Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 6: Pagpapala sa Lahat ng Dako


Kabanata 6

Pagpapala sa Lahat ng Dako

unang pahina ng pahayagang Nigerian

Noong tagsibol ng 1962, tambak ng trabaho ang miyembro ng board ng MIA ng Young Women na si Ruth Funk. Malapit na ang taunang kumperensya ng MIA, at kasama siyang nag-organisa ng dulang musikal para sa pagtitipon. Ang kumperensya, na nagsimula pa noong dekada ng 1890, ay dinaluhan ng humigit-kumulang dalawampu’t-limang libong lider ng kabataan sa Lunsod ng Salt Lake upang tumanggap ng payo at turo mula sa mga pangkalahatang lider ng Simbahan. Nais ni Ruth at ng mga miyembro ng kanyang komite na lumikha ng magandang palabas para sa kumperensya, at natututo sila habang ginagawa ito.

Habang papalapit na ang araw ng pagtatanghal, hiniling kay Ruth na dumalo siya sa pulong ukol sa pokus ng Simbahan. Hindi niya alam kung bakit siya inanyayahan, at wala siyang planong dumalo. Kung tutuusin, halos wala na siyang oras para makita ang asawa niyang si Marcus at apat nilang anak.

Gayunpaman, sa nakatakdang gabi, nagmamadaling pumunta si Ruth sa pulong. Doon ay nakita niya ang isang silid na puno ng tao, kabilang na ang ilang pangkalahatang lider ng Simbahan, tinatalakay ang mga pangunahing mithiin ng Simbahan. Si Reed Bradford, isang propesor ng sociology mula sa Brigham Young University, ang nangasiwa sa pulong.

Walang sinabi si Ruth noong una. Subalit bago natapos ang gabi, sinabi ni Reed, “Sister Funk, hindi mo pa ibinabahagi sa amin ang iyong saloobin.”

“Ang totoo, masidhi ang mga nadarama ko,” sagot niya. Gaya ng maraming tao sa Estados Unidos at sa iba pang lugar, tumitindi ang pag-aalala ng mga miyembro ng Simbahan ukol sa diborsyo, kriminalidad sa mga menor de edad, at iba pang suliranin sa lipunan. “Nadarama ko na dapat gawin ang lahat para bigyang-diin ang lakas ng pamilya,” sabi niya.

Natapos ang pulong at bumalik si Ruth sa iba niyang mga responsibilidad. Kalaunan, nang magwakas ang kumperensya ng MIA at naging matagumpay ang pagtatanghal ng dulang musikal, tinawagan siya ni apostol Marion G. Romney. “Ruth,” sabi nito, “hinihirang ka naming maglingkod sa Correlation Committee.”

Nanlumo si Ruth. “Ano naman po ang correlation?” tanong niya.

Hindi nagtagal ay nagkaroon siya ng pulong ng pagpapakilala kay Elder Harold B. Lee. Ang komite ang pinaka-responsable sa pagtitiyak na lahat ng kurikulum ng Simbahan ay nakaayon sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Ngunit sa mabilis na paglaganap ng Simbahan sa buong mundo, may bagong pagbibigay-diin rin ang programa sa priesthood, tahanan, at pamilya bilang mahalagang bahagi ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Inilarawan ni Elder Lee ang mga komite na mangangasiwa sa mga programa para sa mga adult, kabataan, at mga bata. Nagulat si Ruth na hinirang siya sa komite para sa mga adult sa kabila ng ilang taon niyang karanasang paglilingkod sa mga youth. Gaya niya, ang ibang mga miyembro ng komite—tatlong babae, limang lalaki—ay lahat abala sa kanilang mga hanapbuhay at responsibilidad sa pamilya. Ang pinakabatang miyembro ay ang tatlumpu’t apat na taong gulang na si Thomas S. Monson, na katatapos lamang maglingkod bilang pangulo ng Canadian Mission kasama ang kanyang asawang si Frances.

Lumipas ang mga buwan, at sinimulan ng komite ang pagsasaliksik sa mga naunang aralin ng Simbahan, hinikayat ang lahat na ipahayag nang malaya ang kanilang opinyon habang tinatalakay nila ang hinaharap ng kurikulum ng Simbahan. May ilang taong pag-aaral at trabaho na gagawin pa ang komite, ngunit nasasabik si Ruth na gawin ang anumang kaya niyang gawin upang matulungang sumulong ang Simbahan.


Sa ibang bahagi ng punong-tanggapan ng Simbahan, si Henry D. Moyle—isang apostol, negosyante, at dating pinuno ng Church Welfare Program—ay naglilingkod bilang bagong tawag na unang tagapayo ni Pangulong McKay.

Una siyang hinirang ng propeta na maglingkod sa panguluhan kasama ang unang tagapayo na si J. Reuben Clark matapos pumanaw ni Stephen L Richards noong Mayo 1959. Makalipas ang dalawang taon, nagsimulang bumagsak ang kalusugan ni Pangulong Clark, kung kaya itinalaga ni Pangulong McKay si apostol Hugh B. Brown para samahan sila bilang ikatlong tagapayo sa panguluhan. Nang pumanaw si Pangulong Clark noong 1961, itinalaga noon ni Pangulong McKay sina Pangulong Moyle at Pangulong Brown na maging kanyang una at ikalawang tagapayo.

Bilang unang tagapayo ng Unang Panguluhan, abala si Pangulong Moyle sa lahat ng aspekto ng programang misyonero ng Simbahan, isang tungkuling ikinasisiya niya. Sa buong mundo, maraming tao ang nagkakaroon ng malaking interes sa Kristiyanismo, at si Pangulong Moyle ang responsable sa pagtitiyak na maayos silang naaabot ng bawat mission. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, dumami ng 300 porsyento sa buong mundo ang mga nabinyagan, at ang karaniwang misyonero ay naglilingkod ng 221 oras kada buwan—higit pa ng 44 porsyento kaysa noong 1960.

Sa kanyang karanasan sa negosyo, nasisiyahan si Pangulong Moyle sa matataas na bilang at malalaking porsyento. Subalit sa gawaing misyonero, hindi sapat ang bilang lamang kung panandaliang isasabuhay ng mga bininyagan ang kanilang tipan. Nais tiyakin ni Pangulong Moyle na nagsasagawa ng tuluy-tuloy na pagbabago sa kanilang buhay ang mga tao.

Gaya ni Pangulong McKay, naniniwala siya sa pamamaraan na “Bawat Miyembro ay Misyonero” sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Subalit nababahala siya sa maraming suliraning idinudulot ng pagsapi ng maraming kabataan sa Simbahan para lamang maglaro ng baseball sa mga koponan ng mga misyonero. At nadismaya siya nang binigyang-diin ng mga mission ang pag-abot ng kota kaysa sa tunay na pagbabalik-loob. Habang nakikipag-usap siya sa mga misyonero, hinikayat niya ang mga ito na turuan ang mga pamilya at tulungan ang mga bagong binyag na madamang tanggap sila sa Simbahan. Binigyang-diin niya na kailangan ng mga kabataan ng pahintulot mula sa kanilang mga magulang bago mabinyagan.

Hindi nagtagal matapos maorganisa ang Correlation Committee, dumalo si Pangulong Moyle sa isang pulong kung saan iminumungkahi ni Elder Harold B. Lee na palawakin ang programa ng correlation para maisama ang gawaing misyonero. Nag-alala sa ideya si Pangulong Moyle. Ilang taon niyang nakatrabaho si Elder Lee sa Church Welfare Program at sa Korum ng Labindalawang Apostol at itinuturing niya ito bilang matalik na kaibigan. Bagama’t aprubado sa kanya ang ilang aspekto ng correlation, gayunpaman, tutol siya sa puntong ito.

Sa pagkakaalam niya, mula pa noong umpisa, ang gawaing misyonero ay pinangungunahan ng Unang Panguluhan. Nag-iisyu sila ng mga mission call, nagtatalaga ng mga pangulo ng mission, at direktang nakikipag-usap sa mga tanggapan ng mission. Subalit sa ilalim ng mungkahi ni Elder Lee, ang isang miyembero ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa halip na tagapayo ng Unang Panguluhan, ang mamumuno sa komite ng Simbahan para sa mga misyonero. Tatanggap ang panguluhan ng mga nakasulat na ulat mula sa mga apostol na bumisita sa mga mission gayundin ang mga salaysay na ulat mula sa mga nagbabalik na mga pangulo ng mission, subalit aalisin na sa kanila ang halos lahat ng direktang pamamahala sa mga mission.

Noong ika-18 ng Setyembre, tinalakay ni Pangulong Moyle kay Pangulong McKay ang pinalawak na plano ng correlation ni Elder Lee. Maayos na umiiral ang kasalukuyang sistema, paliwanag niya. “Kapag ipinatupad ang bagong planong ito,” sabi niya, “tuluyan nitong aalisin ang gawaing misyonero sa kamay ng Unang Panguluhan.”

“Nasa kamay na natin ito mula noong inogranisa ang Simbahan,” sang-ayon ni Pangulong McKay. Ngunit sa mabilis na paglago ng Simbahan, hindi magtatagal ay kailangang italaga ng Unang Panguluhan ang mas marami sa mga responsibilidad nito. Mayroong animnapu’t apat na mission at higit sampung libong misyonerong dapat kalingain—at darami pa ang mga bilang na ito. Ngayon pa lamang ay napakaraming oras na ang ginugugol nina Pangulong Moyle at dalawang katuwang sa mga pagtawag sa misyon pa lamang. Pinangangasiwaan din nila ang tila walang katapusang pakikipag-ugnayan sa mga pangulo ng mission tungkol sa mga bagay na administratibo gaya ng pagbili ng lupa para sa mga meetinghouse.

Nais ni Pangulong McKay na ipagpatuloy ng Unang Panguluhan ang paghirang mga bagong pangulo ng mission, gaya ng nakagawian nila. Ngunit bukas siya sa mga pagbabago sa mungkahi ni Elder Lee. Nais niyang marinig pa ang tungkol sa mga iyon.


Makalipas ang ilang buwan, noong ika-11 ng Enero 1963, nagpalabas ang Deseret News ng hindi inaasahang ulo ng balita: “Simbahan: Magpapasimula ng Gawaing Misyonero sa Nigeria.”

Lumabas ang anunsyo ilang araw lamang matapos bumalik sina apostol N. Eldon Tanner at kanyang asawang si Sara mula sa Kanlurang Aprika. Noong kabuuan ng kanilang dalawang linggong paglilibot, nakipag-usap si Elder Tanner sa maraming opisyal na Nigerian, nakipagkita sa ilang daang magiging Banal, at inilaan ang bansa para sa pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa pagbalik ng mga Tanner sa Utah, tinawag ni Pangulong McKay si LaMar Williams at iba pa na maglingkod bilang mga misyonero sa Nigeria oras na makatanggap sila ng visa para sa bansa.

Si Charles Agu, isang lider ng mga magiging Banal sa Aba, Nigeria, ay nagdiwang sa balita. Ang kongregasyon niya ang may higit 150 tao, at mabilis itong lumalago. Nang bumisita si LaMar sa bansa noong 1961, kinaibigan siya ni Charles at sinamahan siya sa ilang bahagi ng paglilibot nito. Nauunawaan niya at ng kanyang kongregasyon nang mabuti ang ebanghelyo at may hindi nagmamaliw na pananampalataya sa Panunumbalik. Bago bumalik si LaMar sa Estados Unidos, nag-rekord ng mensahe si Charles para kay Pangulong McKay. “Naniniwala kami na ang Simbahang ito ay taglay ang lahat ng paghahayag at propesiya na kinakailangan ng Diyos upang gabayan sa tama ang Kanyang mga tao,” patotoo niya. “Sa gayon ay hindi namin tututulan ang Simbahang ito dahil lamang ipinagkait sa amin ang priesthood.”

Mula noon, nagpalitan ng maraming liham sina Charles at LaMar, at halos hindi makapaghintay si Charles na bumalik si LaMar at opisyal na organisahin ang Simbahan sa Kanlurang Aprika. “Para sa lahat sa amin, isa itong pagkakataon ng malaking pag-asam,” iniliham niya kay LaMar noong Pebrero 1963.

Dahil hindi niya maaaring taglayin ang priesthood, nauunawaan ni Charles na hindi niya magagawang maglingkod bilang branch president oras na maorganisa ang Simbahan sa Nigeria. Subalit noong pagdalaw ni Elder Tanner, ipinaliwanag ng apostol na sina Charles at iba pang mga lider na Nigerian ay patuloy na gagabay sa kanilang mga kongregasyon bilang mga lider ng district o grupo na hindi na-ordenan. Pupunan din ng mga Banal na Nigerian ang lahat ng mga paghirang na hindi nangangailangan ng ordenansa ng priesthood.

Sa bawat linggong lumilipas, inaasahan ni Charles na patungong Nigeria na si LaMar. Ngunit sa halos bawat liham na ipinapadala niya, iniuulat ni LaMar na hinihintay niyang aprubahan ng pamahalaang Nigerian ang kanyang visa. Walang makapagpaliwanag ng mabagal na pag-usad nito.

Pagkatapos, noong Marso, may nabasa si Charles na isang artikulo ukol sa Simbahan sa isang pahayagang nagngangalang Nigerian Outlook. Inilahad nito ang kuwento ng isang Nigerian na nag-aaral ng kolehiyo na bumisita sa isang pulong ng mga Banal sa mga Huling Araw sa California. Sa pulong, gulat na gulat ang lalaki na malaman ang tungkol sa restriksyon sa priesthood at ang mga pangangatwirang ibinigay para ipaliwanag ito.

“Hindi ako naniniwala sa isang Diyos kung saan ang mga naniniwala sa Kanya ay ipinapangaral ang kahigitan ng isang lahi sa iba pa,” isinulat ng lalaki sa kanyang artikulo. Naniniwala siyang sisirain nito ang reputasyon ng Nigeria kapag hinayaan ang Simbahan na maorganisa sa bansa.

Ilang taon pa lamang ang lumilipas mula nang matamo ng Nigeria ang kasarinlan nito mula sa Britanya, at sinasalamin ng artikulo ang malawakang pagdududa na may negatibong impluwensya ang mga banyaga sa bansa. Naniniwalang may kinalaman ang artikulo sa natatagalang visa, ipinadala ito ni Charles kay LaMar. Iniisip niya na ang pagpunta ng isang opisyal na kinatawan mula sa punong-tanggapan ng Simbahan ay maaaring makatulong na kontrahin ang kasiraang dulot ng artikulo.

Tutol si LaMar dito. Nagmungkahi ang mga lider ng Simbahan na magkaroon ng mission sa Nigeria dahil ilang libong Nigerian ang matiyaga at walang sawang hinahanap ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Naniniwala si LaMar na kung may magtatanggol sa Simbahan sa Nigeria, isa dapat itong mananampalataya na Nigerian. “Natitiyak kong sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at inspirasyon ay magagawa at masasabi ninyo ang mga bagay na iyon na magpapatiyak sa mga opisyal ng pamahalaan na tapat kami,” isinulat niya.

Nakipagkita si Charles kay Dick Obot, isa pang magiging Banal na Nigerian, at magkasama silang nagpalagay ng patalastas ukol sa Simbahan sa Nigerian Outlook. Dito, nagpatotoo sila ukol sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng propetang si Joseph Smith, ang papel na ginagampanan ng paghahayag sa makabagong panahon sa pagbuo ng doktrina, at ang malasakit ng Simbahan para sa espiritwal at temporal na kapakanan ng lahat ng tao.

Umaasa si Charles na makakatulong ang patalastas na baguhin ang mga isip at puso ukol sa mga Banal. Bago niya natagpuan ang Simbahan, naninigarilyo siya, umiinom ng alak, at namumuhay nang walang disiplina sa sarili. Ngayon ay nagbago na siya.

“Nakatagpo ako ng kaligayahan sa aking buhay, pag-unlad sa aking hanapbuhay, at pagpapala sa lahat ng dako,” sinabi niya kay LaMar.


Noong Marso 1963, apat na buwan matapos ang kanyang binyag, nais ng labintatlong taong gulang na si Delia Rochon na magbayad ng ikapu. Miyembro siya ng isang branch na may dalawampung kasapi sa Colonia Suiza, isang lunsod sa timog Uruguay. Alam niyang kautusan ang pagbabayad ng ikapu, at handa siyang gawin ang anumang ipagawa sa kanya ng Panginoon. Ang tanging problema niya ay wala siyang pinagkakakitaan.

Lumapit siya sa kanyang ina, na hindi pa miyembro ng Simbahan, upang humingi ng payo. Iminungkahi ng kanyang ina na maghanap siya ng paraan para kumita ng pera.

Isang may edad na kapitbahay ang pumayag na bayaran si Delia upang ipag-igib siya ng tubig. Bawat araw, dadalhin ni Delia ang isang babasaging sisidlan sa balon malapit sa bahay nito, lalagyan ng apat na litrong tubig, at ihahatid ito sa bahay ng matanda. Matapos ang ilang linggong pag-iipon ng kanyang mga kinita, nagbigay siya ng piso kay Victor Solari, ang kanyang branch president, para sa ikapu.

“Magkano ang kinita mo?” tanong ng pangulo.

“Tatlong piso po,” sagot ni Delia.

“Buweno,” sabi ni Pangulong Solari, “Ang ikapu ay 10 porsyento.” Ang piso—ikatlo ng kanyang kinita—ay sobra-sobra.

“Pero nais ko pong ibigay ang pera,” sabi ni Delia.

Pinagnilayan ito ni Pangulong Solari. “Kung gayon,” sabi niya, “maaari kang magsagawa ng handog-ayuno.” Ipinaliwanag niya kung ano ang handog-ayuno at tinulungan si Delia na sagutan ang kanyang unang papeles para sa donasyon.

Hindi nagtagal, hiniling ni Pangulong Solari na makipagkita kay Delia. Hindi pa siya napapatawag sa tanggapan nito, kaya kinakabahan siya. Isa itong maliit na silid na may bakal na mesa at iilang lalagyan ng libro na naglalaman ng mga manwal ng Simbahan. Nang naupo siya sa upuan sa harap ng mesa, hindi abot ng mga paa niya ang sahig.

Agad tinalakay ni Pangulong Solari ang layunin ng pulong. Lumipat sa ibang lugar ang pangulo ng Primary ng branch para maging guro, at nais niyang si Delia ang pumalit dito.

Noong mga nakalipas na panahon, kadalasang mga misyonero ang nangunguna sa mga katungkulan ng pamumuno sa branch. Ngunit si Thomas Fyans, ang pangulo ng Uruguayan Mission, ay mahigpit na naniniwala na dapat i-release ang mga misyonero na taga-Hilagang Amerika mula sa mga posisyon ng pagiging lider at sa halip ay italaga ang mga lokal na Banal. Ang gawaing ito ay naging prayoridad para sa mga misyonero mula sa Timog Amerika mula nang bumisita si Elder Kimball sa kontinente noong 1959. Ang pagbigay ng mas maraming lokal na oportunidad sa mga lokal na Banal—maging mga Banal na labintatlong taong gulang pa lamang—ay itinuring bilang napakahalagang hakbang sa pag-organisa ng mga stake sa Timog Amerika.

Hindi pa nakakadalo si Delia sa Primary bilang bata. Hindi niya talaga alam kung ano ang tungkulin ng pangulo ng Primary. Gayunpaman, tinanggap niya ang paghirang, at magaan ito sa pakiramdam niya.

Ngunit nag-alala siya kung paano tatanggpin ng kanyang mga magulang ang balita. Diborsyado na sila, at pareho silang hindi miyembro ng Simbahan. Tapat na Protestante ang pamilya ng kanyang ama at tutol sa kanyang pagsapi sa Simbahan. Mas bukas ang kanyang Katolikong ina sa kanyang mga paniniwala, ngunit inaalala nito na maaaring gambalain ng tungkulin ang mga responsibilidad niya sa bahay at paaralan.

“Kakausapin ko ang iyong ina,” sabi ni Pangulong Solari.

Nangailangan ito ng pangungumbinsi, ngunit nagawang makipagkasunduan ng pangulo ng branch at ni Delia sa kanyang ina: gagawin ni Delia ang kanyang mga gawaing-bahay nang maaga kapag Sabado, ang araw na idinaraos ang Primary sa branch niya, at pagkatapos ay hahayaan siyang gawin ang anumang kailangan niyang gawin upang gampanan ang mga tungkulin niya sa Simbahan.

Matapos maitalaga, nagsimula nang magtrabaho si Delia sa kanyang bagong tungkulin. Dahil napakaliit ng kanyang branch, siya lamang ang responsable sa pamumuno at pagtuturo sa mga bata ng Primary. Para sa pagsasanay, binigyan siya ni Pangulong Solari ng isang makapal na manwal ng Primary at dalawang makinilyadong pahina ng mga tagubilin.

“Kung may mga tanong ka,” sabi nito, “manalangin ka lang!”

Bago inihanda ni Delia ang kanyang unang aralin, binasa niya ang mga tagubilin. Pagkatapos ay binuksan niya ang manwal ng Primary, ipinatong ang kanyang mga kamay sa mga pahina nito, at iniyuko ang kanyang ulo.

“Ama sa Langit,” sabi niya, “Kailangan ko pong ituro ang araling ito sa mga bata, at hindi ko po alam kung paano. Pakiusap, tulungan po Ninyo ako.”


Noong panahong ito, ang labinwalong taong gulang na si Suzie Towse ay sumakay ng tren patungong London. Halos dalawang taon na mula noong bininyagan siya sa Beverley Brach, at ngayon ay naglalakbay na siya upang maglingkod sa misyon bilang kalihim sa tanggapan ng Church Building Department sa United Kingdom.

Hindi natuwa ang mga magulang niya na kanyang lilisanin ang kanilang tahanan. Sa katunayan, ang kanyang ina na sumama sa Simbahan di nagtagal matapos ni Suzie, ay may mabigat na pakiramdam sa Simbahan matapos siyang mainis sa isang misyonero. Ngunit hindi ito nakahadlang kay Suzie. Ang paglilingkod sa misyon ay naging mithiin niya mula nang sumapi siya sa Simbahan.

Si Geoff Dunning, isang binata mula sa kanyang branch, ang naghatid sa kanya sa istasyon. Sumapi siya sa Simbahan isang taon na ang nakakaraan, at naging magkaibigan sila habang magkasamang naglilingkod sa komite ng kapatiran ng branch. Ang malakas na patotoo at ugali sa trabaho ni Geoff ay pumukaw sa pansin ng mga lokal na lider ng Simbahan, at nakapaglingkod na siya sa mga magkakaibang paghirang.

Habang naglalakbay siya patimog, nasasabik si Suzie na maglingkod sa Building Department. Sinimulan ng Simbahan ang labor missionary program nito sa Europa noong Hulyo 1960. Hindi nagtagal ay hinirang ng mga pangulo ng mission ang ilang daang lokal na Banal, kabilang na ang ilang kabataang lalaki na nanatiling aktibo matapos sumapi sa Simbahan sa pamamagitan ng mga koponan ng baseball ng mission, upang magsilbi bilang “mga misyonerong manggagawa.” Ngayon ay maaari nang asamin ng mga British na Banal ang magtipon sa mas maaliwalas na bagong kapilya sa halip na masikip at inuupahang mga bulwagan. Sa katunayan, maraming gabi na at mga Sabado ang ginuguol nina Suzie at Geoff sa pagtulong sa mga misyonerong manggagawa na itayo ang isang kapilya sa Beverley.

Tinanggap ni Suzie ang kanyang tawag na maglingkod mula kay Grant Thorn, ang pangulo ng bagong organisang Northeast British Mission. Ang pinakabatang edad para hirangin ang mga babae sa mga mission ng pag-proselytize ay dalawampu’t isa, ngunit ang mga misyonerong manggagawa ay maaaring hirangin sa mas batang edad. Dahil naglingkod si Suzie bilang kalihim sa isang accounting firm, alam niya kung paano gawin ang iba-ibang trabaho sa opisina. Nang kinapanayam siya ng Building Department tungkol sa kanyang naging trabaho bilang kalihim, nadama ng kumausap sa kanya na “kayang-kaya niya ang trabaho.”

Sa London, lumipat si Suzie sa isang apartment kasama ang dalawa pang sister na misyonero. Sinisimulan nila ang bawat umaga sa opisina nang may panalangin, isang himno, at pagbabasa mula sa banal na kasulatan. Ang natitira pa nilang oras ay ginugugol sa pagmamakinilya ng mga sulat, pagtatala ng mga pulong, pagsulat ng mga shorthand notes, at pagdalo at pag-iingat ng mga tala ng mga paglalaan ng kapilya.

Kabilang sa mga kapilyang itinatayo ay isang meetinghouse sa Merthyr Tydfil, Wales, ang lupang sinilangan ng ina ni Pangulomg McKay. Naganap ang seremonya ng paghuhukay para sa pundasyon nito noong Marso 1961, at bumilis ang takbo ng proyekto noong Enero 1963, noong nagpasya ang propeta na personal niyang ilalaan ang gusali. Noong sumunod na walong buwan, naglaan ang mga misyonero at mga Banal ng higit tatlumpung libong oras para itayo ang kapilya, na natapos noong ika-23 ng Agosto.

Makalipas ang dalawang araw, nagpunta si Suzie at isang libo tatlong daang tao upang ilaan ang bagong meetinghouse. Oras na nakita niya si Pangulong McKay, pinuno ng kapayapaan at pagmamahal ang kanyang kaluluwa. Batid niya agad na siya ay nasa presensya ng propeta ng Diyos.

Ilang buwan makalipas ang paglalaan, tumanggap si Suzie ng isang emosyonal na liham mula sa kanyang ina. “Kapag hindi ka umuwi ngayon din,” isinulat ng kanyang ina, “hindi mo na kailangang bumalik pa.”

Ayaw ni Suzie na sumama ang loob ng kanyang mga magulang, subalit ayaw rin niyang talikuran ang kanyang misyon. “Kung minsan, napakahirap malaman kung ano ang gagawin kapag magkaiba ang payo ng mga magulang ko at ng Simbahan,” ipinagtapat niya kay Geoff sa isang liham. “Sobrang nalilito na ako at lubos na nag-aalala.”

Hindi nagtagal, sinabi niya kay Pangulong Thorn ang problema niya. “Manatili ka at tapusin mo ang misyon mo,” ang payo nito. “Maghahanda ng paraan ang Panginoon.”

Sineryoso ni Suzie ang payo niya. “Balang araw ay mauunawaan ito ng mga magulang ko,” sinabi niya kay Geoff. “Alam kong hindi ako lalayo sa aming tahanan kung hindi ito gawain ng Panginoon.”


Nang inilahad ni Elder Harold B. Lee at kanyang komite ang kanilang huling plano para sa correlation ng priesthood sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol noong unang bahagi ng 1963, agad na inaprubahan ito ni Pangulong McKay. “Napakamaluwalhati ng kabuuan nito,” sabi niya.

Sakop ng plano ang kabuuan ng programa ng Simbahan,isang malaking pagpapalawak ng orihinal na mandato ng komite para i-correlate ang kurikulum. Hindi na maglalathala ang mga organisasyon ng Simbahan ng mga aralin o magpapalabas ng mga patakaran nang walang patnubay mula sa mga general authority. Hinahati ng bagong sistema ang pamamahala ng Simbahan sa apat na bahagi—kapakanan, genealogy at templo, home teaching, at misyonero. Bawat isa sa mga bahaging ito ay pamamahalaan ng isang komite na binubuo ng dalawamput limang miyembro, pinamumunuan ng isang apostol o ng presiding bishop.

Nang nagsalita si Elder Lee tungkol sa programa ng correlation sa pangkalahatang kumperensya noong Abril, ipinaliwanag niya na ang tahanan ang pundasyon ng matuwid na buhay at umiiral ang mga organisasyon ng Simbahan sa ilalim ng awtoridad ng priesthood para tulungan at suportahan ito. “Sa mga saligang ito,” sabi niya, “tayo ay ginabayan sa mga pag-aaral ng correlation ng mga kurikulum at aktibidad ng lahat ng mga organisasyon ng priesthood at ng mga auxillary na organisasyon.”

May pananampalataya sina Pangulong Moyle at Pangulong Brown sa paghirang kay Pangulong McKay bilang propeta ng Diyos. Subalit sa kabila ng kanyang pagpapahintulot sa programa, may mga alinlangan sila ukol sa ilan sa mga katangian nito. Matapos makipagsanggunian kay Elder Lee, hindi na nag-alinlangan si Pangulong Brown at tinanggap ni Pangulong Moyle ang halos lahat ng plano. Subalit patuloy niyang tinanong kung bakit kailangang ilipat ang pamamahala ng mga mission mula sa Unang Panguluhan papunta sa Korum ng Labindalawang Apostol.

Ilan taon nang malapit na magkasama sa paglilingkod sina Elder Lee at Pangulong Moyle. Nang hinirang si Pangulong Moyle sa Unang Panguluhan, hindi halos mapigilan ni Elder Lee ang kanyang tuwa. “Tila ba sobrang ganda nito para maging totoo,” isinulat niya sa kanyang journal. Kalaunan, nang pumanaw ang asawa ni Elder Lee na si Fern, inalo siya ni Pangulong Moyle at nagsalita sa libing nito. Ngayon ay inaasam ni Elder Lee ang tapat at buong suporta ng kanyang kaibigan para sa correlation.

Habang inihahanda ng Simbahan ang pagpapakilala sa bagong programa, nagsimulang manligaw si Elder Lee kay Joan Jensen, isang guro na kaedad niya at hindi pa ikinakasal kailanman. Matapos nilang magpasyang magpakasal, hiniling nila kay Pangulong McKay kung maaari ba nitong gawin ang seremonyas, at masayang pumayag ang propeta.

Isang araw bago ang kasal, hiniling ni Elder Lee kay Marion G. Romney, na isa ring malapit na kaibigan ni Pangulong Moyle, na maging isa sa mga saksi. Habang nag-uusap ang dalawang lalaki, lumapit si Pangulong Moyle at tinanong kung maaari din ba siyang dumalo sa seremonya. Sa loob ng isang saglit, anumang naging hindi pagkakaunawaan ng dalawa ay naglaho, at ang kanilang mga pagtatalo ukol sa correlation ay hindi na mahalaga.

“Nais mo bang maging saksi?” tanong ni Elder Lee.

Naging emosyonal si Pangulong Moyle. “Pahihintulutan mo ba ako?”

“Kung si Pangulong McKay ang magsasagawa ng aming kasal at kayong dalawa ang magiging saksi,” sabi ni Elder Lee, “magiging perpekto ito.”

Kinabukasan, ibinuklod ni Pangulong McKay sina Harold at Joan bilang mag-asawa sa Salt Lake Temple. Tumayong saksi sina Elder Romney at Pangulong Moyle sa banal na ordenansa.

Makalipas ang ilang buwan, noong Setyembre, lumipad patungong Florida si Pangulong Moyle, sa timog-silangang Estados Unidos, upang suriin ang isang 12,140 ektaryang rantso ng baka na pag-aari at pinangangasiwaan ng Simbahan upang tustusan ang programa nitong mangalaga ng mga maralita.

Samantala, nasa Hawaii naman si Elder Lee para pangunahan ang isang kumperensya ng stake. Isang umaga, isang tawag sa telepono mula sa Utah ang nagpagising sa kanya. Tumawag si Pangulong Brown upang ipaalam sa kanya na si Pangulong Moyle ay pumanaw na habang natutulog ito sa rantso sa Florida. Tigalgal, sumakay ng eroplano si Elder Lee noong umagang iyon para umuwi.

Makalipas ang tatlong araw, sa libing ni Pangulong Moyle, nakatayo si Elder Lee sa pulpito ng Salt Lake Tabernacle at nagsalita ukol sa pagkakaibigan nila ni Marion G. Romney kay Henry D. Moyle.

“Kaming tatlo ay mga lalaking determinado at matitigas ang ulo,” sabi niya. “Subalit sa palagay ko ay wala nang tatlong lalaki pa ang may ganoong kalaking paggalang para sa bawat isa.”

  1. Funk, Oral History Interview, 126–27, 129; Peterson at Gaunt, Keepers of the Flame, 106–9; Mga Banal, tomo 3, kabanata 4; “General Boards Guide Mutual Aides through Days of Play, Study, Work,” Church News, Hunyo 23, 1962, 3–4.

  2. Funk, Oral History Interview, 126–27; “Outlines Assist Parents to Teach Gospel,” Church News, Ene. 13, 1962, 14.

  3. Funk, Oral History Interview, 126–27; Spencer W. Kimball, sa One Hundred Thirty-First Semi-annual Conference, 33; Mintz at Kellogg, Domestic Revolutions, 179, 194–205; Holt, Cold War Kids, kabanata 3; Patterson, Grand Expectations, 369–71; Relief Society, General Board Minutes, volume 34, Feb. 21, 1962, 39–40.

  4. Funk, Oral History Interview, 127; Funk, “Ruth, Come Walk with Me,” 119–20; “General Boards Guide Mutual Aides through Days of Play, Study, Work,” Church News, Hunyo 23, 1962, 3. Mga Paksa: Paglago ng Simbahan; Correlation; Harold B. Lee

  5. Curriculum Department, Priesthood Correlation Executive Committee Minutes, June 12, 1962, 40; Funk, “Ruth, Come Walk with Me,” 119–20; “Pres. Monson Reports Canada Mission Labors,” Church News, Peb. 3, 1962, 6. Paksa: Thomas S. Monson

  6. Curriculum Department, Priesthood Correlation Executive Committee Minutes, Nov. 1, 1962, 58; Funk, “Ruth, Come Walk with Me,” 120–21; Pulsipher, Ruth Hardy Funk, 113–15; Norman R. Bowen, “Announcement Made of First Application of Church Correlation Program,” Church News, Dis. 29, 1962, 14.

  7. Poll, Working the Divine Miracle, chapter 9 and 10; Anderson, Prophets I Have Known, 146–53; McKay, Diary, May 19, 1959; June 12, 14, and 18, 1959; June 21–22, 1961; Oct. 6 and 12, 1961; Romney, Journal, Oct. 27, 1960; Nov. 3, 1960; Dec. 7, 1960; Brown, Abundant Life, 131–32. Paksa: Unang Panguluhan

  8. McKay, Diary, June 12 and 26, 1959; Poll, Working the Divine Miracle, 199–205; Anderson, Prophets I Have Known, 147–48; First Presidency, Minutes, Sept. 18, 1962, First Presidency, General Administration Files, 1923, 1932, 1937–67, CHL; Mullin, Short World History of Christianity, 275, 280, 290. Paksa: Pag-unlad ng Gawaing Misyonero

  9. Henry D. Moyle, Address, Berlin Mission Missionary Conference, Oct. 18, 1961, 185–87, Henry D. Moyle Papers, CHL; First Presidency to Mission Presidents, Nov. 30, 1962, David O. McKay Papers, CHL; Henry D. Moyle, Address, Mission Presidents’ Seminar, June 26, 1961, 7–8, Missionary Department, Seminar for Mission Leaders, CHL; Tanner, Journal, July 17, 1961; June 6, 1962; July 17, 1962.

  10. Poll, Working the Divine Miracle, 211; Quorum of the Twelve Apostles, Missionary Committee Minutes, Nov. 20, 1962; Henry D. Moyle, Address, French East Mission Supervising Elders’ Conference, Feb. 12, 1963, 131, Henry D. Moyle Papers, CHL; Marion D. Hanks to First Presidency, Apr. 17, 1962; First Presidency to Marion D. Hanks, May 11, 1962; Mark E. Petersen to First Presidency, Feb. 8, 1961, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL.

  11. Quorum of the Twelve Apostles, Missionary Committee Minutes, Nov. 20, 1962; First Presidency to Mission Presidents, Nov. 30, 1962, David O. McKay Papers, CHL; Henry D. Moyle, “Jurisdictions and Procedures for Missions,” Mar. 18, 1961, 13–14, 16, Henry D. Moyle Papers, CHL; Tanner, Journal, Feb. 2 and June 6, 1962; British Mission, Manuscript History and Historical Reports, July 11, 1962.

  12. Council Minutes, Aug. 30, 1962, First Presidency, General Administration Files, 1923, 1932, 1937–67, CHL; Romney, Journal, Aug. 30, 1962, and Feb. 1, 1963; First Presidency, Minutes, Sept. 18, 1962, First Presidency, General Administration Files, 1923, 1932, 1937–67, CHL; Anderson, Prophets I Have Known, 148–49; Henry D. Moyle, Address, New England Mission Missionary Conference, May 21, 1962, Henry D. Moyle Papers, CHL; Poll, Working the Divine Miracle, 85, 183–84.

  13. First Presidency, Minutes, Sept. 18, 1962, First Presidency, General Administration Files, 1923, 1932, 1937–67, CHL; tingnan din sa Tanner, Journal, July 28, 1962; “Church Officials Visit 21 Missions in Europe,” Church News, Ago. 11, 1962, 3; at McKay, Diary, Aug. 9, 1962.

  14. First Presidency, Minutes, Sept. 18, 1962, First Presidency, General Administration Files, 1923, 1932, 1937–67, CHL; Quorum of the Twelve Apostles, Missionary Committee Minutes, Oct. 4, 1960, and Jan. 7, 1964; Spencer W. Kimball, Journal, Nov. 21, 1963; tingnan din, halimbawa sa, Spencer W. Kimball to First Presidency, May 29, 1964; at J. Vernon Sharp and Fawn Hansen Sharp, Andes Mission Report, Oct. 30, 1963, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL. Mga Paksa: Unang Panguluhan; Korum ng Labindalawa

  15. First Presidency, Minutes, Sept. 18, 1962, First Presidency, General Administration Files, 1923, 1932, 1937–67, CHL; “Spirit of Conversion Places 75,500 on Mission Records,” Church News, Dis. 30, 1961, 4.

  16. “Church to Open Missionary Work in Nigeria,” Deseret News and Salt Lake Telegram, Ene. 11, 1963, B1; “Elder Tanner Arrives Home after Two-Year Assignment in Europe,” Church News, Ene. 12, 1963, 3; Tanner, Journal, Dec. 24 and 28–30, 1962; Jan. 2, 1963; McKay, Diary, Jan. 10, 1963; tingnan din sa “Envoys to Go to Nigeria LDS Mission,” Salt Lake Tribune, Ene. 12, 1963, B9.

  17. First Presidency, Minutes, Oct. 11, 1962; Missionary Setting Apart Blessing for LaMar Williams, Nov. 21, 1962, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; David O. McKay to N. Eldon Tanner, Sept. 4, 1962, David O. McKay Papers, CHL; McKay, Diary, Jan. 10, 1963; LaMar Williams, Memorandum, Jan. 16, 1963, David O. McKay Papers, CHL; “Five Missionaries Sent to Nigeria,” Church News, Ene. 19, 1963, 7. Paksa: Nigeria

  18. McKay, Diary, Jan. 10, 1963; Charles Agu to LaMar Williams, Feb. 14, 1963; Feb. 18, 1963, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL; Williams, Journal, Oct. 23 and 28–31, 1961; Nov. 1–2, 5, and 12, 1961, [24]–[26], [29]–[30], [32]; Charles Agu and LaMar Williams to David O. McKay, Nov. 3, 1961, LaMar S. Williams Papers, CHL; LaMar Williams to Charles Agu, Dec. 20, 1961; June 5, 1962; Dec. 17, 1962, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL. Paksa: Restriksyon sa Priesthood at sa Templo

  19. Tingnan, halimbawa sa, LaMar Williams to Charles Agu, Jan. 17, 1963; Mar. 12, 1963, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL.

  20. Charles Agu to LaMar Williams, Mar. 16, 1963, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL; “Evil Saints,” and Ambrose Chukwu, “They’re Importing Ungodliness,” Nigerian Outlook (Enugu), Mar. 5, 1963, 3, sa Williams, Journal, Mar. 5, 1963, [55]–[63]; “Race and the Priesthood,” Gospel Topics Essays, ChurchofJesusChrist.org/study/manual/gospel-topics-essays.

  21. Allen, “West Africa before the 1978 Priesthood Revelation,” 210–11; Charles Agu to LaMar Williams, Mar. 16, 1963; Apr. 30, 1963, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL; tingnan din sa LaMar Williams to Charles Agu, Apr. 17, 1963, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL; at Stevenson, “Latter-day Saint Experience in West Africa,” 591.

  22. LaMar Williams to Charles Agu, May 28, 1963, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL.

  23. Charles Agu to LaMar Williams, June 8, 1963, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL; Charles Agu and Dick Obot, “What You Ought to Know about The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Nigerian Outlook (Enugu), Hunyo 26, 1963, 5, sa Williams, Journal, [79].

  24. Charles Agu to LaMar Williams, June 8, 1963, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL; tingnan din sa Charles Agu to LaMar Williams, July 11, 1963, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL.

  25. Rochon, Interview, 1–2, 12–13, 47–49; Colonia Suiza Branch, Minutes, Nov. 18, 1962, and Feb. 24, 1963, 231, 247; Delia Rochon to James Perry, Email, Dec. 2, 2021, Delia Rochon Interviews, CHL; Solari, Oral History Interview, [3]; Rochon, Come and See, 1–2, 12.

  26. Rochon, Interview, 12–13, 47–49; Delia Rochon, Tithing Slip, Apr. 14, 1963, Delia Rochon Interviews, CHL. Ang sipi ay pinamatnugutan upang maging wasto, nakasaad sa orihinal na pinagkukunan, na kalaunang itinama ito ng kinapanayam, ay “tatlong dolyar.” Paksa: Ikapu

  27. Rochon, Come and See, 8–9; Rochon, Interview, 21–22; Colonia Suiza Branch, Minutes, Apr. 28, 1963, 256; A. Theodore Tuttle to First Presidency, Mar. 27, 1962, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; Grover, Land of Promise and Prophecy, 162–66. Mga Paksa: Mga Tungkulin sa Simbahan; Uruguay

  28. Rochon, Come and See, 8–9; Rochon, Interview, 2, 6, 16–18, 21–22; Delia Rochon to James Perry, Email, Jan. 4, 2022, Delia Rochon Interviews, CHL.

  29. Colonia Suiza Branch, Minutes, Apr. 28, 1963, 256; Rochon, Interview, 21–22; Rochon, Come and See, 9–11. Paksa: Primary

  30. Dunning, “My Life and Legacy,” 4–6, 13; Dunning at Dunning, “Conversion Story at Beverley,” [2], [3]; Dunning at Dunning, Email Interview [Sept. 12, 2021]; Beverley Branch, Manuscript History and Historical Reports, Mar. 3, 1963; Suzette Dunning and Geoff Dunning to James Perry, Email, Mar. 17, 2022, Suzette Towse Dunning and Geoffrey Dunning Papers, CHL.

  31. McKay, Diary, July 6, 1960; “Labor-Missionary Program Adopted for European Chapels,” Church News, Hulyo 9, 1960, 7–8; European Mission, Historical Report, Dec. 31, 1960, 312–17; “237 Attend British Labor Mission Conference,” Church News, Mar. 10, 1962, 14; “The Building Programme,” Millennial Star, Hulyo 1960, 283; Wendell Mendenhall, “Buildings for Britain,” Millennial Star, Hulyo 1960, 284–92; Fletcher, Oral History Interview, 8.

  32. Dunning at Dunning, “Conversion Story at Beverley,” [3], [6]–[9]; Dunning at Dunning, Email Interview [Sept. 12, 2021]. Paksa: Programa sa Pagpapatayo

  33. Dunning, “My Life and Legacy,” 6–8; N. Eldon Tanner, “Elder Tanner Notes Progress in West European Mission Area,” Church News, Dis. 29, 1962, 7; Quorum of the Twelve Apostles, Missionary Committee Minutes, Feb. 6, 1962; Boyd K. Packer to Donald Fry, July 26, 1962, Missionary Department, Executive Secretary General Files, CHL; Perry, Brown, and Blease, “If the Walls Had Ears,” 125, 136, 139, 183.

  34. McKay, Diary, Aug. 25, 1963; Mahoney, “Merthyr Tydfil Chapel.” Paksa: Wales

  35. McKay, Diary, Aug. 25, 1963; George L. Scott, “Merthyr Tydfil: New Church Era in Wales,” Church News, Set. 7, 1963, [6]–[7]; Dunning, Oral History Interview, 5–6; Dunning, “My Life and Legacy,” 8–9; Dunning, Email Interview [July 21, 2021].

  36. Dunning, Oral History Interview, 5–6; Dunning, “My Life and Legacy,” 16.

  37. Suzette Towse to Geoffrey Dunning, Apr. 1, 1964, sa Dunning, “My Life and Legacy,” 17; Dunning, “My Life and Legacy,” 16–17; Suzette Towse to Geoffrey Dunning, Mar. 30, 1964, sa Dunning, Excerpts from Letters and Journals, [6]. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; nakasaad sa orihinal ay “Dama ko ay hindi ako talaga nakatitiyak sa mga bagay at naguguluhan at nag-aalala ako.”

  38. Council Minutes, Feb. 7, 1963, First Presidency, General Administration Files, 1923, 1932, 1937–67, CHL; Romney, Journal, Feb. 7, 1963; Hunter, Journal, Feb. 7, 1963; Harold B. Lee, sa One Hundred Thirty-Third Annual Conference, 88; Lee, Diary, Aug. 30, 1962, at circa Feb. 7–9, 1963.

  39. Council Minutes, Feb. 7, 1963, First Presidency, General Administration Files, 1923, 1932, 1937–67, CHL; Harold B. Lee, sa One Hundred Thirty-Third Annual Conference, 82, 85–86; “Chairmen Announced for Four Priesthood-Centered Committees,” Church News, Abr. 13, 1963, 9.

  40. Lee, Diary, Feb. 2 and 22, 1963; Apr. 2–4 and 11, 1963; Tanner, Journal, Apr. 1–8, 1963; Romney, Journal, Feb. 1 and Apr. 2, 1963; Hugh B. Brown, sa One Hundred Thirty-Seventh Semi-annual Conference, 113–14; McKay, Diary, Apr. 3, 1963.

  41. Poll, Working the Divine Miracle, 183–84, 213–14; Lee, Diary, June 12, 1959; Henry D. Moyle, Funeral Remarks for Fern Tanner Lee, Sept. 26, 1962, 438–41, Henry D. Moyle Papers, CHL.

  42. Goates, Harold B. Lee, 358; Lee, Diary, Jan. 11 and June 16, 1963; Romney, Journal, June 16–17, 1963; McKay, Diary, June 17, 1963. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagkukunan ay “Tinanong ko kung nais ba niyang maging saksi” at “silang dalawa ay magiging mga saksi.”

  43. “He Invests Mormons’ Money,” Fortune, Dis. 1957, 65; Poll, Working the Divine Miracle, kabanata 12.

  44. Lee, Diary, Sept. 6–19, 1963; Harold B. Lee, Funeral Remarks for Henry D. Moyle, Sept. 21, 1963, 5, First Presidency, General Administration Files, 1923, 1932, 1937–67, CHL.