Kabanata 15
Ang Kagalakan sa Walang Hanggang Tipan
Naantala ng gawaing Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake, nahuling dumating si Pangulong Harold B. Lee sa pangkalahatang kumperensya ng area sa Lunsod ng Mexico. Lumapag ang eroplano niya sa hapon ng ika-26 ng Agosto 1972, at pagsapit ng gabi ay inihatid siya sa iba-ibang pagdarausan ng aktibidad upang magsalita sa mga indibiduwal na sesyon ng kumperensya para sa Relief Society, mga mayhawak ng Aaronic at Melchizedek Priesthood, at young women. Kinabukasan ng umaga, sinang-ayunan siya ng mga Banal sa kumperensya bilang bagong pangulo ng Simbahan—ang unang kongregasyon sa mundo na nagsagawa nito.
Makalipas ang ilang araw ay bumalik ang propeta sa Utah, para lamang malaman na isang grupo ng mga nag-apostasiya ang diumanong nagbabanta sa kanyang buhay.
Upang matiyak ang kaligtasan ni Pangulong Lee, nagsimula siyang samahan ng mga pulis saanman siya magpunta. Nagpapasalamat siya sa kanilang proteksyon, ngunit nababahala siya sa pagsama ng mga pulis. Karaniwang hindi sinasamahan ng mga bodyguard ang mga kailan lamang na pangulo ng Simbahan. Ngayon, tuwing lumalabas si Pangulong Lee sa publiko, lumilikha ng malaking ingay ang kanyang mga bantay na pulis.
Hindi nagtagal sila ng kanyang asawang si Joan ay nagpasyang sumama kina Elder Gordon B. Hinckley at sa asawa nitong si Marjorie sa isang paglalakbay upang bisitahin ang mga Banal sa Europa at Israel.
Gayunpaman, may sariling panganib ang paglalakbay na ito. Maglalakbay sila nang walang mga bodyguard sa isang mapanganib na rehiyon sa mundo. Isang grupong Palestino ang kailan lamang ay dumukot at pumatay sa labing-isang miyembro ng pambansang koponan ng Israel sa Olympics noong Laro sa Tag-araw ng 1972 sa Munich, West Germany. Nagulantang ang mundo sa pag-atake, at nag-aalala si Pangulong Lee na isang armadong labanan ang maaaring sumabog sa Israel. Gayunpaman, sinamahan niya at ni Sister Lee ang mga Hinckley ayon sa plano.
Dumating ang grupo sa paliparan ng Tel Aviv, Israel, noong gabi ng ika-19 ng Setyembre. Si David Galbraith, isang miyembro ng Simbahan mula sa Canada na nag-aaral sa Hebrew University of Jerusalem, ay sinundo sila at nagmaneho ng 65 kilometro papunta sa timog-silangan ng Jerusalem. Madilim na noong dumating sila, at wala silang masyadong makita, subalit mayroong nakamamangha sa paglalakbay sa gitna ng sinaunang banal na lunsod.
Sa mga sumunod na tatlong araw, ang mga Lee at Hinckley ay nakipag-usap sa mga kinatawan ng Israel at bumisita sa mga banal na lugar. Si Teddy Kollek, ang alkalde ng Jerusalem, ay nagsabi kay Pangulong Lee na narinig niya ang kuwento na nag-alay ng panalangin ang apostol na si Orson Hyde sa Bundok ng Olibo noong 1841. Sinabi sa kanya ni Pangulong Lee na nais ng Simbahan na balang-araw ay magtatayo ito ng dambana o sentro para sa mga bisita sa lunsod upang gunitain ang panalangin.
“Sinusubukan naming bumili ng lote sa Bundok ng mga Olibo upang makapagpatayo ng parke para sa pagninilay,” sabi ni Alkalde Kollek. “Maaaring posibleng magkaroon ng dambana na may ganoong nakasulat sa parke.”
Noong gabi ng ika-20 ng Setyembre, sina David at isang maliit na grupo ng mga Banal na naninirahan sa Israel ay nakipagkita sa mga Lee at Hinckley sa isang libingan sa halamanan na pinaniniwalaan ng ilan na maaaring ang lugar kung saan inilibing si Jesus matapos ang Pagpapako sa Krus. Nakadama ang grupo ng diwa ng kabanalan. Naiisip nila ang walang buhay na bangkay ng Tagapagligtas habang binubuhat ito patungo sa libingan, o si Maria Magdalena habang bumabalik sa halamanan sa ikatlong araw at binibigyang-saksi ang nabuhay na muling Panginoon.
Sa libingan, inorganisa ni Pangulong Lee ang mga Banal para maging isang branch, kung saan si David ang kanilang pangulo. Bagama’t wala pang tatlumpung permanenteng miyembro ng Simbahan ang nakatira sa bansa, kamakailan lang ang mga grupo ng mga mag-aaral ng BYU ay nagsimulang pumunta sa Banal na Lupain upang mag-aral doon nang ilang buwan, na pinalalaki nang higit sa doble ang bilang ng mga Banal sa mga pulong. Naniniwala si Pangulong Lee na ang branch ang siyang maglalatag ng pundasyon ng dakilang gawain sa rehiyon.
“Kapag tinatanong kayo ng mga tao kung sino kayo,” payo niya, “huwag ninyong sabihing mga miyembro ng Simbahang Mormon o ng Simbahang LDS, sa halip ay sabihin ninyong Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”
Pagkatapos ng pulong, bumalik si Pangulong Lee sa kanyang silid sa otel na sobrang pagod. Ilang araw na siyang nakadama ng matinding sakit sa bandang ibabang likod niya, at nagkaroon siya ng matinding ubo na masakit sa dibdib at hirap sa paghinga. Ngayon, sa pagsisimula ng matinding pagod, nag-aalala siya na may masamang nangyayari sa kanya.
Kalaunan noong gabing iyon, sa pagpupumilit ni Sister Lee, nagpunta si Elder Hinckley sa kanilang silid sa otel at binasbasan si Pangulong Lee. Noong sumunod na umaga, umubo nang may dugo si Pangulong Lee at agad na nakadama ng ginhawa mula sa kanyang hirap sa paghinga. Hindi nagtagal ay bumuti na ang pakiramdam niya para sumama kina David at sa mga Hinckley para sa paglilibot sa Bethany, Jericho, Capernaum, Nazareth, at iba pang sagradong mga lugar.
Kinabukasan sa almusal, sinabi niya kay Elder Hinckley na nakaranas siya ng himala. Pakiramdam niya ay tila nasa bingit na siya ng kamatayan, ngunit sa pamamagitan ng pagbabasbas ni Elder Hinckley, ipinanumbalik ng Panginoon ang magandang lagay ng kalusugan niya.
“Nagtungo tayo sa lupain ng mga himala upang saksihan ang isang himala sa ating mga sarili,” buong pasasalamat niyang sinabi.
Aalis na sila sa Jerusalem noong gabing iyon, kung kaya pinalipas nila ang natitira nilang oras sa paglalakad kung saan naglakad si Jesus. Binisita nila ang Getsemani, ang puntod ni Lazarus, Bethlehem, at ang mga labi ng pader na nakapaligid sa templo. Pagkatapos ay ipinagmaneho sila ni David papunta sa paliparan, at sumakay sila ng eroplano papuntang Rome, ang kanilang pananampalataya ay pinalakas ng lahat ng kanilang nakita at naranasan sa Banal na Lupain.
Noong ika-7 ng Nobyembre 1972, narinig ni Ardeth Kapp na tumunog ang telepono habang pumapasok siya ng kanyang apartment sa Bountiful, Utah. Si Francis Gibbons, ang kalihim ng Unang Panguluhan, ay nasa kabilang linya. “Maaari bang kayo ng iyong asawa ay makipagkita kay Pangulong Harold B. Lee bukas ng umaga sa kanyang tanggapan nang 11:35?” tanong nito.
Huminga muna nang malalim, sabi ni Ardeth, “Darating po kami doon.” Agad siyang napaisip kung bakit sila nais kausapin ni Pangulong Lee.
Siya at ang asawa niyang si Heber ay nagtatrabaho bilang mga guro. Bagama’t medyo bata pa sila—apatnapu’t isang taong gulang siya—ilan taon na silang aktibong naglilingkod sa Simbahan. Miyembro siya ng kaguruan ng edukasyon sa Brigham Young University at naglingkod sa Youth Correlation Committee ng Simbahan. Isang dating bishop si Heber at ngayon ay tagapayo sa panguluhan ng stake.
Nang nakauwi si Heber, sinabi sa kanya ni Ardeth ang tungkol sa tawag sa telepono. Akala niya ay hihilingin ni Pangulong Lee na maglingkod ang asawa niya bilang pangulo ng mission. Sa palagay naman ni Heber ay hindi, subalit nag-aalala ito na baka kailanganin nilang lumipat. Kasalukuyan silang nagpapatayo ng bahay at kakailanganing bitawan ito kung ipapatawag silang magmisyon. Si Heber mismo ang gumagawa nang halos lahat sa pagtatayo, at hindi nila kayang magbayad sa sinumang maaaring tumapos nito.
Halos hindi nakatulog si Ardeth noong gabing iyon habang pinagninilayan niya ang buhay niya. Palagian siyang tinutulungan ng Panginoon sa kanyang mga pagsubok. Bilang batang babaeng nakatira malapit sa Cardston, Alberta, Canada, dalawang beses na siyang bumagsak sa paaralan. Iilang tao lamang ang inaasahan siyang maging mahusay siya sa pag-aaral, ngunit sa tulong ng Diyos, kailan lamang ay nakapagtapos siya sa kanyang master’s sa curriculum development.
Subalit hindi iyon ang pinakamahirap niyang hamon. Bagama’t nais niya ng malaking pamilya, hindi sila nagkakaanak ni Heber, sa kabila ng madalas na panalangin para sa isang himala. May panahon na naisip nilang mag-ampon, subalit tuwing hinihiling nila ang gabay ng Panginoon tungkol dito, tumanggap sila ng “pagkatuliro ng pag-iisip.” Pakiramdam nila ay hinuhusgahan sila ng kanilang mga kapitbahay, kaibigan, at pamilya na tinatawag silang sakim sa hindi pagkakaroon ng anak. Tanging ang walang-hanggang pananaw ng plano ng Diyos ang nagbigay sa kanila ng kapayapaan at pagtanggap na kailangan nila upang malampasan ang sakit na kanilang nadarama.
Noong umaga ng kanilang pakikipagkita kay Pangulong Lee, kinakabahan sina Ardeth at Heber nang dumating sila sa Church Administration Building, ngunit handa silang tanggapin ang anumang paghirang mula sa Panginoon. Malugod silang sinalubong ni Pangulong Lee at inanyayahan sila sa kanyang tanggapan. “Relaks lang kayo,” sabi niya. “Natitiyak kong alam ninyong hindi ito karaniwang pagbisita lamang.”
Pagkatapos ay nagsalita siya tungkol sa pangangailangan ng madalas na pagbabago sa organisasyon ng Simbahan upang sumabay sa mabilis na paglago nito. Ang youth program ng Simbahan ay partikular na nakapag-aalala sa kanya. Naniniwala siyang kailangan ng Simbahan na gawin ang higit pa upang mapalakas ang mga kabataang lalaki at babae at upang ihanda sila sa paglilingkod sa kaharian ng Diyos. Dahil dito, ang mga Mutual Improvement Association ay muling inoorganisa upang mailagay sila sa ilalim ng direktang pamamahala ng mga lider ng Aaronic at Melchizedek Priesthood.
Habang nakikinig siya kay Pangulong Lee, inisip ni Ardeth kung ano ang hihilingin nitong gawin ni Heber. “Anuman ang kailangan niya sa kanya,” naisip niya, “Tiyak kong magagawa niya ito nang mabuti, at handa akong suportahan siya.”
Pagkatapos ay hinirang ni Pangulong Lee si Ardeth upang maglingkod na siyang nagpagulat sa kanya. Siya ang dahilan kaya siya ipinatawag sa tanggapan nito?
Ipinaliwanag ni Pangulong Lee na kailan lamang ay pumayag si Ruth Frank na maglingkod bilang pangulo ng Mutual Improvement Association ng mga Young Women. Dahil nakasama na nitong maglingkod si Ardeth sa Correlation Committee, inirekomenda siya ni Ruth na maglingkod bilang ikalawang tagapayo. Ang bagong panguluhan ay magkakaroon ng mga tanggapan sa ikalabinsiyam na palapag ng Church Office Building, isang kailan lamang natapos na skyscraper sa poblacion ng Lunsod ng Salt Lake.
Nalulula, tinanggap ni Ardeth ang paghirang, nagpapasalamat sa tiwalang kinakatawan nito. Makalipas ang ilang sandali, opisyal na inanunsyo ng Simbahan ang muling pag-organisa ng mga programa nito para sa mga kabataan. Bago ang panahong ito, pinamamahalaan ng Unang Panguluhan ang YWMIA. Ngayon, bilang bahagi ng correlation ng mga organisasyon ng Simbahan, ang YWMIA at YMMIA ay pag-uugnayin ang mga pagsisikap nila sa ilalim ng gabay ng Presiding Bishopric at mga lider ng priesthood sa ward at stake. Ang bagong organisasyon ay naghihiwalay rin sa Melchizedek Priesthood MIA, o mga single adult na mas matanda sa labingwalo, at sa Aaronic Priesthood MIA, o mga young men at young women sa pagitan ng edad labindalawa at labingwalo.
Habang pangangasiwaan ng mga lider ng priesthood ang Aaronic Priesthood MIA, patuloy ang programa sa pagbibigay ng mga klase at aktibidad sa mga batang lalaki at babae base sa kanilang kasarian at edad. Katulad ng mga katungkulan sa priesthood ng deacon, teacher, at priest, ang mga klase para sa mga young women ay tinawag na Beehive (edad 12–13), Mia Maid (edad 14–15), at Laurel (edad 16–18)—mga pangalang matagal nang ginagamit ng YWMIA. Ilang taon na ang nakalipas, hiniling ng mga lider ng Simbahan sa bawat ward na magsimula ng bishop’s youth council, na nagbibigay ng mga bagong pagkakataon sa mga kabataan na mamuno. Ngayon ay nais ng Unang Panguluhan na bigyan ng mga organisasyon ng MIA ang mga kabataan ng mas marami pang pagkakataong mamuno.
Sinuportahan ni Pangulong Funk ang pangarap na ito para sa programa. Bilang guro sa mataas na paaralan, binigyan niya ng maraming pagkakataon ang mga mag-aaral niya sa mga nagdaang taon upang masanay bilang mga lider, at marami silang nagawang magagandang bagay. “Hindi mo mararating ang kahit ano sa pakikinig lang tungkol dito,” ipinahayag niya. “Nararating mo ang kahit saan sa pagpunta doon.”
Ang alituntuning ito ay isang bagay na kayang isapuso ni Ardeth. Hindi nagtagal matapos ang kanyang paghirang, tumanggap siya ng tungkulin na dumalo sa maraming rehiyonal na kumperensya sa United Kingdom. Kinakabahan siya sa paglalakbay niya dahil bago siya sa kanyang tungkulin. Subalit naalala niya ang mga salita ni Nephi sa Aklat ni Mormon: “Ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila.”
“Alam ko iyan buong buhay ko,” sinabi niya sa sarili niya, “ngunit kailangan kong malaman iyan ngayon.”
Pagkatapos ng kanilang binyag, nalaman nina Helvécio at Rudá Martins na madalas nais ng mga Banal na Brazilian na talakayin ang mga restriksyon sa priesthood at templo na pinapatupad sa kanila ng Simbahan. May ilang taong iniisip kung paano nagagawa ng pamilya na manatiling tapat sa Simbahan gayong parehong hindi ma-ordenan sa priesthood sina Helvécio at anak nitong si Marcus . May ilan, na sumama ang loob sa debosyon ng mga Martins, ang pinulaan o hinamak sila.
“Kung ako ang nasa lagay ninyo,” sabi ng isang lalaki kay Helvécio, “sa tingin ko ay hindi ako mananatili sa Simbahan.”
Gayumpaman, maraming kapwa Banal ang humahanga sa mga Martins at sa kanilang malalakas na patotoo at katapatan sa kanilang mga paghirang. Apat na buwan matapos nilang sumapi sa Simbahan, si Elder Bruce R. McConkie—ang pinakabagong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol—ay nagpunta sa Rio de Janeiro upang organisahin ang ikalimang stake sa Brazil. Noong panahong iyon, hindi pa lubusang nauunawaan ni Helvécio ang pagkakaiba sa pagitan ng district at stake, ngunit pumayag siyang maglingkod bilang tagapayo sa panguluhan ng Sunday School sa stake. Sa kabilang banda naman, tinanggap ni Rudá ang paghirang na maglingkod sa panguluhan ng Primary sa stake.
Malaking lugar ang sakop ng bagong stake, kung saan umaabot ito ng ilang libong kilometro kuwadrado. Ang mga bagong paghirang kina Helvécio at Rudá ay nagbigay sa kanila ng pagkakataong mabisita ang mga malalayong ward at branch ng stake. Madalas ay sinusundo ni Helvécio si Rudá sa istasyon ng bus nang gabing-gabi habang pauwi ito mula sa isang gawain. Bagama’t nahihirapan sila sa mga bagong kahilingan sa kanila, masayang naglilingkod ang mga Martins.
Binago rin ng kanilang binyag ang kanilang ugnayan sa pamilya nila. Hindi nagustuhan ng pamilya ni Rudá na sumapi siya sa Simbahan, at sinubukan nilang kumbinsihin sila ni Helvécio na talikuran ng mga ito ang kanilang bagong pananampalataya, hinuhulaan na makararanas ng trahedya ang mga ito. May ilan pang kamag-anak si Rudá na nagbabalang maaaring kunin ng Diyos ang buhay ng kanilang anak na si Marcus.
Ngunit komportable ang mga Martins sa piling ng mga Banal. Mainit silang tinanggap ng mga miyembro ng branch kaya unang inisip ni Helvécio kung tumatanggap ba ng espesyal na pagtrato ang pamilya niya dahil sa kanyang estado bilang kilalang propesyonal. Subalit matapos siyang mabigyan ng mababaw na trabaho sa isang aktibidad ng branch, natanto niya na hindi binibigyan ng mas pabor na trato ang pamilya niya.
Isang araw, isang kaibigan sa Simbahan ang nagsabi kay Helvécio, “Ang mga tapat na miyembrong tulad mo ang nagpapakita ng iyong pag-asam sa priesthood sa Panginoon. Wala akong pagdududa na balang araw ay matatanggap mo ang priesthood.”
Nagpasalamat sina Helvécio at Rudá sa suporta ng kanilang mga kaibigan at kapwa miyembro ng Simbahan. Subalit mas nais nilang huwag masyadong pag-isipan ang tanong kung kailan o paano tatanggap ang mga Itim na Banal ng pagpapala ng priesthood. May pananampalataya sila sa Diyos na balang araw ay tutuparin Niya ang lahat ng Kanyang mga pangako. Gayunpaman, pinanatili ng mga Martins na halos wala silang inaasahan upang protektahan ang sarili nila mula sa pagkabigo at sakit ng damdamin. Naniniwala silang ang buong pagpapala ng priesthood at templo ay darating sa kanila sa Milenyo. Habang hindi pa nangyayari iyon, nanalangin lamang sila para sa karagdagang pananampalataya at lakas na makapaglingkod sa Simbahan.
Matapos maorganisa ang Rio de Janeiro Stake, nagsagawa sina Helvécio at Rudá ng mga appointment upang matanggap nila ang kanilang mga patriarchal blessing. Nang si Walmir Silva, ang patriarch ng stake, ay binasbasan sina Helvécio at Rudá, ipinangako nito sa kanila na magsasama sila “sa mundo sa kaligayahan ng walang-hanggang tipan.” Maganda ang pangako, subalit umuwi ang pamilyang nalilito. Dahil sa restriksyon sa priesthood, hindi makapasok sina Helvécio at Rudá sa templo at hindi nila inaasahang makakagawa sila ng mga tipan sa templo sa kanilang mortal na buhay. Ano ang maaaring ibig sabihin ng patriarch?
Makalipas ang pitong linggo, bumisita ang labing-apat na taong gulang na si Marcus sa tahanan ng patriarch upang tanggapin ang sarili niyang basbas. Habang binabasbasan siya ng patriarch, nangako ito kay Marcus na magkakaroon siya ng mga oportunidad na ipangaral ang ebanghelyo at ibahagi ang kanyang patotoo ng katotohanan. Ang palagay nina Helvécio at Rudá sa pangakong ito ay maglilingkod si Marcus sa isang misyon. Subalit tila imposible rin iyon. Hindi makapaglilingkod si Marcus sa isang misyon hanggang hindi niya taglay ang priesthood.
Ayaw ng pamilya Martins na mabagabag ng mga salita ng patriarch ang walang patid at tahimik na takbo ng kanilang buhay. Nagpasya silang magpatuloy mamuhay tulad ng nakagawian na nila noon at huwag masyadong pag-isipan ang karanasan.
Gayunpaman, ayaw balewalain nina Helvécio at Rudá ang mga pangakong ibinigay sa kanila. Sakali mang dumating ang panahon, tahimik silang naglagak ng bagong ipon sa bangko—isang pondo sa pagmimisyon ni Marcus.
Tahimik na lumipas ang Araw ng Pasko noong taong 1973 para kay Spencer W. Kimball. Nagpalitan sila ni Camilla ng mga regalo at sa kapatid ni Camilla na si Mary, na ipinanganak na bingi at ngayon ay nakatira sa kanila. Naglagay ng pabo sa hurno si Camilla, at tinulungan niya itong mag-ayos ng isa pang mesa para sa mga panauhing inaasahan nila sa hapunan.
Pinalipas ni Elder Kimball ang natitirang umaga sa harap ng kanyang makinilya habang sinusubukan niyang sagutan ang mga naipong liham. Tumutugtog ang musikang Pamasko sa ponograpo, at minsan ay napapahinga siya sa pagmamakinilya upang baligtarin ang plaka.
Nang magdapit-hapon na, ang ilan sa mga anak, apo, at apo sa tuhod ng mga Kimball ay dumating para sa hapunan sa Pasko. Kabilang sa mga bisita sina Mangal Dan Dipty, isang lalaking bininyagan ni Elder Kimball labindalawang taon na ang nakakaraan sa Delhi, India, at isang batang babaeng Zuni na nagngangalang Arlene, na nakatira kasama ng anak na babae ng mga Kimball na si Olive Beth, bilang bahagi ng Indian Student Placement Program. Kumain at umawit ang grupo, at natulog si Elder Kimball na nadarama ang masayang paglipas ng araw.
Noong sumunod na gabi, mga bandang lampas alas otso, sumagot si Elder Kimball sa isang tawag sa telepono sa kanyang tahanan. “Si Arthur po ito,” sabi ng tumawag. Agad na nakilala ni Elder Kimball ang boses ni Arthur Haycock, ang kalihim ni Pangulong Lee.
“Oh, Arthur,” masayang bati ni Elder Kimball, “kumusta ka ngayong gabi?”
“Hindi po masyadong maganda,” sabi ni Arthur. “Nasa ospital po ako kasama si Pangulong Lee, at malubha ang lagay niya. Sa palagay ko po ay dapat agad kayong pumunta.”
Ibinaba ni Elder Kimball ang telepono at diretsong nagmaneho sa ospital, kung saan niya nakasalubong si Arthur sa pasilyo. Ipinaliwanag ni Arthur na nagpunta sa ospital si Pangulong Lee para magpahinga at upang magpatingin. Nakaupo ito sa kama nang bigla itong inatake sa puso. Humingi ng tulong si Arthur, at sa loob ng isang saglit ay napuno ang silid ng mga doktor, nars, at mga kagamitan. Magulo pa rin ang lugar sa dami at bilis ng mga pangyayari.
Si Joan, ang asawa ni Pangulong Lee, ay dumating kasama ang anak nilang si Helen at manugang na si Brent. Sinabi ni Arthur na dapat silang lumayo sa silid ni Pangulong Lee, kung kaya naghanap ang maliit na grupo ng bakanteng silid sa may pasilyo kung saan sila maaaring maghintay. Magkakasama silang nanalangin at hiniling sa Panginoon na pahintulutang mabuhay pa ang propeta. Habang naghihintay sila ay dumating si Mario G. Romney, ang ikalawang tagapayo ni Pangulong Lee sa Unang Panguluhan.
Hindi tiyak kung ano ang gagawin, pinangunahan ni Pangulong Romney ang grupo sa isa pang panalangin. Pagkatapos ay may doktor na pumasok sa silid.
“Ginagawa namin ang lahat ng makakaya namin,” sabi niya, “ngunit mukhang hindi maganda ang lagay niya.”
Nagulantang si Elder Kimball. Si Pangulong Lee, na palagiang sinusuportahan siya sa gitna ng sarili niyang karamdaman, ay pitumpu’t-apat na taong gulang—higit na mas bata kaysa sa kanya. At mukha itong mas malusog. Marami sa Simbahan ang inaakalang mas tatagal pa ang buhay niya kaysa kay Elder Kimball. At walang ibang higit na nanalangin kaysa sa mga Kimball na magpatuloy sa pagiging malusog si Pangulong Lee.
Lumipas ang sampung minuto. Umalis si Elder Kimball sa silid at naglakad sa pasilyo patungo sa silid ni Pangulong Lee. Habang papalapit siya, lumabas ang doktor mula sa silid-pagamutan.
“Ginawa na po namin ang lahat,” sabi niya. Wala na si Pangulong Lee.