Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 37: Darating ang mga Kasagutan


Kabanata 37

Darating ang mga Kasagutan

isang kamay na pumipihit ng gripo

“Ano sa palagay mo?”

Sinalubong siya ng katahimikan habang hinihintay ni Marco Villavicencio na sumagot ang asawa niyang si Claudia. Ang pinagtatrabahuhan niya, isang kumpanya ng telecommunications sa Machala, Ecuador, ay kaaalok lamang sa kanyang buksan ang isang sangay sa Puerto Francisco de Orellana, isang maliit na lunsod sa kagubatang Amazon sa silangang Ecuador.

Interesado si Marco sa posisyon, may kasama itong pagtaas ng puwesto, subalit ayaw niyang magdesisyon nang hindi sumasangguni kay Claudia. Kakailanganin ng trabaho na lumipat ang mga Villavicencio at kanilang apat na taong gulang na anak na si Sair nang mahigit 640 kilometro.

Si Claudia, gaya ni Marco, ay lumaki sa malaking lunsod, kung kaya malaking pagbabago ang paglipat sa kagubatan. Ngunit suportado niya si Marco at nais niyang umunlad ang asawa sa propesyon nito. Gusto rin niya ang ideya ng paglipat sa rural na lugar. Naisip niyang mas mapapalapit nito ang kanilang pamilya.

Gayunpaman, sila ni Marco ay may parehong tanong tungkol sa Puerto Francisco de Orellana: “Naroon ba ang Simbahan?” Kapwa sila mga nagsipagmisyon, at mahalaga ang Simbahan sa kanila. Nais nilang lumaki ang anak nila sa isang lugar kung saan makakadalo ito sa Primary, matutuhan ang ebanghelyo, at magkaroon ng mga espirituwal na karanasan. Ang Ecuador ay mayroong halos dalawang daang libong Banal sa mga Huling Araw, ngunit karamihan sa kanila ay nakatira sa malalaking lunsod gaya ng Quito, ang kabisera ng bansa, at sa Guayaquil, kung saan inilaan ang isang bahay ng Panginoon noong 1999.

Ang Puerto Francisco de Orellana, kilala ng mga lokal bilang El Coca, ay maliit kung ihahambing sa ibang lunsod, ngunit mabilis itong umunlad ilang taon na ang nakararaan matapos matuklasan na mayroon ditong makukuhang langis. Gamit ang Meetinghouse Locator sa website ng Simbahan, naghanap si Claudia ng isang ward o branch na malapit sa lunsod. Walang nakuhang resulta sa paghahanap, ngunit, makalipas ang sandaling panahon, sinabi kina Marco at Claudia ng kanilang mga kaibigan na may ilang mga miyembro ng Simbahan na lumipat doon para magtrabaho.

Napanatag sa balitang ito sina Marco at Claudia. Matapos ipanalangin ang alok, nagpasiya silang tanggapin ang trabaho.

Dumating sa El Coca ang mga Villavicencio noong Pebrero 2009. Nasa gitna ng masukal na kagubatan ang lunsod, ngunit sa laking gulat ng mga Villavicencio, hindi nila nadaramang malayo ito sa kabihasnan. Kahit saan sila lumingon, paroo’t parito ang mga tao upang asikasuhin ang mga lakad nila.

Nang malaman ng kasero nila na mga miyembro sila ng Simbahan, sinabi nito sa kanila na may alam siya kung saan nagtitipon ang isang grupo ng mga miyembro upang magkakasamang magbasa ng mga banal na kasulatan. “Ipinahiram ko sa kanila ang bahay,” sabi niya.

Nagtitipon ang grupo tuwing alas nuwebe ng Linggo ng umaga upang umawit ng mga himno, magbasa mula sa Liahona, at pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Nakipag-ugnayan sila kay Timothy Sloan, pangulo ng Ecuador Quito Mission, na nagpadala ng dalawang misyonero upang bisitahin sila. Subalit apat na oras ang layo ng tinitirhan ng mga misyonero at hindi makapunta nang madalas sa El Coca.

Nagsimulang dumalo sina Marco, Claudia, at Sair sa mga pulong tuwing araw ng Linggo. Noong una, nangungulila si Sair sa Primary at iniisip kung nasaan ang ibang bata. Nangungulila rin sina Marco at Claudia sa kanilang dating buhay, ngunit nababawasan ang pangungulila nila sa buong-pusong paglilingkod sa Panginoon.

Nang dumating sa nayon ang mga misyonero, nagpatulong sa kanila si Marco na humanap ng mas maraming miyembro. “Mga elder,” sabi niya, “kailangan ninyong libutin ang lunsod.” Naisip niya na kung makikilala ng mga tao ang mga misyonero, tatanungin nila ang mga ito kung saan sila maaaring magtipon kasama ang ibang mga lokal na miyembro.

Unti-unting nalaman ng mga miyembro ng Simbahan ang tungkol sa pagpupulong at sumama sa grupo. Habang lumalaki ang grupo, naging lider nito si Marco. Nagsimulang pumunta bawat linggo ang mga misyonero upang magturo sa mga tao at maghanap pa ng mga miyembro ng Simbahan. Hindi nagtagal, tumanggap ang mga Banal sa El Coca ng pahintulot na sundin ang pangunahing programa ng yunit ng Simbahan.

At kasama ng pahintulot na ito ay ang awtoridad na pangasiwaan ang sakramento.


Nang malaman nina Angela Peterson Fallentine na lubhang mahirap para sa kanilang mag-asawa ang magkaanak, tinawagan niya ang kanyang ina sa telepono. “Hindi ko po alam kung paano gawin ito,” sabi niya. “Wala akong kilalang nakaranas na nito.” Natatakot siya.

Nakinig ang kanyang ina at tinanong kung naaalala niya si Ardeth Kapp, ang dating pangkalahatang pangulo ng Young Women. “Hindi sila nabiyayaan ng kanyang asawa na magkaanak,” ipinaalala nito kay Angela, “subalit lagi siyang naging mabuting halimbawa ng pagharap sa kawalan ng anak nang hindi nito hinahayaang alisan siya ng halaga.”

“Huwag mong hayaang maging hadlang sa iyo ito,” pagpapatuloy ng kanyang ina. “Nahihiwatigan ko na kailangan mong muling pag-aralan ang doktrina ng pagiging ina at pamilya, dahil kung hindi ito mangyayari, isa itong bagay na laging babagabag sa iyo sa buong buhay mo.”

Pagkatapos ay sinabi nito, “Hindi ko alam kung bakit kailangan ninyong pagdaanan ito ni John o kung gaano katagal itong mangyayari, ngunit kung kaya mong pagtiisan ito at sikaping unawain kung ano ang nais ng Panginoon na matutuhan mo mula rito, darating ang mga kasagutan.”

Nadarama ni Angela ang pagmamahal at suporta ng kanyang ina, at pinahalagahan niya ang mga salitang ito habang dumaranas sila ni John ng mas maraming pagsubok sa paghahanap ng iba pang daan para maging magulang, gaya ng pag-aampon at in vitro fertilization. Nang pinag-aralan nila ang pag-aampon sa pamamagitan ng LDS Family Services at pambansang programa ng New Zealand, nalaman nila na sobrang baba ng posibilidad na makapag-aampon sila.

Habang humaharap si Angela sa magkakasunod na pagkabigo, umasa siya sa panalangin, pag-aayuno, at pagsamba sa templo bilang suporta. Madalas niyang isipin ang Tagapagligtas, nananalig na tinutulungan Niya siya na pagtiisan ang kanyang mga pagsubok. Ngunit kung minsan ay natatagpuan niya ang kanyang sariling hinihiling na sana ay alisin na lamang Niya ang mga ito. Sa mga pagkakataong ito, pinapanatag siya ni John. Nanampalataya ito na magiging maayos rin ang lahat.

Madalas pa ring mapatingin ang mga mata ni Angela sa pahayag tungkol sa mag-anak na nakasabit sa dingding. Gustong-gusto niya palagi ang mga turo nito. Ngunit matapos niyang malaman ang tungkol sa kawalan ng kakayahan niyang magkaanak, madalas siyang makadama ng kurot sa puso kapag nababasa niya ang pahayag nito na “kautusan ng Diyos sa Kanyang mga anak na magpakarami at kalatan ang lupa.” Nauunawaan niya na siya at si John ay walang sinusuway na kautusan kahit na hindi sila likas na magkaanak. Ngunit kahit na sinimulan nila ang kanilang pagpapagamot para magkaroon ng anak, iniisip ni Angela kung sapat ba ang ginagawa nila.

Noong panahong ito, lumipat sila sa Tauranga, isang malaking lunsod sa Bay of Plenty ng New Zealand, at hinirang si Angela bilang pangulo ng Young Women ng kanyang stake. Natakot siya sa kanyang bagong paghirang. Mahigit 30 taong gulang pa lang siya at pakiramdam niya ay masyado pa siyang bata para sabihin sa ibang mga lider kung ano ang gagawin. Kasabay nito, inaalala rin niya na masyado na siyang matanda para makibagay sa young women. Nanalangin siya para malaman kung paano sila gagabayan.

Hindi nagtagal ay nalaman niya na kaya niyang makibagay sa mga dalagita sa mga paraang hindi niya inaasahan. Mas bata pa siya sa mga magulang nila, at marami sa young women ay humahanga sa kanya at pinapahalagahan ang mga payo niya. Bunga nito ay mahihikayat at magagawa niyang kaibiganin ang mga ito sa paraang hindi magawa ng kanilang mga ina. Dahil wala siyang sariling anak, natanto niya makakapag-ukol siya sa mga ito ng dagdag na oras at payo na kailangan nila mula sa isang pinagkakatiwalaang adult.

Nakadama rin ang mag-asawang Fallentine ng kaligayahan sa pagbibigay ng suporta sa ibang pamilya sa kanilang ward at stake. Madalas silang magdaos ng mga barbeque, mga outdoor night, at mga home evening. Tuwing pangkalahatang kumperensya, inaanyayahan nila ang mga kabataang babae na pumunta sa kanila at kumain ng mga crepe bago pumunta sa stake center para sa pangkalahatang brodkast ng Young Women. Dahil mahirap mapalayo sa pamilya tuwing Pasko, nagdaos sila ng pagdiriwang sa Noche Buena para sa ibang nandayuhan na kilala nila mula sa South Africa at sa isla ng Niue. Laging napupuno ng mga bata ang tahanan nila dahil sa mga aktibidad na ito, at gustung-gusto nina Angela at John na makasama ang mga ito at ang kanilang mga magulang.

Isang araw, habang dinaraanan ang nakakuwadrong pahayag tungkol sa mag-anak na nasa dingding niya, nabasa ni Angela ang mga pambungad na salita: “Kami, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay taimtim na nagpapahayag …”

“Pinaniniwalaan ko ba talaga ito?” tanong niya sa kanyang sarili. “Naniniwala ba talaga akong ang mga propeta at apostol ang nagsasambit ng mga salitang ito?” Binago ng mga karanasan niya kung paano niya binabasa at inuunawa ang pahayag tungkol sa mag-anak. Ngunit alam niya na ang mga propeta at apostol ay nagtataglay ng bukod-tanging patotoo tungkol kay Jesucristo, at pinaniniwalaan niya ang mga salita nila.

Nagsisimula niyang makita na marami palang paraan para maging ina, at may pananampalataya siya na sila ni John ay magkakaroon ng pagkakataong maging magulang sa walang hanggan. Ang kaalamang ito ay nakatulong sa kanyang maunawaan ang mahalagang papel na ginagampanan ng pag-aasawa at pamilya sa plano ng kaligtasan.

Naaalala niya kung paanong ang pahayag tungkol sa mag-anak ay nagbigay ng inspirasyon at nagpahanga sa mekaniko at opisyal mula sa Gitnang Silangan na nakilala niya sa Washington, DC. Ang mga katotohanang itinuro nito ay napakamakapangyarihan at lubhang makabuluhan sa kanyang buhay, at nagtiwala siya sa mga ito.


Doon naman sa El Coca, Ecuador, mabilis na tinapos ni Marco Villavicencio ang pagbubukas ng tanggapan ng telecommunications sa lunsod, ngunit pang-araw-araw na hamon ang pangangasiwa nito. Bago sa industriya ang mga empleyado niya at kailangan nilang magsanay bago nila sapat na matugunan ang mga pangangailangan ng mga kliyente. Pagkatapos ay nariyan din ang hamon ng paghahanap ng mga magiging kliyente. Dahil bago ang tanggapan, ginugol ni Marco at ng grupo niya ang marami sa kanilang oras sa pakikipag-usap sa mga tao at pagsusulong ng kanilang kumpanya. Ngunit nagsikap sila, at lumalago na ang sangay.

Gaano man kaabala si Marco, naglaan pa rin siya ng oras para sa kanyang pamilya at sa Simbahan. Sa paglipas ng bawat buwan, mas maraming tao ang dumadalo sa mga sacrament meeting tuwing Linggo ng umaga. Inihanda ng Espiritu ng Panginoon ang maraming tao para sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Cristo. Nangungulila silang malaman ang tungkol sa Diyos at sa Kanyang pagmamahal.

Ngayon ay nagpupunta na ang mga misyonero nang ilang beses kada linggo upang turuan ang mga tao at anyayahan sila sa simbahan. Inisip nina Marco at Claudia kung gaano katagal bago maging ganap na branch ang kanilang grupo.

Pitong buwan matapos dumating ang mga Villavicencio sa El Coca, dumalaw sa lunsod ang mission president na si Timothy Sloan. Dahil si Marco ang namumuno sa lokal na grupo ng Simbahan, hiniling sa kanya ni Pangulong Sloan na ipakilala niya ito sa mga Banal habang nililibot nila ang El Coca.

Sa natitirang bahagi ng umaga at hanggang sa hapon, inilibot ni Marco sa buong lunsod ang pangulo ng mission. Partikular ang interes ni Pangulong Sloan na makausap ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood, at kinapanayam niya ang marami sa mga ito. Habang naglalakbay sa iba-ibang lugar, tinanong nito si Marco tungkol sa kanyang pamilya, trabaho, at karanasan sa Simbahan.

Sa pagtatapos ng araw, sinabi ni Pangulong Sloan kay Marco na nais niya itong kausapin. Nagpunta sila sa bahay kung saan isinasagawa ng mga Banal ang kanilang mga pagpupulong at naghanap ng bakanteng silid. Pagkatapos ay ipinagtapat sa kanya ni Pangulong Sloan na nananalangin siyang makahanap ng isang pangulo ng branch para sa lunsod. “Pakiramdam ko ay ikaw dapat ang taong iyon,” sabi niya. “Tinatanggap mo ba ang paghirang na ito ng Panginoon?”

“Opo,” sabi ni Marco.

Kinabukasan, noong ika-6 ng Setyembre 2009, inorganisa ni Pangulong Sloan ang Orellana Branch at itinalaga si Marco bilang pangulo nito. Makalipas ang isang linggo, ang tanggapan ng area ng Simbahan sa Quito ay nagpadala ng mga upuan, pisara, mesa, at iba pang gamit para sa lugar ng kung saan nagpupulong ang branch.

Maraming mga bagong lider ang branch, kabilang na si Claudia na naglingkod bilang pangulo ng Young Women. Karamihan sa mga lider ay kakaunti ang karanasan sa Simbahan, kaya ginawang pangunahing priyoridad ni Marco ang pagsasanay sa kanila. Nais niyang ang mga lider ng branch ay maging halimbawa ng pagmamahal at paglilingkod na gaya ng kay Cristo. Ginamit niya ang bawat resource na makukuha niya—bawat manwal at video ng Simbahan—upang tulungan ang mga bagong lider na matutuhan ang kanilang mga bagong responsibilidad. Dahil mas madalas nang nagagamit ang mga cell phone sa lunsod, tatawagan nila ang mga miyembro ng branch o magpapadala ng mga text message sa gitna ng linggo upang isagawa ang mga inaasikaso sa branch, magplano ng mga aktibidad, at tugunan ang mga pangangailangan ng mga kapwa niya Banal.

Kabilang sa mga bagay na tinanggap ng branch mula sa Simbahan ay isang desktop computer na nakakonekta sa internet. Bumuo ang Simbahan ng bagong programa sa computer na tinatawag na Member and Leader Services upang tulungan ang mga lokal na lider at clerk na tumpak at ligtas na makapagtala at makapag-ulat ng ikapu, dami ng dumalo, at iba pang datos. Pamilyar si Marco sa mga computer mula sa karanasan niya sa industriya ng teknolohiya, at mabilis niyang natutuhan kung paano gamitin ang software. Subalit bibihira ang mga computer sa El Coca, kaya kailangan din niyang ipakita sa mga bagong lider kung paano gamitin ang mga ito. Sa kabutihang palad, ginabayan sila ng Espiritu, at sabik ang mga mag-aaral na agad gamitin ang teknolohiya.

Sa mga pulong ng branch council, malayang ibinahagi nina Marco at iba pang mga lider ang kanilang mga iniisip kung paano tutulungan ang mga tao na nasa pangangalaga nila. Naunawaan ng konseho na lahat ng nasa branch ay kailangang magkaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo. Sa mga pagpupulong at aktibidad ng branch, madalas magsalita sina Marco at ibang lider tungkol kay Cristo, lumilikha ng kapaligiran kung saan ang mga bisita at mga bagong miyembro ay makadarama ng Kanyang pagmamahal at makalalapit sa Kanya.

Isang buwan makalipas ang pag-organisa ng branch, nag-brodkast ang Simbahan ng ikalawang taunang pangkalahatang kumperensya nito sa radyo, telebisyon, satellite, at sa internet. Bagama’t ang mga teknolohiyang ito ay umaabot sa mas maraming lugar sa mundo, hindi pa nakakasagap ng satellite television o malakas na internet ang El Coca para i-stream ang kumperensya. Subalit hindi nagtagal, ang tanggapan ng Simbahan sa Quito ay nagpadala sa branch ng isang rekord ng kumperensya sa wikang Espanyol na nasa DVD.

Umaasang magaya ang karanasan na mapanood nang personal ang kumperensya, nagpasya sina Marco at iba pang mga lider ng branch na ipakita ang video sa kabuuan ng linggo, hinahati sa kada sesyon. Nag-ayos sila ng mga upuan, telebisyon, at mga loudspeaker sa meetinghouse at nagpadala ng mga espesyal na imbitasyon sa bawat isang miyembro. Si Claudia ang namahala sa pagsalubong sa mga tao kapag dumarating na ang mga ito.

Noong araw ng unang sesyon, dumating ang mga Banal na suot ang kanilang kasuotan para sa araw ng Linggo. May ilang pamilyar sa pangkalahatang kumperensya, habang ang iba naman ay walang ideya kung ano ang aasahan. Pinuspos ng Espiritu ang silid habang ang lahat ay nakikinig nang mabuti sa mga nagsasalita at tinatamasa ang musika ng Tabernacle Choir.

Marami sa mga bagong miyembro ay inakalang maliit at lokal lamang ang Simbahan. Ngunit habang pinapanood nila ang kumperensya, nakita nila na bahagi sila ng isang pandaigdigang organisasyon. Gaya nila, milyun-milyong ibang mga Banal ang sama-samang nagtutulungan upang isulong ang gawain ng Panginoon.


Sa pag-umpisa ng 2010, mahigit 170,000 miyembro ng Simbahan ang nakatira sa mga isla ng Caribbean. Sa Dominican Republic, tahanan ng dalawang-katlo ng mga Banal na ito, mayroong labinwalong stake at tatlong mission. Noong 1998, nagpatayo ang Simbahan ng isang Missionary Training Center sa Santo Domingo, ang kabisera ng Dominican Republic, upang ihanda ang mga misyonero sa Carribean para maglingkod. Makalipas ang dalawang taon, noong Setyembre 2000, nagpunta si Pangulong Hinckley sa lunsod upang ilaan ang Santo Domingo Temple, ang unang bahay ng Panginoon sa rehiyon.

Nang dumating ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw sa Dominican Republic noong 1978, halos isang dosenang miyembro ng Simbahan—ang tanging mga Banal sa bansa—ang sumalubong sa kanila sa bansa. Kasama sa mga ito ay sina Rodolfo at Noemí Bodden. Sumapi ang mga Bodden at ilan sa kanilang mga anak sa Simbahan noong naunang tatlong buwan sa pamamagitan ng kanilang mga kaibigang sina John at Nancy Rappleye at sina Eddie at Mercedes Amparo. Noong mga sumunod na taon, tapat na naglingkod sa Simbahan sina Rodolfo and Noemí.

Kumalat ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa ibang bansa sa Carribean sa mga parehong paraan. Sa Jamaica, isang isla sa kanluran ng Dominican Republic, ipinangaral ng mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw ang ebanghelyo mula pa noong dekada ng 1850. Ngunit hindi naging matatag ang Simbahan doon hanggang sa nagkaroon ng interes sina Victor at Verna Nugent, mga bagong miyembro na isinilang sa Jamaica, noong dekada ng 1970. Isang araw, tumanggap ng kopya ng Aklat ni Mormon sina Victor at Verna mula sa kanilang Amerikanong katrabaho, si Paul Schmeil. Ipinakilala rin nito ang mag-asawa sa isang pelikula ng Simbahan, ang Man’s Search for Happiness, at ang mensahe nito, kasama ang halibawa ni Paul na kagaya ng kay Cristo, ay nagbigay ng inspirasyon kay Victor.

Noong ika-20 ng Enero 1974, bininyagan ang pamilya Nugent. Makalipas ang apat na taon, matapos buksan ng pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball ang pintuan para sa mga Nugent at iba pang mga tao na may lahing Itim na Aprikano na tanggapin ang buong pagpapala ng priesthood, ibinuklod ang pamilya sa Salt Lake Temple.

Noong taon ding iyon, noong 1978, isa pang Amerikanong Banal sa mga Huling Araw, si Greg Young, ay bininyagan ang kanyang mga kaibigang sina John at June Naime sa Barbados. Makalipas ang higit lamang isang taon, ang unang branch sa Barbados ay inorganisa kung saan si John ang pangulo ng branch at si June naman ang pangulo ng Relief Society. Kalaunan, ang Barbados ay nagsilbing punong-tanggapan ng West Indies Mission, at lumaganap ang ebanghelyo mula roon patungong Grenada, Guadeloupe, Saint Lucia, Martinique, Saint Vincent, French Guiana, Saint Maarten, at iba pang mga karatig na bansa.

Samantala, sa Haiti, si Alexandre Mourra, isang taga-Haiti na isinilang sa Chile, ay nalaman ang tungkol sa Simbahan mula sa isang kamag-anak na nakakuha sa mga misyonero ng kopya ng Aklat ni Mormon at iba pang mga babasahin ng Simbahan. Matapos basahin ang patotoo ng propetang si Joseph Smith, humingi si Alexandre ng sariling kopya ng Aklat ni Mormon at tumanggap ng patotoo sa katotohanan nito. Dahil wala pa ang Simbahan sa Haiti, nagtungo siya sa Florida, nakipagkita sa pangulo ng mission doon, at bininyagan noong Hulyo 1977. Pagkatapos ay umuwi siya sa kanyang tahanan sa Port-au-Prince at tinuruan ang iba tungkol sa ebanghelyo. Makalipas ang isang taon, binisita ng pangulo ng mission ang Haiti at pinangunahan ang binyag ng dalawampu’t dalawa sa mga kaibigan ni Alexandre.

Patuloy na lumago ang Simbahan sa Haiti sa mga sumunod na taon, sa kabila ng kaguluhan sa lipunan at pulitika na madalas na nagpapahirap sa bansa. Sa pagtatapos ng taong 2009, mayroong labing-anim na libong mga Banal na nagkalat sa dalawang stake at dalawang district. Sinubukan ang kanilang tibay noong ika-12 ng Enero 2010, nang isang mapaminsalang lindol ang tumama sa Haiti, winasak ang mga tahanan at pinatay ang higit dalawang daang libong tao, kabilang na ang apatnapu’t dalawang Banal sa mga Huling Araw.

Nang tumama ang lindol, nakikipagpulong si Soline Saintelus sa kanyang bishop sa kanilang meetinghouse sa Port-au-Prince. Nagtatrabaho sa isang lokal na otel ang asawa niyang si Olghen. Nagmamadali silang umuwi sa gusali ng kanilang apartment, kung saan binabantayan ng yaya ang kanilang tatlong maliliit pang anak. Giba-giba na ang gusali.

“Ama sa Langit,” panalangin ni Olghen, “kung kalooban Ninyo, kung may kahit isang anak man lang akong buhay, pakiusap po, tulungan Ninyo kami.”

Sa loob ng sampung oras, naghukay ang mga tagapagligtas sa mga labi. Sa isang banda, narinig nila ang panganay na anak niya, ang limang taong anak nito na si Gancci, na inaawit ang “Ako ay Anak ng Diyos,” ang paboritong kanta nito. Nakatulong ang boses nito na mailigtas ito ng mga manggagawa, gayundin ang kanyang mga kapatid, at kanilang yaya.

Noong mga sumunod na linggo, tumulong ang mga lokal na lider ng Simbahan at mga organisasyong pangkawanggawa sa pagbibigay ng mga doktor, tolda, pagkain, wheelchair, medikal na suplay, at iba pang mga pangangailangan. Nagbukas din ito ng mga meetinghouse upang magbigay ng tirahan at tanggulan para sa marami sa mga taong nawalan ng tahanan dahil sa sakuna. Kalaunan, tumulong ang Simbahan sa mga tao na makahanap ng trabaho at magsimula ng mga bagong negosyo.

Matapos mailigtas, dinala si Gancci Saintelus sa Florida para gamutin ang malalang sugat niya. Doon, nagpunta ang mga miyembro ng Simbahan para tulungan ang pamilya ni Saintelus, dinadalhan sila ng mga laruan, pagkain, lampin, at iba pang suplay. Napaluha si Olghen dahil sa kabaitan nila.

“Lubha akong nagpapasalamat sa simbahan ko,” sabi niya.


Noong Setyembre 2010, ang mga residente ng Luputa, Democratic Republic of the Congo, ay halos tapos na sa paglalatag ng mga tubo para sa kanilang linya ng malinis na tubig na itinaguyod ng Simbahan. Nakikipag-usap sa isang mamamahayag, binigyang-diin ng pangulo ng district na si Willy Binene ang kahalagahan ng tubo ng tubig.

“Mabubuhay ang tao kahit walang kuryente,” sabi nito. “Ngunit ang kakulangan ng malinis na tubig ay isang pasaning napakahirap tiisin.”

Naunawaan man ito ng mamamahayag o hindi, nagsasalita si Willy mula sa buong buhay na karanasan niya. Bilang mag-aaral ng electrical engineering, hindi niya ninais manirahan sa Luputa, isang lunsod na walang kuryente. Nagbago ang mga plano niya, at naging ayos lamang siya—lumago pa nga—kahit walang kuryente. Ngunit siya at ang pamilya niya, at bawat pamilya sa lugar, ay nagdusa sa masasakit na epekto ng mga sakit dahil sa maruming tubig. Upang protektahan nila ang kanilang mga sarili sa simbahan, nagsakripisyo pa sila upang makabili ng malinis na nakaboteng tubig para sa sakramento.

Ngayon, sa kaunti pang pagsisikap, malapit nang magbago ang buhay sa Luputa. Mula sa simula ng proyekto, ang bawat barangay sa loob at labas ng lunsod ay may naitalagang mga araw para tumulong sa paglalatag ng mga tubo. Sa mga araw na iyon, ang mga trak mula sa ADIR, ang organisasyong namamahala sa proyekto, ay dumating nang maaga sa barangay upang sunduin ang mga boluntaryo at inihatid ang mga ito sa lugar.

Bilang pangulo ng district, nais ni Willy na maging huwarang guro. Sa mga araw na itinalaga ang kanyang baranggay na gumawa, isinantabi niya ang kanyang trabaho bilang nars at nagsimulang maghukay. Sa pagitan ng Luputa at ng pinagmumulan ng malinis na tubig ay ilang kilometro ng mga burol at lambak. Dahil pinapagana ng grabidad ang mga tubo, kinakailangang maghukay ng mga boluntaryo ng trinsera at ibaon ang mga tubo nang tama lamang upang matiyak na wasto ang pagdaloy ng tubig.

De-kamay ang lahat na ginawang paghuhukay nina Willy at ng mga boluntaryo. Kinakailangang ang trinsera ay labingwalong pulgada ang lapad at tatlong talampakan ang lalim. Sa ilang lugar, mabuhangin ang lupa, at mabilis na nagawa ang trabaho. Sa ibang lugar naman, may mga buhul-buhol na mga ugat ng puno at mga bato, na ginagawang napakahirap ng trabaho. Ang tanging kayang gawin ng mga boluntaryo ay manalangin na hindi mapapabagal ang kanilang ginagawa ng mga sunog sa mga tuyong damo at halaman at mga nangangagat na insekto. Kapag maganda ang araw, makakapaghukay sila ng halos 150 metro ng trinsera.

Ang mga Banal sa Luputa ay nagtrabaho ng higit pa sa kanilang normal na oras ng trabaho. Sa mga karagdagang araw na iyon, ang kalalakihan ng Simbahan ay sumasama sa mga palagiang boluntaryo sa paghuhukay ng mga trinsera habang ang kababaihan mula sa Relief Society naman ay naghahanda ng mga pagkain para sa mga manggagawa.

Ang katapatan ng mga Banal sa proyekto ay nakatulong sa iba na malaman ang iba pa tungkol sa kanilang pananampalataya. Nakita ng mga tao sa lugar ang Simbahan bilang institusyon na inaalagaan hindi lamang mga miyembro nito ngunit maging ang mas malawak na komunidad.

Nang matapos ang paglalatag ng mga tubo noong Nobyembre 2010, maraming tao ang nagpunta sa Luputa upang saksihan ang pagdating ng malinis na tubig. Ang mga napakalaking tangke, na nakapatong sa matataas na poste, ay itinayo sa lunsod upang pag-imbakan ng tubig mula sa mga tubo. Ngunit iniisip ng ilang tao kung tunay bang makapaghahatid ng tubig ang mga tubo para mapuno ang mga tangke. Maging si Willy ay may sariling agam-agam.

Pagkatapos ay nagbukas ang mga pintuan ng tubig, at naririnig ng lahat ang dagundong ng rumaragasang tubig sa mga tangke. Nabalot ng matinding kaligayahan ang mga tao. Ilang dosenang maliliit na konkretong istasyon ng tubig, bawat isa ay kinabitan ng maraming gripo, ay makapagbibigay na ng malinis na tubig sa kabuuan ng Luputa.

Upang ipagdiwang ang okasyon, nagdaos ng selebrasyon ang lunsod. Umakit ng labinlimang libong tao mula sa Luputa at mga kalapit na nayon ang mga kasiyahan. Kasama sa mga iginagalang na panauhin ay mga mataas na pinuno ng pamahalaan at tribu, mga opisyal ng ADIR, at isang miyembro ng panguluhan ng Africa Southeast Area ng Simbahan. Sa isa mga tangke ng tubig ay nakasabit ang malaking lona na may matitingkad na kulay asul na mga titik:

MARAMING SALAMAT SA SIMBAHAN

SALAMAT SA ADIR

PARA SA MALINIS NA TUBIG

Habang dumarating ang mga bisita at naupo sa ilalim ng mga pinasadyang gazebo, isang koro ng mga batang Banal sa mga Huling Araw ang umawit ng mga himno.

Oras na nasa lugar na nila ang lahat, at tumahimik na ang mga tao, itinapat ni Willy ang mikropono sa bibig niya at kinausap ang mga manonood bilang kinatawan ng Simbahan. “Tulad ng maraming himalang ginawa ni Jesus,” sabi niya, “ang araw na ito ay himala na dumating ang tubig sa Luputa.” Sinabi niya sa mga tao na itinaguyod ng Simbahan ang mga tubo para sa buong komunidad, at hinikayat niya ang lahat na gamitin ito nang mabuti.

At sa sinumang napapaisip kung bakit nagka-interes ang Simbahan sa isang lugar gaya ng Luputa, nagbigay siya ng payak na sagot.

“Lahat tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit,” sabi niya. “Kailangan nating gumawa ng mabuti sa lahat ng tao.”

  1. Villavicencio at Villavicencio, Oral History Interview [May 2023], 2–3, 8; Villavicencio, Oral History Interview, 1–3; Deseret News 2010 Church Almanac, 474–75. Paksa: Ecuador

  2. Villavicencio, Oral History Interview, 1–5; Villavicencio at Villavicencio, Email Interview [Aug. 2023]; Presiding Bishopric to General Authorities and others, June 11, 2004, Quorum of the Twelve Apostles, Written Communications Collection, CHL; Joshua J. Perkey, “Gutom sa Salita sa Ecuador,” Liahona, Peb. 2012, 47, 51; Villavicencio, Email Interview.

  3. Villavicencio, Email Interview; Joshua J. Perkey, “Gutom sa Salita sa Ecuador,” Liahona, Peb. 2012, 46–47; Villavicencio, Oral History Interview, 4–7.

  4. Villavicencio, Oral History Interview, 6–7, 9–10; Villavicencio at Villavicencio, Oral History Interview [May 2023], 2–3.

  5. Villavicencio, Oral History Interview, 5–7, 10; Handbook 1, 90, 93.

  6. Fallentine, Recollections, 7–8; Fallentine at Fallentine, Email Interview, 3; Angela Fallentine, Oral History Interview [Jan. 2023], 5. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “have always been” sa orihinal ay pinalitan ng “she has always been,” at ang “learn from it and answers will come” sa orihinal ay pinalitan ng “learn from it, answers will come.”

  7. Fallentine, Recollections, 6–7; Angela Fallentine, Oral History Interview [Jan. 2023], 7; Angela Fallentine, Oral History Interview [Feb. 2023], 7, 13; Angela Fallentine to James Perry, Email, Nov. 6, 2023, Angela Fallentine at John Fallentine, Oral History Interviews, CHL. Paksa: Social Services

  8. Fallentine, Recollections, 8–9; Angela Fallentine, Oral History Interview [Feb. 2023], 5–7; Fallentine at Fallentine, Email Interview, 3; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”

  9. Angela Fallentine, Oral History Interview [Feb. 2023], 8–11; Angela Fallentine, Oral History Interview [Jan. 2023], 3–5; Fallentine at Fallentine, Email Interview, 1–2; Angela Fallentine, Oral History Interview [Sept. 2023], 22–25; Angela Fallentine to James Perry, Email, Nov. 6, 2023, Angela Fallentine at John Fallentine, Oral History Interviews, CHL.

  10. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”; Fallentine, Recollections, 8–11; Angela Fallentine, Oral History Interview [Feb. 2023], 11; Sheri L. Dew, “Are We Not All Mothers?,” Ensign, Nob. 2001, 96–98. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang dalawang beses ng salitang “did” sa orihinal ay pinalitan ng “do,” at ang “were” ay pinalitan ng “are.”

  11. Villavicencio at Villavicencio, Oral History Interview [May 2023], 2.

  12. Villavicencio at Villavicencio, Email Interview [July 2023]; Villavicencio, Oral History Interview, 10–11, 19; Sloan, Oral History Interview, 19–20, 23; Villavicencio at Villavicencio, Email Interview [Aug. 2023].

  13. Villavicencio, Oral History Interview, 11, 17; Villavicencio at Villavicencio, Email Interview [July 2023]; Villavicencio at Villavicencio, Email Interview [Aug. 2023]. Paksa: Mga Ward at Stake

  14. Villavicencio, Oral History Interview, 21–24; Villavicencio at Villavicencio, Oral History Interview [May 2023], 20, 36.

  15. Villavicencio at Villavicencio, Oral History Interview [May 2023], 3–4, 30–31; Villavicencio at Villavicencio, Oral History Interview [July 2023], 1; “Training for Clerks,” Church News, Peb. 11, 2006, 10; “Policies and Guidelines for Computers Used by Clerks for Church Record Keeping,” sa Priesthood Executive Council, Minutes, Aug. 18, 2009; Sloan, Oral History Interview, 29.

  16. Villavicencio, Oral History Interview, 23–24; Villavicencio at Villavicencio, Oral History Interview [May 2023], 2, 5, 36; Thomas S. Monson, “Pagbati sa Kumperensya,” Liahona, Nob. 2009, 4; First Presidency to General Authorities and others, Aug. 20, 2009, First Presidency, Circular Letters, CHL; Villavicencio at Villavicencio, Email Interview [July 2023]; Villavicencio at Villavicencio, Email Interview [Aug. 2023]; Priesthood Executive Council, Minutes, Jan. 14, 2009. Mga Paksa: Broadcast Media; Information Age

  17. Villavicencio at Villavicencio, Email Interview [July 2023]; Villavicencio at Villavicencio, Oral History Interview [May 2023], 5–6; Villavicencio at Villavicencio, Email Interview [Aug. 2023]. Paksa: Pangkalahatang Kumperensya

  18. Deseret News 2011 Church Almanac, 163, 184, 475–77; Hinckley, Journal, Sept. 16–17, 2000; Mortensen, Witnessing the Hand of the Lord in the Dominican Republic, 275. Paksa: Dominican Republic

  19. Rappleye at Rappleye, Oral History Interview, 6, 8, 11–15; Bodden, Oral History Interview, 2–4; William B. Smart, “2 Families Bring Gospel to a Nation,” Church News, Hulyo 11, 1981, 12; Mortensen, Witnessing the Hand of the Lord in the Dominican Republic, 23–36, 41–43.

  20. Mga Banal, tomo 2, kabanata 10; Edwin O. Haroldsen, “Jamaica Branch Sees Chain of Baptisms,” Church News, Ago. 28, 1976, 14; Wanda Kenton Smith, “Jamaica: Lush Isle of Friendly People,” Church News, Ene. 29, 1984, 14; Nugent at Nugent, Oral History Interview, 7–9, 11–13, 18; Nugent, Oral History Interview, 4–6, 13–14. Paksa: Jamaica

  21. Millett, “History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in the Caribbean,” 136–38; “Barbados,” Global Histories, ChurchofJesusChrist.org/study/history/global-histories. Paksa: Barbados

  22. Alexandre Mourra, Testimony, Mar. 1981, CHL; Millett, “History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in the Caribbean,” 125–31; “Merchant Seeking Truth Opened Way for Church,” Church News, Mayo 3, 2003, 10. Paksa: Haiti

  23. LaRene Porter Gaunt, “Bringing Hope to Haiti,” Ensign, Hunyo 2000, 39; Deseret News 2011 Church Almanac, 12, 501–2; Erikson at iba pa, “Political Forces and Actors,” 67–74; Bailey, Humanitarian Crises, 5; Haiti Port-au-Prince Mission, Annual Historical Reports, 2010, [1].

  24. Jennifer Samuels, “Family Reunited in Miami after Trauma in Haiti,” Church News, Ene. 30, 2010, 6; Neil L. Andersen, “Ano ang Iniisip ni Cristo Tungkol sa Akin?,” Liahona, Mayo 2012, 113–14.

  25. Deseret News 2011 Church Almanac, 12; Lauren Allen, “Members in Haiti Moving Forward, Firm in the Gospel,” at “Church Aid,” Liahona, Mayo 2010, 138–39; “Haiti Report,” 4. Paksa: Mga Welfare Program

  26. Jennifer Samuels, “Family Reunited in Miami after Trauma in Haiti,” Church News, Ene. 30, 2010, 6.

  27. Howard Collett, “A Prayer for Clean Water,” Church News, Set. 11, 2010, 7, 10.

  28. Willy Binene, Oral History Interview [May 22, 2020], [7]–[9]; Howard Collett, “A Prayer for Clean Water,” Church News, Set. 11, 2010, 7, 9; Binene at Binene, Oral History Interview [June 2023].

  29. Binene at Binene, Oral History Interview [June 2023]; Sarah Jane Weaver, “Clean Water: An Answer to Villagers’ Prayers,” Church News, Mayo 3, 2008, 4–5; Howard Collett, “A Prayer for Clean Water,” Church News, Set. 11, 2010, 8–10.

  30. Willy Binene, Oral History Interview [May 22, 2020], [8]; Howard Collett, “A Prayer for Clean Water,” Church News, Set. 11, 2010, 10; Farrell at Barlow, “Celebration of Clean Water in Luputa”; Binene at Binene, Oral History Interview [June 2023].

  31. Africa Southeast Area, Annual Historical Reports, 2010, 40–41; Farrell at Barlow, “Celebration of Clean Water in Luputa”; Willy Binene, Oral History Interview [Dec. 2023]; Binene at Binene, Oral History Interview [June 2023]. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “had performed” na makikita sa orihinal ay pinalitan ng “performed.” Paksa: Democratic Republic of the Congo