Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 19: Nagkakaisa Bilang Isang Pamilya


Kabanata 19

Nagkakaisa Bilang Isang Pamilya

ang São Paulo Temple, landscaping, at fountain

Isang gabi noong Hunyo 1978, umuwi si Billy sa kanyang tahanan sa Cape Coast, Ghana. Siya at iba pang mga miyembro ng kongregasyon ay nagsimulang mag-ayuno, gaya ng lagi nilang ginagawa, subalit walang nagawa ang pag-aayuno upang pasiglahin ang mga kalooban nila. Napapagod at pinanghihinaan na siya ng loob dahil mas maraming mananampalataya ang huminto nang sumamba kasama niya at bumalik sa kanilang mga dating simbahan.

Inaasam ni Billy na muling madama ang pagiging malakas sa espirtiwal at emosyon. Ilang buwan na nakararaan, isang miyembro ng kanyang kongregasyon ang nagsabi sa kanya tungkol sa isang paghahayag na natanggap nito. “Hindi magtatagal ay darating ang mga misyonero,” sabi nito. “Nakita ko ang mga puting lalaki na pumupunta sa ating simbahan. Niyakap nila tayo at sinamahan tayo sa pagsamba.” Isa pang babae ang nagsabi na tumanggap din siya ng katulad na paghahayag. Si Billy mismo ay napanaginipan na may ilang puting lalaki na pumasok sa kanyang kapilya at nagsabing, “Kami ay mga kapatid mo, at narito kami upang binyagan ka.” Pagkatapos, napanaginipan niya na dumarating ang mga Itim na tao mula sa malalayong lugar upang sumapi sa Simbahan.

Gayunpaman, hindi maialis ni Billy ang panghihina ng kanyang loob.

Gumagabi na, subalit hindi siya makatulog. Isang malakas na pahiwatig ang nag-udyok sa kanyang makinig sa British Broadcasting Corporation (BBC) sa radyo—isang bagay na ilang taon na niyang hindi ginagawa.

Natagpuan niya ang radyo, isang kayumangging model na may apat na pilak na pihitan malapit sa ilalim. Umingay ang radyo nang binuksan niya ito. Pinihit-pihit niya ang mga pihitan, at nagpabalik-balik ang pulang pointer sa kabuuan ng dial. Pero hindi niya mahanap ang brodkast.

Makalipas ang isang oras ng paghahanap, sa wakas ay nakarinig na si Billy ng balita mula sa BBC. Inanunsiyo ng mamahayag na ang pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tumanggap ng isang paghahayag. Lahat ng karapat-dapat na lalaki sa Simbahan, anuman ang lahi, ay maaari nang magtaglay ng priesthood.

Napaupo si Billy, umiyak nang dahil sa kagalakan. Sa wakas ay darating na ang awtoridad ng priesthood sa Ghana.


Gaya ng karamihan sa mga Banal, si Ardeth Kapp, ikalawang tagapayo sa pangkalahatang panguluhan ng Young Women, ay nagdiwang nang narinig niya na lahat ng karapat-dapat na lalaki ay maaari nang tumanggap ng priesthood. “Isa pang bagong paghahayag, at napakaganda nito,” naisip niya. “Tunay na pinagpala kami, lubhang nagpapasalamat para sa propetang ginagabayan kami sa mga huling araw na ito.”

Ang anunsyo ng paghahayag ukol sa priesthood ay dumating agad matapos ang pangkalahatang pangulo ng Young Women na si Ruth Funk ay ipinaalam kay Ardeth na ire-release sila nang marangal. Ginulat ng balita ang lahat. Karamihan sa mga naunang panguluhan ay naglingkod nang hindi bababa sa isang dekada. Ang kanyang panguluhan ay matatapos makalipas lamang ang lima at kalahating taon.

Nagyon ay nahihirapan si Ardeth na unawain ang itinakdang panahon ng Panginoon. Nagbigay sa kanya ng bagong layunin ang paglilingkod sa young women. Ngayong matatapos na ang paghirang niya, ano ang inilaan ng hinaharap para sa kanya?

“Sa edad na apatnapu’t pito, naniniwala akong hindi pa tapos ang lahat—lalo na sa panahong mas handa ako kaysa noon para mas makaunawa at makita ang buong pangyayari,” isinulat niya sa kanyang journal. Alam niyang marami pa siyang maiaambag. “Gayunpaman,” isinulat niya, “sa ngayon ay wala akong nakikitang pagkakataon para gumawa ng malaking kaibhan.”

Partikular na mahirap ang release dahil napakarami pang nais gawin ng panguluhan ng Young Women. Ang mga pagbabago sa organisasyon ng Simbahan ay nagpabagal sa mga unang taon ng kanilang paglilingkod. Naging nakakalitong gamitin ang Aaronic Priesthood MIA, at nalilito ang mga tao kung paano naisasama ang mga young women sa programa. Matapos ang pagpanaw ni Pangulong Harold B. Lee, itinigil ng Unang Panguluhan ang paggamit ng pangalang “Mutual Improvement Association” at nag-organisa ng dalawang magkahiwalay na organisasyon para sa mga kabataan, ang Young Women at Aaronic Priesthood.

Kahit matapos maipatupad ang mga pagbabagong ito, patuloy na hindi nakatitiyak sina Ardeth at ibang mga lider ng Young Women tungkol sa papel ng young women sa istruktura ng Simbahan. Noong una, lumikha ang mga pagbabago ng mga daluyan ng komunikasyon na hindi nagpapahintulot sa pangkalahatang panguluhan na magturo o direktang makipag-ugnayan sa mga lokal na lider ng Young Women. Sa halip, kailangan pa nilang ipadaan ang mga mensahe sa mga lokal na lider ng priesthood. Bagama’t bumuti na ang komunikasyon sa mga lokal na lider, halos wala pa ring ugnayan ang pangkalahatang pangulo ng Young Women sa Unang Panguluhan o Korum ng Labindalawa dahil ang karamihan ng pakikipag-ugnayan sa kanila ay ginagawa sa pamamagitan ng isang miyembro ng Pitumpu na nagsisilbing tagapamagitan.

Ginawa ng panguluhan ng Young Women ang lahat ng kaya nila upang magpatuloy. Noong umpisa pa lang ng panguluhan niya ay nagpasya si Pangulong Funk na bumuo ng programa upang tulungan ang mga young women na linangin ang kanilang espirituwalidad, makamit ang kanilang mga personal na mithiin, at igalang ang kanilang mga tungkulin bilang asawa at ina, na pinaniniwalaan niyang inaatake sa popular na media.

Nagsimula ang bagong programa noong taong 1977. Tinatawag na “My Personal Progress [Ang Aking Pansariling Pag-unlad],” hinihikayat nito ang mga young women na palawigin ang kanilang kagalingan sa anim na aspekto: espirituwal na kamalayan, paglilingkod at pakikiramay, sining sa gawaing-bahay, libangan at ang kalikasan, sining at edukasyon, at wastong personal at panlipunang kaugalian. Hinikayat din nito ang mga young women na gumamit ng journal, isang bagay na hinikayat ni Pangulong Kimball na gawin ng lahat ng mga Banal. Noong taon ding iyon, inilathala ni Ardeth ang bantog na aklat, ang Miracles in Pinafores and Bluejeans [Mga Himala sa Pinafores at Maong na Asul], na naglahad ng mga kuwento mula sa sarili niyang buhay at mga buhay ng mga bayaning young women, noong nakaraan at sa kasalukuyan.

Noong huling bahagi ng Hunyo 1978, sina Ardeth at iba pang mga lider ng Simbahan ay nasa Nauvoo, Illinois, para sa paglalaan ng Monument to Women Memorial Garden. Ang halamanang 0.8 ektarya ang laki ay nagtatampok ng labindalawang bantayog ng mga babae sa iba-ibang yugto ng buhay na may pagbibigay-diin sa pagiging ina. Kasama ng brodkast sa satellite ng mga pangkalahatang kababaihan na gaganapin kalaunan sa taong iyon—isang bagong bagay sa Simbahan—idinisensyo ang bantayog upang pahalagahan ang kababaihan sa plano ng ebanghelyo, bigyang-diin ang kanilang mga ambag bilang mga asawa at ina, at gunitain ang pagkakatatag ng Relief Society noong 1842. Maulan noong araw ng paglalaan, subalit dalawang libo limang daang babae ang naging saksi ng seremonya mula sa ilalim ng isang malaking tolda.

Ilang linggo makalipas ang paglalaan, marangal na ini-release ng Unang Panguluhan ang pangkalahatang pangulughan ng Young Women. Ngayon ay mas maganda na ang pakiramdam ni Ardeth tungkol dito. “Sa puntong ito ng panahon,” isinulat niya, “Mas positibo ang pananaw ko, mas tapat, mas malakas ang loob, at mas nagpapasalamat kaysa kaya kong sambitin.”

Hindi nagtagal ay hinirang si Ardeth ng kanyang bishop na maglingkod bilang tagapayo sa unang taon ng Laurel ng kayang ward. Nasasabik siyang gamitin ang kanyang kailan lang na karanasan sa pangkalahatang panguluhan upang magturo at maglinang sa mga labing-anim na taong dalagita. Sa kanyang journal, isinulat niya, “Tunay akong naniniwala na sa tulong ng Panginoon, magagawa kong abutin ang bawat isa.”


Noong ika-29 ng Setyembre 1978, nagsalita si Pangulong Kimball sa Lunsod ng Salt Lake sa isang seminar para sa mga panrehiyong kinatawan ng Simbahan. “Mayroon tayong obligasyon, isang tungkulin, isang banal na tungkulin” sabi niya, “na ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha.”

Ang Simbahan ngayon ay mayroon nang higit sa apat na milyong miyembro, at nadaragdagan ito nang higit sa isang daang libong bagong miyembro bawat taon. Subalit ang mga tao sa lahat ng dako ay nangangailangan pa rin sa ebanghelyo. Nakadama siya ng matinding pangangailangan na maabot sila. “Halos kaunti pa lamang ang natatapos natin sa gawain,” ang wika niya.

Mahigit dalawampu’t anim na libong misyonero ang naglilingkod na ngayon nang full-time sa buong mundo, higit pa sa kayang turuan sa mga umiiral na pasilidad. Upang ihanda ang napakalaking grupong ito, kailan lamang ay itinayo ng mga lider ng Simbahan ang Missionary Training Center sa Provo, Utah, kung saan ang mga bagong misyonero ay pupunta roon sa loob ng apat hanggang walong linggo upang pag-aralan ang isa sa dalawampu’t limang wika, kabilang na ang sign language para sa mga bingi.

Patuloy na nagbubukas ang mga bagong lugar kung saan maaaring maglingkod ang mga misyonero. Sa panghihikayat ni Pangulong Kimball, si David Kennedy, ang personal na kinatawan ng Unang Panguluhan, ay tinulungan kailan lamang ang Simbahan na opisyal na makilala sa Portugal at Poland. Ngayon ay nagsasagawa siya ng parehong gawain sa India, Sri Lanka, Pakistan, Hungary, Romania, at Greece. Subalit napakarami pang kailangang gawin.

Sa mensahe ni Pangulong Kimball sa harap ng mga kinatawan ng rehiyon, tinukoy niya ang mga mananampalataya sa Ghana at Nigeria. “Napakatagal na nilang naghihintay,” sabi niya. “Kaya ba nating hilingin sa kanilang maghintay pa?” Sa palagay niya ay hindi na dapat. “Paano naman ang Libya, Ethiopia, Ivory Coast, at Sudan, at iba pa?” tanong niya. “Ito ang mga pangalang dapat maging pamilyar sa atin gaya ng kung paano naging pamilyar sa atin ang Japan, Venezuela, New Zealand, at Denmark.”

Ang Tsina, Unyong Sobyet, at marami pang ibang bansa ay kailangan din ang ipinanumbalik na ebanghelyo, ngunit hindi pa nila opisyal na kinikilala ang Simbahan at walang mga lokal na kongregasyon. “Mayroong halos tatlong bilyong tao sa mundo ang nakatira sa mga bansa kung saan ang ebanghelyo ay hindi ipinapangaral ngayon,” sabi niya. “Kung magagawa lamang natin ang bawat maliliit na simula sa bawat bansa, hindi magtatagal ang mga mabibinyagan sa lahat ng bansa, at lahi, at wika, at tao ay magagawang maging mga liwanag sa kanilang mga tao at sa gayon ang ebanghelyo ay maipapangaral sa lahat ng mga bansa bago ang pagbabalik ng Panginoon.”

Nais niyang manalangin at maghanda ang mga Banal. Naisip niyang mananatili ang mga hadlang sa paglago ng Simbahan hangga’t hindi handa ang mga Banal na daigin ang mga ito. Kailangan ng Simbahan ang mga miyembro nito, bata at matanda, na matuto ng mga wika at maglingkod sa mga misyon. “Ang tanging magtatagal na kapayapaan ay ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo,” sinabi niya sa mga kinatawan ng rehiyon. “Kailangan nating ihatid ito sa lahat ng tao sa lahat ng dako.”

Kinabukasan, siksikan ang Salt Lake Tabernacle para sa pangkalahatang kumperensya. Sa kahilingan ni Pangulong Kimball, ang kanyang tagapayong si N. Eldon Tanner ay lumapit sa pulpito at binasa ang mensahe ng Unang Panguluhan na nag-aanunsiyo na lahat ng karapat-dapat na lalaki ay maaaring taglayin ang priesthood, anuman ang lahi.

“Kinikilala si Spencer W. Kimball bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag,” sinabi niya, “ at pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, iminumungkahi na tayo bilang isang manghahalal na kapulungan ay tanggapin ang paghahayag na ito bilang salita at kalooban ng Panginoon.”

Hiniling niya sa lahat ng sang-ayon na itaas ang kanilang kanang kamay, at napakaraming kamay ang nagsipagtaas. Tinanong niya kung may sinumang tutol dito. Wala ni isang kamay ang itinaas.

Hindi nagtagal matapos ang kumperensya, naupo si Pangulong Kimball sa dulo ng isang mahabang mesa sa isang silid-pulungan ng Church Administration Building. Kasama niya ang kanyang mga tagapayo, ilang general authority, at dalawang mas matandang mag-asawa, sina Edwin at Janath Cannon at sina Rendell at Rachel Mabey. Ang mga Cannon at ang mga Mabey ay kabibigay lamang ng kanilang pagsang-ayon na maglingkod bilang mga unang misyonero sa West Africa, bagama’t nangangahulugan ito na si Janath ay ire-release bilang unang tagapayo sa pangkalahatang panguluhan ng Relief Society.

Tinalakay ng grupo ang mga tungkulin ng mga misyonero at ang mga hamong maaari nilang harapin habang nakikipag-ugnayan sila sa mga mananampalataya sa Ghana at Nigeria. Nang matapos ang pulong, makalipas ang apatnapung minuto, nagpasalamat si Pangulong Kimball sa mga mag-asawa para sa kanilang katapatan.

“May iba pa bang mga tanong?” sinabi niya.

Tumingin si Elder Mabey sa ibang mga misyonero. “Isa lamang para sa ngayon,” sabi niya. “Kailan ninyo kami nais umalis?”

Ngumiti si Pangulong Kimball.

“Kahapon.”


Si Rudá Martins ang unang miyembro ng kanyang pamilya na nakaalam tungkol sa paghahayag sa priesthood. Nang lumabas ang balita, sira ang mga linya ng telepono sa Rio de Janeiro, kung kaya isang kaibigan ng pamilya ang naglakbay sakay ng bus sa loob ng apatnapung minuto upang magsabi sa kanya. Kumatok ang dalaga sa pintuan, nagsasabi na mayroon siyang dalang balita.

“Nabalitaan kong tumanggap ng pahayag ang Simbahan,” sabi niya, binabanggit kay Rudá na lahat ng karapat-dapat na lalaki ay maaari na ngayong taglayin ang priesthood.

Nasa trabaho si Helvécio, kung kaya kailangang maghintay ni Rudá bago masabi rito. “May balita ako, napakagandang balita!” sinabi niya noong nakauwi na ito sa wakas. “Helvécio, magagawa mo nang taglayin ang priesthood.”

Natigilan si Helvécio. Hindi siya makapaniwala. Pagkatapos ay tumunog ang telepono at sinagot niya ito. Nasa kabilang linya ay isang kasama sa Lunsod ng Salt Lake.

“Nasa mga kamay ko ang opisyal na anunsyo,” sabi ng kasama, “at babasahin ko ito sa iyo.”

Matapos ibaba ni Helvécio ang telepono, umiyak sila ni Rudá habang nag-aalay sila ng panalangin ng pasasalamat sa kanilang Ama sa Langit. Ilang buwan na lamang bago ang paglalaan sa São Paulo Temple. At ngayon ay matatanggap na nila ang kanilang endowment at mabubuklod kasama ang kanilang apat na anak.

Makalipas ang dalawang linggo, tinanggap nina Helvécio at Marcus ang Aaronic Priesthood. Isang linggo pagkaraan noon, inorden si Helvécio bilang isang elder, at agad niyang iginawad ang Melchizedek Priesthood kay Marcus. Nakatakdang magpakasal si Marcus sa isang dating misyonero, si Mirian Abelin Barbosa, at nagpadala na sila ng mga imbitasyon sa kasal. Subalit nagpasya silang itigil muna ang kasal upang makapaglingkod sa misyon si Marcus.

Noong unang bahagi ng Nobyembre 1978, dumalo ang mga Martins sa paglalaan ng templo. Nakaupo si Rudá kasama ang koro malapit kay Pangulong Kimball at iba pang mga general authority na nagpunta para sa seremonya. Nakaupo si Helvécio sa kongregasyon kasama ang mga anak nila. Binigyan ng pahintulot na dumalo sa paglalalan ang mga misyonero mula sa apat na mission ng Brazil, kung kaya si Marcus, na ngayon ay isa nang full-time missionary sa São Paulo North Mission, ay nakadalo na rin.

Pagkalipas ng ilang araw, noong ika-6 ng Nobyembre, tinanggap nina Rudá, Helvécio, at Marcus ang kanilang endowment. Pagkatapos ay sinamahan sila papasok sa isang silid-bukluran, kung saan nagsilbing saksi si Marcus nang ibinuklod sina Rudá at Helvécio para sa ngayon at sa walang-hanggan. Pinapasok naman ang tatlong mas bata nilang anak, nakasuot lahat ng puti.

“Inay,” tanong ng tatlong taong gulang na anak na babae ng mag-asawa, “ano po ang gagawin namin dito?”

“Luluhod tayo sa mesang ito,” sabi ni Rudá, tinutukoy ang altar, “at pag-iisahin tayo bilang isang pamilya.”

Pagkatapos ay sinabi ng batang babae, “Masaya po ako na tunay na magiging anak po ninyo ako.”

“Ikaw ay anak ko na,” pagtitiyak ni Rudá sa kanya.

Nagpunta sa kanilang mga puwesto sa paligid ng altar ang pamilya, at isinagawa ng tagapagbuklod ang seremonya. Sa mga anak, tanging si Marcus lamang ang nasa tamang edad na maunawaan nang lubusan ang kahalagahan ng pangyayaring iyon. Subalit bawat isa sa mga bata ay tila nadarama ang pagkamangha at kagalakan sa silid. Para kina Rudá at Helvécio, napakagandang pagmasdan ng kanilang pamilya na magkakasama sa templo. Napuspos sila ng matinding kaligayahan.

“Sila ay akin na ngayon,” naisip ni Rudá. “Tunay na akin na sila.”


Matapos ang kanyang binyag, madalas maglakbay si Katherine Warren papunta sa lunsod ng Baton Rouge, Louisiana, humigit-kumulang 130 kilometro sa hilagang kanluran ng kanyang tahanan sa New Orleans, upang mag-aral ng Biblia kasama ang kanyang mga kaanak. Marami sa kanila ang kailan lamang nagsimulang magsimba sa isang simbahang Pentecostal sa lugar. Magdadala si Katherine ng mga kabatiran mula sa ipinanumbalik na ebanghelyo sa kanyang pag-aaral, subalit maingat siyang huwag pagurin ang mga kaanak niya sa kanyang pagkamasigasig sa Simbahan. “Ayoko pong malula kayo sa sobrang dami ng impormasyon nang minsanan,” sinabi niya sa kanila.

Subalit noong nalaman niya ang tungkol sa paghahayag sa priesthood, halos hindi mapigilan ni Katherine ang sarili na ibahagi ang balita sa iba. Tinawagan ni Katherine ang kanyang pamangking si Betty Baunchand tungkol sa balita. Nag-aaral ang pamilya ni Betty ng Biblia kasama niya, subalit kaunti lamang ang alam niya tungkol sa Simbahan at hindi nauunawaan ang kahalagahan ng paghahayag.

Subalit nauunawaan ito ng bishop ni Katherine. Kaagad siyang tinawagan nito. “Sister Katherine,” sabi nito, “batid mo ba kung ano ang nangyayari ngayon?”

“Opo,” sagot niya.

Halos hindi malaman ng bishop kung ano ang sasabihin. “Mabuti kang tao,” sa wakas ay sinabi nito. “Iniisip kong gawin kang isang misyonero.”

Isang buwan matapos ang anunsiyo, si Freda Beaulieu, ang isa pang Itim na babae sa New Orleans Ward, ay naglakbay nang higit sa1,600 kilometro sa pinakamalapit na templo, sa Washington, DC, kung saan tinanggap niya ang kanyang endowment at nabuklod sa pamamagitan ng proxy sa kanyang namayapa nang asawa.

Bagamat matatanggap na niya ngayon ang mga pagpapala sa templo at marami pang iba sa unang pagkakataon, hindi agad nagpunta sa templo si Katherine. Subalit nagpasalamat siya sa kanyang Ama sa Langit.

Isang araw, si Severia, ang asawa ni Betty Baunchand, ay nakita ang isang katrabahong nagbabasa ng Aklat ni Mormon. Dahil nakausap na nito noon si Katherine tungkol sa Simbahan, nagsimulang makipag-usap si Severia sa kanya, at tinanong nito si Severia kung nais niyang makipag-usap sa mga misyonero. “OK,” sabi ni Severia, “hayaan mo silang pumunta.”

Noong gabing iyon ay bumisita ang mga elder at itinuro ang una sa pitong aralin mula sa The Uniform System for Teaching Families [Ang Pamantayang Sistema sa Pagtuturo sa mga Pamilya], ang pinakabagong serye ng Simbahan tungkol sa mga talakayang misyonero. Inilathala noong 1973, mababasa ang mga lesson sa dalawampung wika, kabilang na ang wikang Ingles, at nagsimula sa pambungad sa Unang Pangitan, Aklat ni Mormon, at ang panunumbalik ng priesthood.

Nasiyahan ang pamilya sa talakayan at nagtakda ng isa pang pakikipagkita sa mga misyonero. Sina Betty at Severia ay kapwa sabik na matuto pa, at inanyayahan nila ang ibang miyembro ng pamilya na dumalo sa mga talakayan. Hindi nagtagal, napupuno ang tahanan ng mga Baunchand tuwing naroroon ang mga misyonero.

Noong isang pagtatapos ng linggo nang bumisita si Katherine sa pamilya, narinig niya si Betty na may kausap sa telepono. “Hindi,” sabi ni Betty, “sa susunod na lang kami pupunta. Ang tiyahin ko ay narito mula sa New Orleans.”

“Sino siya?” tanong ni Katherine.

“Mga elder po mula sa Simbahan ng mga Banal sa Huling Araw.” Inaanyayahan nila ang pamilya na dumalo sa mga pulong sa araw ng Linggo.

“Sabihin mo sa kanilang pupunta tayo.”

Kung kaya noong Linggong iyon, ang lahat ng miyembro ng pamilya ay dumalo sa mga pulong sa Baker, Louisiana. At noong mga sumunod na lesson kasama ang mga misyonero, nangako ang lahat na susundin ang Word of Wisom at batas ng kalinisang-puri, magbabayad ng ikapu, tatanggapin si Jesucristo bilang kanilang Tagapagligtas at Manunubos, at magtitiis hanggang sa wakas.

Mga dalawang linggo matapos ang kanilang unang pagpunta sa simbahan, tinawagan ng mga Baunchand si Katherine. “Alam po ba ninyo?” sabi nila. “Bibinyagan na kami, at nais namin kayong pumunta sa aming binyag!”

Noong araw ng binyag, siksikan ang meetinghouse. Isang daan at sampung miyembro ng Simbahan ang sumalubong kina Betty at Severia at labing-isang iba pang mga kaanak ni Katherine. Ang bulwagan ng kultura at lugar ng bautismuhan ay ginagawa pa, kung kaya maginaw noong buong seremonya. Subalit makapangyarihan ang Espiritu, at iniitan nito ang lahat sa silid.

Umiyak si Katherine habang binabalot niya ng mga tuyong tuwalya ang kanyang mga bagong binyag na kaanak. “Ito ang panahong hinihintay ko at ipinanalangin nang matagal na panahon,” sinabi niya pagkatapos. Mahal niya ang Simbahan, at nais niyang ang mga miyembrong Itim gaya niya at pamilya niya ay tumanggap ng lahat ng mga pagpapalang mayroon ito.

Batid niyang nakatuon ang mga mata ng Tagapagligtas sa mga Banal.


Noong ika-18 ng Nobyembre 1978, seryosong nilapitan ni Anthony Obinna ang tatlong Amerikano—isang babae at dalawang lalaki—na naghihintay sa kanya sa meetinghouse ng kanyang kongregasyon sa timog silangang Nigeria. Nagpunta agad si Anthony oras na nalaman niya ang kanilang pagdating. Mahigit isang dekada na niya silang hinihintay.

Ang mga Amerikano ay sina Elder Rendell Mabey, Sister Rachel Mabey, at Elder Edwin Cannon. Tinanong nila, “Ikaw ba si Anthony Obinna?”

“Opo,” sagot ni Anthony, at pumasok na sila sa meetinghouse. Ang gusali ay humigit-kumulang na siyam na metro ang haba. Ang mga titik na “LDS” ay nakasabit sa pader sa itaas ng pinturan, at ang mga salitang “Missionary Home” sa itaas naman ng isa pang pinto. Sa ilalim lamang ng bubungan ay may nagpintura ng mga salitang “Nigerian Latter Day Saints.”

“Napakatagal ng paghihintay at pagtitiis namin,” sabi ni Anthony sa mga bisita, “ngunit hindi na iyon mahalaga ngayon. Narito na kayo sa wakas.”

“Isang mahabang paghihintay, oo,” sabi ni Elder Cannon, “ngunit ang kabuuan ng ebanghelyo ay tunay na narito na ngayon.”

Hiniling ng mga misyonero kay Anthony na ibahagi niya ang kanyang kuwento, kung kaya sinabi niya na siya ay apatnapu’t walong taong gulang at katuwang na punong-guro sa kalapit na paaralan. Ginunita niya na noong ilang taon na ang nakararaan ay napanaginipan niya ang Salt Lake Temple at pagkatapos ay bigla niyang nakita ito sa isang lumang magasin. Ni hindi pa niya narinig ang tungkol sa Simbahan noon. “Ngunit naroroong nasisilayan ng mga mata ko,” sabi ni Anthony, ang boses niya ang gumagaralgal dahil sa emosyon, “ay ang mismong gusaling dinalaw ko sa aking panaginip.”

Sinabi niya sa mga misyonero ang tungkol sa kanyang masusing pag-aaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, ang kanyang pakikipagsulatan kay LaMar Williams, at ang kanyang kalungkutan sa patuloy na kawalan ng presensya ng Simbahan sa Nigeria. Subalit nagbigay rin siya ng patotoo ng kanyang pananampalataya, maging ang kanyang pagpigil sa sarili na mawalan ng pag-asa, kahit na noong siya at kanyang mga kapwa mananampalataya ay humaharap sa pag-uusig dahil sa kanilang katapataan sa katotohanan.

Nang matapos si Anthony sa kanyang kuwento, hiniling ni Elder Mabey na pribado itong makipag-usap sa kanya. Pumasok sila sa katabing silid, at tinanong ni Elder Mabey kung may mga batas ba sa Nigeria na magbabawal sa binyag dahil hindi pa legal na nakarehistro ang Simbahan. Sinabi ni Anthony na wala naman.

“Mabuti,” sabi ni Elder Mabey, “natutuwa akong marinig iyan. Kailangan naming magsagawa ng maraming paglalakbay sa loob ng mga susunod na linggo upang bisitahan ang mga grupong gaya ng sa iyo.” Sinabi niya na maaaring umabot ng lima hanggang anim na linggo ang pagbisita sa mga grupong ito at pagkatapos ay makakabalik ang mga misyonero upang binyagan si Anthony at kanyang grupo.

“Hindi, pakiusap po,” sabi ni Anthony. “Alam ko po na marami pang iba, subalit labintatlong taon na kaming naghihintay.” Tumingin siya sa mga mata ni Elder Mabey. “Kung maaari pong gawin,” sabi ni Anthony, “isagawa na po natin ang mga pagbibinyag ngayon.”

“Tunay bang handa na ang karamihan sa mga tao mo?” tanong ni Elder Mabey.

“Opo, siyang tunay, opo!” sagot ni Anthony. “Binyagan po natin ngayon ang mga may pinakamalakas na pananampalataya at turuan pa ang iba.”

Makalipas ang tatlong araw, nakipagkita si Anthony kay Elder Mabey upang talakayin kung paano pamunuan ang isang branch ng Simbahan. Sa labas, umaawit ang mga maliliit pang bata ng isang bagong awitin na natutuhan nila mula sa mga misyonero:

Ako ay anak ng Diyos,

Dito’y isinilang;

Handog sa ’kin ay tahana’t

Mabuting magulang.

Hindi nagtagal, si Anthony, ang mga misyonero, at ang iba pang mga mananampalataya ay nagtipon sa pampang ng isang liblib na lawa ng Ilog Ekeonumiri. Ang lawa ay halos siyam na metro ang lapad, na may makakapal na palumpong at mga puno sa paligid. Sumisilip ang maliwanag na sinag ng araw sa mga puno at umiindak ito sa ibabaw ng tubig, habang ang maliliit, makukulay na isda naman ay mabilis na lumalangoy nang pabalik-balik malapit sa pampang.

Lumusong si Elder Mabey sa ilog at hinawakan ang kamay ni Anthony. Ngumiti si Anthony at sumunod itong lumusong sa tubig. Matapos tiyaking maayos ang pagkakatayo niya, mahigpit na hinawakan ni Anthony ang pulso ni Elder Mabey, at itinaas ng misyonero ang kanang kamay nito.

“Anthony Uzodimma Obinna,” sabi nito, “bilang naatasan ni Jesucristo, binibinyagan kita sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.”

Nadama ni Anthony na binalot siya ng tubig nang inilubog siya ni Elder Mabey. At nang umahon siya sa tubig, sama-samang bumugtong-hininga ang grupong nagtipon sa pampang—na sinundan ng masayang pagtawa.

Nang mabinyagan ang asawa ni Anthony na si Fidelia, at maging ang labimpito pang mga tao, bumalik ang grupo sa kanilang meetinghouse. Sina Anthony at tatlo sa mga kapatid niyang lalaki—sina Francis, Raymond, at Aloysius—ay inorden sa katungkulan ng priest sa Aaronic Priesthood. Itinalaga ni Elder Mabey si Anthony bilang pangulo ng Aboh Branch, kung saan sina Francis at Raymond ay kanyang mga tagapayo.

Pagkatapos, sa awtoridad ng priesthood na taglay niya, itinalaga ni Anthony si Fidelia bilang pangulo ng Relief Society ng branch.

  1. Acquah at Acquah, Oral History Interview [2018], 16; E. Dale LeBaron, “Steadfast African Pioneer,” Ensign, Dis. 1999, 49.

  2. Acquah at Acquah, Oral History Interview [2018], 16; Joseph Johnson, Oral History Interview [1988], 22–23, 43–45. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “lumapit siya sa akin at sinabing hindi magtatagal ay darating ang mga misyonero, sinabi niyang nakita niya ang mga puting lalaking nagtungo sa aming simbahan, na niyakap nila kami at sumama sa amin sa pagsamba.”

  3. E. Dale LeBaron, “Steadfast African Pioneer,” Ensign, Dis. 1999, 49; Joseph Johnson, Oral History Interview [1988], 22–23; Kissi, Walking in the Sand, 28.

  4. Johnson, Radio, makikita ang mga imahe sa CHL; Joseph Johnson, Oral History Interview [1988], 43; E. Dale LeBaron, “Steadfast African Pioneer,” Ensign, Dis. 1999, 49; Kissi, Walking in the Sand, 27–28; “Race and the Priesthood,” Gospel Topics Essays, ChurchofJesusChrist.org/study/manual/gospel-topics-essays. Paksa: Ghana

  5. Kapp, Journal, June 9 and 12, 1978; “LDS Soon to Repudiate a Portion of Their Pearl of Great Price?,” Salt Lake Tribune, Hulyo 23, 1978, A16; Spencer W. Kimball, Journal, June 11, 1978; Public Communications Department, General Authority Advisers Minutes, June 21, 1978; “Priesthood News Evokes Joy,” Church News, Hunyo 17, 1978, 3–5; William Bangerter to Spencer W. Kimball, June 12, 1978, Spencer W. Kimball, Headquarters Correspondence and Subject Files, CHL; Kennedy, Journal, June 9, 1978. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal ay “lubos na nagpapasalamat, lubos na nagpapasalamat.”

  6. Pulsipher, Ruth Hardy Funk, 174–75; Kapp, Journal, May 17, 1978; First Presidency to Ruth Funk, June 19, 1978, First Presidency, General Correspondence, CHL.

  7. Kapp, Journal, June 18, 1978. Paksa: Ardeth G. Kapp

  8. Pulsipher, Ruth Hardy Funk, 174–76; Kapp, Oral History Interview, 91–96; Smith, Oral History Interview, 184–85.

  9. Kapp, Oral History Interview, 96; J M. Heslop, “Priesthood to Direct Youth of the Church,” Church News, Hunyo 29, 1974, 3; Romney, Journal, Apr. 25–26, 1974; May 30–31, 1974; June 6 and 23, 1974; Spencer W. Kimball, Journal, June 23, 1974; Kapp, Journal, June 5, 1974.

  10. Kapp, Journal, Feb. 15, 1975; Nov. 22, 1975; Feb. 3, 1976; Apr. 8, 1976; June 13, 16, 19, and 25, 1976; Oct. 9, 1976; Nov. 27, 1976; Dec. 26, 1976; Jan. 23, 1977; Feb. 21, 1977; Dec. 26, 1977; Kapp, Oral History Interview, 91–92, 98–99, 106, 129, 154–55; Smith, Oral History Interview, 185–87; Funk, Interview, [4]; Pulsipher, Ruth Hardy Funk, 163.

  11. Kapp, Oral History Interview, 128–29, 144–47; “Behold Thy Handmaiden,” Church News, Hunyo 22, 1974, 8–9; “Love in Homes Stressed at June Conference Close,” Deseret News, Hunyo 25, 1973, A7; “Excerpts from Talks Given at the 1973 Priesthood MIA June Conference,” New Era, Nob. 1973, 9; “Young Women Possess Great Potential for Good,” Church News, Hulyo 5, 1975, 4.

  12. Kapp, Journal, Jan. 3, 1977; Mar. 30, 1977; Mar. 7, 1978; Young Women, General Board Minutes, Apr. 13, 1977, and Jan. 11, 1978; My Personal Progress, 4–11; Kapp, Oral History Interview, 146; Spencer W. Kimball, “The Angels May Quote from It,” New Era, Okt. 1975, 4–5; Spencer W. Kimball, “We Need a Listening Ear,” Ensign, Nob. 1979, 5.

  13. Ardeth Greene Kapp, Miracles in Pinafores and Bluejeans (Salt Lake City: Deseret Book, 1977); Kapp, Journal, Mar. 30, 1977; Apr. 3, 1977; July 29, 1977; Kapp, Oral History Interview, 180–82. Paksa: Mga Organisasyon ng Young Women

  14. Kapp, Journal, June 28, 1978; Black, “Monument to Women Memorial Garden,” 189–211; Diane Cole, “LDS President Stresses Special Role of Women,” Salt Lake Tribune, Set. 17, 1978, B1; First Presidency to Stake Presidents and others, Apr. 30, 1976, First Presidency, Circular Letters, CHL; Gerry Avant, “Nauvoo Park Honors Women,” Church News, Hulyo 8, 1978, 3.

  15. First Presidency to Dean Larsen, June 21, 1978; Dean Larsen to First Presidency, June 27, 1978, First Presidency, General Correspondence, CHL; Kapp, Journal, July 12 and Aug. 1, 1978; Kapp, Oral History Interview, 110.

  16. Kapp, Journal, July 16, 1978.

  17. Kimball, “Uttermost Parts of the Earth,” 4–5; Hunter, Journal, Sept. 29, 1978; “Statistical Report 1976,” Ensign, Mayo 1977, 18; “Statistical Report 1977,” Ensign, Mayo 1978, 17.

  18. Spencer W. Kimball, “Hold Fast to the Iron Rod,” Ensign, Nob. 1978, 4; “Mission Training Shifts to Provo,” Church News, Set. 9, 1978, 10; Golden Buchmiller, “Church Growth Measured for 5-Year Period,” Church News, Ene. 6, 1979, 5; “Missionary Training Center Statistics,” 1–6; Cowan, Every Man Shall Hear, 1:57, 105; “Sign Language in Spanish,” Church News, Hulyo 8, 1978; Missionary Department, Annual Report, 1977, 38, First Presidency, General Correspondence, CHL.

  19. Missionary Department, Annual Report, 1977, 38, First Presidency, General Correspondence, CHL; Kennedy, Journal, May 24, 1976; Feb. 1, 1977; May 30, 1977; Nov. 9, 1977; Dec. 23, 1977; Kimball, “Uttermost Parts of the Earth,” 8; Gene R. Cook to John Hardy, May 14, 1974; First Presidency to David Kennedy, May 24, 1974; David Kennedy, Report, sa Francis Gibbons to Ezra Taft Benson, Sept. 16, 1974, First Presidency, General Correspondence, CHL. Mga Paksa: Paglago ng Simbahan; Globalisasyon; Hungary; India; Poland; Portugal; Romania

  20. Kimball, “Uttermost Parts of the Earth,” 3–11. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; ang “the Ivory Coast” at “the Sudan” sa orihinal ay pinalitan ng “Ivory Coast” at “Sudan.”

  21. N. Eldon Tanner, “Revelation on Priesthood Accepted, Church Officers Sustained,” Ensign, Nob. 1978, 16; Faust, Journal, Sept. 30, 1978. Paksa: Pangkalahatang Pagsang-ayon

  22. Cannon at Cannon, Together, 161–62; Romney, Journal, Oct. 3, 1978; Kennedy, Journal, Oct. 3, 1978; Mabey at Allred, Brother to Brother, 17–18.

  23. Martins, Martins, at Martins, Oral History Interview, 20–21.

  24. Martins, Autobiography of Elder Helvécio Martins, 69–70; Marcus Martins to Jed Woodworth, Email, Aug. 3, 2022, ang kopya ay nasa pag-aari ng mga patnugot; Martins, Martins, at Martins, Oral History Interview, 21–22, 39, 43. Paksa: Pagbubuklod

  25. Martins, Autobiography of Elder Helvécio Martins, 70, 72–73; Martins, Martins, at Martins, Oral History Interview, 23–26, 30, 32–33; Martins, “Thirty Years after the ‘Long-Promised Day,’” 80; Golden A. Buchmiller, “3 Black Members Called on Missions,” Church News, Set. 16, 1978, 5.

  26. Cardall, “Glimpses of Prophets,” 42; Dell Van Orden, “Sao Paulo Temple Dedicated,” Church News, Nob. 4, 1978, 3; Martins, Martins, at Martins, Oral History Interview, 38; Martins, Journal, Nov. 2, 1978; Martins, Autobiography of Elder Helvécio Martins, 73. Paksa: Brazil

  27. Martins, Autobiography of Elder Helvécio Martins, 78–79; Martins, Martins, at Martins, Oral History Interview, 43–44; Martins, Oral History Interview, 23–24; Martins, Journal, Nov. 6, 1978.

  28. Warren, Oral History Interview, 7; Baunchand, Oral History Interview, 2–4. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal ay “She said she didn’t want to pile too much on us at once.”

  29. Warren, Oral History Interview, 14–15; Baunchand, Oral History Interview, 3.

  30. Beaulieu, Address, Jan. 16, 1982, 5; “Beaulieu, Freda Lucretia Magee,” Biographical Entry, Century of Black Mormons website, exhibits.lib.utah.edu/s/century-of-black-mormons.

  31. Warren, Oral History Interview, 9, 15.

  32. Baunchand, Oral History Interview, 4; Baunchand and Baunchand, Oral History Interview, [00:33:00]–[00:34:10]; Warren, Oral History Interview, 7.

  33. Uniform System for Teaching Families, C1–C39.

  34. Baunchand, Oral History Interview, 4; Roger W. Carpenter, “13 of Convert’s Relatives Join Church,” Church News, Peb. 17, 1979, 13.

  35. Warren, Oral History Interview, 7; Baunchand, Oral History Interview, 4; Uniform System for Teaching Families, H1, I1, J1.

  36. Roger W. Carpenter, “13 of Convert’s Relatives Join Church,” Church News, Peb. 17, 1979, 13; Baker Ward, Manuscript History and Historical Reports, Jan. 21, 1979.

  37. Warren, Oral History Interview, 7.

  38. Mabey at Allred, Brother to Brother, 29–34; Mabey, Journal, Nov. 18, 1978.

  39. Anthony Obinna, Oral History Interview, 8; Mabey, Journal, Nov. 18, 1978; Rendell Mabey, Footage of Mission to Nigeria, Nov. 1978, [00:01:45]–[00:01:51], [00:04:40], Rendell N. Mabey, Africa Mission Movies Collection, CHL. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal ay “They asked me whether I am Anthony Obinna.”

  40. Mabey at Allred, Brother to Brother, 34–36; Mabey, Journal, Nov. 18, 1978.

  41. Mabey at Allred, Brother to Brother, 36–37; Mabey, Journal, Nov. 18, 1978.

  42. Mabey at Allred, Brother to Brother, 42–43; Mabey, Journal, Nov. 21, 1978; Cannon and Cannon, Together, 171.

  43. Mabey at Allred, Brother to Brother, 46–47; Mabey, Journal, Nov. 21, 1978; Cannon at Cannon, Together, 171.

  44. Mabey, Journal, Nov. 21, 1978; Mabey at Allred, Brother to Brother, 50; Imo State District, Aboh Branch Baptisms and Confirmations, Nov. 21, 1978, International Mission Files, CHL.