Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 20: Kagila-gilalas at Kahanga-hangang Paraan


Kabanata 20

Kagila-gilalas at Kahanga-hangang Paraan

isang maliit na grupong nakaupo sa sahig na nagyoyoga

Sa ika-limang taon ng kanyang paglilingkod bilang pangulo, naramdaman na ni Spencer W. Kimball ang mga epekto ng kanyang pagtanda. Tumuntong siya sa kanyang ika-walumpu’t apat na taon noong Marso 1979. Pinayuhan siya ng kanyang doktor na magpahinga pa upang lumakas, subalit ipinagpatuloy niya at ng kanyang asawang si Camilla ang kanilang abalang iskedyul sa paglalakbay. Upang magawa ang lahat ng nais niyang gawin, maaga siyang gumigising at gabi na kung matulog, na sandali lamang umiidlip matapos mananghalian.

“Ayaw kong mailigtas sa mortal na mundong ito,” sabi niya sa kanyang doktor. “Nais kong maparangalan sa kahariang selestiyal.”

Noong tag-araw ay hindi na niya maisawalang-bahala ang epekto ng kanyang edad. Nasuri ng mga doktor na may naiipon nang dugo sa ilalim ng kanyang bungo, at agad na pinaopera nila siya upang maibsan ng mga doktor ang presyon sa kanyang utak. Naging matagumpay ang operasyon, at makalipas ang isang buwan, naglalakbay nang muli sina Pangulo at Sister Kimball—ngayon naman ay patungong Jerusalem.

Bibisitahin ng propeta ang Banal na Lupain upang ilaan ang Orson Hyde Memorial Garden, isang magandang parke na dalawang ektarya ang laki na kailan lang ay itinayo ng Simbahan sa Bundok ng mga Olibo. Itinayo sa paanyaya ng alkalde ng Jerusalem na si Teddy Kollek at pinondohan ng tatlumpung libong mga pribadong donor, ipinangalan ang parke sa apostol na banal sa mga huling araw na nagpunta sa lunsod noong 1841 para ilaan ang lupain sa pagtitipon ng mga tao ng Juda at bilang lupang pangako para sa mga inapo ni Abraham. Nais ni Alkalde Kollek na magtayo pa ng mas maraming parke sa paligid ng Jerusalem, at nakipagtulungan siya kay Elder Howard W. Hunter upang gawing realidad ito.

Ang pagbisita ng propeta sa Jerusalem, tulad ng memorial garden, ay sumasalamin sa pagnanais ng Simbahan na magdagdag ng liwanag at katotohanan na pinahahalagahan ng mga tao sa buong mundo. May malalim na paggalang si Pangulong Kimball sa mga tradisyong pangrelihiyon na matatagpuan sa Banal na Lupain at sa iba pang lugar. Itinuro niya na ang kaligtasan at walang hanggang kaligayahan ay makakamtam lamang sa pamamagitan ni Jesucristo. Subalit ipinagtibay niya na ang liwanag ng Diyos ang nagbigay-inspirasyon kina Muhammad, Confucius, sa mga repormador na Protestante, at iba pang mga lider ng relihiyon. Naniniwala rin siya na sina Socrates, Plato, at iba pang mga dakilang pilosopo ay naliwanagan ng Diyos.

“Ang ating mensahe,” ipinahayag kamakailan ng Unang Panguluhan, “ay tungkol sa espesyal na pagmamahal at pag-aalala sa walang hanggang kapakanan ng lahat ng lalaki at babae, anuman ang kanilang pinaniniwalaang relihiyon, lahi, o nasyonalidad.”

Noong ika-24 ng Oktubre 1979, sa anibersaryo ng panalangin ng paglalaan ni Elder Hyde, kumapit si Pangulong Kimball sa bisig ni Alkalde Kollek habang binabagtas nila ang palikong daan sa loob ng halamanan. Nahihirapang maglakad ang propeta, ngunit nasisiyahan siyang makarating sa parke. Mula sa halamanan, nakikita niya ang maraming lugar kung saan naglakad at nagturo ang Tagapagligtas.

Sa ibaba ng burol, isang entablado ang itinayo para sa paglalaan. Sinimulan ni Elder Hunter ang programa, at isang koro na binubuo ng halos tatlong daang mga Banal, kabilang na ang mga mag-aaral ng BYU na nag-aaral sa lunsod, ay inawit ang “Umaga Na.” Pagkatapos ay tumayo si Alkalde Kollek at ikinuwento ang mahabang kasaysayan ng Jerusalem.

“Nais kong magpatuloy kayo sa maraming henerasyon gaya ng ginagawa namin,” sabi niya sa mga Banal, “at ang magandang ugnayang ito sa pagitan natin ay dapat manatili sa mga darating na siglong ito.”

Nang pagkakataon na ni Pangulong Kimball para magsalita, namangha siya sa banal na kasaysayang nasa paligid niya. “Binagtas ni Jesucristo ang burol na ito nang ilang beses,” sabi niya. “Sa isang halamanang tinatawag na Getsemani, diyan lamang sa ibaba natin, isinakatuparan Niya ang bahaging iyon ng Kanyang Pagbabayad-sala na nagtulot sa ating makabalik sa ating Ama sa Langit.”

Yumuko siya at nag-alay ng panalangin na inilalaan ang halamanan sa Diyos at sa Kanyang kaluwalhatian. “Nawa’y maging kanlungan ito,” ipinahayag niya, “kung saan lahat ng nagtungo ay maaaring pagnilayan ang kaluwalhatiang Inyong ibinigay sa Jerusalem sa mga nagdaang kasaysayan at sa darating pang kaluwalhatian.”

Si David Galbraith, ang district president ng Simbahan sa Israel, ay winakasan ang meeting sa isang basbas. “Nawa’y ang espirituwal na halamanang ito, na may maringal na tanawin, ay pagmulan ng inspirasyon, at lugar ng pagninilay para sa mga Muslim, Kristiyano, at mga Judio,” ang idinalangin niya. “Nawa’y pag-isahin tayong lahat nito sa bigkis ng kapatiran at kapayapaan.”

Bago nilisan ng mga Kimball ang lunsod, ipinakita sa kanila ni David ang ilang ari-arian malapit sa memorial garden. Sa loob ng ilang taon, nais ng Simbahan na magtayo ng paaralan sa Jerusalem na matutuluyan ng mga kalahok ng programang study abroad ng BYU, maglaan ng meetinghouse para sa lokal na branch ng mga Banal, at magsilbing welcome center para sa mga bisita. Tanaw na tanaw mula sa lugar ang bundok ng templo, subalit naging imposible ang pagtatayo ng mga pribadong organisasyon sa ari-arian dahil sa mahihigpit na batas sa zoning. Gayunpaman, naisip ni Pangulong Kimball na ito ang pinakamagandang lokasyong nakita niya para sa sentro.

Bumalik ang mga Kimball sa Lunsod ng Salt Lake noong ika-26 ng Oktubre, pagod ngunit masaya. Hindi nagtagal, habang naghahanda si Pangulong Kimball na dumalo sa mga kumperensya ng area sa Australia at New Zealand, napansin niyang namamanhid ang kanyang kaliwang kamay. Nagpunta siya sa ospital, at natuklasan ng kanyang mga doktor na mas marami pang dugo na naiipon sa ilalim ng bungo niya.

Kinabukasan ng umaga, muling inoperahan ang propeta.


Noong panahon ding ito, ang tatlumpu’t-limang taong gulang na si Silvia Allred at kanyang pamilya ay lumipat mula Costa Rica patungong Guatemala. Isang convert mula sa El Salvador, naglingkod si Silvia sa misyon sa Guatemala mga labinlimang taon na ang nakakaraan, at sabik siyang bumalik kasama ang kanyang asawang si Jeff at kanilang anim na maliliit pang anak.

Si Jeff ang direktor ng Simbahan para sa temporal affairs sa Gitnang America. Ang posisyong ito—at iba pang tulad nito sa buong mundo—ay nilikha noong 1979 upang tulungan ang Presiding Bishopric’s Office sa mga gawain gaya ng pamamahagi ng kurikulum ng Simbahan, pag-iingat sa mga ari-arian ng Simbahan, at pagbili ng mga bagong lugar para sa mga bagong meetinghouse.

Dumating ang mga Allred sa Lunsod ng Guatemala sa simula ng pasukan. Pinag-aral nila ang kanilang mga anak sa isang paaralan na nagtuturo kapwa sa mga lokal at dayuhang mag-aaral gamit ang wikang Ingles. Kapag Linggo, dumadalo ang pamilya sa isang malaking ward sa lunsod na gumagamit ng wikang Espanyol.

Noong misyonero si Silvia noong dekada ng 1960, may humigit-kumulang labing-isang libong miyembro ng Simbahan at walang stake sa Gitnang Amerika. Gumugol siya ng maraming oras sa paglilingkod sa maliit at nahihirapang mga branch kung saan ang mga misyonero ang karaniwang tumayong mga lider nito. Bagama’t maraming alam na wika at diyalekto ang mga taga-Guatemala, siya at ang iba pang mga misyonero ay nagturo gamit lamang ang wikang Espanyol.

Mula noon, mabilis na tumaas ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan sa Latin America. Pagsapit ng taong 1980, sa Guatemala pa lamang ay may limang stake na, mga labinwalong libong miyembro ng Simbahan, at malakas na lokal na pamunuan. Ang mga katabing bansa na El Salvador, Costa Rica, Honduras, at Panama ay may sarili na ring mga stake. At halos isang libong babae at lalaki mula sa Gitnang Amerika ay naglilingkod ngayon sa mga full-time mission.

Ngunit kasama sa paglagong ito ay ang mga kinakailangang pagbabago. Dumarami ang mga Katutubong mamamayan na sumasapi sa Simbahan sa Gitnang Amerika, at marami sa kanila ang hindi bihasa sa wikang Espanyol. Ang ibang convert naman ay nangangailangan din ng tulong para matutuhan at maunawaan ang mga turo ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Upang matugunan ang mga pangangailangang ito, inaprubahan ng Simabahan ang pagsasalin ng ilang bahagi ng Aklat ni Mormon sa mga lokal na Katutubong wika—K’iche’, Q’eqchi’, Kaqchikel, at Mam. Maaari ding pag-aralan ng mga bagong binyag ang Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, isang simpleng manwal ng Sunday School na madaling basahin na kailan lang ay binuo ng Simbahan upang ituro sa mga miyembro sa lahat ng dako ang mga saligang katotohanan.

Kinakailangan din ng mas malaking paglago ang mga pag-aangkop sa kung paano magtitipon bawat linggo ang mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. Sa loob ng kalahating siglo, idinaos ng Simbahan ang mga meeting ng Sunday School, priesthood at sacrament sa magkakaibang oras sa Sabbath, at ang mga meeting naman sa Primary, Relief Society, at youth tuwing mga araw na may pasok. Subalit ang mga Banal na malayo ang tirahan sa kanilang mga meetinghouse at walang mga sasakyan o walang agad na masakyang pampasahero ay madalas na nahihirapan sa iskedyul na ito.

Kailan lang ay nagtungo si apostol Boyd K. Packer sa Guatamela at naglaan ng siyam na maliliit na meetinghouse sa mga bulubundukin ng bansa. Malaki ang nabawas na oras sa paglalakbay para sa maraming miyembro ng Simbahan dahil sa mga meetinghouse na ito, at nagmungkahi si Jeff na magtayo pa ng mas marami nito sa kabuuan ng kanayunan ng Gitnang Amerika. Nagpatupad rin ang mga lider ng mission sa mga kabundukan ng Guatemala ng iskedyul sa meeting na nagtutulot sa mga Banal sa kanayunan na magkita lamang ng isang beses kada linggo. Sa ilalim ng bagong plano, ang mga bata sa Primary ay nagtitipon habang ang kalalakihan at kababaihan ay nagdaraos ng sarili nilang mga meeting. Pagkatapos ay magkakasamang nagtitipon ang mga Banal para sa sacrament meeting.

Sinusunod ng ward nina Silvia at Jeff sa Guatemala ang tradisyunal na iskedyul ng meeting. Ngunit noong 1980, habang nagsisimula pa lang tumira ang mga Allred sa kanilang bagong tahanan, inanunsyo ng Unang Panguluhan ang iskedyul ng meeting sa buong Simbahan na hawig sa sinusunod sa mga kanayunan ng Guatemala. Sa halip na magdaos ng mga meeting sa magkakaibang oras sa loob ng linggo, lahat ng mga ward at branch ay magtitipon na sa araw ng Linggo sa mga sari-sariling grupo ng meeting na magtatagal ng tatlong oras.

Sa mga kongregasyon kung saan sinubukan ang iskedyul na ito, tumaas ang bilang ng mga dumadalo sa Simbahan, at mas marami nang oras ang mga Banal na magturo at mag-aral ng ebanghelyo sa tahanan. Umaasa ang mga lider ng Simbahan na gayundin ang mangyayari sa buong mundo. Hinikayat nila ang mga pamilya na gugulin ang araw ng Sabbath nang magkakasama at gawin ang kanilang tahanan bilang lugar kung saan ang lahat ay makakadarama ng pagmamahal, panghihikayat, suporta, at pagpapahalaga. Sa pagtaas ng presyo ng krudo sa buong mundo, umasa rin ang mga lider ng Simbahan na makatutulong ang bagong iskedyul na makatipid sa krudo at gastos sa pamasahe ang mga Banal.

Nakita ni Silvia ang kainaman sa pagkakaroon ng iskedyul ng meeting na pabor sa mga Banal saanman sa buong mundo. Makakadalo ang mga anak niya sa mga klase ng Young Women tuwing Linggo kapag naging tinedyer na sila, at sina Jeff at mga anak nilang lalaki ay hindi na kinakailangang gumising nang maaga upang dumalo sa mga pang-umagang meeting ng priesthood.

Gayunpaman, matatagalan pa bago makasanayan ang bagong iskedyul.


Noong ika-6 ng Abril 1980, nagising si apostol Gordon B. Hinckley sa isang magandang umaga ng Pasko ng Pagkabuhay. Ito ang ika-150 anibersaryo ng Simbahan. Nagtungo sila ni Pangulong Spencer W. Kimball sa Fayette, New York upang i-brodkast ang ilang bahagi ng pangkalahatang kumperensya mula sa sakahan nina Peter at Mary Whitmer, kung saan unang idinaos ng mga Banal ang kanilang unang meeting noong 1830.

Napakaraming dapat ipagdiwang ng Simbahan sa ika-150 taon nito. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay lumaganap sa walumpu’t-isang bansa—halos kalahati ng lahat ng bansa sa mundo—nagbibigay ng layunin, pag-asa, at paghilom sa mga taong noon pa hinahangad ang mensahe nito. Dumarami ang bilang ng mga templo, kung saan inanunsyo o itinatayo ang mga bagong bahay ng Panginoon sa Argentina, Australia, Chile, Japan, Mexico, Samoa, Tahiti, Tonga, at sa Estados Unidos. At dahil sa tapat na pagbabayad ng ikapu, kasama ang matalinong pamumuhunan, nagtatayo ang Simbahan ng ilang daang bagong meetinghouse bawat taon. Bagama’t patuloy na nagbabayad ang mga Banal ng maliit na porsyento para sa mga gusaling ito, hindi na naghihirang ang Simbahan ng mga manggagawang misyonero para gawin ang pagtatayo ng mga gusali.

Gayunpaman ay batid ni Elder Hinckley na humaharap pa rin sa matinding pagtutol ang Simbahan. Sa maraming lugar sa buong mundo, nahihirapan ang mga kongregasyon na mapanatili ang mga bagong miyembro nito, at sa tantiya ni Elder Hinckley, kalahati sa 4.5 milyong kasapi ng Simbahan ang hindi isinasabuhay ang kanilang pananampalataya. Mayroon ding mga taong itinuturing ang mabilis na paglago ng Simbahan sa mundo, ang kasiguraduhang pinansyal, at katangi-tanging turo nito bilang banta sa mas kilalang Kristiyanismo, na nag-uudyok sa mga kritiko na maglathala ng mga polyeto at aklat, at gumawa ng mga pelikulang kumukutya sa mga Banal sa mga Huling Araw.

Tumutol ang ibang tao nang magsalita ang Unang Panguluhan tungkol sa mga kasalukuyang isyu sa pulitika, ikinakatwiran na hindi wastong gawin ito ng Simbahan sa publiko. Bilang tugon sa pagpuna ng Simbahan sa Equal Rights Amendment, kamakailan lamang ay sumulat si Elder Hinckley ng mabigat na mensahe ng Simbahan ukol sa isyu. Inilathala noong Pebrero 1980, ipinahayag ng mensahe ang suporta para sa pantay na karapatan ng kababaihan, muling binigyang-diin ang mga alalahanin ng Unang Panguluhan tungkol sa ERA, at pinagtibay ang karapatan ng Simbahan na magsalita tungkol sa mga isyung moral.

Dahil napag-aralan niya ang kasaysayan ng Simbahan, batid ni Elder Hinckley na dumanas ang mga Banal ng mga mainam at mahihirap na panahon. Sa gitna ng lahat ng ito, naging mas matibay ang Simbahan. “Magiging ganito sa hinaharap,” kailan lang ay ipinaalala niya sa kanyang mga kapwa apostol. “Ang Simbahan ay lalago at uunlad at lalaki sa kagila-gilalas at kahanga-hangang paraan.”

Hindi pa nagagawang mag-brodkast ng Simbahan ng pangkalahatang kumperensya nang sabay mula sa dalawang lugar, kaya dumating si Elder Hinckley sa sakahan ng Whitmer na mas maaga ng dalawang oras upang matiyak na maayos ang lahat.

Sa ilalim ng kanyang pamamahala, kailan lamang ay nagtayo ang Simbahan ng makaysayang bahay na yari sa troso at isang makabagong meetinghouse sa ari-arian ng mga Whitmer. Plano nila ni Pangulong Kimball na magbigay ng mensahe sa mga Banal mula sa loob ng bahay. Kung mangyayari ang lahat ayon sa plano, isang malaking satellite dish sa lugar ang magta-transmit ng mga kaganapan sa Salt Lake Tabernacle at sa mga kapilya sa buong mundo habang nagaganap ang mga ito.

Matapos siyasatin ang bahay, nagsanay na sina Elder Hinckley at Pangulong Kimball para sa kanilang mensahe. Batid na nagpapagaling pa mula sa katatapos lamang na operasyon nito ang propeta, inisip ni Elder Hinckley kung may lakas pa itong magbigay ng mensahe. Noong nakaraang araw, pagod si Pangulong Kimball batay sa kanyang itsura at boses habang sinisimulan niya ang kumperensya sa Tabernacle. Ngayon, habang nagsasanay siya sa pagbibigay ng kanyang mensahe, patuloy siyang nahihirapang magsalita.

Nababahala si Elder Hinckley na makitang nahihirapan ang propeta. Kailan lamang, nagpatupad ang Simbahan ng bagong tuntunin kung saan ang mas matatandang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu ay magpapahinga na mula sa aktibong tungkulin. Subalit ang mga pangulo at apostol ng Simbahan ay patuloy na naglilingkod hanggang sa wakas ng kanilang buhay, at kung minsan ay dumaranas sila ng mga sakit kaya mahirap para sa kanila na makasama ang mga Banal. Sa mga ganoong panahon, mas marami pang ginagawa ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan upang matulungan ang pangulo. Ngunit sa kasawiang-palad, ang mga tagapayo ni Pangulong Kimball na sina N. Eldon Tanner at Marion G. Romney ay hindi na rin maganda ang lagay ng kalusugan, at hindi nila laging maibigay ang lahat ng suportang kailangan ng propeta.

Nagsimula ang brodkast sa katanghalian. Sa kubo ng mga Whitmer, nanonood sina Elder Hinckley at Pangulong Kimball ng brodkast ni Pangulong Tanner habang pinapasimulan nito ang kumperensya sa Tabernacle. Matapos ang isang panalangin at mga himno mula sa koro, tumayo si Pangulong Kimball, at lumipat ang kuha ng kamera sa kanya sa bahay na yari sa troso habang binabati ang mga Banal.

“Nakatayo dito ngayon,” sabi niya, “binabalikan natin sa ating isipan ang makapangyarihang pananampalataya at mga gawain ng mga yaong, mula sa abang simula, ay nagbigay nang labis upang tumulong na isulong ang Simbahan sa kasalukuyang kamangha-manghang estado nito; at ang mas mahalaga, inilalahad namin nang may pananaw ng pananampalataya ang pangitain ng tiyak at maluwalhating hinaharap nito.”

Habang nagmamasid si Elder Hinckley, pakiramdam niya ay may nakita siyang himala. Nagsasalita si Pangulong Kimball nang walang kahirap-hirap!

Nang matapos ibigay ng propeta ang kanyang mensahe, naglahad si Elder Hinckley ng espesyal na proklamasyon mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol.

“Ang misyon ng Simbahan ngayon, mula pa sa simula, ay ituro ang ebanghelyo ni Cristo sa lahat sa buong mundo,” ipinahayag niya. “Samakatuwid ay tungkulin nating ituro ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, ang isamo sa mga tao sa mundo na indibidwal na magisisi, ang magsagawa ng mga banal na ordenansa ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan at ang pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo.”

Matinding nadama ni Elder Hinckley ang Espiritu habang binabasa niya ang pahayag. “Buong pagkukumbaba at buong pasasalamat naming pinagninilayan ang mga sakripisyo ng mga yaong nauna na sa atin,” sabi niya. “Determinado tayong ipagpatuloy ang pamanang iyon para sa pagpapala at kapakinabangan ng mga mabubuhay pa sa hinaharap.”


Hindi nagtagal matapos ipatupad ng Simbahan ang bagong iskedyul ng mga meeting, hiniling ng bishop ni Silvia Allred sa Lunsod ng Guatemala na makipagpulong sa kanya. “Ang mga sister sa Primary ay lubos na nahihirapan sa pagpapatupad ng bagong programa,” sabi niya.

Dahil ang Primary ay kasabay na ng mga klase para sa mga adult, hindi na makakadalo ang mga guro ng Primary sa mga meeting ng Sunday School, Relief Society, at priesthood na matagal na nilang tinatamasa. Dalawang beses na ngayon ang tagal ng Primary kung ihahambing noon, at maaaring nakakapagod pangasiwaan ang masisiglang bata nang ganoon katagal.

“Hindi malaman ng mga sister ang gagawin sa dalawang oras ng Primary,” ipinaliwanag ng bishop, “kung kaya dinadala na lamang nila ang mga bata sa hardin upang maglaro.” Nais ng bishop na tumpak na sundin ng mga lider ng Primary ang bagong programa. “Maaari mo ba kaming tulungang gawin ito,” sabi niya kay Silvia.

Sa Primary, natanto ni Silvia na ang pinakamalaking hamon ay ang “oras ng pagbabahagi,” kung saan nagtitipon ang lahat ng mga bata upang matuto pa tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nakipagtulungan si Silvia sa mga lider ng Primary para maisama ang musika, mga visual aid, at pagsasadula sa kanilang mga lesson. At hindi nagtagal, natuwang nakilahok ang mga bata. Sa isang aktibidad na ang tema ay ang ebanghelyo, bumuo sila ng isang malaking puzzle. Sa isa pang aktibidad, umaawit sila nang mas malakas o mas mahina tuwing itinataas o ibinabababa ng lider ang temperatura sa isang kunwaring thermometer. Umarte rin ang mga bata sa mga dulang batay sa banal na kasulatan, gaya ng parabula ni Jesus tungkol sa mabuting Samaritano.

Subalit hindi rin nagtagal ang panahon ng paglilingkod ni Silvia sa Primary. Habang binibisita ang Lunsod ng Salt Lake noong Abril 1980, nalaman nila ni Jeff na balak ng Unang Panguluhan na ilipat ang punong-tanggapan ng temporal affairs para sa Gitnang Amerika mula sa Guatemala. Sa loob ng higit dalawang dekada, sangkot ang bansa sa digmaang sibil, at lumalakas ang puwersa ng mga rebelde.

Bagama’t batid nina Silvia at Jeff ang mga tunggalian mula nang lumipat sila sa Guatemala, namuhay nang normal ang kanilang pamilya, nagsisimba at pumapasok sa paaralan, namimili, at nagbabakasyon nang walang gaanong inaalala.

Gayunpaman, isang buwan matapos bumalik ng mga Allred mula sa Utah, inilipat ng Simbahan ang tanggapan ng temporal affairs sa San José, Costa Rica. Hindi magiging pabor para kay Jeff ang paglipat, kung saan ang mga proyekto niya sa trabaho ay karamihang nasa Guatemala at El Salvador. At magkahalo ang nararamdaman ni Silvia tungkol sa paglipat pabalik ng Costa Rica. Wala pang isang taon mula nang tumira siya at ang pamilya niya sa Guatemala, at gusto ni Silvia na maging bahagi ng malaking paglago ng Simbahan sa bansa. Partikular na nasisiyahan siyang panoorin ang mga kabataang lalaki at babaeng Guatemalan na nag-iipon ng salapi para sa mga misyon at umuunlad sa espiritwal sa kanilang klase sa youth at seminary.

Noong Hulyo 1980, ilang panahon bago lumipat ang pamilya, hinandugan sila ng ward ng munting salu-salo bilang pamamaalam. Bagama’t ang mga mamamayan ng Guatemala ay humaharap sa maraming pagsubok, batid ng mga Allred na patuloy na magtatagumpay doon ang mga Banal. Hindi hinahadlangan ng digmaang sibil ang mga meeting ng Simbahan, at walang lider ng mission o mga misyonero ang iniaalis sa bansa.

Sa kabila ng kanilang kalungkutan, handa ang mga Allred na pumunta kung saan sila ituro ng Panginoon, at saanman sila naroroon, sabik silang tumulong na itayo ang Kanyang kaharian.


Noong panahong lumipat ang mga Allred sa Costa Rica, ang dalawampung taong gulang na si Olga Kovářová ay nag-aaral ng physical education sa isang unibersidad sa Brno, Czechoslovakia. Sa isa sa kanyang mga klase, natutuhan niya ang tungkol sa yoga at mga kapakinabangan nito sa isip at katawan. Dahil nagustuhan niya ito, gusto niyang matuto pa.

Isang araw, isang kaklase ang nagsabi sa kanya tungkol sa isang lokal na guro ng yoga na si Otakar Vojkůvka. Pumayag si Olga na makipagkita rito.

Si Otakar ay isang maliit at matandang lalaki, at nakangiti ito nang binuksan nito ang pinto. Agad na nakadama ng koneksyon si Olga rito. Sa kanyang pagbisita, tinanong siya ni Otakar kung siya at ang kanyang kaibigan ay masaya ba.

“Hindi po namin alam,” matapat nilang sagot.

Ikinuwento sa kanila ni Otakar ang mga pagsubok na hinarap niya sa buhay. Noong dekada ng 1940, may-ari siya ng isang kumikitang pabrika. Ngunit matapos maupo sa puwesto ang pamahalaang nasa ilalim ng impluwensya ng Unyong Sobyet, inagaw ng pamahalaan ang pabrika at ipinakulong si Otakar, kung saan mag-isang itinaguyod ng asawa niyang si Terezie Vojkůvková nang ilang panahon ang kanilang dalawang anak. Namatay na si Terezie, at ngayon ay nakatira si Otakar kasama ang kanyang anak na lalaking si Gád at pamilya nito.

Habang nakikinig si Olga sa kuwento ni Otakar, namangha siya. Karamihan sa mga taong kilala niya sa kanyang bansa ay hindi masayahin at mapang-uyam. Iniisip niya kung paano nagagawa ni Otakar na maging masaya sa kabila ng pagdanas ng napakaraming kahirapan.

Hindi nagtagal ay muling binisita ni Olga si Otakar. Sa pagkakataong ito ay naroroon din si Gád. “Buweno,” sabi niya, “interesado ka ba sa yoga?”

“Wala po akong alam na kahit ano tungkol sa yoga,” sabi ni Olga, “ngunit nais ko pong matuto kasi mukhang napakasaya ninyong lahat. Iniisip ko na baka iyon po ay dahil sa yoga.”

Nagsimula silang talakayin ang espirituwalidad at ang layunin ng buhay. “Ipinadala tayo ng Diyos sa mundo upang magsaboy ng kaligayahan, buhay, at pagmamahal sa mga kaluluwa,” sabi sa kanya ni Otakar.

Lumaki sa isang ateistang pamilya, hindi gaanong napagnilayan ni Olga ang Diyos o ang layunin ng buhay. Ngunit mga Protestante ang kanyang mga ninuno, at ngayon ay natanto niya na marami siyang tanong tungkol sa relihiyon. Hindi tulad ng kanyang mga propesor at kaklase, na tinututulan ang talakayan ukol sa relihiyon, seryosong pinagnilayan ni Otakar ang kanyang mga tanong at pinahiram siya ng mga aklat ukol sa paksa.

Habang nag-aaral si Olga, inasam niyang makanap ng mas maraming layunin sa buhay. Patuloy siyang nakipagpulong kay Otakar, mas nagiging masaya habang tinuturuan siya ng pananampalataya nito. Nagkuwento pa ito ng tungkol sa kanyang paniniwalang Kristiyano at sa pagiging tapat nito sa Diyos. At habang mas natututo si Olga, lalo siyang umasam sa isang espiritwal na komunidad.

Isang araw, iminungkahi ni Otakar na basahin niya ang aklat ni Elder John A. Widtsoe tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Matapos siyang magbasa, sinabi niya kay Otakar na namamangha siya sa mga Banal. “Maaari po ba ninyo akong bigyan ng address ng isang Mormon na Czech?” tanong niya.

“Hindi mo kailangan ng anumang address,” sabi ni Otakar. “Nasa tahanan ka ng isa sa kanila.”

Bininyagan si Otakar bago lamang ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at isa sa mga pinakaunang miyembro ng Simbahan sa Czechoslovakia. Noong 1950, nang pwersahang pinaalis ng pamahalaang Czechoslovak ang lahat ng dayuhang misyonerong Banal sa mga Huling Araw sa bansa, siya at humigit-kumulang na 245 na miyembro ng Simbahan ay nagpatuloy na ipinamuhay ang kanilang pananampalataya, magkakasamang sumasamba sa mga pribadong tahanan sa Prague, Plzeň, at Brno.

Habang mas natututo pa si Olga, humiram siya kay Otakar ng kopya ng Aklat ni Mormon. Nang mabasa niya ang mga salita ni Lehi na, “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan,” nadama niya na para bang nakatuklas siya ng isang nawalang katotohanan. Tila napuspos ng pagmamahal at liwanag ang bawat selula ng kanyang katawan. Alam niya nang walang pag-aalinlangan na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay buhay. Nadama niya ang Kanilang pagmamahal para sa kanya at sa lahat ng tao sa lahat ng dako.

Sa unang pagkakataon sa buhay niya, mapanalangin siyang lumuhod at ibihuhos ang kanyang pasasalamat sa Diyos. At kinaumagahan, nagpunta siya sa apartment ni Otakar at nagtanong, “May paraan po ba upang simulan ko ang aking buhay na para bang isang bagong nilalang?”

“Oo, mayroon,” sabi nito. Binuksan nito ang kanyang Biblia at ipinakita kay Olga ang mga turo ni Jesus tungkol sa pagbibinyag.

“Ano po ang ibig sabihin ng pumasok sa kaharian ng Diyos?” tanong niya.

“Ang maging disipulo ni Cristo,” sabi nito. Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Otakar na kailangan niyang mabinyagan at sundin ang mga kautusan ng Diyos. Sinabi nito kay Olga ang tungkol sa ilang aralin na kailangan niyang matanggap muna at inanyayahan siyang bisitahin ang bahay nito sa susunod na Linggo para sa pagtitipon ng mga Banal. Masayang sumang-ayon si Olga.

Nagkita sila sa isang silid sa itaas ng apartment ni Otakar. Ilang sopa ang maaaring upuan ng isang maliit ng grupo, at ibinaba ang mga persyana [blinds] upang hindi sila makita ng mga kapitbahay na bantulot sa relihiyon. Habang pinagmamasdan niya ang paligid, nagulat si Olga na makitang ang pitong miyembro ay kaedad ng kanyang mga magulang at lolo’t lola.

“Para lamang ba sa mga may edad ang Simbahang ito?” naisip niya. “Ano ang ginagawa ko rito?”

  1. Wilkinson, Interview, 2–3; Spencer W. Kimball, Journal, Feb. 9, 1979; Apr. 20, 1979; May 6, 1979; June 11 at 23, 1979; Aug. 23, 1979.

  2. Wilkinson, Interview, 2; Spencer W. Kimball, Journal, Sept. 6–7, 1979; Camilla Kimball, Journal, Sept. 6 at Oct. 13, 1979. Paksa: Spencer W. Kimball

  3. Howard W. Hunter, “Jerusalem Center,” Oct. 1983, [1]–[2], Budget Office, Jerusalem Center Records, CHL; Dell Van Orden, “Orson Hyde Garden Is on Vantage Seat of Biblical History,” Church News, Nob. 3, 1979, 3; Galbraith, “Orson Hyde Memorial Garden Project,” 7–9; Galbraith, Oral History Interview, 34–35; Mga Banal, tomo 1, kabanata 36; Orson Hyde, “Interesting News from Alexandria and Jerusalem,” Millennial Star, Ene. 1842, 133–34. Paksa: Paglalaan sa Banal na Lupain

  4. Dell Van Orden, “Orson Hyde Garden Is on Vantage Seat of Biblical History,” Church News, Nob. 3, 1979, 3; Galbraith, “Orson Hyde Memorial Garden Project,” 7–9; Galbraith, Oral History Interview, 34–35; Kollek, “Jerusalem,” 713; Hunter, Journal, Oct. 19 and 21, 1975; Nov. 19, 1975; May 21, 1976; Mar. 3, 1977; Apr. 7, 1977; Sept. 7, 1977; Oct. 20 and 22, 1978; July 31, 1979. Paksa: Howard W. Hunter

  5. George Albert Smith, sa “Gospel of Eternal Father Being Preached to World; Truth Proclaimed in Spirit of Love and Helpfulness,” Deseret News, Ago. 20, 1921, bahagi 4, 7; George Albert Smith, sa One Hundred Sixteenth Semi-annual Conference, 168; First Presidency, Statement, Feb. 15, 1978, First Presidency, Circular Letters, CHL; tingnan din sa James A. Toronto, “A Latter-day Saint Perspective on Muhammad,” Ensign, Ago. 2000, 53. Paksa: Unang Panguluhan

  6. Hunter, Journal, Oct. 24, 1979; Camilla Kimball, Journal, Oct. 23–24, 1979; Galbraith, “Orson Hyde Memorial Garden Project,” 9, 15; Galbraith, Oral History Interview, 50; Spencer W. Kimball, sa Orson Hyde Memorial Garden Dedication Service, 18.

  7. Galbraith, “Orson Hyde Memorial Garden Project,” 16; Hunter, Journal, Oct. 24, 1979; Baldridge, Grafting In, 51–52; Tanner, Journal, Oct. 24, 1979; Teddy Kollek, sa Orson Hyde Memorial Garden Dedication Service, 3–4; Abraham Rabinovich, “Mormons Dedicate Park on Mount of Olives,” Jerusalem Post, Okt. 25, 1979, 3.

  8. Spencer W. Kimball, sa Orson Hyde Memorial Garden Dedication Service, 18–22; Galbraith, “Orson Hyde Memorial Garden Project,” 18–20.

  9. Hunter, Journal, Oct. 24, 1979; “Campus Is Land of Bible,” Church News, Nob. 3, 1979, 7; Galbraith, “Orson Hyde Memorial Garden Project,” 21. Paksa: Mga Ugnayan ng Iba-ibang Relihiyon

  10. Galbraith, Oral History Interview, 54–55; Hunter, Journal, May 23, 1978; Feb. 8, 1979; Apr. 6, 1979; Aug. 3, 1979; Oct. 24, 1979; Camilla Kimball, Journal, Oct. 24, 1979; Howard W. Hunter to First Presidency, Jan. 6, 1976, First Presidency, General Correspondence, CHL; “Jerusalem Center for Near Eastern Studies of the Brigham Young University, USA,” sa Brent Harker to Richard Lindsay, Aug. 2, 1985, Brigham Young University, Jerusalem Center File, CHL; Galbraith, “Lead-Up to the Dedication of the Jerusalem Center,” 51–52.

  11. Camilla Kimball, Journal, Nov. 16–17, 1979; Edward Kimball, Journal, Nov. 16–17, 1979; “Pres. Kimball Has Surgery,” Deseret News, Nob. 17, 1979, A1–A2.

  12. Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 1–2; Allred, Oral History Interview [2014], 1–3, 8, 27; First Presidency to Stake Presidents and others in the Central America Area, Aug. 10, 1979, First Presidency, Circular Letters, CHL; Peterson, Journal, Mar. 7, 1979, and May 19–22, 1980; Ezra Taft Benson, sa One Hundred Forty-Ninth Annual Conference, 121; Jeff Allred, “Central America Area: 1980 Year End Report,” Presiding Bishopric, International Offices Files, CHL.

  13. Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 1, 6–7; Allred, Oral History Interview [Sept. 2022], 37; Allred at Allred, Email Interview [Apr. 2023]; Allred at Allred, Email Interview [May 2023].

  14. Missionary Department, Full-Time Mission Monthly Progress Reports, Ene. 1963; “2nd Area Conference Set in Mexico City,” Church News, Mar. 25, 1972, 3; Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 1–2; Allred, Oral History Interview [Feb. 2012], 11–12; Allred at Allred, Email Interview [Apr. 2023].

  15. Deseret News 1987 Church Almanac, 173, 182–85, 187, 189, 203; Missionary Department, Annual Reports, 1979, 10, 12; Allred at Allred, Email Interview [Apr. 2023]. Mga Paksa: Paglago ng Simbahan; Costa Rica; El Salvador; Honduras; Panama

  16. O’Donnal, Pioneer in Guatemala, 147–50; Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 3, 13; Allred at Allred, Email Interview [Apr. 2023]; O’Donnal at O’Donnal, Oral History Interview, 99, 103–4.

  17. Missionary Department, Annual Reports, 1979, 22; Missionary Executive Committee to Council of the Twelve, June 14, 1977, First Presidency, General Correspondence, CHL; Carr, “History of Translation and Distribution,” 222–34; O’Donnal, Pioneer in Guatemala, 147–50, 387; O’Donnal at O’Donnal, Oral History Interview, 63; Ronald K. Esplin, “A Church for All Lands—Guatemala,” Church News, Ene. 13, 1979, 16.

  18. Davis, Oral History Interview, 3–5; “New Manuals Are Available,” Church News, Hunyo 10, 1978, 11; “New Books for LDS Readers,” Church News, Dis. 9, 1978, 14; Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 15. Mga Paksa: Guatemala; Sunday School

  19. Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 1, 13–15; Allred at Allred, Oral History Interview, 4; Allred at Allred, Email Interview [Apr. 2023]; Allred at Allred, Email Interview [May 2023]; General Handbook of Instructions [1976], 21–24; William B. Smart, “Sabbath Day,” sa Ludlow, Encyclopedia of Mormonism, 3:1242; O’Donnal at O’Donnal, Oral History Interview, 96–97, 103–4.

  20. Allred at Allred, Email Interview [Apr. 2023]; O’Donnal at O’Donnal, Oral History Interview, 92–96, 112–13; O’Donnal, Pioneer in Guatemala, 241–71; “Converts Fill 10 New Chapels,” Church News, Hunyo 23, 1979, 3–4; Presiding Bishopric International Office, Meetinghouse Sizing Charts, sa Richard G. Scott, Mexico-Central America Files, CHL. Mga Paksa: Programa ng Pagtatayo ng Gusali; Mga Sacrament Meeting

  21. Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 3–4; First Presidency to All General Authorities and others, Feb. 1, 1980, First Presidency, Circular Letters, CHL; Hunter, Journal, Apr. 26, 1979; June 12, 1979; Nov. 18, 1979; Jan. 16–17 at 31, 1980; Presidency of the First Quorum of the Seventy, Memorandum, Nov. 14, 1979; Presidency of the First Quorum of the Seventy, Memorandum, Jan. 15, 1980, Gordon B. Hinckley, Miscellaneous Stake and Mission Correspondence, CHL; “Church Consolidates Meeting Schedules,” Ensign, Mar. 1980, 73.

  22. Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 14–15; Allred at Allred, Email Interview [May 2023]; “Panel on Consolidated Schedule at the Regional Representatives Seminar,” Abr. 4, 1980, 3–4, 6–7, Quorum of the Twelve Apostles, Regional Representatives Seminar Addresses, CHL; William B. Smart, “Sabbath Day,” sa Ludlow, Encyclopedia of Mormonism, 3:1242.

  23. Hinckley, Journal, Apr. 5–6, 1980; Dew, Go Forward with Faith, 367–68. Mga Paksa: Pangkalahatang Kumperensya; Pulong sa Pagtatatag ng Simbahan ni Cristo

  24. Francis M. Gibbons, “Statistical Report 1979,” Ensign, Mayo 1980, 20; John L. Hart, “Seven New Temples to Be Erected,” Church News, Abr. 5, 1980, 3; “Temple to Be Built in Tokyo,” Ensign, Okt. 1975, 86–87; “Plans Announced for Temple in Mexico,” Ensign, Mayo 1976, 138; “Mexico City Temple Visited by 120,000,” Church News, Dis. 4, 1983, 3. Paksa: Pagtatayo ng Templo

  25. Hunter, Journal, Dec. 7, 1979; Turner, “Church in Business,” 52–53, 55; “Presiding Bishopric International Offices 1980 Year End Report,” 1; Presidency of the First Quorum of the Seventy, “Presentation on Cost Reduction,” Jan. 16, 1981, Presiding Bishopric, Committee for Reducing Financial Demands on Church Members Files, CHL; James B. Allen at Richard O. Cowan, “History of the Church,” sa Ludlow, Encyclopedia of Mormonism, 2:644; Perry, Brown, at Blease, If the Walls Had Ears, 213; “1979 Year End Report: Argentina-Paraguay-Uruguay Area,” 5, Presiding Bishopric, International Offices Files, CHL. Mga Paksa: Pananalapi ng Simbahan; Paglago ng Simbahan

  26. Haws, Mormon Image in the American Mind, 99–125; Gordon B. Hinckley to Ezra Taft Benson, Jan. 2, 1979, Gordon B. Hinckley, Miscellaneous Stake and Mission Correspondence, CHL; Deseret News 1982 Church Almanac, 218.

  27. Hinckley, Journal, Jan. 15, 22, 24, and 26–28, 1980; Feb. 1 and 8, 1980; The Church and the Proposed Equal Rights Amendment: A Moral Issue ([Salt Lake City]: Ensign Magazine, 1980); William R. Bradford to Ezra Taft Benson, Feb. 20, 1980, Spencer W. Kimball, Headquarters Correspondence and Subject Files, CHL; Tullis, “Some Observations from Latin America,” 67–70. Mga Paksa: Equal Rights Amendment; Pagiging Walang Kinikilingan sa Pulitika

  28. Hinckley, Journal, Feb. 7, 1980; Dew, Go Forward with Faith, 369. Ang sipi ay pinamatnugutan para linawin; ang “it” sa orihinal ay pinalitan ng “the Church.”

  29. Hinckley, Journal, May 13, 1976; Sept. 20, 1978; Jan. 10 and 12, 1979; Apr. 6, 1980; Public Communications Department, General Authority Advisers Minutes, Jan. 11 and Feb. 1, 1977; Dew, Go Forward with Faith, 367–68. Mga Paksa: Broadcast Media; Mga Makasaysayang Lugar ng Simbahan

  30. Hinckley, Journal, Apr. 5–6, 1980; Dew, Go Forward with Faith, 366; Kimball, “No Unhallowed Hand Can Stop the Work.”

  31. Hinckley, Journal, Jan. 24 and Feb. 14, 1980; “Seven Church Leaders Get ‘Emeritus’ Status,” Church News, Okt. 7, 1978, 5. Mga Paksa: Unang Panguluhan; Korum ng Pitumpu

  32. Hinckley, Journal, Apr. 6, 1980; Spencer W. Kimball, “Introduction to the Proclamation,” Ensign, Mayo 1980, 51; “Proclamation,” Ensign, Mayo 1980, 52–53.

  33. Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 3–4, 14–15; General Instructions for Stake Presidencies and Bishoprics, 3–4, 6–7; Primary Association, General Board Minutes, Sept. 20, 1979; Jan. 24, 1980; May 27, 1980; Primary Association, Annual History Reports, 1980–88, 1–3; Primary Handbook, 32–33. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “the new primary program” na nasa orihinal ay pinalitan ng “the new program.”

  34. Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 4, 17; Allred, Oral History Interview [Sept. 2022], 34. Paksa: Primary

  35. Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 15–16, 18; Allred, Oral History Interview [2014], 27; William R. Bradford to Ezra Taft Benson, Feb. 20, 1980, Spencer W. Kimball, Headquarters Correspondence and Subject Files, CHL; National Foreign Assessment Center, Guatemala, iii–v; Jack Davis to the Director and Deputy Director of Central Intelligence, Memorandum, Mar. 24, 1980, 2, General CIA Records, Freedom of Information Act Electronic Reading Room.

  36. Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 5; Justice and Justice, Oral History Interview, [00:39:20]–[00:40:18].

  37. Allred at Allred, Email Interview [May 2023]; Allred, Oral History Interview [Aug. 2022], 13, 16–19; Allred, Oral History Interview [2014], 27–28; Allred, Oral History Interview [Feb. 2012], 17.

  38. Mehr, “Enduring Believers,” 152; Kovářová, Oral History Interview, [6]; Campora, Oral History Interview [2020], 4, 8, 30–32; Campora, Saint behind Enemy Lines, 40–43, 52–53; Campora, “Fruits of Faithfulness,” 141; Mga Banal, tomo 3, kabanata 35.

  39. Kovářová, Oral History Interview, [1]–[2], [6]–[7]; Campora, “Fruits of Faithfulness,” 141–42; Campora, Saint behind Enemy Lines, 53–55; Vojkůvka, Statement, Oct. 3, 1990.

  40. Campora, Saint behind Enemy Lines, 58–67; Campora, Oral History Interview [2020], 28–29; John A. Widtsoe, Priesthood and Church Government: A Handbook and Study Course for the Quorums of the Melchizedek Priesthood of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (Salt Lake City: Deseret Book, 1939).

  41. Vojkůvka, Oral History Interview, [00:06:49]–[00:10:12]; Ed Strobel, “Statistics of the Czechoslovakian Mission,” July 22, 1989, 1, Europe Area, Files relating to Church Activities in Eastern Europe, CHL; Mehr, “Enduring Believers,” 144–52; Vojkůvka, Statement, Oct. 3, 1990; Johann Wondra, “Meeting with President Jiri Snederfler,” Aug. 31–Sept. 1, 1985, Europe Area, Eastern Europe Files, CHL. Paksa: Czechoslovakia

  42. Campora, “Fruits of Faithfulness,” 141–42; Campora, Saint behind Enemy Lines, 69–71; 2 Nephi 2:25.

  43. Campora, “Fruits of Faithfulness,” 142, 144; Campora, Saint behind Enemy Lines, 70–74; Kovářová, Oral History Interview, [12]. Ang mga sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “his disciple” sa orihinal ay pinalitan ng “Christ’s disciple” at ang “I am” sa orihinal ay pinalitan ng “am I.”