Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 14: Iba na Ngayon


Kabanata 14

Iba na Ngayon

kumplikadong gamit sa medisina na nakapatong sa mesa

Noong Pebrero 1972, nawawalan na ng pag-asa si Elder Spencer W. Kimball. Tinanggal ng panggagamot sa pamamagitan ng radiation ang kanser niya sa lalamunan ngunit sobrang nasira ang kanyang mahina nang boses, at ngayon ay mas mahina pa sa bulong ang boses niya. Patuloy ring naging sanhi ng alalahanin at pisikal na kahinaan ang kanyang sakit sa puso. “Tunay nga akong nagagapi ng sakit ko,” isinulat niya sa kanyang journal.

Batid ang masamang lagay ng kalusugan ni Elder Kimball, binawasan ng Unang Panguluhan ang pangangailangan niyang maglakbay. Dumalo siya sa mga paglalaan ng Ogden at Provo Temple, naghirang ng mga misyonero, at nagpayo sa mga bagong organisang Church Historical Department at sa dumaraming bilang ng mga kawaning propesyonal. Nagpapasalamat siya na kaya pa rin niyang maglingkod sa Panginoon sa mga pamamaraang ito, ngunit habang tumatagal ay mas inaalala niya ang pagiging pabigat sa Simbahan.

Habang lumalala ang kalagayan niya, nakipagkita sila ni Camilla kina Pangulong Harold B. Lee at N. Eldon Tanner. Sumama sa kanila si Dr. Russell M. Nelson upang magbigay ng opinyon sa talakayan bilang eksperto sa medisina.

“Malapit na akong mamatay,” paliwanag ni Elder Kimball. “Nararamdaman kong malapit na akong pumanaw. Sa kasalukuyang bilis ng pagbagsak ng kalusugan ko, naniniwala akong tatagal ako ng dalawang buwan na lamang.”

Maliit ang posibilidad na gumaling siya, sabi niya sa grupo, kung hindi siya sasailalim sa isang kumplikadong operasyon. Ipinaliwanag ni Dr. Nelson, na pamilyar sa proseso, na binubuo ito ng dalawang magkaibang operasyon. “Una, kailangang alisin ang depektibong aortic valve at papalitan ito ng artipisyal na aortic valve,” sabi niya. “Ikalawa, ang kaliwang anterior descending coronary artery ay kailangang muling ma-revascularize sa pamamagitan ng isang bypass graft.”

“Ano ang mga panganib sa gayong proseso?” tanong ni Pangulong Lee.

Dahil sa matandang edad ni Elder Kimball, hindi ito alam ni Dr. Nelson. “Wala kaming karanasang gawin ang parehong operasyong ito sa mga pasyente na kaedad niya ,” sabi nito. “Ang masasabi ko lang, sobrang mapanganib ito.”

“Matanda na ako at handa na akong mamatay,” pagod na sumagot si Elder Kimball. “Agaran akong mapapagaling ng Panginoon at kung hanggang kailan Niya nais na mabuhay ako. Subalit bakit Niya nanaisin akong maglingkod kung tumatanda na ako at magagawa ng iba ang ginagawa ko at mas mainam pa?”

Biglang tumayo si Pangulong Lee. “Spencer,” sabi nito, hinahampas ang kamao nito sa mesa, “ikaw ay hinirang! Hindi ka mamamatay. Dapat mong gawin ang lahat ng kailangan mong gawin upang pangalagaan ang iyong sarili at patuloy na mabuhay!”

“O sige,” sagot ni Elder Kimball, “kung gayon ay sasailalim ako sa operasyon.”


Makalipas ang dalawang buwan, sa kabilang panig ng Estados Unidos, ilang libong dalagita ang sumalubong sa magkakapatid na Osmond—sina Alan, Wayne, Merrill, Jay, at Donny—habang tumutuntong sila sa entablado ng coliseum sa Hampton, Virginia. Naglalaro sa edad na labing-apat hanggang dalawampu’t dalawa, suot ng magkakapatid ang puting bell-bottom na jumpsuit na may matataas na kuwelyo at makinang na mga rhinestone. Nang nagsimula silang umawit at sumayaw, patuloy na humihiyaw ang mga tagahanga.

Sa likod ng entablado, naaliw si Olive Osmond sa kung paano buong paghangang tinititigan ng mga dalagita ang mga anak niyang lalaki. Noong siya at asawa niyang si George Osmond ay nagpakasal sa Salt Lake Temple noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hindi nila naisip na ang kanilang mga anak ay magiging mga sikat na mang-aawit ng musikang pop—at ilan sa mga pinakasikat na Banal sa mga Huling Araw sa mundo. Ang kanilang mga panganay na anak na lalaki na sina Virl at Tom ay may problema sa pandinig, at sinubukan ng doktor na kumbinsihin sina Olive at George na huwag nang mag-anak pa. Ngunit nagkaroon ng pitong karagdagang anak ang mag-asawa at lahat sa mga ito ay maayos ang pandinig.

Sa murang edad, natutong umawit sina Alan, Wayne, Merrill, Jay, at Donny nang magkakasama at palagiang nagtatanghal sa isang palabas sa telebisyon na napapanood sa buong bansa. Subalit noong mas nagkaedad na sila, nais nilang palitan ang kanilang mga inaawit na lumang kanta sa mas makabagong musika.

Maraming kabataan ay gusto ang mabilis na ritmo at elektronikong gitara sa musikang rock. Ngunit nag-aalala ang ilang mga lider ng Simbahan na masyado itong mapamukaw. Gayon din ang saloobin nina Olive at George, ngunit sila at mga anak nila ay naniniwalang magagawa ng musikang rock na magsulong din ng kabutihan. Naisip ni Olive na maaaring magkaroon ng positibong impluwensya ang mga anak niya sa mundo—kung maabot lamang ng kanilang musika ang tamang makikinig.

“Mayroon kayong espesyal na misyon,” sinasabi niya sa mga binatilyo. “May dahilan kung bakit kayo binigyan ng Diyos ng gayong talento.”

Noong 1970, nag-rekord ang magkakapatid ng awiting pinamagatanang “One Bad Apple [Isang Masamang Mansanas],” kung saan sina Merrill at Donny ang pangunahing mang-aawit. Pumatok ang kanta, na agad na nagpasikat sa mga binatilyo. Matapos noon, lubhang nagsikap sina Olive at George na tulungan ang mga anak nilang mapanatili ang kanilang mga tipan. Habang ang ibang mga sikat na mang-aawit ng musikang rock ay umiinom ng alak at gumagamit ng droga, sinusunod ng mga Osmond ang Word of Wisdom. Sa halip na pumunta sa magugulong handaan, nagdaraos ang magkakapatid ng mga home evening kasama ang kanilang pamilya, dumadalo sa simbahan, at nagbibigay ng mga debosyonal kapag nagtatanghal sa ibang lugar.

Matapos nilang sumikat, nakipagkita ang magkakapatid kay Pangulong Joseph Fielding Smith na nagpaalala sa kanila ng kanilang katungkulang laging ibahagi ang ebanghelyo. Kalaunan, ang kanyang tagapayong si Harold B. Lee ay nagpaalala sa kanila na pinagmamasdan sila ng mundo at maaaring husgahan ang Simbahan batay sa mga kilos nila. Hinikayat niya sila na iwasan ang mga sitwasyong alanganin at panindigan ang kanilang paniniwala.

“Laging may dalawang pagpipilian,” itinuro niya sa kanila. “Palaging piliin ang maglalapit sa inyo sa kahariang selestiyal.” Pagkatapos ay binanggit niya ang mga salita mula sa Sermon sa Bundok: “Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.”

Hindi nagtagal, maraming tao sa Estados Unidos ang nag-ugnay sa Simbahan sa mga Osmond. Kapag nakikipag-usap sa mga mamamahayag, halos laging binabanggit ni Olive ang kanyang relihiyon at ang impluwensya nito sa malinis na pamumuhay at masayahing musika ng pamilya. Sa kanilang sariling pakikipag-usap sa mga mamamahayag, hayagang tinatalakay din ng mga binatilyo ang kanilang pananampalataya, at madalas magpadala sa kanila ang mga tagahanga ng mga liham na may kasamang tanong ukol sa Simbahan. Dahil ang paglago ng Simbahan ay pinaka-napapansin sa Estados Unidos, karaniwang may mga ward at branch sa mga lunsod kung saan nagtatanghal ang mga Osmond, na siyang mas nagpapadali sa mga tagahanga na makipag-ugnayan sa mga misyonero at makipagkita sa iba pang mga Banal sa mga Huling Araw.

Kung tutuusin, kamakailan lamang ay nagtampok ang Church News ng mga bahagi ng mga liham mula sa mga taong nakilala ang Simbahan dahil sa mga Osmond. Isang tagahanga ang nagsimulang magsaliksik tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw matapos makita ang kaligayahan at pagiging malapit sa isa’t isa ng pamilya Osmond. “Alam kong may kinalaman ito sa inyong relihiyon,” iniliham nila.

Noong kanilang konsiyerto sa Virginia, ang pinakabatang Osmond, ang walong taong gulang na si Jimmy, ay sumama sa kanyang mga kuya para sa isang awit. Nanatili sa likod ng entablado si Olive kasama ang kanyang labindalawang taong gulang na anak na si Marie, sumasagot sa mga tanong ng isang lokal na mamamahayag.

“Sinisikap ko pa ring iparamdam sa kanila na nasa bahay pa rin kami kahit nasa malayo,” paliwanag ni Olive. Naisip niya na mas malapit na ngayon ang pamilya dahil nagtatanghal sila sa ibang lugar nang magkakasama. Sa katunayan, nagtutulungan ang magkakapatid sa isang ambisyosong bagong album—mas malalim at personal kung ihahambing sa anumang nagawa na nila.

“Ginagawa nila ang inilaan ng Diyos na gawin nila,” sabi niya. “Ang mga bata ay humahanga sa kanila dahil nahihikayat sila na umasang may magagawa pa silang mas mabuti sa buhay nila.”


Makalipas ang isang buwan, noong umaga ng ika-12 ng Abril 1972, inihanda ni Dr. Russell M. Nelson ang kanyang sarili na magsagawa ng open-heart surgery. Nagsagawa na siya ng ilang daang operasyon sa buhay niya, subalit hindi pa sa isang apostol ng Panginoon. At bagama’t nanalangin siya ukol sa operasyon ni Elder Kimball at pinagnilayan kung paano ang pinakamainam gawin dito, hindi siya nakatitiyak na siya o sinumang siruhano ay matagumpay na magagawa ito.

Sa kanyang sariling hiling, tumanggap si Dr. Nelson ng pagbabasbas mula kina Pangulong Lee at Pangulong Tanner isang araw bago ang operasyon. Ipinapatong ang kanilang mga kamay sa kanyang ulo, binasbasan nila siya na nawa ay kanyang maisagawa ang operasyon nang walang pagkakamali. Sinabi nila sa kanya na wala siyang dahilan upang katakutan ang kanyang mga pagkukulang. Inihanda siya ng Panginoon upang isagawa ang operasyong ito.

Nagsimula ang operasyon nang alas otso. Sa silid-operasyon, isang anestesista ang nagbigay ng pangpamanhid kay Elder Kimball, habang ang katuwang na doktor ni Dr. Nelson ay handang nakatayo kasama ang maraming nars at iba pang mga kasama sa grupo ng operasyon. Isang heart-lung machine ang nakaantabay, handang magbigay ng okseheno at magbomba ng dugo ni Elder Kimball.

Sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Nelson, buong-husay na isinagawa ng grupo ang pagpapalit ng nasirang valve gamit ang isang prosthesis—isang maliit na bolang plastic na nasa loob ng lalagyang bakal. Ang gamit ay halos kalahati ng taba ng kanyang hinlalaki.

Matapos ikabit ang valve sa lugar nito, sinimulan ni Dr. Nelson ang pagtatahi. Sa bawat isang tumpak na tahi, dahan-dahan niyang ikinabit ang singsing sa baba ng valve sa nakapaligid na tissue.

Pagkatapos ay ibinaling niya ang pansin niya sa pag-bypass ng bara sa ugat na humaharang sa pagdaloy ng dugo sa puso. Hinahanap ang isang artery na tumatagos pababa sa dibdib ni Elder Kimball, pinutol niya ang dulong baba nito at inilagay niya ang ugat sa ilalim lamang ng baradong ugat. Muli, gumamit ang mga doktor ng napakaliliit na tahi hanggang sa tuluyang naikabit ang malusog na ugat.

Habang ginagawa niya ito, namangha si Dr. Nelson sa kung gaano kasuwabe nilang naisasagawa ang operasyon. Kinakailangan nito ang napakaming masalimuot na galaw, bawat isa ay nangangailangan ng mahirap na pamamaraan. Subalit ni isang mali ay walang nangyari. Nang dumating na ang oras upang alisin si Elder Kimball sa heart-lung machine, mahigit apat na oras matapos magsimula ang operasyon, kinibot ng mga medikal na kawani ang puso niya, at agad na nanumbalik ang pintig nito.

Matapos ang operasyon, tinawag ni Dr. Nelson si Pangulong Lee. Nagtipon ang Unang Panguluahn at ang Korum ng Labindalawa sa templo, nag-aayuno at nanalangin para kay Elder Kimball. Habang inilalarawan ni Dr. Nelson ang operasyon, sinabi niya kay Pangulong Lee na pakiramdam niya ay para siyang isang taga-itsa ng bola sa larong baseball na nagawang makupleto ang laro nang wala sa kalaban ang nakatama ng bola. Pinaigting ng Panginoon ang kagalingan niya, na siyang nagtulot sa kanyang isagawa ang operasyon ayon sa ipinangako sa basbas ng priesthood.

Lubos na natuwa si Pangulong Lee. “Mainam ang paggaling ni Brother Kimball at hindi na kailangan ang heart machine,” sinabi niya sa mga apostol. “Sinagot ng Panginoon ang ating mga panalangin.”


Noong buwan ding iyon, sa Rio de Janeiro, Brazil, ang apatnapu’t-isang taong gulang na si Helvécio Martins ay nagmamaneho pauwi nang napilitan siyang huminto dahil sa mabigat na trapiko. Tila walang katapusan ang linya ng mga kotse na nauna sa kanya, at sa palagay niya ay hindi agad gagaan ang daloy ng trapiko.

Huminto sandali si Helvécio upang pagnilayan ang kawalang-kasiyahan sa espiritwal na ilang taon na niyang nadarama. Mula noong pagkabata niya, nagsikap siya nang mabuti upang makaahon sa hirap. Huminto siya sa pag-aaral sa edad na labing-isa at naging tagapitas ng kahel. Kalaunan, nang lumipat sa Rio ang pamilya niya, namasukan siya bilang mensahero. Nagtiwala sa kanya ang kanyang mga amo at pinahalagahan ang kasipagan niya. Kalaunan, nakilala niya at pinakasalan si Rudá Tourinho de Assis, na nanghikayat sa kanyang mag-aral sa panggabing paaralan.

Matapos ang ilang taong pagtitiyaga, tumanggap si Helvécio ng diploma sa mataas na paaralan at nakapagtapos ng kursong accountancy sa unibersidad. Pagkatapos ay nagtrabaho siya sa kumpanya ng langis, at hindi nagtagal ay naging pinuno ng departamento na may higit dalawang daang empleyado.

Samantala, siya at si Rudá at kanilang dalawang anak na sina Marcus at Marisa, ay naaanyayahan sa mga pagtitipong dinadaluhan ng mga kilalang tao. Isa iyong uri ng pamumuhay na higit pa sa inaakala ni Helvécio na maaaring mangyari.

Subalit sa kabila ng mga tagumpay niya, pakiramdam ni Helvécio ay may kulang pa rin sa kanya. Sinubukan nila ni Rudá ang iba-ibang relihiyon, nakilahok sa mga paniniwalang Espiritwal at kalaunan ay sinubukan ang iba-ibang paniniwalang Kristiyano. Saanman sila magtungo, pakiramdam nila ay may kulang pa rin.

Nakapirmi lang sa sasakyan sa gitna ng mabigat na daloy ng trapiko, lalong nainis si Helvécio. Binuksan niya ang kotse at lumakad sa kalsada. “Panginoon ko,” dalangin niya, “Alam ko pong nariyan kayo kung saan man, ngunit hindi ko po alam kung saan. Posible po bang hindi ninyo nasisilayan ang kalituhang nararanasan ko at ng pamilya ko? Posible po bang hindi ninyo natatanto na may hinahanap kami at ni hindi namin alam kung ano ito? Bakit hindi po ninyo kami tulungan?”

Nang matapos siya sa kanyang pagsusumamo, nagsimulang lumuwag ang daloy ng trapiko. Bumalik si Helvécio sa kanyang kotse at nagmaneho na, agad na nakalimutan ang insidente.

Makalipas ang dalawang linggo, natagpuan ng mga Martins ang isang kard na inilusot ng mga misyonero sa ilalim ng kanilang pintuan. Sa isang banda ay may larawan ito ng Tagapagligtas, at sa kabila ay iskedyul ng meeting para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Napukaw ng kard ang interes ni Helvécio, at dinala niya ito sa trabaho kinabukasan.

“Boss, huwag ka pong pumunta diyan,” sabi ng isa sa mga empleyado niya. “Simbahan po iyan para sa mga taga-Hilagang Amerika. Kung wala kayong kilalang miyemro, ni hindi ko po tatangkaing pumunta.”

Naniwala si Helvécio sa kanyang empleyado at isinantabi ang kanyang interes sa Simbahan. Ngunit makalipas ang sandaling panahon, dalawang misyonero, sina Thomas McIntire at Steve Richards, ang dumating sa pintuan ng mga Martins. Sa oras na pumasok sila, napansin ni Helvécio ang kapayapaang nanahan sa tahanan niya.

Ipinakilala ng mga misyonero ang sarili nila. “Mayroon kaming pagpapala para sa iyong pamilya kung nais mo,” sabi nila.

“Oo,” sabi ni Helvécio. Subalit mayroon muna siyang mga tanong.

Tinalakay nila ang ilang karaniwang impormasyon tungkol sa Simbahan, at pagkatapos ay nagtanong si Helvécio ng mahirap na tanong—isang mahalagang tanong sa kanya bilang inapo ng mga inaliping tao mula sa Aprika. “Dahil nasa Estados Unidos ang punong-tanggapan ng inyong simbahan,” tanong niya, “paano pinakikitunguhan ng inyong relihiyon ang mga Itim? Pinapayagan ba silang pumasok sa simbahan?”

Mukhang napahiya si Elder McIntire. “Ginoo,” sabi niya, “nais mo po ba talagang malaman?”

“Oo,” sabi ni Helvécio.

Ipinaliwanag ni Elder McIntire na ang mga Itim na tao ay maaaring binyagan at makilahok bilang miyembro ng Simbahan subalit hindi sila pinahihintulutang magtaglay ng priesthood o dumalo sa templo. Tinanggap nina Helvécio at Rudá ang kanyang sagot at nagtanong pa tungkol sa priesthood at sa ebanghelyo. Kalmado at mabusising sumagot ang mga misyonero sa bawat tanong.

Nang umalis na ang mga misyonero, apat at kalahating oras na ang lumipas. Noong gabing iyon, tinalakay nina Helvécio at Rudá ang mga itinuro sa kanila ng mga misyonero. Napahanga sila sa mga itinuro ng mga misyonero at nadama nilang lubos na nasagot ang mga tanong nila.

Ilang panahon lamang ang lumipas, dumalo ang mga Martins sa kanilang unang sacrament meeting. Maganda ang pulong, at mainit silang tinanggap ng kongregasyon. Hindi nagtagal, dumaan ang pangulo ng branch sa tahanan ng mga Martins at ipinakilala sila sa dalawang lalaking magiging kanilang home teacher.

Sa patuloy na pagdalo ng pamilya sa simbahan at pakikipagkita sa mga misyonero, lumago ang pananampalataya nila. Isang araw, dumalo sila sa isang nakaaantig na miting ng Rio de Janeiro District, at alam nilang kailangan nilang sumapi sa Simbahan.

“Iba na po tayo ngayon,” sabi ng labintatlong taong gulang na si Marcus isang linggo matapos umuwi ang pamilya mula sa Sunday School sakay ng kanilang kotse. “Nagniningning ang mga mukha ninyo, at alam ko po ang sanhi nito—ang ebanghelyo ni Jesucristo.”

Ipinarada ni Helvécio ang kotse sa tabi ng daan, kung saan napaiyak ang buong pamilya. Nang bumalik ang mga Martins sa kapilya noong gabing iyon para sa sacrament meeting, sinabi nila sa pangulo ng kanilang branch na handa na silang magpabinyag.


Isang araw noong panahon ding ito, ang tagapamahala ng mga Osmond na si Ed Leffler ay nagtanong sa pamilya kung nais nilang magtanghal sa Inglatera. Ang awitin ng magkakapatid na “Down by the Lazy River [Sa Tabi ng Tahimik na Ilog]” at solong awitin ni Donny na “Puppy Love [Pag-ibig na Bata Pa]” ay patok sa Estados Unidos at Canada. Lahat sa Hilagang Amerika ay tila alam ang tungkol sa magkakapatid na Osmond, at ngayon ang mga tinedyer sa Europa ay sinisimulan na rin silang pansinin.

“Sige,” sabi ni Olive, “ngunit sa isang kundisyon—gusto kong makausap ang reyna.”

Nagbibiro lamang siya, ngunit sineryoso ni Ed ang sinabi niya. “Titingnan ko kung ano ang magagawa ko,” sabi niya.

Di-nagtagal, ipinaalam ni Ed sa pamilya na naisaayos niya ang pagtatanghal ng pamilya para kay Reyna Elizabeth II at sa asawa nitong si Prinsipe Philip. At makakamit ni Olive ang kahilingan niya. Sila ni George ay inanyayahang makipag-usap sa maharlikang mag-asawa sa intermisyon ng palabas.

Hindi makapaniwala si Olive. Bumili siya ng pormal na kasuotan at ilang puting guwantes para sa okasyon. Bumili rin siya ng isang bagong set ng mga banal na kasulatan at hinamon niya ang sariling ibigay iyon bilang regalo sa reyna.

Dumating ang mga Osmond sa London noong Mayo at nagpalipas ng ilang araw para magsanay ng mga awitin nila. Naganap ang pagtatanghal noong ika-22 ng Mayo 1972, sa London Palladium, isang kilalang teatro sa bandang West End ng lunsod. Isa itong konsiyerto para sa kawanggawa na ipinalabas sa telebisyon na nagtatampok ng mga mang-aawit, artista, at mga komedyante mula sa United Kingdom at Estados Unidos.

Nakaupo sina Olive at George at Marie kasama ng mga manonood noong unang bahagi ng palabas. Noong intermisyon na, si Lew Grade, ang lalaking nag-organisa ng palabas, ay tinapik si George sa braso. “Halikayo, bilis,” sabi niya.

Tumayo sina Olive at George at nagmamadaling sumunod kay Lew. Subalit bago pa niya narating ang dulo ng pasilyo, natanto ni Olive na naiwanan niya ang kanyang regalo para sa reyna sa ilalim ng kanyang upuan. Sa loob ng isang saglit, inisip niyang iwan ang mga banal na kasulatan doon. Ngunit maraming oras ang ginugol niya noong nakaraang gabi sa pagmarka at pagtatala ng mga paborito niyang talata para sa reyna. At batid niyang hindi na siya muling magkakaroon pa ng pagkakataon. Pumihit siya, patakbong bumalik sa upuan niya at kinuha ang aklat.

Nang na inilapit ni Lew sila ni George sa harap ng reyna, lumapit si Olive sa maharlikang mag-asawa, yumuko, nakipagpalitan ng ilang salita sa kanila, at tumuloy nang hindi naihahatid ang kanyang regalo. Pagkatapos ay lumingon siya at nakitang huminto si George upang makipag-usap kay Prinsipe Philip tungkol sa kanilang parehong interes sa pangangaso at pangingisda.

Napansin na may iba pang miyembro ng maharlikang pamilya na nakatayo sa malapit, nilapitan siya ni Olive tangan ang kanyang kopya ng mga pamantayang banal na kasulatan. “Maaari mo bang ibigay sa reyna ang munti kong regalo pagka-alis ko?” tanong niya.

Tumingin ang lalaki kay Olive na may ningning sa mata niya. “Elizabeth!” tawag niya. “Si Gng. Osmond ay nagdala ng regalo para sa iyo.”

“Nakakatuwa naman,” sabi ng reyna. “Halikayo.”

Nahihiya, sumunod si Olive. “Nais ko kayong handugan ng regalo,” paliwanag niya, halos hindi alam kung saan niya nahanap ang mga sasabihin. “Napakahirap alamin kung ano ang maaaring ibigay sa isang reyna, kaya dinala ko sa inyo ang aming pinakamahalagang pag-aari.”

“Kaya mo bang mahiwalay dito?” tanong ng reyna.

“Opo,” sabi ni Olive, “mayroon akong isa pang katulad niyan.”

Tiningnan ng reyna ang mga banal na kasulatan. “Salamat, Gng. Osmond. Pahahalagahan ko ito,” sabi niya. “Ilalagay ko ito sa mantel ko.”

Napanatag si Olive at nakipagkuwentuhan sandali sa reyna tungkol sa kanyang pamilya. Pagkatapos ay bumalik sila sa mga upuan nila upang panooring magtanghal ang mga binatilyo.

Kalaunan, habang naghahanda ang pamilyang lumipad pauwi, lumapit si Ed Leffler kay Olive. “Ano po sa tingin ninyo?” tanong niya.

“Isa itong karanasang hindi ko malilimutan kailanman,” sabi ni Olive. “Nagawa ko pa ngang bigyan siya ng kopya ng Aklat ni Mormon.”

“Ano kamo?” sabi ni Ed, halatang nainis. “Iyan ang pinakamasamang maaaari mong magawa.” Ipinaliwanag nito na bilang pinuno ng Church of England, wala sa posisyon ang reyna upang tanggapin ang mga turo ng Aklat ni Mormon.

Nabagabag si Olive sa mga sinabi ni Ed. Hindi niya layong saktan ang sinuman. Naniniwala lamang siya na may karapatan ang reynang marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo gaya ng sinuman. Mali ba talaga ang nagawa niya?

Nang nakasakay na sa eroplano ang pamilya at maayos na ang lahat, naupo si Olive at nagsimulang basahin ang kanyang mga banal na kasulatan. Bumukas ang mga pahina, at napunta ang mga mata niya sa Doktrina at mga Tipan 1:23: “Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig, at sa harapan ng mga hari at namamahala.”

Pinanatag ng mga salitang iyon si Olive. Nawala ang mga pagdududa niya, at alam niyang tama ang ginawa niya.


Noong gabi ng ika-15 ng Hunyo 1972, ang labingwalong taong gulang na si Maeta Holiday ay ngumiti habang nakatayo siya kasama ang higit sa limang daang high senior sa loob ng isang gymansium sa Timog California. Sa loob ng ilang sandali, siya at ang mga kaklase niya ay tatanggapin ang kanilang mga diploma sa mataas na paaralan at sisimulan ang bagong yugto ng kanilang mga buhay. Suot nila ang magkakaparehas na mga cap at gown, kung saan pula ang suot ng mga babaeng mag-aaral habang nakaitim naman ang mga lalaki.

Para kay Maeta, ang pagtatapos na ito ay nangangahulugan na ang panahon niya sa Indian Student Placement Program ay magwawakas na. Hindi magtatagal ay iiwanan na niya ang kanyang kinilalang pamilya upang magsimula ng sarili niyang bagong buhay. Gaya ng marami sa mga nagtapos sa placement program, balak niyang mag-aral sa Brigham Young University. Mahigit limang daang American Indian, karamihan ay mga Navajo gaya ni Maeta, ay kasalukuyang nag-aaral sa BYU. Nagbibigay ang unibersidad ng magagandang scholarship para sa mga mag-aaral na ito, at ang ina-inahan at ama-amahan ni Maeta na sina Venna at Spencer Black ay tumulong sa kanyang pag-apply sa pinansyal na tulong.

Alam ni Maeta na patuloy siyang susuportahan ng mga Black. Noong dumating siya upang makitira sa kanila apat na taon na ang nakararaan, agad nilang itinuring siya bilang kanilang anak. Binigyan nila siya ng matatag na tahanan at tinulungan siyang makadama, sa unang pagkakataon sa buhay niya, na bahagi siya ng isang mapagmahal na pamilya. At bagama’t matagal na siyang sumali sa Simbahan bago pa man siya nakitira sa kanila, ipinakita nila sa kanya kung ano ba ang isang pamilya kapag nakasentro ito sa mga turo ni Jesucristo.

Hindi lahat ng mga pamilya sa placement program ay nagkaroon ng magagandang karanasan sa kanilang mga sinamahang pamilya. May ilang mag-aaral na nadama nilang hindi mainit ang pagtanggap sa kanila ng mga pamilyang kumupkop sa kanila o kaya ay hindi nila nakasundo ang kanilang mga ina-inahan, ama-amahan, o mga kinakapatid. May ibang tinanggihan ang mga pagsisikap ng kanilang mga sinamahang pamilya na ipakilala sila sa kuluturang iba sa American Indian. Sa panahon ding iyon, may ilang mag-aaral na nakatagpo ng mga paraan upang bigyang-halaga kapwa ang kanilang pamana at ang kanilang karanasan sa placement program. Bumalik sila sa mga reservation, pinalakas ang kanilang mga komunidad, at nabuhay nang matiwasay bilang mga Banal sa mga Huling Araw doon.

Ngunit para kay Maeta, binabagabag pa rin siya ng kanyang mapapait na karanasan noong bata pa siya. Ayaw niyang mabuhay gaya ng kung paano nabuhay ang kanyang mga magulang o lolo at lola. Subalit hinikayat siya ni Venna na pahalagahan niya ang kanyang pamanang Navajo. “Dapat mong ipagmalaki kung sino ka,” minsang sinabi sa kanya ni Venna. “Alam ng Diyos na ikaw ay espesyal dahil ang Aklat ni Mormon ay tungkol sa inyong lahi.” Gaya ng maraming Banal noong panahong iyon, nauunawaan ni Venna na ang mga pangako sa Aklat ni Mormon ay tumutukoy sa mga American Indian. Kapag tinitingnan niya si Maeta, nakikita niya ang inapo nina Lehi at Saria na nararapat sa mga pagpapala ng tipan.

“Maeta, nais ko ito para sa iyo,” sabi ni Venna. “Nais ko ay makasal ka sa templo balang araw. At nais kong patuloy kang dumalo sa simbahan, at nais kong malaman mo na espesyal ka, at mahal ka namin.”

Habang tinatanggap ni Maeta ang kanyang diploma, hindi pa rin niya lubusang maunawaan o matanggap ang lahat ng itinuro sa kanya ni Venna. At kahit gaano pa niya hinahangaan ang pamilya na kumalinga sa kanya, hindi niya alam kung magkakaroon siya mismo ng matagumpay na pag-aasawa o pamilya. Matapos masaksihan ang diborsyo ng mga magulang niya at paghihirap ng kanyang ina sa pag-aaruga ng sariling mga anak nito, wala na siyang interes makasal o magkaroon ng sariling pamilya.

Kasunod ng kanyang pagtatapos, nalaman ni Maeta na tinanggap ang aplikasyon niya sa BYU. Pagkasakay niya ng bus papunta sa Provo, naisip niya ang kanyang kinabukasan—at kanyang pananampalataya. Ang pagdalo sa simbahan at seminary ay mahalagang bahagi ng Indian Student Placement Program. Subalit nais ba niyang maging bahagi ng kinabukasan niya ang ipinanumbalik na ebanghelyo?

“Kung mag-aaral ako sa BYU, ano kaya ang kailangan kong gawin,” naisip niya. “Dapat ba akong maging bahagi ng Simabahan o hindi?”

Nagsimula niyang isipin ang mga araling natutuhan niya mula kina Venna at Spencer. Hindi naging madali ang buhay niya, ngunit pinagpala siyang manirahan kasama nila at maging bahagi ng kanilang pamilya.

“Naniniwala naman talaga ako sa Diyos,” naisip niya. “Nariyan Siya sa buong panahong ito.”


Noong ika-26 ng Agosto 1972, nakadama sina Isabel Santana at ang kanyang asawang si Juan Machuca ng matinding saya habang ipinaparada nila ang kanilang Volkswagen sa labas ng Auditorio Nacional sa Lunsod ng Mexico. Higit sa labing-anim na libong Banal mula sa Mexico at Gitnang America ang nagtipon sa malaking paggaganapan ng aktibidad para sa pangkalahatang kumperensya ng area. Para sa marami, ang kumperensya ang kanilang unang pagkakataong marinig magsalita sa personal ang mga general authority.

Sinimulan ng Simbahan ang pagdaos ng pangkalahatang kumperensya ng area sa ilalalim ng pamamahala ni Pangulong Joseph Fielding Smith. Dahil karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay hindi makadalo ng pangkalahatang kumperensya sa Lunsod ng Salt Lake, ibinibigay sa kanila ng mga lokal na kumperensya ang pagkakataong magtipon at tumanggap ng tagubilin mula sa mga lokal at general authority. Ang unang pangkalahatang kumperensya ng area ay ginanap sa Manchester, England noong 1971. Sa mahigit walumpung libong miyembro ng Simbahan, ang Mexico ang may pinakamalaking populasyon ng mga Banal sa labas ng Estados Unidos kaya ito ang tamang lugar upang isagawa ang gayong kumperensya.

Namangha sina Isabel at Juan habang naglalakad sila palapit sa event center. May mga miyembro ng Simbahan mula sa buong Mexico at hanggang kasinglayo ng Guatemala, Honduras, Costa Rica, at Panama. Ilan sa mga Banal ay naglakbay ng tatlong libong milya upang makarating doon. Isang babae mula sa hilagang kanlurang Mexico ang ipinaglaba ang kanyang kapitbahay sa loob ng limang buwan upang kumita nang sapat para maisagawa ang paglalakbay. May ilang Banal na tinustusan ang kanilang paglalakbay sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga taco at tamales, paglilinis ng kotse, o paglilinis ng mga bakuran. May iba namang nagbenta ng mga gamit o humiram ng pera upang makapunta sila. May ilang taong nag-ayuno dahil wala silang pera para sa pambili ng pagkain. Sa kabutihang-palad, nagbigay ang Benemérito ng lugar sa mga Banal mula sa malayong lugar para kanilang matutuluyan.

Habang nakapila ang mga Machuca upang pumasok sa bulwagan, isang kotse ang pumarada sa malapit, at umibis mula rito sina Spencer W. Kimball at kanyang asawang si Camilla. Apat na buwan na ang nakalipas mula nang inoperahan sa puso si Elder Kimball, at sapat na ang paggaling niya upang muling gampanan ang marami sa mga katungkulan niya sa Korum ng Labindalawang Apostol. Sa katunayan, nakatakda siyang magbigay ng mensahe sa mga Banal noong hapong iyon.

Bagama’t tumulong si Pangulong Joseph Fielding Smith na planuhin ang kumperensya, pumanaw na ito bago pa siya makadalo. Ang pagpanaw niya ay tanda ng pagtatapos ng ilang dekada ng isang mahaba at tapat na paglilingkod sa ngalan ng Simbahan at ng mga miyembro nito. Bilang apostol, marami na siyang naisulat tungkol sa doktrina ng ebanghelyo at mga paksa sa kasaysayan, isinulong ang gawain sa talaangkanan at templo, at inilaan ang Pilipinas at Korea para sa pangangaral ng ebanghelyo. Bilang pangulo ng Simbahan, pinahintulutan niya ang mga unang stake sa Peru at South Africa, pinarami nang husto ang mga seminary at institute sa buong mundo, muling pinasigla ang mga pampublikong komunikasyon ng Simbahan. at ginawang propesyonal ang mga departamento ng Simbahan.

“Walang gawaing maaaring gawin ang sinuman sa atin na higit pa ang kahalagahan kaysa ipangaral ang ebanghelyo at itatag ang Simbahan at kaharian ng Diyos sa lupa,” ang sabi niya sa mga Banal sa kanyang huling pangkalahatang kumperensya. “At ngayon ay inaanyayahan natin ang lahat ng mga anak ng ating Ama, sa lahat ng dako, na maniwala kay Cristo, na tanggapin Siya dahil Siya ay inihayag ng mga buhay na propeta, at sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Ang humalili sa kanya, si Harold B. Lee, ay itinalaga bilang pangulo ng Simbahan, at nangangahulugan ito na si Elder Kimball ang bagong pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Nang nakapasok sina Isabel at Juan sa Auditorio Nacional, nakahanap sila ng mga upuan sa gitna ng ilang libong Banal. May apat na baitang ng mga upuan ang bulwagan sa paligid ng isang entablado. Isang koro ng mga miyembro ng Simbahan mula sa hilagang Mexico ang pumuno sa mga upuan sa itaas. Sa harap nila ay isang pulpito at isang bahagi ng mga upuang may matataas na sandalan para sa mga general authority at iba pang magsasalita.

Nagsimula ang kumperensya sa isang mensahe mula kay Pangulong Marion G. Romney, na isinilang at pinalaki sa mga kolonyang Banal sa mga Huling Araw sa hilagang Mexico at kailan lamang ay itinalaga bilang tagapayo ng Unang Panguluhan. Nagsasalita sa wikang Espanyol, sinabi niya sa kanila ang kanyang pagmamahal sa mga Banal sa Mexico at sa Gitnang America at ang kanyang pasasalamat sa pamahalaang Mehikano.

Pagkatapos ay nagsalita si Pangulong N. Eldon Tanner, ipinagbubunyi ang lakas ng Simbahan sa Mexico at iba pang mga bansa sa kontinente ng Amerika na gumagamit ng wikang Espanyol. “Nagaganap ang paglago, at nililinang ang pamumuno sa iba’t ibang panig ng mundo,” ipinahayag niya sa pamamagitan ng tagasalin. Upang tulungan ang mga sinasanay na lider na ito, ang General Handbook of Instructions [Pangkalahatang Hanbuk ng mga Tagubilin] ng Simbahan ay kailan lamang sumailalim sa correlation at isinalin sa mahigit isang dosenang wika, kabilang na ang Espanyol. Ang mga lider sa buong mundo ay maaaring mangasiwa sa Simbahan ayon sa parehong huwaran.

“Nakakataba ng pusong makita kung paano tanggapin ng mga tao ang ebanghelyo at sumasama sa Simbahan at sa kaharian ng Diyos,” patotoo ni Pangulong Tanner, “kung saan lahat ay nagtataglay ng patotoo sa mga pagpapalang ibinibigay sa kanila, natatanto na ito ay ang Simbahan ni Jesucristo.”

Ang pakikinig sa mga nagsasalita ay nagbigay-kaligayahan kay Isabel na isa siyang Mehikanong Banal sa mga Huling Araw. Itinuro ng edukasyon niya sa Benemérito ang halaga ng pagiging miyembro ng Simbahan, ang gawing sentro ng buhay niya ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Nang una siyang dumating sa paaralan, isa lamang siyang mahiyaing bata na walang malinaw na pagkakakilanlan ng kanyang potensyal sa espiritwal. Subalit pinagpala siya ng mga guro niya sa napakaraming paraan. Nakagawian niya ang araw-araw napag-aaral at panalangin, at nabubuhay siya nang may kumpiyansa at malakas na patotoo ng katotohanan.

Ngayon, naliligiran ng napakaraming Banal, hindi niya maiwasang magdiwang. “Nagmula ako rito,” naisip niya. “Kabilang ako rito.”

  1. Spencer W. Kimball, Journal, Nov. 8–9, 22, at 29, 1971; Dec. 31, 1971; Jan. 20, 1972; July 2, 1972; Russell M. Nelson to Spencer W. Kimball, Sept. 21, 1972, sa Spencer W. Kimball, Journal, Apr. 11, 1972. Paksa: Spencer W. Kimball

  2. Benson, Journal, Nov. 18, 1971; Jan. 21, 1972; Feb. 8, 10, 15, at 22, 1972; Spencer W. Kimball, Journal, Dec. 31, 1971, at Jan.–Feb. 1972; Hunter, Journal, Jan. 13–14, 1972; Condie, Russell M. Nelson, 156–57.

  3. Spencer W. Kimball, Journal, Mar. 13, 1972; Kimball, Autobiography of Camilla Eyring Kimball, 90; Nelson, From Heart to Heart, 163–64; Lee, Diary, Mar. 13, 1972. Paksa: Russell M. Nelson

  4. Dew, Insights from a Prophet’s Life, 103–4; Nelson, From Heart to Heart, 163–64; Spencer W. Kimball, Journal, Mar. 13, 1972.

  5. Spencer W. Kimball, Journal, Mar. 13, 1972; Dew, Insights from a Prophet’s Life, 104; Kimball, Oral History Interview, 90.

  6. Spencer W. Kimball, Journal, Mar. 13, 1972; Dew, Insights from a Prophet’s Life, 104.

  7. Dave Noeche, “Music,” Richmond (VA) Times-Dispatch, Abr. 5, 1972, B5; Nina Banner, “Osmonds for Real and Talented,” Daily Press (Newport News, VA), Abr. 4, 1972, 25.

  8. Kathy Wells, “Osmond Brothers Treat Mom ‘like a Queen,’” Daily Press (Newport News, VA), Abr. 5, 1972, 6; Nina Banner, “Osmonds for Real and Talented,” Daily Press, Abr. 4, 1972, 25; Osmond, Untold Story of Olive Osmond, 118, 189–94, 233–34, 240–42; Hicks, “Mormons and the Music Industry,” 190; Olive Osmond, “The Osmond Story,” Osmonds’ World, Mayo 1974, 4–5.

  9. Osmond, Untold Story of Olive Osmond, 233–34, 254–68; Dunn, Osmonds, 12–31; Osmond and Romanowski, Life Is Just What You Make It, kabanata 2; Hyatt, Emmy Award Winning Nighttime Television Shows, 166–71; Osmond, Stages, 71; Curtis, Rock Eras, 236, 286–91.

  10. Ezra Taft Benson, sa One Hundred Fortieth Semi-annual Conference, 23–24; Ezra Taft Benson, “Satan’s Thrust—Youth,” Ensign, Dis. 1971, 53–56; Boyd K. Packer, “Inspiring Music—Worthy Thoughts,” Ensign, Ene. 1974, 25–28; Osmond and Romanowski, Life Is Just What You Make It, 64, 81–82; Dunn, Osmonds, 192–95; Osmond, Untold Story of Olive Osmond, 1.

  11. Osmond at Romanowski, Life Is Just What You Make It, 80–90; Osmond and Graham, Let the Reason Be Love, 70; Osmond, Stages, 68–69, 84–85; Dunn, Osmonds, 192–95; Barbara Lewis, “Osmonds at Home,” Chillicothe (OH) Gazette, Dec. 24, 1971, Showcase section, 3; Kathy Wells, “Osmond Brothers Treat Mom ‘like a Queen,’” Daily Press (Newport News, VA), Abr. 5, 1972, 6; “Osmond Tale ‘Paradoxical,’” New Mexican (Santa Fe, NM), Mar. 13, 1973, A8; tingnan din sa Osmond at Osmond, Oral History Interview, 5–7, 23–24.

  12. Howard Pearson, “Living Principles of Gospel Not Difficult, Osmonds Say,” Church News, Mar. 20, 1971, 5; Osmond, Stages, 83–84; Osmond, Oral History Interview, 3–4; Osmond, Journal, Feb. 11, 1972; Osmond at Osmond, Oral History Interview, 7; Mateo 5:16.

  13. J M. Heslop, “Osmond Fan Mail Heavy,” Church News, Mar. 11, 1972, 8–9, 12; Kathy Wells, “Osmond Brothers Treat Mom ‘like a Queen,’” Daily Press (Newport News, VA), Abr. 5, 1972, 6; Deseret News 1989–90 Church Almanac, 218–30; tingnan din sa “Magazine Story Prompts Teen to Study Church,” Church News, Mar. 4, 1972, 12; at Osmond at Osmond, Oral History Interview, 7, 17. Paksa: Estados Unidos

  14. Kathy Wells, “Osmond Brothers Treat Mom ‘like a Queen,’” Daily Press (Newport News, VA), Abr. 5, 1972, 6; Dave Noeche, “Music,” Richmond (VA) Times-Dispatch, Abr. 5, 1972, B5; Alan Osmond, “Alan Gets Serious about ‘The Plan,’” Spotlight, Set.–Okt. 1973, 44.

  15. Spencer W. Kimball, Journal, July 2, 1972; Russell M. Nelson to Spencer W. Kimball, Sept. 21, 1972, sa Spencer W. Kimball, Journal, Apr. 11, 1972; Kimball, Autobiography of Camilla Eyring Kimball, 93; Dew, Insights from a Prophet’s Life, 73, 105.

  16. Spencer W. Kimball, Journal, July 2, 1972; Dew, Insights from a Prophet’s Life, 106; Nelson, From Heart to Heart, 164.

  17. Spencer W. Kimball, Journal, May 9, 1972, at May 12, 1972; Dew, Insights from a Prophet’s Life, 106; Russell M. Nelson to Spencer W. Kimball, Sept. 21, 1972, sa Spencer W. Kimball, Journal, Apr. 11, 1972; Netter, CIBA Collection of Medical Illustrations, 194–95, 243–44.

  18. Dew, Insights from a Prophet’s Life, 106–7; Lee, Diary, Apr. 12, 1972; Monson, Journal, Apr. 12, 1972. Paksa: Pagpapagaling

  19. Martins, Autobiography of Elder Helvécio Martins, 4, 9–12, 15–16, 19–22, 38–41.

  20. Martins, Autobiography of Elder Helvécio Martins, 29–38; Helvécio Martins, Interview, Friend, Ene. 1992, 6.

  21. Martins, Autobiography of Elder Helvécio Martins, 26, 38–40.

  22. Martins at Martins, Oral History Interview, 12; Martins, Autobiography of Elder Helvécio Martins, 40–41.

  23. Martins, Autobiography of Elder Helvécio Martins, 41–42; Helvécio Martins, Interview, Friend, Ene. 1992, 6; Martins and Martins, Oral History Interview, 12.

  24. Martins, Autobiography of Elder Helvécio Martins, 42–44; Martins at Martins, Oral History Interview, 12–13. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “they had a blessing for our family if we would like one.”

  25. Martins, Autobiography of Elder Helvécio Martins, 4, 43–44; Martins at Martins, Oral History Interview, 13–14. Paksa: Restriksyon sa Priesthood at sa Templo

  26. Martins, Autobiography of Elder Helvécio Martins, 44–47. Paksa: Mga Sacrament Meeting

  27. Osmond, Journal, May 1972; Osmond at Romanowski, Life Is Just What You Make It, 113–14.

  28. John Barber, “Olympics Setting for Liza Minnelli,” Daily Telegraph (London), May 23, 1972, 12; Osmond at Romanowski, Life Is Just What You Make It, 114–15; “Royal Gala Variety Performance,” Through the Years, Donny (website), https://donny.com/timeline_item/royal-gala-variety-performance/.

  29. Osmond, Journal, May 1972; George Osmond, “Father Remembers,” at Olive Osmond, “The Osmond Story,” Osmonds’ World, Mar. 1974, 5, 13; Osmond at Osmond, Oral History Interview, 22; tingnan din sa Osmond, Oral History Interview, 9.

  30. Osmond, Journal, May 1972; Osmond at Osmond, Oral History Interview, 22; Osmond and Romanowski, Life Is Just What You Make It, 114. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “a thrill” na nasa orihinal ay pinalitan ng “the thrill.”

  31. Commencement Announcement for Troy High School, Fullerton, CA, 1972; Photographs at Troy High School Graduation, June 15, 1972, sa Beck, Scrapbook; “Troy High to Graduate 515 June 15,” Fullerton (CA) Daily News Tribune, Hunyo 5, 1972, B5; Maeta Beck at Dennis Beck, Oral History Interview, 111–13.

  32. Osborne, “Appraisal of the Education Program,” 39–41, 51–52; Priesthood Department, Melchizedek Priesthood General Committee Minutes, May 27, 1975, 82; Metcalf, “Which Side of the Line?,” 232; Maeta Beck at Dennis Beck, Oral History Interview, 12–13, 16–19, 25–29.

  33. Allen, “Rise and Decline of the LDS Indian Student Placement Program,” 96–97; “Indian Unity Caravan Leaves West Jordan for Arizona,” Salt Lake Tribune, Ago. 19, 1972, B12; Garrett, Making Lamanites, 109–10, 114, 118–23, 130, 134–35, 156–58, 192–203, 238–41; Maeta Beck at Dennis Beck, Oral History Interview, 123.

  34. Shumway at Shumway, Blossoming, 91–92, 94–98; Maeta Beck at Dennis Beck, Oral History Interview, 15–18, 45–46, 54–55, 62–63. Paksa: Pagkatao ng mga Lamanita

  35. Maeta Beck at Dennis Beck, Oral History Interview, 18, 29, 61, 113; Shumway at Shumway, Blossoming, 98.

  36. J M. Heslop, “Spirituality Themes Conference,” Church News, Set. 2, 1972, 3; Isabel Santana, Oral History Interview [Feb. 2, 2022], 20; Holzapfel at Lambert, “Photographs of the First Mexico and Central America Area Conference,” 69; Santana at Machuca, Oral History Interview, 16–17.

  37. Holzapfel at Lambert, “Photographs of the First Mexico and Central America Area Conference,” 65–66, 68–69; “Details Announced for First Area Meet,” Church News, Ene. 16, 1971, 3; J M. Heslop, “Area Conference in Mexico,” Church News, Ago. 26, 1972, 3. Mga Paksa: Pangkalahatang Kumperensya; Mexico

  38. Isabel Santana, Oral History Interview [Feb. 2, 2022], 20–21; Santana at Machuca, Oral History Interview, 16; Jay M. Todd, “The Remarkable Mexico City Area Conference,” Ensign, Nob. 1972, 89–90; J M. Heslop, “Spirituality Themes Conference,” Church News, Set. 2, 1972, 3; Holzapfel at Lambert, “Photographs of the First Mexico and Central America Area Conference,” 69; Kimball at Kimball, Spencer W. Kimball, 398–403.

  39. Monson, Journal, Apr. 11, 1972; Lee, Diary, July 2, 1972; Tanner, Journal, July 2, 1972.

  40. “Pres. Joseph Fielding Smith: Church Leader Dies at 95,” “A Helping Hand to Missionaries,” and “A Lifetime Devoted to Work in Temples,” Deseret News, Hulyo 3, 1972, S1–S2, S5, S6; Neilson at Marianno, “True and Faithful,” 6–64; “Peru Stake Created; Idaho Stake Reorganized,” Church News, Mar. 14, 1970, 6; “4 New Stakes Are Organized,” Church News, Abr. 4, 1970, 15; Griffiths, “Globalization of Latter-day Saint Education,” 208–9, 214–29, 305–6; Allen at Leonard, Story of the Latter-day Saints, 603–6. Paksa: Joseph Fielding Smith

  41. Joseph Fielding Smith, “Counsel to the Saints and to the World,” Ensign, Hulyo 1972, 27.

  42. “President Harold B. Lee Ordained LDS Leader,” Deseret News, Hulyo 7, 1972, A1.

  43. Romney, Journal, Aug. 26, 1972; J M. Heslop, “Spirituality Themes Conference,” Church News, Set. 2, 1972, 3; First Mexico and Central America Area General Conference, 4; Santana at Machuca, Oral History Interview, 16–17; Holzapfel and Lambert, “Photographs of the First Mexico and Central America Area Conference,” 70–71.

  44. Marion G. Romney, sa First Mexico and Central America Area General Conference, 3–4; Harold B. Lee, “Marion G. Romney of the Quorum of the Twelve,” Improvement Era, Okt. 1962, [714]–[15]; “President Harold B. Lee Ordained LDS Leader,” Deseret News, Hulyo 7, 1972, A1; Lozano, Oral History Interview, 96. Paksa: Mga Kolonya sa Mexico

  45. N. Eldon Tanner, sa First Mexico and Central America Area General Conference, 6; J M. Heslop, “Spirituality Themes Conference,” Church News, Set. 2, 1972, 3; Curriculum Department, Priesthood Correlation Executive Committee Minutes, May 5, 1965, 284; June 2 and 10, 1965, 294–96, 300–301; Feb. 1, 1967, 148–49; June 7, 1967, 171–72; Dec. 6, 1967, 222; Jan. 3, 1968, 226–27; “New Handbook for Church Officers Out,” Church News, Abr. 27, 1968, 3; La Iglesia de Jesucristo de los Santos de los Últimos Días: Manual General de Instrucciones, Número 20, 1968 (Salt Lake City: First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 1968).

  46. Santana at Machuca, Oral History Interview, 1–4, 17–18; Isabel Santana, Oral History Interview [Feb. 2, 2022], 19, 21. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “there” sa Ingles na salin ng orihinal ay pinalitan ng “here.”