Isang Basbas para kay Mamá
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
“Pagkasaserdote, naipanumbalik, ang kapangyarihan ng Diyos, nariritong muli” (Aklat ng mga Awit Pambata, 60).
Tapos na ang Primary, at hinahanap ng 10-taong-gulang na si Ruben ang mga missionary. Sabay-sabay silang maglalakad pauwi. Itinuro na nina Elder Sánchez at Elder Rojas kay Ruben at sa kuya niyang si Diego ang mga missionary lesson at bininyagan at kinumpirma na sila. Ngayo’y matatalik na kaibigan ang turing sa kanila ni Ruben.
Sumilip si Ruben sa bintana ng saradong pintuan ng isang silid. Naroon sila! Pero ano ang ginagawa nila? Ang mga kamay nila ay nakapatong sa ulo ng isang lalaki sa ward, at mukhang nagdarasal sila na tulad noong makumpirma nila si Ruben.
Paglabas nila ng silid, tinanong niya ang mga missionary, “Ano’ng ginawa ninyo?”
“Binigyan namin ng priesthood blessing si Brother Mendoza,” sabi ni Elder Sánchez. “Parang espesyal na panalangin, at iyon ay makapagbibigay ng kapanatagan, tumutulong sa isang tao na malaman kung paano lulutasin ang isang problema, o pinagagaling ang isang maysakit.”
Nang sumunod na Linggo hinanap ni Ruben ang mga missionary pagkatapos magsimba. “Maaari ba kayong pumunta sa bahay namin para basbasan ang mamá ko?” tanong niya. “Napakasakit ng likod niya.”
Nagmadali silang lahat na pumunta sa bahay ni Ruben. Kinausap nina Elder Sánchez at Elder Rojas ang mamá ni Ruben. Miyembro siya ng Simbahan, pero matagal na siyang hindi nagsisimba.
“Nalaman namin na maysakit kayo, Sister Garcia,” sabi ni Elder Rojas.
“Ilang linggo nang napakasakit ng likod ko,” sabi niya sa kanila. “Marami na akong nakausap na doktor, pero hindi nila ako natulungan.”
“Pinapunta po kami ni Ruben para bigyan kayo ng priesthood blessing,” sabi ni Elder Sánchez. “Gusto po ba ninyong gawin namin iyon?”
“Ay, sige nga,” sabi ni Mamá.
Nang ipatong ng mga missionary ang kanilang mga kamay sa kanyang ulo at basbasan siya, tumulo ang luha sa mga pisngi ni Mamá. Nang matapos sila, niyakap siya ni Ruben. “Alam ko na matutulungan kayo ng basbas,” sabi nito sa kanya.
Makaraan ang tatlong araw nagbalik ang mga missionary para kumustahin ang lagay ng mamá ni Ruben. “Natutuwa akong makita kayo,” sabi nito sa kanila. “Nagsimulang mawala ang pananakit ng likod ko pagkatapos ninyo akong basbasan, at ngayo’y nawala na ito talaga!”
“Pinagaling kayo ng Ama sa Langit, Sister Garcia,” sabi ni Elder Sánchez. “At pinayagan Niya kaming tulungan Siya gamit ang aming awtoridad ng priesthood para basbasan kayo.”
Nang sumunod na Linggo—at tuwing Linggo pagkaraan niyon—sumasama nang magsimba si Mamá kina Ruben at Diego. Alam niya, at ni Ruben, na ang kapangyarihan ng priesthood ay tunay.