Kabanata 10
Napakahalaga ng Oras
Noong tagsibol ng 1966, si Dr. Aziz Atiya ay nakasunod sa isang kawani papasok sa bodega ng mga dokumento sa Metropolitan Museum of Art ng Lunsod ng New York. Habang naghahanap, nakakita siya ng isang salansan at binuksan ito. Nagulat siya sa kanyang nakita.
Sa loob ay mga piraso ng sinaunang papyrus mula sa Ehipto. Malaki na ang sira ng papyrus, ngunit madaling natukoy ni Aziz ang imahe ng dalawang lalaki, ang isa sa kanila ay nakahiga sa sopang hugis leon at ang isa naman ay nakatayo sa tabi nito. Ang bahagi ng papyrus na naglalarawan ng mga braso at katawan ng lalaki sa sopa, kasama na ang ulo ng lalaking nakatayo ay nawawala na. Sa bara-barang pagsisikap na ibalik sa dati ang dokumento, may nagdikit ng papyrus sa papel at hindi naiguhit nang maayost ang mga nawawalang parte.
Hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw si Aziz, ngunit bilang propesor ng kasaysayan sa University of Utah, nakahalubilo niya ang mga Banal nang matagal kaya natanto niya na ang tinitingnan niya ay isang imahe mula sa Aklat ni Abraham sa Mahahalagang Perlas.
Siyam na iba pang piraso ng payrus ang nakatago kasama ng imaheng ito. Habang pinag-aaralan ni Aziz ang mga ito, nakakita siya ng sertipikong nagpapatunay na dating pag-aari ni propetang Joseph Smith ang mga ito. May petsang 1856 ang sertipiko at pirmado ito nina Joseph Smith III, Emma Smith, at ikalawang asawa ni Emma na si Lewis Bidamon.
Nagmula ang mga piraso sa isang set ng mga scroll ng papyrus na nakuha ni propetang Joseph at ibang mga Banal nang bumili sila ng apat na mummy mula sa isang nagbebenta ng antigo noong 1835. Makalipas ang pitong taon, naglathala siya ng mga imahe mula sa papyrus kasama ang salin na tinatawag na Aklat ni Abraham. Ilang taon pagkamatay ni Joseph, ibinenta ni Emma ang mga mummy at papyrus, at hinati ng bagong may-ari ang mga ito at ibinenta ang ilan sa mga ito sa kalapit na museo. Sa loob ng ilang dekada, inakalang natupok na sa apoy ang mga scroll, ngunit sa kung paanong paraan ay isang koleksyon ng mga piraso nito ang nakarating sa silangan sa Metropolitan Museum.
“Hindi nararapat dito ang mga dokumentong ito,” sabi ni Aziz. Alam niya kung gaano kahalaga ang mga piraso sa Simbahan, at nangako siya sa sariling tutulong siya para muling makasama ng mga ito ang mga Banal.
Noong taon ding iyon, ang labing-apat na taong gulang na si Isabel Santana ay nalulula sa kanyang bagong kapaligiran. Kaaalis lamang niya sa kanyang tahanan sa Ciudad Obregón, isang lunsod sa hilagang Mexico, upang mag-aral sa Centro Escolar Benemérito de las Américas, isang paaralang pag-aari ng Simbahan sa Lunsod ng Mexico. Ang kabisera ay isang napakalaking siyudad na binubuo ng pitong milyong tao, at lahat ay tila nakabihis at nagsasalita nang iba sa mga taong kakilala niya sa lugar na pinanggalingan niya.
Ang kanilang pamamaraan ng pagsabi ng “paki-,” “salamat,” at “pasensya na po” ay napaka-pormal. Hindi ganoon magsalita ang mga tao sa norte.
Nag-ugat ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa Mexico noong siglo ng 1800, at ngayon ay mayroon nang dalawang malalaking stake ang bansa. Noong nakalipas na dalawang dekada, ang bilang ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Mexico ay lumago mula sa halos limang libo sa higit sa tatlumpu’t anim na libo.
Sa pagdami ng mga miyembro, nais ng mga lider ng Simbahan na tiyaking bawat bagong henerasyon ng mga Banal na Mehikano ay tatanggap ng bawat pagkakataong makapag-aral at makapagsanay para sa trabaho. Noong 1957, nagtalaga ang Unang Panguluhan ng komite upang imbestigahan ang edukasyon sa Mexico at bumuo ng mga mungkahi para sa pagtatayo ng mga paaralan ng Simbahan sa buong bansa. Dahil nakitang walang sapat na paaralan ang mga siyudad upang makaya ang lumulobong populasyon ng Mexico, nagmungkahi ang komite na magbukas ng hindi bababa sa isang dosenang paaralan para sa maliliit pang bata sa kabuuan ng bansa, gayundin ang isang mataas na paaralan, kolehiyo, at paaralan para sa pagsasanay ng mga guro sa Lunsod ng Mexico.
Noong panahong iyon, namamahala ang Simbahan ng mga paaralan sa New Zealand, Western Samoa, American Samoa, Tonga, Tahiti, at Fiji. Nang magbukas din ito sa Chile ng dalawang paaralan para sa maliliit na bata ilang taon kalaunan, may mga ginagawa rin para sa edukasyon ang Simbahan sa Mexico. Nang dumating si Isabel sa Benemérito, humigit-kumulang tatlong libo walong daang mag-aaral ang pumapasok sa dalawampu’t limang paaralan para sa maliliit na bata at dalawang mataas na paaralan ng Simbahan sa Mexico.
Ang Benemérito ay isang mataas na paaralan na may tatlong antas. Nagbukas ito noong 1964 sa isang 115 ektaryang sakahan sa hilaga ng Lunsod ng Mexico. Unang nalaman ni Isabel ang tungkol sa paaralan habang pumapasok sa paaralang para sa maliliit na bata ng Simbahan sa Obregón. Bagama’t ayaw niyang manirahan sa lugar nang higit 1,600 kilometro ang layo sa kanyang tahanan at pamilya, nasasabik siyang pumasok sa klase at matuto ng mga bagong bagay.
Lahat ng kawani ng paaralan ay mga gurong Banal sa mga Huling Araw mula sa Mexico. Nag-aaral ang mga estudyante ng mga kinakailangang klase sa Espanyol, Ingles, matematika, heograpiya, kasaysayan ng mundo, kasaysayan ng Mehiko, bayolohiya, kimika, at pisika. Maaari din silang sumali sa klase sa sining, pisikal na edukasyon, at mga klase sa teknolohiya. Ang programa sa seminary, na pinangangasiwaan nang hiwalay sa paaralan, ay nagbibigay sa mga mag-aaral ng edukasyong panrelihiyon.
Ang ama ni Isabel, na hindi miyembro ng Simbahan, ay sinuportahan ang pagnanais niyang mag-aral sa Benemérito at pinayagan siya at kapatid niyang si Hilda na magkasamang mag-aral doon. Mas bata ng isang taon si Hilda, ngunit sila ni Isabel ay nasa iisang grado mula noong primary school dahil ayaw ni Isabel na mag-aral mag-isa.
Magkasamang naglakbay sina Isabel at Hilda patungong Benemérito kasama ang kanilang ina. May mga ginagawa pa rin sa paaralan nang dumating sila, lupa ang mga bakuran, iilang gusali ng paaralan, at labinlimang dormitoryo para tirhan ng mga mag-aaral. Gayunpaman, namangha si Isabel sa laki ng paaralan.
Pinapunta siya at ang grupo niya sa ikalawang bahay. Mainit silang sinalubong ng tagapamahala ng cottage, na ipinakita sa kanila ang mga washing machine, mga aparador para sa kanilang mga gamit, at mga kuwarto, bawat isa ay may dalawang bunk bed. Ang bahay na may apat na kuwarto ay mayroon ding komedor, kusina, at sala.
Gumugol si Isabel ng maraming oras sa pagmamasid sa ibang mga mag-aaral at pagsubok na makibagay sa kulturang hindi siya pamilyar. Mayroong humigit-kumulang limang daang mag-aaral ang Benemérito, at halos lahat sa kanila ay mula sa timog Mexico. Ang mga karanasan nila sa buhay ay iba kay Isabel, at natuklasan niya na mas magkakaiba rin ang kanilang pagkain. Nagulat siya sa mas maanghang na lasa at mga ginamit na sangkap.
Anuman ang mga pagkakaiba sa kutura, bawat mag-aaral sa Benemérito ay inaasahang sumunod sa parehong alituntunin. Sumusunod sila sa mahigpit na gawi ng paggising nang maaga, paggawa ng mga gawaing-bahay, at pagpasok sa klase. Hinihikayat din silang bumuo ng matitibay na espiritwal na kaugalian, gaya ng pagsisimba at pananalangin. Dahil lumaki sa pamilyang iba-iba ang paniniwala, hindi pa nagagawa nina Isabel at ng kapatid niya ang mga bagay na ito nang palagian hanggang sa dumating sila sa Benemérito.
Sa loob ng ilang araw ng pagdating niya, napansin ni Isabel ang ilang mag-aaral na nangungulila at umaalis. Subalit sa kabila ng pagiging bago ng mga tao, pagkain, at kinagawian, determinado siyang manatili at magtagumpay.
“Tila hindi na posibleng abutin ko pa ang aking ika-siyamnapu’t apat na taon,” itinala ni Pangulong David O. McKay sa kanyang journal noong ika-1 ng Enero 1967. Tahimik siyang nagpalipas ng araw sa kanyang bahay, pinagninilayan ang kanyang maraming karanasan. “Isa itong naging masaya, interesanteng buhay!” naisip niya. “Napakahabang panahon, pero tila napakabilis ng paglipas nito.”
Ngunit kahit inasam niya ang pagdating ng bagong taon, nag-aaalala ang propeta. “Puno ng suliranin at gulo ang mundo,” isinulat niya. Araw-araw, nagbabalita ang mga pahayagan at telebisyon ng mga ulat tungkol sa digmaan, kaguluhan tungkol sa lahi at sa pulitika, at mga kalamidad. Nanatiling mataas ang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at ng Unyong Sobyet. At maraming tao sa kabuuan ng Asya, Aprika, at Gitna at Timog Amerika ay nasa kalagitnaan ng maigting na alitan sa rehiyon na nagbabantang patalsikin ang mga pamahalaan at hatiin ang mga komunidad.
Partikular na nag-aaalala si Pangulong McKay tungkol sa digmaang sibil, ngayong mahigit sampung taon na ang tagal, sa bansang Vietnam na nasa timog silangang Asya. Sa pagsisikap na pigilan ang paglakas ng puwersa ng mga komunista sa bansa, kailan lamang ay nagpadala ang Estados Unidos ng higit 450,000 kawal sa Timog Vietnam. Ngayon ay mabilis na tumitindi ang digmaang gerilya, at hindi mabilang na mga kawal at sibilyan sa magkabilang panig ng sagupaan ang napatay na.
Sa Saigon, ang kabisera ng Timog Vietnam, may ilang branch ang Simbahan kung saan halos tatlong daang lokal na Banal ang nakipagpulong sa ilan sa apat na libong miyembro ng Simbahan na naglilingkod sa militar ng Amerika. Kailan lamang ay binisita nina Elder Gordon B. Hinckley ng Korum ng Labindalawang Apostol at Elder Marion D. Hanks ng Unang Konseho ng Pitumpu ang bansang niligalig ng digmaan. Noong kumperensya ng distrito kasama ang mga Banal, inilaan ni Elder Hinckley ang lupain para sa pangangaral ng ebanghelyo at nanalangin upang manumbalik ang kapayapaan sa bansa. “Bilisan po ang pagsapit ng araw,” pagsusumamo niya, “kung saan hihinto na ang ingay ng mga labanan.” Noong gabing iyon, nagpatotoo ang mga lider ng Simbahan habang sumasabog sa malayo ang mga bomba.
Umasa si Pangulong McKay na mas kaunting ligalig at hirap na lamang ang masaksihan niya noong 1967, subalit hindi iyon nangyari. Noong Hunyo, pumutok ang digmaan sa pagitan ng Israel at mga kapitbahay nito, na siyang nagpaligalig sa rehiyon. Nang sumunod na buwan, ang patuloy na kawalang-katiyakan sa pulitika sa Nigeria ay nagbunga ng digmaang sibil sa bansa. Ang mga dumadaming sugatan at mga patay at ang pagkamuhi ng mga tao sa digmaan sa Vietnam, samantala, ay tumulong na magbunsod ng madalas at kung minsan ay mararahas na protesta laban sa digmaan sa Estados Unidos. Umabot din sa sukdulan ang tensyon sa pagitan ng mga lahi sa kabuuan ng bansa, at ang biglang pagdami ng karahasan ang yumanig sa maraming malalaking siyudad.
Nag-aalala ang propeta sa epekto ng kaguluhan sa kabataan. Ang ilang kabataan, na nasisiraan na ng loob sa mga nangyayari sa mundo, ay kinukuwestiyon na kung minsan ang mga kaugalian at kultura ng kanilang mga magulang at lolo at lola. Marami ang nag-eksperimento sa mapaminsalang droga, nakipagtalik kung kani-kanino, at gumamit ng magaspang na pananalita.
Mahal ni Pangulong McKay ang kabataan ng Simbahan, at ayaw niyang matangay ang mga ito sa mga maling nauuso noon. Hinikayat niya ang kabataang Banal sa mga Huling Araw na dumalo sa kahit anong pag-aaral tungkol sa relihiyon sa mga araw na may pasok—sa seminary man o institute—kung saan nila maaaring linangin ang kaugaliang tulad ng kay Cristo habang napapaligiran ng iba na katulad ng kanilang kaugalian at pamantayan. Kailan lang ay naglathala rin ang Simbahan ng polyetong tinatawag na For the Strength of Youth [Para sa Lakas ng Kabataan] para tulungan ang mga kabataang lalaki at babae na malaman, maunawaan, at maipamuhay ang pamantayan ng Simbahan sa malinis na pamumuhay, pakikipagtipan, pagsasayaw, pananamit, at tamang pag-uugali. Ngunit naniniwala rin siya na ang mga magulang at mga lider ng Simbahan ay may tungkulin ding ituro at ipakita sa kabataan na ang mamuhay nang may moralidad ay maaaring magdulot ng kaligayahan.
Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1967, hindi personal na naipahatid ni Pangulong McKay ang kanyang mensahe dahil sa karamdaman, kung kaya hiniling niya sa kanyang anak na si Robert na basahin ito sa mga Banal para sa kanya.
“Kapag naiisip ko ang hinaharap ng Simbahang ito,” idineklara ng propeta sa pambungad na sesyon ng kumperensya, “Nadarama kong walang ibang pinakamahalagang mensaheng dapat ibigay kundi ang ‘magkaisa,’ at iwasan ang mga bagay na maaaring maging sanhi ng hidwaan sa mga miyembro.”
Noong mga nakalipas na taon, ang mga pagsisikap ng Simbahan sa correlation ay nilayong pag-isahin ang mga Banal sa pamamagitan ng pag-ayos ng mga programa at pagbibigay-diin sa tungkulin ng priesthood, tahanan, at pamilya. Sa taong iyon, ipinatupad ng correlation sa Simbahan ang pamantayan para sa nilalaman ng mga pandaigdigang magasin nito at naglunsad ng iisang kurikulum. Bilang tugon sa paglago sa buong mundo, humirang din si Pangulong McKay ng animnapu’t siyam na “kinatawan ng rehiyon ng Labindalawa” para tumulong sa pagtuturo sa mga panguluhan ng stake, sa gayon ay tinutulungan ang Simbahan na umiral nang maayos at pare-pareho sa buong mundo.
Habang hinaharap ng mga Banal ang kaguluhan at pag-iiba ng mga pinahahalagahan sa lipunan, umasa si Pangulong McKay at ibang mga pangkalahatang lider ng Simbahan na magbibigay ang mga programang correlated ng nagkakaisang mensahe at matatag na pundasyon sa mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Nasa harap natin ang hamon,” sabi ni Pangulong McKay sa mga Banal. “Ang pagkakaisa sa layunin, na paggawa ng lahat nang may pagkasundo, ay kailangan para maisakatuparan ang gawain ng Diyos.”
Noong taon ding iyon, inaalagaan ni Hwang Keun Ok ang halos walumpung batang babae sa Ampunan ng Songjuk sa Seoul, South Korea. Nang kinuha siya ng ampunang pambabae bilang superintendent noong 1964, hindi niya ipinaalam sa mga sponsor nitong Protestante na isa siyang Banal sa mga Huling Araw. Hindi masyadong nauunawaan ang Simbahan sa South Korea. Sa katunayan, nang bininyagan si Keun Ok noong 1962, tinanggal siya sa trabaho ng paaralang Kristiyano kung saan siya nagtuturo.
Sa ngayon ay mayroon nang tatlong libo tatlong daang Banal na South Korean. Si Kim Ho Jik, ang unang Korean na Banal sa mga Huling Araw, ay sumapi sa Simbahan noong 1951 habang nag-aaral siya sa Estados Unidos. Bago ang kanyang pagpanaw noong 1959, bumalik si Ho Jik sa South Korea, naging propesor sa unibersidad at tagapangasiwa, at ipinakilala ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa ilan sa kanyang mga estudyante. Ang mga estudyanteng ito, kasama ang mga Amerikanong sundalo, ay tumulong na palaguin ang Simbahan sa bansa. Inilathala ang salin ng Aklat ni Mormon sa wikang Korean noong 1967.
Sa kabila ng hindi pagsabi sa mga sponsor niya tungkol sa pagsapi niya sa Simbahan, hindi ikinahihiya ni Keun Ok na isa siyang Banal sa mga Huling Araw. Naglingkod siya bilang pangulo ng Relief Society ng kanyang branch at nagturo sa klase ng junior Sunday School. Bukas din siya sa pagbisita ng mga miyembro ng Simbahan na nais tumulong sa bahay-ampunan. Isang araw, isang Amerikanong sundalo na nagngangalang Stanely Bronson ang tumawag kay Keun Ok sa telepono. Isa siyang Banal sa nga Huling Araw na nakadestino sa Seoul, at nais niyang dalawin ang bahay-ampunan at umawit ng ilang awitin para aliwin ang mga bata.
Dumating si Stan makalipas ang ilang araw. Halos anim at kalahating talampakan ang taas niya at mas matangkad siya sa lahat. Nasasabik ang mga bata na pakinggan siyang umawit. Nag-rekord siya ng isang album ng mga awiting folk bago ipinalista sa hukbo, at umaasa siyang makapag-rekord ng isa pang album habang nasa South Korea.
“Bago mo patugtugin ang iyong gitara,” sabi ni Keun Ok kay Stan matapos magtipon ng lahat, “may inihanda ang mga bata para sa iyo.”
Madalas niyang pakantahin ang mga bata sa mga bisita, at sanay na sanay na sila. Habang umaawit sila ng ilang kanta para kay Stan, napanganga siya. Napakaganda ng pagsasama-sama ng mga boses nila.
Nagsimulang bisitahin nang palagianni Stan ang bahay-ampunan para umawit kasama ang mga bata. Hindi nagtagal, iminungkahi niya na magkakasama silang magrekord ng album, kung saan ang kita ng benta ay mapupunta sa bahay-ampunan.
Nagustuhan ni Keun Ok ang ideya. Bilang young woman ay nangako siyang ilalaan niya ang sarili upang paunlarin ang mundo. Isang refugee ng digmaan mula sa North Korea, naulila siya sa ama sa murang edad at batid kung gaano kahirap para sa mga batang babae sa Korea na mawalan ng matibay na suporta ng pamilya at komunidad. Maraming tao sa bansa ang mababa ang tingin sa mga ulilang batang babae at hindi sila inaasahang umunlad sa buhay. Upang makapag-aral, tiniis ni Keun Ok ang kahirapan at kawalan ng magulang at tahanan. Umaasa siyang ang pagtatanghal kasama ni Stan ay makatutulong sa mga batang inaalagaan niya na kanilang matuklasan ang halaga nila—at tulungan ang ibang Korean na kilalanin ito.
Nakahanap si Stan ng isang studio para mag-rekord, at sa loob ng mga sumunod na buwan, tinulungan siya ni Keun Ok at ng mga bata na magsanay at mag-rekord ng mga awitin. Nang binigyan ng hukbo si Stan ng tatlumpung araw na bakasyon, umuwi siya sa Estados Unidos at pinagawang vinyl na plaka ang mga rekord. Pagkatapos ay bumalik siya sa Korea at sinadyang makapagtanghal kasama ang mga bata sa isang kilalang programang Amerikano na kinukunan doon.
Ang album na Daddy Big Boots: Stan Bronson and the Song Jook Won Girls [Daddy Big Boots: Si Stan Bronson at ang mga Munting Bata ng Song Jook Won], ay dumating sa Seoul noong mga unang buwan ng 1968. Nais ni Keun Ok na maging malaking kaganapan sa South Korea ang paglabas ng album, kung kaya inanyayahan niya ang pangulo ng South Korea, ang ambasador ng Estados Unidos, at ang komandante ng puwersa ng United Nations sa Korean upang dumalo sa pagtitipon ng paglabas ng album sa isang lokal na mataas na paaralan para sa mga babae. Bagama’t ang ambasador lamang ang maaaring dumalo, nagpadala ng kanilang mga kinatawan ang ibang mga dignitaryo, at naging matagumpay ang paglabas ng album.
Hindi nagtagal, marami nang naghahanap sa mga mang-aawit mula sa Ampunan ng Songjuk.
Samantala, sa Estados Unidos, tumanggap si Truman Madsen, isang propesor ng pilosopiya sa Brigham Young University ng isang liham mula sa kanyang katrabahong si Richard Bushman, isang propesor sa departamento ng kasaysayan. Nag-alala si Richard tungkol sa isang akademikong artikulong kababasa lamang niya. Ang may-akda nito na si Wesley Walters ay isang ministrong Presbyterian sa gitnang kanlurang Estados Unidos. Sinasabi niyang napasinungalingan niya ang Unang Pangitain ni Joseph Smith.
Sa paglipas ng mga taon, tinangka ng mga kritiko na pagdudahan ng mga tao ang banal na kasaysayan ng Simbahan, ilang ulit na gamit ang parehong walang patunay na pahayag upang bigyang-diin ang kanilang paratang. Subalit iba ang artikulong ito. “Isa itong artikulo na maayos ang pagkakasulat at pagkakasaliksik,” ipinaalam ni Richard kay Truman. Sa katunayan, naniniwala ang isa pang kasamahan niya na isa itong seryosong banta sa pananampalataya ng mga Banal.
Nagpadala si Richard kay Truman ng kopya ng artikulo. Kinilala ni Wesley Walters na hindi niya maaaring direktang pasinungalingan na nakita ni Joseph Smith ang Ama at Anak noong tagsibol ng 1820, kung kaya siniyasat niya ang mga pahayag ng propeta ukol sa mga kasaysayang nakapaligid sa Unang Pangitain.
Sa loob ng ilang taon, dalawang tala lamang ang alam ng mga Banal kung saan isinulat ni propetang Joseph Smith ang pangitain. Ang pinakakilalang tala, na sinimulan noong 1838, ay matatagpuan sa Mahalagang Perlas. Ang isang tala ay inilathala sa Times and Seasons [Mga Oras at Panahon], isang pahayagan ng Simbahan, noong unang bahagi ng 1840. Subalit kailan lamang, isang gradwadong mag-aaral sa Brigham Young University at isang arkiwista ng Simbahan ay nakahanap ng dalawang naunang tala ng Unang Pangitain sa koleksyon ng Simbahan sa mga papeles ni Joseph Smith.
Maingat na sinuri ni Wesley ang apat na tala upang mailantad ang anumang posibleng di pagkakatugma at pagkakaiba nito sa kasaysayan. At nang imbestigahan niya ang pahayag ng propeta na isang lokal na religious revival ang nagbunsod sa kanya na magtanong sa Panginoon sa panalangin, walang nakitang patunay si Wesley ng anumang revival malapit sa tahanan ng mga Simith hanggang halos limang taon matapos maganap ang Unang Pangitain. Para kay Wesley, ibig sabihin nito ay gawa-gawa lamang ni Joseph Smith ang kanyang kuwento.
Nakatitiyak si Truman na mali ang mga natuklasan ni Wesley. Subalit dahil kakaunti lamang ang nagawang pangkasaysayang pananaliksik sa Unang Pangitain at sa mga pinakaunang araw ng Simbahan, wala siyang paraan upang patunayan iyon. Bilang dating pangulo ng mission, alam niyang maraming tao ang niyakap ang ipinanumbalik na ebanghelyo dahil sa napakalakas na patotoo ng propeta na kanyang nakita ang Ama at Anak. Ang pag-atake sa Unang Pangitain ay tila pag-atake sa pinaka-saligan ng Panunumbalik.
Matapos basahin ang artikulo, bumuo si Truman ng maliit na pangkat ng mga mananalaysay sa Lunsod ng Salt Lake. Lahat sila ay mga respetadong iskolar at mga tapat na miyembro ng Simbahan. Habang tinatalakay nila ang artikulo ni Wesley, natanto nila na maaari nilang gamitin ang kanilang mga kasanayan upang tulungan ang Simbahan. Sila at iba pang mananampalataya ay kailangang magsagawa ng bagong pag-aaral ng kasaysayan ng Simbahan, simula sa pinakapinagmulan nito. Hangga’t hindi nila nagagawa ito, walang makakontra sa mga sinasabi ni Wesley Walters ukol sa Unang Pangitain.
Sa pamununo ni Truman, nag-organisa ang grupo bilang isang komite upang hikayatin ang mga iskolar na Banal na pag-aralan ang sinaunang kasaysayan ng Simbahan. Upang tugunan ang artikulo ni Wesley, nagmungkahi ang komite na magpadala ng limang historyador sa silangang Estados Unidos upang saliksikin ang mga religious revival at ang Unang Pangitain. Sa kasamaang-palad, kulang sila sa pondo.
Unang sinubukan ng komite na mangalap ng pondo para sa pananaliksik mula sa mga pribadong mag-aambag. Nang lumabas na hindi ito lubos na matagumpay, lumapit si Truman sa Unang Panguluhan. Sinuportahan ni Pangulong McKay at kanyang mga tagapayo ang iba pang mga pagsisikap na pag-aralan at ingatan ang kasaysayan ng Simbahan. Noong unang bahagi ng dekada, halimbawa, nag-ambag sila ng pondo para sa pagbili at pag-iingat ng mga ari-ariang makasaysayan sa Nauvoo, Illinois, ang punong-tanggapan ng Simbahan mula 1839 hanggang 1846.
Naging interesado rin ang Unang Panguluhan sa mga piraso ng papyrus ni Joseph Smith. Masusing nakikipagtulungan kay Aziz Atiya at sa Metropolitan Museum of Art, inayos ni Pangulong N. Eldon Tanner na maibalik ang papyrus bilang regalo sa Simbahan. Iniulat ng mga pahayagan sa kabuuan ng Estados Unidos ang pagkuha, at nagdaos ng press conference ang Simbahan at inilathala ang mga larawan ng mga fragment sa Improvement Era. Sa hiling ng Unang Panguluhan, ipinahiram ang mga fragment kay Hugh Nibley, isang propesor sa Brigham Young University, para sa karagdagang pagsusuri. Si Hugh, ang nangungunang iskolar ng Simbahan sa sinaunang sibilisasyon, ay nakatagpo ng matibay na pangkasaysayang patunay na sumusuporta sa pagiging tunay ng Aklat ni Mormon at tiyak na gayon din ang gagawin niya sa Aklat ni Abraham.
Nagliham sa Unang Panguluhan noong tagsibol ng 1968, humiling si Truman ng $7,000 upang pondohan ang mga saliksik-lakbay. “Ang Unang Pangitain ay dumaranas ng matinding pag-atakeng may kinalaman sa kasaysayan,” ipinaalam niya sa kanila. “Napakahalaga ng oras.”
Noong una ay nagpasya ang Unang Panguluhan na huwag pondohan ang proyekto. Ilamg taon bago iyon, nagkaroon ng malaking utang ang Simbahan dahil sa pagpapatayo ng mas maraming kapilya sa buong mundo, at mula noon, naging mas maingat sa paggastos ang mga lider ng Simbahan.
Ngunit mapilit si Truman. Kailan lamang ay nakilala niya si Wesley Walters sa isang kumperensya tungkol sa kasaysayan ng Simbahan, at nadama niya ang determinasyon ng ministro na sirain ang pangalan ni Joseph Smith.
“Gagawin niya ang lahat para maunang makuha ang mga sanggunian,” sinabi ni Truman sa Unang Panguluhan. “Nadarama naming hindi na mabuting patagalin pa ang pagkilos natin.” Sa pagkakataong ito, humingi siya ng $5,000.
Muling pinagnilayan nina Pangulong President McKay at kanyang mga tagapayo ang kahilingan at pumayag silang pondohan ang mga mananaliksik.
Kalaunan, noong isang mainit na hapon ng Setyembre noong taong iyon, ang labing-apat na taong gulang na si Maeta Holiday ay mag-isang nakaupo sa bus patungong Fullerton, isang lungsod sa Los Angeles, California. Nakasilip siya sa bintana sa mga kulay kahel na kakahuyan na nakahilera sa magkabilang gilid ng daan, isang tanawing ibang-iba sa kanyang kinalakhan sa tuyot na disyerto sa hangganan ng Utah at Arizona.
Si Maeta ay isang Diné, isang mamamayan ng Navajo Nation. Lumaki siya sa reservation ng mga Native American sa gitna ng apat na sagradong bundok na nagtatanda sa tradisyunal na hangganan ng sinaunang tahanan ng kanyang mga ninuno. Noong ika-labingsiyam na siglo, lumikha ang pamahalaan ng Estados Unidos ng mga reservation at iba pang tulad nito mula sa mga lupain na kinamkam nila sa mga grupo ng Native American gaya ng mga Navajo upang magbigay-puwang sa mga puting maninirahan, gaya ng mga Banal sa mga Huling Araw. Napilitang manirahan sa mga karaniwan ay pangit na lupa, maraming pamilya ang nahirapan.
Napakalawak ng Navajo reservation kung saan nanirahan si Maeta, at magkakalayo ang mga tirahan ng mga tao, na nagpapahirap sa paghatid at pagsundo sa mga batang papasok ng eskuwelahan. Samantala, ang mga paaralang may dormitoryo na pinondohan ng pamahalaan ay karaniwang siksikan at kulang sa pondo. Sa ilalim ng mga ganitong sitwasyon, maraming mga magulang na Native American ay nilayong pagandahin ang buhay ng mga bata sa pamamagitan ng pagpapaaral sa kanila sa labas ng reservation.
Nagtungo si Maeta sa California bilang bahagi ng Indian Student Placement Program [Programang Pagpapaaral ng mga Mag-aaral na Indian] ng Simbahan, at patungo siya sa pamilyang puti na hindi niya kilala kung saan siya makikitira. Sumali ang mga ate ni Maeta sa programa, at nais niyang gawin din iyon. Subalit kahit na masigasig siyang sumali, nag-aalinlangan siya sa kanyang sasamahang pamilya.
Sinimulan ang programa ng pagpapaaral noong taong 1954 sa ilalim ng gabay ni Elder Spencer W. Kimball. Gaya ng maraming Banal sa mga Huling Araw noong panahong iyon, itinuring niya ang mga Native American bilang mga inapo ng mga tao sa Aklat ni Mormon. Naniniwala siyang may responsibilidad ang mga miyembro ng Simbahan na tulungan ang kanilang mga kapatid na Lamanita na magkaroon ng pagkakataon sa magandang pag-aaral at tuparin nag kanilang mga banal na layon bilang mga tipang tao.
Sa programa ng pagpapaaral, nililisan ng mga batang Native American ang kanilang mga tahanan sa mga reservation para makitira sa mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa panahon ng pasukan. Layon ng programa na bigyan ang mga mag-aaral ng pagkakataong makapasok sa mas magagandang paaralan at makaranas ng mga pamilyang nakatuon sa ebanghelyo. Pagsapit ng taong 1968, halos tatlong libong mga mag-aaral mula sa higit animnapu’t tatlong tribo ang pinatira sa mga tahanan sa Canada at pitong estado ng U.S. Bagama’t lahat ng mga mag-aaral na pinatira ay mga Banal sa mga Huling Araw, ilan sa kanila ay halos hindi nakikilahok sa Simbahan bago sumali sa programa.
Si Glen Van Wagenen, na naguna sa programa sa Timog California, ay narinig ang kuwento ni Maeta habang nakatira ito sa isang pamilya sa Kanab, Utah. Masayang naninirahan sa kanila si Maeta, at nakasundo niya ang anak na babae ng mga ito. Nang inanyahan ni Glen si Maeta na sumali sa programang pagpapaaral sa California sa simula ng ika-siyam na baitang nito, mabilis na tinanggap ni Maeta ang alok.
Si Maeta ang bunso sa anim na anak na babae nina Calvin Holiday at Evelyn Crank. Sumapi ang mga magulang niya sa Simbahan noong unang mga taon ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa, ngunit kalaunan ay nawalan sila ng gana rito. Bagamat bininyagan si Maeta sa edad na walong taon, hindi siya palagiang dumadalo sa simbahan, ni hindi niya nauunawaan ang kahalagahan ng kanyang binyag. Ninanais na mapabuti ang edukasyon ni Maeta, ipinasok siya ng mga magulang niya sa mga paaralang Native American na may dormitoryo sa Arizona pagtuntong niya sa tamang edad, kung kaya palipat-lipat siya.
Alam ni Maeta ang tungkol sa mga pamilya sa reservation kung saan mahal ng mga magulang ang bawat isa at masaya ang mga bata. Subalit ang pamilya niya ay hindi kasama sa kanila. Pagkaraang magdiborsyo ang kanyang mga magulang, dalawang beses pang nagpakasal sa iba ang kanyang ina. Mayroong higit sa anim na dagdag na anak pa ang ina ni Maeta mula sa mga kasal na ito, at dahil sa matagal na pagkawala nito kinailangan ni Maeta na alagaan ang kanyang mga nakababatang kapatid. Hindi lang isang beses na naiiwang mag-isa nang ilang araw si Maeta at mga kapatid niya nang halos walang pagkain at inumin. Ginawa niya ang lahat para pakainin ang mga bata. kung minsan ay pinapakain niya ang mga ito ng panis na karne ng tupa at ilang delata.
Minsan, nang nagluto si Maeta ng fry bread sa apoy sa labas, tiningnan siya ng kanyang ina at sinabing, “Ang tanging bagay na magiging magaling ka ay ang mag-anak.” Lubhang nalungkot si Maeta. Sa sandaling iyon, tahimik niyang ipinangako sa sarili, “Gaganda ang buhay ko.”
Pagsapit sa terminal ng bus sa Timog California, gumaan ang loob ni Maeta na mapalayo sa kanyang ina. Subalit kinakabahan siya habang minamasdan niya ang pagpasok sa pintuan ng medyo may edad nang mag-asawa. “Sila ang magiging mga bagong magulang ko,” naisip niya.
Ang kanyang ama-amahan, si Spencer Black, ay tahimik at mapagtimpi. Maingat siyang binati ni Maeta, takot sa mga lalaking abusadong nakilala niya sa buhay niya. Subalit nakadama siya ng kapanatagan sa kanyang ina-inahang si Venna.
Dinala nila si Maeta sa kanilang bahay, kung saan niya nakilala ang mga anak nila, si Lucy na labinlimang taon at si Larry na labintatlong taong gulang. Mayroon ding tatlong mas nakakatandang anak ang mga Black na bumukod na. Naging pamilyar si Maeta sa kanyang bagong tahanan, na may malaking tsimeya at isang harding puno ng mga bulaklak. Kung buong buhay niya ay may kasama siyang mga kapatid sa kuwarto, ngayon ay tuwang-tuwa siya na magkaroon ng sariling kuwarto.
Subalit hindi pa rin lubos na komportable si Maeta. Nakakalula ang lunsod at punung-puno ito ng usok. At bagamat mabait ang mga tumatayong magulang niya, iniisip ni Maeta kung ginagamit nila ang kabaitang iyon upang utuin siya na gawin ang mga gawaing-bahay, gaya ng ginagawa ng kanyang ina.
Hindi siya nagsisising pumunta ng California, ngunit nangungulila siya sa katahimikan ng sakahan habang nakahiga siya sa kama noong gabing iyon, nababagabag ng maingay na trapiko sa daan.