2014
Kilalanin ang mga Banal na Italiano
Hunyo 2014


Kilalanin ang mga Banal na Italiano

Kung sakaling bumisita kayo sa Italy, maaari kayong magkaroon ng pagkakataong dumalo sa isang sacrament meeting na kasama ang mga Banal na Italiano. Ang bansa ay may mga isandaang ward at branch. Sa Genoa, sa paglalakad ninyo papuntang simbahan maaari ninyong maraanan ang nakalilitong mga kalye sa gitna ng lungsod, paglagpas ng Piazza De Ferrari, hanggang sa ikalawang palapag ng gusali ng isang tanggapan. Hindi kayo mahihirapang makakita ng isang pagpupulong sa Rome, kung saan may mga chapel ang Simbahan sa tatlong magkakaibang bahagi ng lungsod. Kung mapapagawi kayo malapit sa L’Aquila, pupunta kayo sa magandang bagong chapel sa Via Avezzano, dahil winasak ng lindol ang lumang chapel noong 2009.

Alinmang branch o ward ang bisitahin ninyo, kapag naupo kayo sa chapel at kumanta ng pambungad na himno na kasama ang mga Banal na Italiano, madarama ninyo ang kanilang pananampalataya. Ang mga miyembrong ito ay nakatira sa isang lugar kung saan kakaunti ang mga Mormon, isang bansang naimpluwensyahan nang malaki ng mga tradisyon ng ibang relihiyon. Sa 25,000 miyembro sa Italy ngayon, mahigit kalahati ang nabinyagan simula noong 1986—kaya ang taong katabi ninyo sa upuan ay malamang na isang convert. Kung tatanungin ninyo ang taong iyon kung bakit siya sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, maaari ninyong marinig ang isang kuwentong kagaya ng isa sa mga sumusunod. Mga karanasan at patotoo ito ng tatlong tapat na miyembrong Italiano.

Paola Fava ng Genoa

Paola Fava

Si Paola Fava ay 10 taon nang miyembro ng Simbahan. Ang bahay niya ay nasa Genoa, isang magandang lungsod na daungan sa hilagang-kanlurang baybayin ng Italy na bantog sa pagiging lugar ng kapanganakan ni Christopher Columbus at ng isang tradisyonal na pagkaing Italiano na tinatawag na pesto. Pumanaw ang kanyang asawa noong 2009. May maliit siyang aso, si Bak, at lagi siyang abala sa paglilingkod sa Simbahan at paggawa ng family history. Narito ang kuwento ng kanyang pagsapi.

Ilang taon na ang nakararaan, nakilala ko ang isang babaeng nagtatrabaho sa London branch ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ko. Napakahusay niya sa kanyang trabaho at isa siyang mabait na kaibigan. Hindi ko alam na Mormon siya. Maraming taon kaming nagsulatan, at tuwing sasabihin niya na marami siyang ginagawa para sa kanyang simbahan, hindi ko naunawaan kailanman noon kung anong klaseng trabaho iyon. Pagkatapos isang araw ay sumulat siya na gumagawa siya ng “mga pagbibinyag para sa mga patay,” at nagtaka ako roon.

Ilang taon ang nagdaan, at pinuntahan ko siya sa England. Isang araw nang bisitahin ko siya, naupo kami sa damuhan at tinanong niya ako kung puwede kaming mag-usap nang kaunti tungkol sa Diyos. “Kakaiba ito,” naisip ko, pero pumayag ako. Sabi niya sa akin, “Alam mo ba na may isang batang lalaki sa Amerika na nakakita ng mga laminang ginto at nagkuwento tungkol sa mga sinaunang Amerikano na pinagpakitaan ni Jesucristo?” Sinabi niya sa akin na binigyan din ng mensahe ang batang iyon na ipanumbalik sa daigdig ang sinaunang Simbahan ni Jesucristo, at ginawa niya ito sa kabila ng maraming hirap.

Labis akong naantig ng mensaheng iyon. Nadama ko na talagang totoo iyon, at noong gabing iyon sa bahay niya, nakakita ako ng isang kopya ng Aklat ni Mormon sa ibabaw ng mesa sa tabi ng higaan ko. Ngunit ayaw kong mapabilang sa ibang simbahan noon, kahit hindi matatag ang espirituwalidad ko.

Isang araw sa isa pang liham sinabi niya sa akin na naging miyembro na ng simbahan ang kanyang asawa at mas bumuti ang mga bagay-bagay. “OK, talagang kailangan kong malaman ang tungkol sa simbahang ito!” sabi ko sa sarili. Tumawag ako sa mission office at nagpaiskedyul na makausap ang mga sister missionary.

Matapos kong marinig ang mga lesson, nagpabinyag ako. Maraming beses akong umiyak at nakadama ng matinding galak, at tumanggap ako ng napakaraming pagpapala, na patuloy pa rin hanggang ngayon. Sumapi ako dahil sa tiyaga at kasigasigan ng isang espesyal na kaibigan. Naniwala siya na ang kanyang mensahe ay lubos na aantig sa puso ko. Nagkaroon ng malaking pagbabago sa buhay ko, at masaya na ako sa simbahang ito, talagang alam ko kung sino ako, saan ako nanggaling, at lalo na kung saan ko nais magpunta.

Valentina Aranda ng Rome

Valentina Aranda

Nadarama ni Valentina Aranda, 33 taong gulang, na mapalad siyang manirahan sa buong buhay niya sa dati pa ring komunidad sa Rome, isang lungsod na mahal ng buong mundo dahil sa kasaysayan at sining nito. Ang kanyang pamilya ay nagmula sa maraming iba’t ibang bahagi ng Italy, na pumuno sa kanyang buhay ng iba’t ibang tradisyon. Maganda ang kinabukasan niya sa kanyang trabaho sa marketing na isinantabi niya para iukol ang buong panahon niya sa pagiging ina ng dalawang anak na babae. Sa ibaba, ikinuwento niya ang kanyang pagsapi sa edad na 21.

Nagsimula ang lahat sa Aklat ni Mormon, na nakita ko sa library ng kaibigan ko. Gusto ko talagang malaman ang tungkol sa aklat, at naging interesado ako rito. Isang araw dinampot ko ito at sinimulang basahin—pero hindi ko ito maintindihan. Sinabi ko ito sa ina ng kaibigan ko, na nagsabing dapat akong magdasal bago ko ito basahin.

Nang sumunod na gabi, nagdasal ako at sinimulan kong magbasa sa simula ng aklat. Iba sa tingin ko ang aklat na iyon sa nabasa ko na noong nakaraang araw, at may nadama ako na hindi ko pa nadama noon. Pinag-usapan namin ito ng kaibigan ko at sinabi ko sa kanya na gusto kong sumama sa pamilya niya sa pagsisimba sa susunod na Linggo.

Pagdating ko sa simbahan, agad akong napanatag. Linggo ng pag-aayuno at pagpapatotoo iyon, at labis akong naantig ng espiritu. Hinding-hindi ko malilimutan ang Linggong iyon. Noong umagang iyon nakilala ko ang mga missionary, na sinimulan akong tulungan na malaman ang katotohanan. Ang dalawang anghel na iyon ay dakilang kaloob, at malalapit ko pa rin silang kaibigan hanggang ngayon.

Ngunit ang paniwala ko na si Joseph Smith ay isang propeta ang pinakadakila, pinakamatatag, at pinakamatibay na patotoo ko sa lahat. Nalaman ko kaagad na siya ay isang propeta ng Diyos at na ipinagkatiwala sa kanya ang isang dakilang misyon, at pagkatapos ng lesson ng mga missionary kung saan ko natutuhan ang tungkol sa Panunumbalik, nagpasiya akong magpabinyag. Limang linggo pagkaraan ng una kong pagsisimba, nabinyagan ako. Napakasaya!

Binigyan ako ng Simbahan ng bagong buhay. Masaya ako at panatag sa aking desisyon; nabuklod ako sa aking asawa at mga anak; mayroon akong mga bagong kaibigan, katotohanan, mga banal na kasulatan, templo, at mga tuhod na natuto nang lumuhod para manalangin.

Pinakaaasam kong magkaroon ng templo rito sa Rome. Alam ko na magiging malaking pagpapala ito sa akin at sa napakaraming kapatid na naghihintay rito.

Angelo Melone ng L’Aquila

Angelo Melone

Si Angelo Melone ay nakatira sa piling ng kanyang pamilya sa L’Aquila, isang maliit na lungsod na itinatag noong medieval time malapit sa sentro ng Italy. Nagtatrabaho siya bilang anti-fraud director ng customs office sa L’Aquila, isang trabahong gustung-gusto niya. Ang pinakamahalagang bagay sa kanyang buhay, ayon sa kanya, ay ang kanyang pamilya. Ang kanyang asawang si Elizabete ay taga-Brazil, at may dalawa silang anak na babae—si Naomi, 11, at si Michela Alessandra, 19. Nabinyagan siya noong siya ay 18 taong gulang.

Tuwing maaalala ko ang pagsapi ko, pinasasalamatan ko ang Panginoon sa pagtulong sa akin na makilala ang mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ipinanganak ako at lumaki sa Ortona dei Marsi, isang munting nayon malapit sa National Park of Abruzzo, sa lalawigan ng L’Aquila. Noong ako ay 18, kinausap ng mga missionary ang ate ko. Noong panahong iyon nag-aaral siya ng medisina sa University of Chieti at nakatira sa Pescara, kung saan may branch ang Simbahan. Tumanggap siya ng mga missionary lesson at nagpasiyang magpabinyag.

Nakilala ko ang mga missionary noong paminsan-minsan akong bumibisita sa ate ko. Napakatigas ng ulo ko, at sinikap kong gamitin ang Biblia para patunayan na mali ang doktrina ng Simbahan. Halos lahat ng lathalain ng Simbahan ay binasa ko—pero wala akong nakitang anumang magkakasalungat. Sa halip ay nalaman ko ang kuwento tungkol sa Panunumbalik at ang kagila-gilalas na kaganapan ng Unang Pangitain. Nalaman ko ang tungkol sa konsepto ng patotoo at ninais kong magkaroon nito.

Isang araw ng Linggo, sinabi ko sa branch president sa Pescara na hinding-hindi ako magpapabinyag sa Simbahan; ngunit sa aking kalooban alam kong may nagbabago. Noong linggong iyon, binuklat ko ang aking kopya ng Aklat ni Mormon at napansin ko ang isang listahan ng mga tanong na nakadikit sa loob ng pabalat nito sa harap. Tumigil ako sa tanong na ito: “Paano ako magkakaroon ng pananampalataya?” Sinabi sa listahan na matatagpuan ko ang sagot sa Alma 32, kung saan ang salita ng Diyos ay inihambing sa isang binhi.

Nang pag-aralan ko ang talata, natanto ko na kung nais kong makatanggap ng patotoo, kailangan kong baguhin ang ugali ko. Kailangan kong iwaksi ang masasamang iniisip ko tungkol sa Simbahan para magkaroon ako ng patotoo. Kailangan kong alisin ang lahat ng aking maling palagay at maling pagkaunawa tungkol sa Simbahan, at pagkatapos ay masusubukan ko ito. Hinangad kong itanim ang binhi sa puso ko—lumuhod ako at ipinagdasal na malaman ko kung naipanumbalik na ang Simbahan at kung ang Aklat ni Mormon ang talagang naging bunga ng Panunumbalik na ito. Tinulungan ako ng Espiritu na malaman na ang Simbahan ni Jesucristo ay naritong muli sa lupa. Nabinyagan ako noong Agosto 10, 1978.

Nakakatuwa ang sumunod na mga taon. Kinailangan kong maglakbay—nang 10 kilometro (6.2 milya) na naglalakad at mga tatlong oras sakay ng tren—para makarating sa simbahan. Ngunit sulit na sulit ang pagod ko! Ang maliliit na sakripisyong iyon ay naghatid ng napakalaking galak at maraming pagpapala sa buhay ko: ang kasal ko kay Elizabete sa São Paulo Temple noong 1990, at ang pagsilang ng aking dalawang napakababait na anak na babae, sina Michela at Naomi.