Kabanata 17
Hindi Maaaring Talikuran
Noong umaga ng ika-10 ng Oktubre 1975, maraming makintab na antigong kotse ang maingay na umaandar sa kampus ng Brigham Young University, na siyang hudyat ng simula ng parada para sa Founders Day. Ilang libong guro, mag-aaral, at mga nagtapos, na kumakatawan sa maraming kolehiyo at samahan sa loob ng unibersidad, ay mabilis na nagmamartsa sa likod ng mga kotse. Sa malayo, sa bulubundukin sa bandang silangan ng kampus, isang higanteng hugis “Y” na yari sa mga batong pininturahan ng puti ang nangingintab sa sikat ng araw.
Ipinagdiriwang ng BYU ang pagkakatatag nito tuwing taglagas, ngunit ngayon ay ang ika-isandaang taong anibersaryo ng unibersidad. Upang gunitain ang okasyon, sina Pangulong Spencer W. Kimball at kanyang asawang si Camilla ay sumakay sa nangungunang kotse, isang pulang 1906 Cadillac. Upang mapanatili ang paggunita sa nakaraan ng parada, nagsuot si Pangulong Kimball ng isang makalumang sumbrerong derby at striped na amerikana. Samantala, si Sister Kimball ay hawak ang isang itim na payong na yari sa enkahe.
Bagama’t ginugunita ng kanyang mga damit ang nakaraan, nakatutok si Pangulong Kimball sa mangyayari sa hinaharap. Ngayong mabilis na nagiging pandaigdigang organisasyon ang Simbahan, tila hindi na tamang magbigay ng mga programa at serbisyo sa ilang Banal at hindi sa iba. Sa katunayan ay napahinto na ng mga lider ang mga patimpalak sa isports sa buong Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake. At noong 1974, inanunsyo ng Unang Panguluhan na bibitawan na ng Simbahan ang labinlimang ospital sa kanlurang Estados Unidos na pinangangasiwaan nito. Pagkatapos, noong sumunod na taon, inanunsyo ni Pangulong Kimball na lahat ng mga taunang kumperensya ng mga pangkalahatang organisasyon—ang MIA, Sunday School, Primary, at Relief Society—ay ititigil na dahil nagaganap ang mga ito sa Lunsod ng Salt Lake at karaniwang mga Banal na nasa Utah at sa paligid lamang nito ang nakikinabang sa mga ito.
“Sa paglawak ng mga distansya at lubhang pagdami ng ating mga miyembro,” ipinaliwanag niya, “tila panahon na upang magsagawa ng isa pang mahabang hakbang sa ating desentralisasyon.”
Ang pagiging prominente ng mga bagong pangkalahatang kumperensya sa area ay patunay ng katapatan ng Simbahan sa mga miyembro nito sa buong mundo. Noong 1975 pa lamang, pinanguluhan ni Pangulong Kimball ang malalaking kumperensya sa Brazil, Argentina, Japan, Pilipinas, Taiwan, Hong Kong, at South Korea. At ngayon ay hinihirang ng Simbahan ang mas maraming misyonero kaysa sa noon. Noong kanyang mga paglalakbay bilang apostol, nagbigay ng mga pilak na dolyar si Pangulong Kimball sa mga batang nakilala niya, hinihiling sa kanilang magsimulang mag-ipon para sa kanilang paglilingkod bilang misyonero. Ngayon, bilang pangulo ng Simbahan, hiniling niya sa bawat binata na magmisyon at hinikayat ang mga Banal sa bawat bansa na maghirang ng kanilang sariling hukbo ng mga misyonero.
Habang nasa Japan, nag-anunsiyo siya ng mga plano na magtayo ng templo sa Tokyo, ang una sa Asya. Kamakailan lamang, sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre, hinirang niya ang mga lalaki upang maglingkod sa isang bagong korum ng priesthood, ang Unang Korum ng Pitumpu. Ayon sa Doktrina at mga Tipan, ang Korum ng Labindalawang Apostol ay “[tatawagin] ang Pitumpu, kung kinakailangan nila ang tulong.” Susuportahan ng mga miyembro ng bagong korum ang Labindalawa, mangungulo sa mga lokal na kumperensya, at mag-oorganisa ng mga bagong stake sa buong mundo. Bagama’t iilang lalaki pa lamang ang hinirang sa bagong korum, maaaring magkaroon ito ng hanggang pitumpung miyembro.
Ang anibersaryo ng BYU ang nagtulak din kay Pangulong Kimball na isipin ang kinabukasan ng unibersidad. May humigit-kumulang na dalawampu’t-limang libong mag-aaral, ang BYU ang pinakamalaki sa apat na institusyon ng Simbahan para sa mas mataas na edukasyon, kabilang na rito ang Ricks College sa Idaho, ang BYU–Hawaii sa Oahu, at ang LDS Business College sa Lunsod ng Salt Lake. Iyon din ang pinakamalaking pribadong unibersidad sa Estados Unidos. Ang mga mag-aaral doon, at sa lahat ng mga paaralan ng Simbahan, ay sumusunod sa isang alituntunin ng karangalan na nag-aatas ng mataas na pamantayan ng moralidad, katapatan, at pagkadisente.
Noong 1971, si Dallin Oaks, isang bata pang Banal sa Huling Araw na propesor ng batas mula sa University of Chicago, ay pinalitan ang pangulo ng BYU na si Ernest Wilkinson. Sa ilalim ng pamununo ni Pangulong Oaks, nakapagbigay ang unibersidad ng mas maraming oportunidad sa mga babaeng guro at mag-aaral, itinatag ang J. Reuben Clark Law School, at pinalawak pa ang ibang programang akademiko.
Subalit kamakailan lamang, sumailalim sa kritisismo ang unibersidad dahil ilan sa mga alituntunin ng karangalan nito ay tila lumalabag sa mga bagong pederal na batas tungkol sa pantay na pagkakataong magkaroon ng trabaho. Nag-aalala sina Pangulong Oaks at lupon ng mga trustee sa mga pamamalakad, napansin na maaari nitong pilitin ang BYU na alisin ang mga gayong bagay tulad ng magkahiwalay na dormitoryo para sa mga babae at lalaki. Tapat sila sa alituntunin ng pantay na oportunidad sa edukasyon at pagkakaroon ng trabaho. Subalit tutol sila sa anumang batas na pinipilit ang unibersidad na ilagay sa alanganin ang kalayaan sa relihiyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga patakaran na maaaring isawalang-bahala ang mga paniniwala at gawain ng Simbahan.
Sa ngayon, hindi pa rin nabibigyan ng solusyon ang isyu. Subalit si Pangulong Kimball, bilang pangulo ng lupon ng mga trustee ng BYU, ay mapilit na dapat itaguyod ang mga pamantayan ng Simbahan. Naniniwala siyang ang dedikasyon ng BYU kapwa sa sekyular at espiritwal na pagkatuto ay susi sa tagumpay nito sa hinaharap, kahit na ang pamamaraang iyon ay ihihiwalay ang unibersidad sa iba pa.
Matapos ang parada ng Founders Day, nagsalita si Pangulong Kimball sa harap ng malaking pulutong ng manonood ukol sa kanyang naisin para sa ikalawang siglo ng BYU. “Katulad ng ibang mga unibersidad, ang unibersidad na ito ay umaasa at nagsisikap na higit pang palawakin ang iba’t ibang larangan ng karunungan,” ipinahayag niya, “subalit alam natin na sa pamamagitan ng proseso ng paghahayag ay ‘maraming dakila at mahalagang bagay’ na maibibigay sa sangkatauhan na magkakaroon ng intelektuwal at espiritwal na epekto nang higit sa maaaring maisip ng karaniwang tao.”
Hinikayat niya ang ilang estudyante na maging mas “bilingual” o maalam kapwa sa mga bagay na sekular at espiritwal sa kanilang mga pag-aaral. “Bilang mga iskolar na LDS, dapat kayong magsalita nang may awtoridad at kahusayan sa inyong mga kasama sa trabaho sa wika ng iskolarship,” sabi niya, “at kailangan din ninyong maging bihasa sa wika ng mga espiritwal na bagay.”
Hinikayat niya ang unibersidad na yakapin ang kinabukasan nang may pananampalataya, pagsunod sa tagubilin ng Panginoon, nang taludtod sa taludtod. Nagpatotoo siya na lalago pa ang unibersidad. “Nauunawaan natin,” sabi niya, “na ang edukasyon ay bahagi ng gawain ng ating Ama at ang mga banal na kasulatan ay dalubhasa sa mga konsepto ng sangkatauhan.”
“Inaasahan natin—hindi lamang natin inaasam—na ang Brigham Young University ay isa sa mga mangunguna sa mga mahuhusay na unibersidad sa mundo,” patuloy niya. “Sa inaasam na iyon, idaragdag ko: Maging kakaibang unibersidad sa buong mundo!”
Sa panahong ito, ang mga kinatawan mula sa isang simbahang Protestante sa Estados Unidos ay nagtungo sa Cape Coast, Ghana upang hanapin si Billy Johnson. Narinig nilang nakagawa ng mga kamangha-manghang himala si Billy, at umaasa silang hikayatin siya at kanyang mga tagasunod na sumapi sa kanilang simbahan. Humigit-kumulang apat na libong mga taga-Ghana sa apatnapu’t-isang kongregasyon ang kinikilala ang kanilang sarili bilang mga Banal sa mga Huling Araw. Pinangangasiwaan ni Billy ang lima sa mga kongregasyon. Kailangan ng mga kinatawan ng taong mangangalaga sa kanilang mga kongregasyon sa Ghana, at natanto nilang si Billy ang tamang tao upang mamuno rito.
Pumayag si Billy at mga tagasunod niya na sumamba kasama ng mga bisita sa isang sentrong pangkomunidad sa lunsod. Binigyan sila ng mga Amerikano ng mga sabon at mga pampaganda bilang pagbati. “Kayong mababait na tao marahil ay aming mga kapatid,” sabi nila, “at dapat na magkasama-sama tayo.” Hinikayat nila si Billy at ang iba pang tigilan na ang paghihintay sa mga misyonero. “Hindi sila darating.”
Hinikayat ng isa sa mga bisita si Billy na sumapi sa kanila at maging lider ng kanilang Simbahan. “Babayaran ka namin,” sabi niya. “Babayaran namin ang mga ministro mo.” Inalok din nilang tutulungan si Billy na mabisita ang Estados Unidos at nangakong bibigyan ang kanyang kongregasyon ng mga instrumentong musikal at bagong gusaling pagsisimbahan.
Noong gabing iyon, inanyayahan ni Billy ang kanyang mga bisita na tumuloy sa kanyang tahanan habang pinagninilayan ang kanilang alok. Dahil sa pagiging dukha niya, seryoso niyang pinag-iisipan ang mungkahi. Ngunit ayaw niyang pagtaksilan ang Diyos o ang kanyang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Mag-isa sa kanyang silid, umiyak si Billy. “Panginoon, ano po ang gagawin po?” dalangin niya. “Napakatagal ko pong naghintay at hindi dumating ang mga kapatid ko sa pananampalataya.”
“Johnson, huwag mong lituhin ang sarili mo o mga kasama mo,” sabi sa kanya ng isang tinig. “Manatiling tapat sa Simbahan at hindi magtatagal ay darating ang mga kapatid at tutulungan ka.”
Natapos si Billy sa kanyang panalangin at nilisan ang kanyang kuwarto. Hindi nagtagal, isa sa mga bisita ang lumabas mula sa isa pang silid. “Johnson,” sabi ng lalaki, “hindi ka pa natutulog?”
“Iniisip ko kung paano aayusin ang mga bagay na ito,” pag-amin ni Billy.
“Brother Johnson,” sabi ng lalaki, “nais kong lumapit at katukin ang iyong pintuan upang sabihin sa iyong organisado na ang iyong simbahan. Hindi kita dapat lituhin.” Sinabi niyang inilahad sa kanya ng Panginoon ang katotohanang ito sa kanya. “Dapat akong maging kapatid lamang sa iyo,” sabi niya. “Ipagpatuloy mo ang iyong simbahan.”
“Nangusap rin sa akin ang Panginoon,” sabi ni Billy. “Ito ang simbahan ng Panginoon. Hindi ko maaaring ibigay ang simbahan kaninuman.”
Kalaunan ay nagpunta ang mga kinatawan ng iba pang mga simbahang Amerikano na may parehong mga alok. Tinanggihan ni Billy ang lahat ng mga ito. Hindi nagtagal, nalaman ng mga lalaking lider mula sa kanyang sariling kongregasyon na tinatanggihan niya ang salapi at mga regalo mula sa mga Amerikano. Galit na galit, nilusob ng mga lider ang tahanan niya. “Nagpunta ang mga taong ito upang tumulong,” sabi ng isa sa kanila. “Babayaran nila tayo.”
“Hindi ko ipagbibili ang simbahan,” sabi ni Billy. “Kung aabutin man ako ng dalawampung taon, hihintayin ko ang Panginoon.”
“Wala kang salapi,” sabi ng isang lalaki. “Nais nila tayong bayaran.”
“Hindi,” sabi ni Billy, “hindi.”
Tila handa ang mga lalaking gulpihin siya, subalit ayaw niyang baguhin ang kanyang isip. Sa wakas, hindi na sila namimilit, at habang paalis sila, isa-isa silang niyakap ni Billy. Bumunghalit ng iyak ang huling lalaki nang niyakap siya ni Billy.
“Paumanhin at nasasaktan kita,” sabi ng lalaki. “Mangyaring hilingin mo sa Diyos na patawarin ako sa mga kasalanan ko.”
Umiyak si Billy kasama niya. “Ama,” dalangin niya, “patawarin mo po siya.”
Noong Agosto 1976, sa ibang bahagi ng West Africa, nagpadala ng liham si Anthony Obinna kay Pangulong Kimball. “Nais naming ibaling ninyo ang inyong pansin sa Nigeria,” isinulat niya, “at ilaan ang lupain sa mga turo ng tunay na ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo.”
Dalawang taon na ang lumipas mula nang huling tumanggap ng balita si Anthony sa kanyang kausap sa missionary department, si LaMar Williams. Samantala, si Lorry Rytting, isang propesor na Banal sa mga Huling Araw mula sa Estados Unidos, ay gumugol ng isang taon sa pagtuturo sa isang unibersidad sa Nigeria. Nakipagkita si Anthony at ibang mananampalataya kay Lorry, at umasa silang ang pagbisita nito ay magbubunga ng mas direktang ugnayan sa punong-tanggapan ng Simbahan—at marahil ang simula ng isang mission. Bumalik si Lorry sa Utah at nagbigay sa Simbahan ng magandang ulat sa pagiging handa ng Nigeria para sa ebanghelyo, subalit wala pang nangyayari mula rito.
Tutol si Anthony na sumuko. “Ang mga turo ng iyong simbahan ay taglay ang mga napakagagandang bagay na hindi matatagpuan sa iba,” isinulat niya kay Pangulong Kimball. “Ipinag-uutos ng Diyos na mailigtas ang lahat, at nawa’y mapabilis ninyo ang gawain.”
Hindi nagtagal ay tumanggap si Anthony ng tugon mula kay Grant Bangerter, ang pangulo ng International Mission ng Simbahan, isang espesyal na mission na nangangasiwa sa mga lugar kung saan nakatira ang mga miyembro ng Simbahan ngunit hindi opisyal na kinikilala roon ang Simbahan. Sinabi ni Pangulong Bangerter kay Anthony na nauunawaan niya ang sitwasyon subalit wala pa sa planong organisahin ang Simbahan sa Nigeria.
“Hinihikayat namin kayo nang may pagmamahal ng isang kapatid na isabuhay ang inyong pananampalataya sa abot ng inyong makakaya hanggang balang araw ay magiging posibile sa Simbahan na magsagawa ng mas maraming direktang pagkilos,” isinulat niya.
Noong panahong ito, nalaman ni Anthony at ng kanyang asawang si Fidelia na ang kanilang mga anak ay ginugulo at pinapahiya sa paaralan dahil sa kanilang paniniwalang panrelihiyon. Ikinuwento ng kanilang walong taong gulang na anak na babae kung paano pagsabihan silang magkakapatid ng kanilang mga guro sa harap ng lahat ng mag-aaral sa oras ng panalangin sa paaralan, pilit na paluluhurin na nakataas ang mga kamay, at papaluin ng patpat ang kanilang mga kamay.
Matapos malaman nina Anthony at Fidelia ang nangyayari, nagtungo sila sa paaralan at kinausap ang mga guro. “Bakit ninyo ginagawa ang mga ganoong bagay?” tanong nila. “Mayroon tayong kalayaang sumamba sa Nigeria.”
Tumigil ang mga pamamalo, subalit ang pamilya at kanilang mga kapwa mananampalataya ay patuloy na dumaranas ng pagsasalungat mula sa kanilang komunidad. “Ang hindi pagbisita ng sinumang awtoridad mula sa Lunsod ng Salt Lake ay ginagawa kaming katawa-tawa sa ilang tao rito,” isinulat ni Anthony kay Pangulong Bangerter noong Oktubre 1976. “Ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya para magpatunay ng katotohanan sa napakaraming anak ng Ating Ama sa Langit sa bahaging ito ng mundo.”
Naghintay si Anthony ng sagot, ngunit walang dumating. Hindi ba nakarating sa Lunsod ng Salt Lake ang kanyang liham? Hindi niya alam, kung kaya muli siyang nagliham.
“Hindi kami magsasawang lumiham at hilingin na buksan ang Simbahan dito gaya ng nagawa ninyo sa buong mundo,” ipinahayag niya. “Kami sa aming grupo ay masigasig na sumusunod sa mga turo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Hindi namin ito maaaring talikuran.”
Nang unang nalaman ni Katherine Warren ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, nagtatrabaho siya bilang katuwang ng nars sa tahanan ng isang babae sa hilagang-silangang Estados Unidos. Isang araw ay sinagot niya ang katok sa pintuan at nakita ang dalawang misyonerong Banal sa mga Huling Araw doon.
“Natutulog ang ginang ng tahanan,” sinabi sa kanila ni Katherine.
“Pakisabi pong dumaan ang mga elder ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi nila, sabay abot ng polyetong taglay ang patotoo ng propetang si Joseph Smith. Kinuha ito ni Katherine, at umalis na ang mga misyonero.
Napahanga si Katherine sa mga binata. Ngunit nang malaman ng kanyang amo ang tungkol sa kanila, kinuha nito ang polyeto mula sa kamay ni Katherine at itinapon ito sa basurahan.
Nanatili ang kuryosidad ni Katherine, kaya kinuha niyang muli ang polyeto. Habang binabasa niya ang tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon kalaunan noong araw na iyon, pinaniwalaan niya ang lahat.
Hindi nagtagal ay sinabi ni Katherine sa isang kaibigang babae ang tungkol sa polyeto. “Sa palagay ko ay mayroon ako nitong Aklat ni Mormon,” sabi ng kaibigan niya sa kanya, “at puwede kong ibigay sa iyo ito.”
Nagtiwala si Katherine na ginagabayan siya ng Panginoon na hanapin ang isang mahalagang bagay. Sa sandaling sinimulan niyang basahin ang Aklat ni Mormon, alam niyang ito ang nais ng Panginoon na matagpuan niya. Nang ilan sa mga itinuro nito tungkol sa pagpapabinyag ay taliwas sa natutuhan niya sa kanyang paglaki, nakarinig siya ng tinig na nagsabi sa kanyang huwag itong isantabi. “Paniwalaan ang lahat ng bagay,” sabi ng tinig.
Hindi nagtagal pagkatapos noon, lumipat si Katherine sa New Orleans, isang lunsod sa katimugang bahagi ng estado ng Louisiana, , at nagpakasal. Sabik na magsamba kasama ang mga Banal sa mga Huling Araw, hinanap niya ang Simbahan sa direktoryo ng telepono at dumalo sa lokal na ward. Naging maganda ang pakiramdam niya sa simbahan, at nagsimula siyang dumalo nang palagian. Subalit bilang babaeng Itim, iba ang turing sa kanya. Ilang tao ang tila asiwa na naroroon siya at tumututol pang makipag-usap sa kanya. Kalaunan ay may nakilala siya sa ward na babaeng Itim na may edad na, si Freda Beaulieu. Bagama’t mahal ni Freda ang ebanghelyo at naging miyembro ng Simbahan mula noong pagkabata niya, hindi siya palagiang dumadalo sa ward.
Ilang taon ang lumipas, at nais ni Katherine na sumapi sa Simbahan, ngunit hindi niya alam kung paano. Lumiham siya kay Pangulong Kimball tungkol sa naisin niya, at ipinadala nito ang liham sa mga lider ng Simbahan sa Louisiana. Dalawang lalaking misyonero, na naglilingkod sa ilalim ng mission president na si LaMar Williams, ay agad na nagtungo sa kanyang tahanan.
Itinuro ng mga elder kay Katherine ang pamantayang talakayan sa mga misyonero, at hindi nagtagal ay handa na siya para binyagan. Ngunit noong panahong iyon, upang maiwasan ang pagkakaroon ng suliranin sa mga pagsasama ng mga mag-asawa, nagpatupad ang Simbahan ng patakaran na hindi maaaring binyagan ang babae nang walang pahintulot ng kanyang asawa. At tutol ang asawa ni Katherine na ibigay ang pagsang-ayon nito.
“Sister Warren, ito ay iyong simbahan. Maaari kang patuloy na pumunta rito,” sinabi ng mga elder sa kanya nang ipinaalam niya sa kanila ang masamang balita. “Maaaring limampung taon ang dumaan bago ka mabinyagan, ngunit maaari kang patuloy na pumunta sa simbahan.”
Kung kaya patuloy na nagpupunta si Katherine sa simbahan. Nang isang bagong grupo ng mga lalaking misyonero ang nagpunta sa lugar, nagsimula silang turuan siyang muli, subalit alam niya ang lahat ng sagot sa kanilang mga tanong. “Nagtungo kami upang turuan ka,” sabi nila sa kanya, “subalit ikaw po ang nagtuturo sa amin.”
Umaasa pa ring mabinyagan, muling hiningi ni Katherine ang pahintulot ng kanyang asawa. Sa pagkakataong ito ay nagbigay siya ng papel na isinulat ng mga misyonero para lagdaan nito. “Kung ito ang nais mo, pipirmahan ko ito,” sinabi nito sa kanya.
Ngunit noong naglakbay si Pangulong Williams papuntang New Orleans upang kapanayamin si Katherine para sa binyag, hindi pumayag ang asawa ni Katherine para makausap niya ito. Nawawalan ng pag-asa, muntik nang sumuko si Katherine. Batid niyang ginabayan siya ng Espiritu sa Simbahan, subalit naging sunud-sunod na problema ang pagsapi rito. Sulit nga ba ang lahat na ito?
Nagpasya siyang mag-ayuno, at habang ginagawa niya ito, nagkaroon siya ng pangitain. Isang lalaking nakasuot ng kulay abong amerikana ang nagpunta sa kanyang tahanan. Akala niya noong una ay misyonero ito, ngunit agad niyang natukoy na isa itong anghel. Nagningning ang mukha nito, at wala itong salitang binanggit sa kanya. Hinawakan lamang nito ang kanyang kamay. Nahiwatigan dinsiya na anyayahan ang mga misyonero at si Pangulong Williams sa kanyang tahanan. Hindi nila kailangang alalahanin ang pagtutol ng asawa niya.
Nagpunta si Pangulong Williams sa New Orleans at kinapanayam si Katherine. Bininyagan siya noong Araw ng Pasko taong 1976.
Noong panahong tinanggap ni Katherine Warren ang ipinanumbalik na ebanghelyo, ang pangulo ng Saigon Branch na si Nguyen Van The ay ikinulong sa Thành Ông Năm, isang nakakasulasok na kutang Vietnamese na ginawang piitan. Desperado siyang makakuha ng balita tungkol sa kanyang asawa at mga anak, subalit ipinagbawal ng mga opisyal ng kampo na tumanggap siya ng balita mula sa labas ng piitan. Nalalaman lamang niya kung nasaan ang kanyang pamilya mula sa isang telegrama galing sa pangulo ng Hong Kong Mission: “Maayos ang kalagayan ni Lien at pamilya. Kasama ng Simbahan.”
Natanggap ni The ang telegrama bago siya pumasok ng kampo. Sa pagsisikap na maibalik ang kaayusan matapos sakupin ang Saigon, inatasan ng pamahalaan ng Hilagang Vietnam ang lahat ng dating kasapi ng hukbo ng Timog Vietnam na sumailalim sa kurso ng “muling pag-aaral” ng mga alituntunin at gawi ng bagong pamahalaan. Dahil naglingkod si The bilang junior na opisyal at guro ng wikang Ingles para sa Timog Vietnam, bantulot niyang isinuko ang sarili, inaasahang tatagal ng hindi bababa sa sampung araw ang proseso ng muling pagtuturo. Ngayong mahigit isang taon na ang nakakalipas, iniisip niya kung kailan siya muling magiging malaya.
Ang buhay sa Thành Ông Năm ay nakakawalan ng dignidad. Inilagay sina The at mga kapwa niya bihag sa mga yunit at pinatira sa mga kuwartel na pinepeste ng mga daga. Natutulog sila mismo sa sahig hanggang pinagawan sila ng mga dumakip sa kanila ng mga kamang yari sa bakal. Ang kakaunti at panis na pagkain, pati na ang marumi at mabahong kundisyon sa kampo, ay naglantad sa mga kalalakihan sa mga sakit na gaya ng dysentery at beriberi.
Kabilang sa muling pagtuturo ang lubhang nakakapagod na gawain at pulitikal na indoktrinasyon. Kapag hindi nagpuputol ng puno o nagsasaka upang may makain ang kampo, pinipilit ang mga lalaki na kabisaduhin ang propaganda at aminin ang kasalanan nila laban sa Hilagang Vietnam. Sinumang lumabag sa mga batas ng kampo ay makakaasang brutal na mabugbog o mabartolina sa isang piitang tila bakal na basurahan.
Nabuhay si The sa pag-iwas na mapansin at mahigpit na pagkapit sa kanyang pananampalataya. Pinilit niyang sundin ang mga alituntunin sa kampo at pribadong isinabuhay ang kanyang relihiyon. Nag-aayuno siya tuwing Linggo ng ayuno, sa kabila ng pagiging kulang sa sustansya, at tahimik na sinasambit ang mga banal na kasulatan ayon sa pagkakatanda niya upang palakasin ang kanyang pananampalataya. Nang isang kapwa Kristyano sa kampo ang nagbigay sa kanya ng itinakas na Bibliya, binasa niya ang buong aklat ng dalawang beses sa loob ng tatlong buwan, pinahahalagahan ang pagkakataong muling mabasa ang salita ng Diyos.
Inasam ni The na maging malaya. Sa loob ng ilang panahon, pinagnilayan niyang tumakas mula sa kampo. Natitiyak niyang magagamit niya ang natutuhan niya sa militar upang takasan ang mga tutugis sa kanya, subalit habang nanalangin siya na matulungan sa pagtakas, nadama niyang pinipigilan siya ng Panginoon. “Maging matiyaga,” bulong ng Espiritu. “Magiging maayos ang lahat sa takdang panahon ng Panginoon.”
Makalipas ang ilang panahon, nalaman ni The na ang kanyang Ate Ba ay pahihintulutang dalawin siya sa kampo. Kung maipapapuslit lamang niya kay Ba ang isang liham para madala ito sa kanyang pamilya, maipapadala nito kay Pangulong Wheat sa Hong Kong, at maipapadala nito ito kina Lien at sa mga bata.
Noong araw ng pagbisita ni Ba, naghintay si The sa pila habang kinakapkap ng mga guwardiya ang buong katawan ng mga presong nauna sa kanya. Natitiyak na ipapatapon siya ng mga guwardiya sa bartolina kapag nahanap nila ang liham niya para kay Lien, itinago niya ang mensahe sa likod ng telang nakapalibot sa loob ng sumbrero niya. Pagkatapos ay naglagay siya ng maliit na kuwaderno at bolpen sa sumbrero at inilapag niya ang mga ito sa lupa. Kung papalarin, kayang agawin ng kuwaderno ang pansin ng mga guwardiya para hindi na nila halughugin ang ibang bahagi pa ng sumbrero.
Nang siya na ang kakapkapan, sinikap ni The na maging kalmado. Subalit habang sinusuri siya ng mga guwardiya, nagsimula siyang manginig. Naisip niya ang pagkakakulong na naghihintay kapag natuklasan ng mga dumakip sa kanya ang liham. Lumipas ang ilang sandali na puno ng tensyon, at ibinaling ng mga guwardiya ang pansin nila sa kanyang sumbrero. Siniyasat nila ang kanyang bolpen at kuwaderno, ngunit nang wala silang nakitang kakaiba, nawalan sila ng interes kay The at hinayaan siyang dumaan.
Hindi nagtagal, nakita ni The na papalapit na ang kanyang kapatid na babae, kung kaya patago niyang inalis ang liham sa kanyang sumbrero at inilapat ito sa kamay ng kapatid niya. Umiiyak siya habang binibigyan siya ni Ba ng kaunting pagkain at salapi. Sila ng asawa nito ay may tindahan ng gulay at prutas, at kaunti lamang ang maaari nilang ibigay kay The. Nagpasalamat si The sa lahat na kanyang maibibigay. Nang maghiwalay sila, nagtiwala siyang maibibigay nito ang liham niya para kay Lien.
Makalipas ang anim na buwan, bumalik si Ba sa kampo dala ang isang liham. Sa loob ay isang litrato nina Lien at ng mga anak nila. Lumuha ang mga mata ni The habang nakamasid sa kanilang mga mukha. Malalaki na ang mga anak niya. Natanto niyang hindi na niya kaya pang maghintay.
Kailangan niyang makahanp ng paraan palabas ng kampo papunta sa mga bisig ng pamilya niya.