Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 16: Kahit Ngayong Araw na Ito Lamang


Kabanata 16

Kahit Ngayong Araw na Ito Lamang

tangkeng maingay na dumaraan sa lansangan

Matapos gumugol ng isang taon sa Brigham Young University, nagpasya si Maeta Holiday na huminto sa pag-aaral at maghanap ng trabaho. Natutuwa siyang mag-aral ng sayaw na ballroom at umawit at sumayaw sa Lamanite Generation, isang grupong Native American na bantog na nagtatanghal. Subalit natanto niya na ang ilan sa mga klase niya, gaya ng pisika, ay lubhang mahirap. Noong unang bahagi ng 1974, nakatira siya sa Lunsod ng Salt Lake at nagtatrabaho bilang receptionist sa KSL, ang istasyon ng radyo at telebisyong pag-aari ng Simbahan.

Nakikipag-deyt din siya sa isang nagbalik na misyonerong nagngangalang Dennis Beck. Nagpakilala ito sa isang sayawan sa Provo noong nakaraang Setyembre, at buong gabi silang nagsayaw. Pagkatapos ay inanyayahan siyang magsimba kasama nito.

Nagulat si Maeta. Mula nang umalis siya sa BYU, hindi siya kasing-aktibo sa Simbahan gaya noong nasa California siya. Gayunpaman, tinanggap niya ang paanyaya ni Dennis at nasiyahang makasama ito. Pumayag siyang pumunta muli noong susunod na linggo, at hindi nagtagal, palagian na silang nagde-deyt.

Habang mas nakikilala ni Maeta si Dennis, hinangaan niya ang kabutihan at pagkamatapat nito. Isa itong aktibong miyembro ng Simbahan na sinusunod ang mga kautusan at palagiang nagpupunta sa templo. Isinilang sa Utah, naglingkod ito sa North Indian Mission sa hilagang Estados Unidos, kung saan nito nagawang mahalin ang mga Native American na tinuturuan at pahalagahan ang sarili nitong pamanang Mehikano-Amerikano. Pakiramdam ni Maeta ay komportable at pinapasigla siya kapag kasama niya ito.

Isang araw, mga anim na buwan mula nang magkakilala sila, bumisita si Dennis sakay ng lumang pulang pickup na trak nito, na kanyang kinumpuni at inayos. Naglakbay sila sakay ng trak, at pagkatapos ay pumarada si Dennis sa harap ng bagong Provo Temple at niyaya si Maeta na magpakasal.

Mula pa noong tinedyer pa lamang siya, ipinangako ni Maeta na hinding-hindi siya mag-aasawa. Subalit noong inalok siya ni Dennis na magpakasal, hindi siya nakatuon sa diborsyo ng kanyang mga magulang o sa ilang ulit na pag-aasawa ng kanyang ina. Sa halip, naisip niya sina Venna at Spencer Black at ang kanilang halimbawa sa kung ano ang larawan ng masayang pag-aasawa. “Maaari din akong maging masaya,” naisip niya. Kaya sumagot siya ng oo.

Kalaunan noong tag-init na iyon, noong ika-27 ng Hunyo, magkaharap na nakaluhod sina Maeta at Dennis sa loob ng Salt Lake Temple. Suot niya ang isang bestida na siya mismo ang nagtahi, may mataas na baywang at enkahe sa ibabaw bilang palamuti. Ang repleksyon ng magkasintahan na nasa magkakahilerang salamin sa mga dingding ay tila umaabot hanggang sa kawalang-hanggan. Sa loob ng silid-bukluran ay kasama nila ang kanyang ina-inahan at ama-amahan na sina Venna at Spencer, at kanilang anak na si Lucy.

“Ipinagmamalaki kita,” sabi ni Venna matapos mabalitaan ang balak ni Maeta na magpakasal. “Napakaraming oras ang ginugol namin na nakaluhod, ipinapanalangin na magagawa mo ang mga tamang pagpapasiya.”

Habang nakaluhod sa altar si Maeta kasama si Dennis, nagpapasalamat siya na masigasig na nanalangin si Venna. Nakadama siya ng matinding kaligayahan. Batid niyang tamang desisyon ang magpakasal kay Dennis.

Kalaunan ay nagtungo si Maeta sa Arizona upang ipakilala si Dennis sa kanyang ina. Humanga si Evelyn kay Dennis matapos ang pagkikita nila. Nagustuhan niya ang pagiging mapagpatawa nito, katapatan, at masigasig na pagsunod sa Word of Wisdom.

“Isa siyang mabuting lalaki,” sinabi niya kay Maeta. Sang-ayon siya sa pinili ng kanyang anak.


“Ang katawan ko ay pagod, lubhang pagod, ngayong gabi,” naisip ni Belle Spafford habang nakahiga siya sa kama noong ika-5 ng Oktubre 1974. Noong unang bahagi ng linggong iyon, sa taunang kumperensya ng Relief Society, ini-release siya ni Pangulong Spencer W. Kimball bilang pangkalahatang pangulo ng Relief Society. Isang malakas na singhap ang narinig sa kabuuan ng Salt Lake Tabernacle, gulat na gulat at lubhang nalungkot ang kababaihan sa balita. Subalit batid ni Belle na papalapit na ang release, at itinuring niya ito bilang kagustuhan ng Panginoon.

Subalit napakaraming bagay ang mabilis na dumaraan sa isipan niya. “Tandaan mo ito! “Tandaan mo iyan!” tila sinasabi nito. Nais niyang ilapat sa papel ang kanyang mga iniisip, kung kaya bumangon siya at nagsimulang magsulat. “Bakit ka matutulog,” tinanong niya ang sarili, “kung napakaraming maluwalhating bagay na maaari mong pagnilayan sa iyong alaala?”

Ginunita niya ang nadama niyang kakulangan noong hinirang siya ng Unang Panguluhan na palitan si Amy Brown Lyman bilang pinuno ng Relief Society noong Abril 1945. Ngayon, dalawampu’t-siyam na taon na ang nakalipas, mas mahaba ang panahong ginugol niya kung ihahambing sa sinumang naging pangkalahatang pangulo ng Relief Society.

Noong panahong iyon, pinagdusahan niya ang maraming personal na kahirapan, kabilang na ang kanser sa dibdib at pagpanaw ng kanyang asawa at anak na babae. Subalit sa kanyang paggabay, nagministro ang organisasyon sa mga biktima ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, itinayo ang Relief Society Building, pinasimulan ang panggabing pulong ng Relief Society para sa mga nagtatrabahong babae, hinikayat ang mga programa sa pagpapatigil ng abuso at pag-aampon ng mga bata, at nagbibigay ng karagdagang tulong sa komunidad sa pamamagitan ng iba pang serbisyong panlipunan.

Kamakailan lamang, pinangasiwaan ni Belle at kanyang pangkalahatang lupon ang mga pagbabago sa pagpapatala sa Relief Society upang mahikayat na sumali ang mas maraming babae. Noong mga nakalipas na taon, sumasapi ang kababaihan upang sumali sa organisasyon at nagbibigay ng taunang bayad sa pagiging miyembro. Ngayon ang mga bayad na ito ay inihinto na, at bawat babae sa Simbahan ay awtomatikong isinasali sa Relief Society oras na tumuntong ito sa edad na labingwalo.

“Ang mga taong ito ay abala, mahirap, mapanghamon, subalit nagbibigay-kasiyahan nang higit pa sa kakayahan kong sukatin,” isinulat ni Belle. Naging mabuti sa kanya ang Panginoon. “Maraming, maraming ulit na naglagay Siya ng mga ideya sa aking isipan at maging mga salita sa aking bibig na nagtulot sa aking harapin ang mahihirap na sitwasyon o alisin ang nagpupumilit na mga balakid.”

Ang sumunod sa kanya, si Barbara B. Smith, ay kakailanganin ang gayunding banal na patnubay habang ginagabayan nito ang Relief Society sa hinaharap na patuloy ang pagbabago. Noong mga huling taon ni Belle bilang pangkalahatang pangulo, ang kilusan para sa karapatan ng kababaihan ay lumaganap sa Estados Unidos dahil maraming babae, bata at matanda, ang kinuwestiyon ang tradisyunal na papel ng mga kasarian at sinalungat ang hindi patas at hindi pantay na trato sa mga babae.

Kasunod ng parehong pagsisikap sa lehislatura sa ibang bansa, ipinasa ng Kongreso ng Estados Unidos ang Equal Rights Amendment noong 1972. Layon ng pagbabago na ibahin ang Saligang-Batas ng U.S. upang partikular na isama ang pantay na legal na karapatan para sa kababaihan. Ngayon ay pinagtatalunan ng publiko sa Amerika ang hinaharap ng pagbabago sa saligang batas. Kapag tatlong-kapat ng mga estado ay nag-apruba nito, ito ay magiging batas ng lupain.

Para sa ibang tao, ang pagbabago ay tila magandang sagot sa matagal nang hindi pagkakapantay-pantay ng mga kasarian sa sistemang legal. Ang ibang tao, kabilang ang maraming miyembro ng Simbahan, ay hindi gaanong nakatitiyak.

Kailan lamang ay ibinigay ni Belle ang kanyang mga pananaw sa mga susog at sa lumalaking kilusan para sa kababaihan sa isang mensahe para sa mga negosyante sa Lunsod ng New York. “May mga bagay na ipinaglalaban ang kababaihan na karapat-dapat bigyan ng suporta,” sinabi niya, tinutukoy ang pantay na bayad para sa parehong trabaho at magkakapantay na proseso sa pagkuha ng manggagawa. Subalit nag-aalala siya na ang kilusan para sa kababaihan ay maaaring magdulot ng paghina ng tungkuling ginagampanan ng asawa, ina, at ilaw ng tahanan. Naniniwala siya na ang pagbabago sa legal na karapatan ng kababaihan ay dapat dumaan sa mga pamahalaang lokal, estado, at pederal, hindi sa pagbabago ng Saligang-Batas.

Habang nakaupo si Belle at pinagninilayan ang mahabang paglilingkod niya bilang pangkalahatang pangulo ng Relief Society, nakadama siya ng pasasalamat na may kasamang kaginhawaan at kaligayahan na ibang tao na ang babalikat ng kanyang mga responsibilidad. “Mayroon sa aking kaluluwa,” isinulat niya, “na damdamin ng kapayapaan at mabuting pangako para sa kinabukasan—ang sarili kong hinaharap at yaong sa minamahal kong Relief Society.”

Taglay ang kapayapaang ito, sa wakas ay handa na siyang matulog. “Ngayong gabi, ako ay magpapahinga,” isinulat niya, “dahil nasa puso ko ang kapanatagan na maayos ang lahat.”


Noong panahong ito, sa Cape Coast, Ghana, nakita ni Billy Johnson ang mga litrato at pangalan ng mga nakalipas na pangulo ng Simbahan sa unang pahina ng lokal na pahayagang pangrelihiyon. Sa tabi ng mga litrato ay mga artikulong kumukutya sa Simbahan at mga lider nito. Malinaw na sinusubukang ipakalat ng pahayagan ang pagdududa sa mga miyembro ng lumalaking kongregasyon ni Billy.

Ilang ulit nang pinuna sina Billy at mga kapwa mananampalataya niya dahil sa kanilang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Ilang tao ang kumantiyaw kay Billy dahil tinalikuran niya ang nakagisnan niyang relihiyon. Sinabi nilang sinasamba ng mga Banal si Joseph Smith at hindi talaga naniniwala sa Diyos. Sinabi naman ng iba na walang Itim na lalaki ang maytaglay ng priesthood sa Simbahan at kinutya si Billy at mga tagasunod niya sa pagsasayang ng kanilang oras.

Mahirap manatiling tapat sa gitna ng gayong mga pangungutya. Noong nakaraang taon, nagsimulang makadama ng kabiguan ang mga miyembro ng kongregasyon dahil lumipas na ang maraming taon ay wala pang nagpunta upang binyagan sila. Agad na hiniling ni Billy sa kanyang mga tagasunod na samahan siya sa pag-aayuno at panalangin. At habang ginagawa nila ito, nadama ng ilang tao ang malakas na pahiwatig na hindi magtatagal ay darating ang mga misyonero sa Ghana.

Bagamat napanatag ang kongregasyon sa pahiwatig na ito, hindi pa rin natatapos ang pag-uusig. Nag-aalala ang ilang miyembro noong nakita nila ang pahayagan na pumupuna sa mga propeta at hindi nila alam kung ano ang gagawin. Nanalangin si Billy kasama nila at hinikayat silang huwag nang pansinin ang mga pahayagan. “Itapon lang ninyo ang mga ito,” sabi niya.

Subalit nanghihina na rin si Billy. Isang gabi, nagpunta siya sa meetinghouse para manalangin. “Ama, kahit naniniwala po ako sa Simbahan, na ito ang totoong Simbahan sa mundo ngayon,” sabi niya, “kailangan ko po ng karagdagang lakas at mas maraming kumpirmasyon upang magpatotoo tungkol sa Simbahan.”

Nagsumamo siya sa Panginoon na ipakita ang Kanyang sarili. Pagkatapos ay nakatulog siya at napanaginipan na nakita niya ang Salt Lake Temple, puno ng liwanag, na bumababa mula sa langit. Hindi nagtagal ay pinalibutan siya ng gusali. “Johnson, huwag kang mawalan ng pananampalataya sa aking simbahan,” sinabi ng tinig ng Panginoon. “Maniwala ka man o hindi, ito ang totoo kong simbahan sa mundo ngayon.”

Nang magising si Billy, hindi na siya nababagabag sa pag-uusig sa kanya. “Nagsalita na ang Ama sa Langit,” sabi niya. “Hindi na ako matatakot.”

Noong mga sumunod na araw, nadarama ni Billy na mas malakas ang kanyang pananampalataya tuwing may naririnig siyang pumupuna sa Simbahan, at nagsikap siyang palakasin ang kanyang mga kapwa mananampalataya. “Darating ang panahon na uusbong ang Simbahan,” patotoo niya. “Masasaksihan natin ang kariktan ng Simbahan.”


Noong 1974, limang taon matapos magbitiw bilang superintendent ng Ampunan ng Songjuk, binuksan ni Hwang Keun Ok ang isang bagong ampunan para sa mga batang babae sa Seoul, South Korea. Nangangalaga na siya ngayon ng labimpitong batang babae, karamihan ay mga Banal sa mga Huling Araw, at tinulungan ang ibang makahanap ng mga pamilyang mag-aampon sa kanila sa pamamagitan ng Tender Apples Foundation. Tinulungan din ng organisasyon ang ibang mga grupo para sa mga bata, kabilang na ang isang ampunan ng mga batang lalaki. Nagbukas din si Keun Ok ng paaralan para sa maliliit na bata upang turuan ang mga pinakabata sa kabataan ng Korea na nangangailangan.

Bagamat mas maliit sa grupong umaawit noong nasa ampunan ito, patuloy pa ring nagtatanghal sa telebisyon at mga konsiyerto ang Tender Apples. Abala sa buhay ng mga batang babae, at tiniyak ni Keun Ok na komportable silang kasama siya sa tahanan. Tuwing Lunes ng gabi ay tinitipon niya ang mga ito para sa home evening.

Kapag hindi niya inaalagaan ang mga bata, nagmiministro si Keun Ok sa mga babae ng kanyang distrito bilang pangulo ng Relief Society. Ang paghirang niya ay nagtulot sa kanyang makipag-ugnayan kay Eugene Till, ang bagong hirang na pangulo ng Korea Mission. Nag-aalala si Pangulong Till na maraming Koreano ang wala pa ring alam tungkol sa Simbahan, sa kabila ng pagkakaroon doon ng umuunlad na stake at institute ng relihiyon sa Seoul. Sa katanuyan, nalaman niya na mas mababa pa sa 10 porsyento ng mga Koreano ang nakakakilala sa buong pangalan ng Simbahan. At yaong mga nakakaalam sa Simbahan ay walang magandang opinyon tungkol dito. Dagdag pa rito, nililimitahan ng pamahalaan ang pinapayagang bilang ng mga misyonerong Amerikano sa bansa.

Subalit kung maipapakita ni Pangulong Till sa mga opisyal na Koreano na nakatuon ang Simbahan sa mga pamilya, maaaring mas handa ang pamahalaan na bawasan ang mga restriksyon nito sa gawaing misyonero.

Isang araw, lumapit siya kay Keun Ok para humingi ng tulong. Ilang elder sa mission ay isinasama ang musika sa kanilang pagtuturo. Gaya ng mga Osmond, naniniwala silang ang popular na musika ay makapagbibigay-inspirasyon sa mga tao sa pamamagitan ng mga mensahe tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Noong nakaraang taon, inilunsad ng mga Osmond ang The Plan [Ang Plano], ang mapag-adhikang album na rock na ilang taon na nilang binubuo. Pagdating sa musika, katunog ng album ang gawa ng ibang mga popular na banda noong panahong iyon. Subalit gumawa ng espesyal na pagsisikap ang magkakapatid na sumulat ng mga awit tungkol sa bawat yugto sa plano ng kaligtasan, mula sa buhay bago tayo isinilang hanggang sa kadakilaan. Bagamat isinawalang-bahala ng mga kritiko ang album dahil sa tema nitong Banal sa mga Huling Araw, ang mensahe nitong nakasentro sa ebanghelyo ay nakarating sa maraming kabataan sa Hilagang Amerika, Europa, at Australia.

Ang pagsisikap sa musika ng mga misyonero sa South Korea ay mas payak kung ihahambing, ngunit pareho lamang ang kanilang mga mithiin. Ang lider ng grupo, si Elder Randy Davenport, ang sumulat ng karamihan sa mga orihinal na awitin ng grupo, at si Elder Mack Wilberg ang nag-ayos ng musika. Tinawag nila ang kanilang sarili bilang New Horizon.

Kinikilala ang potensyal ng grupo, hiniling ni Pangulong Till kay Keun Ok kung maaaring magtanghal ang Tender Apples kasama ng New Horizon sa isang Pamaskong konsiyerto. Nakita ni Keun Ok ang halaga ng pagbabahagi ng Tender Apples sa ipinanumbalik na ebanghelyo at, matapos konsultahin si Stan Bronson, ang kapwa tagapagtatag ng grupo, sumang-ayon siya.

Isang malaking tagumpay ang Pamaskong konsiyerto, at sang-ayon ang lahat na mainam na magkasama ang New Horizon at Tender Apples. Nagsimula silang magkasamang ikutin ang bansa at nakakuha ng maraming iba’t ibang tagatangkilik sa telebisyon at mga programa sa radyo. Partikular na bantog ang Tender Apples sa mga base militar, kung saan marami sa mga manonood ay naaalala ang kanilang sariling mga anak na nasa Estados Unidos. Ang mga elder sa New Horizon, sa kabilang banda, ay bantog sa mga manonood na Koreano, na natutuwang makapanood ng mga Amerikanong nagtatanghal na nagsasalita at umaawit sa wikang Koreano. Kalaunan ay magkasamang nagrekord ng mga album ang mga grupo.

Minsa’y kinailangang ikubli ni Keun Ok ang kanyang relihiyon. Ngayon ay taglay ng Tender Apples at New Horizon ang pangalan ng Simbahan sa bawat pagtatanghal at panayam. Sa mga konsiyerto, naroroon ang mga full-time na misyonero upang sabihin pa sa mga tao ang tungkol sa Simbahan. Mas madalas nang tinatanggap ang mga misyonerong kumakatok sa mga pintuan, kung saan sinasabi ng mga investigator na nakikilala nila ang Simbahan sa isang konsiyerto o album. Sa ibang lugar, mag-oorganisa ang mga misyonero ng konsiyerto na itatanghal sa pampublikong lugar upang dagdagan ang bilang ng mga taong maaaring handang makinig sa kanila.

Sa pagiging mas bantog ng Tender Apples at New Horizon, nagsagawa ng survey si Pangulong Till at natuklasan na ngayon ay walo sa sampung residente sa loob at sa paligid ng Seoul ang nakakabatid na sa Simbahan. Ang mas mahalaga, ang pananaw ng halos lahat sa kanila ukol sa Simbahan ay lubhang positibo.

Bagamat magkakaiba ang kanilang pinagmulan at kultura, ang New Horizon at Tender Apples ay magkasamang tumulong na ipalaganap ang ebanghelyo sa bawat isang kanta.


Noong Abril 1975, sina Henry at Inge Burkhardt ay ilang libong kilometro ang layo mula sa kanilang tahanan. Sa paanyaya ng Unang Panguluhan, naglakbay sila mula sa German Democratic Republic patungong Utah upang dumalo sa pangkalahatang kumperensya. Ang paglalakbay ay bihirang pagkakataon para sa mag-asawang Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa isang bansang mahigpit na kontrolado ang mga hangganan at mamamayan nito.

Hindi ito ang unang pagkakataon ni Henry sa Lunsod ng Salt Lake. Inimbitahan siya at si Inge ni Pangulong Joseph Fielding Smith at ng kanyang mga tagapayo na dumalo sa pangkalahatang kumperensya apat na taon na ang nakararaan. Batid na babasahin ng mga opisyal na East German ang paanyaya, magalang na isinulat ng Unang Panguluhan ang kanilang pag-asam sa kapayapaan sa buong mundo, kapatiran ng lahat, at iba pang mga mithiin na nais ng GDR. Inaprubahan ng pamahalaan ang kahilingan ni Henry na maglakbay, at dumalo siya sa pangkalahatang kumperensya noong 1972.

Noong panahong iyon, hindi pinahintulutan ng GDR si Inge na sumama sa kanya, natatakot na hindi na babalik ang mag-asawa kung papahintulutan silang magkasamang umalis ng bansa. Subalit sa dalawang taon na sumunod, kapwa ang mga tagapayo ni Henry sa panguluhan ng Dresden Mission ay tumanggap ng pahintulot na maglakbay sa pangkalahatang kumperensya kasama ang mga asawa nila, na nagbibigay sa mga Burkhardt ng pag-asa na pahihintulutan ng mga opisyal ng pamahanalaan ang susunod na apilkasyon sa visa ni Inge. Subalit nang nagpetisyon silang dumalo sa kumperensya noong 1975, muling tinanggihan ang kahilingan ni Inge.

Nang malaman ang suliranin ni Inge, nag-alay ang mga lider ng Simbahan sa Salt Lake ng espesyal na dalangin sa templo para sa kanya. At noong nag-apela sa desisyon sina Henry at Inge, inaprubahan ng pamahalaan ang visa nang walang kahit anong problema.

Isang kamangha-manghang karanasan ang pagdalo sa kumperensya. Pinasimulan ni Spencer W. Kimball ang kumperensya sa ikatlong pagkakataon bilang pangulo ng Simbahan. Ang kanyang mensahe ay para sa mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. Mayroong halos 700 stake at 150 mission sa buong mundo, at noong nakaraang taon, nagawa niyang makipagtipon sa mga Banal sa mga pangkalahatang kumperensya ng area sa Timog Amerika at Europa. Naglaan din siya ng templo sa Washington, DC, nag-anunsyo ng bagong templo sa São Paulo, Brazil, at nagpasimula ng mga plano para sa isang templo sa Lunsod ng Mexico. Karaniwan, kapag nakikipagtipon sa mga Banal, hinikayat niya silang “lakihan ang kanilang hakbang,” o dagdagan ang kanilang pagsisikap, sa pagbabahagi ng ebanghelyo.

Ngayon, habang nagbibigay siya ng mensahe sa mga Banal sa pangkalahatang kumperensya, hinimok niya ang mga ito na mamuhay nang may moralidad. Pinuna niya ang pornograpiya at pagpapalaglag ng bata, isang gawaing kailan lamang ay naging legal sa Estados Unidos. Hinikayat din niya ang mga Banal na magtanim ng mga hardin, ibahagi ang ebanghelyo, at organisahin ang Simbahan sa kanilang mga lupang sinilangan. “Ang pagtitipon ng Israel,” sabi niya, “ay naisasagawa kapag ang mga tao mula sa malalayong bansa ay tinatanggap ang ebanghelyo at nananatili sa kanilang mga lupang sinilangan.”

Isa itong mensahe na napakahalaga kina Henry at Inge dahil tila inilarawan nito ang mga naranasan nila sa Simbahan. Dalawampung taon na ang nakalipas, nang nagpasya silang bumalik sa GDR matapos mabuklod sa Swiss Temple, isinakripisyo nila ang kanilang pagkakataong maisabuhay nang malaya ang kanilang relihiyon at palagiang makadalo sa templo. Subalit ang kanilang halimbawa at pamumuno ay nakatulong na tipunin ang mga Banal hindi lamang sa GDR kung hindi sa kalapit na bansang Hungary, Poland, at Czechoslovakia, kung saan sina Henry at iba pang mga lider ng Simbahan sa Silangang Germany ay bumibisita nang paminsan-minsan.

Bago umuwi sa kanilang bansa, nakipag-usap si Henry kay Pangulong Kimball tungkol sa paghihirap ng Simbahan sa pamahalaan ng GDR. Nagduda si Pangulong Kimball na mapapabuti ng Simbahan ang katayuan nito doon sa pamamagitan ng mga pulitikal na pakikipag-usap. “Kung nais mong makasaksi ng pagbabago sa Silangang Germany, kailangan itong magsimula sa iyo mismo,” sinabi niya kay Henry. “Kailangan mong pilitin ang iyong sarili na kaibiganin ang mga komunista. Hindi ka maaaring magkimkim ng sama ng loob laban sa kanila. Kailangan mong baguhin ang iyong buong pananaw at pag-uugali.”

Nagulat si Henry sa iminumungkahi ng propeta. “Hindi ninyo kilala ang mga komunista,” nais niyang sabihin. “Hindi kayo makakabuo ng mabuting ugnayan sa kanila. Tutol sila sa relihiyon.” Ginunita niya ang maraming beses na ginulo siya ng mga awtoridad at tinangka siyang ipatapon sa piitian.

Nakakasulasok isiping makipagkaibigan sa kanila.


Noong maaraw na Linggo sa bansang Vietnam na winasak ng digmaan, si Nguyen Van The, ang pangulo ng Saigon Branch, ay pumasok sa panlabas na tarangkahan ng isang villa na estilong Pranses na nagsisilbing lokal na meetinghouse. Kaagad-agad, pinalibutan siya ng mga miyembro ng branch, bakas sa mga mukha nila ang kabiguan at pag-asa. “Pangulong The! Pangulong The!” sigaw nila. “Ano na po ang balita?”

May balita siya, ngunit hindi niya tiyak kung paano tutugon ang branch dito. Naglakad siya palapit sa pintuan ng kapilya, at sumunod sa kanya ang mga Banal, humihiyaw ng mas maraming tanong. Hindi sumasagot, nakipagkamay si The sa kanila at tinapik sa likod ang mga tao. Si Cong Ton Nu Tuong-Vy, ang pangulo ng Relief Society at punong tagasalin ng Aklat ni Mormon sa wikang Vietnamese, ay hinawakan siya sa braso.

“Anong payo ang mayroon kayo, Pangulong The?” tanong niya. “Ano po ang sasabihin ko sa mga sister?”

“Pumasok po kayo, Sister Vy,” sabi ni The. “Sasabihin ko sa inyo ang lahat ng nalalaman ko matapos ang sacrament meeting.” Pagkatapos ay hinimok niya ang lahat na manatiling kalmado. “Mabibigyan ng kasagutan ang lahat ng inyong mga tanong.”

Sa loob ng ilang dekada, hating lupain ang Vietnam. Di-nagtagal matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sumiklab ang labanan nang pinalayas ng mga puwersang Vietnamese ang mga mananakop na Pranses na namuno sa Vietnam mula pa noong huling bahagi ng ika-labinsiyam na siglo. Nang nilabanan ng magkakalabang na partido sa Timog Vietnam ang pamumuno ng mga komunista, nauwi sa digmaang gerilya ang rehiyon. Nakipaglaban ang mga puwersang Amerikano kasama ang mga taga-Timog Vietnam sa loob ng halos isang dekada, subalit ang mataas na bilang ng namatay ay naging dahilan para di maging katanggap-tanggap sa Estados Unidos ang labanan, na nagpasimula sa unti-unting pag-atras ng bansa sa digmaan. Ngayon ay malapit nang masakop ng mga puwersa ng Hilagang Vietnam ang timog na kabisera ng Saigon, at lumilikas na ang lahat ng mga natitirang Amerikano.

Ang pagdating ng mga puwersang Hilagang Vietnam ay nagbabanta ng pagwawakas ng Saigon Branch. Hanggang noong nakaraang linggo, nang inilikas mula sa bansa ang huling misyonerong Banal sa mga Huling Araw, naranasan ng branch ang pagsapi ng mga bagong miyembro bawat buwan. Higit sa dalawang daang Banal na Vietnamese ang palagiang sumasamba kasama ang mga miyembro ng Simbahan na mula sa Estados Unidos. Ngayon ay natatakot ang mga Banal na Vietnamese na maparusahan sila ng mga taga-Hilagang Vietnam dahil sa ugnayang ito. Ilang miyembro ng Simbahan ang nakakalat na, marami sa kanila ay sumama sa mga pulutong ng taong nasa base militar at umaasang lumikas mula sa bansa.

Habang pumapasok si The sa kapilya at naupo sa harapan ng silid, naririnig niya ang dagundong ng mga kanyon—at ilang pagsabog ay nakakatakot sa sobrang lapit ng mga ito. Naunawaan niya ang napakalaking kabalintunaan ng sitwasyong ito. Dinala ng digmaan ang mga sundalong Amerikano na nagpakilala sa kanya at sa maraming Banal na Vietnamese sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Ngayon ay winawasak ng parehong digmaan ang branch. Pakiramdam niya ay dumadalo siya sa burol para sa isang buong kongregasyon.

May humigit-kumulang na 125 miyembro ng branch ang nasa pulong nang tumayo si The at lumapit sa pulpito. Mukhang balisa sila, at marami sa kanila ang umiiyak. Emosyonal na rin siya, subalit nanatili siyang mahinahon habang sinisimulan niya ang sacrament meeting. Inawit ng mga Banal ang “Mga Banal, Halina” at nakibahagi sa sakramento. Pagkatapos ay ibinigay ni The ang kanyang patotoo at inanyayahan ang iba na ganoon din ang gawin. Subalit habang tumatayo at nagbabahagi ang mga Banal ng kanilang mga patotoo, hindi niya magawang magtuon sa kanilang mga sinasambit. Umaasa ang mga Banal sa kanya at sa panahong ito ng krisis, at pakiramdam niya ay kulang siya para tulungan sila.

Matapos ang pulong, ipinaalam ni The sa mga Banal na handa ang embahada ng Estados Unidos na ilikas ang mga miyembro ng Simbahan at sinumang naghahandang magpabinyag. Subalit ang mga Banal na may kapamilyang hindi miyembro ng Simbahan ay kailangang mamili na iwan ang kanilang mga mahal sa buhay o manatili sa bansa. Nanaghoy ang ilang Banal dahil sa balitang ito. “Paano na ang pamilya ko?” tanong nila. “Hindi ako maaaring umalis na hindi kasama ang pamilya ko!”

Sa tulong ng mga miyembro ng branch, bumuo si The ng listahan ng mga lilikas na tinutukoy kung sinong mga Banal ang unang aalis. Sa kabila ng kahilingan ng embahada, kabilang sa listahan ang napakaraming hindi miyembro na mga kapamilya at kaibigan ng mga miyembro ng branch. Ang asawa ni The na si Lien at ang kanilang tatlong maliliit pang mga anak ay mga Banal na kasama sa listahan. Iginiit ng mga miyembro ng branch na agad lumikas ang pamilya ni The upang matutukan niya ang pagpapalikas sa iba pa. Bilang pangulo ng branch, nadama ni The na katungkulan niyang maging pinakahuling umalis.

Si Lien at mga anak niya, kasama ang kanyang ina at mga kapatid na babae, ay lumipad paalis ng Saigon makalipas ang ilang oras.

Kinabukasan, binomba ng puwersa ng Hilagang Vietnam ang paliparan sa Saigon na siyang nagwasak sa daan ng eroplano at hinahadlangang lumapag ang sasakyang panghimpapawid ng militar. Pagkatapos, noong sumunod na apatnapu’t-walong oras, inilikas ng mga helicopter ang mga natitirang Amerikano at sinumang refugee na Vietnamese na maisasama ng mga ito. Nagmamadaling nagtungo si The sa embahada ng Estados Unidos, umaasang makahanap ng paraan para makaalis siya at ang iba pang mga Banal na nasa lunsod. Nang dumating siya, nasusunog ang gusali at puno ng usok ang kalangitan. Nagtipon sa labas ang mga bumbero at mga pulutong ng tao, subalit wala nang tao sa mismong embahada. Nakaalis na ng lunsod ang mga Amerikano.

Desperadong matulungang makatakas ang mga natitirang miyembro ng branch, si The at isang kapwa Banal na si Tran Van Nghia ay sumakay ng motorsiklo upang humingi ng tulong mula sa International Red Cross. Subalit hindi nagtagal ay nakasalubong nila ang isang malaking pulutong ng mga taong tarantang tumatakbo sa daan sa isang direksyon. Isang tangke ng militar na may malaking baril ang mabilis na umuusad palapit sa kanila.

Mabilis na inalis ni Nghia sa daan ang motorsiklo, at siya at si The ay gumapang sa kanal upang magtago. Maingay silang nilampasan ng tangke, niyayanig ang lupa habang dumaraan ito.

Ang Saigon ay nasa kamay na ngayon ng Hilagang Vietnam.


Makalipas ang isang linggo, noong Mayo 1975, umibis si Le My Lien sa isang siksikang bus malapit sa kampo ng militar sa San Diego, California, sa Kanlurang Dalampasigan ng Estados Unidos. Sa harap niya ay isang napakalawak na lunsod ng mga toldang itinayo upang silungan ng labinwalong libong refugee mula sa Vietnam. Tinatakpan ng damo at buhangin ang lupa, kung saan iilang puno lamang ang makikita sa buong lugar. Naglalakad ang mga bata suot ang mga malalaking jacket ng militar, at ang mga matatanda naman ay ginugugol ang kanilang mga araw na nakasimangot ang mga mukha.

Bagamat kasama ni Lien ang kanyang ina at mga kapatid na babae, pakiramdam niya ay nag-iisa siya. Nahihilo siya dahil sa kanyang paglalakbay papunta sa kampo. Wala siyang salapi at halos walang alam sa wikang Ingles. At mayroon siyang tatlong maliliit na batang kailangang alagaan habang hinihintay ang balita tungkol sa asawa niyang nasa Vietnam.

Noong kanyang unang araw sa kampo, sina Lien at iba pang mga miyembro ng Saigon Branch—karamihan ay mga babae—ay sinalubong ng mga boluntaryo na may suot na tsapa na nagpapakilala sa kanila bilang mga miyembro ng lokal na stake sa California. Isang babaeng maayos ang pananamit ay nagpakilala bilang si Dorothy Hurley, ang pangulo ng Relief Society. Siya at iba pang mga boluntaryo ng stake ay naroon upang mamigay ng pagkain, damit, at gamot sa mga refugee na Banal, organisahin sila sa mga distrito ng home teaching, at mag-organisa ng Primary at Relief Society. Para kay Lien, tila mga anghel ang mga sister ng Relief Society.

Nagpalipas ng hapon ang mga miyembro ng Saigon Branch sa paglilibot ng kampo. Maingay ang maliliit na batong natatapakan habang ipinapakita kina Lien at kanyang pamilya ang kainan, kiosk ng Red Cross, at mga kamalig. Inabot nang maghapon ang mahabang paglalakad na pumagod nang husto kay Lien. Wala pang apatnapung kilo ang bigat niya, at napakahina ng kanyang katawan upang maglabas ng gatas para sa kanyang sanggol na anak na si Linh.

Noong gabing iyon, ginawa ni Lien ang lahat upang maging komportable ang kanyang mga anak. Binigyan siya ng kampo ng isang maliit na higaan ngunit walang kumot. Ang mga anak niyang sina Vu at Huy ang nagsiksikan sa higaan habang ang sanggol ay natutulog sa isang duyan na ginawa ni Lien mula sa isang kumot at mga goma.

Walang mahigaan si Lien, kung kaya natutulog siyang nakaupo sa gilid ng higaan at nakasandal sa poste ng tolda. Malamig ang mga gabi, at ang malamig na hangin ay nagpalala sa kalusugan niya. Hindi nagtagal ay nasuri ng doktor na mayroon siyang tuberculosis.

Sa kabila ng kanyang karamdaman, maagang gumigising si Lien tuwing umaga upang kunin ang anim na maliliit na bote ng gatas para sa kanyang sanggol pang anak at para pakainin ang mga bata. Sa oras ng pagkain, siksikan ang mga tao sa bulwagan ng pagkakainan habang hinihintay ang pagkakataon nilang makakain. Karga-karga ang kanyang anak na babae, tinulungan niya ang mga anak niyang lalaki sa paglagay ng pagkain at pagdala ng mga plato nila. Kapag tapos na silang kumain ay saka lamang siya babalik para kumuha ng sarili niyang pagkain.

Kumikirot ang puso ni Lien kapag nakikita niyang gutom na nakapila ang ibang bata. Dahil mabilis maubos ang mga rasyong pagkain sa kainan, madalas ipasa ni Lien ang pagkain sa mga bata upang matiyak na may makakain sila. May ilan na nagbabahagi sa kanya ng kanilang mga carrot at broccoli bilang kapalit.

Patuloy siyang nanalangin na ang asawa niya ay mananatiling malakas, naniniwalang kung kaya niyang lampasan ang kanyang paghihirap, malalampasan din nito ang kanya. Wala siyang balita mula rito mula nang lumipad siya paalis ng Saigon. Subalit ilang linggo mula nang dumating siya, nagpunta sa kampo si Elder A. Theodore Tuttle ng Unang Konseho ng Pitumpu at nagbigay kay Lien ng personal na mensahe mula kay Pangulong Spencer W. Kimball, na binisita ang kampo at nakipag-usap sa mga refugee ilang panahon lamang bago siya dumating doon.

“Nagpapatotoo ako na mabubuhay ang iyong asawa,” ipinahayag ng mensahe ng propeta, “at magkakasama kayong muli bilang isang pamilya sa sariling takdang panahon ng Panginoon.”

Ngayon, habang hinehele niya ang kanyang umiiyak na sanggol na anak tuwing umaga, umiiyak rin siya. “Pakiusap,” pagsusumamo niya sa Panginoon, “hayaan po Ninyo akong makaraos kahit ngayong araw na ito lamang.”

  1. Maeta Beck at Dennis Beck, Oral History Interview, 29–33, 47, 88, 123–24; Shumway at Shumway, Blossoming, 98; “BYU ‘Lamanite Generation’ a Big Hit on Florida Tour,” Church News, Ene. 8, 1972, 4. Paksa: Broadcast Media

  2. Beck, Journal, Dec. 17, 1973; Maeta Beck at Dennis Beck, Oral History Interview, 74–76, 80–83, 93–94, 100–101; Shumway at Shumway, Blossoming, 99–100.

  3. Beck, Journal, Dec. 17, 1973; Shumway at Shumway, Blossoming, 99–100; Maeta Beck at Dennis Beck, Oral History Interview, 124.

  4. Maeta Beck at Dennis Beck, Oral History Interview, 45–46, 73–74, 101–5, 124; Beck, Journal, Oct. 28, 1974.

  5. Maeta Beck at Dennis Beck, Oral History Interview, 39–45, 109–10, 125; Shumway at Shumway, Blossoming, 100. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagkukunan ay “Sinabi niya na nagpalipas sila ng maraming panahon na nakaluhod, nanalangin para sa akin na gawin ko ang mga tamang pagpili.”

  6. Maeta Beck at Dennis Beck, Oral History Interview, 39–41, 44, 76, 124, 137–38.

  7. Spafford, “My Feeling upon Being Released as President of Relief Society,” [1]–[3]; Derr, Cannon, at Beecher, Women of Covenant, 307, 347. Paksa: Belle S. Spafford

  8. Tanner, Journal, May 6, 1971; “Willis Earl Spafford,” Deseret News and Salt Lake Telegram, Ene. 28, 1963, A14; “Mary S. Kemp,” Salt Lake Tribune, Mar. 30, 1964, 26; “Relief Society Leader Dies at 86,” Salt Lake Tribune, Peb. 4, 1982, B3.

  9. Mga Banal, tomo 3, kabanata 32; Derr, Cannon, at Beecher, Women of Covenant, 305–46; Relief Society, General Board Minutes, volume 35, Jan. 6, 1965, 208; volume 36, Mar. 23 and Nov. 16, 1966, 45–46, 153; Hangen, “Guide to a Generation,” 83; Spafford, Oral History Interview, 67–73.

  10. Relief Society, General Board Minutes, volume 36, Mar. 23, 1966, 45; volume 37, May 22, 1968, 117; volume 39, Feb. 10, 1971, 151–52; Mar. 24, 1971, 181–82; volume 4, Apr. 4, 1973, 133–34; Marion G. Romney and Boyd K. Packer to the First Presidency and Council of the Twelve, Mar. 5, 1971; Relief Society General Presidency to Marion G. Romney and Boyd K. Packer, Mar. 31, 1971, sa Relief Society, General Board Minutes, volume 39, Mar. 31, 1971, 192A–92B; “Statement of Financial Condition of Relief Society,” Aug. 31, 1971, Relief Society, General Board Minutes, volume 39, 286; Derr, Cannon, at Beecher, Women of Covenant, 345; Handbook of Instructions of the Relief Society, 43–44. Paksa: Relief Society

  11. Spafford, “My Feeling upon Being Released as President of Relief Society,” [3].

  12. Derr, Cannon, at Beecher, Women of Covenant, 347–48; Spruill, Divided We Stand, 14–41; Hartmann, From Margin to Mainstream, 48–106; Bruley, “Origins of the Women’s Liberation Movement in 1960s Britain,” 67–78; “Educator Sees Rebuff to Equality Bill as ‘Humiliating Mistake,’” Salt Lake Tribune, Abr. 22, 1973, B1. Paksa: Equal Rights Amendment

  13. Public Communications Department, General Authority Advisers Minutes, May 29 and July 16, 1974; Belle S. Spafford, “The American Woman’s Movement,” July 12, 1974, First Presidency, General Correspondence, CHL; “Happy Homemakers Still Abound in Liberated World,” Democrat and Chronicle (Rochester, NY), Ago. 20, 1974, C5.

  14. Spafford, “My Feeling upon Being Released as President of Relief Society,” [3].

  15. Johnson, “History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in Ghana,” [2]–[3]; Joseph Johnson, Oral History Interview [1988], 20–21; Joseph Johnson, Oral History Interview [1998], 6; Joseph Johnson to First Presidency, Sept. 9, 1978, International Mission Files, CHL.

  16. Johnson, “History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in Ghana,” [3]; Joseph Johnson, Oral History Interview [1988], 26; Joseph Johnson, Oral History Interview [1998], 6.

  17. Joseph Johnson, Oral History Interview [1988], 21; Joseph Johnson, Oral History Interview [1998], 6.

  18. “Girls Fill Home with Music, Love,” Church News, Nob. 23, 1974, 14; Bronson, Oral History Interview, 12–14, 45, 48–49, 53–54, 57–58, 66–69, 88–89, 101; Hwang, “Hwang Keun Ok,” 293; Shirleen Meek Saunders, “Whang Keun-Ok: Caring for Korea’s Children,” Ensign, Okt. 1993, 48–49. Paksa: Family Home Evening

  19. “Girls Fill Home with Music, Love,” Church News, Nob. 23, 1974, 14; Till, Till, at Munoa, Oral History Interview, 4, 31; Greg Hill, “Singing Elders Took Korea by Storm,” Church News, Nob. 29, 2008, 6; Gunter, Oral History Interview, 5–6; “First Institute Building Under Way in Korea,” Church News, Ago. 23, 1975, 14; Bronson, Oral History Interview, 50–51; Eugene Till to Stan Bronson, Oct. 15, 1975, Stanley Bronson, Tender Apples Collection, CHL; Hinckley, Journal, June 8, 1973. Paksa: South Korea

  20. Eugene Till to First Presidency, June 30, 1977, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; Choi, “History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in Korea,” 196–97; Till, Till, at Munoa, Oral History Interview, 4–5.

  21. Till, Till, at Munoa, Oral History Interview, 4–8, 29–31; Davenport, Oral History Interview, 1–2, 6, 7–11; Osmond at Romanowski, Life Is Just What You Make It, 127–29; Osmond at Osmond, Oral History Interview, 12–18, 26; tingnan din sa Dunn, Osmonds, 190–96, 239–46.

  22. Till, Till, at Munoa, Oral History Interview, 4–7, 29–30; Davenport, Oral History Interview, 1–2, 6, 7–11; Wilberg, Oral History Interview, 2; Gunter, Oral History Interview, 1–2, 4–5; Korea Seoul Mission, Historical Records, Sept. 13, 21–24, and 28, 1974, [7]–[8].

  23. Till, Till, at Munoa, Oral History Interview, 7–10; Bronson, Oral History Interview, 67; Hwang, “Hwang Keun Ok,” 293–94; Gunter, Oral History Interview, 7, 11, 13; Davenport, Oral History Interview, 6–12; Wilberg, Oral History Interview, 2, 5–7.

  24. Till, Till, at Munoa, Oral History Interview, 7–8, 11–12, 18–19; Davenport, Oral History Interview, 8–12; Gunter, Oral History Interview, 6, 16–17.

  25. Till, Till, at Munoa, Oral History Interview, 11; Greg Hill, “Singing Elders Took Korea by Storm,” Church News, Nob. 29, 2008, 6; Eugene Till to First Presidency, June 30, 1977, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; Bronson, Oral History Interview, 13–14; Shirleen Meek Saunders, “Whang Keun-Ok: Caring for Korea’s Children,” Ensign, Okt. 1993, 48–49; Davenport, Oral History Interview, 8–9, 13; Gunter, Oral History Interview, 6. Paksa: Globalisasyon

  26. Monson, Journal, Mar. 27, 1975; Robert Barker to Victor Wolf, Dec. 10, 1974; First Presidency to Henry Burkhardt, Apr. 21, 1971, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; Kuehne, Henry Burkhardt, 68–72, 78–79. Paksa: Pangkalahatang Kumperensya

  27. Robert Barker to Kent Brown, Mar. 7, 1972; Robert Barker to Steven Vitale, Nov. 1, 1972; Robert Barker to Chief of the Consular Section, Oct. 13, 1973; Robert Barker to Henry Burkhardt, Feb. 18, 1975, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; Monson, Journal, Mar. 27, 1975; Kuehne, Henry Burkhardt, 69–72.

  28. Spencer W. Kimball, “Why Call Me Lord, Lord, and Do Not the Things Which I Say?,” Ensign, Mayo 1975, 4–7; Kimball at Kimball, Spencer W. Kimball, 416–20; J M. Heslop, “Stockholm: ‘Burning Memory,’” Church News, Ago. 24, 1974, 3; J M. Heslop, “Area Conference in Brazil,” Church News, Mar. 8, 1975, 3; Hunter, Journal, Jan. 9, 1975; Kapp, Journal, Oct. 19, 1974; J M. Heslop, “Missionary Effort—‘Lengthen Our Stride,’” Church News, Okt. 19, 1974, 3, 10. Paksa: Spencer W. Kimball

  29. Mga Banal, tomo 3, kabanata 39; Kuehne, Henry Burkhardt, kabanata 5.

  30. Burkhardt, Oral History Interview [1991], 21–22; Monson, Journal, Oct. 9, 1982; Burkhardt, Journal, July 17, 1975; Mehr, “Enduring Believers,” 150; Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 104; First Presidency to Henry Burkhardt and Charles Broberg, Apr. 24, 1972, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL. Mga Paksa: Digmaang Malamig; Czech Republic; Germany; Hungary; Poland; Slovakia

  31. Kuehne, Henry Burkhardt, 79–82.

  32. Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 1, 5–7. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; sa halip na “The,” nakasaad sa orihinal na pinagmulan ang ponetikong baybay na “Tay.”

  33. Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 5; Britsch, From the East, 429–31.

  34. Kiernan, Việt Nam, 385–91, 395–451; Taylor, History of the Vietnamese, 446–47, 478–83, 536–619.

  35. Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 1, 6, 119; Britsch, From the East, 435–37.

  36. Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 1, 7, 11.

  37. Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 7, 14–17.

  38. Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 6, 10, 17–18, 127–28; “Saigon Branch Evacuation List,” May 13, 1975, First Presidency, General Correspondence, CHL; Le, Oral History Interview, 1–3.

  39. Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 8, 128–33, 136–37; Nguyen, “Escape from Vietnam,” 29.

  40. “Saigon Branch Evacuation List,” May 13, 1975, First Presidency, General Correspondence, CHL; Le, Oral History Interview, 3, 19, 31–32; Ferren Christensen, Address, Newport Beach California Stake, Stake Conference, May 4, 1975, [00:13:40]–[00:18:14], [00:31:03]–[00:31:42]; Jack E. Jarrard, “To Help Viet Refugees: Church Members Open Their Hearts,” Church News, Mayo 17, 1975, 4; Spencer W. Kimball, Journal, May 3, 1975.

  41. Le, Oral History Interview, 2–3, 10, 16, 21, 27.

  42. Le, Oral History Interview, 9–12; Jack E. Jarrard, “A New Home in America,” Church News, Mayo 31, 1975, 5; Jack E. Jarrard, “To Help Viet Refugees: Church Members Open Their Hearts,” Church News, Mayo 17, 1975, 4, 10; Ferren Christensen to Spencer W. Kimball, May 9, 1975, Welfare Services Department, Vietnamese Refugee Files, CHL.

  43. Le, Oral History Interview, 3–5, 9–10, 16–19; Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 236.

  44. Le, Oral History Interview, 5–6, 10, 13–15, 23.

  45. Le, Oral History Interview, 14, 22, 25–28, 39; Nguyen at Hughes, When Faith Endures, 151–52; “Saigon Branch Evacuation List,” May 13, 1975, First Presidency, General Correspondence, CHL; Jack E. Jarrard, “Viet Mormons Arrive in U.S.,” Church News, Mayo 10, 1975, 3, 13.

  46. Le, Oral History Interview, 23.