Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 30: Mga Itinatanging Pagpapala


Kabanata 30

Mga Itinatanging Pagpapala

tsart ng pedigree, microfilm, at mga compact disc

Noong gabi ng ika-4 ng Oktubre 1997, sa sesyon ng priesthood sa pangkalahatang kumperensya, ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang bagong disenyo ng templo at isinaad ang plano ng Simbahan na gamitin ang disenyo para sa maraming templo sa buong mundo.

“Determinado kami,” ipinahayag niya, “na ilapit ang mga templo sa mga tao at ibigay sa kanila ang lahat ng pagkakataon para sa napakahahalagang pagpapalang dulot ng pagsamba sa templo.”

Nauunawaan ni Richard “Rick” Turley, namamahalang direktor ng Family History Department ng Simbahan, na ang mga bagong templong ito ay pagpapalain ang Simbahan at tutulungan ang mga Banal sa buong mundo na lumapit kay Cristo. Subalit halos hindi maibigay ng departamento sa lahat ng limampu’t isang ginagamit na templo ang sapat na bilang ng mga pangalan para sa pagsasagawa ng gawaing ordenansa para sa iba. Sa pagdami na ngayon ng bilang ng mga itinatayong templo, kailangan nang palitan ng Simbahan ang pamamaraan nito sa pagsasagawa ng kasaysayan ng pamilya.

Batid nina Rick at ibang mga lider ng Simbahan na bahagi ng problema ay magastos sa oras at pera ang paghahanda ng mga pangalan para sa gawain sa templo. Sa ilang bansa, kailangang maglakbay nang napakalayo ang mga miyembro ng Simbahan upang hanapin ang mga pangalan ng kanilang mga ninuno sa mga talaang naka-archive. Kailangang hanapin nang lubos at nang matagal ng ilang miyembro ang impormasyong kailangan nila. Kung ang tamang microfilm ay wala sa kanilang lokal na family history center, kailangan nilang magbayad upang maipadala ito, maghintay nang ilang linggo bago ito dumating, at pagkatapos ay bumalik sa center para basahin ito. Madalas na may lamang ilang libong imahe ang karaniwang rolyo, kaya maaaring mahirap buklatin ang bawat isa nito. Iilang tao lamang ang may oras para sa lahat ng ito—at hindi lahat ay nakatira malapit sa isang family history center.

Noong dekada ng 1980 ay pinabilis ng mga personal computer ang gawaing ito. Noong unang bahagi ng dekada, ginawa ng mga software developer ng Simbahan ang Personal Ancestral File, isang programa sa kompyuter na tinutulutan ang mga taong magtala, mag-save, at magbahagi ng impormasyon tungkol sa kanilang mga ninuno at buuin ang mga family tree. Ginawa ring mas madali ng programa para sa ilang daang libong gumagamit na magpasa sa templo ng mga pangalan sa pamamagitan ng TempleReady.

Subalit maaari pa ring maging kumplikado ang proseso ng pagpasa, lalo na sa mga taong hindi sanay sa paggamit ng mga kompyuter. Ang mga gumagamit ng PAF ay lumikha ng kanilang sariling mga database, na kadalasang duplikadong mga tala kapag may nagpapasa ng mga pangalan ng pamilya sa Simbahan. Dahil hindi awtomatikong nag-update ang mga file na ito matapos may gumawa ng gawain sa templo para sa isang ninuno, madalas magsagawa ang mga miyembro ng Simbahan ng mga ordenansa para sa parehong tao nang hindi nalalaman.

Nag-alala rin si Pangulong Hinckley sa mga suliraning ito. Dalawang taon na ang nakararaan, nang sumali si Rick sa Family History Department, ipinatawag siya ng propeta para sa isang pulong. Nais nitong malaman kung ginagawa ng Simbahan ang lahat ng magagawa nito upang maisakatuparan ang misyon nitong tubusin ang mga patay.

“Rick,” sabi ng propeta, “matitiyak mo ba sa akin na lahat ng mga resource na ginagamit natin para sa kasaysayan ng pamilya ay pinapalaya ang mga kaluluwa mula sa bilangguan ng mga espiritu?”

“Nais ko pong isipin na gayon nga,” tugon ni Rick. Subalit naniwala siya na mapapainam pa ang sistema.

Sumang-ayon si Pangulong Hinckley at hiniling ditong ayusin ito.

Sa mandatong ito, kailangang bumuo ang Family History Department ng mas simpleng paraan ng pagsumite ng mga pangalan para sa gawain sa templo—isang prosesong napakasimple upang mas maraming tao ang makakalahok. Maaaring pabilisin ng mga kompyuter ang proseso ng pagkuha ng impormasyon tungkol sa pamilya mula sa mga tala at aayusin ito sa isang searchable na database. Ngunit upang maiwasan ang pagkakadoble, kailangang may komunikasyon sa isa’t isa ang mga kompyuter—isang bagay na hindi nagagawa ng kasalukuyang sistema. Kailangang nasa internet ang database.

Noong panahong iyon, wala pang isang dekada ang World Wide Web, at hindi pa gaano kilala sa internet ang Simbahan. Tahimik na naglunsad ito ng website noong 1996, at nanatiling may pag-aalinlangan ang ilang lider ng Simbahan sa bagong teknolohiya at kakaunti lamang ang karanasan nila rito. Kulang ang Family History Department ng teknikal na kasanayan para buuin ang kinakailangang online platform para i-host ang database. Kailangan nila ng tulong—at kailangan nila ng panahon.

At kailangan ito sa lalong mabilis na panahon. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1998, inanunsyo ni Pangulong Hinckley na magtatayo ang Simbahan ng tatlumpung templo alinsunod sa bagong disenyo, na dagdag pa sa labimpitong templo na kasalukuyang itinatayo.

“Ang magiging kabuuan nito ay apatnapu’t pitong bagong templo bukod pa sa limampu’t isang kasalukuyang ginagamit ngayon,” sabi ng propeta. “Sa palagay ko ay magdaragdag na rin tayo ng dalawa pa para maging eksaktong isandaan na sa katapusan ng siglong ito, na 2,000 taon ‘mula noong pumarito ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.’”

“Sumusulong tayo sa antas na hindi pa nangyari kahit kailan,” sabi niya.

Nagkaroon ng inspirasyon si Rick sa anunsiyo. Subalit ngayon ay may mas higit na pangangailangang pabilisin ang gawain ng Simbahan sa kasaysayan ng pamilya.

Malapit na kasi ang taong 2000.


Noong unang bahagi ng Abril 1998, nagtungo sina Felicindo at Veronica Contreras sa Santiago Chile Temple. Kakahirang pa lamang noon kay Felicindo na maglingkod bilang bishop ng kanilang ward, at nag-aalala siya tungkol sa mga Banal sa ilalim ng pangangalaga niya. Mababa pa rin ang bilang ng dumadalo sa ward. Nais niyang humingi ng tulong sa Panginoon para pabalikin sa simbahan ang mga miyembro ng ward.

Habang nananalangin si Felicindo, partikular na inasam niyang tulungan ang mga kabataan. Iilan lang sa mga ito ang palagiang dumadalo sa simbahan, at bagama’t labing-apat sa kanila ay sapat na ang edad para maglingkod sa misyon, walang naghahanda para dito. Bahagi sila ng mas malaking kalakaran sa Chile, kung saan wala pang 10 porsyento ng mga karapat-dapat na kabataang lalaki ang nasa misyon, ang pinakamababang porsyento sa anumang lugar sa mundo. Sa kaibuturan ng puso niya, inaasam ni Felicindo na bumalik ang mga kabataan sa simbahan at ihanda ang sarili nila para sa mission field.

Hindi nagtagal, ang labinwalong taong gulang na si Juan ay nagpunta sa mga pulong sa araw ng Linggo sa unang beses sa matagal na panahon. Si Juan ay miyembro ng priests quorum, ngunit madalas siyang hindi dumadalo sa simbahan para maglaro ng soccer. Isa siyang magaling na manlalaro—sa galing niya ay akala ng ibang tao na magagawa niyang propesyon ang paglalaro—at lubos ang pagmamahal niya sa laro. Ngunit kailan lamang, nadama niyang malungkot siya, hindi mapakali, at nalilito. Nagpapahiwatig sa kanya ang Espiritu na bumalik sa simbahan at maglingkod sa misyon. Subalit nadama niya na kailangan niya ng gabay na tutulong sa kaniyang gumawa ng mga pagbabago sa kanyang buhay.

Sa simbahan, hiniling niyang makipag-usap kay Felicindo. “Nagpasiya po akong maging aktibo muli sa Simbahan,” sabi niya.

“Hinihintay kita,” sabi ni Felicindo. Inanyayahan nito si Juan sa kanyang opisina para sa isang interbyu. Pinag-usapan nila ang pagnanais ni Juan na maghanda para sa misyon. Batid na ang gawaing misyonero ay hinihiling sa mga kabataang lalaki at babae na matamo ang ilang pamantayang espirituwal, moral, emosyonal, at pisikal, tinulungan siya ni Felicindo na bumuo ng plano.

“Una, maghahanda tayo na matanggap mo ang iyongpatriarchal blessing,” sinabi nito kay Juan, “para malaman mo kung ano ang sasabihin sa iyo ng Panginoon.” Pagkatapos nito, aayusin nila ang kanyang aplikasyon sa pagiging misyonero. Inanyayahan rin siya ni Felicindo na basahin ang Aklat ni Mormon at magbayad ng kanyang ikapu. Tinanggap ni Juan ang hamon, at mula noon, palagian nilang tinatalakay ni Felicindo ang tungkol sa paghahanda para sa misyon.

Nakipagtulungan din si Felicindo sa iba pang miyembro ng ward. Tumimo sa kanya ang payo ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang bawat miyembro ay dapat may isang kaibigan, isang responsibilidad, at pangangalaga ng “mabuting salita ng Diyos.” Alinsunod sa mga bagong gabay mula sa punong-tanggapan ng Simbahan, tiniyak niya at ng mga misyonero na dumadalo ang mga tao sa sacrament meeting bago sila sumapi sa Simbahan. Tiniyak niya at ng iba pang mga miyembro ng ward na lahat ng nagpupunta sa simbahan ay nadaramang malugod silang tinatanggap at umuuwing pinalalakas sa espiritwal.

Kapag inaanyayahan niya ang mga taong bumalik sa simbahan, hinihikayat sila ni Felicindo na maghandang tanggapin ang sakramento at panibaguhin ang kanilang mga tipan sa binyag. Hiniling niya sa mga bumabalik na miyembro na dumalo sa klase ng Gospel Essentials sa Sunday School upang tulungan silang alalahanin ang mga pangunahing turo tungkol sa Paglikha, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, pagsisisi, at iba pang alituntunin ng ebanghelyo. At naghanap din siya ng mga paraan na makapaglilingkod sila sa ward.

Inasikaso rin niya na maging bukas ang meetinghouse sa mga araw na may pasok. Tumanggap siya ng pahintulot na pailawan ang bakuran sa likod ng gusali upang makapaglaro ng soccer at iba pang laro ang kabataan kapag gabi. Nagsimulang gamitin ng mga miyembro ng ward ang meetinghouse para sa mga home evening at iba pang mga aktibidad tulad ng mga dula at programang kultural ng Chile. Tumulong si Felicindo na mag-organisa ng koro ng ward, at dumagdag ang kanilang musika sa Espiritu sa sacrament meeting.

Habang mas gumugugol ng oras ang mga miyembro sa meetinghouse, nagsimula silang mas alagaan ito, at nadagdagan ang kanilang pagmamahal sa gusali. Hindi nagtagal, nakita ni Felicindo ang pagtaas ng bilang ng mga dumadalo sa sacrament meeting. Naniniwala siyang ang mga pagbabagong ito ay mga sagot sa kanyang panalangin sa templo.


Makalipas ang ilang buwan, noong kalagitnaan ng 1998, si Mary McKenna, isang returned missionary mula sa Brisbane, Australia, ay naglakbay patungong Provo, Utah, upang matuto pa tungkol sa Especially for Youth, isang limang araw na kumperensya sa Estados Unidos para sa kabataang Banal sa mga Huling Araw. Maraming ulit na narinig si Mary ang tungkol sa EFY noong isang taon habang dumadalo siya Education Week—isang serye ng mga klase, devotional, at iba pang mga aktibidad para sa mga adult at tinedyer na taunang isinasagawa sa kampus ng Brigham Young University.

Noong kanyang naunang pagbisita, dumalo siya ng klase na tinuturuan ni Brad Wilcox, isang kilalang tagapagsalita at awtor sa kabataang Banal sa mga Huling Araw na nagsasalita ng wikang Ingles. Matapos ang klase, huminto siya upang kausapin ito tungkol sa Education Week.

“Katawa-tawa po siguro ito sa pandinig,” sabi niya, “pero isa po akong youth leader sa Australia, at kailangan namin kung ano ang mayroon kayo.”

Sa isa’t kalahating siglo mula nang inorganisa ang unang branch sa Australia, ang Simbahan doon ay lumago sa halos isang daang libong miyembro. May mga stake sa halos bawat malalaking lunsod sa Australia at isang templo sa Sydney. Ngunit maraming kabataan ang nahihirapan, at may ilang hindi makapaglingkod sa misyon, maikasal sa templo, o manatiling aktibo sa Simbahan. Pakiwari nila ay hindi sila magkakaugnay sa bawat isa at kailangan ng huwaran na makapagpapakita sa kanila kung paano manatiling malapit sa Diyos at maisabuhay ang Kanyang mga kautusan.

Habang nakikinig si Brad kay Mary na magkuwento tungkol sa mga hamon ng kabataan sa Australia, namuo ang mga luha sa mata nito, at mas nagkuwento pa ito kay Mary tungkol sa EFY. Gaya ng mga karaniwang stake youth conference, layunin ng EFY na palakasin ang pananampalataya ng kabataan. Ngunti sa halip na pangasiwaan ng mga lokal na stake, itinataguyod ito ng BYU at pinangungunahan ng mga counselor na young single adult. Nang napakinggan si Brad kung gaano kasaya ito para sa kabataan, nadama ni Mary na ang isang karanasang gaya ng EFY ay makakatulong sa mga kabataang babae at lalaki sa Australia.

Ginugol niya ang sumunod na maraming buwan upang maisakatuparan ang ideya. Nagbigay ng suporta ang mga lider ng Simbahan sa loob at paligid ng Brisbane, bumubuo ng komite ng mga Banal mula sa mga lokal na stake upang mag-organisa ng aktibidad sa kanilang area na katulad ng EFY.

Ngayon, makalipas ang isang taon, bumalik si Mary sa Provo upang makipagpulong kay Susan Overstreet, ang direktor ng EFY, sa kampus ng BYU. Hindi kayang magtaguyod ng unibersidad ng mga sesyon ng EFY sa labas ng Hilagang Amerika, ngunit tinutulungan ni Susan sina Mary at ang komite sa Brisbane. Isinama niya si Mary sa aktibidad sa pagsasanay para sa mga counselor at ipinakilala ito sa ibang mga lider ng EFY. Samantala, sumang-ayon sina Brad Wilcox at isa pang tagapagsalita ng EFY, si Matt Richardson, na lumipad papuntang Australia at magsalita sa aktibidad.

Bumalik si Mary sa Australia, at sa loob ng mga sumunod na buwan, palagiang nagtitipon ang komite upang planuhin ang aktibidad, kung saan ang bawat stake na nakikilahok ay nangunguna sa pagpaplano para sa pakain, bahay na tutuluyan, mga devotional, musika, at iba pang mga responsibilidad. Nagmungkahi ang mga pangulo ng stake ng mga dagdag na tagapagsalita, at nakahanap si Mary ng mga young adult na maglilingkod bilang mga counselor. Ang iba ay mga returned missionary, ang ilan ay naghahanda para sa magmisyon, at ang iba ay wala talagang plano na magmisyon. Inayos ni Mary ang mga kurso ng pagsasanay para sa lahat.

Umaasa ang komiteng malugod na tanggapin ng EFY ang lahat ng kabataan sa Brisbane area, hindi lamang mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi gaya ng programa sa Estados Unidos na mangangailangan ng ilang daang dolyar para makadalo, tutustusan ng mga lokal na stake ang EFY sa Australia upang makadalo ang mga tao sa maliit na halaga. At bagama’t ang lahat ng dumalo ay inaasahang sundin sa kumperensya ang pamantayan ng Simbahan, hinikayat ng komite ang mga stake na mag-anyaya ng mga kabataan na hindi miyembro.

Noong Abril 1999, inilunsad ni Mary at ng kanyang komite sa isang stake center sa Brisbane ang unang aktibidad ng Especially for Youth sa labas ng Hilagang Amerika. Nagpunta ang halos isang libong tinedyer mula sa lunsod at sa mga kalapit na lugar. Nang nakapunta sa harapan ng pulutong ng tao sina Brad at Matt, ang unang ginawa nila ay pamunuan ang mga ito sa ilang mga pagsasaya. Medyo nagulat ang mga kabataan, ngunit sumali rin sila nang buong sigasig. Agad na malinaw na ang EFY ay hindi karaniwang kumperensya ng Simbahan.

Noong mga sumunod na araw, natuto ang mga kabataan mula sa mga tagapagsalita, umawit ng mga kanta, nasiyahan sa mga sayaw at tagisan ng talento, at nagbahagi ng kanilang mga patotoo. Samantala, kumuha ng retrato ang mga photographer para sa isang slideshow na ipapakita sa huling araw.

Natuwa si Mary kung gaano nasiyahan sa EFY ang mga kabataan at kanilang mga counselor. Tila lahat ng nakibahagi sa aktibidad ay umuwing may mas malakas na pananampalataya kay Jesucristo. Ang mga counselor na wala sanang planong magmisyon ay nagbago ng isip at nagpasa ng kanilang aplikasyon para maging misyonero. Ang ilan sa mga kabataang hindi miyembro ng Simbahan noong dumalo sila ay nakipag-usap sa mga misyonero at nagpabinyag. At ang mga counselor na single adult ay bumalik sa kanilang mga ward na nagnanais maglingkod sa Young Women at Young Men.

Naging matagumpay ang Especially for Youth sa Brisbane—at handa sina Mary at ang komite na gawing muli ito.


Samantala, sa isla ng Pasipiko na Fiji, sina Juliet Toro at kanyang asawang si Iliesa ay walang gaanong interes sa Simbahan. Nagbago iyon nang ang kanilang mas nakatatandang anak na hinikayat ng ina ni Juliet na Banal sa mga Huling Araw, ay nagsimulang dumalo sa mga pulong tuwing Linggo at sa mga klase sa seminary sa araw na may pasok. Napagpasyahan ni Juliet na oras nang anyayahan ang mga misyonero na turuan siya. At noong ginawa niya ito, nagustuhan niya ang narinig niya.

Sumapi sa Simbahan ang mga anak ng pamilya Toro noong Marso 1999, at sumunod si Juliet makalipas ang dalawang linggo. Subalit patuloy na hindi nagpapakita ng interes si Iliesa. Natatakot na tanging ang asawa niya ang maiiwan sa pamilya na hindi tatanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, nagsimulang manalangin nang masigasig si Juliet na sumapi na rin ito sa Simbahan.

Noong panahon ng binyag ni Juliet, ang Simbahan sa Fiji ay may apat na stake at halos labindalawang libong miyembro. Sabik na naghihintay ang mga Banal sa Fiji sa pagtatayo ng templo sa Suva, ang kabisera kung saan nakatira si Juliet at kanyang pamilya. Matapos dumating ang Simbahan sa Fiji noong gitna ng dekada ng 1950, madalas magsagawa ang mga miyembro ng matinding pinansyal na sakripisyo upang dumalo sa bahay ng Panginoon sa Hawaii o New Zealand. Nabawasan ang pasaning ito noong 1983, nang naglaan ang Simbahan ng mga templo sa Samoa, Tonga, at Tahiti. Gayunpaman, nanatiling mahal ang bumiyahe patungong Nuku‘alofa Tonga Temple, ang pinakamalapit na templo sa tatlo.

Nang sabihin ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang Fiji bilang isa sa mga lugar ng tatlumpung bagong templo, nagdiwang ang mga Banal sa Fiji. Ang pagkakaroon ng bahay ng Panginoon sa Suva ay tutulutan sila at ang mga Banal sa mga islang bansa sa Vanuatu, New Caledonia, Kiribati, Nauru, at Tuvalu na mas palagiang dumalo sa templo—at sa mas kaunting gastos sa paglalakbay.

Nagsimula ang pagtatayo ng templo noong Mayo 1999, dalawang buwan matapos binyagan si Juliet. Noong panahong iyon, nalaman niyang may sinusubukang distance learning program ang Brigham Young University sa Fiji LDS Technical College, isang mataas na paaralan sa Suva na pag-aari ng Simbahan. Ang slogan ng BYU ay “The World Is Our Campus,” at naghahanap ang mga administrador ng paaralan ng mas abot-kayang paraan upang ilapit ang mga oportunidad sa edukasyon sa mas maraming miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo. Tinulutan ng internet ang mga propesor sa Provo na makipag-ugnayan sa mga mag-aaral sa Fiji nang halos agaran.

Tinanggap ng programa ang mga nagtapos sa mataas na paaralan para mag-aral sa maraming klase na nasa antas na ng unibersidad. Ang mga maalam na student facilitator mula sa BYU ay personal na pangangasiwaan ang mga klase, habang ang mga propesor ng BYU na bumuo ng mga kurso ay magbibigay ng online na suporta mga 9,700 kilometro ang layo. Sa maliit na bayad sa aplikasyon, maaaring magkaroon ng credit ang mga estudyante para makapagtapos sa unibersidad.

Napukaw ang interes ni Juliet. Sila ni Iliesa ay mga estudyante sa unibersidad noong una silang nagkakilala, ngunit kapwa sila tumigil sa pag-aaral upang magtrabaho at kalaunang magsimula ng pamilya. Sa higit isang dekada, inaalagaan ni Juliet sa bahay ang kanyang mga anak. Nais niyang ipagpatuloy ang kanyang edukasyon, kaya kinausap niya si Iliesa tungkol dito. Sumang-ayon ito na dapat siyang magpalista sa unibersidad.

Noong unang araw ng klase, ipinakilala ni Juliet at ibang mga estudyante ang kanilang mga sarili. Marami ay mga bata pang miyembro ng Simbahan na katatapos lamang ng mataas na paaralan o mga bagong returned missionary. Iilan lamang ang mga mag-aaral na mahigit tatlumpung taong gulang, gaya ni Juliet.

Sa pagsisimula ng mga klase, nag-alala si Juliet na masyado na siyang matanda para bumalik sa paaralan. Pinaka-pinagtuunan ng mga klase ang paglinang ng mga praktikal na kasanayan sa negosyo. Sa loob ng dalawang semestre, siya at ang limampu’t limang kaklase niya ay kukuha ng mga kurso sa accounting, business management, economics, Ingles, organizational behavior, at Doktrina at mga Tipan. Sa palagay ni Juliet ay hindi ganoon karami ang alam niya kung ihahambing sa mga mas batang mag-aaral, at kinakabahan siya na baka may makaalam kung gaano kakaunti ang alam niya. Ang huling bagay na gusto niyang mangyari ay magmukhang katawa-tawa sa klase.

Noong isang Huwebes ng gabi, hindi nagtatagal mula nang nag-umpisa ang klase, sinabi ni James Jacob, ang direktor ng programa, kay Juliet na kailangan nitong dumalo sa isang meeting noong gabing iyon sa kalapit na gusali ng Simbahan.

Nalilito, sinundan nito si James sa gusali. Nang dumating sila roon, nakita niya ang kalahati ng ward na naghihintay sa kanya sa kapilya. Pagkatapos ay nakita niya si Iliesa na nakasuot ng puting damit na pambinyag. Palihim pala itong tumatanggap ng mga turo ng mga misyonero. At ngayon ay handa na itong samahan siya at kanilang mga anak sa Simbahan.

Naluha sa matinding kaligayahan si Juliet. Alam niya na narinig ng Diyos ang kanyang mga panalangin. Sa wakas ay magkakaisa na sa pananampalataya ang kanyang pamilya. At umaasa siya na isang araw ay mabubuklod sila sa bahay ng Panginoon.


Habang sinisimulan ng Simbahan ang mabilis na pagtatayo ng mga templo, binigyan ng mga lider ang Family History Department ng awtoridad na bumuo ng database ng kasaysayan ng pamilya na mahahanap nang online. Umupa ang departamento ng isang technology company upang lumikha ng online platfrom at interface, at inihanda ng mga kawani ng Family History ang datos para sa bagong website. Pagsapit ng Setyembre, nakabuo ang tech company ng isang working prototype na nakapagbigay kay Rick Turley at sa kanyang grupo ng pag-asa na magagawa nilang ihanda ang database para sa testing sa loob lamang ng ilang buwan.

Samantala, pinag-isipan ng grupo ang mga pangalang gaya ng Ancestors, RootSearch, at KindredQuest para sa database. Sa huli, nagpasiya ang Family History Department na gamitin ang pangalang ginagamit na nila para sa kanilang koleksyon ng mga database na ipinamamahagi nila sa CD-ROM: ang FamilySearch.

Gaya ng inaasahan, handa na ang database para sa testing noong unang bahagi ng 1999. Nagbigay ang website ng access sa mga tala ng apat na daang milyong namayapa nang tao at hinahayaan ang mga gumagamit na magbahagi sa iba ng impormasyon. Walang nakatityak kung gaano kainit ang magiging pagtanggap ng mga miyembro ng Simbahan sa paggamit ng online database para sa kanilang gawain sa kasaysayan ng pamilya. Ngunit binuo ng grupo ang website upang makaya nito ang limang milyong bisita sa bawat pagkakataon.

Sa panahon ng testing, may nagpakalat ng web address, at nakakuha ang FamilySearch.org ng higit pa sa tatlong milyong hit sa page nito. Pagkalipas ng ilang araw, mayroon na itong labing-isang milyon. Dama ang matinding gulat, dinagdagan nina Rick at ng kanyang grupo ang kapasidad ng website upang matiyak na handa itong gamitin ng publiko sa araw ng paglunsad nito.

Noong Mayo, lumipad si Rick patungong Washington, DC, para sa isa sa dalawang sabay na aktibidad sa paglulunsad. Habang pinangungunahan ni Elder D. Todd Christofferson ng panguluhan ng Pitumpu ang aktibidad sa Family History Library sa Lunsod ng Salt Lake, nagsagawa sina Rick at Elder Russell M. Nelson ng aktibidad sa National Press Club sa Washington. Natuwa si Rick na nagsisimula nang makakuha ng atensyon ang website. Noong umaga ng paglulunsad, tumatanggap na ito ng tatlumpung milyong hit kada araw, lahat iyon ay nangyari nang walang pagbabalita sa publiko. Ang mga tao mula sa bawat kontinente—maging sa Antarctica—ay binibisita ito.

“Maraming salamat at makukuha na ito sa internet!” sulat ng isang gumagamit. “Ang laking tipid sa oras para sa akin. Magagawa ko ang gawain sa bahay at makakapagluto pa ng hapunan at makakapaglaba rin—lahat nang sabay-sabay!”

“Hindi sapat ang papuring maibibigay ko sa inyong website,” sulat ng isa pa. “Ang simulang gawin ang gawain ng kasaysayan ng pamilya rito, habang nasa bahay, ay makakatipid ng oras ko sa family history center.”

Kinabukasan, naging kinatawan ng Simbahan si Rick sa Today show, isang kilalang pang-umagang programa sa telebisyon sa Estados Unidos. Nakaupo siya sa upuan ng direktor kaharap ng mga kamera kasama ang host na si Katie Couric. Sa pagitan nila ay isang kompyuter na pinapakita ang bagong website ng FamilySearch.

“Naging sikat na libangan ang paghahanap ng pinagmulan ng ating pamilya,” sabi ni Katie habang ipinapakilala niya si Rick sa mga manonood. “Ngayon ay online na ang pinakamalaking koleksyon ng mga genealogical record sa mundo.”

Ang unang tanong ni Katie ay tungkol sa Simbahan. “Bakit napakalawak ng mga tala sa talaangkanan ng mga Mormon” tanong nito.

“Naniniwala kami na ang pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman,” sabi ni Rick. “Upang tulutan ang mga miyembro namin na makapagsaliksik, nagtitipon kami ng mga tala mula sa buong mundo.”

Gamit ang pangalan ng isa sa kanyang mga ninuno at ng isa sa mga ninuno ni Katie, ipinakita niya sa mga manonood ng telebisyon kung paano gamitin ang mga database ng website at hanapin ang impormasyon tungkol sa kanilang mga ninuno. Napahanga si Katie kung paano pinadali ng website na magawa ng mga tao ang gawain sa family history.

“May bayad ba ang paggamit nito?” tanong niya.

“Walang bayad ito,” sabi ni Rick.

Sa loob ng ilang araw, dinumog ang FamilySearch.org ng isang daang milyong hit. Kahanga-hanga ang naging simula ng website.

  1. Gordon B. Hinckley, “Some Thoughts on Temples, Retention of Converts, and Missionary Service,” Ensign, Nob. 1997, 49–50.

  2. Turley, Oral History Interview, [2], [4]; Brough, Oral History Interview, 12.

  3. Turley, Oral History Interview, [3]–[4].

  4. Allen, Embry, at Mehr, Hearts Turned to the Fathers, 324–26; Joseph Walker, “Digging Family Roots with Home Computers,” Church News, Abr. 1, 1984, 3; Member’s Guide to Temple and Family History Work, 8–9; FamilySearch, seksyon C, glossary; Russell M. Nelson, “The Spirit of Elijah,” Ensign, Nob. 1994, 85.

  5. Turley, Oral History Interview, [4]–[6].

  6. Turley, Oral History Interview, [4]–[5].

  7. Turley, Oral History Interview, [5]–[7], [14]–[15]; Mehr, “Dawning of the Digital Age,” 53–54; Sarah Jane Weaver, “Church Enters World Wide Web ‘Carefully and Methodically,’” Church News, Mar. 1, 1997, 6; Family History Department, Executive Director’s Meeting Minutes, Mar. 3, 1998. Paksa: Information Age

  8. Gordon B. Hinckley, “New Temples to Provide ‘Crowning Blessings’ of the Gospel,” Ensign, Mayo 1998, 88; Doktrina at mga Tipan 20:1.

  9. Turley, Oral History Interview, [4]–[6], [14]. Mga Paksa: Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan; Pagtatayo ng Templo

  10. Contreras at Contreras, Oral History Interview [Oct. 2, 2020], 9; Contreras at Contreras, Oral History Interview [2022], 10–11, 14; Missionary Department Executive Directors to Missionary Executive Council, Memorandum, May 6, 1998, Missionary Executive Council, Meeting Materials, CHL; Felicindo Contreras, Bishop of El Manzano Ward, Mar. 29, 1998, Church Directory of Organizations and Leaders, ChurchofJesusChrist.org. Paksa: Chile

  11. Contreras at Contreras, Oral History Interview [Oct. 2, 2020], 9; Molina, Oral History Interview, 1–3; Contreras at Contreras, Oral History Interview [2022], 14–15; First Presidency to General Authorities and others, June 19, 1998, First Presidency, Circular Letters, CHL. Paksa: Mga Patriarchal Blessing

  12. Contreras at Contreras, Oral History Interview [Oct. 2, 2020], 24; First Presidency to General Authorities and others, May 15, 1997; First Presidency to General Authorities and others, June 19, 1998, First Presidency, Circular Letters, CHL; Gordon B. Hinckley, “Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 47–48; Moroni 6:4; Contreras at Contreras, Oral History Interview [Oct. 16, 2020], 9; Contreras at Contreras, Oral History Interview [Dec. 2023], 2–3, 9. Paksa: Sunday School

  13. Contreras at Contreras, Oral History Interview [2022], 16–17, 21–22. Paksa: Mga Ward at Stake

  14. McKenna, Oral History Interview [June 1, 2023], 3–4; McKenna, Oral History Interview [June 29, 2023], 4–6; Wilcox, Oral History Interview, 25–27; Catherine Lanford, “Education Week Grows in Size, Popularity,” Daily Universe (Provo, UT), Ago. 1997, edisyong Alumni, 4; Denise Palmer, “Youth Fill Many Roles in Education Week,” Daily Universe, Ago. 19–22, 1997, edisyong Education Week, 5; Wilcox, “Taking the Dead out of Dedication,” 120–31; Wilcox, “Filling Your Testimony Tank,” 262–69.

  15. Newton, Southern Cross Saints, 23–25, 195, 199; Deseret News 1997–98 Church Almanac, 285–86; Deseret News 1999–2000 Church Almanac, 272–74; McKenna, Oral History Interview [June 1, 2023], 5; Wilcox, Oral History Interview, 25; Scott, Journal, Aug. 24, 2000. Paksa: Australia

  16. McKenna, Oral History Interview [June 1, 2023], 4–5; Wilcox, Oral History Interview, 1–4, 24–26; Bytheway, “History of ‘Especially for Youth,’” 1–6; Perry, Mary McKenna Interview Notes, 1; Carl Maurer to Jed Woodworth, Email, Feb. 27, 2024, Carl Maurer, Jed Woodworth, at Bradley R. Wilcox Emails, CHL.

  17. McKenna, Oral History Interview [June 1, 2023], 6–9; McKenna, Oral History Interview [June 29, 2023], 6–8; Wilcox, Oral History Interview, 3; Perry, Mary McKenna Interview Notes, 2; Carl Maurer to Brad Wilcox, Email, Feb. 12, 2024, Carl Maurer, Jed Woodworth, at Bradley R. Wilcox Emails, CHL; 1st Queensland “Especially for Youth.”

  18. Wilcox, Journal, Apr. 11, 1999; McKenna, Oral History Interview [June 1, 2023], 9–10; Wilcox, Oral History Interview, 4, 26–27.

  19. McKenna, Oral History Interview [June 1, 2023], 9; Wilcox, Oral History Interview, 5–6; McKenna, Oral History Interview [June 29, 2023], 12–15; Wilcox, Journal, Apr. 11, 1999. Mga Paksa: Mga Organisasyon ng Young Men; Mga Organisasyon ng Young Women

  20. Toro, Oral History Interview, 2–4; Juliet Toro, “Pre-interview Questionnaire,” [circa Feb. 2023], 1, Juliet Toro, Oral History Interview, CHL; Juliet Toro to James Perry, Email, Nov. 6, 2023, Juliet Toro, Oral History Interview, CHL.

  21. Meli U. Lesuma, “Members in Fiji ‘Bask in Joy’ after Temple Announcement,” Church News, Dis. 26, 1998, 10; Alan Wakeley, “‘Warm Spirit’ Prevails in Fiji,” Church News, Mayo 22, 1999, 3; “Cares of the World ‘Melt Away’ in Temple,” Church News, Hunyo 24, 2000, 4; Deseret News 2001–2002 Church Almanac, 322–23; Balenagasau, Oral History Interview, 16; Gordon B. Hinckley, “New Temples to Provide ‘Crowning Blessings’ of the Gospel,” Ensign, Mayo 1998, 87–88. Mga Paksa: Fiji; Samoa; Tonga; Vanuatu; Kiribati

  22. Alan Wakeley, “‘Warm Spirit’ Prevails in Fiji,” Church News, Mayo 22, 1999, 3; Toro, Oral History Interview, 4; Jacob at Hansen, “Fiji Distance Learning Program,” 110–21; Jacob, “Fiji Distance Learning Program,” 67–74, 85, 113, 258; Wilkinson, Brigham Young University, 4:425; Board of Education, Church Board of Education Meeting Minutes, Feb. 23, 1994; Dec. 18, 1996; Apr. 23, 1997; Dec. 23, 1997. Mga Paksa: Mga Unibersidad ng Simbahan; Information Age

  23. Toro, Oral History Interview, 3–6; Juliet Toro, “Pre-interview Questionnaire,” [circa Feb. 2023], 1, Juliet Toro, Oral History Interview, CHL; Jacob, “Fiji Distance Learning Program,” 208, 278.

  24. Balenagasau, Oral History Interview, 3, 6, 9; Toro, Oral History Interview, 8; Jacob at Hansen, “Fiji Distance Learning Program,” 110, 114–15, 117.

  25. Jacob at Hansen, “Fiji Distance Learning Program,” 110–11, 118; Balenagasau, Oral History Interview, 4; Jacob, “Fiji Distance Learning Program,” 105–11, 133–38, 270–73; Toro, Oral History Interview, 8–9.

  26. Toro, Oral History Interview, 2; Balenagasau at Toro, Oral History Interview, 2; Juliet Toro, “Pre-interview Questionnaire,” [circa Feb. 2023], 1, Juliet Toro, Oral History Interview, CHL; Juliet Toro to James Perry, Email, Nov. 6, 2023, Juliet Toro, Oral History Interview, CHL.

  27. Temple and Family History Executive Council, Minutes, Apr. 15 and 29, 1998; May 13, 1998; June 3, 1998; Sept. 16, 1998; Family History Department, Executive Director’s Meeting Minutes, Apr. 28 and Sept. 15, 1998; Turley, Oral History Interview, [6], [15]; Mehr, “Dawning of the Digital Age,” 53.

  28. Nikki Miller to Marilyn Foster, Memorandum, May 29, 1998, Family History Department, Executive Director’s Meeting Minutes, CHL; Family History Department, Executive Director’s Meeting Minutes, Sept. 8, 1998; Mehr, “Dawning of the Digital Age,” 54; Turley, Oral History Interview, [6]; Temple and Family History Executive Council, Minutes, Sept. 9, 1998.

  29. Family History Web Site Launched,” Ensign, Ago. 1999, 74–75; R. Scott Lloyd, “Today We Are Taking a Historic Step,” Church News, Mayo 29, 1999, 3, 8–9; Turley, Oral History Interview, [6]–[7].

  30. Turley, Oral History Interview, [7]; Family History Department, Executive Director’s Meeting Minutes, May 11, 1999; “Family History Web Site Launched,” Ensign, Ago. 1999, 74–75; R. Scott Lloyd, “Today We Are Taking a Historic Step,” Church News, Mayo 29, 1999, 3, 8.

  31. R. Scott Lloyd, “Today We Are Taking a Historic Step,” Church News, Mayo 29, 1999, 3, 8; Turley, Oral History Interview, [7].

  32. “Summary of FamilySearch Internet Compliments,” May 13, 1999, 1, 3, Family History Department, Executive Director’s Meeting Minutes, CHL. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “THANK YOU” sa orihinal ay pinalitan ng pamantayang “Thank you,” at ang “making the available” ay pinalitan ng “making it available.”

  33. Turley, Oral History Interview, [7]; Richard E. Turley Jr., Panayam kay Katie Couric, Today, NBC, Mayo 25, 1999.

  34. Bob Mims, “LDS Web Site Undergoes Major Upgrades to Accommodate Millions of Family-History Buffs,” Salt Lake Tribune, Mayo 28, 1999, A1; Turley, Oral History Interview, [7]. Paksa: Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan