2014
Kapangyarihan ng Priesthood—Para sa Lahat
Hunyo 2014


Kapangyarihan ng Priesthood Para sa Lahat

Linda K. Burton

Ang awtoridad ng priesthood ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng ordenasyon, ngunit ang kapangyarihan ng priesthood ay para sa lahat. Kabutihan ang kailangan para maanyayahan ng bawat isa sa atin ang kapangyarihan ng priesthood sa ating buhay.

Pribilehiyo nating mabuhay sa panahong ito ng kasaysayan ng Simbahan kung kailan may mga tanong tungkol sa priesthood. May malaking interes at hangaring malaman at maunawaan pa ang tungkol sa awtoridad, kapangyarihan, at mga pagpapalang nauugnay sa priesthood ng Diyos. Umaasa ako na ang doktrina ng priesthood ay “magpapadalisay sa [ating kaluluwa] gaya ng hamog mula sa langit” (D at T 121:45; idinagdag ang pagbibigay-diin). Pinatototohanan ko na pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain, at mahalagang maunawaan natin kung paano isinasagawa ng Panginoon ang Kanyang gawain nang sa gayon ay matanggap natin ang kapangyarihang nagmumula sa pagsunod sa Kanyang plano at mga layunin.

Laging naisasakatuparan ng Panginoon ang Kanyang gawain, na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39), sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang priesthood. Sa pamamagitan nito ang langit at lupa ay nalikha. Sa mga ordenansa ng priesthood, ang mga epekto ng Pagkahulog ay maaaring madaig dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil ang kapangyarihan ng priesthood ay ipinagkatiwala sa tao para pagpalain ang mga anak ng Ama sa Langit, nais Niyang anyayahan natin ang kapangyarihan ng priesthood sa ating mga tahanan upang mapagpala at mapalakas ang ating pamilya at ang buhay ng bawat isa sa atin.

Sa pandaigdigang pagsasanay sa pamumuno noong 2013, malinaw na ipinahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi ang kalalakihan ang priesthood!”1 Para sa akin, iyan ay isang babala at paanyaya rin sa ating lahat na pag-aralan, pagnilayan, at mas unawain pa ang priesthood. Kung may isang tao, marahil ay isang bata o kaibigan na miyembro ng ibang relihiyon, na nagtanong sa inyo ng mga sumusunod, makakasagot ba kayo?

  • Ano ang priesthood?

  • Bakit napakahalaga ng priesthood?

  • Ano ang mga susi ng priesthood?

  • Sino ang mayhawak ng mga susi ng priesthood?

Ano ang priesthood?

Ang priesthood ay walang-hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos at sa pamamagitan nito ay Kanyang pinagpapala, tinutubos, at dinadakila ang Kanyang mga anak. Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang priesthood sa ganitong paraan: “Priesthood ang ginagamit ng Panginoon upang makakilos sa pamamagitan ng kalalakihan sa pagliligtas ng mga kaluluwa. … Ang isang mayhawak ng priesthood ay inaasahang gagamitin ang sagradong awtoridad na ito ayon sa isipan, kalooban, at mga layunin ng Diyos. Walang anumang tungkol sa priesthood ang makasarili. Ang priesthood ay palaging ginagamit para maglingkod, magbasbas, at magpalakas sa ibang tao.2

Nang pag-aralan, pagnilayan, at pagsikapan kong maunawaan ang priesthood, nakatulong sa akin na isipin ang mangyayari sa mundo kung wala ito. Ipinaliwanag na mabuti ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang paksang ito nang sabihin niya: “Mawawari ba ninyo kung gaano kadilim at kahungkag ang mortalidad kung walang priesthood? Kung wala ang kapangyarihan ng priesthood sa mundo, malaya sanang nakakagala at patuloy na naghahari ang kaaway. Wala sanang kaloob na Espiritu Santo na papatnubay at magbibigay-liwanag sa atin; walang mga propetang mangungusap sa ngalan ng Panginoon; walang mga templo kung saan natin magagawa ang mga sagrado at walang-hanggang tipan; walang awtoridad na magbabasbas o magbibinyag, magpapagaling o magpapanatag. … Wala sanang liwanag, walang pag-asa—pawang kadiliman lamang.”3

Nakalulungkot ang isipin na walang kapangyarihan ng priesthood. Ako mismo ay hayagang natutuwa na ang sagradong kapangyarihang ito ay naipanumbalik sa mundo sa pamamagitan ng isang propeta ng Diyos sa huli at maluwalhating dispensasyong ito ng kaganapan ng mga panahon!

Gayunman, pinag-iingat tayo ni Elder Oaks sa mga pagtukoy natin sa priesthood: “Bagama’t kung minsan tinutukoy natin ang mga priesthood holder bilang ‘ang priesthood,’ huwag nating kalimutan na ang priesthood ay hindi pag-aari at kinakatawan ng mga mayhawak nito. Ito ay sagradong ipinagkatiwala upang gamitin para sa kapakanan ng kalalakihan, kababaihan, at gayon din ng mga bata.4

Bakit napakahalaga ng priesthood?

Alam natin na “ang plano ng kaligayahan ng Diyos ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang-buhay. Ang mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang-hanggan.”5 Tulad ng itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ibinalik ang priesthood upang mabuklod sa kawalang-hanggan ang mga pamilya.”6

“Ang awtoridad ng priesthood ay kailangan upang maisagawa ang mga ordenansa ng ebanghelyo. … Bawat ordenansa ay nagdudulot ng maraming espirituwal na pagpapala.”7 Ipinagkaloob ni Jesus ang mga sagradong susi ng kaharian kay Pedro lakip ang atas na “anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit” (Mateo 16:19).

Ano ang mga susi ng priesthood?

Isang simpleng paliwanag tungkol sa mga susi ng priesthood ang matatagpuan sa Mayo 2012 New Era:

“Hawak ang isang set ng mga susi, marami kayong magagawang bagay na hindi sana ninyo magagawa—pumasok sa mga gusali, magmaneho ng mga sasakyan, at magbukas ng mga trunk, at marami pang iba. Tunay na ang mga susi ay nangangahulugan ng awtoridad at karapatan.

“Ganyan din ang mga susi ng priesthood. Ito ang may kontrol sa natatanggap na mga basbas at ordenansa ng priesthood. … Ang mga susi ng priesthood ay ang karapatan na mangulo at mamuno sa Simbahan. … Ang mga susi ay karaniwang ginagamit sa isang area, tulad ng ward, stake, o mission. Karaniwan ding kasama rito ang awtoridad sa pangangasiwa ng partikular na mga ordenansa at aktibidad (halimbawa, binyag, sakramento, gawaing misyonero, at gawain sa templo).”8

Sino ang mayhawak ng mga susi ng priesthood?

“Si Jesucristo ang mayhawak ng lahat ng susi ng priesthood na nauukol sa Kanyang Simbahan. Iginawad Niya sa bawat isa sa Kanyang Apostol ang lahat ng susi na nauukol sa kaharian ng Diyos sa lupa. Ang buhay na senior na Apostol, ang Pangulo ng Simbahan, ang tanging tao sa lupa na may awtoridad na gamitin ang lahat ng susi ng priesthood (tingnan sa D at T 107:91–92). … [At kanya namang] itinatalaga ang mga susi ng priesthood sa iba pang mga priesthood leader upang mapamunuan nila ang lugar na kanilang nasasakupan. … Ang mga auxiliary president at kanilang mga counselor ay hindi tumatanggap ng mga susi. Sila ay tumatanggap ng awtoridad para magampanan ang kanilang mga tungkulin.”9

Gayunpaman, magkaiba ang awtoridad ng priesthood at kapangyarihan ng priesthood. Ang awtoridad ng priesthood ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng ordenasyon, ngunit ang kapangyarihan ng priesthood ay para sa lahat. Yamang ang kapangyarihan ng priesthood ay hangad nating lahat na mapasaating pamilya at tahanan, ano ang kailangan nating gawin para maanyayahan ang kapangyarihang iyan sa ating buhay? Ang pagiging karapat-dapat ay mahalaga sa pagkakaroon ng kapangyarihan ng priesthood.

Pag-unawa sa Doktrina ng Priesthood

Una, hangaring maging marapat sa kaloob na Espiritu Santo. Dahil ang doktrina ng priesthood ay pinakamainam na nauunawaan sa pamamagitan ng paghahayag, kailangan ang tulong ng Espiritu Santo upang maihayag at mapadalisay ang doktrina sa ating mga kaluluwa.

Pangalawa, pumunta sa banal na templo. Alam natin na ang mga templo “ang pinakabanal sa lahat ng pook na sambahan”10 at naglalaan ng magandang kapaligiran para matutuhan ang tungkol sa priesthood sa diwa ng paghahayag.

Pangatlo, basahin ang mga banal na kasulatan. Ang pagsasaliksik, pagninilay, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay mga paanyaya upang maihayag sa atin ng Espiritu Santo ang mahahalagang katotohanan tungkol sa priesthood. Iminumungkahi ko ang mga sumusunod upang masusi at mapanalangin ninyong mapag-isipan: Doktrina at mga Tipan, mga bahagi 13, 20, 84, 107, at 121, at Alma 13. At inaanyayahan ko kayo na isaulo ang sumpa at tipan ng priesthood, na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 84:33–44. Sa paggawa nito, ipinapangako ko sa inyo na palalawakin ng Espiritu Santo ang inyong pang-unawa tungkol sa priesthood at bibigyan ng inspirasyon at palalakasin kayo sa napakagandang paraan.

Inaanyayahan ko rin kayong pagnilayan ang Doktrina at mga Tipan 121:34–46 at itanong sa inyong sarili ang tulad nito:

  • Nakalagak ba ang puso ko sa mga bagay ng mundong ito?

  • Hangad ko ba ang papuri ng kalalakihan o kababaihan?

  • Tinatangka ko bang pagtakpan ang aking mga kasalanan?

  • Ako ba’y mapagmataas?

  • Kinokontrol ko ba o pinamamahalaan nang di-matwid o pinupuwersa ang aking mga anak, asawa, o ang iba pa?

  • Sinisikap ko bang ipamuhay nang lubos ang mabubuting alituntunin tulad ng paghihikayat, kaamuan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kahinahunan, hindi pakunwaring pag-ibig (ibig sabihin ay dalisay, tapat, o lubos na pagmamahal)?

  • Napupuspos ba ng kabanalan ang aking mga iniisip nang walang humpay?

  • Hangad ko bang palaging makasama ang Espiritu Santo?

Ang mga salitang paghihikayat, kaamuan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kahinahunan, at hindi pakunwaring pag-ibig ay nagkaroon ng bago at napakapersonal na kahulugan sa akin nang maalala ko ang basbas na hiniling ko sa aking ama maraming taon na ang nakalipas.

Noong ako ay young single adult, nahirapan akong gawin ang isang mahirap na desisyon. Tulad ng ilang beses ko nang ginawa, nilapitan ko si Itay at humingi ng basbas sa kanya. Sa pag-asang agad niyang pagbibigyan ang aking hiling, nagulat ako nang sabihin niyang, “Kailangan ko ng kaunting panahon para maghanda upang mabasbasan ka. OK lang ba na maghintay ka ng dalawang araw?”

Ang nakatutuwa, makalipas ang 40 taon, nalimutan ko na ang mga salitang binanggit ng aking ama sa pagbabasbas niya sa akin, ngunit hindi ko kailanman nalimutan ang malaking pagpipitagan ng aking ama sa banal na priesthood sapagkat inihanda niya ang kanyang sarili para mabasbasan ako. Naunawaan niya ang mga alituntuning itinuro sa Doktrina at mga Tipan 121 at determinadong ipamuhay ang mga ito upang maging marapat sa kapangyarihan ng priesthood na magpapala sa kanyang pamilya.

Mga Salita ng mga Buhay na Propeta

Nagkaroon ako ng pagkakataong makasama sa gawain ang mga inspiradong propeta, tagakita, at tagapaghayag sa halos araw-araw. Kung talagang gusto nating malaman ang doktrina ng priesthood, tayo ay may mapagkakatiwalaan at buhay na masasanggunian na ibinigay ng Diyos: mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Pinatototohanan ko na sila ay kalalakihan ng Diyos na nagtataglay ng kapangyarihan ng priesthood dahil karapat-dapat sila.

Sa nakaraang pangkalahatang kumperensya, itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa plano ng ating Ama sa Langit na nagkaloob ng priesthood sa kalalakihan, ang mga lalaki ay may kakaibang responsibilidad na pangasiwaan ang priesthood, ngunit hindi sila ang priesthood. Ang kalalakihan at kababaihan ay may mga tungkulin na magkaiba ngunit parehong mahalaga. Hindi man kayang magdalantao ng babae kung walang lalaki, hindi naman lubos na magagamit ng lalaki ang kapangyarihan ng priesthood para magbuo ng walang-hanggang pamilya kung walang babae. Sa madaling salita, sa walang-hanggang pananaw, ang mag-asawa ay parehong may ginagampanan sa kapangyarihang lumikha ng buhay at sa kapangyarihan ng priesthood.”11

Natutuhan ko na ang mabuting impluwensya ng kababaihan ay isang kaloob na tumutugma sa kapangyarihan ng priesthood. Sa pagsasalita sa kababaihan ng Simbahan, naghikayat si Pangulong Howard W. Hunter (1907–95), “Kaya’t hinihiling namin sa inyo na maglingkod taglay ang malakas ninyong impluwensya sa kabutihan sa pagpapatatag ng ating mga pamilya, simbahan, at komunidad.”12 Sa huling pangkalahatang kumperensya, sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol sa kababaihan, “Dalaga man kayo o may asawa, nagsilang man kayo ng mga anak o hindi, kayo man ay matanda, bata, o nasa pagitan nito, ang pagiging halimbawa ninyo ng kabutihan ay mahalaga.”13

Katulad nito, sinabi ni Elder Ballard, “Wala nang makikita pa sa mundo na mas magiliw, mas mapangalaga, o mas nakapagbabago ng buhay kaysa sa impluwensiya ng isang matwid na babae.”14

Nasagot na natin ang ilang tanong na may kaugnayan sa banal na priesthood ng Diyos, at tiyak na mayroon pang iba.

Sumunod Muna, at Makauunawa Ka

Magtatapos ako sa pagbabahagi ng isang karanasan na nakatulong sa akin na harapin ang mga tanong na hindi masagot. Ilang taon na ang nakalipas, kaming mag-asawa ay inanyayahan sa isang pagtitipon ng maraming bihasang lider ng Simbahan. Isang bagong lider ang katatawag lamang, at sa katapusan ng miting isang napakahirap at matinding tanong ang ibinigay. Natatanto na mahirap ang tanong, kaming mag-asawa ay kaagad nanalangin nang taimtim sa Ama sa Langit alang-alang sa bagong lider na ito. Nang nasa pulpito na siya para sagutin ang tanong, nakita ko ang pagbabago ng kanyang anyo habang siya ay nakatayo nang may dignidad, kumpiyansa at siya ay nangusap nang may kapangyarihan ng Panginoon.

Parang ganito ang sagot niya: “Brother, hindi ko alam ang sagot sa tanong mo. Pero sasabihin ko sa iyo ang alam ko. Alam ko na ang Diyos ang ating Amang Walang Hanggan. Alam ko na si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig. Alam ko na nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, si Jesucristo, at naging kasangkapan sa pagpapanumbalik ng kapangyarihan ng priesthood sa lupa. Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo at naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Alam ko na mayroon tayong buhay na propeta ngayon na nangungusap para sa Panginoon upang mapagpala ang ating buhay. Hindi, hindi ko alam ang sagot sa tanong mo, pero ito ang mga bagay na alam ko. Ang iba ay ayon sa aking pananalig. Sinisikap kong ipamuhay ang simpleng pahayag na ito ng pananampalataya na natutuhan ko ilang taon na ang nakalipas mula kay Marjorie Hinckley, maybahay ni Pangulong Gordon B. Hinckley, na nagsabing, ‘Sumusunod muna ako, at saka ko ito nauunawaan.’”

Ang priesthood ng Diyos ay sagradong pagtitiwala na ibinigay upang pagpalain ang kalalakihan, kababaihan, at mga bata upang makabalik tayo bilang mga pamilya at mamuhay nang magkakasama sa piling ng Diyos. Ang pagiging karapat-dapat ay kailangan para maanyayahan ng bawat isa sa atin ang kapangyarihan ng priesthood sa ating buhay. Nawa ang doktrinang ito ay magpadalisay sa ating mga kaluluwa at mas maglapit sa atin sa Kanya na nagmamay-ari ng Simbahan at kapangyarihan ng priesthood na ito.

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, “Ang Kapangyarihan ng Priesthood sa Pamilya” (pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno); wwlt.lds.org.

  2. David A. Bednar, “Ang mga Kapangyarihan ng Langit,” Liahona, Mayo 2012, 48; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  3. Robert D. Hales, “Blessings of the Priesthood,” Ensign, Nob. 1995, 32.

  4. Dallin H. Oaks, “The Relief Society and the Church,” Ensign, Mayo 1992, 36; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  5. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  6. Russell M. Nelson, “Pangangalaga sa Kasal,” Liahona, Mayo 2006, 37.

  7. Handbook 2: Administering the Church (2010), 2.1.2.

  8. “Priesthood Keys,” New Era, Mayo 2012, 38.

  9. Handbook 2, 2.1.1.

  10. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Templo, Bahay ng Panginoon”; scriptures.lds.org.

  11. M. Russell Ballard, “Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian,” Liahona, Mayo 2013, 19.

  12. Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 184; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  13. D. Todd Christofferson, “Ang Mabuting Impluwensya ng Kababaihan,” Liahona, Nob. 2013, 30.

  14. Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 182–83; idinagdag ang pagbibigay-diin.

Mga paglalarawan ni Jerry Garns, maliban kung iba ang NAKASAAD; KANAN: PAGLALARAWAN NI CODY BELL

KANAN: LARAWANG KUHA NI Dan Carter

KANAN: PAGLALARAWAN NI Cody Bell