Kabanata 32
Ang Ating Lakas ay ang Ating Pananampalataya
Noong ika-1 ng Oktubre 2000, si Pangulong Hinckley—na ngayon ay siyamnapung taong gulang na—ay inilaan ang Boston Massachusetts Temple sa silangang Estados Unidos, tinutupad ang kanyang mithiing magkaroon ng isang daang umiiral na templo sa pagtatapos ng taon. Makalipas ang dalawang buwan, habang naghahanda ang mga Kristiyano sa buong mundo na ipagdiwang ang pagsilang ng Tagapagligtas at ang simula ng bagong milenyo, naglaan siya ng dalawa pang templo sa Recife at Porto Alegre, Brazil. May karagdagang labingsiyam na templo ang itinatayo na o nasa yugto pa lang ng pagpaplano. Isa itong angkop na pagtatapos sa taon kung saan inilaan ang mas maraming templo kung ihahambing sa kahit anong yugto ng kasaysayan ng Simbahan.
Sa buong buhay niya, nasaksikan ni Pangulong Hinckley na lumago ang Simbahan mula sa isang institusyon na may apat na daang libong miyembro, na karamihan ay naninirahan sa Utah, hanggang sa magkaroon ito ng labing-isang milyong miyembro sa 148 bansa. Noong 1910, ang taon na ipinanganak ang propeta, mayroon lamang apat na templo ang Simbahan, at sa wikang Ingles lamang matatanggap ang endowment. Ngayon ay matatagpuan na ang mga templo ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo, at matatanggap ang endowment sa maraming wika. Ang inspiradong pagbabago sa disenyo ng templo ay nakatulong para maging posible ito.
Subalit hindi lamang mga templo ang mga gusaling iniisip ni Pangulong Hinckley. Sa loob ng ilang panahon, ipinahayag niya ang pag-aalala na hindi sapat ang laki ng Salt Lake Tabernacle upang tanggapin ang lahat ng nais na dumalo nang personal sa pangkalahatang kumperensya. Kaya inutos niya ang pagtatayo ng isang bagong bulwagan ng pagtitipon na tatlong beses ang laki sa kapasidad ng Tabernacle. Ang Conference Center, na itinayo sa isang block sa hilaga ng Temple Square at inilaan noong Oktubre 2000, ay isang kahanga-hangang likha ng engineering, at ikinatuwa ito ng propeta.
Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Hinckley, patuloy ring niyayakap ng Simbahan ang bagong teknolohiya. Hindi nagtagal nang maging pangulo ng Simbahan, inaprubahan niya ang paglikha ng website kung saan mahahanap ang mga banal na kasulatan, ang patotoo ni Joseph Smith, at mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Sa pagtatapos ng taong 2000, kabilang sa www.lds.org ang mga digital na kopya ng mga banal na kasulatan, tatlumpung taong edisyon ng mga magasin ng Simbahan, “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” at “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.”
Malaki man ang potensyal na nakita ni Pangulong Hinckley sa internet bilang kasangkapan sa kabutihan, may nakita rin siyang kasamaan dito. Isang seryosong alalahanin ang pornograpiya. “Huwag na itong pansinin pa!” pagsusumamo niya. “Iwasan ito na parang salot dahil ganoon ito kasama.” Kinondena rin niya ang pisikal at sekswal na pang-aabuso at hinikayat ang mga lider ng Simbahan na tumulong sa pagtiyak na haharap sa katarungan ang mga maysala.
Nag-aalala pa rin ang propeta tungkol sa bilang ng mga Banal na hindi na aktibo sa Simbahan. Sa ilalim ng kanyang gabay, inilagay ng mga misyonero ang dagdag na pagbibigay-diin sa pagbabalik-loob bago ang binyag, at magkakasamang nagpupulong ang mga lider ng mission at stake sa mga bagong coordinating council upang talakayin kung paano mas mainam na mag-minister sa mga bagong miyembro. Bagama’t inaalala ni Pangulong Hinckley na hindi tumataas ang bilang ng mga dumadalo sa sacrament meeting, pinalalakas ang loob niya ng mga pagsisikap ng mga Banal sa buong mundo na panatilihing aktibo ang mga bagong binyag.
Sa pagsisimula ng bagong milenyo, inilagay niya ang pag-asa sa bagong salinlahi. Dumarami sila na mga naglilingkod sa mga misyon at ikinakasal sa bahay ng Panginoon. Napansin din niya na mas edukado sila kaysa sa mga naunang henerasyon.
Bilang pangulo ng Simbahan, inaasam niya na makahanap ng mga paraan na makatutulong sa mga bata pang Banal na makamit ang edukasyon at pagsasanay sa trabahong kailangan nila. Noong unang bahagi ng taong iyon, sa isang pulong ng Church Board of Education, nadama niyang sinasabi sa kanya ng Espiritu na ang Ricks College, isang institusyong may mga programang pang-dalawang taon, ay dapat maging unibersidad na nagtuturo ng mga kursong pang-apat na taon na tatawaging BYU–Idaho. Ang gayong pagbabago ay magbibigay sa mas maraming bata pang mga Banal sa mga Huling Araw ng mga pagkakataong mag-aral sa isang unibersidad ng Simbahan.
Kinabukasan, inilahad ni Pangulong Hinckley ang ideya sa mga apostol at buong pagkakaisa nilang sinang-ayunan ito. Pagkatapos ay nakipag-usap siya kay David A. Bednar, ang pangulo ng Ricks College, at nagpasya silang ang bagong unibersidad ay dapat magtuon sa pagtuturo at paggamit ng mga klaseng online upang palawigin ang bilang ng mga mag-aaral na nakatala sa paaralan.
Hindi na nag-aksaya ng panahon ang propeta sa paghahayag ng pagbabago. “Iyon ay magiging isang dakilang institusyon,” ipinahayag niya.
Kailan lamang, pinag-isipan din niya nang matagal ang tungkol sa mga kabataang babae at lalaki sa mga umuunlad na bansa, lalo na ang mga returned missionary. Dahil dumaranas ng kahirapan at kakulangan sa edukasyon at makukuhang trabaho, kung minsan ay pinanghihinaan sila ng loob at lumalayo sa Simbahan. Sa kanyang panghihikayat, nagsimula ang Presiding Bishopric na bumuo ng bagong programa upang magbigay ng maliliit na pautang sa mga Banal sa buong mundo upang tulungan silang makabayad sa trade school o unibersidad. Itinutulad ito sa Perpetual Emigrating Fund, ang programa ng Simbahan na tumulong sa ilang libong Europeong Banal na magtipon sa Utah noong siglo ng 1800, balak ni Pangulong Hinckley na tawagin itong Perpetual Education Fund.
“Nadarama kong ang programang ito ay inspirado at maaaring pagpalain ang buhay ng kabataang lalaki at kabataang babae,” isinulat niya. “Mapapabuti ng kanilang pananaw at mapupukaw ang kanilang mga pangarap.”
Noong Nobyembre, nagdaos si Pangulong Hinckley ng espesyal na brodkast ng devotional para sa kabataan ng Simbahan. Upang tulungan silang maging mas mahusay na disipulo ni Jesucristo, inanyayahan niya silang pag-aralan at isabuhay ang anim na M:
Makalipas lamang ang isang buwan, habang patapos na ang taon, pinagnilayan niya ang kanyang buhay at ang kabaitan ng Diyos. Bagama’t pagod na ang katawan ng propeta, ang kanyang espiritu ay puspos ng kapayapaan at kasiyahan. “Ang nadarama ko ay lubos na pasasalamat sa aking Ama sa Langit at Kanyang Minamahal na Anak,” itinala niya sa kanyang journal noong ika-31 ng Disyembre 2000. “Maingat na naming pinag-iisipan ngayon ang bagong taon.”
Makalipas ang dalawang buwan, noong ika-26 ng Pebrero 2001, naupo sina Darius Gray at Marie Taylor sa isang siksikang bulwagan sa Family History Library sa Lunsod ng Salt Lake. Sa harap ng silid, nagsasalita si apostol Henry B. Eyring sa higit isang daang mamamahayag at mga espesyal na panauhin ukol sa proyekto ng Freedman’s Bank.
Makalipas ang labing-isang taon ng pagsisikap, natapos nina Darius, Marie, at mahigit 550 boluntaryo ng Utah State Prison ang pagkuha ng impormasyon tungkol sa lahat ng 484,083 pangalang African American na nakapangalan sa mga tala. Kailan lamang, sinimulang magbigay ng Simbahan ng teknikal at pinansyal na suporta sa proyekto, at ngayon, ang impormasyon ay mahahanap at makukuha ng mga mananaliksik sa mga CD-ROM at sa alinman sa mga family center ng Simbahan.
“Sa mga African American, kinakatawan ng mga tala ng Freedman’s Bank ang pinakamalaking imbakan ng mga dokumentong may kinalaman sa lipi na napreserba,” ang sabi ni Elder Eyring. “Sa nalalapit na hinaharap, inaasam din natin na ibigay ang database nang walang bayad sa genealogical website ng Simbahan, ang FamilySearch.org.”
Sa mga araw na papalapit sa pahayag, nakipagpulong si Darius sa mga lider ng Family History Department upang planuhin ang paglulunsad ng database. “Gagawin talaga namin ito,” naisip niya. “Mangyayari na ito.”
Palaging hindi tiyak ang kahihinatnan ng proyekto. Noong simula, ang pagkuha ng mga pangalan para sa gawain sa templo ang motibasyon sa proyekto. Subalit pagsapit ng gitna ng dekada ng 1990, nagsimula ang Simbahan na masigasig na pigilan ang mga tao na magpasa sa templo ng mga pangalan ng mga hindi kaanak. Ang pagbabago ay isang mahalaga at kinakailangang paraan upang igalang ang mga pamilya ng mga pumanaw, subalit naging dahilan ito para mapahinto ang proyekto. Dahil dito, inilipat nina Darius at Marie ang kanilang tuon sa paglikha ng kasangkapan sa pananaliksik upang tulungan ang mga African American na hanapin ang kanilang mga ninuno.
Natapos ang mga preso sa pagkuha ng mga pangalan noong Oktubre 1999. Matapos nito, maingat silang nagberipika ng kanilang mga transkripsyon at—sa kabila ng lockdown ng tatlong linggo sa piitan—natapos ang gawain noong gitna ng Hulyo 2000.
Naging emosyonal ang isang presong tumulong mangasiwa sa proyekto noong natapos na sila. Hindi niya inaasahang ganoon ang magiging epekto ng gawain sa kanya. Nakabasa siya ng mga nakakadurog ng pusong tala ng mga inaliping ama at ina na kinuha mula sa kanilang mga pamilya. Isinaad naman ng ibang tala na may mga taong binaril hanggang mamatay. May isang talang nakuha niya na nagsalaysay ng kuwento tungkol sa isang walang pangalang inaliping sanggol na ibinenta para sa gamit sa sakahan.
Marami ring mga preso ang may kahalintulad na karanasang nagpabago ng buhay. Minsan, may nakita ang coordinator na umiiyak na boluntaryo. “Hindi ako makapaniwala sa pagtratong tinanggap ng mga taong ito,” sabi ng preso. Inilagay ang isang kamay sa balikat ng boluntaryo, napansin ng coordinator na may tattoo ang lalaki ng mga inisyal ng isang white supremacist group.
Ngayong nakuha na ang datos, kailangang makahanap nina Darius at Marie ng paraan upang gawing madaling magamit ito ng mga mananaliksik—isang bagay na wala silang resource para dito. Inalok ng isang kilalang genealogy website na bilhin ang datos ng ilampung libong dolyar, ngunit tumanggi sina Darius at Marie dahil nadarama nilang maling pagkakitaan ang pagsisikap ng mga preso. Sa halip, ibinigay nila ito sa Simbahan na ang kapalit ay dapat magagamit ito ng sinumang nais gamitin ito.
Sa aktibidad ng paglulunsad para sa CD-ROM, na may brodkast sa Washington, DC, at labing-isang iba pang mga lunsod sa Estados Unidos, kapwa nagsalita sina Darius at Marie tungkol sa proyekto. Kinilala ni Darius na taglay ng mga tala ang maraming mapapait at hindi kaaya-ayang kuwento. “Madalas kong ipinapalagay na takot tayong talakayin ang usapan ng lahi,” sinabi niya sa mga mamamahayag, “subalit isang realidad ang lahi. Dapat tayong magkakasamang makibahagi sa kasaysayan.”
Naniniwala siya na ang pamilya ang pinakamahalagang bahagi ng proyekto. “Hinahayaan kayo nitong malaman kung gaano kahalaga ang pamilya,” sabi niya. “Sa kabila ng nakapopot na kapaligiran ng pang-aalipin, pinilit pa rin ng mga taong manatiling makipag-ugnayan. Pinagsikapan nila ito, sinubaybayan nila ang isa’t isa.”
Sumang-ayon si Marie. “Nang matuklasan ko ang mga tala ng Freedman’s Bank,” sabi niya, “nakinita ko ang mga African American na kumakawala sa mga tanikala ng pang-aalipin at binubuo ang mga ugnayan ng mga pamilya.” Ngayon ay umaasa siyang patuloy na mapagsasama-sama ng mga tala ang mga pamilya.
“Ang pamilya ang pinakamahalagang aspekto nito,” sabi niya.
Noong hinirang si Felicindo Contreras upang maglingkod bilang bishop ng Santiago, Chile, ang kanyang asawang si Veronica ay ini-release bilang pangulo ng Relief Society ng ward. Ngunit hindi nagtagal ay tumanggap siya ng bagong tungkulin: guro sa stake seminary at institute.
Sa loob ng maraming taon, ang mga institute of religion ng Simbahan ay karamihang matatagpuan malapit sa mga kampus ng mga unibersidad sa Estados Unidos. Ngunit noong unang bahagi ng dekada ng 1970, nagsimulang iangkop ng mga lider sa Church Educational System ang mga institute na umiral sa mga stake sa buong mundo. Tinulutan ng pagbabago ang lahat ng mga young adult sa Simbahan, hindi lamang mga mag-aaral sa unibersidad, na makinabang mula sa programa. Ang mga regional CES administrator ang nangasiwa ng mga klase, at nagbigay naman ng mga guro ang mga stake.
Sa Chile, umiral ang lingguhang edukasyong pangrelihiyon kasabay ng higit sa isang dosenang mga paaralang elementarya at hayskul na pinangangasiwaan ng Simbahan. Subalit magastos para sa Simbahan na tustusan ang mga paaralan sa bawat bansa kung saan may miyembro, at nakasaad sa patakaran ng Simbahan na oras na magkaroon ng pagkakataon ang mga Banal na makapag-aral sa sapat na sekular na paaralan, isasara ang mga paaralan ng Simbahan. Noong 1981, isinara ng Simbahan ang huling paaralan nito sa Chile at nagsimulang umasa lamang sa seminary at institute para bigyan ang mga Banal ng edukasyong pangrelihiyon.
Ipinakita ng mga pag-aaral na ang mga mag-aaral sa institute ay mas posibleng manatiling aktibo sa Simbahan kaysa sa mga yaong hindi dumalo. Ngunit sa Chile, isa lamang sa lima sa lahat ng mga aktibong young adult na mga Banal ang nakalista. Noong panahon ng pagkakahirang ni Veronica, tatlo o apat lang na mag-aaral sa stake ang palagiang dumadalo sa institiute.
Naniniwala si Veronica na ang mga klase sa institiute ay may mahalagang papel sa pagtulong sa kabataang mapalapit sa Diyos. Nagsimula siyang magbanggit ng institute sa bawat young adult—at magulang ng isang young adult—na nakakasalubong niya sa simbahan. Binisita rin niya ang mga bishop ng bawat ward, nagsusumamo sa kanilang anyayahan ang mga kabataang dumalo sa mga klase. Marami sa mga bishop ay nagbibigay ng suporta, lalo na noong ibinahagi niya ang kanyang mga paniniwala sa kahalagahan ng institute. Hindi nagtagal, higit sa limampung mga estudyante ang nakikilahok sa institute.
Dahil marami sa kanyang mga estudyante ay diretsong nagpupunta mula sa trabaho o paaralan, madalas na wala silang oras upang kumain bago magsimula ang klase. Nag-aalala na hindi sila makakatuon sa kanyang mga aralin kung nagugutom sila, tiniyak ni Veronica na may makakain ang mga mag-aaral kapag dumating ang mga ito. Karaniwan niyang binibigyan ang mga ito ng keyk o kaunting miryenda. Kung minsan ay nagluluto siya ng mas mabigat na pagkain, gaya ng inihaw o iba pang ulam. Ngunit hindi niya sasabihin sa mga mag-aaral kung anong pagkain ang daratnan nila, umaasang ang hiwaga nito ang manghihikayat sa kanilang pumasok sa klase.
Sa simula ng taon, tatanungin niya ang kanyang mga mag-aaral kung ano ang nais nilang matutuhan. Batay sa kanilang feedback, nagtuturo siya ng mga klase sa mga pamantayang mga banal na kasulatan, paghahanda sa templo at misyon, at kasal na walang hanggan.
Gamit ang mga manwal ng institute bilang panimula, mapanalanging inihanda ni Veronica ang kanyang mga aralin, naghahanap ng mga paraan upang tugunan ang mga pang-araw-araw na hamon ng kanyang mga mag-aaral. Gusto niyang masusing suriin ang mga banal na kasulatan nang taludtod sa taludtod upang hikayatin ang kanyang mga mag-aaral na pag-isipan nang mabuti ang buhay at turo ng mga tao at propetang kanilang pinag-aaralan. Hinikayat din niya ang mga kabataan na magtanong.
“Kung hindi ko alam ang sagot sa inyong tanong o alalahaning mayroon kayo,” sasabihin niya, “hahanapin ko ito at ibibigay ko sa inyo ang sagot—o kaya ay magkasama natin itong hahanapin.”
Habang lumalaki ang klase sa institute, naging magkakalapit sa bawat isa ang mga mag-aaral. Nasisiyahan silang makasama siya at ang isa’t isa. Kung minsan, kapag may kinakaharap silang personal na problema, lalapit sa kanya ang mga mag-aaral para humingi ng payo. Lagi niya silang hinihikayat na lutasin ang kanilang mga alalahanin sa mga tamang tao.
“Alam ninyo,” sasabihin niya sa kanila, “makipag-usap kayo sa inyong bishop o inyong ama o ina, dahil kung may problema sa bahay, dapat ninyong malutas ito sa bahay. At kung walang paraan, humayo kayo at makipag-usap sa inyong bishop. Iyan ang pinakamainam gawin.”
Nauunawaan ni Veronica na humaharap sa mga hamon ang mga estudyante niya. Noong panahong iyon, nahihirapan ang ekonomiya ng Chile, at maraming kabataan ang nag-iisip kung paano nila matutustusan ang kanilang pag-aaral, pagpapakasal, at pagtataguyod ng pamilya. Sa dingding ni Veronica, nakasabit ang karatulang may nakasaad na “Pananampalataya sa Bawat Hakbang,” at naniniwala siyang ang pagkilos nang may pananampalataya at pagsasabuhay ng mga itinuro ni Jesucristo sa pang-araw-araw na buhay ay magdudulot ng magagandang bunga.
“Lagi tayong magkakaroon ng mga pagkakamali,” sinasabi niya sa kanyang mga mag-aaral. “Ngunit palagi nating makakasama ang Panginoon upang tulungan tayo.”
Noong Mayo 2001, nilisan ni Seb Sollesta ang kanyang tahanan sa lunsod ng Iloilo, Pilipinas, upang manirahan at magtrabaho sa Estados Unidos—isang pangarap niya mula noong nasa kolehiyo pa siya. Mayroon siyang mga kaibigan at kamag-anak mula sa Pilipinas na lumipat na ng Estados Unidos at mayroon silang masaya at matagumpay na buhay. “Marahil ay maaari ko ring makamit ang pangarap na iyon,” naisip niya.
Hindi nagustuhan ng asawa niyang si Maridan ang ideya na umalis siya upang lumipat sa kabilang bahagi ng mundo. “Ang pangarap mo ay pangarap mo lang,” sinabi nito sa kanya. Hindi ko pangarap iyan.” Mayroon silang tatlong lalaking anak na tinedyer na itinataguyod, isang negosyong pharmaceutical na pinangangasiwaan, at mga tungkulin sa Simbahan na dapat tuparin. Hindi nito maunawaan kung bakit nais niyang umalis.
“Kailangan mo itong pag-isipan nang mabuti,” ipinayo nito. “Bilang mag-asawa, dapat tayong manirahan sa ilalim ng iisang bubong lamang.”
Ngunit dahil ayaw nitong hadlangan ang pangarap ni Seb, kalaunan ay pumayag si Maridan sa paglipat. Kapwa nila alam na maraming mag-asawang Pilipino ang magkahiwalay, kung saan ang isa ay nanatili sa Pilipinas habang ang isa naman ay nagtatrabaho sa ibayong dagat. Bakit hindi nila magawa rin iyon?
Sa Estados Unidos, nanirahan si Seb sa kanyang tiyuhin sa Long Beach, California, isang lunsod sa kanlurang baybayin ng bansa. Nakahanap siya ng panggabing trabaho sa kalapit na ospital. Mahirap ang mga panggabing oras, at mapanghamon ang trabaho, ngunit mataas ang suweldo niya, at nasiyahan si Seb sa trabaho.
Kapag walang pasok, dumadalo siya sa kanyang lokal na ward at pagkatapos ay dumadalaw sa kanyang mga kamag-anak kasama ang tiyuhin niya. Gusto niyang magkaroon ng mga bagong kaibigan at mas makilala ang kanyang mga kamag-anak. Ngunit nakadama rin siya ng kalungkutan at nananabik sa kanyang asawa at mga anak. Sinusubukan nila ni Maridan na araw-araw na makapag-usap sa telepono, ngunit magastos itong gawin. Upang makatawag sa Pilipinas, kailangan niyang gumamit ng mga phone card na sampung dolyar kada oras ang halaga.
Matapos magtrabaho ng limang buwan sa California, nagsimulang pag-isipan nang malalim ni Seb ang pag-uwi sa Pilipinas. Malapit nang mawalan ng bisa ang kanyang visa, at kung nais niyang magpatuloy sa pagtatrabaho sa Estados Unidos, kailangan niyang pahabain ito. Sa loob ng ilang panahon, inisip niyang pasunurin sa kanya sina Maridan at mga anak nila, marahil ay habambuhay, oras na may sapat na salapi na siya. Ngunit hindi interesado si Maridan na tumira sa Estados Unidos, at ayaw niyang manatili sa bansa na hindi kasama ang pamilya niya.
Noong umaga ng ika-11 ng Setyembre 2001, inagaw ng mararahas na terorista ang tatlong komersyal na eroplano sa silangang Estados Unidos at binangga ang mga ito sa mga gusali sa Lunsod ng New York at sa lugar ng Washington, DC. May ikaapat na eroplanong bumagsak sa isang bukirin matapos labanan ng mga pasahero ang mga nang-hijack. Pinatay ng mga pag-atake ang halos tatlong libong tao at nagpasimula ng paglaganap ng galit at takot. Habang nagdadalamhati ang mga tao sa buong mundo, nagdeklara ang Estados Unidos at mga kaalyado nito ng “digmaan sa terorismo” laban sa militanteng grupong nasa likod ng mga pag-atake.
Habang pinapanood ni Seb ang balita ng trahedya sa telebisyon, hindi na niya naramdamang ligtas siya sa kinaroroonan niya. Nais niyang makasama ang kanyang asawa at mga anak. Bata pa ang mga ito. Kailangan nila ng maggagabay at magpapalakas sa kanila habang lumalaki sila. Kailangan niyang umuwi para makasama sila at kanilang ina.
Ilang araw matapos ang mga pag-hijack, sumakay ng eroplano si Seb papuntang Pilipinas. Uuwi siya nang mas maaga sa inaasahan, ngunit wala siyang pinagsisisihan. Ang totoong kaligayahan, natanto na niya, ay hindi nagmumula sa tagumpay na bigay ng mundo. Nagmumula ito sa pamilya.
Wala pang isang buwan makalipas ang mga pag-atake noong ika-11 ng Setyembre, nakipag-usap si Pangulong Hinckley sa mga Banal sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa lumalalang gulo. “Nabubuhay tayo sa panahon kung saan ang mga matatapang na tao ay gumagawa ng kakila-kilabot at kasuklam-suklam na mga bagay,” ipinahayag niya. “Ang ating lakas ay ang ating pananampalataya sa Maykapal. Walang puwersa sa buong mundo ang makapipigil sa gawain ng Diyos. Maaaring maganap ang mga kasawiang-palad. Maaaring binabagabag ang mundo ng mga digmaan at mga usap-usapin ng digmaan, ngunit susulong ang adhikaing ito.”
“At habang sumusulong tayo,” pagpapatuloy niya, “nawa ay matulungan natin ang sangkatauhan sa pag-abot sa lahat, pagpapasigla sa mga mahihina at nahihirapan, pagpapakain at pagbibigay ng kasuotan sa mga nagugutom at nangangailangan, pagpapadama ng pagmamahal at pakikipagkapwa sa mga maaaring hindi kabilang sa Simbahang ito.”
Makalipas ang ilang buwan, naging punong abala ang Lunsod ng Salt Lake sa 2002 Winter Olympic Games, isang aktibidad na ilang taon nang inaabangan ni Pangulong Hinckley. Sa kabila ng kailan lamang na mga atake ng mga terorista, nagdala ang mga palaro ng hindi inaasahang dami ng bilang ng mga banyagang bisita sa Utah na noon pa lamang nangyari, kabilang na ang ilang libong mamamahayag na sabik na magtanong tungkol sa pamanang pangrelihiyon at pangkultura ng lunsod. Pinagtibay ni Pangulong Hinckley ang suportang pangkomunidad ng Simbahan sa pamamagitan ng paghayag sa publiko na hindi magtuturo sa mga turista ng Olympics ang mga misyonero. Gayunpaman, nagsagawa ng mga hakbang ang Simbahan upang tulungan ang mga mamamahayag at ibang bisita na malaman ang tungkol sa mga Banal.
Noong Oktubre 2001, naglunsad ang mga lider ng Simbahan ng bagong website na naglalayong sagutin ang mga pangunahing tanong tungkol sa mga paniniwala at kaugalian ng Simbahan. Noong panahon ng palaro, bumuo rin ang Simbahan ng isang media center para sa mga mamamahayag sa Joseph Smith Memorial Building. Sinumang interesado sa Simbahan at mga itinuturo nito ay maaaring dumalo sa palabas na Light of the World, na nakatuon kay Cristo tungkol sa kasaysayan ng Simbahan at mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo na idinadaos apat na beses sa isang linggo sa Conference Center.
Makalipas ang mga naganap noong ika-11 ng Setyembre, naging malaking alalahanin noong palaro ang kaligtasan ng lahat. Protektado ng malawakang seguridad ang bawat lugar ng Olympics, subalit nagsumikap pa rin ang mga nag-organisa na panatilihin ang mainit na pagsalubong na matatamo sa lunsod na punong-abala sa Olympics. Upang makatulong na maayos na maganap ang mga laro, nagbigay ang Simbahan ng mga resource sa Salt Lake Olympic Committee, paradahan para sa mga manonood, at iba pang mga uri ng serbisyo. Nagtanghal ang Tabernacle Choir sa harap ng tatlong bilyong manonood sa iba’t ibang panig ng mundo noong pambungad na seremonya. At maraming Banal, kabilang na ang mga returned missionary na naglingkod bilang mga tagasalin, ay nag-ambag sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang oras.
Nang natapos na ang mga palaro, maingat na pinagnilayan ng propeta ang karanasan sa kanyang journal. “Lubhang pinagpala ang Simbahan dahil sa Olympics,” isinulat niya. “Wala kaming ginawang anumang tahasang pagtuturo, ngunit nagkaroon kami ng mga kaibigan at mga tagahanga sa buong mundo. Ang mga taong halos walang naririnig tungkol sa amin ay medyo pamilyar na ngayon.”
Inisip niya ang maraming mga dignitaryo, pinuno ng mga bansa, at mga lider ng mga industriya na nagpunta sa lunsod upang manood ng mga palaro. Ipinaaalala nito ang propesiya ni Brigham Young na ang Lunsod ng Salt Lake ay magiging “dakilang daan ng mga bansa,” isang lugar na bibisitahin ng mga hari at emperador.
“Natupad ang propesiya batay sa ating napansin noong nakaraang dalawang linggo,” isinulat ni Pangulong Hinckley. “Ngayon ay magpapahinga na tayo at babalik sa pagtatrabaho.”