Parang Basag na Sisidlan
Paano kayo pinakamainam na makatutugon kapag kayo o ang mga mahal ninyo sa buhay ay nakararanas ng matinding depresyon?
Isinulat ni Apostol Pedro na ang mga disipulo ni Jesucristo ay dapat maging “madamayin.”1 Sa diwang iyan nais kong magsalita sa mga taong may karamdaman sa isip o damdamin, bahagya man ito o malubha, sa loob ng maikling panahon o habambuhay. Nauunawaan natin ang pagkakumplikado ng ganitong mga bagay kapag naririnig nating nagsasalita ang mga doktor tungkol sa neuroses at psychoses, genetic predisposition at mga depekto sa chromosome, tungkol sa bipolarity, paranoia, at schizophrenia. Gayunpaman, kahit nakakabalisa ang lahat ng ito, ang mga karamdamang ito ay ilan sa mga katotohanan ng mortal na buhay, at hindi dapat ikahiyang aminin ang mga ito katulad ng pag-amin sa pakikibaka sa alta-presyon o sa biglang pagkakaroon ng isang nakamamatay na tumor.
Sa pagpupunyaging magkaroon ng kaunting kapayapaan at pag-unawa sa mahihirap na bagay na ito, mahalagang tandaan na nabubuhay tayo—at pinili nating mabuhay—sa isang mundong puno ng kasalanan kung saan dahil sa mga banal na layunin ay paulit-ulit na susubukan at patutunayan ang ating pagsisikap na maging banal. Ang malaking katiyakan sa plano ng Diyos ay ang ipinangakong isang Tagapagligtas, isang Manunubos, na sa pamamagitan ng pananampalataya natin sa Kanya ay matagumpay nating malalagpasan ang mga pagsubok na iyon, bagama’t hindi lubos na maarok ng isipan natin ang Ama na nagsugo sa Kanya at ang Anak na pumarito. Tanging sa pagpapahalaga sa banal na pagmamahal na ito natin makakayanan ang mas magaan nating pagdurusa, pagkatapos ay mauunawaan na natin ito, at sa huli ay matutubos tayo.
Iiwanan ko muna ang mga pambihirang karamdamang nabanggit ko at magtutuon ako sa MDD—“major depressive disorder”—o, mas karaniwang tinatawag na, “depresyon.” Nang banggitin ko ito, hindi ko tinutukoy ang di-magagandang araw, tax deadline, o iba pang nakapanghihina ng loob na mga sandali na nararanasan nating lahat. Lahat ay nakararanas ng pag-aalala o panghihina ng loob paminsan-minsan. Ayon sa Aklat ni Mormon nalungkot si Ammon at ang kanyang mga kapatid sa isang napakahirap na sandali,2 at maaari din tayong magkagayon. Ngunit ngayon ay mas mahirap pa ang sinasabi ko, tungkol sa napakatitinding karamdamang lubhang nakakapigil sa kakayahan ng isang tao na lubusang kumilos, tungkol sa nagdidilim na isipan na napakalalim kaya walang makapagsabi na lilipas din ito kung magiging determinado lang ang mga biktimang iyon at mag-iisip nang mas positibo—bagama’t matindi kong hinihikayat ang pagiging determinado at pag-iisip nang positibo!
Hindi, ang pagdilim ng isipan at diwang ito ay higit pa sa panghihina ng loob. Nakita ko na ito sa isang napakabait na lalaki nang pumanaw ang pinakamamahal niyang asawa na 50 taon niyang nakasama. Nakita ko na ito sa kapapanganak na mga ina na may tinatawag na “after-baby blues” o lungkot pagkatapos manganak. Nakita ko na itong umatake sa nag-aalalang mga estudyante, beteranong sundalo, at mga lola na nag-aalala sa kapakanan ng matatanda na nilang anak.
At nakita ko na ito sa mga bata pang ama na nagsisikap itaguyod ang kanilang pamilya. Hinggil dito nakakatakot na minsan ko nang nakita ito sa sarili ko. Minsan sa buhay naming mag-asawa nang magsabay ang takot na mawalan ng ikabubuhay at matinding pagod, nakadama ako ng sobrang depresyon na hindi inaasahan ngunit totoo. Sa awa ng Diyos at sa pagmamahal ng pamilya ko, patuloy akong kumilos at nagtrabaho, at kahit lumipas na ang mga taon patuloy ang lubos kong pakikidalamhati sa iba na nakakaranas ng paulit-ulit o mas matinding depresyon kaysa sa akin noon. Ano’t anuman tayong lahat ay nakakakuha ng lakas ng loob mula sa mga tao na, ayon sa mga salita ni Propetang Joseph, ay “[sinaliksik] at [pinag-aralan] ang pinakamadilim na kailaliman”3 at nalagpasan iyon—kabilang na sina Abraham Lincoln at Winston Churchill, at si Elder George Albert Smith, na isa sa mga taong napakagiliw at may katangiang katulad ng kay Cristo sa ating dispensasyon, na nilabanan ang pabalik-balik na depresyon nang ilang taon bago naging ikawalong propeta at Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na pinakamamahal ng lahat.
Kaya paano kayo pinakamainam na makatutugon kapag kayo o ang mga mahal ninyo sa buhay ay nakararanas ng matinding depresyon? Higit sa lahat, huwag mawalan ng pananampalataya sa inyong Ama sa Langit, na nagmamahal sa inyo nang higit pa sa kaya ninyong maunawaan. Tulad ng nakaaantig na sinabi ni Pangulong Monson sa kababaihan ng Relief Society noong Sabado ng gabi: “Ang pagmamahal na iyan ay hindi nagbabago. … Nariyan ito para sa inyo kapag malungkot o masaya kayo, nasisiphayo o umaasa. Ang pagmamahal ng Diyos ay nariyan para sa inyo kayo man ay marapat o hindi marapat [dito]. Basta nariyan lang ito palagi.”4 Huwag na huwag ninyo itong pagdudahan, at huwag ninyong tigasan ang puso ninyo. Tapat na ipagpatuloy ang mabubuting gawain na naghahatid ng Espiritu ng Panginoon sa inyong buhay. Humingi ng payo sa mga mayhawak ng mga susi para sa inyong espirituwal na kapakanan. Humingi ng mga basbas ng priesthood at pahalagahan ito. Makibahagi sa sakramento linggu-linggo, at kumapit nang mahigpit sa nakasasakdal na mga pangako ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Maniwala sa mga himala. Nakita ko nang dumating ang napakarami sa mga ito nang lahat ay nagpapahiwatig na wala nang pag-asa. Ang pag-asa ay hindi kailanman mawawala. Kung hindi man dumating kaagad o nang lubusan o hindi na talaga dumating ang mga himalang iyon, alalahanin ang sariling halimbawa ng pagdurusa ng Tagapagligtas: kung hindi lumampas ang mapait na saro, inumin ito at maging matatag, na nagtitiwalang darating ang mas masasayang araw.5
Sa pag-iwas na magkasakit hangga’t maaari, bantayan ang mga stress indicator sa inyong sarili at sa iba na maaari ninyong tulungan. Tulad sa inyong sasakyan, maging alisto sa pag-init ng temperatura, sobrang bilis ng takbo, o tangkeng paubos na ang gasolina. Kapag nakakaranas kayo ng “depresyon dahil sa pagod,” baguhin ang kailangang baguhin. Pagod ang karaniwang kalaban nating lahat—kaya maghinay-hinay, magpahinga, magpalakas, at kumain. Binalaan tayo ng mga doktor na kung hindi tayo magpapahinga, tiyak na magkakasakit tayo.
Kung patuloy na nakadarama ng depresyon, humingi ng payo sa mahuhusay na tao na may sertipiko sa pagsasanay, propesyonal, at mabubuti ang pinahahalagahan. Maging tapat sa kanila tungkol sa nangyayari sa inyo at mga paghihirap ninyo. Mapanalangin at responsableng pag-isipan ang payo at mga solusyong ibinibigay nila. Kung kayo ay may apendisitis, aasahan ng Diyos na magpapabasbas kayo sa priesthood at magpapagamot sa pinakamahusay na doktor. Gayon din sa depresyon o emotional disorder. Inaasahan ng ating Ama sa Langit na gagamitin natin ang lahat ng magagandang kaloob na ibinigay Niya sa dakilang dispensasyong ito.
Kung kayo ang maysakit o tagapag-alaga nila, sikaping hindi manghina sa bigat ng inyong gawain. Huwag isipin na kaya ninyong ayusin ang lahat, ayusin lamang ang kaya ninyo. Kung maliliit na tagumpay lang iyon, magpasalamat para dito at maging matiyaga. Ilang beses sa banal na kasulatan, inutusan ng Panginoon ang isang tao na “tumayo nang hindi natitinag” o “mapanatag”—at maghintay.6 Ang matiyagang pagtitiis sa ilang bagay ay bahagi ng pagkatuto natin sa buhay na ito.
Para sa mga tagapag-alaga, sa inyong tapat na pagsisikap na tumulong sa kalusugan ng iba, huwag pabayaan ang sarili ninyong kalusugan. Maging matalino sa lahat ng ito. Huwag tumakbo nang mas mabilis kaysa kaya ng inyong lakas.7 Anuman ang kaya o hindi ninyo kayang ibigay, makapag-aalay kayo ng mga panalangin at makapagbibigay ng “pagibig na hindi pakunwari.”8 “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtitiis nang matagal, at mabait; … binabata [nito] ang lahat ng bagay, … umaasa sa lahat ng bagay, nagtitiis sa lahat ng bagay. Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man.”9
Tandaan din natin na sa kabila ng anumang sakit o mabigat na pagsubok, marami pa rin tayong aasamin at pasasalamatan sa buhay. Talagang nakahihigit tayo sa ating mga limitasyon o ating mga karamdaman! Si Stephanie Clark Nielson at kanyang pamilya ay mahigit 30 taon na naming kaibigan. Noong Agosto 16, 2008, bumagsak ang eroplanong sinasakyan ni Stephanie at ng kanyang asawang si Christian at nasunog ito na lumapnos sa buong katawan niya at tanging mga kuko na lang niya sa paa ang makikilala nang dumating ang kanyang mga kapamilya upang kilalanin ang mga biktima. Halos wala nang pag-asang mabubuhay pa si Stephanie. Pagkaraan ng tatlong buwan na pinatulog siya at walang-malay, nagising siya at nakita ang sarili. Dahil diyan, nakadama siya ng matinding kalungkutan at depresyon sa pagkasunog ng kanyang balat. May apat na anak na wala pang pitong taong gulang, ayaw ni Stephanie na makita pa siya ng mga ito kailanman. Mas gusto pa niyang mamatay. “Akala ko mas madali,” sinabi minsan ni Stephanie sa akin, “kung kalimutan na lang nila ako at unti-unti akong maglaho sa buhay nila.”
Ngunit para maging karapat-dapat siya sa kawalang-hanggan, at sa pagdarasal ng kanyang asawa, pamilya, mga kaibigan, apat na magagandang anak, at ng ikalimang isinilang sa mga Nielson 18 buwan pa lamang ang nakararaan, nalampasan ni Stephanie ang kailaliman ng pagkawasak upang mapabilang sa pinakabantog na “mommy bloggers” sa bansa, na hayagang sinasabi sa apat na milyong tao na nagbabasa ng kanyang blog na ang kanyang “banal na layunin” sa buhay ay maging isang ina at pahalagahan ang bawat araw na ibinigay sa kanya sa magandang daigdig na ito.
Anuman ang inyong paghihirap, mga kapatid—sa isipan man o sa damdamin o sa katawan o anuman—huwag piliing wakasan ang napakahalagang buhay! Magtiwala sa Diyos. Mananganan nang mahigpit sa Kanyang pagmamahal. Dapat ninyong malaman na balang-araw ay magbubukang-liwayway at maglalaho ang lahat ng pasakit sa mortalidad. Bagama’t maaari nating madama na tayo ay “parang basag na sisidlan,” tulad ng sabi ng Mang-aawit,10 dapat nating tandaan, ang sisidlang iyan ay nasa mga kamay ng banal na magpapalayok. Ang mga isipang nagkalamat ay mapapagaling na katulad ng mga baling buto at durog na puso. Bagama’t pinagagaling ng Diyos ang mga iyon, makatutulong ang iba sa atin sa pagiging maawain, hindi mapanghusga, at mabait.
Pinatototohanan ko ang banal na Pagkabuhay na Mag-uli, ang di-masambit na kaloob na bato sa panulok sa Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo! Kasama si Apostol Pablo, pinatototohanan ko na ang itinanim na may kasiraan ay ibabangon balang-araw na walang kasiraan at ang itinanim na may kahinaan ay ibabangon sa huli na may kapangyarihan.11 Pinatototohanan ko ang araw na iyon kung saan ang ating mga mahal sa buhay na alam nating may mga kapansanan sa mortalidad ay tatayo sa ating harapan na niluwalhati at maringal, sakdal-ganda sa katawan at isipan. Napakasaya ng sandaling iyon! Hindi ko alam kung magiging mas masaya tayo para sa ating sarili na nasaksihan natin ang gayong himala o mas masaya tayo para sa kanila na ganap na perpekto at “malaya na rin sa wakas.”12 Hanggang sa oras na iyon na makita nating lahat ang lubos na kaloob ni Cristo, nawa’y mamuhay tayo sa pananampalataya, mahigpit na nakakapit sa pag-asa, at magpakita ng “[pagdamay sa isa’t isa],”13 ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.