Ang Himala ng Pagbabayad-sala
Walang kasalanan o paglabag, pasakit o kalungkutan, na hindi mapagagaling ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Habang inihahanda ko ang aking mensahe para sa kumperensyang ito, nakatanggap ako ng nakabibiglang tawag sa telepono mula sa aking ama. Sinabi niyang namatay ang nakababata kong kapatid na lalaki nang umagang iyon sa kanyang pagtulog. Lungkot na lungkot ako. Siya ay 51 taong gulang lang. Habang iniisip ko siya, nadama kong magbahagi ng ilang pangyayari sa buhay niya. Gagawin ko ito nang may pahintulot.
Noong kabataan niya, makisig ang kapatid ko, mabait at palakaibigan—lubos na tapat sa ebanghelyo. Matapos maglingkod nang marangal sa misyon, pinakasalan niya ang kanyang kasintahan sa templo. Biniyayaan sila ng isang anak na lalaki at isang anak na babae. Maganda ang kinabukasang naghihintay sa kanya.
Ngunit napatangay siya sa isang kahinaan. Pinili niyang magpakasaya sa buhay, na naging kapalit ng kanyang kalusugan, asawa, at pagiging miyembro sa Simbahan.
Nagpakalayu-layo siya sa kanyang pamilya. Patuloy niyang sinira ang kanyang buhay nang mahigit sampung taon, ngunit hindi siya kinalimutan ni tinalikuran ng Tagapagligtas. Sa huli dahil sa kawalang-pag-asa siya ay nagpakumbaba. Nagsimulang mapawi ang kanyang galit, paghihimagsik, at tapang. Tulad ng alibughang anak, “[siya’y nakapag-isip].”1 Hinanap niya ang Tagapagligtas at bumalik sa piling ng matatapat na magulang na hindi lumimot sa kanya.
Tinahak niya ang landas ng pagsisisi. Hindi iyon madali. Matapos mapalayo sa Simbahan nang 12 taon, muli siyang nabinyagan at natanggap na muli ang kaloob na Espiritu Santo. Naibalik ang kanyang priesthood at mga pagpapala ng templo kalaunan.
Pinalad siyang makatagpo ng isang babaeng handang balewalain ang mga naging epekto sa kanyang kalusugan ng dati niyang pamumuhay, at nabuklod sila sa templo. Nagkaroon sila ng dalawang anak. Matapat siyang naglingkod nang ilang taon sa bishopric.
Namatay ang kapatid ko noong Lunes ng umaga, ika-7 ng Marso. Biyernes ng gabi bago iyon, nagpunta silang mag-asawa sa templo. Linggo ng umaga, ang araw bago siya namatay, nagturo siya ng aralin sa priesthood sa kanyang high priests group. Natulog siya noong gabing iyon, na hindi na muling gigising sa buhay na ito—ngunit magbabangong muli sa pagkabuhay na mag-uli ng mabubuti.
Nagpapasalamat ako sa himala ng Pagbabayad-sala sa buhay ng aking kapatid. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay para sa bawat isa sa atin—sa tuwina.
Nagkakaroon ng bisa ang Pagbabayad-sala sa atin sa pamamagitan ng pagsisisi. Kapag nagsisi tayo, tinutulutan tayo ng Panginoon na kalimutan ang ating mga pagkakamali.
“Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.
“Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon.”2
Bawat isa sa atin ay may kilalang isang tao na nagkaroon ng matitinding hamon sa buhay—mga taong nalihis ng landas o nag-alinlangan. Ang taong iyon ay maaaring isang kaibigan o kamag-anak, isang magulang o anak, isang asawa. Maaari pa ngang ang taong iyon ay kayo.
Nangungusap ako sa lahat, maging sa inyo. Magsasalita ako tungkol sa himala ng Pagbabayad-sala.
Naparito ang Mesiyas para tubusin ang mga tao mula sa Pagkahulog ni Adan.3 Lahat sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nakatuon sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Mesiyas, ang Anak ng Diyos.4
Ang plano ng kaligtasan ay hindi maisasakatuparan kung walang pagbabayad-sala. “Kaya nga, ang Diyos na rin ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan, upang maisakatuparan ang plano ng awa, upang tugunin ang hinihingi ng katarungan, at nang sa gayon, ang Diyos ay maging isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos.”5
Ang nagbabayad-salang sakripisyo ay kinailangang isagawa ng walang-salang Anak ng Diyos, dahil ang taong nagkasala ay hindi maaaring magbayad-sala para sa sarili niyang mga kasalanan.6 Ang Pagbabayad-sala ay kinailangang maging walang-katapusan at walang hanggan—upang masakop ang lahat ng tao sa buong kawalang-hanggan.7
Sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa at kamatayan, nagbayad-sala ang Tagapagligtas para sa mga kasalanan ng lahat ng tao.8 Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay nagsimula sa Getsemani at nagpatuloy sa krus at nagwakas sa Pagkabuhay na Mag-uli.
“Oo, … siya ay dadalhin, ipapako sa krus, at papatayin, ang laman ay mapasasakop, maging sa kamatayan, ang kalooban ng Anak ay mapasasakop sa kalooban ng Ama.”9 Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ginawa Niyang “pinakahandog ang Kanyang kaluluwa para sa kasalanan.”10
Bilang Bugtong na Anak ng Diyos, namana Niya ang kapangyarihang daigin ang pisikal na kamatayan. Kaya Siya nanatiling buhay nang Siya ay magdusa “nang higit sa matitiis ng tao, maliban na yaon ay sa kamatayan; sapagkat masdan, ang dugo ay lumalabas sa bawat butas ng kanyang balat, napakasidhi ng kanyang [naging] pagdurusa dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ng kanyang mga tao.”11
Hindi lamang Niya pinagbayaran ang halaga ng mga kasalanan ng lahat ng tao, dinala pa Niya “ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.” At “dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, … upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”12
Nadama ng Tagapagligtas ang bigat ng dalamhati ng buong sangkatauhan--ang dalamhati ng kasalanan, at ng kalungkutan. “Tunay na kanyang pinasan ang ating mga dalamhati, at dinala ang ating mga kalungkutan.”13
Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, pinagagaling Niya hindi lamang ang lumabag, pinagagaling din Niya ang walang-sala na nagdurusa dahil sa mga paglabag na iyon. Kapag sumampalataya ang walang-sala sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala at pinatawad ang nagkasala, sila man ay mapagagaling.
May mga pagkakataon na “kailangang maalis [ng bawat isa sa atin] ang damdamin ng pagkaligalig na dulot ng mga kamalian at kasalanan.”14 Kapag nagsisisi tayo, inaalis ng Tagapagligtas ang pagkaligalig sa ating kaluluwa.
Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, pinatatawad ang ating mga kasalanan. Maliban lang sa mga anak ng kapahamakan, ang Pagbabayad-sala ay para sa lahat sa lahat ng oras, gaano man kalaki o kaliit ang kasalanan, “kung sila ay magsisisi.”15
Dahil sa Kanyang walang katapusang pagmamahal, inaanyayahan tayo ni Jesucristo na magsisi para hindi na natin pagdusahan ang buong bigat ng sarili nating mga kasalanan:
“Magsisi—magsisi, upang … ang iyong mga pagdurusa ay [hindi] maging masakit—kung gaano kasakit ay hindi mo nalalaman, kung gaano kasidhi ay hindi mo nalalaman, oo, kung gaano kahirap dalhin ay hindi mo nalalaman.
“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;
“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;
“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu.”16
Ang Tagapagligtas ay nag-aalok ng pagpapagaling sa mga nagdurusa dahil sa kasalanan. “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?”17
Si Jesucristo ang Dakilang Manggagamot ng ating kaluluwa. Maliban lang sa mga kasalanang ginawa ng mga anak ng kapahamakan, walang kasalanan o paglabag, pasakit o kalungkutan, na hindi mapapagaling ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Kapag nagkakasala tayo, sinasabi sa atin ni Satanas na naliligaw tayo. Sa kabilang banda, ang ating Manunubos ay naghahandog ng pagtubos sa lahat—anuman ang nagawa nating mali—maging sa inyo at sa akin.
Kapag inisip ninyo ang sarili ninyong buhay, mayroon ba kayong kailangang baguhin? Nakagawa ba kayo ng mga pagkakamaling kailangan pang itama?
Kung nakakaramdam kayo ng panunurot ng budhi o pagsisisi, kapaitan o galit, o kawalan ng pananampalataya, inaanyayahan ko kayong hanapin ang kapanatagan. Magsisi at talikuran ang inyong mga kasalanan. Pagkatapos, humingi ng tawad sa Diyos sa panalangin. Humingi ng tawad mula sa mga nagawan ninyo ng pagkakasala. Patawarin ang mga nagkasala sa inyo. Patawarin ang inyong sarili.
Magpunta sa bishop kung kailangan. Siya ang sugo ng awa ng Panginoon. Tutulungan niya kayo habang nagsisikap kayong maging malinis sa pamamagitan ng pagsisisi.
Isubsob ang inyong sarili sa pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Kapag ginawa ninyo ito, madarama ninyo ang nagpapabanal na impluwensya ng Espiritu. Sinabi ng Tagapagligtas, “Pabanalin ang inyong sarili; oo, dalisayin ang inyong mga puso, at linisin ang inyong mga kamay … sa harapan ko, upang akin kayong gawing malinis.”18
Kapag tayo ay nalinis ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala, nagiging tagapamagitan natin ang Tagapagligtas sa Ama, na nagsusumamong:
“Ama, masdan ang mga pagdurusa at ang kamatayan niya na walang ginawang kasalanan, na inyong lubos na kinalulugdan; masdan ang dugo ng inyong Anak na nabuhos, ang dugo niya na inyong ibinigay upang ang inyong sarili ay luwalhatiin;
“Kaya nga, Ama, iligtas ang mga kapatid kong ito na naniniwala sa aking pangalan, upang sila ay makaparito sa akin at magkaroon ng buhay na walang hanggan.”19
Bawat isa sa atin ay nabigyan ng kaloob na kalayaang moral. “Ang tao ay … malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa … kapangyarihan ng diyablo.”20
Ilang taon na ang nakalilipas ginamit ng kapatid ko ang kanyang kalayaan nang piliin niyang mamuhay sa paraang ang naging kapalit ay ang kanyang kalusugan, pamilya at pagiging miyembro sa Simbahan. Pagkaraan ng ilang taon, ginamit niya ang kalayaan ding iyon nang piliin niyang magsisi, iayon ang kanyang buhay sa mga turo ng Tagapagligtas, at literal na isilang na muli sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.
Pinatototohanan ko ang himala ng Pagbabayad-sala. Nakita ko na ang nagpapagaling na kapangyarihan nito sa buhay ng aking kapatid, at nadama ito sa sarili kong buhay. Ang nagpapagaling at nakatutubos na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ay para sa bawat isa sa atin—sa tuwina.
Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo—ang Manggagamot ng ating kaluluwa. Dalangin ko na bawat isa sa atin ay pipiliing tumugon sa paanyaya ng Tagapagligtas na, “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?”21 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.