Mensahe ng Unang Panguluhan
Kapatid, Desidido Na Ako
Nakatayo ang dalawang magkapatid na lalaki sa ibabaw ng maliit na talampas kung saan tanaw ang dalisay na tubig ng bughaw na lawa. Popular itong talunan ng mga lumalangoy, at madalas pag-usapan ng magkapatid ang pagtalon dito—isang bagay na nakita nilang ginagawa ng iba.
Kahit pareho nilang gustong tumalon, walang gustong magpauna sa kanila. Hindi naman gaanong matarik ang talampas, ngunit para sa magkapatid, parang naragdagan ang taas nito tuwing dudukwang sila—at agad silang pinanghihinaan ng loob.
Sa wakas, ipinuwesto ng isa sa kanila ang kanyang paa sa gilid ng talampas at walang takot na bumuwelo. Sa sandaling iyon bumulong ang kanyang kapatid, “Mabuti pa siguro sa susunod na tag-init na lang.”
Gayunman, nakabuwelo na ang kapatid niya at hindi na mapigilang tumalon. “Kapatid,” sabi niya, “desidido na ‘ko!”
Bumagsak siya sa tubig at mabilis na pumaibabaw at tuwang-tuwang sumigaw. Agad sumunod ang kanyang kapatid. Maya-maya, pinagtatawanan na nila ang huling salita ng unang kapatid bago ito tumalon sa tubig, “Kapatid, desidido na ako.”
Ang pagiging desidido ay parang pagtalon sa tubig. Kung tatalon ka nga o hindi. Kung susulong ka o mananatiling nakatigil. Hindi maaaring tumigil sa gitna. Lahat tayo ay gagawa ng desisyong magpapabago sa buhay natin. Bilang mga miyembro ng Simbahan, dapat nating itanong sa ating sarili, “Tatalon ba ako o tatayo lang sa gilid? Lulusong ba ako o papakiramdam ko lang sa mga daliri ng paa ko ang temperatura ng tubig?”
May ilang kasalanang nagagawa dahil may ginagawa tayong mali; may ibang mga kasalanang nagagawa dahil wala tayong ginagawa. Ang hindi lubos na pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay humahantong sa kabiguan, kalungkutan, at panunurot ng budhi. Hindi ito dapat mangyari sa atin dahil tayo ay pinagtipanang mga tao. Nakipagtipan tayo sa Panginoon nang binyagan tayo at nang pumasok tayo sa bahay ng Panginoon. Ang mga lalaki ay nakikipagtipan sa Panginoon kapag inoorden sila sa priesthood. Wala nang mas mahalaga pa kaysa pagtupad sa tapat na pangakong ginawa natin sa Panginoon. Alalahanin natin ang tugon nina Raquel at Lea kay Jacob sa Lumang Tipan. Ito ay simple at tuwiran at nagpapakita ng kanilang tapat na pangako: “Gawin mo ang lahat ng sinabi sa iyo ng Dios” (Genesis 31:16).
Yaong hindi gaanong tapat sa pangako ay hindi rin lubusang nagkakaroon ng patotoo, kagalakan, at kapayapaan. Ang mga dungawan ng langit ay maaaring bahagya lamang na nakabukas sa kanila. Hindi ba kahangalang isipin na, “Nangangako akong sumunod nang 50 porsiyento ngayon, pero sa Ikalawang Pagparito ni Cristo, 100 porsiyento ko nang tutuparin ang pangako ko”?
Ang katapatan sa ating mga tipan sa Panginoon ay bunga ng ating pagbabalik-loob. Ang katapatan sa ating Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan ay humuhubog sa ating pagkatao at nagpapatatag sa ating espiritu para kapag nakaharap natin si Cristo, yayakapin Niya tayo at sasabihing, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin” (Mateo 25:21).
May kaibhan sa pagitan ng balak at pagkilos. Yaong mga balak lang tumupad ay maaaring magdahilan sa tuwina. Yaong talagang tapat sa pangako ay matapang na hinaharap ang kanilang mga hamon at sinasabi sa kanilang sarili: “Oo, napakagandang dahilan niyan para magpaliban, pero nakipagtipan ako, kaya gagawin ko ang ipinangako kong gawin.” Sinasaliksik nila ang mga banal na kasulatan at taimtim na hinahangad ang patnubay ng kanilang Ama sa Langit. Tinatanggap at ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin sa Simbahan. Dumadalo sila sa kanilang mga pulong. Ginagawa nila ang kanilang home o visiting teaching.
Sabi sa isang sawikaing Aleman, “Ang mga pangako ay parang kabilugan ng buwan. Kung hindi kaagad tutuparin, unti-unti itong naglalaho.” Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tapat tayong nangako na mamumuhay na isang disipulo. Tapat tayong nangako na susundan ang halimbawa ng ating Tagapagligtas. Wariin kung gaano mabibiyayaan at mapapabuti ang mundo kapag lahat ng miyembro ng Simbahan ng Panginoon ay mamumuhay ayon sa tunay nilang potensyal—lubos na nabago sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa at tapat sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Kahit paano, bawat isa sa atin ay magpapasiya habang nakatanaw sa tubig. Dalangin ko na tayo ay sumampalataya, sumulong, matapang na harapin ang ating takot at pag-aalinlangan, at sabihin sa ating sarili, “Desidido na ako!”