Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 8: Kahalagahan ng Pagsagip sa mga Kaluluwa


Kabanata 8

Kahalagahan ng Pagsagip sa mga Kaluluwa

maliit na kahong puno ng mga barya mula sa Uruguay

Bilang bagong pangulo ng Primary sa Colonia Suiza, Uruguay, lubhang umasa si Delia Rochon sa kanyang manwal ng aralin. Inilathala ng Simbahan ang hanbuk para talaga sa mga guro at lider ng Primary na naninirahan sa mga mission, at madalas manalangin si Delia kung paano ito pinakamainam gamitin. Isinulat ang manwal bago pa sinimulan ng Correlation Committee ng Simbahan ang pagrerepaso at pagpapasimple ng lahat ng materyal ng Simbahan, at tatlong daang pahina ang haba nito. Gayunpaman, nagpapasalamat si Delia sa maraming ideya para sa mga aktibidad at gawang-kamay na ibinigay nito. Bagamat kung minsan ay napakagulo ng mga bata sa Primary kapag nagtuturo siya, matiyaga si Delia. Kapag makulit sila, maaari naman niya laging hingin ang tulong ng mga magulang nila.

Habang naghahanda ng mga aralin para sa Primary, nadama ni Delia na may responsibilidad siyang masusing sundin ang mga opisyal na materyal ng Simbahan. Isang araw, nakakita siya ng mga tagubilin para sa pagdaos ng taunang paglikom ng pera para sa Primary Children’s Hospital sa Lunsod ng Salt Lake. Ang pangangalap, na isinasagawa bawat taon mula 1922, ay humihikayat sa bawat bata sa Primary na mag-ambag ng isang perang dolyar upang tulungan ang ibang batang nangangailangan. Hindi pa nakakakita ng isang perang dolyar kahit kailan si Delia, at halos wala siyang alam tungkol sa ospital. Ni hindi na niya kailangang humanap ng mga batang nangangailangan—napakarami nito sa klase niya sa Primary. Ngunit nadama nila ng pangulo ng branch na si Victor Solari na dapat pa rin siyang magdaos ng programa para mangalap ng isang perang dolyar para sa ospital.

Sa halip na isang perang dolyar, hiniling ni Delia sa mga bata na mag-ambag ng vintenes, ang baryang may pinakamababang halaga sa Uruguay. Isa sa mga magulang ang gumawa ng kahong pangolekta na yari sa kahoy, na isinabit naman ni Delia sa meetinghouse. Sinabi niya sa Primary na ang salapi ay tutulong sa mga batang maysakit, ngunit maingat siyang huwag mamilit sa mga bata. Ayaw niyang mag-ambag sila ng mga vintenes na hindi nila kayang iambag.

Noong mga sumunod na buwan, hindi sinilip ni Delia ang laman ng maliit na kahon o sinabi kung sino ang nag-aambag at kung sino ang hindi. Kung minsan ay magdadala ang mga bata ng vintenes, at sa ibang panahon naman ay isang magulang ang mag-aambag ng ilang barya upang suportahan ang Primary. Kung minsan ay may maririnig siyang kalasing ng barya kapag inihuhulog ito sa kahon, at pumapalakpak ang mga bata sa tunog.

Nang bumisita ang mga lider ng mission sa Colonia Suiza Branch, nagpasya si Delia na buksan ang kahon. Mas puno iyon kaysa sa inaasahan niya. Nang binilang niya ang mga barya, nakapag-ambag ang mga bata ng halos dalawang Amerikanong dolyares. Sa mga kamay ni Delia, pawang kayamanan ang mga barya.

Higit pa roon, natanto niya, ang mga vintenes ay kumakatawan sa pananampalataya at sakripisyo ng mga bata sa Primary—at ng mga pamilya ng mga bata. Bawat barya ang pinaghirapan ng isang balo, inihandog nang may pagmamahal sa iba at sa Tagapagligtas.


Dalawang araw bago ang Pasko noong 1964, kinakabahang naupo sa tren si Suzie Towse. Natapos na ang misyon niya sa Church Building Department ng British Area Office. Ngayon ay pabalik na siya sa Beverley. Masaya ang mga magulang niya na pauwi na siya, ngunit masama pa rin ang loob nila na pinili niyang tapusin ang misyon niya nang labag sa kalooban nila. Halos wala siyang nabalitaan mula sa kanila sa loob ng siyam na buwan.

Hindi pinagsisihan ni Suzie ang desisyon niya. Ang paglilingkod sa Building Department [Departamento ng Pagpapatayo] ay nagpalapit sa kanya at sa ilang daang young men at young women sa kanilang Ama sa Langit, at nagsiuwian sila na may mas malalim na pananampalataya at napakahalagang karanasan sa trabaho. Ang kanilang mga pagsisikap ay nag-ambag sa pagtatapos ng halos tatlumpong proyekto sa pagtatayo ng gusali sa British Isles, kabilang na ang isang magandang kapilya sa Beverley. At mahigit apatnapung proyekto pa ang isinasagawa. Habang pinagninilayan ni Suzie ang kanilang gawain, isang kasabihan ng mga misyonero sa pagtatayo ang lagi niyang naiisip: “Habang nagtatayo tayo ng mga simbahan, tumutulong tayong palakasin ang mga tao.”

Ngayong natapos na ang misyon niya, maaari nang asamin ni Suzie ang bagong kabanata sa buhay niya. Noong isang taon, ang mga lider ng mission ay hinayaan siya at iba pang mga misyonero sa pagtatayo na umuwi para sa Kapaskuhan. Sa isang sayawan noong Bisperas ng Bagong Taon, ang kanyang kaibigan at kasama sa branch na si Geoff Dunning ay lumapit sa kanya at niyaya siyang magsayaw ng waltz. Batid na miyembro ito ng komite sa pakikipagkapatiran ng branch, biniro niya ito. “Geoff,” sabi niya, “hindi mo kailangang gawin ang sobra-sobra para lang sa iyong pakikipagkapatiran.”

Nagsimula silang magsulatanbilang magnobyo pagkatapos noon, at itinakda silang ikasal sa loob ng ilang buwan. Nagpadala pa sa kanya si Geoff sa koreo ng singsing na diyamante para sa kanilang takdang kasal, at lumuhod ang kartero sa harap niya nang inihatid ito. Binalak nilang mabuklod sa London Temple makalipas ang misyon ni Suzie. Ngunit dahil hinihiling ng batas na makasal sila sa huwes, magdaraos muna sila ng kasal sa kapilya ng Beverley.

Sa hiling ni Suzie, ilang ulit binisita ni Geoff ang kanyang magiging mga biyenan, umaasang mapalambot ang kanilang mga puso sa kanilang anak at sa Simbahan. Noong una ay inayawan ng ina ni Suzie ang mga pagsisikap ni Geoff, ngunit hindi nagtagal ay natuwa na rin ito sa kanya.

Nang dumating si Suzie sa Beverley, sinalubong siy ng kanyang mga magulang. Ngunit sinabi nila sa kanya na hindi sila dadalo sa kasal niya dahil gaganapin ito sa meetinghouse ng branch. Nanlulumong nanalangin sina Suzie at Geoff na magbago ng pasya ang kanyang mga magulang.

Habang naninibago siya sa buhay matapos ang misyon, nakita ni Suzie na nagbago ang kanyang branch noong wala siya—at hindi lamang iyon dahil sa bagong kapilya. Sa kabuuan ng Britanya, gumugugol na ngayon ang mga misyonero ng mas maraming panahon sa pagtuturo sa mga maaaring binyagan, at nagtuturo sila sa mga buong pamilya kapag posible ito. Wala na ang mabilisang pagbibinyag, mga laro ng baseball, at ang agresibong layon ng mission na naglunsad sa mga ito. Patuloy na tinutulan ni Pangulong McKay ang ganoong mga gawain at nagtagubilin sa mga lokal na lider na lumapit sa mga youth na naapektuhan ng mga ito, gagawin ang lahat ng makakaya upang hikayatin ang mga nagpabinyag na manatili sa Simbahan.

“Mga miyembro sila, at dapat natin silang mapanatili,” ipinahayag niya. “Ito ay tungkol sa kahalagahan ng pagsagip sa mga kaluluwa sa halip na estadistika lamang. Kailangan nating makipagtulungan sa mga batang lalaki at babaeng ito.”

Sampung araw bago ang kasal, sinagot ang mga panalangin nina Suzie at Geoff. Nagpasya ang mga magulang ni Suzie na dumalo sa seremonya. Nais ng kanyang ama na ihatid siya sa dambana, at pumayag ang kanyang ina na asikasuhin ang handaan sa kasal sa kapilya.

Noong ika-6 ng Marso 1965, marami sa mga kaibigan ni Suzie mula sa Church Building Department ang nagtungo sa Beverley para sa kasal. Makalipas ang isang linggo, naglakbay patungong London Temple sina Suzie at Geoff para mabuklod. Habang nasa templo sila, nilinis ng ina ni Suzie ang isang maliit na bahay na binili ng mag-asawa sa Beverley para tirhan nila.

Iniisip ang mga hamong nalampasan niya, ginunita ni Suzie ang sinabi sa kanya ng kanyang mission president noong mahihirap na araw na iyon—“Maghahanda ng paraan ang Panginoon”—at ngayon ay batid niyang ginawa Niya ito.


Noong sumunod na buwan, sa Lunsod ng Salt Lake, tinipon nina Ruth Funk at ng komite sa kurikulum para sa mga adult ang halos dalawang dosenang lider mula sa iba-ibang organisasyon ng Simbahan upang magmungkahi ng plano para sa pagtuturo sa mga klase ng Relief Society, priesthood, at Sunday School. Ang mungkahi ay bunga ng tatlong taong pag-aaral ng komite sa mga naunang gabay sa aralin ng Simbahan. Ang pinuno ng komite na si Thomas S. Monson, na hinirang sa Korum ng Labindalawang Apostol isang taon at kalahati na ang nakakaraan, ang nanguna sa pulong.

Ang All-Church Coordinating Council, na nangangasiwa sa bagong programa ng correlation, ay nagpasimula na ng maraming mahahalagang pagbabago sa Simbahan. Kabilang dito ay ang pagkakalikha ng mga komiteng tagapagpaganap sa priesthood at mga konseho ng ward upang tulungan ang mga lokal na lider na mas epektibong makapaglingkod. Bilang tugon sa mga alalahanin ukol sa katatagan ng tahanan at pamilya, binigyang-diin din ng coordinating council ang dalawang programa, ang home teaching at family home evening, upang mapagbuti ang pag-aaral ng ebanghelyo.

May malalim na ugat sa Simbahan ang mga programang ito. Mula pa noong panahon ni propetang Joseph Smith, ang mga guro ng ward o partikular na lugar ay palagiang bumibisita sa tahanan ng mga Banal upang pangalagaan ang kanilang espiritwal at temporal na kapakanan. Binago ng programa sa home teaching ang nakagawiang ito, hinihiling sa mga maytaglay ng priesthood na bisitahin ang mga tahanan ng mga kapwa Banal bawat buwan upang magbigay ng mga serbisyong kagaya ng kay Cristo at upang magbahagi ng mensaheng pinili at pinlano ng Simbahan.

Gayundin, nagdaraos ang mga Banal ng mga home evening mula pa noong 1915, noong hinikayat ni Pangulong Joseph F. Smith at kanyang mga tagapayo ang mga Banal na maglaan ng isang gabi bawat buwan para sa pag-aaral ng ebanghelyo at mga aktibidad sa tahanan. Ngayon ang mga Banal ay magdaraos ng family home evening bawat linggo at gagamit ng manwal na kailan lamang inilathala ng Simbahan.

Subalit patuloy pa ring humaharap sa pagka-antala ang magkakaugnay na kurikulum ng Simbahan. Sa umpisa, inakala ni Elder Harold B. Lee na makabubuo ang iba-ibang komite sa correlation ng mga aralin para sa lahat ng edad pagsapit ng taong 1963, subalit iniusad nila ang takdang petsa sa 1966 upang makapagsulat ng mga aralin para sa programa ng family home evening.

Habang ipinapakilala ni Elder Monson ang mungkahing kurikulum sa mga nagtipon na lider, kinilala niya ang hamon ng paglikha ng mga bagong aralin, lalo na kung dating binubuo noon ng mga organisasyon ang sarili nilang kurikulum.

“Hindi madaling mangyayari ang pagkakasundo,” sabi niya. “Kailangan nating sundin ang mga tagubilin ng ebanghelyo na nasa 3 Nephi kung saan sinabi ng Panginoon, ‘Hindi dapat magkaroon ng mga pagtatalu-talo sa inyo,.’”

Noong naganap ang pulong, inilahad ni Ruth ang mga plano ng komite para sa kurikulum ng kababaihan. Sa pagbalangkas ng kanilang mungkahi, kinunsulta ng komite ang kababaihan sa magkakaibang estado—kasal, hindi kasal, diborsyado, o naging balo. Inilahad ng mungkahi ang maraming pasaning hinaharap ng kababaihan sa makabagong mundo at binigyang-diin ang kanilang layunin sa walang-hanggang plano ng Diyos.

Sa paglalarawan ni Ruth, ang bagong kurikulum para sa kababaihan, gaya ng kurikulum para sa kalalakihan ng Simbahan, ay magbibigay-diin sa kahalagahan ng priesthood at ang papel ng tahanan bilang sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo. Ang pinakalayunin nito ay bigyang-inspirasyon ang kababaihan na isabuhay at ituro ang ebanghelyo, magbigay ng mahabaging paglilingkod sa iba, makakuha ng praktikal na kaalaman sa pag-aasikaso ng bahay, at maglinang ng pag-aalaga ng sarili sa pamamagitan ng mga turo ni Cristo.

Noong mga sumunod na buwan matapos ang pagtatanghal, bumilib si Ruth kay Belle Spafford at iba pang mga lider ng Relief Society na nakipagtulungan sa komite. Ngunit hindi lahat ay sabik sa mga paparating na pagbabago. Noong nagmungkahi si Ruth at iba pang mga miyembro ng komite ng ilang pag-aangkop sa kurikulum, may ilang miyembro ng lupon ng Relief Society ang tumutol sa kanilang mga ideya.

Ang paniniwala ni Ruth sa pangangailangan sa correlation ay tumulong sa kanyang magpatuloy sa kabila ng mga problemang ito. Nakita niya kung paano napalakas ng correlation ang Simbahan at mga miyembro nito. Ang hamon ay ang makahanap ng paraan upang tulungan ang mga nagdududa sa programa na lubos na maunawaan ang buong mithiin.


Noong panahon ding ito, sinusubukan pa rin ni LaMar Williams na makakuha ng permanenteng visa sa Nigeria. Nasasabik siyang maisagawa ang mga tungkulin niya bilang presiding elder ng bansa, ngunit paano niya gagawin iyon kung tutol ang pamahalaang papasukin siya?

Mula noong kanyang unang paglalakbay sa Nigeria noong 1961, nagawa niyang makakuha ng isa lamang dagdag na visa na pansandaling biyahe, na nagtutulot sa kanyang bumalik sa bansa sa loob ng dalawang linggo noong Pebrero 1964. Noong panahong iyon, siya at ang mga kaibigan niyang sina Charles Agu at Dick Obot ay nagtangkang magpetisyon sa pamahalaan na hayaang pumasok ang mga misyonero sa Nigeria, subalit ang opisyal na magbababa ng desisyon sa kanilang petisyon ay tumangging makipagkita sa kanila.

Bumalik si LaMar sa Utah na lubhang nalulungkot sa kanyang kabiguan, ngunit hindi siya tumigil sa pagtulong tsa kanyang mga kaibigan sa Kanlurang Aprika. Sa tulong niya, nabuo ang isang pondo para sa scholarship upang maraming estudyanteng Nigerian ang makakapag-aral sa Brigham Young University. Dumating noong unang bahagi ng 1965 ang mga mag-aaral, at dalawa sa kanila, sina Oscar Udo at Atim Ekpenyong, ay sumapi sa Simbahan.

Samantala, sa Nigeria, nalaman ni Dick Obot na ang kanyang mga kagrupo sa pagsamba—kilala ng mga lokal bilang “ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw”— ay tumanggap ng pagkilala mula sa pamahalaan, na nagpapahiwatig na nagsisimula ng tanggapin ito ng ilang tao sa Nigeria. Ang mga pagsisikap ni LaMar na magbigay ng mga pagkakataon sa edukasyon para sa mga mag-aaral na Nigerian, kasama na ang patuloy na panghihimok ng mga kaibigan niya sa Nigeria, ay nakapukaw ng pansin. Bagama’t tutol pa rin ang pamahalaang Nigerian na bigyan siya ng permanenteng visa, tumanggap siya ng isa pang visa para sa maikling paglalakbay noong Agosto 1965. Sa pagsang-ayon at pagsuporta ni Pangulong McKay, bumalik si LaMar sa Nigeria noong Oktubre.

Matapos dumating sa Lagos, nakipagkita si LaMar sa isang abogado na malaki ang kumpiyansa na makakakuha ng permanenteng visa at pagkilala sa Simbahan. Makalipas ang dalawang araw, nakipag-usap si LaMar sa halos isang dosenang opisyal ng komunikasyon tungkol sa Simbahan. Pagkatapos ay lumipad siya patungong Enugu, ang kabisera ng Silangang Rehiyon ng Nigeria, at nakipagkita sa ministro ng estado, na tumangging uminom ng kape, tsaa, o alak sa harap ni LaMar bilang paggalang sa mga paniniwala niya.

Saanman pumunta si LaMar, tinatanong ng mga estranghero kung maaari ba silang maging miyembro ng Simbahan. Tiniyak sa kanila ni LaMar na kapag inorganisa ang Simbahan sa kanilang bansa, maaari silang binyagan. Isang araw ng Linggo, mahigit apat na daang tao ang nagtipon upang pakinggan siyang magsalita.

Noong ika-6 ng Nobyembre, isang pagbisita sa tanggapan ng premier sa Enugu ay nagbunga sa pagpapalawig ng 90 araw sa visa ni LaMar, at isang opisyal ng pamahalaan ang sinimulang ayusin ang kailangang papeles upang iparehistro ang Simbahan sa Nigeria. Bumalik si LaMar sa kanyang silid sa otel nang may magandang dahilan para sumaya. Matapos ang ilang taong balakid at pasikot-sikot, iginawad na sa wakas ang pahintulot na kailangan niya upang simulan ang gawain.

Pagkatapos ay nakarinig siya ng katok sa pinto. Hawak ng pribadong kalihim ng ministro ng estado ang isang telegrama mula sa punong-tanggapan ng Simbahan.

“Ihinto ang mga negosasyon sa Nigeria,” nakasaad rito. “Umuwi ka agad.” Pirmado ito ng Unang Panguluhan na walang kalakip na dagdag paliwanag.


Noong panahong nilisan ni LaMar ang Nigeria, nakatira naman si Giuseppa Oliva sa Palermo, Italy, nagtitiwala sa pangako na balang araw ay darating ang Simbahan sa siyudad. Noong nakalipas na isang siglo, sinubukan ng mga misyonero na organisahin ang Simbahan sa Italy, ngunit sandali lamang ang mga pagsisikap nila. Marami sa kanilang mga nabinyagan ay mga Waldensian Protestant mula sa hilangang-silangang Italy na nandayuhan sa Utah bago umalis ang mga misyonero sa bansa noong dekada ng 1860. Subalit hindi ugali ni Giuseppa ang manahimik lamang at hihintaying bumalik ang mga misyonero. Hindi nagtagal mula nang dumating siya mula Argentina, sinimulan niya ang pagbahagi ng ebanghelyo sa kanyang mga kamag-anak, kapitbahay, at mga kaibigan.

May ilang taong nainis sa kanyang pagkamasigasig, at pinagsasarhan nila siya ng pinto o sinasabihan siyang umalis sa kanilang tahanan. Ngunit isang araw, isa sa kanyang mga kapatid na si Antonino Giurintano ay nagtanong kung bakit hindi na siya nagsisimba sa Simbahang Katoliko. Nang ikinuwento niya ang tungkol sa Simbahan, kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon, napukaw ang interes nito. Ilang taon ang ginugol nito sa pagbisita sa iba-ibang simbahan, ngunit pakiramdam niya ay may kulang sa mga ito.

Pagkatapos noon, halos araw-araw siyang kinakausap ni Giuseppa tungkol sa ipinanumbaik na ebanghelyo. Labis siyang natuwa nang hiniling nitong magpabinyag. Ngunit dahil walang misyonero sa Sicily, walang maaaring magsagawa ng ordernansa.

Noong panahong iyon, pinangangasiwaan ng Swiss Mission ang Italya at iba pang mga karatig na bansa, at lubhang maraming ginagawa ang mga misyonero para gawin ang iba pang bagay. Bagamat may iilang maliliit na mga kongregasyon sa mga base militar ng Amerika sa Italya, kailan lamang tumanggap ng pahintulot ang Simbahan na mangaral ng ebanghelyo sa bansa. Ang tatlumpo o apatnapung misyonerong naglilingkod sa Italya ay halos nasa norte lahat, malayo sa isla nina Giuseppa at Antonino. Gayunpaman, sumulat si Antonino sa punong-tanggapan ng mission, at bilang tugon, pinadalhan siya ng pangulo ng mission na si Rendell Mabey ng ilang babasahin ng Simbahan at isang kopya ng Aklat ni Mormon.

Pagkatapos, noong gabi ng ika-22 ng Nobyembre 1965, nagulat si Giuseppa sa biglaang pagbisita ng kapatid niyang lalaki. Sinabi sa kanya ni Antonino na dalawang lalaki mula sa Simbahan ang sa wakas ay nagpunta. Tinawag ni Giuseppa ang kanyang asawa at anak na lalaki, at sinundan nila si Antonino papunta sa tahanan nito.

Natuklasan ni Giuseppa na isa sa mga bisita ay si Pangulong Mabey. Isa itong matangkad, masayahing Amerikano na hindi sanay sa wikang Italyano. Ang isa pang bisita ay si Vincenzo di Francesca, isang may edad na Italyanong Banal sa Huling Araw na nagkataong nakatira sa isla, mga apat na oras ang layo. Noong 1910, nakakita si Vincenzo ng kopya ng Aklat ni Mormon na walang pabalat habang nagsasanay siya bilang ministrong Protestante sa Lunsod ng New York. Sabik niya itong binasa at tinanggap ang mensahe nito tungkol kay Jesucristo. Kung minsan ay nangangaral pa siya mula sa aklat, at sa pagbalik niya sa Italya, mas marami pa siyang nalaman tungkol sa Simbahan at nakipag-ugnayan dito. Matapos ang ilang taong paghihintay na pumunta ang isang maytaglay ng awtoridad ng priesthood sa Sicily, bininyagan na siya sa wakas noong 1951.

Nakipag-usap si Giuseppa at pamilya niya kina Vincenzo at Pangulong Mabey nang ilang oras. Pagkatapos ay sinabi ng mission president na handa nang mabinyagan si Antonino.

Kinabukasan ng umagang-umaga, bumili sina Giuseppa, Antonino, Pangulong Mabey, at Vincenzo ng ilang puting damit at sumakay ng taxi patungo sa isang tahimik na dagat-dagatan sa may dalampasigan kung saan nila maaaring idaos ang service. Isang maliit na cove ang nagsilbing bihisan, at ang mga bato sa tabing-dagat naman ang nagbigay ng lugar kay Vincenzo para upuan at magsilbing saksi para sa pagbibinyag.

Hawak-kamay na naglakad nang patingkayad sina Pangulong Mabey at Antonino sa mabato, matalas na buhangin ng dalampasigan. Nilalabanan ang napakalamig at malalakas na alon, sinambit ni Pangulong Mabey ang panalangin sa binyag at inilubog si Antonino sa tubig. Pagkatapos ay bumalik sa dalampasigan ang mga lalaki at nagbihis ng tuyong damit, at kinumpirma ni Vincenzo na si Antonino ay ganap nang miyembro ng Simbahan.

Napuspos ng ligaya at pagmamahal ang puso ni Giuseppa habang pinapanood niya ang service. Kalaunan, nagpadala siya ng emosyonal na liham sa kanyang anak na si Maria, na nakatira pa sa Argentina. Sumapi si Antonino sa Simbahan, sabi niya. Ito ang unang taong bininyagan mula nang bumalik siya sa Palermo.

  1. Rochon, Come and See, 9–11; Rochon, Interview, 6–8, 21; Primarias de las misiones: Manual de lecciones. Para los grupos menores, niños de 4, 5 y 6 años de edad, isinalin ni Eduardo Balderas ([Salt Lake City]: La Iglesia de Jesucristo de los Santos de los Últimos Días, [1962]); Solari, Oral History Interview, [3]–[4].

  2. Rochon, Interview, 32–34; Rochon, Come and See, 13–15; Primary Children’s Hospital, Circular, Primary Association, Primary Children’s Hospital Files, CHL; LaVern Parmley, Address, Primary Conference, Apr. 7, 1966, Primary Association, General Board Minutes, CHL.

  3. Rochon, Come and See, 14–15; Rochon, Interview, 32–35; Mark 12:41–44. Paksa: Primary

  4. Dunning, Email Interview [July 21, 2021]; Dunning, “My Life and Legacy,” 6, 16, 23; Dunning, Oral History Interview, 7, 19–20; “News Notes at Home and Abroad,” Church News, Mar. 28, 1964, 2; John Butcher, “A Closing Thought,” Millennial Star, Okt. 1964, [365]; Construction Era, Hulyo 1970, 10; Dunning at Dunning, “Conversion Story at Beverley,” [6], [13]. Paksa: Programa sa Pagpapatayo [Building Program]

  5. Dunning, “My Life and Legacy,” 18, 22; Dunning, Email Interview [July 21, 2021]; Dunning, Oral History Interview, 6–7; Suzette Dunning and Geoff Dunning to James Perry, Email, Mar. 16, 2022, Suzette Towse Dunning and Geoffrey Dunning Papers, CHL.

  6. Dunning, Oral History Interview, 7; Beverley Branch, Manuscript History and Historical Reports, Mar. 1965; Dunning, Email Interview [Sept. 23, 2021]; Dunning, “My Life and Legacy,” 23.

  7. Marion D. Hanks to First Presidency, Dec. 31, 1962; Alva D. Greene, “Report on the North British Mission,” June 10, 1964; A. Ray Curtis and Elaine Curtis, Report, Feb. 23, 1965, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; Hanks, Recollections, 149, 154; First Presidency to Stake and Mission Presidents, Feb. 19, 1964, First Presidency, Circular Letters, CHL; McKay, Diary, July 25, 1963, and Dec. 15, 1965.

  8. Dunning, “My Life and Legacy,” 23–24.

  9. Adult Correlation Committee, Minutes, Apr. 23, 1965; Curriculum Department, Priesthood Correlation Executive Committee Minutes, Mar. 11, 1965, 277; Monson, Journal, Mar. 25, 1965; Henry A. Smith, “Thomas S. Monson Chosen New Apostle,” Deseret News and Salt Lake Telegram, Okt. 4, 1963, A1.

  10. Curriculum Department, Priesthood Correlation Executive Committee Minutes, Mar. 11, 1965, 277–79; Ludlow, “Church History Events Concerned with Correlation Development,” [2]–[3].

  11. Hartley, “LDS Aaronic Priesthood Offices,” 85–86, 90–91, 97, 115–17, 128; Home Teaching, A1–A11.

  12. Smith, Lund, at Penrose, To the Presidents of Stakes, Bishops and Parents in Zion, [2]–[3]; Harold B. Lee, sa One Hundred Thirty-Fourth Semi-annual Conference, 83–85; Curriculum Department, Priesthood Correlation Executive Committee Minutes, Jan. 9, 1964, 152; Feb. 13, 1964, 161; Apr. 9, 1964, 170–72; May 6, 1964, 178–79; June 3 and 11, 1964, 191, 199; Sept. 10, 1964, 216; Oct. 8, 1964, 225–26; Nov. 4, 1964, 230–31; Family Home Evening Manual, iii–xiv; “Home Teachers Distribute Family Manuals,” Church News, Dis. 19, 1964, 4. Paksa: Family Home Evening

  13. Curriculum Department, Priesthood Correlation Executive Committee Minutes, Feb. 13, 1964, and Mar. 11, 1965, 156–57, 278–79; Blumell, “Priesthood Correlation,” 23–24. Mga Paksa: Correlation; Thomas S. Monson

  14. Adult Correlation Committee, Minutes, Apr. 23, 1965; 3 Nephi 11:28.

  15. Adult Correlation Committee, Minutes, Apr. 23, 1965; Adult Correlation Committee, “Review of Present and Proposed Programs for the Adults of the Church,” 19–20.

  16. Adult Correlation Committee, Minutes, June 9, 23, and 30, 1965; Aug. 4, 1965; Smith, Oral History Interview, 113–15, 148–49; Curriculum Department, Priesthood Correlation Executive Committee Minutes, Nov. 10, 1966, 134.

  17. Allen, “West Africa before the 1978 Priesthood Revelation,” 236; Williams, Journal, Jan. 20, 1964; Feb. 4 and 11–14, 1964, [92]–[95]; McKay, Diary, Jan. 11, 1963.

  18. Williams, Journal, Feb. 14, 1964; Jan. 20, 1965; Feb. 19, 1965; Mar. 7, 1965, [95], [119]–[20]; Allen, “West Africa before the 1978 Priesthood Revelation,” 233–35; Brigham Young University, Board of Trustees Executive Committee Minutes, Mar. 25, 1965; John Chase to LaMar Williams, June 15, 1965, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL.

  19. Allen, “West Africa before the 1978 Priesthood Revelation,” 234; Certificate of Incorporation, Lagos, Nigeria, Sept. 29, 1964, copy, Edwin Q. Cannon Papers, CHL; Dick Obot and others to LaMar Williams, Oct. 29, 1964, Missionary Department, Africa and India Correspondence, CHL; Williams, Journal, Jan. 20 and Oct. 18, 1965, [119], [153]; McKay, Diary, Aug. 25 and Oct. 14, 1965; tingnan din sa Palmer, Mormons in West Africa, 8. Paksa: Nigeria

  20. Williams, Journal, Oct. 20, 22–24, and 30–31, 1965; Nov. 4 and 6, 1965, [153]–[55]; “Report on Nigeria,” sa McKay, Diary, Nov. 10, 1965; First Presidency to LaMar Williams, Telegram, Nov. 4, 1965, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL.

  21. Toronto, Dursteler, at Homer, Mormons in the Piazza, 1–44, 132–77; Simoncini, Interview, [3]. Paksa: Italy

  22. Simoncini, Interview, [3]; Abner, Italian Mission Reminiscences, 30–31; Simoncini, “La storia dei primi pionieri del ramo di Palermo,” [1]; Arthur Strong to Giuseppa Oliva, Sept. 16, 1965, ang kopya ay nasa pag-aari ng mga patnugot; “Italian Zone,” [1]; Mabey, “Amazing Swiss Mission,” [1].

  23. Toronto, Dursteler, at Homer, Mormons in the Piazza, 232–40, 277; Ezra Taft Benson to First Presidency, Dec. 7, 1964; First Presidency to Ezra Taft Benson, Dec. 17, 1964, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; Quorum of the Twelve Apostles, Missionary Executive Committee Minutes, Jan. 14, 1965; “Missionary Work Resumed in Italy after Lapse of Century,” Church News, Mar. 20, 1965, 12; Ezra Taft Benson to First Presidency, Oct. 11, 1965, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL.

  24. Arthur Strong to Giuseppa Oliva, Dec. 17, 1965, ang sipi ay nasa pag-aari ng mga patnugot; Mabey, Journal, Nov. 22, 1965; Mabey, “Sicilian Baptism,” [1]; Giurintano, Interview, [2].

  25. Vincenzo di Francesca, “Burn the Book,” Improvement Era, Mayo 1968, 4–7; Vincenzo di Francesca to Franklin Harris, May 8, 1930; Vincenzo di Francesca to Heber J. Grant, June 26, 1930; Heber J. Grant to Vincenzo di Francesca, Apr. 29, 1931, First Presidency, Miscellaneous Correspondence, CHL; Toronto, Dursteler, at Homer, Mormons in the Piazza, 226–29; tingnan din sa “Berne: Work in Italy Progressing,” Church News, Peb. 19, 1966, 4.

  26. Mabey, Journal, Nov. 22–23, 1965; Mabey, “Sicilian Baptism,” [1]–[2]; Strong, Autobiography Excerpt, 35; [Maria Oliva] to Omar Esper, Email, July 15, 2021, Maria Oliva Family Papers, CHL; “Berne: Work in Italy Progressing,” Church News, Peb. 19, 1966, 4.