Kabanata 35
Hawak-kamay
Noong mga unang buwan ng 2006, nasasabik si Willy Binene na lumipat sa Kinshasa, ang kabisera ng Democratic Republic of the Congo, upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa electrical engineering. Sa loob ng labintatlong taon, nagtatrabaho siya bilang magsasaka sa nayon ng Luputa, mga 1,500 kilometro ang layo mula sa siyudad.
Ikinasal na siya sa isang dalagang nagngangalang Lilly, na kanyang bininyagan noong naglilingkod siya bilang misyonero ng branch. Mayroon silang dalawang anak, ngunit sa loob ng dalawang taon, nakatira sina Lily at mga anak nila sa Kinshasa habang nag-iipon si Willy ng sapat na pera upang sumunod sa kanila at bumalik sa pag-aaral.
Noong ika-26 ng Marso, inorganisa ng pangulo ng mission na si William Maycock ang unang district sa Luputa at itinalaga si Willy na maglingkod bilang pangulo nito. Hindi nakatitiyak si Willy sa sarili niya, ngunit binalewala niya ang mga sariling plano upang lumipat at tanggapin ang paghirang. Hindi nagtagal, bumalik sina Lilly at ang mga bata sa Luputa, at sinimulang gawin ni Willy ang kanyang mga bagong responsibilidad habang kasama sila.
Isa lamang siya sa maraming Banal na tumatanggap ng mga paghirang upang pamunuan ang Simbahan sa Africa. Halos tatlumpung taon na ang lumipas mula nang dumating sa Ghana at Nigeria ang mga unang full-time na misyonero, lumago ang Simbahan sa higit dalawang daang libong miyembro sa kabuuan ng kontinente. May mga stake na ngayon sa Democratic Republic of the Congo, Kenya, Republic of the Congo, Ghana, Côte d’Ivoire, Liberia, Madagascar, Nigeria, South Africa, at Zimbabwe. Palagiang kailangan ang malalakas na lokal na lider na matibay na nakasalig sa mga turo ng Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.
Isang taga-Côte d’Ivoire, si Norbert Ounleu, ay sumapi sa Simbahan noong nag-aaral pa siya sa unibersidad noong 1995. Makalipas ang dalawang taon, naging bishop siya nang inogranisa ang unang stake sa Côte d’Ivoire. Tatlong taon pa ang lumipas, naging pangulo siya ng stake nang hinati ang kanyang stake. Makaraan ang limang taon, siya at ang asawa niyang si Valerie ay hinirang bilang mga lider ng mission sa bagong organisang Ivory Coast Abidjan Mission.
Noong panahon ding ito, si Abigail Ituma, isang dating broadcast journalist at DJ sa radyo, ay naglilingkod bilang pangulo ng Relief Society sa kanyang ward sa Lagos, Nigeria. Palakaibigan at masayahin, natutuwa si Abigail na magpangiti sa lahat ng nakapaligid sa kanya. Marami sa kababaihan sa kanyang ward ay tumigil na sa pagdalo sa simbahan, kung kaya ginawa niyang personal na misyon na pabalikin sila. Hinirang niya ang isa sa mga babaeng ito na maging kanyang pangalawang tagapayo, at hindi nagtagal, magkasama silang gumugugol ng ilang oras, bumibisita sa mga sister at inaanyayahan sila sa simbahan.
Naniniwala si Abigail sa kapangyarihan ng pakikipag-ugnayan sa mga tao. Tuwing Linggo, siya at ang mga tagapayo niya ay nagtuturo ng maraming aralin tungkol sa visiting teaching. Noong una, tila walang gustong tanggapin ang programa. Ngunit mapilit si Abigail, at makalipas ang sandaling panahon, dumarami ang bilang ng mga sister na naglilingkod sa bawat isa. Nagsimulang tumaas ang bilang ng mga dumadalo sa mga pulong ng Relief Society.
Samantala sa Kenya, tanyag sina Joseph at Gladys Sitati dahil sa kanilang paglilingkod sa Simbahan at katapatan kay Jesucristo. Bago ang araw ng kanilang binyag noong Marso 1986, hindi relihiyosong pamilya ang mga Sitati. Kung minsan ay dumadalo sila sa mga lokal na simbahang Kristiyano, ngunit hindi nila nadaramang pinalalakas sila sa espirituwal. Madalas gugulin ni Joseph ang kanyang mga Linggo sa pagtatrabaho o paglalaro ng golf.
Nabago ang lahat sa pagyakap nila ng ebanghelyo. Maganda ang pakiramdam ng mga Sitati sa Simbahan, at habang nagiging napakahalagang bahagi nito ng buhay nila, nagsimula silang mas mag-ukol ng oras nang sama-sama bilang pamilya. Naglingkod si Joseph bilang pangulo ng branch at district sa loob ng maraming taon at tinulungan ang Simbahan na opisyal na makilala sa Kenya noong 1991. Nang inorganisa ang Nairobi Kenya stake noong 2001, hinirang siya bilang pangulo nito. Makalipas ang tatlong taon, noong Abril 2004, naging area authority seventy siya. Samantala, si Gladys naman ay naglingkod bilang pangulo ng Relief Society ng branch, gayundin bilang guro sa Sunday School, Primary, Young Women, Relief Society, at seminary.
Noong 1991, naglakbay ang mga Sitati patungong Johannesburg South Africa Temple at naging unang pamilya mula sa Kenya na ibinuklod para sa buhay na ito at sa walang hanggan.
“Habang pinagninilayan namin ang mga pinagdaanan namin,” kalaunan ay ginunita ni Joseph, “lubos na malinaw sa lahat sa amin na hindi makapagsisimula ang isang tao na unawain ang tunay na kahulugan ng ebanghelyo ni Jesucristo hanggang hindi siya nabubuklod sa templo.”
Doon naman sa Sydney, Australia, ang labinwalong taong gulang na si Blake McKeown ay malapit nang magtapos sa mataas na paaralan—at kailangan niya ng plano. Kung magsisimula siyang mag-aral sa unibersidad, hindi siya pahihintulutang tumigil sa pag-aaral nang higit sa isang taon. At dahil layon niyang maglingkod sa misyon nang dalawang taon kapag sumapit siya ng labinsiyam na taon, nagpasiya siyang pumasok sa isang pansamantalang trabaho pagkatapos niyang magtapos sa mataas na paaralan sa halip na sumunod sa marami sa mga kaklase niya sa unibersidad.
Naging lifeguard si Blake sa isang palanguyan malapit sa kanyang bahay, at nagustuhan niya ang trabahong iyon. Kailan lamang, ang Bondi Rescue, isang kilalang reality tv show tungkol sa mga lifeguard sa sikat na Bondi Beach ng Sydney, ay pinag-isip siya tungkol sa pagiging lifeguard sa dagat. Bagama’t ang Bondi Beach ay humigit-kumulang 65 kilometro ang layo mula sa kanyang bahay, nagpasya siyang makilahok doon sa programang “work experience” na tumatagal ng isang linggo, na nagpakilala sa kanya sa mga pang-araw-araw na tungkulin sa trabaho. Kumuha rin siya ng pagsusulit sa fitness na kinakailangan sa sinumang nais maging lifeguard sa dalampasigan.
Mahirap ang pagsusulit, ngunit handa rito si Blake. Bilang deacon, naging interesado siya sa atletika matapos magbisikleta sa bundok kasama ang mga kabataang lalaki sa kanyang stake. Bagama’t tinatanggap ng Simbahan ang Scouting bilang bahagi ng programa nito para sa Young Men noong unang bahagi ng ikadalawampung siglo, bihira itong gamitin sa karamihan ng mga bansang nasa labas ng Estados Unidos at Canada. Sa Australia, mga ikatlong bahagi ng mga lokal na yunit ang nakikilahok sa Scouting. Hindi kasama rito ang stake ni Blake. Sa mga gayong pagkakataon, gumamit ang mga lider ng espesyal na gabay na inihanda ng Simbahan para magplano ng mga aktibidad para sa Young Men.
Ang lider na nagsasama sa mga kabataang lalaki para magbisikleta sa bundok, si Matt Green, ay ipinakilala si Blake sa triathlon, isang laro na pinagsama-sama ang paglangoy, pagbisikleta, at pagtakbo. Sa ilalim ng pagtuturo at paggabay ni Matt, nagkaroon ng disiplina at pokus si Blake. Nang sumailalim siya sa pagsusulit sa fitness sa Bondi Beach, nagbunga na ang ilang taong pagsasanay at pakikipagkumpitensya ni Blake. Maganda ang resulta ng pagsusulit niya at kinuha siya bilang trainee lifeguard.
Makalipas ang pagtatapos niya sa mataas na paaralan, nagsimulang magtrabaho si Blake sa dalampasigan sa mga araw na may pasok. Hindi garantisado ng trabaho ang oras niya sa Bondi Rescue, subalit hindi nagtagal ay inatasan ng mga producer ng palabas ang mga kawani sa camera na kunan siya ng video habang pinag-aaralan niyang gamitin ang kagamitan ng lifeguard, tumutulong sa mga naliligo sa dagat, at nagpapatupad ng mga alituntunin sa dalampasigan. Nakunan din nila ng video ang pagkakataong nakapagligtas siya ng tao mula sa dagat sa unang pagkakataon.
Nasiyahan si Blake sa trabaho. Bilang nag-iisang kawani na miyembro ng Simbahan, bahagya siyang natatakot sa ibang mga lifeguard na lubhang iba ang mga buhay at paniniwala kaysa sa kanya. Subalit hindi niya nadamang napipilitan siyang baguhin ang mga pamantayan niya para sa kanila.
Noong unang bahagi ng 2007, tumulong sina Blake at iba pang lifeguard sa isang lalaking natagpuang nahihirapan sa isang maalong bahagi ng dagat. Naghanap sila sa loob ng apatnapu’t limang minuto, ngunit wala silang makitang bakas ng nalunod o nahihirapang manlalangoy, at wala ni isa sa dalawampu’t limang libong nasa dalampasigan ang nag-ulat ng nawawalang kaibigan o kamag-anak. Sa huli, sumuko sa paghananap ang mga lifeguard, umaasang kung sinuman ang nakita nila ay nakalangoy pabalik sa baybayin.
Makalipas ang dalawang oras, isang binatilyo ang lumapit kay Blake sa tore ng mga lifeguard. Sinabi nito na hindi niya mahanap ang kanyang ama. “Sandali, maghintay ka lang diyan,” sinabi ni Blake sa binatilyo. Pagkatapos ay umalis siya at sinabihan ang ibang mga lifeguard.
Nagmamadaling bumalik sa tubig ang mga kawani sakay ng mga rescue board at isang Jet Ski. Tumawag din sila ng helicopter ng pulis upang magpatrolya sa dagat mula sa itaas. Samantala, nanatili si Blake kasama ng binatilyo at ina nito, nagtatanong sa kanila tungkol sa nawawalang lalaki. Ngunit kahit na kalmadong nakikipag-usap si Blake sa kanila, nag-aalala ang binata na patay na ang asawa at ama ng mga ito.
Sa paglubog ng araw, natagpuan ng mga tagaligtas ang isang tao na nasa ilalim ng mga alon. Isang lifeguard ang sumisid at binuhat pabalik sa baybayin ang lalaki. Sinubukan nilang muling buhayin ito, ngunit huli na.
Nataranta si Blake sa balita. Bakit hindi niya nakita at ng ibang mga lifeguard ang lalaki, lalo na kung bantay-sarado ang dalampasigan? Hindi gaanong naiisip dati ni Blake ang kamatayan, at wala pang malapit sa kanya ang pumanaw na. Ngayon ay totoong-totoo na ito sa kanya.
Gabi na nang matapos si Blake sa trabaho noong gabing iyon. Habang pinag-iisipan niya ang di-makatwirang trahedyang nasaksihan niya, pinagnilayan niya ang plano ng kaligtasan. Buong buhay niya, itinuro sa kanya na ang kamatayan ay hindi wakas ng pag-iral, na ginawang posible ni Jesucristo para sa lahat na mabuhay sa Pagkabuhay na Muli.
Noong mga sumunod na linggo, ang pananampalataya sa mga alituntuning iyon ang nagpanatag sa kanya.
Noong ika-31 ng Marso 2007, sinang-ayunan ng mga Banal sina Julie B. Beck, Silvia H. Allred, at Barbara Thompson bilang bagong pangkalahatang panguluhan ng Relief Society. Noong panahong iyon, naglilingkod si Silvia kasama ang kanyang asawang si Jeff, ang pangulo ng Missionary Training Center sa Dominican Republic. Bagama’t nasisiyahan siyang makasama ang mga misyonero sa Caribbean, nasasabik siyang makipagtulungan sa kababaihan ng Simbahan. Sa bagong paghirang na ito, siya ang naging unang taga-Latin America na maglilingkod sa pangkalahatang panguluhan ng Relief Society.
Makalipas ang sandaling panahon, si Pangulong Boyd K. Packer, ang gumaganap na pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nag-anyaya sa bagong panguluhan na makipagpulong sa kanya sa kanyang tanggapan. Pagdating ng mga ito, ipinakita niya ang isang hilera ng mga kuwaderno sa istante. “Labinlimang taon nang nasa akin ang mga ito,” ipinaliwanag niya.
Sa loob ng mga kuwaderno ay higit isang libong pahina ng kasaysayan ng Relief Society. Ilang dekada na ang nakalilipas, bilang bata pang apostol, isa siyang tagapayo na general authority sa Relief Society at nagtamo ng malaking paghanga sa organisasyon at sa pangulo nito noong panahong iyon, si Belle Spafford. Kalaunan ay hiniling niya sa mga manunulat na sina Lucile Tate at Elaine Harris na maglikom ng kasaysayan ng Relief Society para sa pansarili niyang paggamit. Napapaloob sa mga kuwaderno ang mga pagsisikap ng dalawang manunulat.
“Mga personal kong kopya ang mga ito,” sinabi niya ngayon sa bagong panguluhan. “Ibinibigay ko ang mga ito sa inyo.”
Sa ilalim ni Pangulong Bonnie D. Parkin, pinag-aralan ng pangkalahatang lupon ng Relief Society ang Women of Covenant: The Story of Relief Society [Kababaihan ng Tipan: Ang Kuwento ng Relief Society], isang mahabang salaysay ng kasaysayan ng organisasyon na inilathala para sa ika-150 taon nito noong 1992. Ngayon ay tumanggap ng pahiwatig si Pangulong Beck at kanyang mga tagapayo na basahin ang kasaysayang nasa mga kuwaderno, kung kaya hinati nila ang mga ito at isa-isang pinag-aralan ang bawat tomo. Habang nagbabasa sila, nagkaroon sila ng malinaw na ideya at layon ng kanilang organisasyon.
Ang Relief Society, sa wakas ay naunawaan nila, ay unang inorganisa ng awtoridad ng priesthood. Sa paglipas ng mga taon ay nagbago ang mga aktibidad at adhikain nito, kung saan may ilang panguluhang nagtatag ng mga ospital o nagtuon sa gawaing pangkawanggawa, pagtuturo sa pagbabasa, o iba pang uri ng paglilingkod. Subalit ang pagbibigay ng mga pagkakataon sa kababaihan na palawigin ang ebanghelyo ni Jesucristo at pagbibigay ng kaginhawaan sa mga nangangailangan ay palaging pinakamahalaga sa gawain ng organisasyon.
Gayunpaman, nag-aalala ang panguluhan na ang Relief Society na naging isa na namang klase lang na dadaluhan kapag Linggo. Ang mga meeting at aktibidad ng Relief Society sa mga araw na may pasok, lalo na kung saan lumago na ang Simbahan, ay kadalasang mga di-pormal na pagkikita-kita na halos walang kinalaman sa paglilingkod o pagtuturo ng ebanghelyo. Maraming miyembro ang hindi nakakaalam sa inspiradong simula o mayamang kasaysayan ng organisasyon. Partikular na halos walang kasabikang pinapakita rito ang mas batang kababaihan. Naniniwala ang panguluhan na kailangan ng kababaihan ng Simbahan na makasumpong ng lakas at halaga sa kanilang pagkakakilanlan bilang mga sister ng Relief Society.
Habang tinatalakay ng panguluhan ang nakaraan at kasalukuyang Relief Society, inisip nila ang pangunahing mensahe at layon ng organisasyon para sa kapatiran ng mga sister ng Simbahan sa buong mundo. Bawat miyembro ng panguluhan ay tumira sa labas ng Estados Unidos at alam ng bawat isa na kailangan nilang maglinang ng isang malinaw at simpleng mensahe na maaaring magkaisa at magbigay-inspirasyon sa mga miyembro ng Relief Society sa kabila ng pagkakaiba sa wika, kultura, at karanasan.
Magkakasamang tinukoy ng panguluhan ang tatlong layon ng Relief Society: una, palakasin ang personal na pagkamatwid at pananampalataya; ikalawa, palakasin ang mga pamilya at tahanan; at ikatlo, hanapin at tulungan ang mga nangangailangan. Mula noon, nagpasya silang isulong ang “pananampalataya, pamilya, at pagtulong” sa bawat pagkakataon.
Isa sa mga unang takdang gawain nila ay repasuhin ang bahagi para Relief Society sa Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan. Tulad ng pagkakaalam ng dating pangkalahatang panguluhan ng Relief Society, maaaring mahirap para sa ilang miyembro na basahin at maunawaan ang kumplikadong lengguahe ng hanbuk. Inisip ng panguluhan ni Pangulong Beck na mas angkop ang ilan sa mga alituntunin nito sa mga miyembro sa Utah kaysa sa mga Banal sa buong mundo. Gaya ng ibang mga lider ng Simbahan noong panahong iyon, nais nila ang isang hanbuk na mas madaling basahin na magbibigay sa mga miyembro ng Simbahan ng kakayahang umangkop sa mga lokal na pangangailangan at sitwasyon.
Naglaan ang kasalukuyang hanbuk ng higit dalawampung pahina sa Relief Society. Umaasa si Pangulong Beck na makagawa ng mas maikli at mas simpleng materyal. Gamit ang pananampalataya, pamilya, at pagtulong bilang kanilang saligan, bumuo ang panguluhan ng isang dokumentong may apat na pahina at isinumite ito kay Elder Dallin H. Oaks, ang apostol na namamahala sa pagrerepaso ng hanbuk. Bagama’t nagustuhan niya ang ginawa nila, nagmungkahi siyang magdadgdag pa ng mga tagubilin. Pinahaba nila ito sa labindalawang pahina, at inaprubahan ito.
Ang hanbuk ay isa lamang sa isa sa maraming proyekto ng Relief Society. Habang tumutulong sa pagrerepaso, nagtrabaho si Silvia sa mga komiteng nakalaan sa pagsasanay, visiting teaching, at pagsama ng mga bagong sister sa Relief Society. Naglakbay rin siya sa maraming bansa sa buong mundo upang makipagpulong sa mga sister ng Relief Society at asikasuhin ang mga pangangailangan nila.
Desidido siya at ang iba pang mga miyembro ng panguluhan na tulungan ang lahat na magkaroon ng pang-unawa sa layon ng Relief Society.
Noong Mayo 2007, naguguluhan si Silvina Mouhsen, isang Banal sa mga Huling Araw mula sa Buenos Aires, Argentina. Sa loob ng mga nakaraang taon, sinusuportahan niya ang kanyang kapatid na babaeng nasuri na mayroong depresyon at matinding psychosis. Noong panahong iyon, nakaranas din si Silvina ng pagkamatay ng isang malapit na kamag-anak, nagsilang ng kanyang ikatlong anak, at naglingkod bilang pangulo ng Relief Society sa kanyang ward. Samantala, ang asawa niyang si David ay nagsisikap na makakuha ng mas mataas na posisyon sa trabaho, muling nag-aaral, at naglilingkod sa Simbahan. Dahil sa kanilang magkakaibang iskedyul, halos hindi niya ito nakikita sa buong linggo.
Ngayon ay nahihirapan si Silvina na bumangon sa umaga, at natagpuan niya ang sariling gumagawa ng mga nakakaligalig na mga pagkakamali. Una, nagmamaneho siya patungong tindahan at biglang hindi na maalala kung nasaan siya. Sa isa pang araw, sinundo niya ang kanyang anak na si Nicolás sa paaralan at aksidenteng kinuha ang kamay ng ibang bata. Kailan lamang, inihatid niya ang kanyang anak na babae sa isang handaan sa maling araw.
Nang nagpatingin si Silvina sa kanyang doktor tungkol sa mga pangyayaring ito, sinabi nito sa kanya na dumaranas siya ng mga sintomas ng depresyon. Iminungkahi nito na sumailalim siya sa therapy, lumiban sa kanyang pagtuturo, at uminom ng gamot.
Nahirapan si Silvina na tanggapin ang payong ito. Alam niya batay sa pag-aalaga ng kapatid niya na kumplikado ang sakit sa pag-iisip, kung minsan ay nagmumula ito sa mga mana sa salinlahi na hindi kontrolado ninuman. Subalit lagi niyang itinuturing ang sarili bilang matatag na tao—isang nilalang na inaalagaan ang iba sa panahon ng paghihirap, hindi isang tao na mismong dumaranas ng mga paghihirap. Sa loob ng ilang panahon, iilang tao lamang ang sinabihan niya tungkol sa sakit niya.
Habang mas pinag-iisipan ni Silvina ang tungkol sa kalusugang pangkaisipan—ang sa kapatid niya at sa kanya—napansin niya ang ibang nahihirapan sa parehong mga sintomas. Ngunit walang tumatalakay sa mga ito. Isang babae sa simbahan ang may mga problema sa kalusugang pangkaisipan na pumipigil ritong dumalo sa mga pulong ng Simbahan. Kapag humihingi ito ng tulong sa mga lokal na lider nito, karaniwan nilang iminumungkahi na lumapit ito sa Diyos at magtiwala sa Kanya na malulutas ang mga problema nito.
Mula sa sarili niyang karanasan, batid ni Silvina na hindi ito ang buong solusyon sa mga problema ng babae, at hinikayat niya ito na humingi ng propesyunal na tulong. Makalipas ang ilang buwan, nalaman ni Silvina na sinunod ng babae ang payo niya at bumubuti na ang lagay nito.
Mas hayagang tinatalakay ng Simbahan noong mga nakaraang taon ang tungkol sa sakit na pangkaisipan, hinihikayat ang mga Banal na tumugon nang mahabagin sa mga nahihirapan. Naghanda rin ito ng maraming resources para sa kalusugang pangkaisipan. Ang Relief Society Social Services Department, na ngayon ay kilala bilang LDS Family Services, ay matagal nang nagbibigay ng pagpapayo at iba pang mga tulong sa kalusugang pangkaisipan sa mga Banal. Bagama’t umiiral lamang ang Family Services sa mga ahensya sa Estados Unidos, Canada, Australia, New Zealand, Great Britain, at Japan, nasa proseso na ito ng pagpapalawig sa mas marami pang bansa, kasama na ang Argentina. May ilang Welfare Services Centers sa Timog Amerika, gaya ng nasa Chile, na nagbibigay ng pagpapayo na may mga propesyunal na therapist. Nagbibigay rin ang Simbahan ng suporta sa kalusugang pangkaisipan kapag may nangyayaring mga likas na sakuna. Halimbawa, pagkatapos manalasa ang tsunami sa Indian Ocean, nagsagawa ang LDS Family Services ng mga pagsasanay sa naapektuhang rehiyon upang tulungan ang mga taong makayanan ang pagkaulila at trauma.
Habang sinusunod ni Silvina ang payo ng kanyang doktor, bumuti ang lagay ng kalusugan niya. Bukod sa therapy, pahinga, at gamot, nakasumpong din siya ng kaginhawahan sa ehersisyo at musika. Naghanap rin siya ng mga paraan upang magkaroon ng balanse sa kanyang buhay. Sa tahanan, mas maraming oras ang ginugugol nila ni David sa isa’t isa. Kung minsan ay nagkikita sila sa templo matapos ang trabaho upang makagawa sila ng sesyon sa endowment. Sa ibang pagkakataon naman ay magkasama lamang silang namimili ng mga pagkain sa tindahan.
Nakasumpong si Silvina ng dagdag na lakas sa pahayag tungkol sa mag-anak. Itinuro nito na tinanggap ng mga espiritung anak ng Diyos ang Kanyang plano sa buhay bago tayo isinilang, na ginagawang posible para sa kanila na umunlad tungo sa kanilang banal na tadhana bilang mga “tagapagmana ng buhay na walang hanggan.” Ang malaman ang katotohanang ito ay nagbigay sa kanya ng layunin, direksyon, at pananaw habang kanyang hinaharap ang mga hamon niya.
Sa simbahan, mas umaasa siya sa mga tagapayo sa panguluhan ng Relief Society upang tulungan siyang magampanan ang mga tungkulin niya. Umasa siya sa Tagapagligtas, at ang bago niyang pananampalataya sa Kanya ay nagsimulang magkaroon ng bagong kahulugan kay Silvina. Mas nakikinig siya sa mga panalangin sa sakramento tuwing Linggo, na naging pagkakataon niyang mas pagnilayan ang ordenansa. Isang gabi, binigyan siya ni David ng basbas ng priesthood, ipinapangako na iiral ang kanyang isip sa paraang kinakailangan niya. Nanalangin din para sa kanya ang mga kaibigan niya, at ipinalista ng kanyang kapatid na lalaki ang pangalan niya sa prayer roll ng templo.
Sa gitna ng mga karanasang ito, lumago sa espiritwal si Silvina. Natanto niya na lubos na nalalaman ng Tagapagligtas ang kanyang mga paghihirap. Hindi niya kailangang harapin nang mag-isa ang mga hamon niya.
Ang mga kaibigan, pamilya, at ang Panginoon ay naroroon upang tulungan siya habang nagpapagaling.
Noong Hunyo 2007, umuwi sa bahay si Hector David Hernandez mula sa paaralan na pagod na pagod. Maitim ang paligid ng mata niya nang naupo siya sa tabi ng asawa niyang si Emma, at sinabi niya ritong nakatulog siya sa klase.
Isa’t kalahating taon na ang nakalilipas mula nang ibinuklod sina Emma at Hector David sa Guatemala City Temple. Ngayon ay kapwa sila nag-aaral sa isang pampublikong unibersidad malapit sa kanilang tahanan sa Honduras. At kasama sa pagbabalanse sa trabaho, paaralan, at pag-aasawa, inaalagaan nila ang kanilang sanggol pang anak na si Oscar David.
Bawat semestre ay limitado ang bilang ng mga inaalok na kurso sa unibersidad kung saan sila nag-aaral, nangangahulugan ito na mas matatagalan bago makapagtapos sina Emma at Hector David. At kasama sa pagiging mga bagong magulang ay ang maraming gabi ng pagpupuyat, kung kaya’t apektado ang kanilang pag-aaral.
Habang magkatabi silang nakaupo, sinabi rin ni Hector David kay Emma na natanggap na niya ang mga grado niya.
“Mababa ang mga marka ko,” sabi niya na nadidismaya.
Natanto ni Emma na kailangang may magbago. Habang tinatalakay nila ang kanilang mga maaaring pagpilian, naisip niya ang tungkol sa Perpetual Education Fund. Nanatili sa kanyang isipan ang programa sa pautang ng Simbahan sa loob ng maraming taon, ngunit nais nila ni Hector David na umasa sa sarili nilang pagsisikap. Ngayon ay nadarama nila ang pahiwatig na baguhin ang kanilang mga plano.
“Kung lumipat ka kaya sa pribadong unibersidad at gamitin natin ang Perpetual Education Fund?” mungkahi ni Emma.
Pangarap ni Hector David na makatapos sa kursong accounting sa unibersidad kung saan sila nag-aaral. Ngunit may katulad na finance major ang pribadong unibersidad na binanggit ni Emma. Mayroon din itong tatlong termino kada taon, nangangahulugan ito na maaari silang kumuha ng mas maraming klase at mas maagang makakapagtapos. Samantala, maaaring tumulong ang Perpetual Education Fund sa pagbabayad ng mataas na matrikula ng unibersidad.
“OK,” pagsang-ayon ni Hector David. Ngunit nais niyang gamitin ni Emma ang PEF upang maabot rin nito ang mga sariling mithiin sa pag-aaral. “Mag-aaral tayo,” sabi niya. “Mag-aaral ako. Mag-aaral ka.”
“OK,” sabi ni Emma, nasasabik sa plano.
Mula roon, sabay silang nagpasa ng aplikasyon sa PEF at nagpalista upang mag-aral sa isang pribadong unibersidad. Nakipagsapalaran si Emma at nagbitiw sa kanyang trabaho sa bangko upang mas marami ang oras niya para alagaan sa bahay si Oscar David.
Ang mga taong gumamit ng Perpetual Education Fund ay kinakailangang kumuha ng kurso upang ihanda sila sa trabaho sa hinaharap. Nagbibigay ang klase ng mga resource upang tulungan ang mga kalahok na matuklasan ang kanilang pinaka-angkop na karera at kung paano maghanda para dito.
Isa sa mga dapat gawin ni Emma ay isulat ang kanyang mga talento at interes. Napansin niyang malikhain siya at interesado sa aspekto ng advertising ng isang negosyo. Pagkatapos ay nakipag-usap siya sa mga taong nagtatrabaho sa marketing at graphic design. Matapos ang mga panayam na iyon, nagpasiya si Emma na baguhin ang major niya mula sa business administration at gawin itong marketing and advertising.
Wala siyang gaanong alam sa mga paksang ito, ngunit nang maupo siya sa kanyang unang klase sa marketing sa pribadong unibersidad, natanto niyang nasa tamang lugar siya.
“Likas ang galing ko para gawin ito,” naisip niya.
Kahit na may tulong pinansyal mula sa PEF, hindi madali ang maging mag-aaral at magulang. Patuloy silang dumaranas ni Hector David ng mga gabing walang tulog at paghihirap na pagsabayin ang kanilang mga responsibilidad. Sa ilang mga araw, iniisip ni Emma kung dapat ba niyang isantabi ang pag-aaral at saka na lamang tapusin ang kanyang kurso.
Ngunit sa mga panahong nahihirapan sila, inuulit nila ni Hector David ang motto nila sa isa’t isa: “Ito na ang panahon.”
Noong ika-12 ng Enero 2008, nakatayo si Pangulong Gordon B. Hinckley sa puntod ng kanyang asawang si Marjorie sa Salt Lake City Cemetery. Apat na taon na ang nakalilipas mula nang pumanaw ito. Nagkasakit ito sa eroplano noong pauwi na sila mula sa paglalaan ng Accra Ghana Temple at pumanaw makalipas ang ilang buwan, noong ika-6 ng Abril 2004.
Magkasamang nilibot nina Pangulo at Sister Hinckley ang mundo, naglilingkod sa mga Banal at tinatamasa ang pagiging kompanyon ng bawat isa. Lubos siyang nangungulila sa kanyang asawa. Tanging ang kanyang paglilingkod sa Simbahan at pamilya ang pumipigil sa kanyang tuluyang daigin ng kalungkutan.
Sinisikap ni Pangulong Hinckley na dalawin ang puntod nito bawat linggo upang mag-iwan ng mga bulaklak at magnilay sa kanilang animnapu’t anim na taong pagsasama. Nag-alala siya na may ilang mag-iisip na masyadong madalas ang pagdalaw niya sa sementeryo. Pero nagpunta pa rin siya.
“Siya ang pinakamahalagang tao sa buhay ko, ang pinakamamahal ko,” minsan niyang inisip. “Ang pinakamunti kong magagawa ay bigyan siya ng bulaklak bawat linggo.”
Sa pagbisitang ito, may mga bulaklak ng patay pa rin sa puntod na mula sa mga nakaraang linggo, at nagpasya si Pangulong Hinckley na iwan pa doon nang mas matagal ang mga ito.
Makalipas ang sandaling panahon, naupo ang propeta upang idikta ang mga kahilingan niya sa kanyang burol at libing. Sa edad na siyamnapu’t pito, siya ang pinakamatandang buhay na pangulo ng Simbahan sa kasaysayan. Nalampasan niya ang operasyon sa kanser ilang taon na ang nakararaan, ngunit ngayon ay kumalat na ang sakit. Alam niyang malapit nang magwakas ang panahon niya sa mundo.
“Nais kong ilibing sa isang kabaong na yari sa kahoy ng cherry, gaya ng sa asawa ko,” idinikta niya. Umaasa siyang idaraos ang kanyang funeral service sa Conference Center, kahit na nangangahulugan itong may mga bakanteng upuan sa higanteng bulwagan.
“Pinangunahan ko ang pagsasagawa ng seremonya ng paglalagay ng panulok na bato nito,” ipinaliwanag niya, “at naiisip kong tama lamang na doon gawin ang funeral service ko.”
Ayaw ni Pangulong Hinckley ng matagal na funeral service para sa kanya. Hindi ito dapat lumampas sa siyamnapung minuto, sabi niya, gaya ng nakasaad sa Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan. Hiniling niya na ang kanyang matagal nang unang tagapayo, si Pangulong Thomas S. Monson, ang magsasagawa nito. Hiniling din niyang awitin ng Tabernacle Choir ang “Ang Manunubos Ko’y Buhay,” isang himno na isinulat niya ilang taon na ang nakararaan:
Ang Manunubos ko’y buhay,
Anak ng Diyos, matagumpay,
Sa kamataya’y nagwagi,
Panginoon ko at Hari.
Sa pagtatapos niyang magbigay ng tagubilin para sa kanyang libing, binanggit ng propeta si Sister Hinckley. Taglay niya ang bawat isang katiyakan na mananatili ang kanilang mga tipan sa pag-iisang dibdib sa buhay na darating. Huling hiling niya na ilibing sa tabi nito.
“Inilalagay ko ang aking sarili sa mga kamay ng Panginoon,” pagtatapos niya, “at samahan ang minamahal kong kompanyon sa walang hanggan upang maglakad nang hawak-kamay sa daan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.”