Kabanata 22
Higit na Katulad ng Ating Panginoon at Guro
Noong umaga ng ika-7 ng Abril 1984, nakaupo si Ardeth Kapp sa harapan ng Salt Lake Tabernacle. Si Gordon B. Hinckley, na hinirang bilang karagdagang tagapayo sa Unang Panguluhan halos tatlong taon na ang nakararaan, ay nakatayo sa pulpito, humihingi ng boto ng pagsang-ayon sa mga general authority at opisyal ng Simbahan. Inanunsyo niya ang paghirang ng dalawang bagong apostol, sina Russell M. Nelson at Dallin H. Oaks. Iminungkahi rin niya ang pangalan ni Ardeth bilang bagong Young Women General President.
Nagkakaisa silang sinang-ayunan ng mga Banal sa Tabernacle. “Isang tungkulin ang binigay, isang paghirang ang ginawa,” kalaunan ay pinagnilayan ni Ardeth sa kanyang journal, “at tumugon nang may pagmamahal ang mga miyembro.”
Makalipas ang apat na buwan, si Ardeth at kanyang mga tagapayo, sina Patricia Holland at Maurine Turley, at kanyang katuwang sa pangangasiwa na si Carolyn Rasmus ay nagpulong sa isang kubo sa mga bulubundukin malapit sa Provo, Utah. Unang Linggo iyon ng buwan, at nagpunta silang nag-aayuno.
Ang pokus ng kanilang pag-aayuno ay ang Pansariling Pag-unlad, ang programa ng tagumpay para sa mga kabataang babae noong huling bahagi ng dekada ng 1970. Miyembro si Ardeth ng pangkalahatang panguluhan ng Young Women na nagpakilala ng Pansariling Pag-unlad, subalit nadama niya na maraming kabataang babae ang hindi nakikilahok sa programa.
Naniniwala sila ng kanyang mga tagapayo na ang bawat kabataang babae ay nangangailangan ng mas malawak na kahulugan ng layunin at pagkakakilanlan. Naniniwala rin sila na mas marami pa ang magagawa upang tulungan ang mga kabataang babae na madamang nakikita at pinahahalagahan sila habang sinisikap nilang gumawa at tumupad ng mga tipan sa Panginoon.
Sa kubo, inilista nina Ardeth, Patricia, Maurine, at Carolyn ang mga pangkalahatang alituntunin na inaakala nilang mahalaga sa buhay at kapakanan ng isang kabataang babae. Bawat isa sa kanila ay nagpunta sa kani-kanyang pribadong lugar sa mga kakahuyan upang pagnilayan ang listahan at pinaikli ito para maglaman lamang ng mga pinakamahalagang alituntunin. Nang bumalik sila sa kubo, natagpuan nila na lahat ng listahan nila ay magkakatulad. Lahat sila ay nakadama ng mainit na pakiramdam. Nadama nilang ginagabayan sila ng Panginoon sa tamang direksyon.
Sa kasalukuyang pormat nito, nakatuon ang Pansariling Pag-unlad sa mga pinahahalagahang isinasabuhay ng lahat ng mga denominasyong Kristiyano. Naisip ni Ardeth at ng kanyang mga tagapayo na kailangan din nitong isama ang sariling mga paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw. Habang tinatalakay kung ano ang bibigyang-diin, tinukoy nila ang limang pinahahalagahang makakatulong sa kahit sinong kabataang babae, saanman siya nakatira, na mapalapit sa Diyos at maunawaan ang kanyang tunay na pagkakakilanlan: pananampalataya, banal na katangian, pagsunod, kaalaman, at pagpili at pananagutan.
Sa mga sumunod na buwan, inorganisa ni Ardeth at kanyang mga tagapayo ang isang pangkalahatang lupon ng Young Women at pinili ang pitong pinahahalagahan, ang pagiging masunurin ay pinalitan ng kahalagahan ng sarili, mabubuting gawa, at integridad. Idinikit ni Ardeth ang mahahabang piraso ng papel sa mga dingding ng silid-pulungan ng Young Women, at siya at ang iba pang mga miyembro ng lupon ay pinunan ang espasyo ng mga kabatiran na nakuha nila mula sa mga pagsasaliksik at pakikipagtalakayan sa mga kabataang babae sa Simbahan.
Naniniwala ang lupon na ang bawat kabataang babae ay nararapat malaman kung ano ang kanilang walang hanggan at banal na kalikasan at kung ano ang lugar niya sa plano ng Diyos. Ang bawat kabataang babae ay nangangailangang magkaroon ng espiritwal na mga karanasan, gumawa at tumupad ng mga tipan sa Panginoon, tumanggap ng pagkilala sa mga gawaing tulad ng kay Cristo, at masuportahan ng kanyang mga lider ng priesthood.
Sa simula ng 1985, si Ardeth at kanyang lupon ay naghahandang isumite ang kanilang mga ideya sa Priesthood Executive Council ng Simbahan upang maaprubahan. Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Kimball, ang paggawa ng desisyon sa pamamagitan ng mga kapulungan ay naging mas madalas sa Simbahan. Ang Priesthood Executive Council ay isa sa tatlong pangunahing executive council na nagbibigay ng mga rekomendasyon sa patakaran sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol. Kinabibilangan ng mga apostol at iba pang mga general authority ang mga kapulungang ito. Noong pulong ng kanyang panguluhan sa Priesthood Executive Council, umasa si Ardeth na malinaw na mailahad ang nais ng kapulungan para sa mga Young Woman. Ngunit hindi siya nakakatiyak kung paano gawin iyon.
Isang umaga noong Enero, nagising si Ardeth at kumuha ng dilaw na kuwaderno na itinatago niya sa mesita sa tabi ng kama niya. Lahat ng tinalakay nila ng kapulungan mula noong kanilang pagkakahirang ay nabubuo sa kanyang isipan na parang isang napakagandang mosaic. Nagsimula siyang magsulat hanggang dumaloy nang tuluy-tuloy ang mga salita at inspirasyon. Nang sa wakas ay isinulat niya ang huling salita, pagod siya sa emosyon ngunit pinalakas sa espiritwal. Alam na niya kung ano ang sasabihin sa kapulungan.
Makalipas ang anim na linggo, lumuhod sina Ardeth at mga tagapayo niya upang manalangin sa Church Administration Building. Sa loob ng ilang minuto, ilalahad nila sa Priesthood Executive Council ang kanilang plano para sa kinabukasan ng Young Women. Kung tama ang plano, panalangin nila, nawa’y maging bukas ang kapatiran na pakinggan ang kanilang sasabihin. Subalit kung mali ito, hiniling nila sa Panginoon na sana ay ipinid na lamang ang mga tainga ng kapulungan.
Hindi nagtagal, inanyayahan sila sa isang kalapit na silid-pulungan kung saan si Ezra Taft Benson, ang pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nakaupo kasama ang iba pang mga miyembro ng kapulungan.
Nakaupo sa harapan ng silid, sinimulan ni Ardeth ang kanyang paglalahad. “Ang aming pokus ay hindi gaano sa mga programa,” sabi niya, “kundi sa mga saligang alituntunin na makakatulong sa mga kabataang babae na malaman at maisabuhay ang ebanghelyo.”
Nagsalita siya tungkol sa maraming problemang hinaharap ng mga kabataang babae sa lipunan: mapaminsalang media at patalastas, krimen, sekswal na imoralidad, problema sa pagkain, abuso sa droga at alak, pagpapakamatay. Naglahad siya ng mga datos na nagpapakitang ang mga kabataang babae sa Simbahan ay mas kakaunti ang mga resource, oportunidad para sa pagkilala, at mga adult na lider kung ihahambing sa mga kabataang lalaki. Sa paghahambing ng mga programa para sa Young Women at Young Men, sabi ni Ardeth, hindi niya iminumungkahi na kailangang maging magkapareho ng mga ito. Sa halip, kailangan nilang matanggap ang lahat ng kinakailangang resource at suporta upang makatulong na magtagumpay ang kabataan.
Sa wakas, iminungkahi ni Ardeth at kanyang mga tagapayo na isaayos ang Young Women batay sa pitong pinahahalagahan. “Ang gayong kaayusan,” sabi ni Ardeth, “ay maaaring magbigay ng pagkakakilanlan sa young women upang sila at ang iba ay mas maunawaan kung ano ang kahulugan ng pagiging kabataang babae.”
Matapos ang paglalahad, inanyayahan ni Pangulong Benson ang kapulungan na tumayo bilang pagkilala sa kahalagahan ng ipinakita nina Ardeth. “Hindi lamang nabuksan ang aming mga tainga,” sabi niya, “kundi maging mga daluyan ng aming mga luha.”
Kalaunan noong araw na iyon, si Elder Dean L. Larsen, isang miyembro ng kapulungan, ay tinawagan si Ardeth sa telepono. “Gaano kabilis kayong makapaghahanda ng isang brodkast sa satellite para sa mga kabataang babae?” tanong niya.
“Sa Nobyembre po,” sabi ni Ardeth.
Nagulat si Elder Larsen. “Ganoon katagal?”
“Kailangan po naming maging lubos na handa,” sagot ni Ardeth. “Hindi po kami magkakaroon ng pangalawang pagkakataon.”
Noong ika-14 ng Disyembre 1984, inilaan ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang isang bahay ng Panginoon sa Lunsod ng Guatemala, Guatemala. Habang nakamasid siya, si Carmen O’Donnal, ang matron ng bagong templo, ay namamangha sa mahimalang paglago ng Simbahan sa kabuuan ng Gitna at Timog Amerika.
Noong 1948, nang bininyagan si Carmen sa isang maliit na swimming pool sa timog ng Lunsod ng Guatemala, isa siya sa mga pinakaunang taong sumapi sa Simbahan sa Guatemala. Ngayon ang bansa ay may higit 30,000 Banal sa mga Huling Araw, higit sa kalahati ay bininyagan noong nakaraang apat na taon. Mas maraming tao sa rehiyon ang gumagawa ng tipan na sundin si Jesucristo, at ang pagtatayo ng templo ay nasa sentro ng gawaing ito.
“Tinulutan ako ng Panginoon na mabuhay upang makita ng sarili kong mga mata ang himalang ito,” sinabi niya noong paglalaan.
Bago ang kanyang paghirang bilang matron ng templo, si Carmen at asawa niyang si John ay nagtatrabaho sa Mexico City Temple na inilaan noong Disyembre 1983. Ito ang unang bahay ng Panginoon sa Mexico, na may mahigit sa 360,000 miyembro—mahigit pa sa anumang bansa sa mundo na gumagamit ng wikang Espanyol. Kasama sa mga dumalo sa paglalaan nito ay sina Isabel Santana at Juan Machuca, ang mga dating guro sa Centro Escolar Benemérito de las Américas, na nagpakasal mahigit sampung taon na ang nakararaan. Nakatira na sila ngayon sa Tijuana, Mexico, kung saan nagtatrabaho si Juan para sa Church Educational System.
Sa katimugan, patuloy na lumalago ang Simbahan sa Brazil. Nang ilaan ang São Paulo Temple noong 1978, mayroon ang bansa na 56,000 mga Banal sa labindalawang stake. Pagsapit ng unang bahagi ng taong 1985, lumago na ang dami ng miyembro sa humigit-kumulang 200,000 sa apatnapung-pitong stake. At habang lumalago ang Simbahan, gayon din ang mga responsibilidad ni Hélio da Rocha Camargo. Matapos ang kanyang paglilingkod sa São Paulo Second Ward bishop, naglingkod siya bilang stake president sa São Paulo, bilang mission president sa Rio de Janeiro, at bilang kinatawan ng rehiyon sa Labindalawa. Pagkatapos, noong ika-6 ng Abril 1985, sinang-ayunan siya bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu, ang unang general authority mula sa Brazil.
“Isa itong karanasang hindi ko ninais,” sinabi niya sa mga Banal sa Salt Lake Tabernacle. Ngunit matibay ang kanyang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo, gaya ng sa maraming iba pang mga lider mula sa buong mundo. “Alam kong buhay ang Panginoon,” patotoo niya. “Alam kong ako ay anak ng Diyos, at ang ebanghelyong ito ay ang plano para sa kaligayahan ng lahat ng anak ng Diyos sa mundong ito.”
Samantala, sa Chile, mayroon na ngayong higit na 130,000 mga Banal sa apatnapung stake. Ilang sandali bago ang paglalaan ng Mexico City Temple, nagdiwang ang mga Banal mula sa Chile sa paglalaan ng Santiago Chile Temple, ang unang bahay ng Panginoon sa bansang gumagamit ng wikang Espanyol. Ilang libong mga Banal ang nagtipon para sa okasyon, ang iba ay naglakbay ng ilang daang kilometro sakay ng mga bus.
Naroon sa templo sina Carlos at Elsa Cifuentes para sa paglalaan. Si Carlos ang isa sa mga pinakaunang miyembro ng Simbahan sa Chile. Noong 1958, dalawang misyonero ang lumapit sa kanya sa garahe sa bakuran niya, ipinakilala ang kanilang mga sarili bilang mga kinatawan ni Jesucristo, at itinanong kung nais ba niyang malaman ang tungkol sa Simbahan. Hindi nagtagal ay bininyagan siya. Noong 1972, noong binuo ang unang stake sa Chile, hinirang si Carlos bilang pangulo nito.
Pagdating ng panahon ng paglalaan ng Santiago Chile Temple, nanghihina na ang katawan ni Carlos dahil sa kanser. Ngunit humugot siya ng lakas upang tumayo at magbigay ng taimtim na patotoo. “Alam ko nang walang alinlangan na ito ay gawain ng Panginoon,” sabi niya. “Alam kong buhay ang Diyos. Alam ko na si Jesucristo, ang Kanyang Anak, ay buhay.” Pumanaw si Carlos makalipas ang isang buwan.
Sa kalapit na Argentina, nagpapatuloy ang pagtatayo sa bahay ng Panginoon sa Buenos Aires. Ang limampu’t apat na taong gulang na si Betty Campi ay naglilingkod bilang pangulo ng Primary sa stake sa isang rural na bayan na nagngangalang Mercedes. Sa buong buhay niya, nasubaybayan niya ang paglaki ng Simbahan mula sa isang maliit na acorn hanggang sa naging mayabong na oak, gaya ng hinulaan ni Melvin J. Ballard na mangyayari. Noong 1942, sa taon ng kanyang binyag, may humigit-kumulang na pitong daang miyembro ng Simbahan sa Argentina. Ngayon ang bilang ay halos walumpong libo na. Nanatiling tapat si Betty sa pagkakaroon ng balidong temple recommend, sabik na inaasam ang araw na magagamit niya ito sa kanyang bansang pinagmulan.
Hindi lamang sa Argentina nagaganap ito. Sa ibang bahagi ng Timog Amerika, patuloy na sumusulong ang mga plano para sa mga templo sa Colombia, Peru, at Ecuador. Iprinopesiya nina Brigham Young at Joseph F. Smith na itatayo ang mga templo sa buong mundo. Ngayon ay nangyayari na ito.
Matapos ang kanyang binyag, sabik na si Olga Kovářová na ibahagi ang kanyang kaligayahan sa kanyang pamilya at mga kaibigan. Ngunit dahil hindi kinikilala ng pamahalaan ng Czechoslovakia ang Simbahan, batid niyang limitado ang mga pagkakataon niya. Isa pa, lumaki ang henerasyon niya sa isang lipunang hindi naninwala sa Diyos at halos walang alam tungkol sa relihiyon. Kung susubukan niyang sabihin sa mga tao ang tungkol sa Simbahan, maaaring hindi nila mauunawaan ang sasabihin niya.
Habang nagninilay at nagdarasal siya kung paano niya ibabahagi ang kanyang paniniwala, kinausap niya si Otakar Vojkůvka tungkol sa kanyang problema. “Dapat kang magturo ng yoga” sabi nito. Hindi pinaghihigpitan ng pamahalaan ang pagtuturo ng yoga, at nakita ito ni Otakar bilang magandang paraan upang makakilala ng mga bagong tao at gawin ang gawain ng Panginoon.
Noong una, pakiwari ni Olga ay kakatwa ang suhestiyon niyang ito. Ngunit habang mas pinag-iisipan niya ito, natanto niya na may magandang ideya ito.
Kinabukasan, sumali si Olga sa pagsasanay ng mga guro ng yoga. At hindi nagtagal matapos niyang makumpleto ang kurso, nagsimula siyang magturo ng mga klase sa isang gym sa Uherské Hradiště, ang sinilangang bayan niya sa gitnang Czechoslovakia. Nagulat siya sa kasikatan ng mga kurso. Ang laki ng mga klase ay naglalaro mula 60 hanggang 120 mag-aaral. Nagpalista ang mga tao sa lahat ng edad para sa mga klase niya, sabik na malaman pa ang tungkol sa kalusugang pisikal at pangkaisipan.
Sa bawat klase, nagtuturo si Olga ng mga ehersisyong yoga kasunod ng isang simpleng aralin batay sa mga totoong alituntunin. Gumamit siya ng wikang hindi pangrelihiyon, gumagamit ng mga siping nagpapalakas ng loob mula sa mga makata at pilosopo ng silangang Europa upang suportahan ang itinuturo niya.
Sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo, natanto ni Olga kung gaano ninais ng mga mag-aaral ang mga mas positibong mensahe sa buhay nila. May ilang taong dumadalo sa mga klase niya para lamang sa mga aralin.
Hindi nagtagal, ipinakilala nila ni Otakar sa Simbahan ang ilan sa mga mag-aaral nila, at marami sa mga ito ay piniling magpabinyag.
Lubhang naging popular ang mga klase kung kaya’t lumikha sina Olga at Otakar ng mga kampo ng yoga para sa mga interesadong mag-aaral. Ang mga grupong binubuo ng limampung tao ay gumugol ng tig-isang linggong bakasyon noong tag-init upang makinabang sa pagtuturo nina Olga at Otakar.
Nais ni Olga na madama ng mga magulang niyang sina Zdenĕk at Danuška ang gayunding kaligayahang natuklasan ng mga mag-aaral niya sa pamamagitan ng kampo, at madalas siyang manalangin para sa kanila. Ngunit hindi mahalagang bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng kanyang mga magulang ang relihiyon, at walang branch sa kanilang bayan. Kailangang maging maingat si Olga sa pakikipag-usap.
Batid na pinahihirapan ng pananakit ng ulo ang kanyang ina, isang araw ay sinabi ni Olga, “Inay, nais ko po kayong turuan kung paano mag-relaks at palakasin ang ilang kalamnan sa inyong leeg. Baka po makatulong ito sa inyo.”
“Alam mo namang lagi akong may tiwala sa iyo,” sabi ng kanyang ina.
Ipinakita ni Olga ang ilang simpleng ehersisyo at iminungkahi sa kanyang ina na ipagpatuloy ito nang mag-isa. Sa loob ng ilang buwan, nawala na ang mga sakit ng ulo. Naging interesado sila ng ama ni Olga sa yoga at dumalo sa isa mga kampo ng yoga. Sa loob ng ilang araw, aktibo nang nakikilahok ang ama niya sa kampo at noon niya ito nakitang pinakamasaya. Palagi na ring ginagawa ng kanyang ina ang mga ehersisyo at ideyang ibinabahagi sa mga lesson. Hindi nagtagal ay ibinahagi na rin ni Olga sa kanila ang kanyang mga pinaniniwalaan.
Agad na nagustuhan ng kanyang mga magulang ang Aklat ni Mormon at mga itinuturo nito. Nagkaroon din sila ng patotoo na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos. Hindi nagtagal, nagpasya ang kanyang mga magulang na sumapi sa Simbahan.
Bininyagan sila sa parehong imbakan ng tubig kung saan tinanggap ni Olga ang ordenansa. Pagkatapos, umuwi sina Olga at mga magulang niya at naupo sa mesa sa kusina, magkakahawak ang mga kamay at umiiyak dahil sa kaligayahan. “Kailangan nating ipagdiwang ito,” sabi ng kanyang ina.
Niluto nila ang paboritong miryenda ni Olga at ibinahagi ang kanilang patotoo sa isa’t isa. May malaking ngiti, sinabi ng kanyang ama, “Ang mga dakilang bagay ay nagaganap sa mga tila hindi mahahalagang lugar!”
“Sana ay nadarama ninyo kung ano ang nadarama ko sa puso ko,” sabi ni Henry Burkhardt. “Sana ay masasabi ko rin sa inyo kung gaano kalaking pasasalamat ang nasa puso ko ngayon.”
Ika-29 ng Hunyo 1985 noon. Nakatayo si Henry sa pulpito sa bagong tayong Freiberg German Democratic Republic Temple, nagbibigay ng mensahe sa isang silid na puno ng mga Banal na nagpunta para sa paglalaan ng templo. Si Pangulong Gordon B. Hinckley ang nagbukas ng mga programa noong umagang iyon, at nagsalita rin si Elder Thomas S. Monson.
Hindi na pangulo ng Dresden Mission si Henry. Sa halip, taglay na niya ang karangalan ng pagbibigay ng mensahe sa mga Banal bilang bagong hirang na pangulo ng Freiberg Temple.
“Sa loob ng mahigit tatlumpung taon,” sabi niya, “ninais kong may magawa upang maging posible sa mga Banal sa bansang ito na pumunta sa bahay ng Panginoon.” Ikinuwento niya noong siya at kanyang asawang si Inge ay pinagbuklod sa Swiss Temple noong 1955 bago isinara ang hangganan sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Germany. Ngayon ay lubos ang kagalakan niya na ang mga Banal sa GDR at iba pang mga bansa sa ilalim ng pulitikal na impluwensya ng Unyong Sobyet ay may templo na sa Freiberg.
“Kalooban ito ng Panginoon,” sabi niya. “Ginawang posible ng Panginoon na maitayo ang bahay na ito, isang bahay kung saan maaari tayong tumanggap ng mga pagpapala na hindi maaaring ibigay sa iba pang lugar maliban dito sa Kanyang bahay.”
Namamangha pa rin si Henry dahil matapos ang napakaraming taon ng pakikiharap sa pagtuligsa ng pamahalaan sa Simbahan, naitayo nang halos walang problema ang templo. Matapos makakuha si Henry ng lupain para sa proyekto, ang arkitekto ng Simbahan na si Emil Fetzer ay nakipagtulungan sa mga opisyal, arkitekto, at mga inhinyero sa GDR upang isapinal ang disenyo ng templo. Nakakuha ng inspirasyon sa tradisyunal na arkitekturang Aleman, pinili nila ang isang simple at modernong istruktura na may mga bintanang salamin na may-kulay at isang tore na naka-arko sa paligid ng pasukan.
Hindi nagtagal ay naisaganap ang groundbreaking. Laking gulat ni Henry nang karamihan sa mga opisyal ng pamahalaan na dumalo sa seremonya ay iniyuko ang kanilang mga ulo sa oras ng panalangin. Kumpanya ng pamahalaan ang kontratista ng gusali, kaya hindi nagkaroon ng problema sa pagkuha ng mga manggagawa o mga pahintulot. Pinayagan ng pamahalaan ang Simbahan na kumunekta sa isang malapit na tubo ng natural na gas upang hindi na kailangang painitan pa ang templo gamit ang uling. At nakahanap sina Henry at Emil ng tatlong kristal na aranya para sa sild-selestiyal at mga silid ng pagbubuklod, isang bagay na bibihira sa GDR.
Marahil ang pinakamalaking surpresa ay ang kahandaan ng pamahalaang igalang ang kabanalan ng gusali. Bagama’t legal na pinapahintulutan ang mga opisyal na manmanan ang kahit anong meeting na pangrelihiyon anumang oras sa bansa, sumang-ayon ang pamahalaan na hindi ito gagawin sa templo. Sa katunayan, sa kabuuan ng proseso ng pagtatayo, magalang ang pagtrato ng mga opisyal ng pamahalaan sa Simbahan, sa mga itinuturo nito, at mga kaugalian nito. Nang dumating na ang araw para sa open house, halos siyamnapung libong tao ang nagpunta upang libutin ang gusali.
“Kami ng asawa ko ay nagpapasalamat, mga kapatid, na maaari namin kayong paglingkuran dito sa bahay na ito,” sinabi ni Henry sa mga Banal sa paglalaan ng templo. “Masaya naming gagawin ito.”
Kasunod ng mensahe ni Henry, tumayo si Inge at nagbigay ng kanyang patotoo bilang matron ng templo. “Nais kong sabihin sa inyo na higit ang kaligayahang nakadarama ko kapag ako ay nasa bahay ng Panginoon,” ipinahayag niya. “Kapag naiisip ko ang ating mas batang mga kapatid na may posibilidad sa malapit na hinaharap na sisimulan ang kanilang buhay na magkakasama dito sa templo, magkakasamang binuklod, at isisilang ang kanilang mga anak na taglay ang espiritu, muling napupuspos ng pasasalamat ang puso ko.”
“Naniniwala akong lahat tayo ay sinisikap na maging higit na katulad ng ating Panginoon at Guro,” pagpapatuloy niya, “at ibinibigay ko sa inyo ang aking patotoo na kapag nagtungo tayo rito sa Kanyang banal na templo at kapag tayo ay handa nang maglingkod, magagawa natin ito.”
Noong ika-18 ng Hulyo 1985, ilang libong Orthodox Jews, na nakasuot ng tradisyunal na itim na kapote at malalaking sumbrero, ang nagtipon sa Western Wall ng Jerusalem upang magprotesta. Sa panghihikayat ng mga punong rabbi ng lunsod, yumuko ang mga nagpoprotesta at umusal ng mga panalangin na karaniwang inilalaan para sa ilang araw ng pagdadalamhati. Sa taas nila ay nakasabit ang isang malaking pulang bandila: “Mga Mormon ihinto ninyo ngayon mismo ang inyong proyektong misyonero.”
Mula nang sinimulan ang konstruksyon isang taon na nakakaraan, tuluy-tuloy ang pagtatayo ng Simbahan sa BYU Jerusalem Center for Near Eastern Studies. Ngunit noong panahong iyon, itinuring ng mga taong Orthodox sa lunsod ang center bilang banta sa Judaism. Ang pinaka-pinangangambahan nila ay ang reputasyon ng Simbahan sa gawaing misyonero. Matapos ang Holocaust, nang sistematikong pinaslang ng rehimeng Nazi ang ilang milyong Judio, maraming Orthodox Jew ang naging lubhang sensitibo sa mga Kristiyanong naghahanap ng matuturuan mula sa kanilang mga tao. Natatakot silang ang Jerusalem Center ay magiging sentro ng gawaing misyonero ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Israel.
Ang mga ulat sa pagsalungat ng mga Orthodox sa proyekto ay nagpaligalig sa Unang Panguluhan, na nagtulak sa kanilang ipadala ang mga apostol na sina Howard W. Hunter at James E. Faust sa Jerusalem. Legal na inupahan ng Simbahan ang lupain para sa Jerusalem Center, at walang naging hayagang pagtutol noong unang bahagi ng proyekto. Patuloy ring tinamasa ng center ang suporta ng alkalde ng Jerusalem na si Teddy Kollek at iba pang mga lider na Judio sa lunsod. Sa katunayan, sangkapat nang natatapos ang pagtatayo sa center.
Isang araw matapos ang protesta sa Western Wall, nakipagpulong sina Elder Hunter at Elder Faust kay Rabbi Menachem Porush, isang miyembrong Orthodox ng parlyamentong Israeli, sa tanggapan nito sa Jerusalem. Nagsiksikan sa silid ang ilan pang mga lider na Orthodox.
“Nais naming umapela sa inyo bilang mga kaibigan na inyo sanang tahimik na iatras ang proyekto,” sinabi ni Rabbi Porush sa mga apostol. Isa siyang matangkad at malaking lalaki, ngunit nagsasalita siya na may malumanay at magalang na boses. “Hindi ko alam kung nauunawaan ninyo ang kahalagahan ng nangyari sa Western Wall,” pagpatuloy niya. “Ang mga rabbi mula sa buong Israel ay nagtipon-tipon upang ipahayag ang kanilang pagtutol.”
“Nadarama naming wala kaming ginagawang mali sa pagtatayo ng aming center dito,” sabi sa kanya ni Elder Faust. Nagpupunta ang mga mag-aaral ng BYU sa Jerusalem nang mahigit sa labinlimang taon nang walang anumang kaguluhan. Ang layon nila ay pag-aralan ang lokal na kasaysayan at kultura, hindi ang magsagawa ng gawaing misyonero. Tulad ni Alkalde Kollek, naniniwala ang mga lider ng Simbahan na maaaring mapayapang paghatian ng iba-ibang pananampalataya ang Banal na Lupain.
“Alam namin ang tungkol sa inyong malalakas na programang misyonero para sa kabataan,”sabi ng isa pang rabbi sa silid. “Hindi namin maaaring hayaan ang gayong mga programa rito.”
“Magkasundo tayong ihihinto ninyo nang dalawang linggo ang konstruksyon,” mungkahi ni Rabbi Porush. “Pupunta ako ng Lunsod ng Salt Lake upang ipaliwanag sa mga kinauukulang pinuno ang pangangailangang ihinto ang konstruksyon.”
“Hindi namin maaaring ihinto ang pagtatayo ng gusali,” sabi ni Elder Hunter. “Kami ay nasasailalim sa isang kontrata.”
“Maraming gusali na akong naipatayo,” sabi ni Rabbi Porush, “at alam kong maisasaayos ang kahilingang ihinto ang pagpapatayo.”
“Hindi namin maaaring ihinto ang pagpapatayo ng gusali,” iniulit ni Elder Hunter, “ngunit maaari nating talakayin ang mga bagay-bagay upang malutas natin ang ating mga pagkakaiba.”
“Sana ay pag-isipan ninyo ito,” giit ng rabbi.
Nang sumunod na gabi, tumawag ang mga apostol sa rabbi upang ipaalam sa kanya na hindi nagbabago ang kanilang isip. Magpapatuloy ang pagtatayo ng gusali.
Oras na nakabalik sila sa Lunsod ng Salt Lake, humingi ng payo sina Elder Hunter at Elder Faust sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kung ano ang maaari pa nilang gawin para makuha ang tiwala ng mga salungat sa proyekto.
Upang maipakita na tapat ang Simbahan sa hindi paggawa ng gawaing misyonero sa pamamagitan ng Jerusalem Center, hiniling ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol kina Elder Hunter, Elder Faust, at pangulo ng BYU na si Jeffrey R. Holland na sumulat ng isang kasunduan ng hindi pagsasagawa ng gawaing misyonero upang bigyang katiyakan ang mga lider na pangrelihiyon at pulitikal ng Israel.
Natapos ng komite ang kasunduan noong ika-1 ng Agosto. Kinabukasan, nagtungo sa Jerusalem si Pangulong Holland na dala ang dokumento.
Bilang pangulo ng Relief Society sa Soweto, South Africa, nais ni Julia Mavimbela na ang bawat babae sa branch niya ay madamang iginagalang at tinatanggap sila. Sa buong buhay niya, nasaksihan niya ang mga babaeng minamaltrato dahil sa kakulangan ng pera o lagay sa lipunan. Inaasam niyang lahat ng nasa pangangalaga niya ay ituring nang may dignidad.
Noong panahong ito, nagdaraos ang kababaihan ng Simbahan ng mga buwanang aralin sa “gawaing-bahay” kung saan pinag-aaralan nila ang mga alituntunin ng pag-asa sa sariling kakayahan, pangangasiwa ng pananalapi, paunang lunas, nutrisyon, at pag-iiwas sa sakit. Batid na marami sa Soweto ay nahihirapan sa pananalapi, itinuro ni Julia sa kababaihan ng Relief Society kung paano mag-imbak ng pagkain at magtipid ng tubig, at kung paano mabuhay kahit kakaunti lamang ang mayroon sila. Hinikayat nila silang ayusin ang kanilang mga lumang damit sa halip na bumili ng bago.
Sa isang pagkakataon, may nagbigay ng mga damit at iba pang mga bagay sa branch. Halos lahat sa Relief Society ay nangangailangan, at nagdasal si Julia tungkol sa kung paano patas na ipamimigay ang mga donasyon. Nagbigay ng pahiwatig sa kanya ang Panginoon na bigyan ang bawat kasapi ng Relief Society ng papel na may bilang. Pagkatapos ay sapalaran siyang bumunot ng mga bilang upang ang bawat babae ay may pagkakataong mamili mula sa mga donasyon.
Bagama’t karamihan sa mga lesson ng Relief Society ay nasa wikang Ingles, naghanda si Julia ng mga lesson sa wikang Sotho at Zulu para sa mga babaeng hindi gaanong matatas sa wikang Ingles. Habang itinatalaga ang mga sister ng Relief Society na magministro sa bawat isa bilang mga visiting teacher, umasa siya sa inspirasyon para sa gabay. “Ito ang nais ng Panginoon na puntahan mo,” sasabihin niya sa mga sister na bagong hirang. “Suriin ang mga pangangailangan sa tahanang iyon, at pagkatapos ay maaari nating talakayin ang maaari nating gawin para sa kanila bilang pamilya.”
Habang pinamumunuan ni Julia ang Relief Society sa Soweto, sinusundan niya ang balita sa pagtatayo ng templo sa Johannesburg. Higit na inaasam niyang makita ang rebulto ng anghel na si Moroni na maikabit sa tuktok ng pinakamataas na tulis ng tore ng templo. Ngunit nang dumating ang araw na iyon, ang mga aktibistang kontra sa apartheid sa Soweto ay nagdaos ng isang “stayaway,” isang welga sa buong komunidad upang harangan ang trabaho at pamimili sa mga lugar para sa mga puti sa Johannesburg.
Sinusuportahan ni Julia ang adhikain ng mga aktibista, subalit determinado siyang masaksihan ang mahalagang yugtong ito ng pagtatayo ng templo. Kasama ang kanyang apong lalaki, naglakbay siya patungong Johannesburg. Walang pumigil o nagtanong sa kanila habang nasa daan. Sa lugar ng templo, nagawa nilang saksihan ang paglalagay ng rebulto.
Makalipas ang isang taon noong ika-14 ng Setyembre 1985, tinanggap ni Julia ang kanyang endowment sa bahay ng Panginoon. Sa unang pagkakataon, nakadama siya ng pagiging tunay na kabilang—isang tipang pinagkakaisa siya sa kanyang mga kapatid sa ebanghelyo, sa kabila ng kanilang pagkakaiba sa lahi at wika. At sa wakas, nabuklod na siya sa kanyang namayapang asawang si John at sa kanyang mga magulang.
“Napakagandang araw nito!” masaya niyang sinabi. “Napakaraming pagpapala ang naibigay sa akin.”
“Buong kagalakan kong ipapangako, sa araw na ito, ang mabuhay nang gayon upang lagi akong maging nararapat na pumunta sa bahay ng Panginoon at paglingkuran Siya, ang aking Tagapagligtas at Manunubos,” sabi niya. “Ah, lubos kong pinasasalamatan na mabatid kung sino ako at kung bakit ako naririto.”