Kabanata 18
Lahat ng mga Pagpapala ng Ebanghelyo
Noong hapon ng ika-9 ng Marso 1977, nakatayo si Helvécio Martins kasama ng mga mamamahayag sa lugar kung saan itinatayo ang templo sa São Paulo, Brazil. Nagpunta si Pangulong Spencer W. Kimball sa bansa para sa seremonya ng paglalagak ng cornerstone ng templo, at humigit-kumulang tatlong libong tao ang naroon upang manood, may ilang nagdala ng payong upang isilong ang kanilang sarili mula sa tumitirik na sikat ng araw. Bilang direktor ng public relations para sa Brazil North Region ng Simbahan, naroroon si Helvécio upang tulungan ang mga mamahayag na magbabalita ng kaganapan.
Tinanggap ni Helvécio ang paghirang na maglingkod sa public relations ng Simbahan tatlong taon na ang nakararaan. Naisip niya na pambihira ang tiwala na ibinigay sa isang bagong miyembro lamang. Subalit ibinuhos niya ang sarili sa tungkulin, ginagamit ang kanyang pagiging bantog bilang ehekutibo sa negosyo upang magkaroon ng mahahalagang ugnayan sa media at magbukas ng mga pintuan para sa Simbahan.
Kasama sa mga bagong tungkulin ni Helvécio ay ang ipalaganap ang balita tungkol sa templo. Halos isang-katlo na ang nakumpleto ng gusali, ang mga pader nito ay mataas nang nakatirik mula sa lupa. Ang arkitekto ng Simbahan na si Emil Fetzer ay ninais ang puting Italyanong marmol para sa panlabas ng templo, subalit nang natuklasan na hindi ito mainam, nagdala siya ng mga manggagawa upang magturo sa mga lokal na miyembro ng Simbahan kung paano maglilok ng mga bloke ng bato doon mismo sa lugar ng templo.
Ang mga Banal na Brazilian, kasama ang mga Banal mula sa ibang dako ng Timog Amerika at ang bansa ng South Africa, ay nagsagawa ng maraming pinansiyal na sakripisyo upang pondohan ang pagpapatayo ng templo. Sa Brazil, binayaran ng mga Banal ang 15 porsyento ng kabuuang halaga. Ang asawa ni Helvécio na si Rudá ay iniambag sa pondo ang alahas na natanggap niya mula sa kanyang mga magulang.
Habang nasasabik sina Helvécio at Rudá na matapos ang pagtatayo ng templo, nalungkot sila na hindi sila makakalahok sa mga endowment at pagbubuklod dahil sila ay mga Itim. Sa isang pagkakataon, habang naglalakad sa mga bakal na kuwadro at hindi pa tapos na mga sahig, huminto sila sa isang patse ng lupa. Naantig ng Espiritu ang kanilang puso. Nakatayo sila sa lugar kung saan itatayo ang silid-selestiyal.
Magkayakap, nagtangis sila. “Huwag kang mag-alala,” sabi ni Helvécio, “alam lahat ng Panginoon.”
Habang naghihintay si Helvécio na magsimula ang seremonya ng cornerstone, tumingin siya kay Pangulong Kimball, na nakaupo sa isang maliit na entabladong itinayo sa tabi ng mga pader ng templo. Tila sinesenyasan siya ng propeta na lumapit, subalit hindi nakatitiyak si Helvécio. Nakita niyang may binulong si Pangulong Kimball kay Elder James E. Faust, isang bagong hirang na miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu na nagmisyon sa Brazil noong dekada ng 1940. Pagkatapos ay tumingin si Elder Faust kay Helvécio. “Halika rito,” pabulong niyang sinabi. “Gusto ka niyang makausap.”
Mabilis na nagpaalam si Helvécio at lumapit sa entablado. Habang lumalapit siya, tumayo si Pangulong Kimball at niyapos siya. Pagkatapos ay inakbayan siya nito at tumingala sa kanya. “Brother, ang salitang angkop sa iyo ay katapatan,” sabi nito. “Manatiling tapat at matatamasa mo ang lahat ng mga pagpapala ng ebanghelyo.”
Nagpapasalamat si Helvécio sa pagpapahayag, ngunit nalilito siya. Ano ang ibig sabihin ni Pangulong Kimball?
Kalaunan, nang matapos ang paglalagak ng cornerstone at natapos ang seremonya, lumapit si Pangulong Kimball kay Helvécio at mariing hinawakan ang kamay nito. Pagkatapos ay ipinatong niya ang isa niyang kamay sa braso ni Helvécio.
“Huwag mong kalimutan, Brother Martins” sabi niya. “Huwag mong kakalimutan.”
Kalaunan noong taong iyon, sa German Democratic Republic, nakita ni Henry Burkhardt ang isang opisyal ng Silangang Germany na nakaupo sa unahan ng isang espesyal na pulong ng Simbahan sa Dresden. Ang pangalan nito ay Gng. Fischer, at pinangangasiwaan nito ang lokal na panrelihiyong aktibidad sa lugar. Sa loob ng mahigit dalawang taon, walang ginawa si Henry para may makaibigan sa pamahalaan ng Silangang Germany. Hiniling niya kay Gng. Fischer na pumunta bilang bahagi ng gawain nito.
Espesyal ang pulong dahil si Pangulong Kimball mismo ay naroon. Malapit nang matapos ang kanyang paglalakbay sa pitong bansa sa Europa kung saan may presensya ang Simbahan, at may ilang oras lamang ito upang makipagtipon sa mga Banal sa GDR. Magaganap ito isang hapon sa gitna ng linggo—isang alanganing panahon para sa isang pulong—subalit halos isang libo dalawang daang Banal ang pumuno sa mga upuan at nagtiyagang tumayo ang iba.
Walang ideya si Henry kung ano ang balak talakayin ni Pangulong Kimball. Binabantayan ng GDR ang mga salita ng mga lider ng Simbahan, at madalas mag-alala sina Henry at ang ibang Banal sa Silangang Germany kapag pinupuna sa publiko ng isang general authority ang komunismo. Nagagalit sa mga ganoong mensahe ang pamahalaan at inilalagay ang mga Banal sa Silangang Germany sa panganib na mapagbuntunan.
Habang nakatayo si Pangulong Kimball sa pulpito sa Dresden, halos walang dapat ipag-alala si Henry. Nagsalita ang propeta tungkol sa ika-12 saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami sa pagpapasailalim sa mga hari, pangulo, namamahala, at hukom, sa pagsunod, paggalang at pagtataguyod ng batas.” Naisip niyang pinakamainam para sa Simbahan na sundin ang alituntuning ito.
Napahanga ng mensahe kapwa sina Henry at Gng. Fischer. “Ginoong Burkhardt,” sabi nito matapos ang pulong, “tinalakay ba ng inyong pangulo ang artikulong ito para sa kapakanan ko?”
“Hindi po,” sagot ni Henry. “Ito ay isang mensahe na kailangang marinig ng lahat ng mga Banal sa panahong ito.”
Hindi nagtagal matapos ang pagbisita ni Pangulong Kimball, nagsabi sa publiko si Erich Honecker, ang pinakamataas na opisyal ng GDR, ng kanyang pagnanais na makipagtulungan sa mga grupong panrelihiyon upang pagbutihin ang sangkatauhan. Bagama’t ang mga salita niya ay nagbigay sa maraming taga-Silangang Germany ng pag-asa para sa hinaharap, patuloy na tumatanggi ang mga opisyal ng GDR na magbigay ng visa sa mga miyembro ng Simbahan na nais maglakbay patungong Swiss Temple. Hindi maunawaan ng pamahalaan kung bakit kailangan ng mga miyembro ng Simbahan na pumunta sa Switzerland gayong maaari naman silang magsamba sa mga chapel sa GDR. Bukod pa rito, natatakot silang gagamitin ng mga Banal ang paglalakbay upang tumalilis mula sa bansa.
Hindi nagtagal, si Bishop H. Burke Peterson, ang unang tagapayo sa Presiding Bishopric, ay dumating sa GDR. Habang tinatalakay ang paghihirap ng mga Banal na makakuha ng visa upang bisitahin ang Swiss Temple, tinanong ni Bishop Peterson si Henry, “Bakit hindi posibleng maglaan ng silid rito kung saan maaaring tanggapin ng mga miyembro ang kanilang endowment?”
Napukaw ang interes ni Henry, subalit hindi niya inisip na posible ito. Subalit makalipas ang tatlong linggo, nakikipagpulong siya sa ilang opisyal ng Silangang Germany nang muling tinalakay ang paksa ng mga templo at visa para sa paglalakbay. Tutol pa rin ang mga opisyal na baguhin ang kanilang isip tungkol sa isyu. Subalit naniniwala silang maaaring magkaroon ng kasunduan sa mga Banal.
“Bakit hindi kayo magtayo ng templo dito?” tanong ng isang opisyal.
“Hindi iyon posible,” sabi ni Henry. Mayroon lamang apat na libo dalawang daang miyembro sa GDR—halos hindi sapat upang mangailangan ng isang templo. “Bukod pa roon,” sabi niya, “kailangang mapanatiling banal ang mga ordenansa sa templo.” Hindi magagawa ng pamahalaan na manmanan sila gaya ng pagmanman sa ibang pulong ng Simbahan.
“Walang problema,” sabi ng mga opisyal. “Kung magagawa ng mga miyembro na maranasan dito ang parehong karanasan na mayroon sila sa Switzerland, hindi na ninyo kailangang maglakbay pa patungong Switzerland.”
Hindi inasahan kailanman ni Henry na marinig ang mga salitang iyon. Ni hindi niya naisip na posible para sa Simbahan na magtayo ng templo sa GDR. Ngunit napakalaking pagbabago ang naganap! Nakikita na niya ngayon ang karunungan sa payo ni Pangulong Kimball na pagbutihin ang ugnayan niya sa pamahalaan. “Kapag binigyan ka ng propeta ng gawain,” naisip niya, “kung gayon ay dapat mong tuparin ito.”
Mangyari pa, hindi niya alam kung pahihintulutan ng Unang Panguluhan na magtayo ng templo sa GDR. Subalit magtatanong siya.
Noong simula ng 1977, hinati ng mungkahing Equal Rights Amendment sa Saligang Batas ng Estados Unidos ang mga Amerikano. Apat na estado na lamang ang kailangang mag-apruba ng ERA upang maipatupad ito. Noong tag-init na iyon, sa mga kumbensyon para sa kababaihan sa estado na isinagawa bilang paghahanda sa isang pambansang kumbensyon sa Nobyembre, pinagdebatihan at pinagtalunan ang susog at iba pang kaugnay na isyu.
Ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Barbara B. Smith at iba pang mga lider ng Simbahan ay madalas magsalita bilang pagtutol sa ERA. Noong pinag-aralan nila ang susog, nag-alala sila na ang malawakang pagpapatupad ng mga karapatan ay hindi isinaalang-alang ang pagkakaiba ng mga lalaki at babae. Nag-alala sila na maaaring magawang baligtarin ng ERA ang mga batas na nagpoprotekta sa interes ng kababaihan sa mga usapin ng diborsyo, suporta sa asawa at anak, serbisyo sa militar, at iba pang aspekto ng pang-araw-araw na buhay.
Natakot rin ang maraming lider ng Simbahan na isinusulong ng mga tagasuporta ng ERA ang mga kaugalian gaya ng pagpapalaglag ng bata, na siyang kinukundena ng Simbahan maliban na lamang sa mga kaso ng panggagahasa o kung nasa peligro ang kalusugan ng ina. Sa huli, pinaboran nila ang mga batas na nagdadala ng pagkakapantay-pantay sa pamamagitan ng pagtutok sa partikular na mga kaso ng kawalang-katarungan sa lipunan.
Sa mga buwan bago maganap ang pambansang kumbensyon, hinikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga Banal na makilahok sa prosesong pulitikal. Bagamat nauunawaan ng karamihan ng mga Banal na suportado ng mga lider ng Simbahan ang mga batas na may pakinabang sa kababaihan, ilang Banal ang nagtatanong tungkol sa posisyon ng Simbahan sa ERA.
Noong ika-25 ng Oktubre, si Ellie Colton, isang pangulo ng Relief Society sa stake sa Washington, DC, ay tumanggap ng tawag mula kay Don Ladd, isang panrehiyong kinatawan na dating stake president ni Ellie. Tumatawag siya dahil sa isang espesyal na kahilingan mula sa punong-tanggapan ng Simbahan.
Isang kilalang taga-suporta ng ERA ang magdaraos ng pagtitipon sa Washington, DC upang talakayin ang susog, at layon niyang pagsamahin ang kababaihan sa magkabilang panig ng isyu, kabilang na ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw. Nais ng mga lider ng Simbahan na dumalo si Ellie.
“Kung mabibigyan ka ng pagkakataon,” sabi ni Elder Ladd kay Ellie, “dapat mong ipaliwanag ang pananaw ng Simbahan tungkol sa ERA.”
“Brother Ladd,” sabi ni Ellie, “hindi po ako sigurado kung ako mismo ay nauunawaan ito.”
“Buweno,” pagtitiyak nito sa kanya, “mayroon kang tatlong araw para malaman.”
Nang matapos ang tawag, natigalgal si Ellie sa sinang-ayunan niyang gawin. Palagi siyang tagapamayapa at isang taong umiiwas sa komprontasyon. Paano niya magagawang manindigan sa isang silid na puno ng mga maalam na babae? Hindi naman sa hindi niya nauunawaan ang ERA o posisyon ng Simbahan dito. Mahina rin ang pandinig niya at nag-aalala siya na pahihirapan siya ng kanyang kapansanan na maunawaan kung ano ang sinasabi sa pagtitipon.
Kaagad na nagtungo si Ellie sa mga kakahuyan sa likod ng kanyang bahay upang manalangin. Sinambit niya sa Panginoon ang tungkol sa kanyang maraming kakulangan at takot. Pagkatapos ay binalikan niya ang mga pagpapala sa kanyang buhay, nangangakong gagawin ang lahat ng makakaya niya upang maunawaan at maipaliwanag ang posisyon ng Simbahan sa ERA.
Nang bumalik siya sa bahay, tinawagan niya si Marilyn Rolapp, ang lider ng social relations ng Relief Society, at hiniling ditong samahan siya sa pagtitipon. Tumawag rin siya sa isang kaibigan sa Utah at hiniling ditong padalhan siya ng karagdagang impormasyon.
Dumating kinabukasan ang impormasyon. Nagsimulang mag-aral sina Ellie at Marilyn, at noong umalis na sila papunta sa pagtitipon, dama nilang handa na silang talakayin ang ERA kahit kanino. Noong gabi bago iyon, nakadama si Ellie ng pag-aalinlangan at kapaguran sa pag-iisip, subalit pinalakas ng kanyang anak ang loob niya. “Doon lang po kayo sa isyu na nauunawaan ninyo,” sabi nito, “at bago kayo matulog, basahin ninyo ang bahagi 100, talata 5 ng Doktrina at mga Tipan.”
Ang banal na kasulatan ang eksaktong kailangang marinig ni Ellie: “Samakatwid, katotohanang sinasabi ko sa inyo, itaas ang inyong mga tinig sa mga taong ito; sabihin ninyo ang mga bagay na ilalagay ko sa inyong mga puso, at hindi kayo malilito sa harapan ng mga tao.”
Subalit nang dumating sina Ellie at Marilyn sa handaan, nalaman nilang kinansela ng mga taga-organisa ang aktibidad, inaakalang hindi ito magiging produktibo. Nagdaos din ng press conference ang pinuno ng pambansang kumperensya ng kababaihan kung saan isinama niya ang Simbahan sa maraming “subersibong” grupo na planong guluhin ang kumbensyon.
Nababahala sa mga pahayag na ito, nagpasya si Ellie na ilathala ang kanyang mga pananaw sa isang editoryal para sa Washington Post, isang pahayagang may malawak na saklaw ng mambabasa sa buong bansa. “Ang Simbahan ay hindi tutol sa karapatan ng kababaihan,” isinulat niya. “Hindi tama na ang mga lider ng kumperensyang ito ay magpapahiwatig na ang aming Simbahan ay isang banta sa kumperensya dahil lamang ang opisyal na posisyon nito ay iba sa kanila.”
Ipinaliwanag niya ang mga alalahanin ng Simbahan tungkol sa susog at sa mga epekto nito sa pamilya. At binanggit niya ang sarili niyang pagsuporta para sa mga gayong pagbabago gaya ng pantay na bayad at mga propesyunal na pagkakataon para sa kababaihan tulad ng anak niya, na balak mag-aral ng abugasya.
“Ako ay para sa karapatan ng kababaihan. Ako ay para sa pagtatama ng mga di pagkakapantay-pantay,” ipinahayag niya sa kanyang editoryal. “Tutol akong mapagsabihang hindi ako para sa karapatan ng kababaihan kung inaayawan ko ang ERA.”
Noong isang malamig, maulap na gabi ng Enero 1978, kinakabahang nakaupo si Le My Lien sa loob ng kotseng patungo sa Salt Lake City International Airport. Patungo siya roon upang makita ang kanyang asawang si Nguyen Van The sa unang pagkakataon sa loob ng halos tatlong taon. Nag-aalala siya kung ano ang iisipin nito sa buhay na itinaguyod niya para sa kanilang pamilya noong wala ito.
Bilang bahagi ng misyon nito na pangalagaan ang mga pamilya, nakipag-ugnayan ang LDS Social Services sa mga miyembro ng Simbahan sa Estados Unidos na alagaan ang halos 550 refugee na Vietnamese, karamihan sa mga ito ay hindi miyembro ng Simbahan. Ang nag-isponsor kina Lien at sa pamilya niya ay sina Philip Flammer, isang propesor sa Brigham Young University, at asawa niyang si Mildred. Tinulungan nila ang pamilyang lumipat sa Provo, Utah, kung saan nagawa ni Lien na umupa at kalaunang bumili ng mobile home mula sa isang lokal na Banal.
Noong una, nahirapan si Lien na makahanap ng trabaho sa Utah. Dinala siya ni Philip sa isang tindahan ng segunda mano upang mamasukan bilang tagalinis. Ngunit noong panayam sa kanya, pinunit ng manadyer sa dalawa ang diploma niya noong hayskul at sinabing, “Hindi ito magagamit dito.” Umiyak si Lien habang pinupulot niya ang mga piraso, ngunit kalaunan ay pinagdikit-dikit niya ang diploma gamit ang tape at isinabit ito sa isang kuwadra sa dingding upang mahikayat ang mga anak niyang mag-aral pa sa kolehiyo.
Hindi nagtagal ay nakahanap siya ng pansamantalang trabaho ng pamimitas ng mga seresa sa kalapit na halamanan. Pagkatapos ay nakahanap siya ng trabaho bilang modista at dinagdagan ang kanyang kita sa pamamagitan ng pagluluto ng mga cake para sa kasal. Sa tulong ni Philip, kumita rin siya sa pamamagitan ng pagmamakinilya ng mga ulat para sa mga mag-aaral ng BYU.
Habang nahihirapang kumita si Lien para sa kanyang pamilya, nahihirapan naman ang mga anak niyang mag-angkop sa kanilang bagong buhay sa Amerika. Ang bunso na si Linh ay kulang sa timbang at naging sakitin. Ang mga anak niyang lalaki na sina Vu at Huy ay nahihirapang makipagkaibigan sa paaralan dahil hirap sila sa pagkakaiba ng wika at kultura. Madalas silang magreklamo kay Lien na tinutukso sila ng mga kaklase nila.
Sa gitna ng mga paghihirap ng kanyang pamilya, nanatiling tapat sa Panginoon si Lien. Palagian siyang dumadalo sa mga pulong ng Simbahan at patuloy na nananalangin para sa kanyang pamilya at asawa. “Bigyan po Ninyo ako ng lakas,” magsusumamo siya sa kanyang Ama sa Langit. Itinuro niya sa mga anak niya ang tungkol sa kapangyarihan ng panalangin, batid na matutulungan nito sila sa kanilang mga paghihirap.
Pagkatapos, noong huling bahagi ng 1977, nalaman ni Lien na ang asawa niya ay nasa isang kampo para sa mga refugee sa Malaysia. Nagawa nitong umalis ng Vietnam sakay ng isang lumang bangkang pangisda matapos tuluyang palayain mula sa kampo sa Thành Ông Năm. Ngayon ay handa na itong muling makasama ang pamilya nito. Ang tanging kailangan na lamang niya ay isang isponsor.
Nagsimulang magtrabaho si Lien nang mas maraming oras upang makapagtabi ng sapat na pera upang madala si The sa Estados Unidos. Ibinigay sa kanya ng Red Cross ang listahan ng lahat ng kailangan niya upang mai-sponsor ito, at maingat niyang sinunod ang mga tagubilin. Kinausap rin niya ang mga anak niya tungkol sa pagbalik ng kanilang ama. Wala nang maalala ang anak niyang babae kay The, at halos hindi siya matandaan ng mga anak niyang lalaki. Hindi nila maisip kung paano magkaroon ng isang ama.
Matapos dumating sa paliparan, sumama si Lien sa ibang mga kaibigan at mga miyembro ng Simbahan na nagpunta upang sunduin si The. Ang ilan sa kanila ay may hawak na mga lobo na kumikinang sa mga ilaw sa gabi.
Hindi nagtagal, nakita ni Lien si The na bumababa sa escalator. Maputla ito at mukhang hindi alam ang gagawin. Subalit nang makita nito si Lien, tinawag nito siya. Sinalubong nila ang bawat isa nang sabay at naghawak-kamay. Napuspos ng emosyon ang dibdib ni Lien.
Niyakap niya si The. “Maraming salamat sa Diyos sa langit,” ibinulong niya, “nakauwi ka na sa wakas!”
Noong mga unang buwan ng 1978, masyadong nag-aalala si Pangulong Spencer W. Kimball tungkol sa restriksyon ng Simbahan sa priesthood at templo kung kaya madalas siyang hindi makatulog. Halos wala na ang reklamo ng publiko laban sa restriksyon, subalit patuloy niyang iniisip ang hindi mabilang na karapat-dapat na mga Banal at ibang mabubuting taong apektado nito. Ang kailan lamang niyang paglalakbay sa Brazil ay isang paalala sa maraming hamon na binibigay nito sa mga Banal sa buong mundo.
Buong buhay niya, itinaguyod ni Pangulong Kimball ang gawain ng Simbahan na ipagkait ang priesthood sa mga taong may lahing Itim na Aprikano, at handa siyang gugulin ang kabuuan ng buhay niya na ipatupad ang gawaing iyon. Gayunpaman ay alam niyang ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nakatalagang punuin ang mundo, at hiniling niya sa mga Banal na manalangin na buksan ng mga bansa ang kanilang pintuan sa gawaing misyonero.
Nagsimula siyang maglaan ng mas maraming panahon sa Holy of Holies ng Salt Lake Temple, isang espesyal na santuwaryo na katabi ng silid selestiyal. Doon ay huhubarin niya ang kanyang mga sapatos, luluhod upang manalangin, at mapagkumbabang magsusumamo sa langit.
Noong ika-9 ng Marso, nakipag-usap siya sa kanyang mga tagapayo at sa Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa lahi at sa priesthood. Naging napakatagal ng pulong. Nirepaso nila ang mga mensahe ng mga pangulo ng Simbahan na sina David O. McKay at Harold B. Lee na nagsasaad na balang araw ay matatapos ang restriksyon sa priesthood. Subalit nagkakaisang sumang-ayon ang mga apostol na hindi magbabago ang gawain hanggang hindi ipinapahayag ng Panginoon ang Kanyang nais sa propeta.
Bago natapos ang pulong, hinikayat ni Pangulong Kimball ang mga apostol na mag-ayuno at manalangin tungkol sa isyu. At noong mga sumunod na linggo, inanyayahan niya sila na pag-aralan ang paksa at isulat ang kanilang mga saloobin. Itinalaga niya sina elder Howard W. Hunter at Boyd K. Packer na magtipon ng kasaysayan ng restriksyon sa priesthood at itala lahat ng sinabi tungkol sa isyu sa mga pulong ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa. Noong nakaraang taon, hiniling din niya kay Elder Bruce R. McConkie na repasuhin ang basehan ng gawain sa banal na kasulatan.
Samantala, patuloy na nanalangin si Pangulong Kimball tungkol sa restriksyon. Habang ginagambala pa rin siya ng mga alalahanin, unti-unting nabawasan ang epekto nito sa kanya. Nakadama siya ng sumisidhing espiritwal na pahiwatig, malalim at matibay, na sumulong. Nang isinumite ni Elder McConkie ng ulat tungkol sa mga natuklasan niya, natanto niya na walang banal na kasulatan ang pumipigil sa Simbahan na alisin ang restriksyon.
Noong Martes, ika-30 ng Mayo, ibinahagi ni Pangulong Kimball sa kanyang mga tagapayo ang isang burador ng mensahe na naggagawad ng priesthood sa lahat ng karapat-dapat na lalaki, anuman ang kanilang lahi.
Makalipas ang dalawang araw, ika-1 ng Hunyo, idinaos ng Unang Panguluhan ang kanilang buwanang pulong sa lahat ng general authority. Nagpunta sila sa pulong na nag-aayuno gaya ng dati, at sa pagtatapos nito, pinauwi na ng panguluhan ang lahat maliban sa mga apostol.
“Nais ko sanang patuloy kayong mag-ayuno kasama ko,” sabi niya. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila ang maraming oras na ginugol niya sa paghiling sa Panginoon ng mga kasagutan. Isang pagbabago ang magdadala ng ipinanumbalik na ebanghelyo at mga pagpapala ng templo sa hindi mabilang na mga Banal—lalaki, babae, at mga bata—sa buong mundo.
“Hindi ko pa nalalaman kung ano dapat ang kasagutan,” sabi niya. “Subalit gusto kong malaman. Anuman ang pasya ng Panginoon, ipaglalaban ko ito sa abot ng aking makakaya.”
Hiniling niya sa lahat na magbahagi ng kanilang nasasaisip, at sa sumunod na dalawang oras, salit-salitang nagsalita ang mga apostol. Nadama nilang nanahan sa kanila ang pagkakaisa at kapayapaan.
“Maaari bang ako ang manguna sa panalangin?” tanong ni Pangulong Kimball.
Lumuhod siya sa altar ng templo, napapaligiran ng mga apostol. Buong mapagkumbaba at buong-taimtim, hiniling niya sa Ama na linisin sila mula sa kasalanan upang matanggap nila ang salita ng Panginoon. Nanalangin siya upang malaman kung paano palawigin ang gawain ng Simbahan at ipaalam ang ebanghelyo sa buong mundo. Hiniling niya sa Panginoon na ipaalam ang Kanyang isipan at pagnanais tungkol sa paggawad ng priesthood sa bawat karapat-dapat na kalalakihan ng Simbahan.
Pagkaraang matapos ang propeta sa kanyang panalangin, pinuspos ng Espiritu Santo ang silid, nananahan sa mga puso ng bawat isa sa bilog. Nagsalita ang Espiritu sa kanilang mga kaluluwa, binibigkis silang lahat nang buong pagkakaisa. Naglaho ang lahat ng pagdududa.
Biglang tumayo mula sa pagkakaluhod si Pangulong Kimball. Kumakabog ang tibok ng kanyang mahinang puso. Niyakap niya si Elder David B. Haight, ang junior na apostol, at isa-isang niyakap ang iba. May luha sa kanilang mga mata ang mga apostol. Ang ilan ay hayagang umiyak.
Natanggap nila ang kanilang sagot mula sa Panginoon.
“Nilisan namin ang pulong na iyon na tahimik at mapitagan at napakasaya,” kalaunan ay ginunita ni Elder Gordon B. Hinckley. “Alam naming lahat na dumating na ang panahon para sa pagbabago at ang desisyong iyon ay nagmula sa kalangitan. Malinaw ang sagot. Nagkaroon ng ganap na pagkakaisa sa amin sa aming karanasan at sa aming kaalaman.”
“Iyon ay isang tahimik at sagradong pangyayari,” ipinahayag niya. “Ang tinig ng Espiritu ay bumulong nang may katiyakan sa aming isipan at kaibuturan ng aming mga kaluluwa.”
“Kasunod ng panalangin, naranasan namin ang pinakamatamis na diwa ng pagkakaisa at pananalig na naranasan ko kailanman,” itinala ni Elder Ezra Taft Benson sa kanyang journal. “Niyakap namin ang bawat isa, napakalakas ng pahiwatig sa amin ng matamis na espiritu na naroroon. Ang aming dibdib ay nag-alab.”
“Ito ang pinaka-espiritwal na kaganapan sa buhay ko,” isinulat ni Elder Marvin J. Ashton. “Nanlambot ako matapos nito.”
“Mula sa kaibuturan ng kawalang-hanggan, ang tinig ng Diyos na ipinarating ng kapangyarihang ng Espiritu ay nagsalita sa Kanyang propeta,” pagbibigay-saksi rin ni Elder Bruce R. McConkie. “Binigyang-sagot ang panalangin ni Pangulong Kimball at binigyang-sagot ang aming mga panalangin. Narinig niya ang tinig at narinig namin ang parehong tinig. Naglaho ang lahat ng pagdududa at kawalang-katiyakan. Alam niya ang sagot at alam namin ang sagot. At lahat kami ay mga buhay na saksi ng katotohanan ng salitang mapagmahal na ipinadala mula sa langit.”
“Malakas na dumating sa aming lahat ang sagot,” patotoo ni Pangulong N. Eldon Tanner. “Tunay na walang alinlangan sa isipan ng kahit sino sa amin.”
Walong araw matapos ang panalangin ni Pangulong Kimball, nakaupo si Darius Gray sa kanyang tanggapan sa isang kumpanya ng papel sa Lunsod ng Salt Lake nang dumungaw sa silid ang isa niyang katrabaho. Sinabi nito na nabalitaan niya na ibinibigay na ng Simbahan ang priesthood sa mga Itim na lalaki.
Akala ni Darius ay gumagawa ito ng masamang biro. “Hindi iyan nakakatawa,” sinabi niya rito.
“Hindi, totoo nga,” pagpupumilit nito. Katatapos lang niyang makipag-usap sa isang parokyano sa Church Administration Building. May mga sabi-sabi na tumanggap si Pangulong Kimball ng paghahayag na igagawad na ang mga pagpapala ng priesthood at templo sa lahat ng karapat-dapat na miyembro ng Simbahan.
May pag-aalinlangan, kinuha ni Darius ang telepono at tinawagan ang numero ng tanggapan ni Pangulong Kimball. Sinabi sa kanya ng isang kalihim na nasa templo si Pangulong Kimball, subalit kinumpirma niyang totoo ang mga sabi-sabi. Tunay ngang tumanggap ang propeta ng paghahayag tungkol sa priesthood.
Natigilan si Darius. Hindi siya makapaniwala sa balita. Walang naghanda sa kanya para doon. Parang nagmula sa kawalan ang pagbabagong iyon.
Naglathala ang Deseret News ng isang anunsiyo mula sa Unang Panguluhan kalaunan noong araw na iyon. “Habang nasasaksihan natin ang paglawak ng gawain ng Panginoon sa mundo, tayo ay nagpapasalamat na ang mga tao ng maraming bansa ay tumugon sa mensahe ng pinanumbalik na ebanghelyo, at sumapi sa Simbahan sa lalong lumalaking bilang,” nakasaad rito. “Ito, sa kabilang dako, ay nagbigay-sigla sa atin na may hangaring igawad sa bawat karapat-dapat na kasapi ng Simbahan ang lahat ng pribilehiyo at pagpapalang maibibigay ng ebanghelyo.”
“Kanyang dininig ang aming mga panalangin, at sa pamamagitan ng paghahayag ay pinagtibay na ang matagal nang ipinangakong araw ay sumapit na,” pagpapatuloy ng anunsiyo. “Bawat matapat, karapat-dapat na lalaki sa Simbahan ay maaaring matanggap ang banal na pagkasaserdote, na may kapangyarihang gamitin ang banal na karapatang ito, at tamasahin kasama ang kanyang mga minamahal ang lahat ng pagpapalang umaagos mula roon, kasama na ang mga pagpapala ng templo.”
Matapos marinig ni Darius ang balita, nagtungo siya sa Temple Square. Maingay ang buong kanto dahil sa kasabikan ng mga tao sa balita. Nakipag-usap si Darius sa isang mamahayag at pagkatapos ay tumawid sa daan patungo sa tanggapan ng kanyang matalik na kaibigang si Heber Wolsey, na ngayon ay direktor ng public communications para sa Simbahan.
Wala si Heber sa tanggapan nito, ngunit hiniling ng kalihim nito na manatili si Darius. “Alam kong gugustuhin niyang makita ka,” sabi nito.
Naghintay si Darius. Tanaw mula sa tanggapan ni Heber ang silangang bahagi ng Salt Lake Temple. Mataas ang sikat ng araw, at mula sa bintana, nakikita ni Darius na kumikinang ang mga bato ng templo.
Hindi nagtagal, bumalik si Heber sa tanggapan nito. Sa sandaling nakita niya si Darius, lumuluhang niyakap niya ito.
“Hindi ko inakalang …” bulong ni Heber.
Tumingin si Darius sa kaibigan niya at pagkatapos ay sa labas ng bintana na tanaw ang templo. At alam niyang maaapektuhan ng paghahayag hindi lamang ang kasalukuyan at hinaharap. Maaapektuhan din nito ang nakaraan. Sa unang pagkakataon sa dispensasyong ito, ang mga taong gaya niya, buhay at patay, ay magkakaroon ng pagkakataong tumanggap ng bawat ordenansang mayroon ang templo.
Tuminging muli si Darius kay Heber, ipinikit ang kanyang mga mata, at pagkatapos ay dahan-dahang dumilat.