Kabanata 12
Isang Kumpletong Uri ng Pamumuhay
“Lubha akong nag-aalala sa lagay ng aking lalamunan,” isinulat ni Elder Spencer W. Kimball sa kanyang journal noong ika-8 ng Enero 1970. “Tila unti-unting nawawala ang boses ko.”
Sa labindalawang taon mula nang tinanggal ng mga doktor ang bahagi ng lalamunan niya (vocal cord) na may kanser, naging mas mahina pa sa bulong ang boses niya. Subalit hindi pinabagal ng karamdamang ito ang kanyang paglilingkod sa Simbahan. Mula nang kanyang inorganisa ang São Paulo Stake noong 1966, inorganisa ni Elder Kimball ang mga unang stake sa Argentina at Uruguay, inilaan ang Colombia para sa gawaing misyonero, at nagministro sa mga Banal sa Ecuador. Isinulat din niya ang maimpluwensiyang aklat, The Miracle of Forgiveness [Ang Himala ng Pagpapatawad], at nagsimulang maglingkod bilang pinuno ng komite sa badyet at komite sa mga misyonero ng Simbahan.
Ngunit sa pagsama ng lagay ng kanyang boses, nagpatingin siya sa doktor, inaalala na maaaring bumalik ang kanser. May natuklasan ang doktor ng pulang tuldok sa kaliwang bahagi ng lalamunan ni Elder Kimball at nagsagawa ito ng dalawang biopsy. Lalo nitong pinahirapan ang boses ng apostol, kaya kinailangan niyang gumamit ng maliit na mikropono na nakasabit sa leeg niya.
Bumalik sa ospital si Elder Kimball noong ika-12 ng Enero upang malaman ang resulta ng pagsusuri. Matapos pag-aralan ang mga resulta ng mga biopsy at makipagkonsulta sa ibang mga eksperto, naniniwala ang doktor na bumalik ang kanser, at halos wala nang pag-asa na maililigtas pa ang boses ni Elder Kimball.
Habang pinagninilayan ni Elder Kimball kung paano magpapatuloy sa kanyang pagpapagamot, iniisip niya kung dapat siyang umatras mula sa pagiging kasapi ng Korum ng Labindalawang Apostol upang magbigay-daan sa taong mas may kakayahan.
Kinabukasan, sinabi ni Elder Kimball kay N. Eldon Tanner kung ano ang sinabi ng doktor, at iminungkahi ni Pangulong Tanner na magdaos ng espesyal na ayuno ang mga general authority para sa kanya. Makalipas ang dalawang araw, nagtipon ang mga general authority sa templo, at nag-alay si Harold B. Lee ng isang taos-pusong panalangin. Nang matapos siya, naupo si Elder Kimball sa gitna ng silid, at pinahiran ni Gordon B. Hinckley ang kanyang ulo ng langis. Pagkatapos ay bumuo ng bilog ang ibang mga apostol sa silid sa paligid nina Elder Kimball, at pinagtibay ni Pangulong Tanner ang pagpahid ng langis at binasbasan siya.
Habang binabasbasan, nadama ni Elder Kimball ang pagiging malapit sa kanyang Ama sa Langit at sa kanyang mga miyembro ng korum. Tila gumaan ang mabigat na pasaning dala niya, at batid niyang kung nais ng Diyos na ipagpatuloy niya ang kanyang ministeryo, makakahanap Siya ng paraan para gawin niya ito, may boses man siya o wala. Matapos ang pagbabasbas, niyakap ni Elder Lee si Elder Kimball. Sinabi ng ibang apostol na nakapabilog na nadama nilang pinagpala silang makibahagi sa isang nakaaantig at nagkakaisang espiritwal na karanasan.
Noong Linggo ng umaga, tatlong araw matapos ang pagbabasbas, biglang tumawag kay Elder Kimball ang kapitbahay niya. Nabalitaan nito na pumanaw na si Pangulong McKay at nais nitong malaman kung totoo ito.
“Wala pa po akong balita,” sagot ni Elder Kimball. Nagsimula siyang tumawag sa mga kakilala, at hindi nagtagal, nalaman niya na tunay ngang pumanaw na ang propeta noong umagang iyon.
Nagmamadaling nagpunta sa Chuch Administration Building si Elder Kimball. Kapwa nakikipag-usap sina Joseph Fielding Smith, ang senior na apostol, at si Harold B. Lee sa pamilya McKay. Nadatnan ni Elder Kimball sina Joseph Anderson at Arthur Haycock, mga kalihim sa Unang Panguluhan at sa Labindalawa, at gumugol sila ng maraming oras sa pagtawag sa mga general authority para sabihin sa mga ito ang balita.
Nalungkot ang buong Simbahan sa pagpanaw ni Pangulong McKay. Kilalang-kilala siya na mapagmapahal sa mga Banal sa buong mundo. Pinangunahan niya ang Simbahan sa loob ng halos labinsiyam na taon, at dalawang-ikatlo ng tatlong milyong miyembro nito ay bininyagan noong siya ang pangulo. Noong sinundan niya si George Albert Smith noong Abril 1951, may 184 na stake ang Simbahan. Ngayon, sa taong 1970, mayroon itong 500 na stake, kabilang na ang labing-apat na stake sa Australia at New Zealand, labintatlong stake sa Europa, at ang mga unang stake sa Argentina, Brazil, Guatemala, Mexico, Tonga, Uruguay, at Western Samoa.
Halos 90 porsyento ng mga bagong stake sa administrasyong McKay ay inorganisa sa Estados Unidos at Canada, kung saan nanatiling mataas ang paglago ng Simbahan. Sa Hilagang Amerika, nakatulong sa reputasyon ng Simbahan ang kasikatan ng mga Banal sa mga Huling Araw tulad nina J. Willard Marriott, tagapagtatag ng isang sikat na serye ng otel, at ni George W. Romney, na naging punong ehekutibo ng American Motors Corporation at gobernador ng estado ng Michigan.
Inilaan ni Pangulong McKay ang limang templo sa apat na kontinente at pinamahalaan ang pagsasalin ng mga ordenansa sa templo sa isang dosenang wika. Ang pangkalahatang kumperensya naman ay naging mas madaling mapanood at marinig sa pag-brodkast nito sa dalawang daang istasyon sa telebisyon at maraming istasyon ng radyo sa Hilaga, Gitna, at Timog Amerika. Bilang tagapagtaguyod ng gawaing misyonero at edukasyon sa Simbahan, pinalawak nang husto ni Pangulong McKay ang mga gawain ng Simbahan sa dalawang larangan. At ang kanyang pagpapatupad ng correlation program, na itinuring niyang kanyang pinakamahalagang gawain bilang pangulo ng Simbahan, ay ginawang mas abot ng pandaigdigang manonood ang mga simpleng katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo.
Libo-libong mga Banal ang nagpunta sa burol ni Pangulong McKay upang magbigay-galang. Makalipas ang ilang araw, nagtipon ang Korum ng Labindalawang Apostol upang sang-ayunan si Joseph Fielding Smith bilang bagong pangulo ng Simbahan. Sa edad na siyamnapu’t tatlong taon, si Pangulong Smith ang pinakamatandang naging pangulo ng Simbahan. Naupo siya sa puwesto taglay ang halos animnapung taong karanasan bilang apostol, at iginagalang ng mga Banal ang kanyang malawak na kaalaman sa kasaysayan ng Simbahan at ng mga banal na kasulatan. Bilang anak ni Pangulong Joseph F. Smith, siya rin ay apo ni Hyrum Smith, ang kapatid ng propetang si Joseph.
Hinirang ni Pangulong Smith sina Harold B. Lee at N. Eldon Tanner bilang mga tagapayo niya sa Unang Panguluhan. Dahil pinipigilan ng kanyang mga bagong tungkulin si Pangulong Lee na maglingkod bilang pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, itinalaga si Elder Kimball na maglingkod bilang kapalit niya sa pagiging pangulo ng korum.
Labag sa payo ng kaibigang doktor na nag-udyok sa kanyang magpatingin sa California para sa sakit na kanser, isinantabi ni Elder Kimball ang kanyang mga problema sa kalusugan pagkamatay ni Pangulong McKay, at sa halip ay piniling magtuon sa kanyang mga gawin bilang apostol. Nanatili siyang hindi sigurado kung paano ang pinakamainam na paraan para gamutin ang sakit, at dahil mas gumanda na ang kanyang kakayahang magsalita mula noong mabasbasan, hindi na niya nais pang sumailalalim sa anumang operasyon na maaaring ilagay sa alanganin ang kanyang boses.
Habang itinatalaga siya ni Pangulong Lee sa kanyang bagong paghirang, binanggit niya ang mga problema sa kalusugan ni Elder Kimball, nagbibigay ng mga salita ng pag-alo at pag-asa.
“Partikular naming binabasbasan ang iyong boses,” sinabi niya, “nagsusumamo sa Panginoon na panatilihin ang iyong kakayang makipag-ugnayan sa pamamagitan ng boses at sa pagsusulat, upang mabuhay ka sa mundo habang ang buhay ay mabait sa iyo, at hanggang sabihin ng Panginoon na sapat na.”
Ilang sandali pa lamang pagkarating sa California, nagpunta si Maeta Holiday sa isang shopping mall kasama si Venna Black, ang kanyang ina-inahan sa Indian Student Placement Program. Hindi pa napuntahan noon ni Maeta ang mall, kung kaya masusi niyang tinandaan ang bawat pagliko na ginagawa ni Venna sa kotse.
Sa loob ng mall, pumili si Maeta ng ilang damit na kailangan niya, ngunit nang oras na para bumalik, hindi sigurado si Venna kung paano uuwi. “Hindi ko maalala kung saan ako daraan,” sabi niya kay Maeta.
“Dito po kayo pumunta,” sabi ni Maeta, ginagabayan si Venna sa tamang kalye. Pagkatapos ay ginabayan niya si Venna pabalik sa bahay, lsa paliko-liko.
Humanga si Venna. “Paano mo nalaman kung paano umuwi?” tanong niya.
“Lagi po akong mapagmasid,” sabi ni Maeta. Ang pagsasaulo ng mga palatandaan ay isang gawi na natutuhan niya noong bata pa siya habang nagpapastol ng tupa sa Navajo reservation. Kung hindi niya pinansin ang mga palatandaan, baka hindi siya nakauwi.
Nag-umpisang pumasok sa lokal na mataas na paaralan si Maeta matapos agad ang karanasang ito. Nakakatakot ang mga unang ilang araw niya doon. Mas malaki ang paaralan sa anumang napasukan niya noon. Puno ng mga locker ng mag-aaral ang mga pasilyo nito. Halos lahat ng mga mag-aaral ay puti, at sa pagkakaalam niya, siya lamang ang mag-aaral doon na mula sa placement program. Subalit hindi siya nakadama ng pagkiling sa lahi mula sa kanyang mga kasama, gaya ng nakita ng ibang mag-aaral sa ibang paaralan. Malugod siyang tinanggap ng mga kaklase niya, at agad siyang nagkaroon ng mga kaibigan.
Gaya ng ibang kabataan sa kanyang ward, dumadalo si Maeta sa seminary sa umagang-umaga. Siya at ang kanyang kinakapatid na si Lucy ay maagang gumigising araw-araw nang alas-singko upang makarating sila sa ward meetinghouse nang nasa oras para sa klase. Noong kanyang unang araw sa seminary, naghintay si Maeta sa kanyang upuan, hindi talaga alam kung bakit siya naroon hanggang magsimula ang klase. Pagkatapos ay naunawaan na niya ito. “Ah,” naisip niya, “natututo kami ukol sa Simbahan.”
Hindi gaanong interesado si Maeta sa seminary. Nagulat siya at nalito nang nalaman niyang bibigyan siya ng grado sa klase. “Paano ka bibigyan ng grado para sa mga paniniwala mo?” naisip niya. Ang Diyos ba ang magbibigay sa kanya ng grado? Gayunpaman, sila ni Lucy ay halos walang pinalampas na klase.
Noong unang taon niya sa mataas na paaralan, sumali si Maeta sa koro ng nito. Noong sumunod na taon, naglaro siya ng basketball, na natutuhan niya habang nag-aaral sa boarding school sa Arizona. Magaling siya sa larong iyon at naging point guard para sa kanyang team. Gusto niya ang gumawa ng mga layup at ang makapuntos mula sa foul line. Subalit magaling din siya sa pagpasa ng bola sa iba pang mga manlalaro. Sa pagtatapos ng season, binoto siya ng kanyang mga kasama sa koponan at coach bilang pinakamagaling na manlalaro.
Iminumungkahi ng placement program na umuwi ang mga mag-aaral matapos ang pasukan upang manirahan kasama ang kanilang mga tunay na pamilya kapag tag-araw. Ayaw ni Maeta na umuwi o magpalipas ng oras kasama ang kanyang inang si Evelyn na puno ng suliranin. Subalit naniniwala si Venna na mahalaga para kay Maeta ang mapanatili ang ugnayan nito sa kanyang pinagmulan at hinikayat itong sumulat sa pamilya bawat buwan. Tuwing sumasapit ang tag-araw, sasakay ng bus si Maeta pauwi ng Arizona.
Noong tagsibol ng 1970, habang tinatapos ni Maeta ang kanyang ikalawang taon sa mataas na paaralan, nalaman niya na nasunog ang bahay ng kanyang ina. Walang nasaktan, at hindi nag-aalala si Maeta para sa kanyang pamilya. Subalit tinulungan ni Venna si Maeta na bumili ng ilang bagay para palitan ang mga nawala sa kanyang mga nakababatang kapatid dahil sa sunog.
Noong araw na umuwi ng Arizona si Maeta, inihatid siya ni Venna sa sakayan ng bus dala ang mga kahong puno ng pagkain, damit, at mga kumot. “Para ito sa pamilya mo,” paliwanag niya. “Mula ito sa ating ward.”
Habang pinagmamasdan ni Maeta ang mga kahon na isinasalansan sa tarangkahan ng bus, napuspos siya ng emosyon. Nang una siyang dumating sa California, nagdududa siya sa kabaitan ng mga Black, iniisip kung tinanggap lang nila siya para gawin ang gawaing bahay. Mula noon ay nalaman niyang may tunay na malasakit sila para sa kanya. Ngunit noong nakita niya ang mga kahon ay saka lamang niya na nalaman kung gaano siya kamahal ng pamilyang kumukupkop sa kanya.
At hindi niya alam kung gaano niya kamahal ang mga ito.
Kalaunan noong taong iyon, ang labing-anim na taong gulang na si Kazuhiko Yamashita ay inaasam na maiwasan ang sikat ng araw noong isang mainit na umaga ng Hulyo sa Osaka, Japan. Siya at ang kuya niyang si Masahito ay naglakbay nang ilang oras para dumalo sa Expo ’70, isang pandaigdigang eksibit na nagtatampok ng daan-daang kamangha-manghang displey at mga pavillion mula sa mga bansa at organisasyon sa buong mundo. Ang tema nito ay “Progress and Harmony for Mankind [Kaunlaran at Pagkakaisa para sa Sangkatauhan],” at saanman tumingin ang mga bisita, nakikita nila ang mga patunay ng kahanga-hangang pagbangon ng Japan mula sa pagkawasak na dulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Magkasama nang nabisita nina Kazuhiko at Masahito ang ilang eksibit. Sa Pavillon ng Estados Unidos, nakita nila ang isa sa mga pinakakilalang eksibit ng expo: isang bato mula sa buwan na dinala ng makasaysayang misyon sa buwan noong nakaraang taon.
Ngunit ngayon ay magkahiwalay na lumibot ang magkapatid, habang naghahanap si Masahito ng mga eksibit tungkol sa inhinyera at si Kazuhiko naman ay nilibot ang lugar ng expo para kumuha ng mga larawan. Nais pumunta ni Kazuhiko sa Pavillon ng Japan upang makita kung anong klaseng eksibit ang itinatanghal ng kanyang bansang sinilangan sa mundo. Ngunit noong dumating siya sa pavillon, umaabot sa labas ng pasukan nito ang pila. Sinabi sa kanya ng isang kawani na aabot ng dalawang oras ang paghihintay.
Sa halip na tumayo nang matagal sa ilalim ng init ng araw, nagpatuloy si Kazuhiko, naglalakad ng lima o sampung minuto pa bago makakita ng pavillon na mukhang isang magandang puting gusali. Mayroon itong dalawang palapag at mataas na tore na may ginintuang rebulto ng lalaking hinihipan ang isang mahabang trumpeta. Hindi alam ni Kazuhiko kung ano ang laman ng pavillon, ngunit wala itong pila, kung kaya hindi na niya kailangang pumila pa para lang makapasok.
Lumusot sa isang hardin na estilong Hapones, pumasok siya sa isang lobby kung saan sinamahan siya at iba pang bisita ng tour guide upang makapaglibot. Ang pavillon, agad na nalaman ni Kazuhiko, ay nagbibigay ng impormasyon tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at mga miyembro nito. Itinampok din ng Simbahan ang mga popular na eksibit sa iba pang mga pandaigdigang eksibit, ngunit ito ang unang pagkakataon na nagdala ito ng pavillon sa isang bansa kung saan hindi Kristiyanismo ang relihiyon ng karamihan. Ang palapag sa baba ng gusali ay may labindalawang talampakang marmol na replika ng Christus, isang rebulto ng Danish na manlilok na si Bertel Thorvaldsen. Mayroon ding eksibit ng mga litrato tungkol sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga miyembro ng Simbahan sa Japan.
Mga Buddhist ang pamilya ni Kazuhiko, at wala siyang alam tungkol kay Jesucristo o sa isang Ama sa Langit. Subalit matapos siya at ang iba pang mga bisita ay umakyat sa ikalawang palapag ng pavillon, doon nila nagawang pumasok sa mga silid na nagtuturo sa kanila tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas at sa Kanyang papel sa Paglikha ng mundo. Nalaman nila ang tungkol sa plano ng kaligayahan ng Diyos at sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ng isang batang propetang nagngangalang Joseph Smith.
Natapos ang paglilibot sa isang maliit na sinehan tampok ang Hapones na bersyon ng Man’s Search for Happiness [Paghahanap ng Tao para sa Kaligayahan], ang maikling pelikulang unang itinanghal ng Simbahan sa New York World’s Fair noong 1964. Sa panghihikayat ng mga lokal na lider ng mission na sina Ed at Chieko Okazaki, ang pelikulang Hapones ay kinunan sa bansa tampok ang mga sikat na artistang Hapones, ang ilan ay nakilala pa ni Kazuhiko. Subalit ang mga tanong na sinabi sa pelikula—Saan siya nanggaling? Bakit siya narito? Saan siya papunta?—ay bago sa kanya. Kailanman ay hindi niya naisip ang mga iyon. At hindi niya natitiyak kung maniniwala siya sa mga sagot na ibinigay sa kanya ng pavillon.
Noong palabas na siya ng teatro, may nakita si Kazuhiko na lalaking nakatayo sa pasilyo.
“Pinaniniwalaan mo po ba ito?” tanong ni Kazuhiko na tinutukoy ang pelikula.
“Opo,” sabi ng lalaki na walang pag-aalinlangan.
“Sigurado ka?”
Nilisan ni Kazuhiko ang pavillion at patuloy na nilibot ang expo, subalit hindi pa siya nakakalayo nang natanto niyang naiwan niya ang kanyang kamera. Mabilis siyang bumalik sa eksibit, kung saan natagpuan ng isang kawani ang nawawalang kamera.
Bilang pasasalamat, bumili si Kazuhiko ng kopya ng Aklat ni Mormon sa wikang Hapones at iniwan sa kawani ang kanyang pangalan at address, kahit na hindi siya talaga interesadong malaman pa ang tungkol sa Simbahan.
Makalipas ang tatlong buwan, dalawang misyonero ang dumating sa kanyang tahanan sa labas ng Tokyo. Hindi niya sila inaasahang dumalaw talaga, ngunit natuwa siyang makita sila—at handang makinig sa anumang sasabihin nila.
Noong Setyembre 1970, ang pangkalahatang pangulo ng Relief Society na si Belle Spafford ay nakatayo sa Salt Lake Tabernacle sa harap ng ilang libong kababaihang Banal sa mga Huling araw para sa taunang kumperensya ng Relief Society. Karaniwang masaya ang okasyong ito, dahil nagtitipon ang mga babae sa buong mundo upang ibahagi ang kanilang mga karanasan at tumanggap ng tagubilin mula sa kanilang mga pinuno. Subalit ang kumperensyang ito ay mas malungkot kung ihahambing sa iba.
“Nabubuhay tayo sa panahong inilalarawan ng magkakasunod na krisis,” sabi ni Pangulong Spafford. Sa Estados Unidos, ang mga imahe ng digmaan at protesta sa lipunan ay mabilis na ipinapakita sa telebisyon araw-araw. Patuloy ang diskriminasyon ng mga lahi, at ang pagpatay sa mga kilalang pulitiko at mga lider ng karapatang sibil ay gumambala sa bansa. Patuloy na nagpoprotesta ang mga kabataan laban sa Digmaan sa Vietnam. Tila panandalian lamang ang kapayapaan at katiwasayan.
Ang Relief Society mismo ay nasa panahon ng pagbabago habang umaangkop ang organisasyon sa correlation ng Simbahan. Noong nakaraan, naglilikom ng kanilang pondo nang mag-isa ang mga miyembro ng Relief Society at gumawa ng mga badyet na pagkatapos ay inaaprubahan ng mga pinuno ng priesthood. Subalit kamakailan lamang, inanunsyo ng Unang Panguluhan na ang mga Relief Society ay popondohan ng mga badyet ng ward o branch.
Sa ilalim ng bagong sistema, nagbibigay ang mga lokal na lider ng priesthood ng takdang halaga sa bawat organisasyon ng ward para gamitin sa bawat taon. Maaari pa ring kontrolin ng mga indibidwal na Relief Society kung paano nila gagamitin ang kanilang pondo nang wala ang dagdag na pasanin ng paglilikom ng pera para sa kanilang organisasyon. Ngunit dahil limitado na ngayon ang badyet ng mga Relief Society, nawala na sa kanila ang pinansyal na kalayaan na tinatamasa nila noong mga nakaraang taon. Ang mga bazaar ng Relief Society, mga tradisyonal na aktibidad ng paglilikom ng pondo kung saan ipinapakita at binebenta ng mga babae ang kanilang mga gawang-kamay, ay nagwakas na rin.
Ang ibang pagbabago naman ay naapektuhan kung ano ang kontrolado ng organisasyon. Bilang bahagi ng mga serbisyong panlipunan nito, ang Relief Society ang namamahala sa Indian Student Placement Program, mga serbisyo ng Simbahan sa pagpapaampon at pagtatalaga ng nangangalagang pamilya, at programang rehabilitasyon para sa kabataang may suliranin sa batas. Subalit ang mga programang ito ay karamihang ginagawa lamang sa kanlurang Estados Unidos, at ang pagnanais na palawigin ang kawanggawa sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo sa ilalim ng iisang organisasyong dumaan sa correlation ay naglunsad ng pagbabago.
Noong 1969, binuo ng mga lider ng Simbahan ang Unified Social Services, na nagdala ng lahat ng mga inisyatibong ito sa ilalim ng pamumuno ng mga opisyal ng priesthood. Nagpatuloy si Pangulong Spafford bilang tagapayo, subalit hindi na siya ang direktang namamahala sa mga programang ito.
Habang nag-aangkop ang Relief Society sa mga pagbabago, naging prangka sina Pangulong Spafford at kanyang mga tagapayo sa mga nakikita nilang maaaring maging problema. Nang nalaman nilang ang Adult Correlation Committee ay inatasang lumikha ng mga lesson ng Relief Society, nagsalita na ang panguluhan. Sa huli, ang Relief Society ang gumawa ng sarili nitong mga aralin na may mungkahi at mga repaso ng komite.
Kinilala ni Pangulong Spafford ang pangangailangan na umangkop ang Relief Society habang lumalaganap ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa buong mundo. Isinasalin na ngayon sa labimpitong wika ang mga magasain ng Simbahan para sa mga mambabasa sa ibayong dagat. Subalit ang Relief Society Magazine ay inilalathala lamang sa mga wikang Ingles at Espanyol.
Upang makatulong na maabot ang lahat ng mambabasang posibleng maabot gamit ang mga mensaheng correlated, kailan lamang ay nagmungkahi ang mga lider ng mga pagbabago sa mga lathalain ng Simbahan. Noong Hunyo 1970, inanunsyo nila na ang karamihan sa mga kasalukuyang magasin, kabilang na ang Instructor [Tagapagturo], ang Improvement Era, at ang Relief Society Magazine, ay ihihinto ang paglalathala. Ang matatagal nang inilalathalang magasin sa mga mission na nasa wikang Ingles, gaya ng Millennial Star sa United Kingdom at Cumorah’s Southern Messenger sa South Africa, ay ihihinto na. Bilang kapalit, maglalathala ang Simbahan ng tatlong bagong magasin, bawat isa ay nangungusap sa isang partikular na pangkat ng edad: ang Ensign para sa mga adult, ang New Era para sa kabataan, at ang Friend [Kaibigan] para sa mga bata.
Nakatayo sa harap ng kanyang mga tagapakinig sa Tabernacle, batid ni Pangulong Spafford na marami ang nahihirapang harapin ang mga pagbabagong kailan lang ipinatupad, gaya niya. Tumanggap ang kanyang panguluhan ng mga liham mula sa kababaihang nagdadalamhati sa balita ng pagtatapos ng magasin. At nauunawaan ni Pangulong Spafford ang kanilang kalungkutan. Nang unang ibinigay ang mungkahi, tumutol siya, nadarama na may mahalagang papel na ginagampanan ang magasin sa Simbahan at sa buhay ng mga sister. Ano nga ba ang maaari niyang sabihin na magdudulot ng paghilom at pag-alo?
Ginamit niyang tema ang isang sipi mula sa Aklat ni Mormon: “Kami ay namuhay nang maligaya.” Kapag nahaharap sa mahihirap na pagkakataon, hindi hinayaan ni Nephi na balewalain nila ang kanilang pagsisikap. Sinunod nila ang mga kautusan ng Diyos sa abot ng makakaya nila. At masisipag sila, nag-aalaga ng mga kawan ng tupa at baka at nagtatanim at nag-aani ng mga halaman.
Gayon din ang maaaring gawin ng Relief Society. Hindi iniba ng mga pagbabago sa organisasyon ang mga bagay na nagdudulot ng kaligayahan: pagkamakatwiran, mahabaging paglilingkod, malikhaing pagpapahayag, at pagsama sa komunidad.
“Nagbibigay ang Relief Society ng walang hanggang oportunidad” patotoo ni Pangulong Spafford, “upang pangalagaan ang mahahalagang sangkap ng masayang buhay.”
Noong Pebrero 1971, anim na taon matapos ang kanyang pagbabalik-loob, nakatira si Darius Gray sa Lunsod ng Salt Lake. Bilang miyembro ng Simbahan, natamasa niya ang pakikipagkapatiran ng maraming Banal na nakipagkaibigan sa kanya at tumulong sa kanyang makaakma sa kanyang bagong pananampalataya. May nakilala rin siyang ilang miyembro ng Simbahan na mali ang trato sa kanya dahil may lahing Itim siya. Subalit nanalig siya sa mga makapangyarihang salita na narinig niya noong gabi bago siya bininyagan: “Ito ang ipinanumbalik na ebanghelyo, at dapat na sumapi ka.”
Nagtrabaho si Darius bilang mamamahayag para sa KSL-TV, isang lokal na istasyon na nagbabalita. Bago niya nakuha ang trabaho, hindi niya naisip na gawing karera ang pagiging mamamahayag. Pagkatapos ay nakilala niya si Arch Masden, ang pangulo ng kumpanya sa komunikasyong pag-aari ng Simbahan na nangangasiwa ng KSL. Nakitang palakaibigan at prangka si Arch, tinanggap ni Darius ang trabaho. Tila ba naglalatag ang Panginoon ng daan para sa kanya.
Matapos matanggap sa trabaho si Darius, nagsikap siyang makatapos ng kursong journalism sa University of Utah. Aktibo rin siyang nakibahagi sa kanyang ward sa Lunsod ng Salt Lake at naglingkod bilang superintendent ng Sunday School nito. Sa pamamagitan ni Arch, nakilala niya si Monroe Fleming, isang Itim na Banal sa mga Huling Araw na namamasukan sa Hotel Utah. Ang asawa ni Monroe na si Frances ay isang Banal sa ikaapat na henerasyon at apo sa tuhod ni Jane Manning James. Inanyayahan siya ng mga Fleming na maghapunan kasama nila, tapat na nagkuwento tungkol sa kanilang mga karanasan sa Simbahan, at ipinakilala siya sa iba pang mga miyembrong Itim ng komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Lunsod ng Salt Lake.
Kabilang sa mga taong nakilala ni Darius ay si Lucile Bankhead, ang minamahal na ina ng komunidad. Gaya ni Frances Fleming, isa rin siyang inapo ng mga pioneer na Itim na Banal sa mga Huling Araw at lumaki sa Simbahan. Nakilala rin niya si Eugene Orr, na sumapi sa Simbahan noong 1968 at nagpakasal sa babaeng nakilala nito sa Utah, si Leitha Derricott. Ngayon, nagdaraos sina Eugene at Leitha ng mga piknik sa tag-araw para makatulong sa pakikipagkapatiran sa kanilang mga kaibigang Itim sa kanilang lugar.
Humanga nang lubos si Darius kay Ruffin Bridgeforth, isang Itim na lalaking lumipat sa Utah noong 1944 bilang empleyado ng militar ng U.S. Si Ruffin at kanyang maybahay na si Helena ay sumapi sa Simbahan noong 1953 at pinalaki ang kanilang mga anak sa Simbahan. Hinangaan ni Darius ang pagiging matatag ni Ruffin, tahimik na karunungan, at malumanay na pag-uugali nito. Sa paglipas ng mga taon, naging malapit na kaibigan ni Ruffin sina Elder Thomas S. Monson at iba pang mga lider ng Simbahan. Madalas siyang magbigay ng mensahe sa mga ward, stake, at mga mission tungkol sa mga kasaping Itim ng Simbahan.
Isang araw, tumanggap ng tawag si Darius mula kay Heber Wolsey, ang pinuno ng public relations sa BYU. Alam niya ang tungkol sa gawain ni Darius sa KSL at kung minsan ay humihingi siya rito ng tulong kapag nahaharap ang BYU sa kontrobersyang may kinalaman sa lahi.
Kamakailan lamang, sumailalim sa matinding pagsusuri ng publiko ang unibersidad dahil sa restriksyon sa priesthood, at kung minsan ang mga aktibistang pulitikal ay nagdaraos ng mga protesta at nag-boykot ng mga palaro ng BYU. Nagsimula ang kontrobersya noong Oktubre 1969 nang labing-apat na Itim na manlalaro ng football ng University of Wyoming ay humiling na magsuot ng itim na armband sa kanilang darating na laro laban sa BYU. Inalis sila ng kanilang coach mula sa koponan, na umakit ng pansin ng media at nagbunsod ng mga protesta.
Ngayon, ang mga aktibista sa Wyoming ay nanawagan para sa isa pang protesta, ngayon naman ay sa isang laro ng basketball laban sa BYU. Nang nalaman ng pangulo ng BYU na si Ernest L. Wilkinson ang tungkol sa plano, nagpalabas siya ng nakasulat na mensahe na nagtatanggol sa unibersidad at inatasan si Heber na makipag-usap sa mga nag-organisa. Subalit nais ng mga aktibista na makipag-usap sa isang Itim na miyembro ng Simbahan, kung kaya tinawagan ni Heber si Darius upang tanungin kung maaari siyang sumakay agad ng eroplano papuntang Wyoming.
“Kailan mo kailangan?” tanong ni Darius.
“Ah,” sabi ni Heber, “kalahating mula ngayon.”
Nagmamadaling nagpunta si Darius sa paliparan at sumakay ng eroplano. Nang dumating siya sa unibersidad, mabilis siyang hinatid ni Heber sa nagsisiksikang bulwagan. Naupo sila sa unahan, sa harap ng mga pangunahing aktibista. Pinanatili ni Darius ang palakaibigang ngiti, subalit habang sumasagot siya ng mga tanong nila, nadarama niyang may ilan sa kanila ang hindi natutuwang ipinagtatanggol niya ang Simbahan. Gayunpaman, determinado siyang maging totoo sa kanyang sarili at sa kanyang mga paniniwala.
Sa isang pulong noong pagtatapos ng linggong iyon, may nagparatang kay Darius ng pagdudungis ng dangal ng lahi niya sa pagsali sa Simbahan. Sumagot si Darius, “Isinilang akong Itim. Isa akong Itim ngayon. Mamamatay akong Itim. Ipinagmamalaki ko ang aking pamanang lahing Itim. At ipaglalaban ko ang mga adbokasiya ng Itim gamit ang lahat ng lakas na mayroon ako.”
Pagkatapos ay huminto siya. “Isa rin akong Mormon,” nagmamalaki niyang idinagdag. “Taglay ng simbahang Mormon ang mga sagot na hindi ko natagpuan saanman. Walang tunggalian sa pagitan ng kulay ng aking balat at ng aking relihiyon.”
Sa kabila ng mga pagsisikap nina Darius at Heber, nagdaos ng protesta ang mga mag-aaral ng Wyoming bago ang laro at sa kalagitnaan nito. Habang inoobserbahan sila ni Darius, naunawaan niya ang kanilang pagnanais sa pagkakapantay-pantay ng lahi, ngunit sa palagay nya ay hindi nila lubusang naunawaan ang Simbahan o mga turo nito.
“Kung handa silang magprotesta nang lahatan laban sa pagkiling at kawalan ng pagkakapantay-pantay saanman iyon mangyari, ngunit hindi laban sa pananampalatayang Mormon,” kalaunan ay sinabi niya, “ginusto ko sanang sumama sa kanila.”
Noong ika-19 ng Enero 1971, si Anthony Obinna, isang apatnapu’t dalawang taong guro mula sa Nigeria, ay kumuha ng bolpen at asul na papel upang sumulat ng liham sa pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. “Marami na akong nabasang aklat bilang paghahanap tungkol sa kaligtasan,” isinulat niya, “at sa wakas ay natagpuan ko na ang sagot.”
Noong mga huling taon, si Anthony, ang kanyang asawang si Fidelia, at kanilang mga anak ay madalas na nananatili sa kanilang bahay habang sumisiklab ang digmaang sibil ng Nigeria sa paligid nila. Isang araw, habang pinapalipas ni Anthony ang mahahabang oras ng kawalang-katiyakan, may binuklat siyang lumang magasin at nakakita ng isang bagay na hindi niya inaasahan: isang larawan ng magarang gusaling bato na may maraming malalaking tore.
Minsan na niyang nakita ang gusali—sa isang panaginip niya bago nagsimula ang digmaang sibil. Sa panaginip, ginabayan siya ng Tagapagligtas sa kamangha-manghang gusali. Puno ito ng mga tao at lahat sila ay nakasuot ng puting damit.
“Ano po ito?” tanong ni Anthony.
“Sila ang mga taong dumadalo sa templo,” sagot ng Tagapagligtas.
“Ano pong ginagawa nila?”
“Nagdarasal sila. Palagi silang nagdarasal dito.”
Nang magising na siya, ninais ni Anthony na malaman pa ang tungkol sa mga bagay na nakita niya. Ikinuwento niya ang panaginip kay Fidelia at mga kaibigan niya, tinatanong kung ano sa palagay niya ang kahulugan nito. Walang nakakatulong sa kanya. Sa wakas ay lumapit siya sa isang reberendo upang humiling ng patnubay. Hindi rin maunawaan ng reberendo ang kahulugan ng panaginip, ngunit sinabi niya kay Anthony na kung mula sa Diyos ang panaginip, balang araw ay masasagot ang mga tanong niya.
Sa sandaling nakita ni Anthony ang imahe sa isang magasin, alam niyang natagpuan na niya ang kanyang sagot. Sa taas ng litrato ay may nakasaad na nagsasabing isa itong templo sa Lunsod ng Salt Lake.
“Ang mga Mormon—opisyal na kilala bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—ay kakaiba,” pagsisimula ng artikulo. Ginunita nito ang kasaysayan ng Simbahan at ipinaliwanag ang ilan sa mga pangunahing doktrina nito. “Isa itong kumpletong uri ng pamumuhay,” isinaad ng artikulo. “Ang panrelihiyong kislap na nagpaalab sa pagsisikap ng komunidad ay isang paniniwala na ang lahat sa mundo ay espiritwal na anak ng Diyos.”
Dahil sa artikulo ay mabilis na napag-isip-isip ni Anthony ang tungkol sa maraming bagay. Nakatira siya malapit sa kanyang mga kapatid, kung kaya agad niyang tinipon ang mga ito at sinabi sa kanila ang tungkol sa larawan at sa kanyang panaginip.
“Sigurado ka ba sa gusaling iyon?” tanong ng kanyang kapatid na si Francis.
Sa kasamaang palad, hindi siya nakakapagpadala ng liham sa punong-tanggapan ng Simbahan noong panahong iyon dahil sa restriksyon ng digmaan. Ni hindi niya alam ang tungkol sa anumang hindi opisyal na kongregasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Nigeria. Marami sa mga ito ang nagkawatak-watak noong digmaan, kung kaya nawalan sila ng ugnayan sa bawat isa at sa Simbahan. May ilang mananampalataya, gaya ni Honesty John Ekong, ang hindi na nabalitaan pa. Subalit ngayong tapos na ang digmaan, wala nang nakapigil pa kay Anthony mula sa pakikipag-ugnayan sa Simbahan.
Ipinagpapatuloy ang kanyang sulat sa pangulo ng Simbahan, ipinahayag ni Anthony ang kanyang hiling na magkaroon ng branch ng Simbahan sa kanyang bayan. “Ang Mormonism ay tunay na kakaiba sa mga relihiyon,” isinulat niya.
Pagkaraan ng ilang linggo, tumanggap siya ng isang liham. “Sa ngayon ay wala kaming opisyal na kinatawan mula sa Lunsod ng Salt Lake sa inyong bansa,” nakasaad rito. “Kung ninanais ninyo, malugod akong makikipag-ugnayan sa inyo tungkol sa mga turong panrelihiyon ni Jesucristo.”
Ang liham ay pirmado ni LaMar Williams, Missionary Department.