“Paalala tungkol sa Sources,” Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 4, Mapakinggan ng Bawat Tainga, 1955-2020 (2024)
“Paalala tungkol sa Sources,” Mga Banal, Tomo 4
Paalala tungkol sa Sources
Ang tomong ito ay isang likhang pasalaysay na hindi kathang-isip na batay sl/a mahigit limandaang mapagkukunan o sources ng kasaysayan. Lubos na pag-iingat ang isinagawa upang matiyak ang katumpakan nito. Gayunpaman, hindi dapat kaagad ipagpalagay ng mga mambabasa na ang salaysay na ipinapakita rito ay ganap o kumpleto. Ang mga talaan ng nakaraan, at ang ating kakayahan na maipaliwanag ang mga ito sa kasalukuyan, ay limitado.
Lahat ng mga pinagkunan ng kaalamang pangkasaysayan ay naglalaman ng mga laktaw, kalabuan, at pagkikiling. Madalas ipahayag ng mga ito ang pananaw ng mga lumikha nito, at ang mga saksi sa mga pangyayaring iyon ay ginunita, binigyang-kaliwanagan, at itinala ang mga ito sa magkakaibang paraan. Ang hamon sa mananalaysay ay tipunin ang mga kilalang pananaw at pagtagpi-tagpiin ang isang tumpak na pag-unawa sa nakaraan.
Ang Mga Banal ay isang tunay na kuwento ng kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, batay sa ating nalalaman at nauunawaan sa kasalukuyan mula sa mga nanaig na talaan ng kasaysayan. Hindi ito isang komprehensibong kasaysayan, ni hindi ito ang tanging posibleng salaysay ng sagradong kasaysayan ng Simbahan. Subalit lubos na kinilala ng mga iskolar na nagsaliksik, sumulat, at namatnugot ng tomong ito ang mga sources ng kasaysayan, pinag-isipang mabuti ang paggamit sa mga ito, at itinala ang mga ito sa mga endnote at listahan ng mga pinagkunan na binanggit. Inaanyayahan ang mga mambabasa na timbangin sa kanilang sarili ang mga sources, na karamihan ay ginawa nang digital at naka-link sa mga endnote. Maaaring ang pagtuklas ng mga karagdagang sources, o mga bagong babasahin tungkol sa mga umiiral na mga sanggunian, sa paglipas ng panahon ay magbibigay ng mga ibang kahulugan, interpretasyon, at posibleng punto de bista.
Ang salaysay sa Mga Banal ay nagbatay sa dalawang uri ng pinagkukunang pangkasaysayan: pangunahin at pangalawa. Ang mga pangunahing mapagkukunan ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga pangyayari mula sa mga mismong taong nakasaksi ng mga ito. Ang ilang mga pangunahing sources, tulad ng mga liham at journal, ay isinulat noong mismong panahon ng mga pangyayaring inilalarawan nito. Mababanaag sa mga kontemporaryong pinagkukunan ang naisip, nadama, at ginawa ng mga tao sa sandaling iyon, inihahayag kung paano nailarawan ang nakaraan noong kasalukuyan pa ito. Ang iba pang mga pangunahing mapagkukunan, tulad ng talambuhay, ay isinulat matapos ang mga pangyayari. Inilahad ng mga nakapagpapaalaalang babasahing ito kung ano ang kahulugan ng nakaraan sa manunulat sa paglipas ng panahon, madalas na nagiging mas maigi kung ihahambing sa mga kasalukuyang pinagkukunan sa pagkilala sa kahalagahan ng mga nakaraang pangyayari. Dahil umaasa sila sa alaala, gayunman, ang mga nakapagpapaalaalang mapagkukunan ay maaaring maglaman ng mga kamalian at maiimpluwensiyahan ng kalaunang pang-unawa at paniniwala ng may-akda.
Ang mga pangalawang pinagkukunan ng kasaysayan ay naglalaman ng mga impormasyon mula sa mga taong hindi mismo nakasaksi ng mga pangyayaring inilarawan. Kasama ng mga ganitong pinagkukunan ay mga kalaunang kasaysayan ng mga pamilya at pang-akademikong gawain. Lubos na pinasasalamatan ng tomong ito ang maraming ganitong uri ng mga pinagkukunan, na naging kapaki-pakinabang para sa mas malawak na kontekstuwal at nagpapaliwanag na gawaing kanilang ibinigay. Gayunpaman, hindi ineendorso ng Simbahan ang lahat ng mga opinyon ng mga awtor na kung saan ang kanilang mga tinig ay matatagpuan sa mga endnote ng Mga Banal.
Ang bawat pinagkukunan sa Mga Banal ay sinuri para sa kredibilidad, at ang bawat pangungusap ay paulit-ulit na sinuri upang masigurong nakaayon sa mga pinagkukunan. Ang mga linya ng mga diyalogo at iba pang mga sipi ay nagmula mismo sa mga makasaysayang pinagkukunan. Ang pagbabaybay, pagsulat sa malaking titik, at pagbabantas sa mga tuwirang sipi ay tahimik na ginawang makabag nang hindi ipinababatid sa mambabasa upang maging malinaw. Sa ilang mga pagkakataon, ang mga mas makabuluhang pagbabago, tulad ng pag-iiba-iba mula sa pangnagdaang panahunan patungo sa pangkasalukuyan o pagsunod sa pamantayan ng balarila, ay isinagawa sa mga sipi upang mas madaling basahin ang mga ito. Sa ganitong mga sitwasyon, inilalarawan ng mga endnote ang mga pagbabagong ginawa. Ang mga pagpipili sa mga pinagkukunan na gagamitin at kung paano gagamitin ang mga ito ay ginawa ng isang pangkat ng mga mananalaysay, manunulat, at mga patnugot na nagbatay ng mga desisyon kapwa sa katapatan sa kasaysayan at kalidad ng panitikan.
Habang ang kuwento ng Simbahan ay nagiging mas laganap sa buong mundo, lalong umaasa ang Mga Banal sa mga mapagkukunang sources sa mga wika maliban sa Ingles. Kung minsan, ang mga manunulat ng tomong ito ay umaasa sa boluntaryo o pagsasalin gamit ang kompyuter upang malikha ang salaysay. Lahat ng sipi mula sa mga isinaling sources ay mula sa mga propesyonal na tagapagsalin.
Ilang kumakalabang pinagkukunan ay ginamit upang isulat ang tomong ito at binanggit sa mga tala. Bagama’t sumasalungat sa Simbahan, ang mga dokumentong ito ay naglalaman kung minsan ng mga detalye na hindi naitala kahit saan. Ang ilan sa mga detalyeng ito ay ginamit nang makumpirma ng iba pang talaan ang kanilang pangkalahatang katumpakan. Ang mga katotohanan mula sa mga kumakalabang talaang ito ay ginagamit nang hindi niyayakap ang kanilang masasamang interpretasyon, at ang pagbanggit ng sources sa mga endnote ay hindi nagpapahiwatig ng pag-endorso sa Simbahan.
Bilang isang pasalaysay na kasaysayan na isinulat para sa pangkalahatang mambabasa, ipinapakita ng tomong ito ang kasaysayan ng Simbahan sa isang maliwanag at madaling ma-access na pormat. Bagaman ginagamit ang mga pamamaraan ng popular na pagkukuwento, hindi ito lumalampas sa mga impormasyon na matatagpuan sa mga pangkasaysayang pinagkukunan. Kapag kasama rin sa teksto maging ang maliliit na detalye, tulad ng ekspresyon ng mukha o kondisyon ng panahon, ito ay dahil ang mga detalye ay matatagpuan o makatwirang nahinuha mula sa tala ng kasaysayan.
Upang mapanatili ang pagiging madaling basahin ng salaysay, bihirang binabanggit ng tomong ito ang mga hamon sa tala ng kasaysayan ng mismong teksto nito. Sa halip, ang gayong mga talakayan na batay sa mga sources ay matatagpuan sa mga paksang sanaysay saints.ChurchofJesusChrist.org at tinutukoy sa mga endnote sa ilalim ng naka-bold heading na “Paksa.” Hinihikayat ang mga mambabasa na sumangguni sa mga sanaysay na ito habang kanilang binabasa ang Mga Banal.