.
Nawa’y pagpalain ng Panginoon ang bawat isa sa atin sa pagsunod natin sa Kanyang mga utos, Kanyang ebanghelyo, at Kanyang liwanag. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.