Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 28: Ang Landas ng Panginoon


Kabanata 28

Ang Landas ng Panginoon

dalawang lalaking preso na nagtatrabaho gamit ang mga computer

“Wala na siya.”

Pakiramdam ni Pangulong Gordon B. Hinckley ay namanhid siya habang sinasabi niya ang mga salitang iyon sa telepono. Sa kabilang linya ay ang asawa niyang si Marjorie. Naririnig niya itong umiiyak. Nanalangin sila na sana ay hindi na dumating ang araw na ito.

Marso 3, 1995 noon. Noong umagang iyon, nalaman ni Pangulong Hinckley na pumanaw na si Pangulong Howard W. Hunter sa tahanan nito. Nagpapagamot para sa sakit na kanser si Pangulong Hunter, at mabilis na bumabagsak noon ang kalusugan niya. Pero nagulat pa rin si Pangulong Hinckley sa balitang ito. Agad silang nagpunta ni Pangulong Thomas S. Monson sa apartment ng propeta at nagbigay ng kapanatagan at pakikiramay kay Sister Inis Hunter. Pagkatapos ay pumasok sila sa isa pang silid at nagsimulang tawagan ang mga kailangang tawagan.

Matapos ang pakikipag-usap niya kay Marjorie, nakadama ng matinding kalungkutan si Pangulong Hinckley. Naglingkod siya sa Panginoon kasama ni Pangulong Hunter sa loob ng mahigit tatlumpung taon, at ngayon ay nawalan siya ng isang mabuti, mabait, at matalinong kaibigan. Sa pagpanaw ng propeta, naging senior na apostol siya, na ang ibig sabihin ay malilipat sa kanyang mga balikat ang pamumuno sa Simbahan. Hindi inaasahang nadama niya ang kalungkutan.

“Ang magagawa ko lamang ay manalangin at magsumamo para sa tulong,” naisip niya.

Makalipas ang limang araw, pinangunahan ni Pangulong Hinckley ang burol ni Pangulong Hunter sa Salt Lake Tabernacle. “Ang mortal na buhay para kay Pangulong Hunter ay mas isang misyon kaysa sa isang karera,” sinabi niya sa mga nagdadalamhati. “Ang kanyang tinig ay nangunguna at makapangyarihan sa paghahayag ng mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa pagsusulong ng gawain ng Simbahan.”

Bagama’t ang siyam na buwang ni Pangulong Hunter bilang pangulo ang pinakamaikli sa sinumang pangulo ng Simbahan, marami siyang nagawa habang nasa katungkulan. Nagpadala ang Unang Panguluhan ng tulong sa mga biktimang nagkukulang sa pagkain sa Laos sa timog-silangang Asia, sa digmaang sibil sa Rwanda sa silangang Africa, at sa pagbaha at mga sunog sa timog ng Estados Unidos. Bagama’t nilimitahan ng kanyang bagsak na kalusugan ang kakayahan niyang maglakbay, naglaan siya ng mga templo sa dalawang lunsod sa Estados Unidos—sa Orlando, Florida, at sa Bountiful, Utah. Noong Disyembre 11, 1994, naglakbay siya papunta sa Mexico City upang iorganisa ang ikadalawang libong stake ng Simbahan.

Subalit ang isa sa mga pinakadakilang pamana niya bilang apostol ay ang kanyang pagmamahal sa mga tao, anuman ang kanilang relihiyon. Mayroon siyang malalim na ugnayan sa Banal na Lupain. Sa sandaling panahon bago ang pagpanaw niya, balak niyang bumalik ng Jerusalem kasama ni Elder Jeffrey R. Holland, na ngayon ay miyembro na ng Korum ng Labindalawang Apostol, para sa isang huling pagdalaw. Nalungkot siya nang mahadlangan ang kanyang pag-alis ng humihinang kalusugan.

Noong Marso 9, isang araw makalipas ang libing ni Pangulong Hunter, maagang nagising si Pangulong Hinckley at hindi na muling nakatulog. Ang bigat ng kanyang mga bagong responsibilidad—at mga desisyon na kailangan niyang gawin—ay nagpapahirap sa kanya.

Nagpasiya siyang mag-ayuno at magpalipas ng oras nang mag-isa sa Salt Lake Temple. Kumuha siya ng susi ng silid na nasa ikaapat na palapag kung saan nagpupulong ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol bawat linggo. Pagkatapos ay hinubad niya ang kanyang sapatos, isinuot ang kanyang puting tsinelas para sa templo, at nagbasa mula sa mga banal na kasulatan.

Kalaunan, nabaling ang tingin niya sa tatlong larawan ng Tagapagligtas sa dingding. Ang isa sa mga ito ay inilalarawan ang Pagpapako sa Krus, at pinagnilayan nang malalim ni Pangulong Hinckley ang kabayarang ibinigay ng Tagapagligtas upang iligtas siya. Muli niyang inisip ang kanyang mabibigat na responsibilidad bilang propeta ng Panginoon, at umiyak siya habang binabalot siya ng damdamin ng kakulangan.

Ibinaling niya ang kanyang pansin sa ipinintang larawan ni Joseph Smith sa hilagang dingding. Sa bandang kanan niya, sa hilera ng silangang dingding, ay ang mga larawan ng bawat isa sa mga pangulo ng Simbahan mula kay Brigham Young hanggang kay Howard W. Hunter. Magkakasunod na tiningnan ni Pangulong Hinckley ang bawat larawan. Personal niyang kilala ang bawat pangulo ng Simbahan mula kay Heber J. Grant. Nagbigay sila sa kanya ng malaking tiwala, at mahal niya sila. Ngayon, habang tinitingnan niya ang mga larawan, tila nagkakaroon ng buhay ang mga ito. Nadama niya ang tingin ng mga ito sa kanya, tahimik na pinalalakas ang loob niya at ipinapangako ang kanilang suporta. Hindi niya kailangang matakot.

Lumuluhod, inilapit ni Pangulong Hinckley sa Panginoon ang mga tanong at, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, tumanggap ng Kanyang salita ukol sa mga iyon. Napuspos ng kapayapaan at katiyakan ang puso at isip ni Pangulong Hinckley, at batid niyang may determinasyon siyang magpatuloy sa gawain.

Nakapagdesisyon na siyang hirangin si Thomas S. Monson bilang kanyang unang tagapayo. Ngayon ay may pahiwatig naman siyang hirangin si Elder James E. Faust bilang kanyang pangalawang tagapayo. Habang nakaluhod pa, nanalangin siya para sa kumpirmasyon ng mga pagpiling ito, at pinuspos ng mainit na pakiramdam ang puso niya.

Kalaunan, habang pinagninilayan niya ang kanyang araw, mas maganda na ang pakiramdam ni Pangulong Hinckley tungkol sa kanyang bagong calling. “Umaasa ako na naturuan ako ng Panginoon na gawin ko ang inaasahan Niya sa akin,” isinulat niya sa kanyang journal. “Ibibigay ko sa Kanya ang aking buong katapatan, at talagang hihingin ko palagi ang Kanyang patnubay.”


Sa panahon ding ito, palagiang pinupuntahan nina Darius Gray at Marie Taylor ang Utah State Prison upang makipag-usap sa ilang daang mga preso na kumukuha ng genealogical na impormasyon mula sa mga tala ng Freedman’s Bank.

Nagtatrabaho ang mga boluntaryo sa isang family history center na katabi ng kapilya ng piitan. Para makapunta roon, kailangang dumaan sina Darius at Marie sa mabibigat na pintuang bakal, mga nakakandadong pintuan, at bantay-saradong mga pasilyo. Medyo kinakabahan si Darius nang una siyang isinama ni Marie, lalo na sa mga lugar kung saan naliligiran sila ng mga preso. Pero ngayon ay nagpupunta siya sa piitan kada ilang linggo, at sanay na siya rito.

Nang magsimula ang extraction project, sumasailalim sa malalaking pagbabago ang pananaliksik sa talaangkanan. Mabilis na pinapalitan ng mga computer ang mga filing cabinet at inilimbag na mga indeks, kung kaya nagiging mas mabisa ang pagtitipon at pagkuha ng mga datos. Noong mga dekada ng 1970 at 1980, sinimulan ng Simbahan ang paggamit ng bagong teknolohiya sa gawain sa templo at sa family history o kasaysayan ng pamilya. At pagsapit ng unang bahagi ng dekada ng 1990, binuo ng Simbahan ang TempleReady, isang programa sa computer na tinutulutan ang mga patron sa mga lokal na family history center, kabilang na ang nasa piitan, na mas madaling magpasa ng mga pangalan para sa ordenansa sa templo.

Maraming microfilm reader na nakahilera sa mga dingding ng family history center kung saan nagtatrabaho ang mga preso. Nakipagtulungan si Marie sa Family History Library para makakuha ng kopya ng microfilm ng Freedman’s Bank na maitatabi sa piitan. Matapos makuha ng mga volunteer ang impormasyon at inilagay ito sa isang form na nakalaan para sa proyekto, dadalhin nila ang form sa katabing silid at ipapasok ang impormasyon sa isang computer database. Sa ilalim ng pamamahala ni Marie, ilang ulit sinuri ng mga volunteer ang bawat tala. Dalawang volunteer ang hiwalay na kumukuha ng kaparehong impormasyon, at pagkatapos ay ihahambing ng ikatlong volunteer ang mga nakuha sa orihinal na dokumento, tinitiyak na naitala nang tama ang impormasyon.

Ang lalaking namamahala sa family history center ng piitan ay habang-buhay ang sentensiya. Pinanatili niyang maayos na umiiral at organisado ang gawain. Napahanga si Darius sa sigasig ng mga volunteer at sa kanilang atensyon sa detalye. Natutuwang inireport ng mga opisyal ng piitan na ang mga presong gumagawa sa mga tala ng bangko ay karaniwang hindi nagiging sanhi ng problema sa ibang mga preso.

Bukas ang proyekto sa lahat ng karapat-dapat na mga preso, anuman ang kanilang pinaniniwalaang relihiyon. Habang naglilingkod sina Darius at Marie kasama ng mga volunteer, binigyang-diin nila ang espirituwal na likas na katangian ng proyekto. Nauunawaan ng mga presong lumaki sa Simbahan ang papel ng genealogy o talaangkanan sa pagbubuklod ng mga pamilya sa walang hanggan. Ang ilan sa mga lalaking ito ay wala nang pag-asang makalaya sa piitan, pero nakasumpong sila ng kaligayahan sa paggawa upang mapalaya ang iba mula sa espirituwal na bilangguan. Palaging sinisimulan nina Darius at Marie sa panalangin ang kanilang mga pulong sa piitan, at hinihikayat nila ang mga volunteer na manalangin sa sarili nilang mga paraan habang ginagawa nila ang proyekto.

Kung minsan ay lalapit ang isang preso kay Darius upang humingi ng basbas ng priesthood. Palagi siyang pumapayag. Habang nagmiministro siya sa mga lalaki na nakagawa ng lahat ng klase ng krimen at pagkakasala, bigla niyang natanto na sila ay mga anak ng Diyos.

Sa panahong ito, hinikayat ng Simbahan ang mga miyembro nito na magpasa ng mga pangalan ng pamilya sa templo, subalit maaari pa ring magpasa ang mga miyembro ng mga pangalan ng mga taong hindi nila kamag-anak. Palagiang ginagamit ng mga preso ang TempleReady upang mapaaprubahan para sa mga ordenansa sa templo ang mga pangalan mula sa proyekto ng Freedman’s Bank project. Upang makatulong sa gawaing ito, bumuo si Marie ng isang temple “family file” na ipinangalan kay Elijah Able, isa sa mga pinakaunang Itim na Banal sa mga Huling Araw. Magagamit ang file ng mga patron ng templo sa Estados Unidos at South Africa. Kung nais ng mga patron na magsagawa ng mga ordenansa para sa taong nanggaling sa tala ng Freedman’s Bank, kailangan lamang nilang pumunta sa templo at humiling ng isang pangalan mula sa family file.

Isang gabi, nagpunta sina Darius at Marie sa Jordan River Temple sa South Jordan, Utah, kasama ang maraming kaibigan upang magsagawa ng mga pagbubuklod para sa mga pamilya mula sa mga tala ng Freedman’s Bank. Bagama’t dalawampu na ang kabuuang bilang ng grupo, kailangan pa rin nila ang tulong ng iba na nasa templo. Buong gabi, ibinubuklod nila ang mga pamilya na malupit na pinaghiwalay noong nabubuhay pa sila dahil sa pang-aalipin.

Bago magpunta sa templo, sinabi nina Darius at Marie sa mga preso ang tungkol sa paglalakbay. Pinili ni Darius ang Jordan River Temple dahil ito ang pinakamalapit sa tahanan niya, pero nagkataon din na ito ang pinakamalapit sa piitan.

Noong gabing iyon, maraming preso na nagtatrabaho sa proyekto ang nagtipon sa isang bintana sa isang sulok ng piitan. Makipot ang bintana, pero makikita mula rito ang Salt Lake Valley—kabilang na ang Jordan River Temple.

Bagama’t hindi makapunta roon nang personal ang mga boluntaryo, tahimik nilang sinuportahan sina Darius at Marie sa banal na gawain.


Noong kanyang unang taon bilang pangulo ng Simbahan, sinubaybayan ni Gordon B. Hinckley ang Simbahan sa Asia mula sa malayo. Nagsimula noong Enero 1994 ang pagtatayo ng Hong Kong Temple, at tumanggap si Pangulong Hinckley ng palagiang balita sa nangyayari dito. Nakipag-usap din siya sa mga lider ng Asia Area para tumulong sa pagpaplano ng mga aktibidad na may kinalaman sa paglalaan ng templo.

Lubos siyang natutuwa sa antas ng pag-unlad ng Simbahan sa rehiyon. Mula noong 1955, lumago ang Simbahan sa Asia mula sa isang libong miyembro ay naging halos anim na daang libo. Ang Japan, South Korea, Taiwan, at ang Pilipinas ay mga sentro na ng lakas na may sariling mga templo. Nagsisimula nang lumago ang Simbahan sa mga lugar gaya ng Thailand, Mongolia, Cambodia, India, at muli, sa Vietnam. Sa buong Asia, isang umuusbong na salinlahi ng mga bata pa at tapat na mga Banal sa mga Huling Araw ang gumagawa ng kaibhan.

Sa Taiwan, kailan lamang ay natapos ni Kuan-ling “Anne” Liu ang kanyang huling taon sa Taipei First Girls High School, kung saan siya ang tanging Banal sa mga Huling Araw sa paaralang may mahigit apat na libong mga estudyante. Gaya ng maraming estudyante sa Taiwan, may mahirap na iskedyul si Anne. Gumigising siya bago ang alas-6:00 ng umaga, sasakay ng bus nang alas-6:30, at gugugulin ang susunod na siyam na oras sa paaralan. Matapos ang hapunan, mag-aaral siya sa isang silid-aralan nang ilang oras pa bago sumakay ng bus pauwi nang alas-8:00 ng gabi.

Gayunpaman, bawat gabi bago siya matulog, naglalaan ng oras si Anne para magbasa ng kanyang mga banal na kasulatan. Parami nang parami ang mga lider ng Simbahan na binibigyang-diin ang araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan bilang mahalagang bahagi ng pagsamba ng isang Banal sa mga Huling Araw. Nadama ni Anne na ang panalangin at banal na kasulatan ay nakatutulong sa kanyang iwasan ang panghihina-ng-loob at matuto nang maayos sa paaralan. Tuwing Linggo, kapag marami sa mga kaklase niya ang nag-aaral para sa pagpasok sa paaralan, dumadalo siya sa klase sa seminary bago ang kanyang mga karaniwang miting ng Simbahan sa Taipei. Naglingkod din siya bilang tagatugtog ng piano sa ward.

“Kung pupunta ako sa sacrament meeting at makikinig sa mga mensahe,” natanto niya, “palaging mas positibo at masaya ang buhay ko.”

Samantala, sa Mongolia, ang dalawampu’t isang taong gulang na si Soyolmaa Urtnasan ay tinuturuan ang mga kabataang babae sa kanyang branch sa kabiserang lunsod ng Ulaanbaatar. Sa ilang daang miyembro ng branch, karamihan ay mga tinedyer o nasa kanilang ikalawang dekada ng buhay at mga miyembro na wala pang isang taon. Si Soyolmaa mismo ay bininyagan ilang buwan pa lang ang nakakaraan, at punung-puno siya ng kasabikan. Noong tinedyer pa siya, namatay ang mga magulang niya nang magkasunod sa loob ng dalawang taon, at dahil dito ay nagalit sa Diyos si Soyolmaa.

“Isa akong tao na may ‘dalawang mukha,’” paggunita niya, “masaya at palakaibigan sa panlabas, miserable at mahiyain naman sa panloob.” Upang maging manhid siya sa nararamdaman niyang pait, dumalo siya sa mga kasiyahan at nagpapakalasing.

Nagsimulang mag-iba ang lahat nang may isang kaibigang nagsisiyasat sa Simbahan ang nag-anyaya sa kanyang dumalo sa isang sacrament meeting. Noong unang Linggong iyon, nakadama ng kapayapaan at pagiging kabilang si Soyolmaa na hindi pa niya naranasan kahit kailan. Hindi nagtagal ay nalaman niya na maaari siyang maging isang bagong tao sa pamamagitan ni Jesucristo. Nang marinig niya ang plano ng kaligtasan, walang patid ang iyak niya.

“Alam kong nasa tamang lugar ako,” paggunita niya. Hindi nagtagal, naging isa siya sa mga unang misyonero mula sa Mongolia.

Samantala, sa Thailand, nauunawaan ng mga Banal ang kahalagahan ng mga templo at nagsagawa ng mga sakripisyo para makapunta roon. Noong 1990, humigit-kumulang dalawang daang mga Banal na Thai ang nagpunta sa Pilipinas para dumalo sa bahay ng Panginoon sa Manila. Magastos ang pagbiyahe, kaya maraming Banal ang nag-ipon nang higit isang taon upang magkaroon ng sapat para sa pamasahe sa eroplano.

Bilang pangulo ng Khon Kaen District sa gitnang Thailand, mismong si Kriangkrai Phithakphong ang nakasaksi sa gayong araw-araw na mga sakripisyo. Marami sa mga miyembro ng district ay maralita. May ilang walang matatag na trabaho o palagiang kita ang halos hindi sapat ang pera upang mabuhay. Pero aktibo silang naglingkod sa Simbahan, dumadalo sa mga pulong kahit na kailangan nilang maglakbay nang matagal nang naglalakad o sakay ng bisikleta o bus.

“Nang lumipad kami papuntang Manila, isa iyong mahalagang sandali sa kasaysayan ng Simbahan sa Thailand,” paggunita ni Kriangkrai. “Nagsikap ang lahat upang maipon ang perang kinakailangan.” Maski ang kanyang sampung taong gulang na anak ay nagbenta ng panlutong uling upang tulungan ang pamilya na tustusan ang paglalakbay. Sa huli, si Kriangkrai, ang asawa niyang si Mukdahan, at kanilang mga anak ay nakadalo sa templo—at naging sulit ang kanilang paghihirap at sakripisyo dahil sa kanilang naging karanasan.

“Ang mabuklod sa templo ay nagdadala ng espesyal na diwa sa aming pamilya,” patotoo ni Kriangkrai. “Ngayon, hindi lang gusto ng aming labing-anim na taong gulang na anak na lalaki na magmisyon, pati ang dalawang nakababata niyang kapatid na babae ay nais ding gawin ito.”


Noong gabi ng Agosto 9, 1995, nagpasiya ang limampu’t siyam na taong gulang na si Celia Ayala de Cruz na maglakad papunta sa kanyang aktibidad sa Relief Society. Nais niyang dumating sa takdang oras para sa mga pulong, at hindi dumating ang taong nangakong isasakay siya papuntang simbahan. Sa kabutihang-palad, ang meetinghouse ay mararating lamang ng walong minutong paglalakad mula sa bahay niya. Kung aalis siya agad, darating siya sa simbahan nang may ilang minuto pa bago ang simula. Pagtuturo sa paggawa ng tagpi-tagping kumot ang aktibidad, at siya ang magtuturo nito.

Nakatira si Celia sa Ponce, isang lunsod sa katimugang baybayin ng Puerto Rico, sa Caribbean Sea. Naglilingkod sa Caribbean ang mga misyonero mula noong dekada ng 1960, lalo na sa Puerto Rico at kalaunan ay sa Dominican Republic, kung saan kapwa ito may ilang sampung libong mga Banal. Nag-ugat din ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa iba pang mga islang bansa at teritoryo, inaabot ang mga tao ng magkakaibang kultura, relihiyon, wika, at etnisidad. Matatagpuan na ngayon ang mga Banal sa mga lunsod, bayan, at mga nayon sa iba’t ibang panig ng Caribbean.

Habang naglalakad siya papunta sa kanyang miting, may dalang bag si Celia na naglalaman ng limang dolyar na perang papel at isang kopya ng Aklat ni Mormon na nakabalot sa papel na pangregalo. Mula nang hinamon ni Pangulong Ezra Taft Benson ang mga Banal na panibaguhin ang kanilang tuon sa Aklat ni Mormon, naghanap siya at ang iba pang mga miyembro ng Simbahan ng mga pagkakataon upang maibahagi sa iba ang aklat. Ang Family-to-Family Book of Mormon Program ng Simbahan ay humihikayat noon sa mga Banal na isulat ang kanilang mga patotoo sa pabalat sa loob ng aklat bago ito ipamigay. Noong una, kailangang bumili ang mga Banal sa mga Huling Araw ng sarili nilang kopya ng Aklat ni Mormon, pero noong 1990, bumuo ang Simbahan ng pondo upang makapagbigay ng libreng kopya ng aklat sa sinuman sa mundo.

Mula nang sumapi sa Simbahan labing-anim na taon na ang nakakaraan, si Celia mismo ay ilang ulit nang binasa ang Aklat ni Mormon. Ngayon, isang katrabaho ang nahihirapan sa kanyang buhay may-asawa, at naniniwala si Celia na makakatulong sa kanya ang aklat. Naglagay siya ng kopya sa kahong pangregalo, binalot ito ng magandang papel, at tinalian ng laso. Sa kahon, naglagay rin siya ng postcard na may address niya at ng kanyang nakasulat na patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Ihahatid niya ang aklat sa simbahan noong gabing iyon upang ipakita sa mga sister niya sa Relief Society kung paano nila maibabahagi sa iba ang Aklat ni Mormon.

Noong malapit na siya sa meetinghouse, nagpasiya si Celia na dumaan sa mas maikling daan sa likod ng parke. Habang pumapasok siya sa isang tarangkahan, isang matangkad na binatilyo na may hawak na kutsilyo ang biglang lumitaw sa harap niya. Itinulak siya nito, at natumba siya nang paatras sa mga basang damo.

“Sinasaktan mo ang isang tagapaglingkod ng Panginoon,” sabi sa kanya ni Celia.

Walang sinabi ang binatilyo. Noong una, akala ni Celia ay papatayin siya nito. Pero bigla nitong inagaw ang bag niya at hinalungkat ito hanggang sa makita nito ang limang dolyar na papel at ang binalot na Aklat ni Mormon. Napayapa ang kanyang damdamin. Alam niyang hindi siya sasaktan ng binatilyo.

“Panginoon,” tahimik niyang panalangin, “kung iyan po ang paraang pinili ninyo para magbalik-loob ang binatilyong iyon sa ebanghelyo, hindi po niya ako papaslangin.”

Hawak na mahigpit ang kutsilyo niya, kinuha ng binata ang pera at Aklat ni Mormon at tumalilis na sa kadiliman ng gabi.


Samantala, sa kabilang dako ng Dagat Atlantiko, nakatira pa rin si Willy Binene kasama ang kanyang pamilya sa Luputa, Zaire. Hindi ito ang buhay na inisip niya bilang mag-aaral ng electrical engineering sa Lubumbashi. Ang Luputa ay isang sakahan, at hanggang malapit sa kanilang tahanan sa Kolwezi ang alitang etniko, mananatili sa Luputa si Willy at ang pamilya niya at magsasaka roon.

Sa kabutihang-palad, tinuruan si Willy ng kanyang ama kung paano magsaka noong bata pa siya, kung kaya’t alam na niya ang mga kailangan sa pagtatanim ng mga patani, mais, kamoteng-kahoy, at mani. Subalit hanggang hindi pa naaani ang unang tanim ng patani, halos walang makain ang pamilya. Nagsasaka sila para may makain, at anumang kaunting sobra mula sa mga tanim ay kanilang ibinebenta para makabili ng asin, mantika, sabon, at kaunting karne.

Sa mga Banal na umalis sa Kolwezi para makaligtas, mga limampu sa kanila ang nanirahan sa Luputa. Walang branch sa nayon, pero nagtitipon sila bawat linggo sa isang malaking bahay para sumamba. Bagama’t maraming lalaki sa grupo ang mayhawak ng priesthood, kabilang na ang dating pangulo ng Kolwezi District, hindi nila nadaramang awtorisado silang magdaos ng sacrament meeting. Sa halip, nagsasagawa sila ng klase sa Sunday School, kung saan ang bawat elder ay nagsasalitan sa pamumuno sa miting.

Noong panahong ito, nagsagawa sina Willy at mga kapwa niya Banal ng maraming pagsisikap na kontakin ang headquarters ng mission sa Kinshasa, pero hindi sila nagtagumpay. Gayunpaman, tuwing kumikita ng pera ang mga Banal, itinatabi nila ang kanilang ikapu, hinihintay ang panahon na maaari nila itong ibigay sa isang awtorisadong lider ng Simbahan.

Isang araw noong 1995, nagpasiya ang pamilya ni Willy na pabalikin si Kolwezi upang subukang ibenta ang kanilang lumang bahay. Batid na makikita doon ang district president, nakita ito ng mga Banal sa Luputa bilang kanilang pinakamagandang pagkakataon para magbayad ng ikapu. Inilagay nila ang kanilang pera sa mga sobre, ibinigay ang mga ito kay Willy at sa isa pang miyembro ng Simbahan na maglalakbay kasama nito, at pinalakad na sila.

Sa kabuuan ng apat na araw na paglalakbay sakay ng tren papunta sa Kolwezi, itinago ni Willy ang bag na may lamang sobre ng ikapu sa ilalim ng mga damit niya. Kinakabahan at natatakot sila ng kasama niya habang naglalakbay sila. Natulog sila sa tren at bumababa lamang sa mga istasyon para bumili ng fufu at iba pang pagkain. Nag-alala rin sila tungkol sa pagbiyahe papuntang Kolwezi, na kaaway pa rin ang turing sa mga Kasaian. Pero napanatag sila ng kuwento ng pagkuha ni Nephi sa mga laminang tanso. Nagtiwala sila na poprotektahan sila ng Panginoon at pati ang kanilang ikapu.

Nang sa wakas ay dumating sila sa Kolwezi, natagpuan nila ang tahanan ng district president, at inanyayahan niya sila na manuluyan sa kanila. Makalipas ang ilang araw, ang mga bagong lider ng Zaire Kinshasa Mission, sina Roberto at Jeanine Tavella, ay nagpunta sa lunsod, at ipinakilala sila ng district president kay Willy at sa kasama nito sa paglalakbay.

“Mga miyembro sila noon ng Kolwezi Branch,” paliwanag ng district president. “Dahil sa nangyari, lumipat sila sa Luputa. At ngayon ay narito sila. Nais ka nilang makilala.”

“Magkuwento pa kayo,” sabi ni Pangulong Tavella. “Taga-Luputa kayo?”

Sinabi ni Willy sa pangulo ang tungkol sa kanilang pagbiyahe at kung gaano kalayo ang nilakbay nila. Pagkatapos ay inilabas niya ang mga sobre ng ikapu. “Ito po ang mga ikapu ng mga miyembro sa Luputa,” sabi niya. “Itinabi nila ang kanilang ikapu dahil hindi nila alam kung saan ito dadalhin.”

Nang walang sinasabi, nagsimulang umiyak sina Pangulo at Sister Tavella. “Ang lakas ng pananampalataya ninyo,” ang sinabi sa wakas ng mission president, habang nanginginig ang kanyang tinig.

Napuspos ng kagalakan at kapayapaan si Willy. Naniniwala siya na pagpapalain ng Diyos ang mga Banal sa Luputa sa pagbabayad ng ikapu. Pinayuhan sila ni Pangulong Tavella na maging matiyaga. “Kapag bumalik kayo, pakisabi sa lahat sa Luputa na mahal ko sila,” sabi niya. “Pinagpapala sila ng Walang Hanggang Ama, dahil hindi pa ako nakakasaksi ng gayong pananampalataya.”

Ipinangako niyang ipadadala sa Luputa ang isa sa kanyang mga counselor o tagapayo sa lalong madaling panahon. “Hindi ko alam kung gaano katagal iyon,” sabi niya, “pero darating ang tagapayo.”


Hindi nagtagal matapos manakawan, tiningnan ni Celia Ayala de Cruz ang kanyang mailbox. Sa loob nito ay may isang liham na isang pahina at walang nakalagay na pangalan. “Patawarin ninyo ako, patawad po,” nakasaad rito. “Hindi ninyo malalaman kung gaano ko pinagsisihan na inatake ko kayo.”

Patuloy na nagbasa si Celia. Inilarawan ng binata kung paanong binago ng ninakaw nitong Aklat ni Mormon ang kanyang buhay. Nang makita nito ang aklat na nakabalot sa papel na panregalo, inisip nito kung maibebenta ba ito. Pero binuksan ito ng binata at binasa ang patotoong isinulat ni Celia para sa katrabaho niya. “Naluha ako sa mensaheng isinulat ninyo sa aklat na iyon,” sabi nito kay Celia. “Mula noong Miyerkules ng gabi, hindi niya mapigilang basahin ito.”

Lubos na naantig ang binata sa kuwento ni Lehi. “Ang panaginip tungkol sa taong iyon ng Diyos ay umantig sa akin,” isinulat nito, “at nagpapasalamat po ako sa Diyos na natagpuan ko kayo.” Hindi nito alam kung patatawarin siya ng Diyos dahil sa pagnanakaw, pero umaasa itong mapapatawad siya ni Celia. “Ibinabalik ko sa inyo ang limang dolyar,” idinagdag nito, “dahil hindi ko po ito magastos.” Kasama ng liham ang pera.

Isinulat din nito na nais niyang madagdagan ang kanyang kaalaman tungkol sa Simbahan. “Nais kong malaman ninyo na muli ninyo akong makikita, pero kapag nangyari iyon, hindi ninyo ako makikilala, dahil ako ay magiging kapatid ninyo,” isinulat nito. “Hindi ako mula sa lunsod ninyo, pero dito kung saan ako nakatira, kailangan kong hanapin ang Panginoon at magpunta sa simbahang kinabibilangan ninyo.”

Naupo si Celia. Mula noong pag-atake, ipinagdarasal niya ang binatilyo. “Kung pahihintulutan ng Diyos,” sabi niya, “nawa’y mabinyagan ang binatilyong iyon.”

Makalipas ang ilang buwan, nagsimula ang bagong taon. Sinimulan ng mga Sunday School sa buong Simbahan ang isang taong pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Upang tulungan ang mga Banal sa kanilang pag-aaral, inilaan ng Church News ang unang edisyon nito sa taong iyon para sa aklat. Kabilang sa isyu ang buod ng mga pangaral ng Aklat ni Mormon tungkol kay Jesucristo, iba-ibang mga tsart at artikulo para tulungan ang mga mambabasa na mas maunawaan ang mga tauhan at pangyayari dito, at impormasyon tungkol sa bagong videocassette na naglalaman ng siyam na maiikling pelikula ng Aklat ni Mormon para idagdag sa mga lesson ng Sunday School. Sa pahintulot ni Celia, ang huling pahina ng pahayagan ay nagtatampok ng maikling salaysay ng kanyang karanasan sa binatilyo, kabilang na ang buong teksto ng liham nito.

Noong Pebrero 1996, tumanggap si Celia ng isa pang liham mula sa binatilyo. Nahihiya pa rin ito tungkol sa pagnanakaw para sabihin kay Celia ang pangalan nito, pero ng binatilyo sa Church News ang kuwento, at nais nitong malaman niya na mabuti ang lagay nito at nagsisikap na ito na magbagong-buhay. Madalas siyang iniisip nito at ang Aklat ni Mormon. “Alam ko pong ito ay totoo,” isinulat nito. Sa katunayan, kailan lamang ay sumapi siya sa Simbahan at natanggap ang priesthood. “Nagtatrabaho po ako para sa Panginoon,” sabi ng binata sa kanya.

Ipinaalam nito sa kanya na nakatira na ito ngayon malapit sa templo, na kailan lamang ay binisita nito. Bagama’t hindi ito pumasok sa gusali, nadama nito doon nang malakas ang Espiritu, at batid nitong iyon ang bahay ng Panginoon.

Nilagdaan ng binata ang liham bilang “kapatid sa pananampalataya” ni Celia. Ipinahayag nito ang pagmamahal para kay Celia at sa kanyang pamilya. Batid nitong may layunin ang Panginoon para dito.

“Ayaw ko pong lisanin ang landas ng Panginoon,” sabi nito sa kanya. “Napakasaya ko po.”

  1. Hunter, Journal, Dec. 15, 1994; Scott, Journal, Jan. 14, 1995; Hinckley, Journal, Jan. 8 and 15, 1995; Feb. 1, 9, and 14–15, 1995; Mar. 3, 1995; Monson, Journal, Mar. 3, 1995; Gibbons, Howard W. Hunter, 165; Dew, Go Forward with Faith, 504–5.

  2. “President Hunter Is Eulogized,” Church News, Mar. 11, 1995, 4.

  3. “Milestones in Pres. Hunter’s Life,” at “Nine Busy Months for 14th President,” Church News, Mar. 11, 1995, 8, 18; Hinckley, Journal, Aug. 11, 1994; Africa Area, Annual Historical Reports, 1994, 4.

  4. Faust, Journal, Nov. 1, 1994; Gerry Avant, “He Wanted to Visit the Holy Land ‘Just One More Time,’” Church News, Mar. 11, 1995, 9. Paksa: Howard W. Hunter

  5. Hinckley, Journal, Mar. 9, 1995. Mga Paksa: Gordon B. Hinckley; Salt Lake Temple

  6. Gray, Oral History Interview, 227–28, 232–33, 290–96; Nelson, Elijah Abel Freedman’s Bank Project, [4]–[5].

  7. Allen, Embry, at Mehr, Hearts Turned to the Fathers, 289–311, 324–34; Nelson, Elijah Abel Freedman’s Bank Project, [6], [8]. Paksa: Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan

  8. Gray, Oral History Interview, 231, 234–35, 290–91, 295–98; Nelson, Elijah Abel Freedman’s Bank Project, [5]–[8], [10]; Gray, Interview [Oct. 2022], [14], [16]–[17].

  9. Gray, Oral History Interview, 232, 236–37, 291, 296; Nelson, Elijah Abel Freedman’s Bank Project, [12]–[13]; Taylor, Oral History Interview, [7]–[8].

  10. Allen, Embry, at Mehr, Hearts Turned to the Fathers, 290; Nelson, Elijah Abel Freedman’s Bank Project, [6], [8]; Gray, Oral History Interview, 229–30; Taylor, Oral History Interview, [21], [26]; Gray, Interview [Oct. 2022], [16]–[17]. Paksa: Pagbubuklod

  11. Gray, Oral History Interview, 229–30, 296–97; Gray, Interview [Oct. 2022], [16].

  12. Hinckley, Journal, Apr. 5 and 13, 1995; June 8, 1995; Aug. 10 and 16, 1995; Sept. 14, 1995; Oct. 4 and 12, 1995; Nov. 15, 1995; Dec. 14, 1995; Jan. 11, 1996; Feb. 8, 1996; Mar. 14, 1996; “Ground Is Broken for Hong Kong Temple to Serve 18,400 Members in Mission, Four Stakes,” Church News, Peb. 5, 1994, 3.

  13. Missionary Department, Full-Time Mission Monthly Progress Reports, Jan. 1955; Deseret News 1997–98 Church Almanac, 345–47, 349–50, 375–77, 393–95, 404–5, 525; Harper, “First Decade of Mormonism in Mongolia,” 19–46; Chou at Chou, Voice of the Saints in Mongolia, 59–77; “Church Recognized in Cambodia,” Ensign, Mayo 1994, 110; Gill, “The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in India,” 75. Mga Paksa: Japan; South Korea; Pilipinas; Cambodia; India

  14. Lu, Reminiscences, 1–2; Laury Livsey, “Well Schooled,” New Era, Okt. 1995, 28–32. Mga Paksa: Taiwan; Mga Sacrament Meeting

  15. Urtnasangiin, Oral History Interview, 1–12; “The Church in Mongolia,” Aug. 9, 1994, sa Carmack, Journal, Aug. 31, 1994; Chou at Chou, Voice of the Saints in Mongolia, 63; Briana Stewart, “Mongolia,” LDS Living, Nob.–Dis. 2012, 73; Don L. Searle, “Mongolia: Steppes of Faith,” Liahona (U.S./Canada), Dis. 2007, 20–21. Paksa: Mongolia

  16. David Mitchell, “The Saints of Thailand,” Tambuli, Mayo 1993, 41–43; Joan Porter Ford at LaRene Porter Gaunt, “The Gospel Dawning in Thailand,” Ensign, Set. 1995, 54. Paksa: Thailand

  17. Cruz at Cruz, Oral History Interview, [5]–[7]; “The Young Man from the Precious Book” to Celia Cruz, Feb. 10, 1996, Celia Cruz, Oral History Interviews, CHL; Cruz, Oral History Interview [Oct. 2022], [1]–[2]; Cruz, Oral History Interview [Dec. 2022], [1].

  18. Cruz, Oral History Interview [Oct. 2022], [2]; Cruz, Oral History Interview [Dec. 2022], [2]; Deseret News 1997–98 Church Almanac, 317, 380; Fraticelli, “Brief Chronological History of the Church of Jesus Christ of the Latter Day Saints in the Caribbean,” 31, 241–60; Deseret News 2012 Church Almanac, 418, 425–26, 428, 467–68, 487–88, 491, 502, 549, 555, 596; “Pres. Winder Visits Guantanamo,” Church News, Mayo 30, 1964, 7; Missionary Department, Annual Reports, 1995, 18; “Temple to Be Built in the Caribbean,” Church News, Dis. 4, 1993, 3–4. Mga Paksa: Puerto Rico; Dominican Republic

  19. Cruz, Oral History Interview [Oct. 2022], [1]; Cruz, Oral History Interview [Dec. 2022], [2]–[3]; Cruz at Cruz, Oral History Interview, [7]; John L. Hart, “When I Pray about It, I Feel All Warm Inside,” Church News, Hulyo 30, 1988, 5; “Personalized Copy Puts You on Mission,” Church News, Ago. 21, 1982, 14; Ezra Taft Benson to Stake Presidents and others, May 11, 1979, Quorum of the Twelve Apostles, Circular Letters, CHL.

  20. Missionary Department to General Authorities and Mission Presidents in the United States and Canada, July 18, 1994, Missionary Executive Council, Meeting Materials, CHL; First Presidency to Church Officers and Members in the United States and Canada, Dec. 19, 1990, First Presidency, Circular Letters, CHL; “New General Fund Will Provide More Copies of Book of Mormon,” Church News, Dis. 29, 1990, 3; tingnan din sa First Presidency to General Authorities and others, Dec. 17, 1992; First Presidency to General Authorities, Dec. 20, 1993, First Presidency, Circular Letters, CHL.

  21. Cruz, Oral History Interview [Dec. 2022], [2]–[3]; Cruz at Cruz, Oral History Interview, [1]–[8]; Cruz, Oral History Interview [Oct. 2022], [1].

  22. Cruz, Oral History Interview [Oct. 2022], [1]–[2]; Cruz, Oral History Interview [2023], [1]–[2]; Cruz, Oral History Interview [Dec. 2022], [1], [3]; Cruz at Cruz, Oral History Interview, [7]–[8]; “Your Secret Friend” to Celia Cruz, [Aug. 1995], Celia Cruz, Oral History Interviews, CHL.

  23. Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [2]; Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Vinckel, “Violence and Everyday Interactions between Katangese and Kasaians,” 78–79.

  24. Willy Binene, Oral History Interview [Jan. 2023]; Willy Binene, Oral History Interview [May 20, 2020], [9]; Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [2].

  25. Willy Binene, Oral History Interview [May 20, 2020], [8]–[11]; Lewis at Lewis, “President Sabwe Binene’s Story,” [2]; Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Willy Binene, Oral History Interview [2017]; Willy Binene, Oral History Interview [Jan. 2023].

  26. Willy Binene, Oral History Interview [Jan. 2023]; Willy Binene, Oral History Interview [May 20, 2020], [11]–[12]; Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Willy Binene, Oral History Interview [2017]; “New Mission Presidents Assigned,” Church News, Mar. 18, 1995, 9; Directory of General Authorities and Officers, 1996, 70.

  27. Willy Binene, Oral History Interview [Jan. 2023]; Willy Binene, Oral History Interview [May 20, 2020], [11]; Willy Binene, Oral History Interview [2019]; Willy Binene, Oral History Interview [2017]. Mga Paksa: Pagbabayad ng Ikapu; Democratic Republic of the Congo

  28. Cruz, Oral History Interview [Oct. 2022], [2]; “My Life Has Changed,” Church News, Ene. 6, 1996, 16; “Your Secret Friend” to Celia Cruz, [Aug. 1995], Celia Cruz, Oral History Interviews, CHL. Ang sipi ay inedit para linawin; sa halip na “dollars,” ang nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “pesos” na kasabay ring ginagamit sa dollars sa Puerto Rico.

  29. Cruz, Oral History Interview [2023], [2].

  30. William O. Nelson, “Christ’s Teachings Explained Clearly,” “A Chronology of the Book of Mormon,” “Book Is ‘Record of God’s Dealings,’” “Teaching Tool,” at “My Life Has Changed,” Church News, Ene. 6, 1996, 4–5, 8–10, 13–14, 16; Cruz, Oral History Interview [2023], [3]. Paksa: Sunday School

  31. “The Young Man from the Precious Book” to Celia Cruz, Feb. 10, 1996, Celia Cruz, Oral History Interviews, CHL.