Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 5: Walang Kapangyarihan sa Mundo


Kabanata 5

Walang Kapangyarihan sa Mundo

Lalaking nagkukumpuni ng lumang kotse

Sa kabuuan ng taong 1960, nahirapan si Henry Burkhardt na panatilihing buo at matatag ang Simbahan sa German Democratic Republic. Binawalan ng GDR ang lahat ng banyagang misyonero na maglingkod sa loob ng mga hangganan nito, kung kaya inako ng mga Banal sa Silangang Germany ang buong responsibilidad ng pagtuturo sa kanilang bansa. Dahil pinagbabawalan ang mga misyonero na kumatok sa bawat pintuan, naging limitado ang mga paraan nila ng pagtuturo ng ebanghelyo. Noong Oktubre, pinagbawalan ng pamahalaan ang mga full-time na misyonero na maglingkod sa mga siyudad kung saan hindi ganoon kalaki ang mga kongregasyon ng Simbahan. Tinapos din nito ang halos lahat ng aktibidad ng Relief Society, MIA, at Primary, ikinakatwiran na tanging pamahalaan ang may responsibilidad na magbigay ng libangan sa mga mamamayan nito.

Sinabi ng isang opisyal sa mga Banal na ayaw sa kanila ng pamahalaan dahil sa dahilang ito. “Nasa Simbahan na ang lahat ng kailangan ninyo.”

Hindi nagtagal, ang Simbahan sa GDR ay isa na lamang anino ng dati nitong anyo. Sa halip na tiisin ang mga kalagayang ito, maraming mga Banal sa Silangang Germany ang umalis ng bansa para humanap ng mas maraming kalayaan sa relihiyon at pagkakakitaan sa Kanlurang Germany. At hindi lamang mga Banal ang gumagawa nito. Laksa-laksang tao ang lumisan sa GDR, kadalasang tinatawid ang hangganan sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Berlin.

Ang maramihang pandarayuhang ito ay isang kahihiyan para sa pamahalaan ng Silangang Germany at mga kaalyado nitong Sobyet. Maraming tao, kabilang si Henry, ay naniniwalang darating ang panahon na isasara ng pamahalaan ang lahat ng daanan patungong Kanlurang Berlin. Dahil ang punong-tanggapan ng mission ay nasa kanlurang bahagi ng siyudad, nangamba si Henry na ang mahigpit na hakbang ay maghihiwalay sa mga Banal sa Silangang Germany mula sa Simbahan.

Noong ika-18 ng Disyembre, nagpunta si Alvin R. Dyer, ang pangulo ng European Mission at Katuwang ng Korum ng Ladindalawang Apostol, sa GDR para makipag-usap kay Henry at iba pang mga lokal na lider ng Simbahan ukol sa kalagayan ng mga Banal na nasa kanilang pangangalaga.

Naglahad ng mapanglaw na hinaharap ang mga lider ng Silangang Germany. Nagpatupad ang pamahalaan ng mahihigpit na restriksyon sa pag-angkat ng mga aklat o lathalain na kailan lamang inilimbag. Ang mga restriksyong ito ay ginawang halos imposible para sa mga Banal na tumanggap ng mga bagong magasin ng Simbahan, mga manwal ng aralin, o mga himnaryo na hindi ipinupuslit ang mga ito mula sa Kanluran. Kumakaunti ang bilang ng dumadalo sa branch. Nagagamit ang mga meetinghouse, ngunit nasisira na ang ilan. At ngayong huminto na ang mga pagpupulong ng kabataan, inilalayo ng mga programa ng estado ang maraming kabataan mula sa relihiyon. Ipinaliwanag ni Henry na kung minsan ay palihim na nagdaraos ang mga branch ng mga aktibidad para sa mga kabataan, subalit lahat ng nasa pulong ay sang-ayon na delikadong gawin ito.

Bumabagsak na rin ang halaga ng pera ng Silangang Germany, at lubhang kulang ang mga programang pangkapakanan ng pamahalaan. Maraming Banal ang labis na hikahos para makabili ng pagkain at uling, kaya gumagamit sila ng pondo mula sa pangkapakanang account ng Simbahan para bumili ng uling at patatas o kaya ay magtitiis na lang sa wala.

Matapos ang pulong, nakipag-usap nang pribado si Pangulong Dyer kay Henry upang sabihin ang kanyang alalahanin tungkol sa kalagayan ng gawaing misyonero sa GDR. Mas malalim pa ito sa lubhang paghihigpit ng pamahalaan ng Silangang Germany sa kung saan at paano maaaring maglingkod ang mga misyonero. Inaasahan ng pamahalaan na ang lahat ng lalaking may sapat na kakayahan at kalusugan ay magkaroon ng kumikitang kabuhayan, at maaaring ituring na nakasasama sa ekonomiya ng Silangang Germany ang paglilingkod bilang full-time na misyonero. Ang pagsandal ng mga full-time missionary sa suportang pinansyal mula sa mga lokal na branch o mga Banal sa Kanlurang Germany ay isa ring problema. Para kay Pangulong Dyer, tila nagiging parang binabayarang pagmiministeryo ito. Sa mga dahilang ito, hiniling niya kay Henry na pauwiin na ang lahat ng full-time na misyonerong naglilingkod sa GDR.

Noong una, may pag-aalinlangan pa si Henry na sumunod sa atas. Hindi na nakakapagbahagi ang mga misyonero sa bawat bahay, kung kaya hindi na nagdudulot ang Simbahan ng problema sa pamahalaan. At ilang mga branch ng Simbahan ang umaasa pa rin sa pamunuan ng priesthood. Kapag pinauwi ang mga misyonero, baka hindi na makapagpatuloy ang mga branch. Subalit iginagalang ni Henry si Pangulong Dyer at sinunod ang payo, sa kabila ng kanyang mga pag-aalinlangan.

Makalipas ang ilang buwan, ang mga kabataang Banal mula sa Kanluran at Silangang Germany ay nagkita sa Kanlurang Berlin para sa kumperensya ng MIA. Batid ng lahat na maaaring isara anumang oras ang hangganan, at dama ng lahat ang pagkabahala. Subalit paulit-ulit na naglahad ang mga batang Banal ng parehong tema habang nagbibigay ng kanilang patotoo: Hindi nila alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap, ngunit kung wala na silang oportunidad na magkasamang muli, alam nilang totoo ang ebanghelyo sa magkabilang panig ng pulitikal na pagkakahati.

At mananatili silang matatag sa kanilang pananampalataya.


Ang paglaganap ng mga pamahalaang awtoritaryan sa kabuuan ng gitna at silangang Europa at iba pang panig ng mundo ay lubos na nagpabahala kay Pangulong McKay. Sa loob na ng higit sa isang dekada, nasaksihan niya ang ilang pamahalaan na nagkaroon ng kapangyarihan, ipinalaganap ang hindi paniniwala sa Diyos, at pinahina ang paniniwala sa relihiyon sa mga lugar gaya ng silangang Germany at Czechoslovakia, kung saan dating laganap ang Simbahan.

Subalit ang taimtim na pananalig ng mga Banal ay nagbigay sa kanya ng pag-asa,. Ang Estados Unidos at kanlurang Europa ay nakakaranas ng malaking karangyaan, at ilang tao ang natatakot na mas nagtutuon ang lipunan sa yaman at karangalan kaysa sa Diyos. Para kay Pangulong McKay ay hindi totoo ito sa mga miyembro ng Simbahan. Habang nakikipagkita siya sa mga Banal sa buong mundo, hinangaan niya ang kanilang pagiging hindi makasarili. “Sa aking palagay hindi pa nangyari kailanman noon na ang mga miyembro ng Simbahan ay naging mas espirituwal pa—mas handang magbigay at maglingkod,” sinabi niya sa isang mamamahayag noong Enero 1961.

Nakaantig sa kanya nang lubos ang kagandahang-loob ng mga Banal sa pagbabayad nila ng ikapu at mga handog. Sa mga nakalipas na henerasyon, ang pagpopondo sa gawain ng Panginoon ay kadalasang isang hamon para sa Simbahan. Ang kontribusyon ng mga Banal, kasama ang pagsandal sa boluntaryong serbisyo at kita mula sa iba-ibang negosyo, ay nagtulot sa Simbahan na patuloy na tustusan ang maraming gawain nito, kabilang na ang kapakanang pang-edukasyon, gawaing misyonero, at mga programa sa pagtatayo ng gusali.

Bagamat ang programa sa pagtatayo ng gusali ay talagang napakamahal, naniniwala si Pangulong McKay na mahalaga ang gastos sa lumalaking Simbahan. “Ang layunin ng mga gusaling ito,” ipinahayag niya, “ay hindi natutupad kapag naitayo na ang mga pader, maayos na nailagay ang bubong, natapos ang tore, at naialay ang panalangin ng paglalaan. Itinatayo sila para sa pagpapatibay ng kaluluwa.”

Ang mga bagong kapilya sa buong mundo ay nagsilbing mahahalagang lugar kung saan maaaring magtipun-tipon ang mga Banal at sambahin ang Diyos at makipagkapatiran sa bawat isa. Sa Denton, Texas, isang maliit na lunsod sa timog Estados Unidos, dalawang dosenang miyembro ng Simbahan ang nagsimulang magpulong noong 1959 sa tahanan nina John at Margaret Porter. Nang hindi na nagkasya ang mga tao sa tahanan ng mga Porter, nagtipon sila sa isang bakanteng gusali na may dalawang palapag at tumutulong bubong. Pagsapit ng 1961, ang grupo ay naging branch na may sapat na bilang ng aktibong miyembro para makahiling sa Church Building Committee ng permiso na magtayo ng isang meetinghouse.

Noong panahong iyon, ang mga miyembro ng Simbahan na nakatira sa mga mission ay inaasahang mag-ambag ng 30 porsyento ng gastos ng mga bagong meetinghouse. Sa mga stake, ang inaasahan ay 50 porsyento. Upang mahikayat ang mga Banal sa Denton na mag-ambag para sa kapilya, ang pangulo ng stake na si Ervin Atkerson ay tinapatan ng kanyang sariling pera ang unang $1,000 na binigay sa pondo. May pahintulot mula sa Simbahan, kalaunan ay personal na binili ni John Porter ang isang loteng 1.2 ektarya ang laki, ibinenta ang 0.4 ektarya sa isang kainan, at ibinigay ang 0.8 ektarya para sa gusali.

Ang mga kongregasyon na nagtayo ng mga meetinghouse noong unang bahagi ng dekada ng 1960 ay maraming pagpipiliang plano ng arkitektura na aprubado ng Simbahan. Tinutulutan ng ilang plano na maitayo ang mga meetinghouse sa paglipas ng panahon, sa dalawa o tatlong yugto, base sa laki at antas ng paglago ng ward o branch. Ang unang yugto ng pagtatayo ng gusali ay binubuo ng mga silid-aralan at isang malaking silid na magagamit sa iba-ibang aktibidad na maaaring gamitin bilang kapilya. Nagdaragdag ang ikalawang yugto ng isang malaking kapilya at silid para sa Primary, at sa ikatlong yugto naman ay kabilang ang isang bulwagan para sa kultura, kusina, at mas marami pang silid. Sa mabilis na paglago ng kanilang branch, pinili ng mga Banal sa Denton na magtayo ng meetinghouse na batay sa plano na pinagsama ang unang dalawang yugto. Habang nangangasiwa sa proyekto ang isang superbisor na empleyado ng Simbahan, ang mga Banal sa Denton ang halos nagtrabaho.

Si Riley Swanson, isang miyembro ng branch, ay tagagawa ng mga aparador na lumikha ng magandang gawang kahoy para sa kapilya. Isang convert na tagaroon si Riley na inihinto ang paninigarilyo para sumapi sa Simbahan. Nang magsimula ang pagtatayo, sinimulan niyang magtrabaho sa gabi para magugol niya ang kanyang araw sa pagtatrabaho sa kapilya bilang palagiang boluntaryo.

Sa kabi’t kabilang pagtatayo ng mga meetinghouse sa buong mundo, nagplano rin ang Simbahan na magtayo ng malaking gusali ng tanggapan sa Lunsod ng Salt Lake para magbigay ng tanggapan sa pangkalahatang lider ng Simbahan at mga empleyado ng Simbahan. At isinasagawa rin ang mga plano para sa bagong visitors’ center sa Temple Square, isang vault para paglagakan ng mga talaangkanan sa pusod ng mga kabundukan sa Lunsod ng Salt Lake, at isang bagong templo sa Oakland, California.

Nakakita rin ng pag-asa si Pangulong McKay sa kabataan ng Simbahan at sa kanilang hangaring ibahagi ang ebanghelyo. Noong 1959, inanyayahan niya ang bawat miyembro ng Simbahan na maghanap, magturo, at makipagkaibigan sa mga bagong miyembro at mga maaaring magpabinyag. Mula noon, nag-ibayo ang gawaing misyonero, lalo na sa Great Britain, kung saan ang bagong templo ay tunay na nagdulot ng “bagong yugto” ng Simbahan. Ang mga convert na nabinyagan sa British Mission ay nagsimulang mabilis na dumami, lalo na sa kabataan, na nagdulot sa Simbahan na likhain ang North British Mission at ang Manchester Stake noong Marso 1960. Makalipas ang isang taon, bumalik muli si Pangulong McKay sa Inglatera para organisahin ang London Stake at ilaan ang isang magandang bagong kapilya malapit sa Hyde Park sa gitna ng London.

Habang nasa Great Britain, muling binigyang-diin ni Pangulong McKay ang kanyang paanyaya sa bawat miyembro na makibahagi sa gawaing misyonero. “Kung bawat miyembro ay babalikatin ang responsibilidad na iyon,” paalala niya sa mga misyonero ng North British Mission, “walang kapangyarihan sa mundo ang makakapigil sa Simbahan na lumago.”

Ilang buwan lamang matapos bumalik ni Pangulong McKay mula sa Great Britain, tumanggap ang Unang Panguluhan ng sulat mula kay LaMar Williams ukol sa napakaraming liham na natanggap niya mula sa mga taga-Nigeria. “Kung ituturo ang ebanghelyo sa napakalaking bilang ng tao na ito, na malinaw na mga anak ng Diyos” isinaad ni LaMar, “para sa akin ay napakagandang oportunidad na ito para siyasatin ang pagsisimula ng gawain.”

Batid na ni Pangulong McKay ang interes ng mga Nigerian sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Noong nakaraang taon, hiniling niya kay Glen Fisher, isang mission president na pabalik mula sa South Africa, na bisitahin ang Nigeria. Maganda ang iniulat ni Glen ukol sa kahandaan ng bansa para sa gawaing misyonero, na nagbigay kay Pangulong McKay ng mas maraming bagay na dapat pagnilayan nang dumating ang liham ni LaMar.

Noong ika-1 ng Hulyo 1961, tinalakay ni Pangulong McKay ang bagay na ito sa pulong ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Batid na ang mga restriksyon ng Simbahan ay magdudulot ng mabibigat na hamon para sa gawaing misyonero sa Nigeria, inihalintulad niya ang sitwasyon sa problemang kinaharap ng mga sinaunang apostol noong tinanong ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga Gentil. Hindi kumilos ang mga apostol na iyon hanggang sa tumanggap si Pedro ng paghahayag mula sa Diyos.

Humiling ng patnubay si Pangulong McKay sa Panginoon ukol sa restriksyon sa priesthood, ngunit wala siyang natanggap na malinaw na tagubilin. Sa ngayon, wala siyang planong magbukas ng mission sa Nigeria hanggang malaman niya ang nais ng Panginoon.

Gayunpaman, alam niyang tama si LaMar. Kailangan ng Simbahan ng dagdag na impormasyon, at nagmungkahi siyang magpadala ng mga kinatawan ng Simbahan sa Nigeria upang obserbahan ang pananampalataya ng mga tagaroon. Matapos talakayin ang mga bagay na iyon, ibinigay ng mga apostol ang kanilang suporta sa mungkahi ng propeta.


Noong panahong ito, may nakagawian nang gawin ang labing-anim na taong gulang na si Suzie Towse. Araw-araw, kapag tapos na siya sa paghahatid ng diyaryo matapos ang klase, uuwi siya at magpapaalam sa kanyang ama na payagan siyang sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Mga isang taon na siyang interesado sa Simbahan. Inanyayahan siya ng isang kaibigan sa aktibidad para sa kabataan sa lokal na branch sa Beverley, England, at agad na naibigan ni Suzie ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ngunit inakala ng kanyang mga magulang na Katoliko at Methodist na ang pagnanais niyang sumapi sa Simbahan ay panandalian lamang, at tumutol silang payagan siyang magpabinyag.

Gayunpaman ay desidido pa rin si Suzie na maging Banal sa mga Huling Araw. Kasama siya sa ilang libong tao sa mga British Isles na naakit sa Simbahan noong panahong iyon. Gaya ni Suzie, marami sa kanila ang nalaman ang ukol sa Simbahan sa pamamagitan ng bagong mission referral program, na naghikayat sa mga Banal na mag-anyaya ng mga kaibigan at pamilya sa mga pulong ng Simbahan at hayaan silang makisalamuha sa mga misyonero. Sa katunayan, noong ipinakilala ng kaibigan niya si Suzie sa Simbahan, mahigit sa 85 porsyento ng kailan lamang nabinyagan sa British Mission ay nagmula sa mga referral.

Mula nang malaman ang tungkol sa Simbahan, nakaranas si Suzie ng matitinding pagtutol. Matapos tumanggap ng isang kopya ng Aklat ni Mormon, dinala niya ito sa kanyang paring Katoliko para humingi ng pahintulot na basahin ito. Karaniwan ay mabait itong tao, ngunit nang ipinakita niya ang aklat, nag-iba ang pakikitungo nito. Sinabi nitong ang Aklat ni Mormon ay sa demonyo at inakusahan siyang dinudungisan ng erehiya ang tahanan nito. Pagkatapos ay mabilis nitong inagaw ang libro at inihagis sa tsiminea. Hindi tumama sa apoy ang aklat, at nagawang bawiin ito ni Suzie bago siya pinalayas ng pari.

“Kung gayon, wala nang atrasan,” sinabi niya kalaunan.

Hindi nagtagal ay palagian na siyang dumadalo sa mga pulong ng Beverly Branch. Matapos magsimba nang ilang taon sa isang kapilyang Katoliko, noong una ay kakaiba para kay Suzie ang magsimba kasama ang iilang tao sa isang silid sa otel na may payak na sahig at matitigas na upuang yari sa kahoy. Subalit matapos dumalo sa kanyang unang sacrament meeting, nakadama siya ng magiliw na kumpirmasyon na tunay ang mga salitang narinig niya. Nagbigay ng malalim na pahiwatig sa kanya ang Espiritu na dapat siyang bumalik.

Nakadama rin siya ng katulad na diwa sa mga pulong ng MIA, na mas marami pang tao. Ang ilan sa mga kabataan, gaya ni Suzie, ay ipinakilala sa Simbahan ng mga kaibigan nila. Ang iba ay mga binatilyo na natagpuan ang Simbahan sa pamamagitan ang pakikipaglaro ng baseball sa mga misyonero. Sa loob ng ilang dekada, ginamit ng mga misyonero ang isports para makakilala ng kabataan at ipakilala sila at mga magulang nila sa Simbahan. Kailan lamang, ang baseball ay naging partikular na kilala sa mga British mission, at maraming binata ang sumapi sa Simbahan upang makapaglaro sila sa mga koponang pinangangasiwaan ng mga misyonero. Dahil noong panahong iyon ay madalas kinikilala at ginagantimpalaan ng mga lider ng mission ang mga misyonero na nagbinyag ng mas marami kaysa sa iba, may ilang misyonero na nagtuon ng kanilang pagsisikap sa kabataan, na karaniwan ay mas handang magpabinyag kaysa sa mga adult.

Bagamat marami sa mga bata pang binyagang ito ay tumatanggap ng ilang aralin sa ebanghelyo bago ang kanilang binyag, karaniwan silang mas interesado sa pagiging bahagi ng koponan sa isports kaysa sa pagdalo sa Simbahan. Karamihan, ang kanilang binyag ay hindi naghikayat sa ibang kasapi ng pamilya na sumapi sa Simbahan, kung kaya ang Beverly Branch at karamihan sa ibang mga branch sa British Isles ay may napakaraming kabataan na miyembro ng Simbahan sa papel lamang.

Bawat linggo, gayunpaman, dumadalo si Suzie sa mga pulong ng Simbahan at nagsasabi sa kanyang mga magulang tungkol sa binyag. Isang araw, pagkauwi niya mula sa paghahatid ng diyaryo, natagpuan niya ang kanyang ama na nasa ilalim ng kotseng inaayos at nakausli ang paa. “Itay,” tanong niya, “maaari po ba akong magpabinyag?”

“Oo naman iha, puwede mong gawin,” sagot nito, habang nasa ilalim pa rin ng kotse. “Kung ganoon kahalaga ito para sa iyo, puwede mong gawin iyon.”

Natigilan si Suzie. “Totoo po ba ang sinabi ninyo, Itay?” tanong niya. “Gusto mo bang ulitin ang sinabi ko?”

Oo, pag-uulit nito. Kung nais niya, maaari siyang magpabinyag.

“Salamat po,” sigaw niya. “Salamat po.” Agad siyang sumakay ng kanyang bisikleta papunta sa apartment ng mga misyonero at ibinahagi sa kanila ang magandang balita. Wala sa kanila ang nagulat na nag-iba ng isip ang kanyang ama.

“Bakit hindi kayo ngulat?” tanong niya. “Nagulat ako.”

“Alam naming mag-iiba ang isip niya,” paliwanag nila. “Nag-aayuno kami para sa iyo.”


Isang umagang-umaga noong ika-13 ng Agosto 1961, nagtayo ang German Democratic Republic ng mga barikada sa paligid ng Kanlurang Berlin. Mabagal na umusad ang mga tangke sa kanilang posisyon sa mga daluyan sa hangganan, at naglagay ang mga sundalo ng mga machine gun sa bintana ng mga kalapit na gusali. Sa Brandenburg Gate, isang makasaysayang bantayog sa gitna ng lunsod, nagtipon ang maraming pulutong ng tao na pawang galit at nalilito. Kinabukasan, binutas ng mga manggagawa ang mga daan sa harap ng bantayog gamit ang jackhammer at nagsimulang magtayo ng pansamantalang pader na yari sa sementong bloke at alambreng may tinik sa likod ng isang hilera ng mga armadong bantay.

Matapos ang ilang buwang usap-usapan, isinara na ng pamahalaan ng Silangang Germany ang hangganan sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Berlin.

Nabahala si Henry Burkhardt sa mabilis na pagtatayo ng pader. Gaya ng ikinakatakot niya, pinutol ng mga nagsarang hangganan ang komunikasyon sa Kanluran. Hindi niya magawang tumawag sa telepono, magpadala ng telegrama, o magpadala ng sulat sa tanggapan ng mission. Kapag sinubukan niyang tawirin ang hangganan, gaya ng malaya niyang nagagawa noon, haharangin siya ng mga bantay—baka patayin pa siya.

“Paano magpapatuloy ang gawain ng Simbahan?” iniisip niya. Bagamat ang mga district at branch sa GDR ay umiiral na sa ilalim ng mga lokal na lider, at halos pinalitan na ng mga miyembrong misyonero ang mga full-time na misyonero, laging umaasa si Henry sa kahit kaunting pakikipag-ugnayan sa punong-tanggapan ng Berlin Mission sa Kanlurang Berlin. Ano na ang mangyayari ngayong lumikha na ng totoong harang sa pagitan nila ang pader?

Natanggap ni Henry ang sagot sa pagtatapos ng Agosto. Bagamat pinagbawalan ng GDR ang mga mamamayan nito na maglakbay palabas ng bansa, hinayaan nito ang mga residente ng Kanlurang Germany na may espesyal na permiso na maglakbay sa loob ng hangganan nito. Noong ika-27 ng Agosto, ang pangulo ng Berlin Mission na si Percy K. Fetzer at isa sa kanyang mga tagapayo na si David Owens ay nakipagkita kina Henry at sa iba pang mga Banal sa Silangang Berlin. Bago pumasok ng bansa, inalis ng dalawang lalaki sa kanilang kotse at mga bulsa ang anumang hindi kinakailangang bagay. Nakita nila ang isang harang na may mga pulis at sundalo sa checkpoint na pinipigilan ang ilang libong tao. Noong hinahati ng mga sundalo ang mga tao para may puwang sa gitna, dahan-dahang umusad si Pangulong Fetzer, nagmaneho nang pasikut-sikot hanggang marating niya ang pasukan ng lunsod.

Lubos ang kagalakang nadama ni Henry at ng mga Banal nang makita nila ang mission president. Saglit lamang ang pagdalaw, subalit muling bumisita ni Pangulong Fetzer at iba pang mga lider ng Simbahan sa mga sumunod na buwan. Maingat silang kumikilos, batid na ang kanilang pagtungo sa Silangang Berlin ay maaaring maglagay sa kanila at sa mga Banal sa kapahamakan. Sa kabutihang-palad, tila hindi natinag ang tibay ng loob ng mga Banal sa Silangang Germany. Dumami ang bilang ng mga dumadalo sa sacrament meeting, at maraming tao ang maytaglay ng malakas na patotoo na tunay ang ebanghelyo.

Sa kumperensya ng mga lokal na lider, inamin ni Henry na hindi mainam ang mga pangyayari para sa mga Banal sa GDR. “Hindi dapat magdusa ang gawain ng Panginoon dulot ng mga kalagayang ipinatupad ng tao,” ipinaalala niya sa mga lider. “Magdedepende ito sa atin, at kung paano natin isasagawa ang mga tungkuling ibinigay sa atin, kung matagumpay na magpapatuloy ang pag-usad ng gawain ng Diyos sa bansang ito.”


Ilang linggo bago ang pangkalahatang kumperensya ng Oktuber 1961, inanyayahan ni Pangulong David O. McKay si Elder Harold B. Lee sa kanyang tanggapan sa Lunsod ng Salt Lake. Nagising ang propeta ng alas-sais y medya ng umagang iyon na may malinaw na impresyon na ang paparating na sesyon ng priesthood ay dapat magpakilala ng bagong programang naka-disensyo para pag-isahin ang kurikulum ng Simbahan.

Mula noong huling bahagi ng ikalabinsyam na siglo, bawat isa sa mga organisasyon ng Simbahan—Sunday School, Primary, Young Men at Young Women’s MIA, Relief Society, at mga korum ng priesthood—ay bumuo ng kanilang sariling lingguhang aralin, malaya mula sa bawat isa. Simula noong unang bahagi ng dekada ng 1900, naghanap ang mga lider ng Simbahan ng mga paraan para pag-ugnayin ang mga lingguhang aralin at aktibidad ng mga organisasyon at korum ng Simbahan sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa mahalagang doktrina at pagpapatigil sa anumang paulit-ulit o nagsasapawang mga aralin. Subalit ang mga pagsisikap na ito ay pabugso-bugso at panandalian lang.

Si Pangulong McKay, na kasama sa ilan sa mga naunang pagsisikap ng correlation, ay naniniwalang oras na para sumubok muli. Higit sa ikatlong bahagi ng Simbahan ang naging miyembro noong nakaraang sampung taon, at ang kasalukuyang kurikulum ay hindi laging natutugunan ang pangangailangan ng mga bagong Banal. Lubhang nababahala ang propeta sa mga aralin na naglalahad ng mga maling ideya o lubhang napapalayo sa pangunahing turo ng ebanghelyo. Nais niya ang magkakaparehong kurikulum na nakabatay sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo.

“Ang tanging programang wasto sa ating kaisipan,” paghahayag niya, “ay ang naglalayong magligtas ng mga kaluluwa.”

Sa loob ng higit sa isang taon ay pinag-aaralan ni Elder Lee ang bagay na ito kasama ang isang maliit na komite. Nais rin niya na mas bigyang-diin ng Simbahan ang patuturo ng doktrina ng kaligtasan. At ngayon ay nababalisa siyang malaman na ang mga materyal ng Simbahan sa pagtuturo ay naipadala na sa mga lokal na kongregasyon bago pa man masilip ng mga apostol ang mga ito. Nais niyang matiyak ng bagong programa na ang mga aralin at hanbuk ay sapat na narepaso bago makarating ang mga ito sa mga Banal. Ang mas mainam na koordinasyon sa mga organisasyon ng Simbahan, sa paniniwala niya, ang magwawaksi sa pagkalito.

Magkakatulong na nagtrabaho, iminungkahi ng komite na isulat ang kurikulum ng Simbahan sa ilalim ng bagong prinsipyong pang-organisasyon. Sa halip na bawat pangkalahatang organisasyon ang sarilinang magsusulat ng araling materyal nito, tatlong komite ang mamamahala sa kurikulum: isa para sa mga bata, isa para sa kabataan, at isa naman para sa mga adult.

Ang mga kinatawan ng iba-ibang organisasyon ng Simbahan, kapwa mga babae at lalaki, ay tutulong na bumuo ng kurikulum na nakatutok sa ilang mahahalaga at nagliligtas na mga alituntunin. Pamamahalaan ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang gawain, at isang All-Church Coordinating Council na pinamumunuan ng apat na apostol ang mangangasiwa sa aktibidad ng tatlong komite.

Sa pag-organisa ng kurikulum ayon sa edad, maiiwasan ng mga komite ang hindi kinakailangang pagdodoble sa mga aralin. At ang pagbuo ng mga araling iyon kasama ang mga general authority ay nagpahintulot sa kurikulum na makinabang mula sa kanilang karanasan sa pagbisita sa mga miyembro sa mga kongregasyon sa buong mundo.

Nang nabuo ng komite ang mungkahi nito, nirepaso at inaprubahan ito ng Unang Panguluhan at Korum ng Ladindalawang Apostol, na tamang tama para maipakilala ni Elder Lee ang bagong programa sa mga Banal sa sesyon sa priesthood ng pangkalahatang kumperensya para sa Oktubre.

“Sa paggamit ng gayong programa,” pahayag ni Elder Lee, “maaari at may pag-asa tayong umasa sa pagsasama at pagpapasimple ng mga kurikulum, mga lathalain, mga gusali, mga pulong ng Simbahan, at marami pang ibang mahalagang aspekto ng gawain ng Panginoon.”

Nakatitiyak si Elder Lee na inspirado ang mga galaw ni Pangulong McKay sa pagsisimula ng pag-uugnay sa mga kurikulum ng Simbahan. “Kung itutuon lang natin ang ating pansin sa pangulo ng Simbahan,” pagpapatotoo niya, “makikita natin siyang gumagalaw para gawin ang bagay na para sa kaligtasan ng mga anak ng tao sa pinaka-epektibong posibleng paraan.”


Hindi nagtagal matapos ang pangkalahatang kumperensya, sumakay ng eroplano si LaMar Williams patungong Nigeria. Sa kanyang maleta, naglagay si LaMar ng kamera at tape recorder para kalaunan ay maibahagi niya sa Unang Panguluhan ang mga mukha at boses ng mga taong nakilala niya. Ang kompanyon niya para sa paglalakbay na ito ay ang dalawampung taong gulang na misyonero na si Marvin Jones, na papunta sa South African Mission.

Sa Port Harcourt ang kanilang pupuntahan, isang siyudad sa baybayin ng Nigeria, kung saan isang malaking grupo ng tao—halos lahat ng mga taong nakipagsulatan kay LaMar—ang naghihintay sa kanila. Subalit wala sa malaking pulutong ng mga tao si Honesty John Ekong, na sumulat ng mga liham na unang pumukaw ng pansin ni LaMar sa Africa.

Habang binabati niya ang mga kaibigan niya, nagulat si LaMar na hindi nila kilala ang bawat isa. Akala niya ay magkakasama silang nagtatrabaho. Kasama sa grupo ang isang lalaking nagngangalang Matthew Udo-Ete, na nagpadala ng pinakamaraming liham kay LaMar. Isinama niya sina LaMar at Marvin sa kanyang maliit na tahanan, kung saan isang malaking grupo ng tao ang naghihintay na marinig siyang magsalita. Mas mainit at mas maalinsangan ang hangin kaysa sa nakasanayan ni LaMar, subalit sa sumunod na dalawang oras ay nagturo siya sa mga tao at sumagot sa mga tanong tungkol sa Simbahan.

Sa kanyang unang gabi sa Nigeria, nagbigay ng mensahe si LaMar sa isa pang malaking pulong ng tao sa kapilya ni Matthew. Naglakbay ng maraming kilometro ang mga tao para pakinggan siyang magsalita. Itinuro niya sa kanila ang tungkol sa Panguluhang Diyos, ang Apostasiya, at ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith. Ipinaliwanag niya ang restriksyon sa priesthood at sinabing nagtungo siya sa Nigeria para malaman kung interesado pa rin ang mga kaibigan niya sa Simbahan kahit na hindi nila magagawang taglayin ang priesthood.

Nang matapos siyang magsalita, ibinalik niya ang oras kay Matthew para isara ang pulong. Bigla na lang nagsalita ang mga tao sa kongregasyon gamit ang wika na hindi maintindihan ni LaMar. Tumingin si LaMar kay Matthew para sa pagsasalin.

“Mayroon tayong mga tao rito na nais magbahagi ng kanilang patotoo,” sabi ni Matthew.

Nagulat si LaMar. Inaasahan niyang pagod at marahil ay gutom na ang mga tao. Sa halip, sa mga sumunod na tatlong oras ay nagbahagi ang mga tao ng kanilang mga patotoo.

Kasama nila ay isang matandang lalaki na may buhok na nagkakauban na, puting kamiseta, at telang kulay rosas na nakabalot sa binti nito. Wala itong suot na sapin sa paa. “Ako ay animnapu’t limang taong gulang,” sabi nito, “at may sakit ako. Naglakad ako ng 26 kilometro para makarating dito ngayong umaga.”

“Hindi ko nakita si Pangulong McKay, at hindi ko nakita ang Diyos,” pagpapatuloy niya. “Subalit nakita kita, at ikaw ang may pananagutang bumalik kay Pangulong McKay at sabihin sa kanyang tapat kami.”

Isang babae sa kongregasyon ay tinanong lamang si LaMar, “Hahayaan mo bang masayang na lamang ang pagmamahal na mayroon kami para sa Simbahan?”

Makalipas lamang ang higit sa isang linggo, sa bayan ng Uyo, nakausap na sa wakas ni LaMar si Honesty John Ekong. Nalaman niya na naglakbay ang kaibigan niya nang higit 160 kilometro para makita siya sa paliparan ngunit sa kung anong dahilan ay hindi siya inabutan. Ipinakita ni Honesty John kay LaMar ang mga pader ng kanyang tahanan. Napapalamutian ang mga ito ng mga artikulo at larawan ng mga pangkalahatang awtoridad mula sa mga magasin ng Simbahan.

Paulit-ulit na napahanga si LaMar ng pananampalataya ng mga Nigerian. Nalaman niya na humigit-kumulang limang libong tao sa halos isang daang kongregasyon ang nais sumapi sa Simbahan. Subalit wala siyang makitang paraan para magkaroon ng pag-unlad sa Nigeria hanggang sa ipinapatupad ang mga restriksyon sa priesthood at sa templo. Nais niyang bigyan ang kanyang mga bagong kaibigan ng pagtitiyak tungkol sa hinaharap ng gawaing misyonero sa kanilang bansa, subalit batid niyang wala siyang pahintulot na gawin ito.

“Iginigiit nila na kapag ginawa ko ang bahagi ko kapag nag-ulat ako sa Unang Panguluhan, pupunta sa Nigeria ang Simbahan,” isinulat niya sa kanyang talaarawan. “Hindi nila nauunawaan kung gaano kaliit ang bahagi ko sa kabuuang pagsasagawa ng gayong desisyon.”

Ngunit umaasa siya. “Maraming salamat at lahat ng bagay ay maaaring mangyari sa tulong ng Panginoon,” isinulat niya.

  1. Mga Banal, tomo 3, kabanata 36; Albrecht, Nikol, at Nikol, “Book Burning,” 164; ElRay Christiansen to First Presidency and Quorum of the Twelve Apostles, Jan. 14, 1959, Missionary Department, Executive Secretary General Files, CHL; Fetzer, Mission President Journal, Oct. 13, 1960; Germany Hamburg Mission, Manuscript History and Historical Reports, Oct. 13, 1960; European Mission, Historical Reports, Dec. 31, 1960, 341, 343.

  2. Germany Hamburg Mission, Manuscript History and Historical Reports, Oct. 13, 1960, and Mar. 26, 1961; Albrecht, Nikol, at Nikol, “Book Burning,” 164–69; Burtis Robbins and Edith Robbins, North German Mission Report, Feb. 23, 1960, 2, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 84–86, 97–98; Dennis, Rise and Fall of the German Democratic Republic, 90. Mga Paksa: Cold War (Digmaang Malamig); Germany

  3. Sheffer, Burned Bridge, 142–46; Germany Hamburg Mission, Manuscript History and Historical Reports, Dec. 31, 1958; tingnan din sa Kuehne, Henry Burkhardt, 49.

  4. Germany Hamburg Mission, Manuscript History and Historical Reports, Dec. 18, 1960; European Mission, Historical Reports, Dec. 31, 1960, 340–42, 344; Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 98; Burtis Robbins at Edith Robbins, North German Mission Report, Feb. 23, 1960, 1, 5–6, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL.

  5. Dennis, Rise and Fall of the German Democratic Republic, 88–89; European Mission, Historical Reports, Dec. 31, 1960, 343.

  6. Kuehne, Henry Burkhardt, 36–37; European Mission, Historical Reports, Sept. 30 and Dec. 31, 1960, 247–49, 344; Alvin R. Dyer to First Presidency, May 23, 1960; Oct. 25, 1960; Dec. 21, 1960, First Presidency, Mission Correspondence, 1946–69, CHL.

  7. Germany Hamburg Mission, Manuscript History and Historical Reports, Apr. 2, 1961.

  8. Dunbabin, Cold War, 19–21, 149–54, 264–66.

  9. McKay, Statements on Communism and the Constitution, 1–30; David O. McKay, sa One Hundred Eighteenth Annual Conference, 70; Henry A. Smith, “Pres. McKay Hits Atheism Rise in World,” Deseret News, Mar. 17, 1952, A1; “Church President Dedicates New Chapel in Detroit Stake,” Church News, Mayo 2, 1959, 5; David O. McKay, sa One Hundred Twentieth Annual Conference, 175; McKay, Diary, Nov. 12, 1957, and May 13, 1959; Mga Banal, tomo 3, kabanata 33 at 35.

  10. McKay, Diary, Apr. 7, 1960, and Jan. 5, 1961; Patterson, Grand Expectations, 311–15; Eichengreen, European Economy, 3–47.

  11. McKay, Diary, Jan. 5, 1961; “Change Comes to Zion’s Empire,” Business Week, Nov. 23, 1957, 108–10, 112, 114, 116; Leonard J. Arrington, “Economic History of the Church,” at Richard C. Edgley and Wilford G. Edling, “Finances of the Church,” sa Ludlow, Encyclopedia of Mormonism, 2:435–41, 507–9. Paksa: Mga Pananalapi ng Simbahan

  12. David O. McKay to Stephen L Richards, Jan. 30, 1954; David O. McKay, Address, Uruguayan Mission, Montevideo, Uruguay, Jan. 30, 1954, tomo 138, David O. McKay Scrapbooks, CHL. Mga Paksa: Programa sa Pagtatayo; David O. McKay

  13. Hubbard, When the Saints Came Marching In, 3, 28–32, 35, 58–65; Jackson, Places of Worship, 237, 266, 270–73; Relief Society Annual Report, 1961, Denton Ward, Relief Society Minutes and Records, CHL; McKay, Diary, Feb. 24, 1961.

  14. McKay, Diary, Mar. 18, 1960; June 28, 1960; Aug. 17, 1960; Jan. 18 and 23, 1961; “Skyscraper Included in Program,” Deseret News and Salt Lake Telegram, Okt. 7, 1960, A1, A10; Henry A. Smith, “Pres. McKay Tells of Decision to Build New Oakland Temple,” Church News, Ene. 28, 1961, 3.

  15. McKay, Diary, Ene. 5, 1961; David O. McKay, sa One Hundred Twenty-Ninth Annual Conference, 122.

  16. “Missionary Activity Boosts Baptisms to New High in 1960,” Church News, Dis. 31, 1960, 10; McKay, Diary, Mar. 1 and 29, 1960; Sept. 8, 1960; Rasmussen, Mormonism and the Making of a British Zion, 150–52; Romney, Journal, Jan. 12, 19, and 21, 1960; Cuthbert, Latter-day Saints in Great Britain, 51–52, 197; Harold B. Lee, “A Stake Is Born,” Millennial Star, Mayo 1960, 188–94. Mga Paksa: Pag-unlad ng Simbahan; England

  17. Henry A. Smith, “Pres. McKay Dedicates Hyde Park Chapel at London Session,” Church News, Mar. 4, 1961, 3, 15; “Text of the Dedicatory Prayer,” Millennial Star, Abr. 1961, 180–83; David O. McKay, Address, North British Mission, Mar. 1, 1961, 1, Percy K. Fetzer Papers, CHL.

  18. LaMar Williams, Memorandum, May 3, 1961, LaMar S. Williams Papers, CHL.

  19. Fisher, Report, Sept. 16, 1960, 2, 5–7, 12; McKay, Diary, June 30–July 1, 1961; Mga Gawa 10–11; 15:7–9; Arrington, Adventures of a Church Historian, 180; tingnan din sa Hunter, Journal, Mar. 1, 1962. Paksa: Restriksyon sa Priesthood at sa Templo

  20. McKay, Diary, July 1, 1961; Hunter, Journal, July 1, 1961; Allen, LaMar Williams Interview Notes [Hulyo 6, 1988], [3].

  21. Dunning, Oral History Interview, 10, 12; Dunning, “My Life and Legacy,” 1–4.

  22. British Mission, Manuscript History, part 1, Dec. 31, 1960, 6; part 2, June 30, 1961, 3; North British Mission, Manuscript History, Sept. 30, 1961, [1]; Dunning at Dunning, Panayam sa Email [Set. 12, 2021]; Franklin D. Richards, sa One Hundred Thirty-First Annual Conference, 83–87; “Mission Meet Focuses on Referral Plan,” Deseret News and Salt Lake Telegram, Hunyo 27, 1961, A1.

  23. Dunning, “My Life and Legacy,” 2–3; Dunning, Email Interview [Sept. 23, 2021]; Dunning, Panayam sa Email [Hulyo 21, 2021]; Transcript of Record of Members, 1961, Beverley Branch, Hull District, North British Mission, 49, sa England (Country), bahagi 50, Record of Members Collection, CHL. Paksa: Mga Sacrament Meeting

  24. Dunning, “My Life and Legacy,” 2; Dunning, Email Interview [Sept. 23, 2021]; Dunning at Dunning, Email Interview [Sept. 12, 2021]; Dunning, Oral History Interview, 2; Hawkins, Oral History Interview, [00:01:05]–[00:03:02]; Fletcher, Oral History Interview, 2–4.

  25. Spencer W. Kimball, Journal, Feb. 17, 1963; Troy Thornton and Rosaland Thornton to Joseph Bentley, Feb. 10, 1961, Missionary Department, Executive Secretary General Files, CHL; Rasmussen, Mormonism and the Making of a British Zion, 150–52; Cuthbert, Latter-day Saints in Great Britain, 52–53; Embry at Brambaugh, “Sports and Recreation in Missionary Work,” 53–84.

  26. Mark E. Petersen to First Presidency, Apr. 5, 1963, First Presidency, Mission Correspondence, 1946–69, CHL; Dunning, Oral History Interview, 2; Dunning, “My Life and Legacy,” 1–2; Rasmussen, Mormonism and the Making of a British Zion, 151; Embry at Brambaugh, “Sports and Recreation in Missionary Work,” 82–83; Cuthbert, Latter-day Saints in Great Britain, 52–53; Transcript of Record of Members, 1961, Beverley Branch, Hull District, North British Mission, 50–52, in England (Country), bahagi 50, Record of Members Collection, CHL.

  27. Dunning, Oral History Interview, 10–11; Dunning, “My Life and Legacy,” 3–4. Paksa: Pag-aayuno

  28. Large, Berlin, 446–52; Taylor, Berlin Wall, 161–62, 177–78; Hilton, The Wall, 52–53, 83–85; Fetzer, Mission President Journal, Aug. 13–14, 1961; Christensen, Mission Journal, Aug. 13, 1961. Paksa: Cold War (Digmaang Malamig)

  29. Fetzer, Mission President Journal, Aug. 14, 1961; Kuehne, Henry Burkhardt, 48.

  30. European Mission, Historical Reports, Sept. 30, 1961, 580; Kuehne, Henry Burkhardt, 48; Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 98–100; Germany Hamburg Mission, Manuscript History and Historical Reports, Apr. 25, 1961; Scharffs, Mormonism in Germany, 196–201.

  31. Hilton, The Wall, 132–35; Fetzer, Mission President Journal, Aug. 27, 1961.

  32. Fetzer, Mission President Journal, Aug. 27, 1961; Oct. 8 and 19, 1961; Nov. 19, 1961; Owens, “Future Prophets, the Berlin Wall and Missionaries,” 5–6; Albrecht, Nikol, at Nikol, “Book Burning,” 169–71; Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 98.

  33. North German Mission, Auxiliary Training Minutes, Dec. 9, 1961; Kuehne, Henry Burkhardt, 50.

  34. Lee, Diary, Sept. 16, 1961; McKay, Diary, Sept. 15, 1961.

  35. Curriculum Department, Priesthood Correlation Executive Committee Minutes, June 21, 1962, 47; Bowman, “Progressive Roots of Mormon Correlation,” 15–34; Goodman, “Correlation,” 319–38.

  36. Goodman, “Correlation,” 324–25, 329–30; First Presidency to General Priesthood Committee, Mar. 24, 1960, Curriculum Department, Priesthood Correlation Executive Committee Minutes, CHL; Deseret News 1989–90 Church Almanac, 205; Romney, “History of the Correlation of L.D.S. Church Auxiliaries,” [F1]–[F2]; Curriculum Department, Priesthood Correlation Executive Committee Minutes, May 23, 1962, 35; tingnan din sa Harold B. Lee, sa One Hundred Thirty-First Semi-annual Conference, 79. Paksa: Correlation

  37. Lee, Diary, Jan. 20, 1955; Feb. 14, 1957; circa May 18–19, 1960; Romney, Journal, Apr. 20, 1960; May 11 and 24, 1960; June 28, 1960; Oct. 17 and 20, 1960; Jan. 24, 1961; Mar. 15, 1961; Aug. 22, 1961; Priesthood Committee, Minutes, Apr. 20, 1960, 697; Harold B. Lee, sa One Hundred Thirty-First Semi-annual Conference, 79; Harold B. Lee, sa One Hundred Nineteenth Annual Conference, 47; Lee, Ye Are the Light of the World, 109. Paksa: Harold B. Lee

  38. Council Minutes, Sept. 7, 1961, First Presidency, General Administration Files, 1923, 1932, 1937–67, CHL; Harold B. Lee, sa One Hundred Thirty-First Semi-annual Conference, 77–82; Romney, Journal, Sept. 5, 7, and 14, 1961; Lee, Diary, circa Sept. 6–7, 1961 [Sept. 5, 1961].

  39. Williams, Journal, Oct. 16, 1961, [11]; McKay, Diary, Oct. 13, 1961; Williams at Williams, Oral History Interview, 5–6, 1018.

  40. Williams, Journal, Oct. [20] and 31, 1961, [13], [28]; Williams at Williams, Oral History Interview, 6.

  41. Williams at Williams, Oral History Interview, 6–10; Williams, Journal, Oct. 22, 1961, [22]–[23]; Jones, Diary, Oct. 18 and 20–22, 1961; LaMar Williams, “Report to the First Presidency regarding Missionary Work in Nigeria,” 1, First Presidency, Mission Correspondence, 1946–69, CHL; tingnan din sa Allen, “West Africa before the 1978 Priesthood Revelation,” 219–23.

  42. Williams at Williams, Oral History Interview, 9; Allen, “West Africa before the 1978 Priesthood Revelation,” 223; Jones, Diary, Oct. 22, 1961.

  43. Williams, Journal, Oct. 31, 1961, [28]; Williams at Williams, Oral History Interview, 13.

  44. LaMar Williams, “Report to the First Presidency regarding Missionary Work in Nigeria,” 1–2; First Presidency, Minutes, Dec. 18, 1961; LaMar Williams to David O. McKay, Nov. 14, 1961, First Presidency, Mission Correspondence, 1946–69, CHL; Williams, Journal, Oct. 29, 1961, [26]. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagmulan ang “(at hindi ko masabi sa kanila dahil hindi nila alam na ipinadala ako rito)” matapos ang “Hindi nila natanto.”