Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 34: Lakas para sa Anumang Sitwasyon


Kabanata 34

Lakas para sa Anumang Sitwasyon

mga boluntaryo na namimigay ng suplay sa isang babae

Noong umaga ng ika-15 ng Oktubre 2004, umibis si Anne Pingree sa eroplano sa Santiago, Chile. Bilang pangalawang tagapayo sa pangkalahatang panguluhan ng Relief Society, nakilala niya ang mga lokal na Banal at nabigyan ng training ang mga lider ng Relief Society at ng priesthood.

Sa kanyang mga pulong, planong gamitin ni Anne ang mga pinasimpleng buklet ng pagsasanay na binuo ng komite sa pagbabasa ng lupon ng Relief Society. Ang bawat buklet ay may humigit-kumulang dalawang dosenang pahinang nagtatampok ng mga may kulay na retrato at mga simpleng alituntunin mula sa Church Handbook of Instructions. Umaasa siyang gagamitin ang buklet sa pangkapakanang proyekto ng Simbahan upang tulungan ang mga lider ng Relief Society at priesthood na matutuhang magpahalaga at makipagtulungan sa bawat isa.

Bago umalis ng Estados Unidos, tumanggap si Anne ng email mula kay Elder Carl B. Pratt ng Chile Area presidency. Kailan lamang ay nagbukas ang Simbahan ng dalawang welfare resource center sa Chile, kung saan ang bawat isa ay kinalalagyan ng bishops’ storehouse, isang center para sa pagtatrabaho, at isang tanggapan para sa pagpapayo. Habang nagbabahagi ng mga resource na pangkapakanan, kailangang makipagtulungan ang mga bishop sa mga pangulo ng Relief Society. Subalit hindi ito ginagawa ng mga bishop sa Chile.

Sa Santiago, nalaman pa ni Anne ang tungkol sa problema noong kanyang paunang pulong kina Elder Pratt at Elder Francisco J. Viñas, ang pangulo ng Chile Area. Ipinaliwanag ni Elder Viñas na maraming Banal na taga-Chile ang nahihirapang magbasa, kung kaya namumuno sila ayon sa nakaugalian sa halip na pagbatayan ang hanbuk. Gaya ng maraming lugar sa mundo, malakas ang diwa ng seksismo sa Chile, at may ilang pangulo ng stake at bishop ang hindi sumasangguni sa mga lider ng kanilang Relief Society.

“Ang nais ko sanang gawin mo ay ituro ang mga saligang gabay,” sabi ni Elder Viñas. “Mangyaring ituro mo na namumuno tayo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga alituntunin na nasa hanbuk.”

Noong sumunod na linggo nakipag-usap si Anne sa ilang daang Banal. Marami ang nagsaad ng kanilang pasasalamat sa kailan lamang na paglilingkod ni Elder Jeffrey R. Holland bilang pangulo ng Chile Area. Bagama’t siya at si Elder Oaks ay hinirang na maglingkod sa kanilang nakataktang area sa loob lamang ng isang taon, pinalawig pa ng Unang Panguluhan ang parehong paghirang ng isa pang taon, dahil dito ay mas marami pa silang oras para suportahan ang mga lokal na lider at para palakasin ang mga Banal.

Itinutuon ang kanyang pansin sa mababang bilang ng mga nananatiling mga miyembro at pagdalo ng mga miyembro sa mga pulong sa Chile, masusing nakipagtulungan si Elder Holland sa mga misyonero at pangkaraniwang mga Banal upang ibalik ang mga tao sa Simbahan. Upang maibsan ang pasanin ng mga lider ng priesthood sa mga area kung saan mahihina ang mga ward at branch, muli niyang inorganisa ang maraming yunit ng Simbahan at binawasan ang bilang ng mga stake sa Chile mula 115 pababa sa 75.

Pinaikli rin niya ang mga pulong sa araw ng Linggo mula tatlong oras ay naging dalawang oras at labinlimang minuto, na nagbibigay sa mga Banal ng mas maraming oras upang pag-aralan ang ebanghelyo ni Cristo, makasama ang kanilang pamilya, bisitahin ang mga nahihirapang miyembro, at magampanan ang mga tungkulin. Habang nahihirapan pa rin ang Simbahan sa Chile sa pagpapanatili ng mga miyembro, maraming Banal ang may matibay na pag-asa para sa hinaharap nito.

Sa mga pulong sa mga lider ng Relief Society at priesthood, ipinaalala ni Anne sa kanila na magkakatuwang sila sa gawain ng Panginoon. “Mga kapatid, inyo sanang sundin ang halimbawa ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa,” panghihikayat niya. “Pakinggan ang tinig ng kababaihan—sa kanilang matalinong pang-unawa habang nagbabahagi sila ng nakatutulong na impormasyon sa mga welfare committee meeting, ward council meeting, at buwanang stewardship meeting.”

Hinikayat din niya ang mga lider ng Relief Society na maging handang makipagsanggunian sa mga lider ng priesthood. “Pumuntang handa sa mga council meeting upang makagawa ng makabuluhang kaibhan,” sabi niya. “Ibig sabihin nito ay magkaroon ng mga solusyon at ideya, hindi lamang ang tukuyin ang mga hamon o problema.”

Nang magsalita tungkol sa welfare, gumamit si Anne ng overhead projector at ng pinasimpleng buklet sa welfare upang turuan ang mga lider kung paano magdaos ng mga pulong sa welfare committee sa ward at mga home needs visit. Binigyang-diin niya na ang mga Relief Society president ay responsable sa pagsasagawa ng mga home visit batay sa kahilingan ng mga bishop.

“Dinadalaw ng pangulo ang sister sa tahanan nito. Masusuri niya ang mga pangangailangan ng sister na iyon. Kapag taimtim siyang nakinig, tutulungan siya ng Espiritu na magmungkahi ng mga paraan upang matugunan ang mga pangangailangang ito,” itinuro sa buklet. “Matapos ang kanyang home visit, babalik ang pangulo sa bishop o branch president at iuulat ang kanyang nalaman.”

Nadama ni Anne na karamihan sa mga lider ng priesthood ay dumadalo sa mga pulong na ito na bukas ang mga isip, sabik sa mga paglilinaw kung paano makipagtulungan sa Relief Society tungkol sa welfare. At lubos na nagpapasalamat ang mga pangulo ng Relief Society para sa pagsasanay. Matapos ang isang pulong, lumapit sa kanya ang isang babae at nagsabing, “Nabagabag ako. Ngayon ay alam ko na ang gagawin ko.”

Kalaunan, pinagnilayan ni Anne ang mga taong nakilala niya. Nagbigay ng inspirasyon sa kanya ang kabutihan ng kanilang mga buhay at kanilang katapatan sa gawain ng Panginoon.

“Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng natutuhan ko at lalo na sa nakita ko sa bansang ito,” iniulat niya sa pangkalahatang lupon ng Relief Society. “Tunay nilang pinagsisikapan kung ano ang magagawa nila para itayo ang Simbahan.”


Samantala, sa kabilang dako ng mundo, sinalubong nina Allwyn Kilbert at kanyang mga kapwa misyonero sa India Bangalore Mission ang mga bagong lider ng mission na sina Brent at Robin Bonham sa lugar na kanilang paglilingkuran.

Kagagaling lamang ng mga Bonham mula sa Utah, kung saan sila tumanggap ng training mula sa isang bagong gabay para sa misyonero na tinatawag na Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Layunin ng gabay na bigyan ang mga misyonero na iangkop ang kanilang pagtuturo ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ayon sa gabay ng Espiritu para matugunan ang mga pangangailangan ng mga taong nakilala nila.

Habang mas nalalaman pa ni Allwyn ang tungkol sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, nasasabik siyang ipatupad ito. Sumapi siya sa Simbahan sa kanyang sinilangang bayan na Coimbatore, India noong Marso 2001, at may utang na loob siya sa programang misyonero. Nang pumanaw ang kanyang lola [sa kanyang ama] ilang buwan matapos ang binyag niya, nakasumpong siya ng kapanatagan sa itinuro sa kanya ng mga misyonero ukol sa plano ng kaligtasan. At matapos makabasa ng mga artikulo tungkol sa gawaing misyonero sa Liahona, ang pandaigdigang magasin ng Simbahan, nagpasya siyang siya mismo ay maglilingkod sa misyon.

Unang dumating sa India ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw noong dekada ng 1850, at mula noong panahong iyon, may iilang Banal lamang ang palagiang nakatira sa bansa. Subalit nagsimula lamang lumago ang Simbahan doon noong mga huling dekada ng ikadalawampung siglo. Noong dekada ng 1980, nagpadala sa India ang mga lider ng Simbahan ng mga senior na misyonero mula sa Singapore Mission. Sa pamamagitan ng mga misyonerong ito at mga pagsisikap ng mga lokal na Banal, lumago ang Simbahan. Sa mahigit isang bilyong tao sa bansa, lampas sa limang libo apatnaraan lamang ang Banal sa mga Huling Araw.

Nanatiling mabagal ang paglago nang ilang taon. Noong 1996, tatlong taon matapos iorganisa ang India Bangalore Mission, nilimitahan ng pamahalaan ang bilang ng mga banyagang misyonerong naglilingkod sa bansa. Karamihan sa mga tao sa India ay Hindu o Muslim, habang ang maliit na minorya naman ay Kristiyano, Sikh, Buddhist, Jain, Baha’i, o Parsi. Habang itinuturo nina Allwyn at ibang misyonero ang tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan, maraming tao ang hindi pamilyar sa saligang alituntunin sa mga aralin.

Naniniwala si Allwyn na ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay makakatulong sa mga misyonero na iangkop ang mensahe ng ebanghelyo sa lahat ng tao, anuman ang kanilang pinagmulan o paniniwala. Sa loob ng higit apatnapung taon, binubuo ang mga lesson ng mga misyonero ng anim na lesson na may sinusundang iskrip. Taliwas dito, ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay hinihiling sa mga misyonero na magtuon sa pag-aaral ng mga alituntunin ng ebanghelyo upang kanilang mas maiangkop ang kanilang mga lesson sa mga taong tinuturuan nila.

Ang bagong kurikulum ay nagbibigay sa mga misyonero ng limang lesson tungkol sa Panunumbalik, sa plano ng kaligtasan, sa ebanghelyo ni Jesucristo, sa mga kautusan, at sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo. Ang ibang mga kabanata sa aklat ay mas itinuturo sa mga misyonero ang tungkol sa papel ng Aklat ni Mormon, pagkilala sa Espiritu, paglinang ng mga katangiang tulad ng kay Cristo, at iba pang mahahalagang bagay.

“Ang sentro ng plano ng ating Ama ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” ayon sa isang pangunahing sipi mula sa unang lesson. “Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, mapapalaya tayo sa bigat ng ating mga kasalanan at magkakaroon tayo ng pananampalataya at lakas na harapin ang mga pagsubok sa ating buhay.”

Noong mga sumunod na buwan, inihahanda nina Pangulo at Sister Bonham ang mission na lumipat sa paggamit ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sa isang zone conference noong Abril 2004, nakipag-usap sila sa mga misyonero tungkol sa mainam na paggamit ng oras, isa sa mga alituntunin mula sa bagong kurikulum. Kinabukasan, sumulat si Allwyn sa kanyang pamilya tungkol sa mga pagbabago. “Ang ipinakilalang sistema ay hindi lamang para sa India, bagkus ito ay para sa buong mundo,” sinabi niya sa kanila. “Binibigyan din ang mga misyonero ng mas maraming kalayaan at pananagutan.”

Noong Setyembre, hinirang ni Pangulong Bonham si Allwyn na maging zone leader sa Chennai, isang lunsod sa timog-silangang dalampasigan ng India. Sa mga zone meeting, ginagamit ni Allwyn ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo upang turuan ang ibang misyonero at tulungan silang mag-angkop sa bagong pamamaraan ng pagbabahagi ng ebanghelyo.

Hindi nagtagal ay lumaganap ang gawaing misyonero sa Chennai. May nakilala sina Allwyn at kanyang kompanyon na isang babaeng nagngangalang Mary at apo nitong si Yuvaraj. Naging interesado ang pamilya sa ipinanumbalik na ebanghelyo nang nag-aral si Yuvaraj sa isang paaralang pinangangasiwaan ng isang lokal na Banal sa mga Huling Araw. Habang nagtuturo ang mga misyonero mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, nagpakita si Mary ng espesyal na interes na mabuklod sa kanyang namayapa nang asawa, na ilang taon na ang nakakaraan mula nang pumanaw ito. Masasabi ng mga misyonero na mahalaga kay Mary ang pamilya, kung kaya inangkop nila ang kanilang mga mensahe upang magtuon ito sa walang hanggang katangian nito. Nang inanyayahan ni Allwyn at ng mga kompanyon niya sina Mary at Yuvaraj na magpabinyag, tinanggap ito ng mag-lola.

Noong araw ng kanilang binyag, limang tao pa ang bininyagan.


Noong Linggo, ika-26 ng Disyembre 2004, lumabas si Stanley Wan mula sa kanyang mga pulong sa Simbahan sa Hong Kong upang sagutin ang isang tawag sa telepono. Mahigit sampung taon na ang lumipas mula nang tinulungan niya si Pangulong Hinckley na piliin ang lugar ng Hong Kong Temple. Isa na siya ngayong area authority seventy sa Asya at nagtrabaho bilang welfare manager ng Simbahan sa area.

Ang tawag ay mula kay Garry Flake, ang direktor ng Simbahan para sa humanitarian response. Hindi mapakali ang boses nito. Nais nitong malaman ang tungkol sa isang tsunami sa Indonesia.

Hindi alam ni Stanley kung ano ang tinutukoy ni Garry. Ibinaba niya ang telepono at tinawagan ang tanggapan ng Simbahan sa Indonesia. Walang gaanong may alam tungkol sa tsunami, ngunit nagsisimulang lumitaw ang mga balita.

Noong umagang iyon, isang matinding lindol ang tumama sa Indian Ocean, malapit sa kanlurang dalampasigan ng isla ng Sumatra sa Indonesia. Kumalat sa malaking bahagi ng dagat ang lakas ng lindol, nagtutulak ng matataas na alon ng tubig-dagat papunta sa lupa. Sa Indonesia, India, Sri Lanka, Malaysia, at Thailand, mga ga-bundok na alon ang bumagsak sa mga bayan at nayon, na nagpabaha sa mga daan at gumiba ng mga tahanan at gusali. Hindi malaman ang bilang ng mga taong nawawala o namatay.

Nang sandaling malaman nila ang lawak at kalubhaan ng nangyari, nagpasya sina Stanley at Garry na magkita sa Colombo, Sri Lanka upang alamin ang sitwasyon. Maraming misyonero ng Simbahan at may 850 miyembro ng Simbahan ang nasa isla. Ngunit hindi tulad ng Indonesia at India, walang lokal na tanggapang pang-administratibo o lokal na kawani ang Simbahan sa Sri Lanka.

Agarang nagtungo si Stanley sa paliparan. Dumating siya sa Sri Lanka nang bandang hatinggabi at natagpuan ang islang puno ng mga mamamahayag, mga organisasyong pangkawanggawa, at mga taong naghahanap ng mga kaibigan at pamilya. Sa kanyang otel, ibinigay ang silid niya sa bisitang mas mataas magbayad, kung kaya hinanap niya ang mga lokal na misyonero at nakitulog sa kanilang sahig.

Kinabukasan, dumating si Garry Flake mula sa Estados Unidos, at ginugol nila ni Stanley ang umaga sa pakikipag-usap sa mga lider at miyembro ng branch. Pagkatapos ay naglakbay sila sa buong isla upang suriin ang mga pinsala.

Ang silangang dalampasigan ng Sri Lanka ang pinakanapinsala. Kahit saan sila tumingin, bagsak ang mga bahay at gusali. Nagsisiksikan sa mga daan ang mga kotse at taong tinatakasan ang kaguluhan. Tumigil sa pag-andar ang mga tren at bus. Libu-libong taong walang matirhan ang nakaupo sa tabi ng mga durog na bato, habang hinahanap ng mga sundalo ang mga nakaligtas.

Sa mga nakaraang taon, nagbigay ang Simbahan ng tulong sa mga sakuna sa buong mundo, tinutulungan ang mga refugee mula sa Kosovo, Sierra Leone, at Afghanistan na winasak ng digmaan; mga biktima ng baha sa Venezuela and Mozambique; at mga nakaligtas sa lindol sa El Salvador, Turkey, Colombia, at Taiwan. Ngayon, sa timog-silangang Asya, ang Simbahan ay may maraming paleta ng mga medikal na suplay na handang gamitin sa mga lugar na tinamaan ng tsunami. Gamit ang mga pondo ng Simbahan para sa kawanggawa, bumili sina Stanley at Garry ng karagdagang pang-emergency na medikal na suplay, pagkain, at iba pang mga resource para ipamahagi ng mga lokal na lider sa mga biktima. Ginabayan din nila ang mga miyembro ng Simbahan na gumamit ng lokal na meetinghouse para magpakete ng mga hygiene kit at iba pang mga relief supply.

Makalipas ang paggugol ng ilang araw sa Sri Lanka, naglakbay sina Stanley at Garry patungong Indonesia. Doon ay nakipagpulong sila sa Coordinating Minister for People’s Welfare ng bansa, na dati nang nakatrabaho ni Garry.

“Ano ang pinakamatindi ninyong pangangailangan?” tanong ni Garry sa kanya.

“Kailangan namin ng mga bag para sa mga bangkay,” sagot ng ministro.

Lumapit sina Stanley at Garry sa kanilang mga kakilala sa Beijing, at nakahanap sila ng kumpanya na maaaring magpadala ng sampung libong bag para sa mga bangkay kada araw. Pagkatapos ay inayos nina Stanley at Garry ang paghahatid nito sa Indonesia.

Ngayong papunta na ang mga bag para sa mga bangkay, nagbigay ang Simbahan ng mga tolda, mga tarp, mga medikal na kit, at mga kasuotan para sa mga biktima ng tsunami. Nakipagtulungan din ito sa isang organisasyong tumutulong ng mga Muslim para maghatid ng mahigit 63 metrikong tonelada ng mga dagdag na suplay.

Subalit napakarami pang kailangang gawin. Kahit saan ay nakakakita sina Stanley at Garry ng mga taong nangangailangan. Libu-libo ang iniulat na namatay sa Sri Lanka at Indonesia. Ilang libo pa ang namatay sa India at Thailand.

At mabilis na tumataas ang bilang ng mga namatay.


Nakahiga si Allwyn Kilbert sa kama, hinihintay ang kanyang pagkakataong gamitin ang paliguan, nang lumindol sa Chennai, India. Noong nakaraang gabi, pagod siya at mga kasama niyang misyonero matapos dumalo sa isang aktibidad para sa Pasko kasama ang kanilang branch. Nang nagsimulang yumanig ang kanyang kama, inisip niyang nagpapatawa ang kanyang kompanyon.

“Bakit mo inaalog ang kama ko?” malakas niyang tanong. “Gising na ako.”

Ang kompanyon niya, si Revanth Nelaballe, ay pumasok sa silid. “Isa iyong pagyanig,” sabi niya. “Lumindol.”

Hindi karaniwan ang lindol sa katimugang India, ngunit hindi ito masyadong inalala ng mga misyonero. Gayunpaman, nang dumating sila sa simbahan noong umagang iyon, nadama ni Allwyn na may problema. Sa pagsisimula ng sacrament meeting, hindi inaasahang tumayo ang branch president na si Seong Yang mula sa kanyang upuan at nilisan ang kapilya. Walang tigil sa pagtunog ang kanyang cell phone na may mga tawag tungkol sa tsunami na nagbaha sa dalampasigan. Umalis siya ng gusali upang tingnan ang kalagayan ng bahay niyang malapit sa dalampasigan, at upang suriin ang kalagayan ng mga Banal na apektado ng sakuna.

Kalaunan noong araw na iyon, nagtungo sina Allwyn at mga kompanyon niya sa dalampasigan upang tingnan kung ano ang nangyari. Nagbarikada ang mga pulis para pigilang pumasok ang mga usisero at nagpapatrolya sila sa lugar sakay ng kabayo. Sa dalampasigan, inaahon ng mga tao ang mga bangkay mula sa tubig, na umabot higit isang kilometro sa aplaya. Sa kahabaan ng dalampasigan, nawasak ang mga mabababang pamayanan ng pangingisda, at maraming mangingisda ang nawalan ng kanilang mga bangka at kagamitan. Sa bayan ng Nagapattinam, 300 kilometro sa timog ng Chennai, may malawakang pagkawasak.

Kinabukasan ng umaga, nagpunta sina Allwyn at mga kompanyon niya sa meetinghouse ng Chennai First Branch upang tumulong sa proyektong pangserbisyo na inorganisa ng dalawang branch sa lunsod. Sa buong magdamag, nagpadala ang Simbahan ng ilang trak ng mga suplay mula sa isang bayan halos 650 kilometro ang layo. Sa sumunod na dalawang araw, pinagsama-sama at inayos ng mga misyonero at miyembro ang mga relief kit na naglalaman ng damit, kumot, mga panlinis sa katawan, at mga kubyertos.

Noong Martes, ika-28 ng Disyembre, nakipagpulong sina Allwyn at kanyang kompanyon kay Pangulong Bonham, ang kanilang mission president. Mula nang nanalasa ang tsunami, ang mga Banal sa mga Huling Araw na nasa India ay nagpamahagi sa mga biktima ng mga suplay mula sa Simbahan. Matapos kargahan ang mga trak ng ilang daang hygiene kit at iba pang mga suplay, naglakbay ang mga misyonero kasama si Pangulong Bonham upang ihatid ang mga ito sa isang istasyon ng Indian Red Cross.

Sa istasyon, binati sila ng lalaki na nakilala ang kanilang name tag. “Ah, galing pala kayo sa Simbahan,” sabi nito. “Ano’ng dinala ninyo?”

Sumagot sila na may dala silang mga lampara, hygiene kit, at ilang toneladang damit. Natuwa ang opisyal sa mga donasyon at sinabi sa kanilang ihatid ang mga trak papasok ng pasilidad.

Sa loob ay natagpuan nila ang mga taong nagsisiksikan sa malalaking palumpon ng mga damit. Ang mga manggagawang may suot na mask at guwantes ay inaayos ang mga pulumpon, tinitiyak na ang mga damit ay malinis at nasa maayos na kundisyon. Ang mga tao mula sa iba-ibang relihiyon at organisasyon ay naghahatid rin ng mga suplay, at gumugol ng ilang oras sina Allwyn at ibang misyonero sa pagdidiskarga ng mga trak at paglalagay ng mga suplay kung saan kailangan ang mga ito.

Habang pinagmamasdan niya ang mga tao mula sa iba-ibang grupo, naantig si Allwyn sa kanilang pagtutulungan dahil sa pagmamahal sa kanilang kapwa.

“May mabubuting tao kahit saan,” naisip niya.


Noong Mayo 2005, si Emma Acosta at si Hector David Hernandez ay anim na buwan nang magkasintahan. Labing-siyam na taong gulang siya, at si Hector David naman ay kababalik lamang mula sa misyon sa Lunsod ng Guatemala. Nagmamahalan sila at nagsimula nang pag-usapan ang pagpapakasal. Ngunit sa Tegucigalpa, Honduras kung saan sila nakatira, nag-aasawa lamang ang mga binata at dalaga kapag ilang taon na silang magkasintahan at nakatapos na ng pag-aaral sa kolehiyo.

Kailan lamang ay pumasok si Emma sa isang pampublikong unibersidad, at determinado siyang makatapos ng pag-aaral. Isang taon na ang nakararaan, sa pangkalahatang pulong ng Simbahan para sa Young Women, hinikayat ni Pangulong Hinckley ang mga kabataang babae na mag-aral nang mabuti. “Kailangan ninyong mag-aral hangga’t kaya ninyo,” sinabi niya. “[Training] ang susi sa oportunidad.”

Plano ring mag-aral ni Hector David sa unibersidad. Alam nila ni Emma na maraming kasal nang estudyante ang tumitigil sa pag-aaral dahil sa mga pinansyal na responsibilidad na kaakibat ng pag-aasawa at pagtataguyod ng mga pamilya. Gayunpaman, nadarama nila ang pahiwatig ng Espiritu na huwag patagalin pa ang pagpapakasal.

Isang araw, sinabi ni Emma kay Hector ang tungkol sa paglalakbay ng ward sa templo patungong Guatemala City Temple. Hindi pa siya nakakapunta sa templo at nais niyang pumunta.

“Bakit hindi tayo magkasamang pumunta at itanong sa Panginoon kung ano ang nais Niya mula sa relasyong ito?” mungkahi ni Hector David. Sa paglipas ng mga taon, hinimok ng mga lider ng Simbahan ang kabataan na hingin ang patunubay ng Panginoon hinggil sa mga tanong tungkol sa pagliligawan at pag-aasawa. Hindi na kailangang pumunta nina Emma at Hector David sa bahay ng Panginoon upang tumanggap ng personal na pahayag, ngunit isa itong banal na lugar kung saan nila maaaring madama na mapalapit sa Kanya at sa Kanyang Espiritu habang humihingi sila ng gabay.

Ang Lunsod ng Guatemala ay labing-apat na oras ang layo sa Tegucigalpa. Sa kanilang unang umaga sa templo, nagsagawa sina Emma at Hector David ng mga binyag para sa mga patay. Nang lumabas si Emma mula sa silid bihisan, nadatnan niyang naghihintay sa kanya si Hector David sa bautismuhan, nakadamit ng puti. Habang binibinyagan siya nito, tumanggap siya ng personal na patotoo na dapat niya itong pakasalan.

Kalaunan, makaraang tapusin ni Hector David ang isang sesyon ng endowment, sinamahan niya si Emma sa bakuran ng templo. Hinawakan niya ang kamay nito at niyakap niya ang dalaga. Siya rin ay tumanggap ng sagot. “Nadama ko na makakasama natin ang Panginoon,” sabi niya. “Bibigyan Niya tayo ng lakas para sa anumang sitwasyon na mangyayari mula ngayon.”

Makalipas ang ilang linggo, nagtatrabaho si Emma sa tindahan ng kanyang pamilya nang tumanggap siya ng tawag kay Hector David. Sinabi nito sa kanya na nakipag-usap ito sa kanyang ama tungkol sa pakikipag-isang dibdib sa kanya. Hindi pumayag ang kanyang ama na makasal sila. Ang ama niya ay isang Banal sa mga Huling Araw, ngunit matagal na itong hindi nagsisimba. Hindi nito maunawaan kung bakit nais nang mag-asawa ni Emma.

Matapos ang usapan sa telepono, nakita ni Emma na pumasok sa tindahan ang kanyang ama na seryoso ang mukha. Binati siya nito sa kanyang napipintong kasal, subalit malinaw na masama ang loob ng kanyang ama. Nag-alala ito na hindi niya tatapusin ang kanyang pag-aaral.

“Kung nais mong magpakasal, kailangan mong humanap ng trabaho,” sabi nito. “Ayoko nang magtrabaho ka pa rito.”

Hindi tiyak kung saan maaaring magtrabaho, lumapit si Emma sa employment resource center ng Simbahan sa Tegucigalpa. Binuksan noong 2002, isa ito sa daan-daang itinayo sa buong mundo upang matulungan ang mga Banal na makahanap ng mas magandang trabaho. Ang mga nagtuturo sa center ay mga lokal na returned missionary. Kinausap nila siya tungkol sa Perpetual Education Fund, na inilunsad ni Pangulong Hinckley noong 2001, ngunit sa ngayon ay hindi siya interesadong umutang para tustusan ang pag-aaral niya. Binigyan din nila siya ng mga tip kung paano makapanayam sa trabaho at tinulungan siyang gumawa ng résumé. Taglay ang mga kasanayang ito, hindi nagtagal ay nakapagtrabaho na siya sa isang bangko.

Habang papalapit na ang araw ng kasal niya, pinanghihinaan ng loob si Emma. Bagama’t pumayag ang kanyang ama na tustusan ang gastos sa kasal, ipinaalam nito at ng ibang kamag-anak ang pagtutol nila sa pagpapakasal niya.

Lubhang nalungkot si Emma sa pagtutol nila. Isang araw, mag-isa siyang lumuhod sa kanyang sala upang manalangin. “Ito po ang hiniling ninyong gawin namin,” sinabi niya sa Ama sa Langit. “Sinisikap ko pong maging masunurin.”

Biglang pumasok sa kanyang isipan ang kuwento ng Tagapagligtas na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Naalala niya kung paano sinubukang lumapit ni Pedro kay Jesus, para lamang lumubog nang natakot ito. Tulad ni Pedro, pakiramdam rin ni Emma na nalulunod siya.

Ngunit napuspos siya ng kapayapaan. “Anak, nakatuon ka sa mga pagsubok,” sinabi sa kanya ng boses ng Panginoon. “Kailangan ko lamang na makita mo ako. Magtuon sa inilagay ko na sa iyong puso.”

Pakiramdam niya ay parang hawak ng Panginoon ang kamay niya, tulad ng paghawak Niya sa kamay ni Pedro.


Noong huling bahagi ng Setyembre 2005, subsob sa trabaho si Angela Peterson habang naghahanda sa pagbisita ng isang mataas na opisyal mula sa Gitnang Silangan. Bilang bahagi ng kanyang trabaho sa isang kumpanya ng ugnayang pandaigdigan at pampamahalaan sa Washington, DC, kung minsan ay hinihiling sa kanyang magplano ng mga walking tour, hapunang salu-salo, at mga palabas na pang-kultura para sa mga mahahalagang bisita.

Nang dumating ang opisyal, nag-usap sila ni Angela, at natuklasan nila na marami silang pagkakahalintulad. Kapwa sila pinalaki sa mga rural na lugar, at pareho nilang pinahahalagahan ang pamilya at pananampalataya. Hindi umiinom ng alak ang opisyal dahil sa kanyang mga paniniwalang Muslim, at napahanga siya dahil hindi rin umiinom si Angela.

Nagplano si Angela ng maraming aktibidad para sa pagbisita ng opisyal, ngunit makalipas ang ilang araw, sinabi nito, “Sa palagay ko ay nakita ko na ang kabuuan ng Washington! Mayroon ka pa bang maaaring ipakita sa akin, iyong medyo iba naman?”

Isang imahe ang biglang nakita ni Angela sa kanyang isipan: ang Washington DC Temple. Nag-atubili siya, iniisip kung angkop bang dalhin ito sa isang lugar na banal para sa kanya. Gayunpaman, hindi iniiwan ng imahe ng templo ang kanyang isipan.

“Mayroon pa pong isang lugar na hindi ko pa ipinapakita sa inyo,” sinabi niya rito. “Ito ang pinakamahalagang lugar sa Washington, DC para sa akin.”

Sabik na pumayag na sumama ang opisyal, at sinimulan ni Angela na ayusin ang mga kinakailangan. Tinawagan niya ang direktor ng temple visitors’ center, si Elder Jess L. Christensen, na nag-alok na isara ang gusali nang ilang oras upang mabigyan ang opisyal ng pribadong may gabay na paglilibot.

Kinabuksan, sinundo ni Angela ang opisyal at idinaan sa isang maganda, paliku-likong daan patungo sa templo. Sa kabuuan ng halos isang oras na biyahe, sunud-sunod ang mga tanong nito tungkol sa Simbahan, at nadama niyang ang mga kaisipan at salita ay lubos na malinaw na dumadaloy sa kanya. Nakinig ito nang mabuti at tila interesado sa Unang Pangitain, sa Aklat ni Mormon, mga propeta sa kasalukuyan, ang pandaigdigang pagkakawanggawa ng Simbahan, at ang batas ng ikapu.

Nang dumaan si Angela sa huling pagliko, papagabi na, at ang bahay ng Panginoon ay nagniningning sa dapit-hapon. Habang tinatawid nila ang bakuran ng templo, kitang-kita ang rebulto ng Christus sa visitors’ center. Isinagawa ni Elder Christensen ang ginabayang paglilibot, na nagtatampok ng displey ng Aklat ni Mormon sa maraming salin, kabilang na ang katutubong wikang Arabic ng opisyal.

Sa pagtatapos ng paglilibot, nagpalabas si Elder Christensen ng video ni Pangulong Hinckley na nagpapatotoo sa kahalagahan ng mga pamilya. Sa tabi ng telebisyon ay isang nakakuwadrong kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Tahimik itong binasa ng opisyal at tumango.

“Ito ang pinaniniwalaan ko,” wika nito. “Ito ang pinaniniwalaan ng mga tao ko.”

Habang nagbibiyahe pabalik sa lunsod, sinabi ng opisyal na humanga siya sa pagbibigay-diin ng Simbahan sa pamilya, at natutuwa siyang malaman na may ibang relihiyon na pinapahalagahan ang pamilya gaya ng sa kanya. Noong huling araw ng pagbisita nito sa Washington, binigyan ito ni Angela ng kopya ng paghahayag.

“Nais kong bigyan kayo ng bagay na iniisip ko ay magiging makabuluhan sa inyong bansa,” paliwanag niya.

Tinatanggap ang regalo, sinabi nito, “Tutulungan nito ang mga kababayan ko.”

  1. “Chile Area Training”; Pingree, “Chile Area Auxiliary Leadership Training,” 1, 5–6; “Welfare,” 1–26; “Bienestar,” 1–25. Paksa: Chile

  2. Carl B. Pratt to Anne C. Pingree, Email, Aug. 26, 2004, Relief Society, Anne C. Pingree Relief Society General Presidency Papers, CHL; “Relief Society Challenges in Chile,” [1]; Pratt, “Area Presidency Focus,” [1].

  3. “Incomings from Chile Training”; Pingree, “Chile Area Auxiliary Leadership Training,” 1, 6; “Relief Society Challenges in Chile,” [1]; Pratt, “Area Presidency Focus,” [1].

  4. “Chile Area Training”; Pingree, “Chile Area Auxiliary Leadership Training,” 2–4; Jeffrey R. Holland to First Presidency, Dec. 13, 2002, First Presidency, Area Presidency Correspondence, CHL; Chile Area, Annual Historical Reports, 2004, 1; Turley, In the Hands of the Lord, 263–77; Holland, Oral History Interview, 11.

  5. Jeffrey R. Holland to First Presidency, Dec. 13, 2002; Aug. 21, 2003; May 11, 2004, First Presidency, Area Presidency Correspondence, CHL; Pingree, “Chile Area Auxiliary Leadership Training,” 2–4; Chile Area, Annual Historical Reports, 2003, 5, appendix II; Chile Area, Annual Historical Reports, 2004, 1, 7.

  6. “General Leadership Meeting,” 3–5. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “example of First Presidency & Twelve” sa orihinal ay pinalitan ng “example of the First Presidency and the Twelve.”

  7. “General Leadership Meeting,” 5; Pingree, “Chile Area Auxiliary Leadership Training,” 5–6; “Welfare,” 19–23; Anne Pingree, Notes, Oct. 2004, [7], Relief Society of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Scrapbooks, Special Collections, J. Willard Marriott Library, University of Utah, Salt Lake City. Mga Paksa: Bishop; Relief Society; Mga Ward at Stake; Mga Programang Pangkapakanan

  8. Pingree, “Chile Area Auxiliary Leadership Training,” 6–7.

  9. Kilbert, Oral History Interview [Jan. 2023], 8; Bonham, Oral History Interview, 2–3; Missionary Executive Council, Minutes, Sept. 17, 2003, and June 1, 2004; “Mission President’s Resource for Implementing ‘Preach My Gospel,’” Ago. 24, 2004, 3, 5, Missionary Executive Council, Meeting Materials, CHL; M. Russell Ballard, “Preach My Gospel,” Hunyo 22, 2004; David Edwards to Edward Brandt and Max Molgard, June 17, 2004, Missionary Department, Seminar for New Mission Presidents Meeting Materials, CHL; White, “History of Preach My Gospel,” 129–31.

  10. Kilbert, Oral History Interview [Jan. 2023], 2–3, 9; Allwyn Arokia Raj Kilbert, “Moved by My First Liahona,Liahona (U.S./Canada), Okt. 2002, 1; Kilbert, Email Interview [Oct. 4, 2023].

  11. India Bengaluru Mission, “Church in India,” 1–2; Britsch, From the East, 8–30, 462, 506–36; Gill, “The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in India,” 75; Deseret Morning News 2006 Church Almanac, 371. Paksa: India

  12. Kilbert, Oral History Interview [Jan. 2023], 10–11; Bonham, Oral History Interview, 4; India Bengaluru Mission, “Church in India,” 1, 3; Rutherford, “Shifting Focus to Global Mormonism,” 81; Stewart at Martinich, Reaching the Nations, 2:907.

  13. Kilbert, Oral History Interview [Jan. 2023], 10–11; Mangaral ng Aking Ebanghelyo, vii–xi, 1–11, 29–30, 31–32; White, “History of Preach My Gospel,” 128–58; Uniform System for Teaching Investigators; Uniform System for Teaching the Gospel.

  14. “Mission President’s Resource for Implementing ‘Preach My Gospel,’” Ago. 24, 2004, 1–5, Missionary Executive Council, Meeting Materials, CHL; Preach My Gospel, 137–54; Kilbert, Oral History Interview [Jan. 2023], 8; Kilbert, Notebook, [Aug. 25], 2004; Allwyn Kilbert to Family, Aug. 26, 2004, Allwyn Arokiaraj Kilbert, Oral History Interviews, CHL. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “which” sa orihinal ay pinalitan ng “that.”

  15. Kilbert, Oral History Interview [Jan. 2023], 6–8; Kilbert, Oral History Interview [May 2023], 2; Allwyn Kilbert to James Perry, Email, Feb. 17, 2023, Allwyn Arokiaraj Kilbert, Oral History Interviews, CHL; Bonham, Oral History Interview, 3.

  16. Kilbert, Oral History Interview [Jan. 2023], 6–7, 10, 15; Kilbert, Oral History Interview [Feb. 2023], 1–4; Kilbert, Oral History Interview [May 2023], 4, 7; Nelaballe, Oral History Interview, 5–7, 10; Kilbert, Email Interview [Oct. 4, 2023]. Paksa: Pag-unlad ng Gawaing Misyonero

  17. Wan, Oral History Interview [July 2022], [19]; Wan, Oral History Interview [Oct. 2022], [9], [12]–[13]; Directory of General Authorities and Officers, 2005, 3; Sarah Jane Weaver, “Proposing Projects to Villages of Tsunami Survivors,” Church News, Mar. 19, 2005, 8.

  18. Nick Cumming-Bruce and Campbell Robertson, “Most Powerful Quake in 40 Years Triggers Death and Destruction,” New York Times, Dis. 26, 2004, nytimes.com. Mga Paksa: Malaysia; Thailand

  19. Wan, Oral History Interview [July 2022], [19]–[20]; Wan, Oral History Interview [Oct. 2022], [9]–[10], [14], [19]; Deseret Morning News 2006 Church Almanac, 449; Garry Flake to James Perry, Email, Nov. 8, 2023, CHL; Jason Swensen, “Tsunami Disaster: More Than 100,000 Dead,” Church News, Ene. 1, 2005, 2; Nick Cumming-Bruce and Campbell Robertson, “Most Powerful Quake in 40 Years Triggers Death and Destruction,” New York Times, Dis. 26, 2004, nytimes.com.

  20. Rather, Supporting the Rescue, 40; Welfare Services Department, Fact Sheets, 2002; “An Eyewitness to Tragedy,” sa Presiding Bishopric, Welfare Executive Committee Meeting Materials, Feb. 24, 2005; Jason Swensen, “Tsunami Disaster: More Than 100,000 Dead,” Church News, Ene. 1, 2005, 2, 15; Wan, Oral History Interview [July 2022], [20]; Garry Flake to James Perry, Email, Nov. 8, 2023, CHL; Wan, Oral History Interview [Oct. 2022], [9]–[10], [19].

  21. Wan, Oral History Interview [July 2022], [20]–[21]; Flake, “Tsunami (Southeast Asia)”; Jason Swensen, “Tsunami Disaster: More Than 100,000 Dead,” Church News, Ene. 1, 2005, 15; “An Eyewitness to Tragedy,” sa Presiding Bishopric, Welfare Executive Committee Meeting Materials, Feb. 24, 2005; Wan, Oral History Interview [July 2022], [20]–[21].

  22. Nick Cumming-Bruce at Campbell Robertson, “Most Powerful Quake in 40 Years Triggers Death and Destruction,” New York Times, Dis. 26, 2004, nytimes.com; Amy Waldman, “Thousands Die as Quake-Spawned Waves Crash onto Coastlines across Southern Asia,” New York Times, Dis. 27, 2004, A11.

  23. Kilbert, Oral History Interview [Jan. 2023], 11–12; Nelaballe, Oral History Interview, 15.

  24. Kilbert, Oral History Interview [Jan. 2023], 12; Dan Caldwell and Ethel Caldwell to Family and Friends, Email, Dec. 26, 2004, Daniel W. Caldwell, Mission Photographs and Emails, CHL.

  25. Kilbert, Oral History Interview [Jan. 2023], 12; Kilbert, Oral History Interview [May 2023], 11; Nelaballe, Oral History Interview, 15–17; Kumar, “Incentives and Expectations,” 135; Justin Huggler, “The Struggle for Survival in a Town of Orphans,” Independent (London), Ene. 5, 2005, 7.

  26. Kilbert, Oral History Interview [Jan. 2023], 12–13; Nelaballe, Oral History Interview, 16; Dan Caldwell to Brent Bonham, Email, Dec. 27, 2004, Daniel W. Caldwell, Mission Photographs and Emails, CHL; Jason Swensen, “Tsunami Disaster: More Than 100,000 Dead,” Church News, Ene. 1, 2005, 2, 15.

  27. Kilbert, Oral History Interview [Jan. 2023], 12–13; Nelaballe, Oral History Interview, 16, 19–20; Kilbert, Oral History Interview [Feb. 2023], 8–9; Kilbert, Oral History Interview [May 2023], 8, 10. Paksa: Mga Programang Pangkapakanan

  28. Emma Hernandez to James Perry, Email, Sept. 18, 2023, Emma Acosta Hernandez at Hector David Hernandez, Oral History Interviews, CHL; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2023], [13], [15]–[16]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2019], [4], [10]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2022], [2], [4], [10], [19]–[22], [27]; Gordon B. Hinckley, “Manatili sa Mataas na Landas,” Liahona, Mayo 2004, 113.

  29. Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2023], [3], [13], [20]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2022], [21]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2019], [9]; Eternal Marriage, 188–97.

  30. Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2019], [9], [13]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2023], [12]–[14], [16]–[17], [20]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2022], [13]. Mga Paksa: Honduras; Guatemala

  31. Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2023], [12]–[14], [17]–[19]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2019], [9]–[10].

  32. Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2023], [4], [9]–[11], [21]–[22]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2022], [10]–[11], [14]–[15]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2019], [10].

  33. Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2022], [5], [29]; F. Michael Watson to Presiding Bishopric, Memorandum, Dec. 4, 2001, First Presidency, Presiding Bishopric Correspondence, CHL; Rather, Supporting the Rescue, 52–54; “Employment Resource Services,” 8–9; Emma Acosta [Hernandez] to James Perry, Email, May 24, 2023, Emma Acosta Hernandez at Hector David Hernandez, Oral History Interviews, CHL; Gordon B. Hinckley, “The Perpetual Education Fund,” Ensign, Mayo 2001, 51–53; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2023], [11].

  34. Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2023], [2], [21], [24]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2019], [10]; Hernandez at Hernandez, Oral History Interview [2022], [16]–[17]; Matthew 14:22–32.

  35. Fallentine, Recollections, 2–3; Angela Fallentine, Oral History Interview [Feb. 2023], 1–2, 15–17; Angela Fallentine, Oral History Interview [Sept. 2023], 2–5, 15.

  36. Fallentine, Recollections, 3–5; Angela Fallentine to James Perry, Email, Feb. 14, 2024, Angela Fallentine at John Fallentine, Oral History Interviews, CHL.

  37. Fallentine, Recollections, 5; Angela Fallentine, Oral History Interview [Feb. 2023], 15–16; Angela Fallentine, Oral History Interview [Sept. 2023], 18–19. Paksa: Interreligious Relations