2010–2019
Ang mga Salitang Sinasambit Natin
Abril 2013


10:23

Ang mga Salitang Sinasambit Natin

Ang pagsasalita natin sa ating mga anak at ang mga salitang sinasambit natin ay makahihikayat sa kanila at magpapasigla at magpapalakas sa kanilang pananampalataya.

Kamakailan ay nabalitaan ng isang bata pang ama ang pagpanaw ng kanyang napakahusay na guro sa grade two. Bilang pag-alaala sa kanya, isinulat niya: “Sa lahat ng damdamin at karanasang naaalala ko, ang nananaig sa aking isipan ay ang ‘kapanatagan.’ Maaaring naturuan niya ako ng ispeling, gramatika, at matematika, ngunit ang mas mahalaga ay naturuan niya akong magmahal noong bata pa ako. Sa kanyang klase, OK lang magkamali sa ispeling paminsan-minsan; ‘Pag-aaralan natin iyan,’ sasabihin niya. OK lang makatapon o makapunit o makamantsa; ‘Aayusin natin iyan at lilinisin,’ itutugon niya. OK lang sumubok, hamunin ang sarili, mangarap, at masiyahan sa mga bagay na hindi mahalaga na mga bata lang ang natutuwa.”

Ang isa sa pinakamalaking magagawa ng tao sa mundong ito ay ang impluwensyahan ang isang bata. Ang mga paniniwala at pagpapahalaga sa sarili ng mga bata ay nahuhubog nang maaga sa kanilang buhay. Lahat ng nakikinig sa aking sinasabi ay may kakayahang palakasin ang tiwala sa sarili at pananampalataya ng isang bata sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga salitang sinasambit nila.

Sa Helaman kabanata 5 mababasa natin, “At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan.”1

Ito ang mga salitang itinuro ni Helaman sa kanyang mga anak. At mababasa pa natin: “At natatandaan nila ang kanyang mga salita; at … sila ay humayo … upang ituro ang salita ng Diyos sa lahat ng tao.”2

Kahit inusig at ibinilanggo ang mga anak ni Helaman, kailanman ay hindi sila binigo ng mga salitang iyon na narinig nila. Sila ay naprotektahan at napaligiran ng isang haliging apoy. Pagkatapos ay narinig ang isang tinig, na nagsasabi sa mga humuli sa kanila:

“Magsisi kayo, at huwag nang hangarin pang patayin ang aking mga tagapaglingkod. …

“… Hindi ito tinig ng kulog, ni tunog man ng napakalakas na ingay, subalit masdan, ito ay tahimik na tinig nang ganap na kahinahunan, sa wari’y isang bulong, at ito ay tumagos maging sa buong kaluluwa.”3

Matututo tayo mula sa tinig na iyon na mula sa langit. Hindi iyon malakas, galit, o nanlalait; iyon ay isang banayad na tinig ng ganap na kahinahunan, na mahigpit na nagbibilin bagama’t nagbibigay ng pag-asa.

Ang pagsasalita natin sa ating mga anak at ang mga salitang sinasambit natin ay makahihikayat sa kanila at magpapasigla at magpapalakas sa kanilang pananampalataya na manatili sa landas pabalik sa Ama sa Langit. Pumaparito sila sa mundo na handang makinig.

Ang isang halimbawa ng batang nakikinig ay nangyari sa isang tindahan ng tela. Maraming namimili sa tindahan nang mapansin ng lahat na natataranta ang isang ina dahil nawawala ang kanyang anak. Sa simula, tinatawag niya ang pangalan nito. “Connor,” ang sinasabi niya habang mabilis niyang nililibot ang tindahan. Kalaunan, mas lumakas at mas nag-aalala na ang tinig niya. Hindi naglaon ipinaalam ito sa mga guwardiya ng tindahan, at lahat ng nasa tindahan ay tumulong sa paghahanap sa bata. Ilang minuto na ang lumipas pero hindi pa rin siya makita. Ang ina ni Connor, natural, ay lalo pang nag-alala sa paglipas ng oras at paulit-ulit na isinisigaw ang pangalan nito.

Naisip ng isang mamimili, matapos manalangin nang tahimik, na baka natatakot si Connor na marinig ang pagsigaw ng kanyang ina sa kanyang pangalan. Binanggit niya ito sa isa pang babaeng nakikihanap sa bata, at agad silang nagplano. Magkasama silang naglakad sa pagitan ng mga mesa ng tela, na inuulit nang mahina ang mga salitang, “Connor, kung naririnig mo ako, sabihin mo, ‘Narito po ako.’” Habang dahan-dahan silang naglalakad patungo sa likod ng tindahan na inuulit iyon, narinig nga nila ang kimi at mahinang boses na nagsasabing, “Narito po ako.” Nagtatago si Connor sa pagitan ng mga rolyo ng tela sa ilalim ng isang mesa. Iyon ay tinig ng ganap na kahinahunan na naghikayat kay Connor na tumugon.

Ipagdasal na Malaman ang mga Pangangailangan ng Isang Anak

Upang makapangusap sa puso ng isang bata, dapat nating malaman ang mga pangangailangan ng isang bata. Kung ipagdarasal nating malaman ang mga pangangailangang iyon, ang mga salitang sinasambit natin mismo ay maaaring makaantig sa kanilang puso. Madaragdagan ang ating mga pagsisikap kapag hinangad natin ang patnubay ng Espiritu Santo. Sinabi ng Panginoon:

“Sabihin ninyo ang mga bagay na ilalagay ko sa inyong mga puso, …

“Sapagkat ibibigay sa inyo sa mga oras na yaon, oo, sa sandali, kung ano ang inyong sasabihin.”4

Iwanan ang mga Electronic Device at Makinig nang May Pagmamahal

Ang nakalulungkot, hinahadlangan ng mga bagay ng mundong ito ang maraming bata na marinig ang mapanghikayat na mga salitang huhubog sa pananaw nila sa kanilang sarili.

Binanggit ni Dr. Neal Halfon, isang doktor na namamahala sa UCLA Center for Healthier Children, Families, and Communities, ang “kapabayaan ng mga magulang.” Isang halimbawa ang kinabibilangan ng isang batang 18-buwang gulang at kanyang mga magulang:

“‘Ang anak nila ay mukhang masaya, masigla at nakikipaglaro, maliwanag na natutuwa at kumakain ng pizza kasama ang kanyang mga magulang. … Pagkatapos ng hapunan, tumayo ang Nanay para gumawa ng ibang bagay, at pinaalagaan ang anak sa Tatay.’

“Ang Tatay … ay nagsimulang magbasa ng mga text sa cell phone habang pilit namang nagpapapansin ang anak sa pagbabato ng pira-pirasong pizza crust. Pagkatapos ay muling pinansin ng ama ang anak, at nakipaglaro dito. Subalit maya-maya, nanood naman ang ama ng video sa cell phone at hindi gaanong pinansin ang anak hanggang makabalik ang kanyang asawa.

“… Naobserbahan ni [Dr.] Halfon na parang malungkot ang bata, at nawalan ng koneksyon ang magulang at anak.”5

Ang sagot sa ating panalangin kung paano tutugunan ang mga pangangailangan ng ating mga anak ay maaaring ang hindi natin mas madalas na paggamit ng mga electronic device. Ang mahahalagang sandali ng pagkakataong makaugnayan at makausap ang ating mga anak ay naglalaho kapag abala tayo sa iba pang mga bagay. Bakit hindi kayo pumili ng oras sa isang araw na hindi kayo gagamit ng teknolohiya at mag-usap kayo nang personal? Patayin lang ang lahat ng electronic device ninyo. Kapag ginawa ninyo ito, ang inyong tahanan ay tila tahimik sa simula; maaaring hindi ninyo malaman ang gagawin o sasabihin. Pagkatapos, kapag lubos na kayong nakatuon sa inyong mga anak, makakapag-usap na kayo, at masaya kayong makikinig sa isa’t isa.

Sumulat upang Hikayatin ang Ating mga Anak

Maiimpluwensyahan natin ang ating mga anak sa mga salitang isinusulat natin sa kanila. Isinulat ni Nephi, “Sapagkat masigasig kaming gumagawa upang makasulat, upang hikayatin ang ating mga anak … na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos.”6

Ikinuwento ni Pangulong Thomas S. Monson ang karanasan ni Jay Hess, isang sundalong piloto na napabagsak sa North Vietnam noong 1960s: “Sa loob ng dalawang taon walang ideya ang kanyang pamilya kung patay o buhay pa siya. Kalaunan ay pinayagan siya ng mga bumihag sa kanya sa Hanoi na sulatan ang kanyang pamilya ngunit wala pang 25 salita ang pinayagang isulat niya sa kanyang mensahe.” Itinanong ni Pangulong Monson: “Ano kaya ang sasabihin natin sa ating mga pamilya kung nasa gayundin tayong kalagayan—na hindi sila nakita nang mahigit dalawang taon at hindi natin alam kung muli pa natin silang makikita? Upang maipaalam na siya nga ang sumulat sa kanyang pamilya at makapagbigay rin ng mahalagang payo sa kanila, isinulat ni Brother Hess [ang sumusunod na mga salita]: ‘Ang mga bagay na ito ang mahalaga: kasal sa templo, misyon, kolehiyo. Magpatuloy, magtakda ng mga mithiin, magsulat ng kasaysayan, magpakuha ng letrato dalawang beses isang taon.’”7

Ano ang isusulat ninyo sa inyong mga anak kung mayroon lang kayong 25 salita o wala pa?

Ang ikinuwento kong ama kanina, na isinulat ang mga alaala niya tungkol sa kanyang guro sa grade two, ay nagpapalaki ngayon ng isang magandang anak na babae. Nadarama niya ang pagtitiwala sa kanya ng langit. Paglaki ng anak, ano ang magiging kinabukasan niya? Ano ang sasabihin ng ama na titimo nang husto sa kanyang puso? Anong mga salita ang maghihikayat, magpapasigla, at tutulong sa kanya na manatili sa tamang landas? May kaibhan ba kung mag-ukol siya ng panahon na ibulong ang, “Ikaw ay anak ng Diyos”? Maaalala ba niya balang-araw na madalas sabihin ng kanyang ama ang mga salitang, “Gusto ko ang lahat ng tungkol sa iyo”?

Hindi ba’t iyan ang sinabi ng ating Ama sa Langit sa Kanyang Anak at sa ating lahat nang sabihin Niyang, “Ito ang sinisinta kong Anak” at idinagdag pang, “na siya kong lubos na kinalulugdan”?8

Nawa’y madama sa mga salitang sinasambit at isinusulat natin sa ating mga anak ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa atin. Pagkatapos ay maaari tayong tumigil para makinig, dahil ang isang bata ay may kakayahang mangusap ng dakila at kamangha-manghang mga bagay. Sinasabi ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.