Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 23: Bawat Pagsisikap


Kabanata 23

Bawat Pagsisikap

mga kabataang babae na may dalang mga bandila

Noong Miyerkules, ika-6 ng Nobyembre 1985, ang general president ng Young Women na si Ardeth Kapp ay nakatanaw sa bintana ng tanggapan niya sa Lunsod ng Salt Lake. Isang watawat ang kalahati lamang ang taas sa poste ang wumawagayway upang parangalan si Pangulong Spencer W. Kimball na pumanaw noong nakaraang gabi. Dahil sa patuloy na pagbagsak ng kalusugan ng propeta, ilang taon siyang hindi masyadong nakikita sa publiko, kung kaya hindi nakakagulat ang pagpanaw niya. Ngunit lubos pa ring nalungkot si Ardeth sa nangyari.

Dumating ang balita habang siya at ang pangkalahatang lupon ng Young Women ay naghahanda para idaos ang kauna-unahang brodkast sa satellite ng Young Women. Naka-iskedyul ang brodkast para sa Linggong iyon, at nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na ipagpatuloy ito, sa kabila ng pagpanaw ng propeta.

Ilang buwan nang pinaplano ni Ardeth at kanyang lupon ang aktibidad na iyon. Upang matulungang ipakilala ang pitong bagong pinahahalagahan ng Young Women, pinakiusapan ni Ardeth si Janice Kapp Perry, pinsan ng kanyang asawa at prolipikong kompositor na Banal sa mga Huling Araw, na sumulat ng awit para sa brodkast. Humingi rin siya ng pahintulot na lumikha ng espesyal na isyu ng New Era, ang magasin ng Simbahan para sa mga kabataan, upang mas maiparating ang mga pinahahalagahan.

Matapos kalkulahin ang gagastusin para sa isyu—halos limampung sentimo kada kopya—lumapit siya kay Elder Russell M. Nelson, ang tagapayo ng kanyang panguluhan mula sa Korum ng Labindalawang Apostol, upang pahintulutan ang malaking gastusin. Batid na mayroon itong siyam na anak na babae, ipinaliwanag niya ang gastusin. “Elder Nelson,” tanong niya, “ang young woman po ba ay nagkakahalaga ng limampung sentimo?”

Ngumiti si Elder Nelson. “Ardeth, pilya ka,” sabi nito. Hindi nagtagal ay inaprubahan ng Priesthood Executive Council ang espesyal na isyu at isinalin ito sa labing-anim na wika.

Noong ika-10 ng Nobyembre, isang araw matapos ang libing ni Pangulong Kimball, maraming kabataang babae ang nagtungo sa Salt Lake Tabernacle. Ang pangkalahatang panguluhan ng Relief Society at Primary, maraming general authority, at mga nakaraang lider ng Young Women ay nakaupo sa entablado kasama ni Ardeth at mga miyembro ng kanyang lupon.

Isang koro na binubuo ng apatnaraang kabataang babae ang nagsimula ng meeting sa pag-awit ng “Bilang Mga Kabataang Sion,” isang kantang sadyang isinulat para sa bagong aklat ng himno ng Simbahan na inilimbag tatlong buwan na ang nakararaan. Pagkatapos ay si Elder Nelson ang unang nagbigay ng mensahe.

“Sikaping umasa kay Cristong Panginoon bilang pinakamahalaga sa inyong buhay,” hinimok niya ang mga kabataang babae. “Tibayan ninyo ang inyong ugnayan—ang katotohanan bilang mahalagang bahagi nito, nagsisikap na magturo at magpatotoo, naghahandang pagpalain ang iba ng mga bunga ng Espiritu.”

Nang matapos siya, lumapit sa pulpito si Ardeth upang ipakilala ang bagong sawikain ng Young Women, “Manindigan sa Katotohanan at Kabutihan,” batay sa pangako ng Panginoon sa Moises 7:62: “Kabutihan at katotohanan ay papapangyarihin kong umabot sa mundo gaya nang isang baha.”

“Nabubuhay tayo ngayon sa isang panahong hayagang ipinapakita ng kalaban ang kanyang kapangyarihan, at marami ang nalilinlang nito,” sinabi niya sa mga kabataang babae. “Kung pagmamasdan nila kayo, may makikita ba silang iba sa hitsura na makikita sa mundo na tutulong sa kanilang matukoy ang tamang daan, ang katotohanan, ang kanlungang hinahanap nila? Magagawa ba ninyong ipagtanggol at maging halimbawa ng pagkamatwid?”

Nagpatuloy ang brodkast sa isang video na pagtatanghal na nagpapakilala ng pitong pinahahalagahan. Pagkatapos, isang young woman mula sa Pilipinas ang tumayo at inulit ang mga pinahahalagahan, isa-isa, habang ibinabababa mula sa balkonahe ang makukulay na bandilang kumakatawan sa bawat alituntunin. Kasunod nito ay inilahad ng ikalawang tagapayo na si Maurine Turley ang bagong tema ng Young Women, at sabay-sabay na binigkas ito ng kongregasyon:

Kami ay mga anak na babae ng aming Ama sa Langit, na nagmamahal sa amin, at mahal namin Siya. Kami ay “tatayong mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” habang nagsisikap kaming maipamuhay ang mga pinahahalagahan ng Young Women.

Inawit ng koro ang kanta ni Janice Kapp Perry na “I Walk by Faith,” at nagbigay si Elder Gordon B. Hinckley ng pangwakas na mensahe. Pagkatapos noon, habang inaawit ng koro at ng kongregasyon ang himnong “Adhikain Ninyo’y Ituloy,” dalawandaang kabataang babae ang nagmartsa sa pasilyo bitbit ang mga bandila sa pitong kulay na kumakatawan sa mga bagong pinahahalagahan.

Tuwang-tuwa si Ardeth. “NAPAKAMALUWALHATI ng fireside ng Young Women!” isinulat niya sa kanyang journal. Isang bagong kabanata ang nagsimula na para sa mga kabataang babae ng Simbahan.


Kinabukasan ng umaga matapos ang brodkast ng Young Women, ang walumpu’t anim na taong gulang na si Pangulong Ezra Taft Benson ay nakatayo sa lectern sa loob ng Church Administration Building. Kamakailan lamang ay inorden siya ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang pangulo ng Simbahan, at dumating na ang oras upang i-anunsiyo ang balita sa mga mamamahayag. Ang mga tagapayo niyang sina Gordon B. Hinckley at Thomas S. Monson ay nakaupo sa likod niya. Pinuno ng mga mamamahayag at kamera ang silid.

Matapos malaman ang tungkol sa pagpanaw ni Pangulong Kimball, nanghina si Pangulong Benson—mas mahina pa sa nadarama niya kahit kailan pa man. Subalit ang impluwensya ng Espiritu ay nanahan nang malakas sa kanya. Sa libing ni Pangulong Kimball, pinarangalan niya ang namayapang propeta bilang tao na may lubos na kapakumbabaan, kaamuan, at pananampalataya. “Kilala niya ang Panginoon,” patotoo ni Pangulong Benson. “Alam niya kung paano makipag-usap sa Kanya at kung paano tumanggap ng mga tugon.”

Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Kimball, lumago ang Simbahan sa halos dalawang milyong miyembro, kung saan marami sa mga ito ay nasa Timog Amerika. Kabilang sa ilang daang stake na inorganisa noong kanyang panguluhan ay ang mga unang stake sa Bolivia, Colombia, Nicaragua, Paraguay, Puerto Rico, at Venezuela. Upang pangasiwaan ang paglagong ito, binuo at pinalawak niya ang Unang Korum ng Pitumpu, at itinaguyod ang pamumuno sa pamamagitan ng mga kapulungan sa area, rehiyon, at pamilya.

Binigyang-diin din ni Pangulong Kimball ang pangangailangan para sa mga templo, gawaing misyonero, at pag-aaral ng ebanghelyo. Noong kanyang panguluhan, dalawampu’t isang templo ang inilaan at ang bilang ng mga full-time na misyonero ay dumami mula labimpitong libo hanggang sa higit dalawampu’t siyam na libo. Noong 1979, naglathala ang Simbahan ng isang edisyon ng King James Version ng Biblia na may kasamang mga mapa, diksyunaryo ng Biblia, mga sipi mula sa inspiradong pagsasalin ng Biblia ni Joseph Smith, at ilang libong footnote at cross-reference sa mga banal na kasulatan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Makalipas ang dalawang taon, noong 1981, naglathala naman ang Simbahan ng magkakatulad na edisyon ng Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Kabilang sa Doktrina at mga Tipan ang dalawang bagong bahagi—ang 137 at 138—na nagtatampok ng mga paghahayag nina Joseph Smith at Joseph F. Smith tungkol sa pagtubos ng mga patay, at ang pagmiministro ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu. Inilathala rin ng edisyon ang makasaysayang pagpapabatid ng paghahayag na nagbibigay ng mga pagpapala ng priesthood at templo sa lahat ng mga karapat-dapat na Banal, anuman ang kanilang lahi.

Sa libing, itinuring ni Pangulong Benson ang paghahayag na ito bilang pinakamahalaga sa dispensasyon. “Ang paghahayag na iyon,” sinabi niya, “ay nagtulot na madakila ang mga milyun-milyong anak ng ating Ama.”

Ngayon, habang pinagninilayan ni Pangulong Benson ang hinaharap, nasasabik siyang dagdagan ang pamana ni Pangulong Kimball. Marami pa ring mga hamon, mga luma at bago, ang haharapin ng mga Banal. Sa loob ng maraming taon, kinamumuhian ng mga nasyonalistang pangkat sa Latin America ang Simbahan dahil nagpapadala ito ng mga misyonero at mga mission leader mula Estados Unidos patungong ibayong dagat, at ang pagtutol nila ay nagsisimulang ilagay sa panganib ang mga miyembro ng Simbahan sa rehiyon. Nag-aalala rin si Pangulong Benson tungkol sa mga tao ng gitna at silangang Europa, kung saan ang karamihan sa mga bansa ay hindi pa rin bukas sa Simbahan.

Samantala, sa Utah, isang miyembro ng Simbahan na nagngangalang Mark Hofmann ang kamakailan lamang ay sumailalim sa imbestigasyon matapos sumabog ang tatlong bomba sa Lunsod ng Salt Lake, kung saan dalawang tao ang namatay. Si Mark ay isang mangangalakal ng mga bibihirang dokumento na nakapagbenta na ng maraming bagay sa Simbahan. Ilan sa mga dokumentong ito ay naglalaman ng impormasyon na ginagawang kaduda-duda ang tradisyunal na salaysay ng kasaysayan ng Simbahan, kung kaya ilang tao ang nagdalawang-isip na sa pananampalataya nila. Bagama’t kinukuwestiyon ang pagiging totoo ng mga dokumento, napukaw ng pangyayari ang pansin ng buong mundo, at madalas na ipakita ng mga balita ang Simbahan sa hindi magandang paraan.

Habang nakatayo si Pangulong Benson sa harap ng mga mamamahayag, alam din niyang may mga tanong ang mga tao tungkol sa kanyang sariling panguluhan. Sa buong buhay niya, naging aktibo siya sa pamahalaan, at iniisip ng ilang tao kung paano maiimpluwensiyahan ng kanyang mga pananaw ang mga desisyon niya bilang pangulo ng Simbahan.

“Napuspos ang puso ko ng labis na pagmamahal at pagkahabag sa lahat ng miyembro ng Simbahan at anak ng ating Ama sa Langit sa lahat ng dako,” sinabi niya sa mga mamamahayag. “Mahal ko ang lahat ng anak ng Ama anuman ang kanilang kulay, paniniwala, at pulitikal na kinikilingan.”

Plano niyang pamunuan ang Simbahan sa paraang gaya ng ginawa ng mga nauna sa kanya. Ilang taon na ang nakararaan, inanunsyo ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang tatlong bahaging misyon para sa Simbahan: ipahayag ang ebanghelyo, gawing ganap ang mga Banal, at tubusin ang mga patay.

“Ipagpapatuloy namin ang bawat pagsisikap upang maisagawa ang misyong ito,” pahayag ni Pangulong Benson.


Noong unang bahagi ng 1986, ang labing-anim na taong gulang na si Manuel Navarro ay isang priest sa San Carlos Branch sa Nazca, isang maliit na lunsod sa timog Peru. Itinuring ang San Carlos Branch bilang “basic unit” ng Simbahan, isang pagtatalagang nilikha ng Simbahan noong huling bahagi ng dekada ng 1970 para sa mga branch kung saan bago ang Simbahan at may iilan pa lamang na mga miyembro. Sa ilan sa mga yunit na ito, kabilang ang San Carlos Branch, magkakasamang nagtitipon ang mga kabataan at adult sa pinagsamang mga klase at korum tuwing Linggo.

Nasisiyahan si Manuel na makipag-pulong sa mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa ikatlong oras ng simba. May mga dalawampung bata pang mayhawak ng Aaronic Priesthood sa branch, ngunit wala pa sa kalahati sa kanila ang palagiang dumadalo. Ang meeting kasama ng mga elder sa branch ay nagbigay kay Manuel ng pagkakataong matuto tungkol sa mga tungkulin ng Aaronic at Melchizedek Priesthood.

Dalawang taon nang miyembro ng Simbahan si Manuel. Bininyagan siya kasama ng kanyang mga magulang at mas nakababatang kapatid na babae. Ngayon ay branch president na ang kanyang ama, at ang katapatan nito sa Tagapagligtas ay pinalakas ang katapatan ni Manuel. “Kung kasapi ng Simbahan si Itay,” sinabi niya sa sarili, “ito ay dahil mabuti ang Simbahan.”

Sa kasalukuyan, ang 1986 ay nagiging mahalagang taon para sa Simbahan sa Timog Amerika. Noong Enero, inilaan ang mga templo sa Lima, Peru at Buenos Aires, Argentina—ang ikatlo at ikaapat na templo sa kontinente. Ang bahay ng Panginoon sa Lima ay naglilingkod hindi lamang kay Manuel at sa 119,000 mga Banal sa mga Huling Araw sa Peru kundi maging sa 100,000 mga Banal na nakatira sa Colombia, Ecuador, Bolivia, at Venezuela. Kasunod agad ng paglalaan, dalawang daang taga-Peru at dalawang daang taga-Bolivia ang tumanggap ng kanilang endowment.

Hindi nagtagal ay sinimulan ni Manuel ang kanyang ikalawang taon sa seminary, isang programa ng Simbahan na pinalalawak sa buong mundo nang higit isang dekada na. Noon, ang branch ni Manuel ay nagdaraos ng klase sa seminary sa gabi. Ngunit noong 1986, nagpatupad ang coordinator ng rehiyon para sa Church Educational System sa Peru ng araw-araw na pang-umagang klase ng seminary para sa karamihan ng 298 ward at branch ng bansa. Sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan sa Peru ang pagbabago. Nais nilang idaos ang mga klase ng seminary na malapit sa tahanan ng mga mag-aaral at kanilang mga lokal na boluntaryong guro.

Ang mga unang klase ng seminary na dinaluhan ni Manuel ay idinaos sa kanyang tahanan, ngunit kalaunan ay lumipat sila patungo sa inuupahang meetinghouse ng branch. Tuwing araw na may pasok, naglalakad si Manuel ng halos dalawang milya upang dumalo sa klase ng alas-sais ng umaga. Noong una, mahirap ang gumising nang maaga, ngunit kalaunan nasiyahan na siyang dumalo sa seminary kasama ang ibang kabataan. Kasama ang paghihikayat ng kanyang guro, nakaugalian niyang magdasal pagkagising niya sa umaga, kahit na nangangahulugan ito na kailangan niyang gumising nang mas maaga pa.

Sa seminary, tumanggap si Manuel ng isang set ng mga kard para sa “scripture mastery”. Nakalimbag sa mga kard na ito ang mahahalagang sipi ng banal na kasulatan na inaasahang matutuhan ng mga mag-aaral ng seminary sa buong mundo. Dahil pinag-aaralan ng klase ni Manuel ang Aklat ni Mormon noong taong iyon, ang unang sipi ng scripture mastery na natutuhan niya ay ang 1 Nephi 3:7: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon.”

Isa sa mga guro ng seminary, si Ana Granda, ay itinuro kay Manuel at sa mga kaklase niya ang tungkol sa kanilang walang-hanggang halaga at tadhana bilang mga anak ng Diyos. Habang nakikinig siya sa pagtuturo nito, nadama ni Manuel na mahalaga siya sa isang tao. Nagkaroon siya ng patotoo na tunay na nagmamalasakit ang Diyos sa Kanyang mga anak.

Natutuhan din niya kung paanong ang pagsunod sa mga kautusan ay nagprotekta sa kanya mula sa maraming problemang dinaranas ng mga kabataang kasing-edad niya. Bagama’t nakikipaglaro siya ng soccer sa mga kaibigang hindi Banal sa mga Huling Araw, natanto niyang ang mga pinakamatalik niyang kaibigan ay mga kabataan sa simbahan. Kapag Miyerkules, dumadalo sila sa “missionary nights,” kung saan naglalaro sila at nakikihalubilo sa mga misyonerong naglilingkod sa lugar.

Ang mga kaibigan ni Manuel ay nag-aaral kasama niya, sinusuportahan siya, at tinutulungan siyang manatili sa tamang landas. Kapag siya at ang pinsan niya ay dumadalo sa mga pagtitipon kapag Sabado ng gabi, hindi nag-aalok sa kanila ng alak ang mga kaibigan nilang hindi taga-Simbahan. Alam ng mga ito na sila ay mga Banal sa mga Huling Araw at iginagalang ang mga paniniwala nila.


Kalaunan noong taong iyon, ang labimpitong taong gulang na si Consuelo Wong Moreno ay dumalaw sa kanyang ate na si Carmen sa Cuernavaca, Mexico. Ang Cuernavaca ay humigit-kumulang 965 kilometro sa timog ng tahanan ni Consuelo sa lunsod ng Monterrey. Tuwing tag-init, silang makakapatid ay palaging ipinadadala roon ng kanilang ama.

Ang templo sa Lunsod ng Mexico ay malayo sa sinilangang bayan ni Consuelo, kaya nang malaman niya na ang mga abataan sa Cuernavaca ay magsasagawa ng pagbibinyag para sa mga patay, humingi siya kay Carmen ng pahintulot para gawin ito. Pagkatapos ay ininterbyu siya ng kanyang bishop. Hindi siya gaanong kilala nito at tila bantulot noong isinaad niya ang kanyang interes na isagawa ang paglalakbay.

“Tingnan po ninyo,” sabi ni Consuelo, habang kinukuha ang lumang resibo ng ikapu mula sa mga banal na kasulatan, “Nagbabayad po ako ng ikapu.”

Ngumiti ang bishop habang binubuklat niya ang piraso ng papel at inabot ito rito. Isinagawa nito ang natitirang bahagi ng interbyu at natuklasang karapat-dapat siyang dumalo sa templo.

“Huwag kang mag-alala, sister,” sabi nito. “Maaaring kang magsagawa ng mga pagbibinyag.”

Hindi nagtagal ay sumakay ng bus si Consuelo patungong Lunsod ng Mexico kasama ang iba pang kabataan at mga adult mula sa ward. Nang dumating siya, walang nakakatiyak kung nasaan ang templo, kaya nagsimula silang hanapin ito habang naglalakad. Maaliwalas ang sikat ng araw noon, at napukaw ng grupo ng kabataan ang atensyon ng mga dumaraan habang gumagala-gala sa sila mga lansangan.

Sa wakas, nahanap ng isa sa mga binatilyo ang taluktok ng templo. “Hayun ang Moroni!” sabi niya. Sinundan ni Consuelo at iba pang kabataan ang kanyang tingin, at hayon nga, naroroon ang taluktok na napakataas.

Hindi pa nakakakita ng bahay ng Panginoon si Consuelo sa personal noon, at namangha siya sa laki at sinaunang arkitektura nito na inspirado ng estilong Mesoamerica. Pumasok sila sa templo, at mabait silang binati ng mga naglilingkod sa templo at itinuro sa kanila kung saan pupunta at ano ang gagawin. Nadama ni Consuelo nang malakas ang Espiritu habang binibinyagan siya para sa mga patay. Isa sa kanila ay isang Katutubong babae, at nanatili ang pangalan nito sa isip ni Consuelo. Inisip niyang makikita ito sa kabilang buhay at malulugod sa gawaing ginawa niya para dito.

Nang makabalik si Consuelo sa Monterrey sa pagwawakas ng tag-init, nalaman niya ang tungkol sa paparating na pagdiriwang ng Young Women na tinatawag na The Rising Generation [Umuusbong na Salinlahi]. Matapos ipakilala ang pitong pinahahalagahan sa brodkast nito sa satellite, inanyahahan ng Young Women general president na si Ardeth Kapp ang mga kabataang babae sa lahat ng dako na sumulat ng personal na mensahe ng pag-asa at pananampalataya kay Jesucristo. Kasunod noon ay magtitipon sila sa kani-kanilang lugar, ikakabit ang bawat mensahe sa lobong nilagyan ng helium, at magkakasamang paliliparin ang mga ito sa langit.

“Malayo man ang mga kinalalagyan ninyo sa ibang kabataang babae ng Simbahan,” paliwanag ni Pangulong Kapp, “nais naming madama ninyo ang lakas ng inyong kapatiran at dami habang nagkakaisa kayo, na tapat sa mga katangian ng ebanghelyo.”

Nasasabik si Consuelo na ibahagi sa iba ang ebanghelyo, at nais niyang makilahok sa aktibidad kasama ang ibang kabataang babae mula sa buong mundo. Ngunit mula nang maghigpit ang Monterrey sa mga pampublikong aktibidad na pangrelihiyon, hindi makalahok sa pagdiriwang ang kanyang pangkat ng Young Women maliban na lamang kung makakakuha sila ng pahintulot mula sa pamahalaan.

Gayunpaman, kumuha ng isang pirasong papel si Consuelo at sumulat ng liham kay Pangulong Kapp sa wikang Espanyol. “Isa po akong labimpitong-taong gulang na Laurel,” isinulat niya. “Isang linggo na po mula nang nalaman ko ang tungkol sa pagdiriwang ng pananampalataya at pag-asa na ipagbubunyi ng Young Women sa buong mundo. Kaya, nakaramdam po ako ng labis na kagalakan, at nais kong makilahok.”

Sa liham, isinama niya ang mensaheng nais niyang ipahayag at hiniling kay Pangulong Kapp na isali siya sa aktibidad:

Hindi po ako nawawalan ng pag-asa. Nagkaroon ako ng pananampalataya, at habang nililinang ko ito, natuklasan ko ang pag-ibig sa kapwa-tao, oo, ang dalisay na pag-ibig ni Jesus, na ang sakdal na pagmamahal ay nag-aalis ng lahat ng takot. Pagkatapos ay natuklasan ko po ang kapayapaan. Natuklasan ko po na dinadala tayo ng kapayapaan sa pagkakaisa sa iba, iginagalang ang kanilang mga paniniwala at itinuturing sila bilang mga kapatid.

“Nais kong isipin kung gaano ko kagustong may makatanggap at makaunawa ng mensahe ko,” isinulat ni Consuelo kay Pangulong Kapp. “Sana balang-araw po, ang lahat ng kilala at minamahal ko ay madarama rin ang nadarama namin.”

Nang matapos siyang isulat ang liham, isinilid niya ito sa sobre at ipinadala ito sa koreo sa Lunsod ng Salt Lake.


Noong Agosto 1986, nakatayo si Pangulong Ezra Taft Benson sa ibaba ng Bundok Cumorah sa dakong labas ng bayan ng Palmyra, New York. Linggo ng umaga noon, at isang grupo ng halos walong libong tao ang nagpunta upang pakinggan siyang magsalita sa lugar kung saan tinanggap ni Joseph Smith ang mga laminang ginto mula sa anghel na si Moroni.

Noong nakaraang gabi ay dumalo sina Pangulong Benson at asawa niyang si Flora sa Hill Cumorah Pageant. Ang pageant—isang taunang pagtatanghal mula noong dekada ng 1930—ay nagtatagal nang isang linggo tuwing tag-init at umaakit ng ilang libong bisita. Itinatanghal sa mismong burol, kasama sa produksyon ang magagarbong entablado at malaking bilang ng mga boluntaryo na isinasadula ang kasaysayan ng Aklat ni Mormon, na humahantong sa dramatikong pagpapakita ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita.

Ngayon, habang nagbibigay ng mensahe si Pangulong Benson sa malaking pulutong ng tao sa harap niya, itinuon niya ang kanyang mga mensahe sa banal na kasulatang ipinagdiriwang sa pageant.

“Ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon,” sabi niya sa mga tao. Noong binata pa siya, maraming miyembro ng Simbahan ang hindi palagiang nag-aaral o nagsisipi mula sa Aklat ni Mormon. Mas mainam na ang pagtatanghal ng mga Banal noong mga nakaraang taon, ngunit naniniwala siyang mas mapapaganda pa nila ito.

“Hindi natin ginagamit ang Aklat ni Mormon na tulad ng nararapat,” sabi niya. “Ang ating mga tahanan ay hindi gayon kalakas maliban na lamang kung ginagamit natin ito para ilapit ang ating mga anak kay Cristo.”

Sa loob ng ilang dekada, nagsusumamo si Pangulong Benson sa mga Banal na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Habang naglilingkod sa England bilang isang binatang misyonero noong dekada ng 1920, nagkaroon siya ng pagmamahal para sa aklat. Isang beses, noong siya at ang kanyang mga kompanyon sa misyon ay inanyayahang magsalita sa isang grupo ng mga kritiko, dumating nang handa si Elder Benson upang mangaral tungkol sa Apostasiya. Subalit nang tumayo siya upang magsalita, nagkaroon siya ng pahiwatig na isantabi ang naihanda niyang mensahe at sa halip ay magsalita lamang tungkol sa Aklat ni Mormon.

Taimtim na naniniwala si Pangulong Benson na kayang akayin ng Aklat ni Mormon ang mga tao na sundin si Cristo. Noong mga nakaraang dekada, nagsalita ang mga lider ng Simbahan nang higit pa tungkol sa Tagapagligtas kaysa dati. Noong 1982, idinagdag ng Simbahan ang pangalawang pamagat na “Isa pang Tipan kay Jesucristo” sa Aklat ni Mormon. Ang idinagdag na bahagy ay nagbigay-diin sa Tagapagligtas maging sa kahalagahan ng aklat na tulad ng Luma at Bagong Tipan. Naniniwala ang mga lider ng Simbahan na ang bagong pangalawang pamagat ay magtataglay ng malakas na patotoo tungkol sa Tagapagligtas at tutulong na pigilan ang mga maling haka-haka na hindi Kristiyano ang mga Banal sa mga Huling Araw.

Habang naglalakbay siya bilang pangulo ng Simbahan at nakikipagkita sa mga Banal, madalas magpatotoo si Pangulong Benson tungkol kay Jesucristo at sa Aklat ni Mormon bilang espesyal na saksi ng Kanyang kabanalan. At sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang pangulo ng Simbahan, inudyukan niya ang mga Banal na basahin ito araw-araw.

“Ang Aklat ni Mormon ay hindi naging, ni hindi pa nagiging, sentro ng ating personal na pag-aaral, pagtuturo sa pamilya, pangangaral, at gawaing misyonero,” itinuro niya. “Kailangan natin itong pagsisihan.”

Makalipas ang anim na buwan, noong ika-4 ng Oktubre 1986, muli siyang nagsalita sa pangkalahatang kumperensya tungkol kay Jesucristo at sa Aklat ni Mormon. “Ang Aklat ni Mormon ay ang saligang bato sa ating patotoo kay Jesucristo, na Siya Mismong batong panulok ng lahat ng ginagawa natin,” patotoo ni Pangulong Benson.

“May kapangyarihan sa aklat na iyon na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat,” pangako niya. “Magkakaroon kayo ng karagdagang lakas para labanan ang tukso. Magkakaroon kayo ng kapangyarihang iwasan ang panlilinlang. Magkakaroon kayo ng lakas na manatili sa makipot at makitid na landas.”


Noong ika-11 ng Oktubre 1986, nakibahagi ang kabataang babae sa kabuuan ng Simbahan sa pagdiriwang ng Rising Generation [Umuusbong na Salinlahi]. Pinangunahan ni Pangulong Kapp ang aktibidad mula sa Ricks College, ang paaralan ng Simbahan sa Rexburg, Idaho. Habang malakas ang pag-ihip ng malamig na hangin sa paaralan, nagsalita si Pangulong Kapp sa mga kabataang babae sa isang bulwagan bago lumabas ang lahat para magpalipad ng mga lobo na may taglay na mensahe ng pag-asa, pagmamahal, at kapayapaan. Sa ibang bahagi ng mundo, nakikinig ang mga kabataang babae sa isang rekord ng parehong mensahe bago sila mismo ay nagpalipad ng mga lobo sa langit.

“Isa kayong henerasyong kilala ng inyong Ama sa Langit,” ipinahayag ni Pangulong Kapp. “Ngayon, kayo ay tinatawag upang humarap, gamitin ang inyong impluwensiya, at maging malakas na puwersa para sa kabutihan.”

Halos 2,253 kilometro ang layo, sa Monterrey, Mexico, pinigilan ng pagbabawal sa aktibidad na pangrelihiyon sina Consuelo Wong Moreno na magpalipad ng lobo noong ika-11 ng Oktubre. Ngunit makalipas ang sandaling panahon, nagulat siyang makatanggap ng personal na liham mula kay Pangulong Kapp. Nasa wikang Ingles ang sulat, kung kaya ginawa ni Consuelo ang lahat upang kanyang maunawaan ang kahulugan nito. Nang umuwi ang kanyang ate na si Aida, tumulong itong magsalin.

“Minamahal kong Consuelo,” isinulat ni Pangulong Kapp, “Natanggap ko ang iyong magandang liham na nagsasaad ng iyong pag-asam na makalahok sa ‘pagdiriwang ng pananampalataya at pag-asa na isasagawa ng Young Women.’ Nais kong malaman mo na ang iyong mensahe ay ipinalipad na ng lobo na ginawa ng isang kabataang babae rito.”

Sinabi ni Pangulong Kapp na binanggit nito ang liham niya noong nagsasalita sa mga kabataang babae sa Ricks College. Nakadama si Consuelo ng karangalan na ibinahagi ni Pangulong Kapp ang kanyang mga salita sa napakaraming tao. Nadama niyang mas malakas siya dahil batid niyang sabik din gaya niya ang mga kabataang babae sa buong mundo na ibahagi ang ebanghelyo.

Makalipas ang ilang linggo, tumanggap ang mga kabataang babae ng Monterrey ng pahintulot mula sa lokal na pamahalaan na magdaos ng sarili nilang pagdiriwang ng Rising Generation [Umuusbong na Salinlahi]. Sumama sina Consuelo at Aida sa isang daang kabataang babae at mga lider mula sa iba-ibang stake na magtipon sa isang liwasang-bayan sa gitna ng lunsod. Dumating sila bago ang bukang-liwayway, dahan-dahang nagliliwanag ang langit habang nagtitipon sila bilang mga grupo at tumulong na magpahangin ng mga puting lobo. Ikinabit ni Consuelo ang kanyang sulat-kamay na patotoo sa kanyang lobo gamit ang laso at pinalipad ito sa langit kasabay ng iba.

Habang pinapanood niyang lumipad ang kanyang lobo, umasa siyang sana ay bumaba ito sa ligtas na lugar upang may makakita at makabasa ng mensahe niya.

Hindi nagtagal, natapos ni Consuelo ang mga mithiin ng kanyang Pansariling Pag-unlad. Siya at iba pang kabataang babae sa kanyang ward ay sinimulang pag-aralan ang mga bagong pinahahalagahan at mga kulay na nauugnay sa mga ito. Tuwing Linggo, binibigkas ng kanyang klase sa Laurel ang bagong tema ng kabataang babae. Ipinapaalala nito sa kanila na sila ay mga anak na babae ng Diyos na may banal na tadhana. Nagpapasalamat si Consuelo na malaman na may plano ang Diyos para sa kanya at pinangangalagaan ang kanyang kapakanan.

Noong Enero 1987, tumanggap si Consuelo ng pagkilala sa pagkumpleto ng Pansariling Pag-unlad sa New Beginnings [Bagong Simula], isang taunang aktibidad para sa kabataang babae at mga pamilya nila na idinaraos sa mga ward at branch sa buong Simbahan. Ang New Beginnings ay isang pagkakataon upang malugod na tanggapin ang mga batang babae sa programa, ipinagdiriwang ang mga tagumpay ng kabataang babae, at hinihikayat ang kanilang mga pagsisikap. Sa ward ni Consuelo, inanyayahan ng pangulo ng Young Women ang mga magulang na tulungan ang kanilang mga anak na babae na kumpletuhin ang mga mithiin sa Pansariling Pag-unlad ng kanilang mga anak na babae. Kasunod nito, maraming kabataang babae, bawat isa ay nakabihis sa isa mga bagong kulay ng kabataang babae, ang nagsalita tungkol sa mga pinahahalagahan. Pagkatapos ay nagbigay ng medalyon ang bishop kay Consuelo at sa ibang kabataang babae na nakatapos ng kanilang paglalakbay sa Pansariling Pag-unlad.

Ipinagmamalaki ni Consuelo ang kanyang sarili sa pagtatapos ng programa, at suot niya ang kanyang medalyon na parang may bitbit siyang tropeo. Tuwing mapupukaw nito ang pansin ng mga taong hindi miyembro ng Simbahan, ipinapaliwanag niya kung ano ang kinakatawan nito at kung paano niya ito nakamit.

  1. Kapp, Journal, Nov. 6, 1985; Kimball, Lengthen Your Stride, kabanta 38.

  2. Kapp, Journal, Feb. 20 and Nov. 6, 1985; Kapp at Rasmus, Oral History Interview, 67–68, 76–77; New Era, Young Women Special Issue, Nov. 1985, ang kopya ay nasa CHL. Paksa: Mga Peryodiko ng Simbahan

  3. Kapp at Rasmus, Oral History Interview, 77; Russell M. Nelson to Daniel Ludlow, June 25, 1985, Young Women Files, CHL; Kapp, Journal, June 6, 1985; Priesthood Executive Council, Minutes, June 12, 1985; Young Women, General Board Minutes, Aug. 21 and Oct. 9, 1985.

  4. Young Women General Fireside, [1], sa Kapp, Journal, Nov. 1985; “Pres. Kimball Dies at 90 after Many Years of Love and Service,” Church News, Nob. 10, 1985, 3; “First Young Women’s Fireside,” [00:00:36]–[00:01:05], [00:02:04]–[00:02:45]; Gerry Avant, “Young Women Are Challenged: ‘Stand for Truth, Righteousness,’” Church News, Nob. 17, 1985, 10.

  5. “First Young Women’s Fireside,” [00:03:11]–[00:06:35], [00:09:01]–[00:19:35]; Gerry Avant, “Young Women Are Challenged: ‘Stand for Truth, Righteousness,’” Church News, Nob. 17, 1985, 10, 12; Gerry Avant, “New Hymnbook Rolls Off Presses,” Church News, Ago. 11, 1985, 3; Davidson, Our Latter-day Hymns, 261. Paksa: Mga Himno

  6. Russell M. Nelson, “Daughters of Zion,” Nov. 10, 1985, 3–4, Russell M. Nelson Addresses, CHL; “First Young Women’s Fireside,” [00:15:21]–[00:15:23], [00:18:45]–[00:19:00].

  7. “First Young Women’s Fireside,” [00:19:35]–[00:36:19]; Kapp at Rasmus, Oral History Interview, 175, 180; Francis Gibbons to J. Thomas Fyans, Memorandum, Oct. 4, 1985, First Presidency, Committees, Departments, and Organizations Correspondence, CHL.

  8. “First Young Women’s Fireside,” [00:22:10]–[00:23:12]; Gerry Avant, “Young Women Are Challenged: ‘Stand for Truth, Righteousness,’” Church News, Nob. 17, 1985, 12.

  9. Gerry Avant, “Young Women Are Challenged: ‘Stand for Truth, Righteousness,’” Church News, Nob. 17, 1985, 10, 12; “First Young Women’s Fireside,” [00:36:19]–[01:29:26]; Mosias 18:9; “Adhikain Ninyo’y Ituloy,” Mga Himno, blg. 157.

  10. Kapp, Journal, Nov. 10, 1985, nasa orihinal ang pagbibigay-diin; Kapp at Rasmus, Oral History Interview, 180. Paksa: Mga Organisasyon ng Young Women

  11. Hinckley, Journal, Nov. 10–11, 1985; O. Wallace Kasteler, “Pres. Ezra Taft Benson Outlines Changes in the Church Leadership,” Photograph, sa Deseret News, Nov. 11, 1985, A5; Hunter, Journal, Nov. 10, 1985.

  12. Benson, Journal, Nov. 5–6, 1985; Ezra Taft Benson, “Spencer W. Kimball: A Star of the First Magnitude,” Ensign, Dis. 1985, 33–34.

  13. Ezra Taft Benson, “Spencer W. Kimball: A Star of the First Magnitude,” Ensign, Dis. 1985, 34; “Pres. Kimball Dies at 90 after Many Years of Love and Service,” Church News, Nob. 10, 1985, 3, 7; Tullis, “Some Observations from Latin America,” 65; Missionary Department, Annual Reports, 1985, 6; Deseret News 1997–98 Church Almanac, 290–91, 312–15, 319–20, 336–37, 366–67, 370–72, 380–81, 403–4; Spencer W. Kimball, Address, Seminar for Regional Representatives, Oct. 5, 1979, 1; Ezra Taft Benson, Address, Regional Representative Seminar, Apr. 2, 1982, 1, Quorum of the Twelve Apostles, Regional Representatives Seminar Addresses, CHL. Mga Paksa: Paglago ng Simbahan ng Simbahan; Mga Pagsasaayos sa Organisasyon ng Priesthood; Mga Korum ng Pitumpu.; Bolivia; Colombia; Nicaragua; Paraguay; Puerto Rico; Venezuela

  14. Ezra Taft Benson, “Spencer W. Kimball: A Star of the First Magnitude,” Ensign, Dis. 1985, 34; “Pres. Kimball Dies at 90 after Many Years of Love and Service,” Church News, Nob. 10, 1985, 3; Kimball, “Events and Changes,” 524, 526; Missionary Department, Annual Reports, 1985, 7; Monson, Journal, Aug. 29, 1979; Lavina Fielding Anderson, “Church Publishes First LDS Edition of the Bible,” Ensign, Okt. 1979, 9–17; Kimball, Lengthen Your Stride, 101–3; Turley at Slaughter, How We Got the Doctrine and Covenants, 111–14. Mga Paksa: Spencer W. Kimball; Restriksyon sa Priesthood at sa Templo; Doktrina at mga Tipan; Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia

  15. Hunter, Journal, Sept. 1, 1982; Hinckley, Journal, Nov. 28, 1983; Charles Didier, Angel Abrea, and Hartman Rector Jr. to M. Russell Ballard, Mar. 2, 1989, Missionary Executive Council, Meeting Materials, CHL; Grover, “Mormons in Latin America,” 523–24; Dew, Insights from a Prophet’s Life, 174; Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe, 155–70; Van Orden, Building Zion, 247, 267–307.

  16. Turley, Victims, kabanata 2–8; “Document Deals and Murder: A Hofmann Chronology,” Salt Lake Tribune, Ago. 1, 1987, A6; Haws, Mormon Image in the American Mind, 141–45; Ian Ball, “Mormon Row behind Salt Lake Bombings,” Daily Telegraph (London), Okt. 19, 1985, 7; Hinckley, Journal, Oct. 18 and 21, 1985. Paksa: Ang Mga Pamemeke ni Hofmann

  17. Vern Anderson, “Weight of Office Has Tempered Benson Views,” Daily Herald (Provo, UT), Nob. 10, 1985, 70; Haws, “LDS Church Presidency Years, 1985–1994,” 208–9; Spencer W. Kimball, “A Report of My Stewardship,” Ensign, Mayo 1981, 5. Mga Paksa: Ezra Taft Benson; Pagiging Walang Kinikilingan sa Pulitika

  18. Navarro, Oral History Interview [Apr. 2023], 7–11, 24, 56; Navarro, Oral History Interview [2015], 1; Nazca Peru District, Annual Historical Reports, 1985; Basic Unit Program, 1–9; Spencer W. Kimball, “Ministering to the Needs of Members,” Ensign, Nob. 1980, 46; Livingstone, “Establishing the Church Simply,” 127–28, 133–43.

  19. Navarro, Oral History Interview [Apr. 2023], 2–7, 10–11, 13, 21, 25; Nazca Peru District, Annual Historical Reports, 1985.

  20. John L. Hart, “Prophecy Fulfilled for Peru Members,” at John L. Hart, “Long Wait Over for Argentine LDS,” Church News, Ene. 26, 1986, 3, 7; Lima Peru Temple, Annual Historical Reports, 1987; Deseret News 1987 Church Almanac, 276, 283, 311; Gordon B. Hinckley, sa Lima Peru Temple, Dedication Services, 28; Navarro, Oral History Interview [Apr. 2023], 19–20, 44–46. Mga Paksa: Peru; Argentina; Ecuador

  21. Navarro, Oral History Interview [Apr. 2023], 11–12, 33–34, 53–55; Seek Learning Even by Study and by Faith, 1; Griffiths, “Globalization of Latter-day Saint Education,” 208–48; By Study and Also by Faith, 234, 241–45, 250–56, 263–67; Annual Historical Report, Peru, 1985, Church Educational System, Area Historical Reports, CHL.

  22. Navarro, Oral History Interview [Apr. 2023], 11–12, 24–25, 33–34, 37–39; Carla Brimhall, “Films Urge Youths—Stay ‘Free to Choose,’” Church News, Set. 7, 1986, 8; “1 Nefi 3:7,” Dominio de las escrituras; Administrative Council Meeting, Minutes, Jan. 16, 1985, Church Educational System, Executive Planning Minutes, CHL. Paksa: Mga Seminary at Institute

  23. Moreno, Oral History Interview, [7]; Moreno, Interview, [1]–[2], [9]. Paksa: Mexico

  24. Moreno, Interview, [2]; Young Women General Presidency to “Young Woman and Your Parents,” July 21, 1986, Young Women Files, CHL; “300,000 Young Women Send Balloon Messages of Hope Worldwide,” Ensign, Nob. 1986, 102; Gerry Avant, “Balloons Bear Messages of Love, Hope and Peace,” Church News, Okt. 19, 1986, 8–10; tingnan din sa Rising Generation, 1–22.

  25. Moreno, Oral History Interview, [15], [18]; Moreno, Interview, [2], [7], [9].

  26. Moreno, Oral History Interview, [15], [18]; Moreno, Interview, [2]–[3]; Consuelo Moreno to Ardeth Kapp, Sept. 10, 1986, Maria del Consuelo Wong Moreno Papers, CHL; Gerry Avant, “Messages Sent by ‘Rising Generation,’” Church News, Okt. 19, 1986, 10.

  27. Benson, Journal, Aug. 2–3, 1986; Gerry Avant, “Prophet Retraces Paths of Church History,” Church News, Ago. 10, 1986, 7–8; Argetsinger, “Hill Cumorah Pageant,” 58–69; “Hill Cumorah Pageant,” Springville (NY) Journal, Ago. 14, 1986, 14.

  28. Ezra Taft Benson, “The Book of Mormon Is the Word of God,” Aug. 3, 1986, 1, 3, Ezra Taft Benson Addresses, CHL; Gerry Avant, “Prophet Retraces Paths of Church History,” Church News, Ago. 10, 1986, 7–8; Mason, “Ezra Taft Benson,” 66–67; Reynolds, “Coming Forth of the Book of Mormon,” 9–30.

  29. Benson, Journal, Sept. 30, 1921; Nov. 18 and 20, 1921; Oct. 25, 1922; Dew, Ezra Taft Benson, 49, 55; Reynolds, “Coming Forth of the Book of Mormon,” 30–31.

  30. Hunter, Journal, Mar. 6, 1986; Dew, Ezra Taft Benson, 492; Shepherd at Shepherd, Kingdom Transformed, 76, 78, 101; Bowman, Mormon People, 231–32; Carmack, “Images of Christ in Latter-day Saint Visual Culture,” 66.

  31. Missionary Executive Council, Minutes, Sept. 1 and Oct. 6, 1982; John L. Hart, “Subtitle Testifies of Jesus Christ,” Church News, Okt. 16, 1982, 3; Shipps, Sojourner, 102–4, 353–54; Haws, Mormon Image in the American Mind, 99–102, 108–25; Turner, Mormon Jesus, 44–46.

  32. Dew, Ezra Taft Benson, 492–96; Reynolds, “Coming Forth of the Book of Mormon,” 31. Nagbigay ng mensahe si Pangulong Benson na tinawag na “The Book of Mormon Is the Word of God” sa hindi bababa sa sampung pampublikong lugar noong unang taon niya bilang pangulo ng Simbahan. (Benson, Addresses, Jan. 5 and 26, 1986; Feb. 16, 1986; Mar. 2, 1986; Apr. 4, 1986; May 11 and 25, 1986; Aug. 3, 1986; Oct. 12, 1986; Nov. 2, 1986.)

  33. Ezra Taft Benson, “Cleansing the Inner Vessel,” Ensign, Mayo 1986, 5–6.

  34. Ezra Taft Benson, “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 4–7; tingnan din sa Woodruff, Journal, Nov. 28, 1841. Paksa: Ezra Taft Benson

  35. Kapp, Journal, Oct. 17, 1986; Gerry Avant, “Balloons Bear Messages of Love, Hope and Peace,” Church News, Okt. 19, 1986, 8.

  36. Moreno, Interview, [2]–[4], [7], [9]; Ardeth Kapp to Consuelo Moreno, Oct. 14, 1986, Maria del Consuelo Wong Moreno Papers, CHL.

  37. Ardeth Kapp to Consuelo Moreno, Oct. 14, 1986, Maria del Consuelo Wong Moreno Papers, CHL; Moreno, Interview, [4], [6].

  38. Moreno, Interview, [2]–[5], [7], [9]; Moreno, Oral History Interview, [15]–[16], [19]–[20]; Young Women Values, 6; Los valores de las mujeres jovenes, 6.

  39. Moreno, Interview, [4]–[5]; “Young Womenkabataang babae: New Beginnings,” 1. Paksa: Mga Organisasyon ng Young Women