2010–2019
Pangkalahatang Kumperensya: Nagpapalakas ng Pananampalataya at Patotoo
Oktubre 2013


15:50

Pangkalahatang Kumperensya: Nagpapalakas ng Pananampalataya at Patotoo

Ah, talagang kailangan natin ang pangkalahatang kumperensya! Sa mga kumperensya ang ating pananampalataya ay tumatatag at ang ating patotoo ay lumalalim.

Salamat po, Pangulong Monson, sa iyong pagtuturo at halimbawa ng paglilingkod na tulad ni Cristo at sa utos ninyo na kaming lahat ay maging mga missionary. Ipinagdarasal ka namin sa tuwina.

Sa ating dispensasyon, ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay nagsabi na ang pagtitipon ng mga Banal ay “aking pangkalahatang kumperensya.”1

Saan man tayo naroroon sa mundong ito, paano man natin natatanggap ang mga kaganapang ito, nagpapatotoo ako na natitipon tayo sa Kanyang pagpupulong. Nagpapatotoo rin ako na maririnig natin ang Kanyang salita, sapagkat sinabi Niya, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”2

Ang mga kumperensya ay bahagi na noon pa man ng totoong Simbahan ni Jesucristo. Tinipon ni Adan ang kanyang mga inapo at nagpropesiya hinggil sa mga bagay na darating. Tinipon ni Moises ang mga anak ni Israel at itinuro sa kanila ang mga kautusan na natanggap niya. Ang Tagapagligtas ay nagturo sa mga taong nagtipon kapwa sa Banal na Lupain at sa kontinente ng Amerika. Tinipon ni Pedro ang mga naniniwala sa Jerusalem. Ang unang pangkalahatang kumperensya sa mga huling araw ay idinaos dalawang buwan pagkatapos maorganisa ang Simbahan at nagpapatuloy ito hanggang sa araw na ito.

Ang mga kumperensyang ito ay palaging ayon sa patnubay ng Panginoon, sa paggabay ng Kanyang Espiritu.3 Hindi kami binibigyan ng partikular na mga paksa. Sa paglipas ng mga linggo at buwan, kadalasan hindi makatulog sa gabi, hinihintay namin ang Panginoon. Sa pag-aayuno, panalangin, pag-aaral, at pagninilay, nalalaman namin ang mensaheng nais Niyang ibigay namin.

Maaaring naitatanong ng ilan, “Bakit hindi mas madali at mabilis ang pagdating ng inspirasyon?” Itinuro ng Panginoon kay Oliver Cowdery, “Kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama.”4 Ang mga mensahe sa kumperensya ay napapasaamin matapos ang mapanalanging paghahanda, sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ang prinsipyong ito ay totoo sa lahat ng miyembro ng Simbahan habang nakikilahok tayo sa ward, stake, at mga pangkalahatang kumperensya. Pinag-aaralan natin sa ating isipan ang kailangan natin at hangad mula sa Ama sa Langit, at nananalangin tayo na maunawaan at maipamuhay ang itinuturo sa atin. Sa pagsapit ng kumperensya, isinasakripisyo natin ang iba pang mga aktibidad, “isinasantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, [upang] hangarin ang mga bagay na mas mabuti.”5 At tinitipon natin ang ating pamilya para pakinggan ang salita ng Panginoon, gaya ng mga tao noon ni Haring Benjamin.6

Ibig ng mga bata at kabataan na kabilang sila. Malaking pagkakamali kung inaakala natin na ang kumperensya ay lampas sa kayang unawain ng kanilang kaisipan at madama ng kanilang espiritu. Sa mga batang miyembro ng Simbahan, nangangako ako na kung makikinig kayo, madarama ninyo ang Espiritu na nag-uumapaw sa inyong kalooban. Sasabihin ng Panginoon sa inyo ang nais Niyang gawin ninyo.

Sa mga kumperensya matatanggap natin ang salita ng Panginoon na nakalaan para sa atin. Isang miyembro ang nagpatotoo: “Habang nakikinig po ako sa inyong mensahe, namangha po ako. … Ang inyong mensahe ay personal na paghahayag na direktang mula sa Panginoon para sa aking pamilya. Sa mga sandaling iyon na direktang nangusap sa akin ang Espiritu Santo noon ko lang nadama nang gayon kalakas ang pagpapamalas ng Espiritu sa aking buhay.”

Sinabi ng isa pa, “Hindi ko kailanman nadama nang ganoon kataimtim na ang isang mensahe ay ibinibigay sa akin.”

Posible ito dahil ang Espiritu Santo ang naghahatid ng salita ng Panginoon sa ating puso sa paraan na mauunawaan natin.7 Kapag nagsusulat ako ng mga tala sa kumperensya, hindi ko palaging naisusulat nang eksakto ang sinasabi ng tagapagsalita; ang isinusulat ko ay ang personal na direksyon na ibinibigay sa akin ng Espiritu.

Ang sinasabiay hindi kasing-halaga ng naririnig at nadarama natin.8 Iyan ang dahilan kaya sinisikap nating damhin ang kumperensya sa isang kapaligiran kung saan ang munting banayad na tinig ng Espiritu ay malinaw na maririnig, madarama, at mauunawaan.

Ah, talagang kailangan natin ang pangkalahatang kumperensya! Sa mga kumperensya ang ating pananampalataya ay tumatatag at ang ating patotoo ay lumalalim. At kapag nagbagong-loob tayo, pinalalakas natin ang isa’t isa upang matatag na makatayo sa gitna ng nag-aapoy na mga sibat ng mga huling araw na ito.9

Sa nakaraang ilang dekada hindi ipinadanas sa Simbahan ang maling pagkaunawa ng mga tao rito at pang-uusig na naranasan ng mga Banal noong una. Hindi palaging gayon ang mangyayari. Ang mundo ay mas mabilis na lumalayo sa Panginoon higit kailanman. Ang kaaway ay pinakawalan sa lupa. Ating pinanonood, pinakikinggan, binabasa, pinag-aaralan, at ibinabahagi ang mga salita ng mga propeta upang mabigyang babala at maprotektahan tayo. Halimbawa, “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay ibinigay bago pa man natin maranasan ang mga hamon na kinakaharap ngayon ng pamilya. “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” ay inihanda noon pa bago pa natin ito kinailangang mabuti.

Maaaring hindi natin alam ang lahat ng dahilan kung bakit ang mga propeta at tagapagsalita sa kumperensya ay nakatuon sa partikular na mga paksa, ngunit alam ito ng Panginoon. Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee: “Ang tanging kaligtasan natin ngayon bilang mga miyembro ng simbahang ito ay … makinig sa mga salita at kautusan na ibibigay ng Panginoon sa Kanyang propeta… May ilang bagay na mangangailangan ng pagtitiis at pananampalataya. Maaaring hindi ninyo magustuhan ang nagmumula sa awtoridad ng Simbahan. Maaaring salungat ito sa [sarili ninyong] pananaw. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa lipunan. Maaaring humadlang ito sa inyong pakikisalamuha. Ngunit kung pakikinggan ninyo ang mga bagay na ito, na tila nagmula mismo sa bibig ng Panginoon, nang may pagtitiis at pananampalataya, ang pangako ay na ‘ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; … at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan’ (D at T 21:6).”10

Paano nalaman ni Pangulong Lee ang makakaharap natin sa ating panahon? Nalaman niya dahil siya ay isang propeta, tagakita, at tagapaghayag. At kung pakikinggan at susundin natin ang mga propeta ngayon, pati na ang mga magsasalita sa kumperensyang ito, tayo ay lalakas at mapoprotektahan.

Ang pinakamalaking mga pagpapala ng pangkalahatang kumperensya ay dumarating sa atin pagkatapos ng kumperensya. Alalahanin ang huwaran na madalas na nakatala sa banal na kasulatan: nagtitipon tayo para pakinggan ang mga salita ng Panginoon, at bumabalik tayo sa ating mga tahanan upang ipamuhay ang mga ito.

Matapos turuan ni Haring Benjamin ang kanyang mga tao, “pinauwi na niya ang maraming tao, at sila ay nagsiuwi, bawat isa, alinsunod sa kanilang mga mag-anak, sa kani-kanilang tahanan.”11 Noong kanyang kapanahunan, gayundin ang ginawa ni Haring Limhi.12 Pagkatapos turuan at paglingkuran ang mga tao na nasa templo sa lupaing Masagana, sinabihan ng Tagapagligtas ang mga tao na, “Magsiuwi kayo sa inyong mga tahanan, at bulay-bulayin ang mga bagay na aking sinabi, at tanungin ang Ama, sa aking pangalan, upang kayo’y makaunawa, at ihanda ang inyong mga isip para sa kinabukasan, at ako ay paparitong muli sa inyo.”13

Tinatanggap natin ang paanyaya ng Tagapagligtas kapag tayo ay nagbubulay at nagdarasal upang maunawaan ang itinuro sa atin at pagkatapos ay hahayo at gagawin ang Kanyang kalooban. Alalahanin ang mga salita ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Nagpasiya na ako na kapag umuwi ako mula dito sa [pangkalahatang] kumperensya na ito … napakaraming aspeto sa buhay ko ang maaari kong gawing perpekto. Nakalista na ito sa isipan ko, at umaasa akong makapagtrabaho kaagad pagkatapos na pagkatapos natin.”14 Sinabi ni Pangulong Monson kamakailan: “Hinihikayat ko kayong basahin … ang mga mensahe at pag-isipang mabuti ang laman ng mga ito. Napag-alaman ko mula sa sarili kong karanasan na higit pa akong natututo mula sa mga inspiradong mensaheng ito kapag pinag-aaralan ko pa ito nang mas mabuti.”15

Bukod sa personal at pampamilyang pag-aaral ng banal na kasulatan, nais ng Ama sa Langit na regular nating pag-aralan at isabuhay ang natutuhan natin sa kumperensya. Nagpapatotoo ako na ang mga nagtitiwala sa Panginoon at nakikinig sa payong ito nang may pananampalataya ay magkakaroon ng malaking kalakasan upang pagpalain ang kanilang sarili at kanilang mga pamilya sa susunod na mga henerasyon.

Ang Ama sa Langit ay naglaan ng paraan. Sa kumperensyang ito, 97 porsiyento ng Simbahan ang makaririnig sa mga mensaheng ito sa kanilang sariling wika. Milyun-milyong miyembro sa 197 mga bansa ang manonood sa kumperensyang ito sa 95 wika. Sa loob lamang ng dalawa o tatlong araw ang mga mensahe ay makikita na sa LDS.org sa Ingles, at sa loob ng isang linggo ang mga ito ay makukuha na sa 52 wika. Ngayon natatanggap natin ang nakalimbag na mga magasin ng Simbahan sa loob lamang ng tatlong linggo pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya. Hindi na tayo naghihintay ng ilang buwan para dumating ang mga mensahe sa koreo. Sa isang computer, phone, o iba pang electronic device, maaari nating mabasa, mapakinggan, mapanood, at maibahagi ang mga turo ng mga propeta. Anumang oras, saan mang lugar, mapapalawak natin ang ating kaalaman, mapatatatag ang ating pananampalataya at patotoo, mapoprotektahan ang ating mga pamilya, at ligtas silang maaakay pauwi.

Ang mga mensahe ng kumperensyang ito ay mailalangkap din sa online na kurikulum ng kabataan. Mga magulang, maaari ninyong ma-access ang mga aralin para sa kabataan sa LDS.org. Alamin kung ano ang pinag-aaralan ng inyong mga anak, at gawin itong paksa ng sarili ninyong pag-aaral, mga talakayan ng pamilya, mga family home evening, family council, at personal na interbyu sa inyong mga anak.

Hinihikayat ko ang lahat ng miyembro na gamitin ang resources sa mga website ng Simbahan at mga mobile app. Patuloy na pinagaganda ang mga ito upang maging mas madaling gamitin at maging mas akma sa ating buhay. Sa LDS.org makikita ninyo ang resources na tutulong sa inyo na pag-aralan ang ebanghelyo, patatagin ang inyong tahanan at pamilya, at maglingkod sa inyong tungkulin. Mahahanap din ninyo ang inyong mga ninuno na nangangailangan ng mga ordenansa ng templo at ng resources para suportahan kayo sa gawain ng kaligtasan, pati na ang pagbabahagi ng ebanghelyo. Ang mga magulang ay maaaring manguna sa paghahanda ng kanilang mga anak para sa binyag, sa priesthood, at sa full-time mission. Matutulungan tayo ng mga ito na lumakad sa tuwid at makipot na landas ng mga ordenansa at tipan ng templo at maging marapat sa pagpapala ng buhay na walang-hanggan.

Sa kumperensya noong Abril, sa pangkalahatang miting ng priesthood, binanggit ko ang tungkol sa tatay ko na nagdrowing ng isang mandirigma na may suot na baluti upang ituro sa akin ang tungkol sa baluti ng Diyos at ang espirituwal na proteksyong hatid nito.

Pagkatapos ng sesyon, sinabi ng isang ama sa kanyang pamilya ang natutuhan niya. Dahil nabigyang-inspirasyon, ang bunso nilang anak na si Jason ay naghanap sa LDS.org para mapakinggan niya mismo ang mensahe. Makalipas ang ilang araw dumalo siya sa family home evening para ibahagi ang lesson sa kanyang mga kapatid. Heto siya.

Jason

Isang simpleng mensahe sa kumperensya, na binigyang-inspirasyon ng Panginoon, natanggap ng isang bata, ang itinuro sa isang pamilya sa personal at mabisang paraan. Gustung-gusto ko ang kanyang baluti sa dibdib ng kabutihan. Gusto ko ang kanyang kalasag ng pananampalataya na humaharang sa nag-aapoy na sibat ng kaaway. Ito ang mga pagpapala ng kumperensya.

Mga kapatid ko, ibinibigay ko ang natatangi kong patotoo na ang Panginoong Jesucristo ay buhay at Siya ang pinuno ng Simbahang ito. Ito ay Kanyang pangkalahatang kumperensya. Ipinapangako ko sa inyo sa Kanyang pangalan na kung mananalangin kayo nang may taimtim na hangaring marinig ang tinig ng inyong Ama sa Langit sa mga mensahe sa kumperensyang ito, matutuklasan ninyo na nagsalita Siya sa inyo para tulungan kayo, para palakasin kayo, at akayin kayo pauwi sa Kanyang piling. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.