Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 3: Isang Magandang Laban


Kabanata 3

Isang Magandang Laban

ang boksingerong si Chuck Woodworth na nakikipaglaban kay Tongan Torpedo

Tuwing alas-siete ng umaga ng Lunes, nagtitipon sina Mosese Muti at kanyang mga kapwa misyonero sa pinagtatayuan ng kapliya sa Niue. Si Elder Archie Cottle, isang tagapamahala sa pagtatayo ng gusali mula sa Odgen, Utah, ay nagpunta sa isla noong Marso 1957 kasama ang kanyang pamilya at dalawa pang misyonerong Tongan upang simulan ang pagtatayo ng bagong meetinghouse at mission home. Ngayon, ang unang permanenteng kapilya ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Niue ay unti-unting nabubuo sa ilalim ng ilang puno ng palmera.

Nasisiyahan si Mosese sa kanyang gawain sa isla. Siya at ang isa pang misyonerong Tongan ang nagsasagawa ng pag-aayos ng mga ladrilyo sa panlabas na pader ng kapilya. Napansin ng mga misyonero na maaaring mahirap humanap ng mga lokal na kalalakihan para tumulong sa proyekto, lalo na at may ibang mahihirap na trabaho ang mga ito sa isla. Subalit may isang tapat na grupo ng nakatatandang kababaihan ang palagiang nagboboluntaryong tumulong sa pamamagitan ng paghatid ng buhangin o pagtulong sa iba pang mga gawain sa lugar ng konstruksyon.

Pribadong nagrereklamo ang pangulo ng district na si Chuck Woodworth na hindi napapabilis ang pagtatayo ng kapilya. At hindi siya masisi ni Mosese. Hindi pinatawag na maging manggagawang misyonero si Chuck, ngunit ang kakulangan ng mga manggagawa sa Niue ay nangangahulugan na kailangan nitong maglaan ng mas maraming oras sa pagtatayo ng gusali at mas kaunting oras sa espirituwal na kapakanan ng mga Banal sa district.

Laging hinihikayat ni Mosese si Chuck na maging matiyaga. “Mababait na tao ang mga ito,” minsan niyang pinaalalahanan ang binata. “Sila’y mga anak ng Panginoon. Wala akong makitang mali sa kanila. Hanapin natin ang kanilang mga kalakasan at pagtuunan natin ang mga ito.”

Bukod dito, ang pagtatayo ng kapilya ay hindi madali para sa mga manggagawang walang kasanayan. Kailangan ng mga lalaki na dumurog ng koral, maghukay ng mga pundasyon, magbuhos ng konkreto, at maghanda ng almires—lahat na walang gamit na makina. Madalas itong magsanhi ng mga paltos, hiwa, at iba pang mga sugat. At kung minsan, kailangan lamang ng mga tao na malinang ang kaisipang naglilingkod sila sa Diyos at sa Simbahan.

Bilang halimbawa, ikinuwento ni Mosese kay Chuck ang karanasan niya sa pagtatayo ng Liahona College bilang isang manggagawang misyonero. “Lima kaming nagsimula sa pagtatayo ng Liahona at nagtrabaho nang higit isang taon bago may tumulong,” sabi niya. “Noong itinatayo namin ito, ginawa namin ito na nakatuon sa mga susunod na henerasyon.”

Matiyaga rin si Mosese kay Chuck. Gumugol sila ni Salavia ng maraming gabi para makipag-usap at magbigay ng payo sa misyonero, at naging parang anak na nila ito. Tinawag na rin sila ni Chuck na “papá” at “mamá.” Iniwanan ng tatay niya ang pamilya nila, kung kaya napilitan ang nanay ni Chuck na mag-isang itaguyod ang anim na anak. Maraming dalang galit at pait ang binata sa kanyang puso, at nagpasalamat siya na nasa buhay na niya si Mosese.

“Tunay niyang alam ang kahulugan ng pananampalataya at paglilingkod,” isinulat ni Chuck. “Tinuruan niya ako ng mga bagay na aabutin ako ng maraming taon para matutuhan kung wala ang kanyang tulong.”

Gayunpaman, paminsan-minsan ay inaasam ni Chuck na maglingkod sa ibang lugar. Isang araw ay nalaman niyang may sinisimulang koponan sa boksing ang Liahona College, at nakakita siya ng pagkakataon para sa pagbabago. Dati siyang propesyunal na boksingero bago ang misyon niya. Paano kaya kung hilingin niya sa pangulo ng mission na ilipat siya sa Tonga para doon tapusin ang mission niya bilang guro at tagasanay sa boksing sa paaralan? Kung tutuusin ay may mga kawaning misyonero ang kolehiyo paminsan-minsan.

Tutol si Mosese sa ideya. Dahil sa mahigit sa isang taong ginugol niya na magtrabaho at magturo kasama si Chuck, naniniwala siyang may dahilan nang ipinadala ng Diyos ang binata sa Niue. Kapag mahirap ang isang gawain, dodoblehin ni Chuck ang kanyang mga pagsisikap at gagawin ang higit pa sa hati niya sa trabaho. At noong nalaman ni Chuck na nag-aayuno sina Mosese at Salavia upang mapakain nila ang mga misyonero at iba pang manggagawa, tahimik rin siyang kumain nang kaunti lang para may sapat na matitira sa mag-asawa.

Noong Hunyo 1957, sa isa sa kanilang pakikipag-usap kay Chuck, binanggit nina Mosese at Salavia kung gaano nila inaasam na makapunta sa templo. Alam nilang malapit nang matapos ang templo sa New Zealand, subalit imposible pa rin nilang matustusan ang paglalakbay patungo roon.

Naantig si Chuck ng mga sinabi nila, at tila hindi na naging mahalaga ang pagnanais niyang tapusin ang kanyang misyon sa Liahona College. Paano kaya kung matapos ang misyon niya, magtungo siya sa New Zealand at hamunin ang isang boksingerong kampeon sa isang laban—isang patimpalak na sapat ang laki upang malikom ang perang kailangan ng mga Muti para makapunta sa bagong templo? Iyon ang pinakamaliit na magagawa niya matapos ang lahat ng nagawa nila para sa kanya.

Makalipas ang apat na araw, sumulat siya kay Johnny Peterson, ang kanyang tagapamahala sa Estados Unidos, at hiniling na padalhan siya sa Niue ng gamit sa boksing.


Noong panahong ito, kailangang-kailangan ng Southern Far East Mission ng bagong misyonero. Isa sa apat na babaeng naglilingkod sa Hong Kong ay kababalik lamang sa Estados Unidos dahil sa mahinang kalusugan, kaya biglang nagkaroon ng bakante sa misyon. Alam ni Pangulong Grant Heaton na kailangan agad ng tulong ng mga natitirang sister, kung kaya hinirang niya si Nora Koot bilang lokal na fulll-time missionary.

Sa nakalipas na dalawang taon, naging napakahalaga ni Nora sa mission. Nang unang dumating ang mga Heaton sa Hong Kong, inatasan nila siya na kausapin ang lahat ng mga Banal sa lugar, at naging parang ikalawang tahanan na niya ang punong-tanggapan ng mission. Kung minsan ay inaalagaan niya ang mga anak ng mga Heaton. Sa ibang pagkakataon naman ay tinuturuan niya ang mga misyonero ng wikang Cantonese at Mandarin. Kasama si Luana Heaton, nagturo siya ng mga kuwento mula sa Biblia sa klase sa Sunday school para sa mga bata sa siyudad.

Handa at masayang tinanggap ni Nora ang tawag na magmisyon. Isa pang lokal na Banal, isang elder na nagngangalang Lee Nai Ken, ay naglingkod sa maikling misyon sa Hong Kong, at masigasig si Pangulong Heaton na hirangin ang mas maraming lokal na Banal bilang mga misyonero. Madalas na nahihirapan ang mga misyonero mula sa Hilagang Amerika na matutuhan ang wikang Tsino at lokal na kultura nito. Maraming tao sa siyudad ang nagdududa sa mga banyaga at kung minsan ay inaakalang ang mga elder ay mga espiya ng pamahalaang Estados Unidos.

Sa kabilang banda, nauunawaan na ni Nora at iba pang mga Banal na Tsino ang lokal na kultura at hindi na kailangan pang alalahanin ang kaibhan sa wika. Bukod pa rito, mas nauunawaan at mas nagkakaintindihan sila ng mga taong tinuturuan nila. Bilang refugee mula sa bansang Tsina, batid ni Nora kung paano magsimulang muli ng buhay sa isang siksikang siyudad, isang lugar na kulang ang pabahay at trabaho.

Maraming miyembro ng Simbahan at mga magiging Banal sa Hong Kong ay mga refugee, at naghanap ng mga paraan si Pangulong Heaton para itaguyod ang kanilang espirituwal na kapakanan. Noong 1952, ipinakilala ng Simbahan ang pitong aralin, o mga talakayan, para tulungan ang mga maaaring magpabinyag bago maging miyembro ng Simbahan. Bilang pag-aangkop sa mga lokal na pangangailangan, bumuo sina Pangulong Heaton at kanyang mga misyonero ng labimpitong aralin sa ebanghelyo na pupukaw sa interes ng maraming tao sa Hong Kong na hindi Kristiyano o kaya ay mayroon lamang simpleng pang-unawa ng mga paniniwalang Kristiyano. Tinatalakay ng mga araling ito ang mga paksang gaya ng Panguluhang Diyos, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo, at ang Pagpapanumbalik. Pagkatapos mabinyagan, ang mga bagong binyag ay tumatanggap ng karagdagang dalawampung aralin na para sa mga bagong miyembro.

Noong gabi bago siya itinalaga bilang misyonero, may malinaw na panaginip si Nora. Nakatayo siya sa isang mataong daan, napapaligiran ng ligalig at kaguluhan, nang napansin niya ang isang magandang gusali. Naglakad siya papasok at agad nakadama ng kapayapaan at kapanatagan. Nakasuot ng puti ang mga tao sa loob ng gusali, at nakilala ni Nora ang ilan sa kanila bilang mga misyonerong kasalukuyang naglilingkod sa Hong Kong.

Nang dumating si Nora sa mission home kinabukasan, ikinuwento niya sa mga elder ang tungkol sa kanyang panaginip. Nagulat sila. Paano niya nalaman ang itsura ng isang templo? Kahit kailan ay wala pa siyang nabisitang templo.


Dumating ang mga gamit sa boksing ni Chuck Woodworth sa Niue noong Oktubre 1957, at buong siglang sinuportahan ng pamilya Muti ang kanyang pagsasanay. Iginawa siya ni Salavia ng punching bag mula sa mga sako ng patatas, at tinutulungan siya ni Mosese na kumpunihin ito kung kinakailangan. Subalit sa dami ng responsibilidad sa isla bilang misyonero, halos walang oras na mailaan si Chuck o ang pamilya sa pagsasanay. May ilang umagang gigising si Chuck nang alas-singko pa lang para tumakbo. Dahil madilim pa sa labas, ang labing-anim na taong gulang na anak na lalaki ng mga Muti na si Paula, ay sasakay ng motor at pupwesto sa likuran ni Muti para ilawan ang dinaraanan nito.

Mabuti na lang at nasa tamang pangangatawan pa si Chuck para sa boksing. Napanatili siyang pisikal na malakas ng pagdurog ng koral sa nakaraang taon. Nagsagawa rin siya ng ilang palabas na boksing sa isla upang maglikom ng pera para sa kapilya. Subalit magiging sapat ba ang paminsan-minsang pagsasanay?

Bago ang kanyang misyon, maraming oras ang ginugol ni Chuck sa gym upang magsanay para sa mga labang may bayad sa kanlurang Estados Unidos at Canada. Karamihan sa mga laban ay itinapat siya sa ibang di-gaanong sikat na propesyunal na boksingero, ngunit nakalaban na rin niya ang mga boksingerong kilala sa mundo gaya nina Ezzard Charles at Rex Layne.

Ang laban kay Rex, isang kilalang Banal na heavyweight, ay ang pinakamahirap sa karera ni Chuck. Lampas na sa kanyang rurok bilang boksingero si Rex, ngunit mas mabigat siya ng mga labing isang kilo kay Chuck, at ang kanyang mabangis, walang humpay na pag-atake kay Chuck ang dumaig rito sa loob ng sampung round. Hindi napatumba si Chuck, ngunit ibinigay ng mga hurado ang panalo kay Rex.

“Si Woodworth,” ulat ng lokal na pahayagan, “ay kulang pa ang lakas.”

Noong Disyembre, dumating sa Niue ang balita na isang samahan ng boksing sa New Zealand ang itinapat si Chuck laban kay Kitione Lave, ang “Tongan Torpedo.” Gaya ni Rex Layne, si Kitione ay agresibong boksingero na ginagamit ang kanyang laki at lakas upang pahirapan ang mga kalaban. Sa isang paghaharap laban sa isa sa pinakamagagaling na boksingerong heavyweight sa mundo, nanalo si Kitione sa ikalawang round sa pamamagitan ng pamatay na suntok.

Na-release si Chuck mula sa kanyang misyon noong unang bahagi ng Enero 1958, halos katatapos lang ng paglalagay niya at ng iba pang mga elder ng bubong sa bagong kapilya. Lumiham sa kanya si Salavia ng sulat pamamaalam, tinitiyak sa kanya ang pagmamahal at walang maliw na suporta ng pamilya nito. “Anak ko, gawin mo lahat ng makakaya mo,” sabi nito sa kanya. “Huwag kang panghihinaan ng loob at magtatagumpay ka. Kapag ang iyong lakas ay sinamahan ng aming mga panalangin, walang makakasagabal sa iyo. Umaasa kami sa Diyos na tutulungan ka Niya.”

Nakatakda ang kanyang paglipad sa ika-27 ng Pebrero 1958. Buong araw na iyon, nag-ayuno at nanalangin para kay Chuck sina Mosese, Salavia, at kanilang mga anak. Pagsapit ng gabi, nagtipon sila sa kapilya kasama ang ilang dosenang miyembro ng Simbahan at mga kaibigan para makinig ng laban sa radyo. Dahil sa wikang Ingles ang brodkast, isinalin ito ni Mosese sa wikang Niuean.

Ang pinakamaraming bilang na labinlimang libong manonood ang dumagsa sa Carlow Park sa Auckland, New Zealand para saksihan ang laban. Dehado si Chuck sa laban pagtapak niya sa ring. Mas mabigat ng siyam na kilo sa kanya si Kitione, at sa mga araw na papalapit bago ang laban, nakarating kay Chuck na binansagan siya ni Kitione bilang “maya” na hindi tatagal ng kahit isang round laban dito.

Oras na pinatunog ang kampana, sumugod si Kitione kay Chuck. “Tapos agad ang laban na ito,” hiyaw ng isa sa mga manonood.

Iniwasan ni Chuck ang sugod at sinuntok si Kitione nang walang epekto. Gumanti ng sunod-sunod na suntok si Kitione, tinatamaan ang ulo at katawan ni Chuck. Pagkatapos ay tinangka siyang patumbahin ni Kitione. Naghanda itong manuntok at nagpaigkas ng malakas na suntok mula sa kaliwang kamay. Umatras ng isang hakbang si Chuck, at tumama sa baba niya ang guwantes ni Kitione. Sa sobrang lakas ng suntok ay napahagis si Chuck sa mga lubid. At sa loob ng isang saglit, lahat sa paligid niya ay tila naglaho.

Kusa na lang kumikilos, kumapit si Chuck kay Kitione at hindi bumitaw habang nahihilo pa siya. Sinubukan ng reperi na paghiwalayin sila, ngunit pinatunog ang kampana. Tapos na ang round.

Umayos na ang lagay ni Chuck habang naghihintay sa sulok niya. Nang nagsimula ang susunod na round, pumagitna siya sa ring na may bagong sigla. Sinalubong siya ni Kitione ng mabibilis na suntok, handang patumbahin siya, pero mabilis na umiiwas si Chuck. Pinalibutan niya ang kalaban, iniiwasan ang mga sulok, at pinaliguan ito ng magkakasunod na suntok. Hindi makasabay si Torpedo. Sa bawat bagong round, nadama ni Chuck na mas lumalakas pa siya. Naririnig niyang humihiyaw at pumapalakpak ang mga manonood para sa kanya habang nag-iipon siya ng mga puntos.

Natapos ang laban matapos ang labindalawang round, at ibinigay ng mga hurado kay Chuck ang panalo. Malugod na tinanggap ni Kitione ang pagkatalo. “Natuwa ako sa laban,” sabi niya. “Ang Woodworth na iyan ay magaling, mabilis na boksingero—at napakabait na binata.”

Nagpadala si Mosese ng telegrama kay Chuck noong sumunod na araw. “Maraming salamat sa magandang laban—at sa iyong pagkakapanalo,” nakasaad rito. Sumagot si Chuck sa pamamagitan ng pagpapdala ng sapat na pera para mapakain ang pamilya sa natitirang bahagi ng kanilang misyon at para ipadala ang mag-asawa sa New Zealand Temple.


Makalipas ang ilang buwan, sa kabilang bahagi ng mundo, dinakip ng mga pulis ng German Democratic Republic ang dalawampu’t pitong taong gulang na si Henry Burkhardt. Pabalik na siya sa silangang sektor ng Berlin na kontrolado ng mga komunista matapos ang pakikipagpulong kay Burtis Robbins, ang pangulo ng North German Mission ng Simbahan, sa kanlurang bahagi ng siyudad. Bagamat legal ang maglakbay patungong Kanlurang Berlin—isang lugar na nasa pamamalakad ng United Kingdom, France, at Estados Unidos—ang gawin ito nang kasingdalas ng ginagawa ni Henry ay naging kaduda-duda sa mga tao.

Halos isang dekada na ang nakalipas mula nang nahati ang Germany sa Federal Republic of Germany (BRD), o Kanlurang Germany, at sa German Democratic Republic (GDR), o Silangang Germany. Patuloy ang parehong bansa sa pagiging mahalagang tauhan sa Cold War (Digmaang Malamig) sa pagitan ng Estados Unidos, Unyon Sobyet, at kanilang mga kaalyado. Matatagpuan sa gitna ng teritoryo ng GDR, ang Kanlurang Berlin ay naging simbolo ng paglaban sa komunismo. Samantala, ang GDR ay naging isa sa mga bansang nasa impluwensya ng Unyong Sobyet sa gitna at silangang Europa.

Habang nagtutunggalian ang magkakalabang bansa na maging pinakamalakas sa mundo, nag-uunahan ang mga ito na makabuo ng mas malakas na armas at mas sopistikadong teknolohiya. Walang tiwala ang magkakalabang bansa sa bawat isa. Kahit sino ay maaaring patagong nagbubunyag ng mga lihim sa kaaway.

Hindi tumutol si Henry nang dinakip siya ng mga pulis at dinala sa presinto sa Königs Wusterhausen, isang bayan sa labas ng Silangang Berlin. Ang Stasi, ang lihim na puwersa ng pulisya ng GDR, ay ilang panahon nang minamanmanan siya at ang pamilya niya. Dahil sa kanyang tungkulin bilang unang tagapayo sa panguluhan ng mission madalas siyang makipag-ugnayan kay Pangulong Robbins at sa iba pang mga Amerikanong lider ng Simbahan. At iyon, kabilang na ang kanyang madalas na pagdalaw sa Kanlurang Berlin, ang dahilan kaya pinaghihinalaan siya na kalaban ng estado.

Hindi siya ganoon. Matapos mabuklod sa Swiss Temple noong Nobyembre 1955, bumalik si Henry at kanyang asawang si Inge sa GDR at sumunod sa maraming restriksyon ng pamahalaan sa mga relihiyosong tao. Walang banyagang misyonero o lider sa bansa, at hindi magawang direktang makipag-ugnayan ni Henry sa mga opisyal ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake. Siya at ang mga Banal ay kailangang isumite sa mga opisyal ng pamahalaan ang mga mensahe nila sa mga sacrament meeting para suriin bago nila maihatid ang mga ito.

Ang pagiging lider ng Simbahan na may pinakamataas na ranggo sa GDR ay umuubos ng lahat ng oras at lakas ni Henry. Nakikita lamang niya si Inge at ang kanilang bagong silang na sanggol na si Heike tuwing bibisita siya sandali sa kanilang tahanan. Kung hindi naman, naglalakbay siya sa kabuuan ng mission, inaasikaso ang limang libong Banal na nagkalat sa apatnapu’t limang branch sa buong bansa.

Tuwing may isang miyembro ng Simbahan na tinutuligsa ang pamahalaan, nanghihikayat ng tao na mandayuhan sa Estados Unidos, o nabigong magbayad ng utang, nasasangkot si Henry. Dalawang taon na ang nakakaraan, nang tinangka ng mga pulis na pigilan ang mga lokal na misyonero na bisitahin ang isa pang miyembro ng Simbahan, nagpasa siya ng pormal na reklamo sa pamahalaan, iginigiit ang mga karapatan ng misyonero at humihingi ng “mas mainam na kooperasyon” mula sa kapulisan. Sadya siyang magalang at mahusay makibagay sa mga opisyal ng pamahalaan, at karaniwang pinapaboran siya ng mga ito.

At sa presinto sa Königs Wusterhausen, nagpalipas ng gabi si Henry na sumasailalim sa pagtatanong. Sa kanyang kotse ay ilang regalo mula kay Pangulong Robbins at mga materyal para sa tanggapan ng Simbahan sa Silangang Germany. Nang makita ng mga pulis ang mga bagay na ito, inakusahan nila si Henry na lumalabag sa pagbabawal ng GDR sa mga mamamayan nito na tumanggap ng donasyon mula sa mga banyagang organisasyon. Nakagawa siya, ayon sa kanilang mga salita, ng “paglabag sa mga batas na pang-ekonomiya.”

Hindi pa narinig ni Henry ang tungkol sa pagbabawal na iyon. Sinabi niya sa mga nagtatanong sa kanya na buwan-buwan siyang naglalakbay patungong Kanlurang Berlin. “Ang tanging layunin ng pakikipagkita ko kay G. Robbins,” paliwanag niya, “ay para talakayin namin ang mga aktibidad sa relihiyon at maging ang mga bagay na may kinalaman sa pananalapi.”

Hindi rin kakaiba ang mga regalo mula sa pangulo ng mission. “Nakatanggap na ako ng maraming regalo sa ganitong anyo, o sa anyo ng gamot, sa bawat buwan ng aming pagpupulong,” ulat ni Henry. “Tumatanggap rin kami ng mga parsela sa koreo na ipinapadala sa aming tanggapan sa Dresden at mula sa ibayong dagat.”

Kinumpiska ng mga pulis ang mga regalo, kinalkal ang mga maleta ni Henry, at walang habas na binuklat ang ilan sa mga ulat ng mission na dinala niya. Nang walang nakikitang nakakapagduda, inutusan nila si Henry na basahin, aprubahan, at lagdaan ang isang opisyal na ulat ng kanyang pulong kay Pangulong Robbins. Nang oras na iyon, lampas alas kuwatro na ng madaling araw. Sa wakas ay pinakawalan na nila siya mula sa pagkakakulong sa huling bahagi ng araw na iyon.

Maaaring naging mas malala pa ang kinalabasan ng pagkakadakip kay Henry. Nang may dinakip ang mga pulis na misyonerong taga-Silangang Germany tangan ang kopya ng Der Stern, ang magasin ng Simbahan sa wikang Aleman, ikinulong siya ng siyam na buwan. Tinangka nina Henry at iba pa na tulungan ang elder na patuloy na palakasin ang loob nito, ngunit halos wala silang magawa. Umamin ito na kanya ang magasin, at ang mga opisyal ng pamahalaan—sa kasong ito—ay mabalasik.

Binabago na si Henry ng mga alitang iyon sa pulis. Wala na siyang takot makiharap sa mga awtoridad, lalo na kapag siya o ang mga Banal ay walang maling ginagawa. Ang bawat araw ay may kaakibat na pakikipagsapalaran para sa ebanghelyo, at nagiging normal na ito.

Nasanay na siya sa pakiramdam na pawang nakatayo siya na ang isang paa ay nasa kulungan.


Noong umaga ng ika-17 ng Abril 1958, nasilayan nina Mosese at Salavia Muti sa unang pagkakataon ang New Zealand Temple. Nakatayo ito sa tuktok ng madamong burol na tanaw ang isang malawak na lambak ng ilog 120 kilometro ang layo sa timog ng Auckland. Ang disenyo nito ay simple at moderno, gaya ng Swiss Temple. Mayroong mga pader ito na pininturahan ng kulay puti na yari sa dinobleng konkreto at isang tore na nakatayo ng higit 45 metro.

Dumating ang mga Muti sa New Zealand na eksaktong open house kaya nakabahagi sila. Libo-libong tao mula sa kabuuan ng New Zealand, Australia, at mga isla ng Pasipiko ang sabik na makita ang templo, kung kaya kailangang maghintay nina Mosese at Salavia ng isang oras at kalahati bago nila maisagawa ang paglibot.

Oras na makapasok sila, makikita at mamamangha sila sa kagandahan at karingalan ng templo at mapapasalamatan ang matinding sakripisyo ng mga lokal na Banal. Gaya ng kapilya sa Niue, at dumaraming bilang ng mga gusali ng Simbahan sa kabuuan ng Oceania, itinayo ang templo ng halos mga manggagawang misyonero lamang. Ang mga manggagawang ito ay lumipat doon kasama ang kanilang mga pamilya para itayo hindi lamang ang templo kung hindi maging ang katabing kampus ng Church College of New Zealand, isang bagong hayskul na pinangangasiwaan ng Simbahan.

Isang araw matapos ang kanilang paglilibot sa templo, inanyayahan si Mosese na magbigay ng mensahe sa isang sacrament meeting ng mga Banal na Tongan sa lugar na iyon. Habang papalapit siya sa pulpito, naisip niya ang pangakong ibinigay sa kanya ni George Albert Smith dalawampung taon na ang nakakaraan, nang sinabi nito na dadalo si Mosese sa templo nang walang gagastusing pera. Hindi sinabi ni Mosese kay Chuck Woodworth ang ukol sa pangakong ito. Nang binayaran ng binata ang gastos sa pagpunta ng mga Muti sa templo, hindi nito alam na tinupad niya ang isang propesiya.

“Ako ay isang taong nagpapatotoo sa mga salitang sinambit ng propeta sa mga huling araw,” sinabi ni Mosese sa kongregasyon. “Alam kong si George Albert Smith ay totoong propeta ng Diyos, dahil sa kami ng asawa ko ay naging patotoo ng kanyang mga salita.” Pagkatapos ay nagsalita siya ukol sa sakripisyo ni Chuck para sa pamilya Muti. “Narito kami ngayong gabi dahil sa walang maliw na pagmamahal ng isang lalaki,” patotoo niya. “Hindi namin kailanman makakalimutan ito sa aming buhay, anuman ang mangyari.”

Makalipas ang isang linggo, dumating si Pangulong David O. McKay sa New Zealand at inilaan ang templo. Tinupad ng gusali ang isang propesiya na ginawa niya halos apatnapung taon na ang nakakaraan, nang binisita niya ang New Zealand noong kanyang unang misyon sa buong mundo bilang apostol. Noong panahong iyon, sinabi niya sa isang grupo ng mga Banal na Māori na balang araw ay magkakaroon sila ng templo. Ang tagasalin niya noon ng kanyang mensahe ay si Stuart Meha, na katatapos lamang sa pagsasalin ng endowment sa wikang Māori.

Habang inaalay ni Pangulong McKay ang panalangin ng paglalaan para sa templo, nagpasalamat siya sa mga manggagawang misyonero at iba pang Banal na inilaan ang lahat ng kanilang makakaya upang itayo ang templo at iba pang gusali ng Simbahan. “Nawa’y ang bawat nag-ambag ay mapanatag sa espiritu at umunlad nang makailang ulit,” panalangin niya. “Nawa’y mabigyan sila ng katiyakan na taglay nila ang malaking pasasalamat ng ilang libo, marahil ay ilang milyon, na namayapa na kung saan ang mga pinto ng piitan nila ay maaari nang mabuksan at ihayag ang kanilang kaligtasan.”

Tumanggap sina Mosese at Salavia ng endowment at ibinuklod para sa kawalang-hanggan makalipas ang ilang araw. Habang nasa templo, nadama ni Mosese ang maluwalhating presensya ng Diyos. “Paano ko hindi mamahalin ang aking Ama sa Langit at Kanyang anak, si Jesucristo, nang lahat ng mayroon ako, kung alam kong naroon Sila para sa akin sa templo?” sinabi niya pagkatapos. Binigyan siya ng karanasan ng bagong pananaw sa walang-hanggang plano ng Diyos.

“Lahat ng mga bagay na nagawa ko at ginagawa sa Simbahan ay patungo lahat sa templo,” natanto niya. “Ito ang tanging banal na lugar kung saan ang isang organisasyon ng pamilya ay maaaring ipagkaisa at manatiling buo habambuhay.”

  1. Muti at Muti, Man of Service, 154; “J. Archie Cottle and Family Called to Tongan Mission,” Church News, Peb. 4, 1956, 10; Woodworth, Mission Journal, Mar. 2–June 1, 1957; Niue District, Tongan Mission, Minutes, June 27, 1956, 3:27–28; “Mission Home,” “West Side of the Chapel,” “Concrete Wall and Part of the Tower; One Classroom and Office,” at Partially Finished Mission Home, Photographs, Charles J. Woodworth Papers, CHL. Paksa: Programa sa Pagtatayo

  2. Muti at Muti, Man of Service, 168; Muti, Book of Remembrance, [33], [73]; Woodworth, Mission Journal, Dec. 29, 1956; Mar. 2, 1957; Apr. 1–3, 9, 13, 15, and 17, 1957; Charles Woodworth to Marsha Davis, Jan. 8, 1957, Charles J. Woodworth Papers, CHL; Mortensen, Mission Journal, Mar. 30 and Apr. 11, 1957; Mortensen, “Serving in Paradise,” 20–22.

  3. Muti at Muti, Man of Service, 155; Woodworth, Mission Journal, July 1, 4, 9–10, 14, 22, at 30, 1956; Aug. 17, 1956; Sept. 10, 1956; Nov. 9, 1956; Dec. 9 and 13, 1956; Jan. 21, 1957; June 8–9, 1957; Charles Woodworth to Marsha Davis, June 25, 1956; Feb. 26, 1957, Charles J. Woodworth Papers, CHL; First Presidency to Mission Presidents, Dec. 2, 1949, First Presidency, Circular Letters, CHL; Muti, Interview Notes [2012].

  4. Muti at Muti, Man of Service, 154–55; Mortensen, “Serving in Paradise,” 37; Woodworth, Mission Journal, Sept. 17, 1955; Oct. 22, 1955; June 7 and 13, 1956; Mar. 5–7, 9, 15, 18–19, 21, at 30, 1957; July 30, 1957; Mortensen, Mission Journal, Sept. 3, 1956.

  5. Muti at Muti, Man of Service, 126–27, 336–37; Woodworth, Mission Journal, Dec. 26, 1956; Harold Lundstrom, “Unification Affects Many Campuses,” Church News, Hulyo 18, 1953, 9. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “sila” at “kanila” na nakasaad sa orihinal ay pinalitan ng “tayo” at “atin.”

  6. Woodworth, Mission Journal, Aug. 16, 1955; Sept. 21, 1955; Aug. 4–5, 10, 24, and 26, 1956; Nov. 7 and 19, 1956; Dec. 8, 13, and 29, 1956; Feb. 17–18, 1956; Mar. 31, 1957; July 22, 1957; Muti, Interview Notes [2021], 2; Woodworth, Oral History Interview, 42, 47, 56; Muti at Muti, Man of Service, 181–82; Macke, “Oral History of Lois Maurine Lambert Woodworth Macke,” 13; Charles Woodworth to Marsha Davis, Aug. 16 and 25, 1956; Jan. 8, 1957, Charles J. Woodworth Papers, CHL.

  7. Woodworth, Mission Journal, Jan. 22, 1956; Nov. 19, 1956; Jan. 2 and 18, 1957; Feb. 3, 1957; Apr. 25, 1957; May 5–6, 1957; Charles Woodworth to Marsha Davis, Jan. 8, 1957; Charles Woodworth to Ralph Olson, Feb. 17, 1957; Charles Woodworth to Fred Stone, Feb. 26, 1957, Charles J. Woodworth Papers, CHL; Dalton, Autobiography, 1, 4–5, 14–15.

  8. Muti at Muti, Man of Service, 155, 165–66, 182.

  9. Woodworth, Mission Journal, Apr. 24, 1957; June 15, 19, and 22, 1957; Woodworth, Autobiography, 3; Woodworth, Oral History Interview, 56; Charles Woodworth to Marsha Davis, Feb. 18, 1957; June 18, 1957, Charles J. Woodworth Papers, CHL.

  10. Heaton, Personal History, volume 2, 116; Jue, Reminiscence, 5; China Hong Kong Mission, Manuscript History and Historical Reports, May 26, 1957; “Local Sister Called to Be a Missionary,” [18].

  11. Heaton, Personal History, volume 2, 19; Hardy, “Personal History,” tomo 2, 87; Heaton and Heaton, Documentary History, 175; “Local Sister Called to Be a Missionary,” [18].

  12. Jue, Reminiscence, 5; Southern Far East Asian Mission Report, 16, 19–21.

  13. Jue, Mission Reminiscences, 1; Heaton and Heaton, Documentary History, 175; Jue, Reminiscence, 1–2; Southern Far East Asian Mission Report, 16–19; Peterson, “Crisis and Opportunity,” 141; Britsch, From the East, 232–33.

  14. Heaton at Heaton, Documentary History, 25, 32, 35–36, 54–55; Heaton, Personal History, tomo 2, 70; Britsch, From the East, 242–43, 251; Allen and Leonard, Story of the Latter-day Saints, 568; A Systematic Program for Teaching the Gospel ([Salt Lake City]: The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 1952); Heaton, Oral History Interview [Interview 3], 72. Paksa: Hong Kong

  15. Britsch, From the East, 244; Jue Family, Oral History Interview [2019], 56–61; Hardy, “Personal History,” tomo 2, 83.

  16. Woodworth, Mission Journal, Aug. 15–16, 1957; Sept. 2, 1957; Oct. 17, 1957; Nov. 1, 16, and 29, 1957; Dec. 21, 1957; Muti at Muti, Man of Service, 201; Muti, Interview Notes [2021], 1; Woodworth, Oral History Interview, 57; Charles Woodworth to Marsha Davis, Nov. 2, 1957, Charles J. Woodworth Papers, CHL.

  17. “Chuck Woodworth Quits Ring to Perform Service for Church,” Joplin (MO) Globe, Hulyo 31, 1955, C2; “Charles Pleases in Ring Exhibitions Here,” Rocky Mountain News (Denver), Abr. 30, 1954, 52; “Ezzard Charles,” sa Odd, Encyclopedia of Boxing, 26; Al Warden, “The Tragedy of Rex Layne,” Ogden (UT) Standard-Examiner, Mayo 25, 1954, A8; “Woodworth Set for Ring Return,” Joplin Globe, Ene. 9, 1958, B2.

  18. Art Grace, “U-M Boxer Started Layne’s Ring Career,” Miami Daily News, Abr. 1, 1953, B2; Woodworth, Oral History Interview, 63; “Layne, Chuck Tangle in Bout Tonight,” Salt Lake Tribune, Ago. 30, 1954, 25; Al Warden, “The Tragedy of Rex Layne,” Ogden (UT) Standard-Examiner, Mayo 25, 1954, A8; “Tale of Tape for Monday’s Woodworth-Layne Scrap,” Salt Lake Tribune, Ago. 29, 1954, B10; “Layne Continues Comeback with Win over Woodworth,” Daily Herald (Provo, UT), Ago. 31, 1954, 6.

  19. Woodworth, Mission Journal, Nov. 13 and Dec. 6, 1957; “Kitione Lave—The Tongan Torpedo,” New Zealand Ring, Peb. 25, 1958, 5; “Island Boxers Are Doing Well,” Pacific Islands Monthly, Abr. 1955, 143; “Boxing Youth Prevails,” Times (London), Abr. 25, 1956, 15; “Grand Slam,” Daily News (New York City), Abr. 27, 1956, 72.

  20. Woodworth, Mission Journal, Dec. 26 at 30–31, 1957; Jan. 3 at 14, 1958; Salavia Muti to Charles Woodworth, Feb. 2, 1958, Charles J. Woodworth Papers, CHL.

  21. Woodworth, Mission Journal, Feb. 29, 1958; Muti, Interview Notes [2021], 2; Woodworth, Oral History Interview, 64.

  22. “Ringwise American Too Good,” Auckland (New Zealand) Star, Peb. 28, 1958, 7; “Return Fight Here Soon for Woodworth and Kitione Lave?,” at “Noel Holmes’ Sports Talk,” Auckland Star, Peb. 28, 1958, 24; Auckland Boxing Association, “Announcer’s Card,” [Peb. 27, 1958], Charles J. Woodworth Papers, CHL; Woodworth, Oral History Interview, 60–61; tingnan din sa Britsch, “Charles (‘Chuck’) J. Woodworth,” 175–76.

  23. “Ringwise American Too Good,” Auckland (New Zealand) Star, Peb. 28, 1958, 7; Woodworth, Oral History Interview, 61–63; “Return Fight Here Soon for Woodworth and Kitione Lave?,” Auckland Star, Peb. 28, 1958, 24; Woodworth, Mission Journal, Peb. 29, 1958; tingnan din sa Britsch, “Charles (‘Chuck’) J. Woodworth,” 175–77.

  24. Mosese Muti to Charles Woodworth, Telegram, Feb. 28, 1958, Charles J. Woodworth Papers, CHL; Woodworth, Oral History Interview, 63; Woodworth, Mission Journal, Feb. 29, 1958.

  25. Kuehne, Henry Burkhardt, 33–34. Ang East German Mission ay pianngalanang North German Mission noong 1957. (Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 436.)

  26. Wilke, Path to the Berlin Wall, 65–66, 122; Trachtenberg, Constructed Peace, 96–103, 146–47, 195, 204–5.

  27. Kuehne, Henry Burkhardt, 13–37; Hall, “The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in the Former East Germany,” 489–95; Alvin R. Dyer to First Presidency, Oct. 25, 1960, First Presidency, Mission Correspondence, 1946–69, CHL. Mga Paksa: Cold War (Digmaang Malamig); Germany

  28. Burkhardt, Journal, Nov. 11, 1955; Spencer W. Kimball, Journal, Jan. 14, 1962; Burkhardt, Oral History Interview [1991], 4–8; Kuehne, Henry Burkhardt, 42; tingnan din sa Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 437–39.

  29. Kuehne, Henry Burkhardt, 20–31, 34; Spencer W. Kimball, Journal, Jan. 14, 1962.

  30. Kuehne, Henry Burkhardt, 30–35. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “Herr Robbins” sa orihinal ay pinalitan ng “G. Robbins.”

  31. Muti, Book of Remembrance, [70]; Gordon B. Hinckley, “Temple in the Pacific,” Improvement Era, Hulyo 1958, 506–8; Theodore L. Cannon, “The President in New Zealand,” Church News, Abr. 26, 1958, 8–9; Theodore L. Cannon, “Inside the New Zealand Temple,” Church News, Abr. 19, 1958, 8–9; Mga Banal, tomo 3, kabanata 39.

  32. Wendell Mendenhall, “Story of New Zealand Temple,” 1–7, sa First Session, Apr. 20, 1958, New Zealand Temple Dedication Services, CHL; Newton, Tiki and Temple, 226, 232, 242–44, 249–50, 255–56; Cummings, Mighty Missionary of the Pacific, 30, 38–39, 57–68; tingnan din sa Gordon T. Allred, “The Great Labor of Love,” Improvement Era, Abr. 1958, 229, 269–71. Mga Paksa: Programa sa Pagtatayo; Mga Akademya ng Simbahan; New Zealand; Pagtatayo ng Templo

  33. Muti, Book of Remembrance, [70], [84]; Woodworth, Oral History Interview, 64.

  34. Gordon B. Hinckley, “Temple in the Pacific,” Improvement Era, Hulyo 1958, 508–9; Mga Banal, tomo 3, kabanata 14; McKay, Diary, May 16, 1957; June 18, 1957; Nov. 4, 7, at 15, 1957; Newton, Tiki and Temple, 257; “Dedicatory Prayer by Pres. McKay,” Church News, Mayo 10, 1958, 6. Mga Paksa: David O. McKay; Paglalaan ng Templo at Mga Panalangin Nito

  35. Hamilton New Zealand Temple, Temple Records for the Living, 1955–91, Apr. 23, 1958, microfilm 458,071, FSL; Muti, Book of Remembrance, [82]; Muti at Muti, Man of Service, 199. Paksa: Pagbubuklod