2014
Media na May Kabuluhan
Hunyo 2014


Media na MayKabuluhan

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Lahat ng media na ginagamit ninyo ay may epekto sa inyo. Ang pinili ba ninyong media ay nagpapasigla, may mabuting layunin, at nagbibigay-inspirasyon?

Nang dalhin sina Daniel, Sadrach, Mesach, at Abed-nego sa bulwagan ni Haring Nabucodonosor, sinabihan silang kainin ang pagkain ng hari at inumin ang alak nito. Ngunit sa halip ay ipinasiya nilang kumain na lang ng gulay (pagkaing gawa sa butil) at uminom ng tubig. Makalipas ang 10 araw, “lalong maganda ang kanilang mga mukha, at sila’y lalong mataba sa laman kay sa lahat na binata na nagsisikain ng pagkain ng hari. … [At] pinagkalooban sila ng Dios ng kaalaman at katalinuhan sa lahat ng turo at karunungan: at si Daniel ay may pagkaunawa sa lahat na pangitain at mga panaginip” (Daniel 1:15, 17).

Bagama’t madalas nating gamitin ang kuwentong ito para ilarawan ang mahahalagang alituntunin tungkol sa Word of Wisdom at sa pagkaing literal nating kinakain, itinuturo nito ang iba pang mga alituntunin tungkol sa mga bagay na parang kinakain na rin natin. Kabilang dito ang media na ginagamit natin para malibang—anumang bagay mula sa fine arts, mga aklat, sayaw, at musika hanggang sa digital at social media. Tulad ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan na sadyang nagpasiya na iwasan ang pagkain nang labis-labis at ng pagkaing mabigat sa tiyan na hindi naman magpapalusog sa kanila—at baka makagambala pa sa pagsasanay nila sa palasyo ng hari—tayo rin naman ay dapat marunong sa pagpili ng mabubuting libangan (tingnan sa D at T 25:10).

Ang sumusunod na mga mungkahi ay makakatulong sa pagpili natin kung aling libangan ang dapat nating pag-ukulan ng mahalagang oras natin sa mundong ito.

Iwasan ang Mababaw na Pag-iisip

Naglilibang tayo para makapagpahinga mula sa gawain natin sa araw-araw. Maaari itong maging oras ng pahinga at tawanan at magandang pag-uusap kasama ang pamilya at mga kaibigan.1 Ang ginhawang nadarama natin mula sa mga aktibidad na ito ay nagmumula sa impluwensya ng Espiritu Santo, na ang mga bunga ay “pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, [at] pagpipigil” (Mga Taga Galacia 5:22–23). Para mapasigla matapos tayong maglibang, kailangan nating piliin ang libangan na pinananatili tayong karapat-dapat sa mga pahiwatig at nagpapagaling na kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Para hindi mawala ang patnubay ng Espiritu Santo at hindi mapinsala ang ating espiritu, pinapayuhan tayo na huwag “dumalo, tumingin, o makilahok sa anumang bastos, mahalay, marahas, o nagpapakita ng pornograpiya sa anumang paraan.”2 Ngunit kung minsan ang media na tila wala namang kahalayan ay maaari ding makapinsala sa atin sa pamamagitan ng paglalayo sa atin sa layunin natin sa buhay.

Bagama’t ang mabubuting libangan ay maaaring magpasaya sa atin, may ibang mga uri ng libangan na maaaring magpababaw ng ating pag-iisip. Sa Doktrina at mga Tipan iniutos sa atin ng Panginoon: “Tumigil sa lahat ng inyong mabababaw na pananalita, mula sa lahat ng halakhak, mula sa lahat ng inyong mahahalay na pagnanasa, [at] mula sa lahat ng inyong kapalaluan at mababaw na pag-iisip” (88:121). Inilalayo tayo ng ilang libangan sa layunin ng plano ng kaligtasan sa pamamagitan ng paglalagay sa ating isipan ng inilarawan ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang masasamang kaisipan at mga bagay na walang halaga.3 Madali tayong mabibitag ng gayong mababaw na libangan at “mawawalan tayo ng pagpipitagan at babalewalain natin ang sagradong bagay at ang pinakamalala pa ay nagiging lapastangan tayo sa Diyos.”4

Aktibong Pangatawanan ang Sarili

Bagama’t mas madaling basta na lang hayaang pumasok sa ating puso’t isipan ang libangang ating pinakikinggan, pinanonood, at binabasa nang hindi ito sinusuri, mahalagang bahagi ng buhay ang matutuhang pangatawanan ang sarili—matutong “[kumilos] para sa [ating] sarili at hindi pinakikilos” (2 Nephi 2:26). Bahagi ng tunay na pagkatawan sa sarili ang maging matalino sa pagpapasiya tungkol sa ginagamit ninyong libangan.

Sa halip na basta na lang gumamit ng media para malibang, alamin din natin kung gaano katagal nating ginagamit ito at anong mga mensahe—hayagan man o tago—ang hatid nito. Ipinaliwanag ni Ryan Holmes, direktor ng Digital Media Group sa Brigham Young University, na kailangan nating “pakaisipin ang paggamit ng teknolohiya” at maingat na isaalang-alang ang “lahat ng ibubunga nito.”5 Sinabi ni Amy Petersen Jensen, chair ng departmento ng Theatre and Media Arts sa Brigham Young University, na mahalagang “piliin na makibahagi sa mga aktibong usapan sa media at iwasang basta pakinggan o panoorin na lamang ito.”6

Gamitin nang Matalino ang Oras

Bahagi ng mas aktibong pagkatawan sa sarili ang kamalayan sa tagal ng oras na ginugugol natin sa paglilibang. Sa dami ng pagpipilian, madaling gamitin ang “anumang dumating sa inyo sa text, email, data feeds, streams, at mga pabatid.”7 Ngunit kapag ginawa natin ito, pinalilipas natin ang “mga araw ng [ating] pagsubok” (2 Nephi 9:27) sa pagsasayang ng oras sa mga aktibidad na hindi nakakatulong para tayo maging mas malakas, mas matalino, mas mapagkawanggawang mga kinatawan ni Jesucristo.

Sa halip na sayangin ang buong magdamag sa pinakahuling viral video, nangungunang bagong show sa telebisyon, o pag-update ng status sa social media, maaari nating ilaan ang ating oras sa mabubuting libangang nakapagpapalakas sa atin. Sabi ni Brother Holmes, “Pag-isipan ang pipiliin. Kayo ang nagpapasiya kung ano, kailan, at paano ninyo gagamitin ang digital media.”8

Piliin ang Media na Nagpapasigla

Ang isa pang mahalagang bahagi ng maingat na pagpili ng ating libangan ay ang isaisip kung anong mga mensahe ang inihahatid ng media.

Bawat uri ng libangan ay may hatid na mensahe, sinadya man ang mga mensaheng ito o hindi. Halimbawa, habang nasisiyahan sa isang pelikula o aklat, itanong sa inyong sarili kung ano ang mensaheng ipinararating sa inyo ng mga simbolo, tauhan, titik, at larawan nito. Ano ang halaga nito? Anong mga pag-uugali ang itinataguyod nito? Ang pinakamahalaga, tinutulungan ba kayo nitong isipin at pagpitaganan si Jesucristo? Tinutulungan ba kayo nitong maunawaan ang Kanyang kabanalan? May itinuturo ba ito sa inyo tungkol sa sakripisyo? sa pagmamahal? sa pagiging di-makasarili? May sinasabi ba ito tungkol sa kahalagahan ng mga pamilya o sa kasagraduhan ng kasal? Kung wala kayong makuhang katotohanan na nauugnay sa ebanghelyo mula sa mga mensaheng hatid ng inyong libangan, hindi ito mahalaga at sayang ang oras ninyo.

Maaaring matukso ang ilan na sabihing, “Libangan lang naman ito—hindi ito eskuwelahan o simbahan. Hindi ko kailangang matuto ng anuman mula rito.” Ngunit alam man ninyo o hindi, “anuman ang inyong binabasa, pinakikinggan, o tinitingnan … ay makakaapekto sa inyo.”9

Kapag itinuon natin ang ating puso’t isipan sa pagsusuri sa media na ginagamit natin, nagkakaroon tayo ng mga sandali para makapag-isip-isip tayo. Ang tawag ni Professor Jensen sa mga sandaling ito ay “pakikipag-usap”: “isang diyalogo—pakikipag-usap sa sarili kung saan nakikinig at tumutugon tayo. Ang pinakamainam nating pakikipag-usap ay kadalasang nagiging mga pribadong sandali ng pagsisisi, dahil kadalasa’y sa pakikipag-usap tayo nagbabago ng isipan, nakatatagpo ng bagong landas, o nagpapasiyang magpakabuti. Ang mga pagbabagong ginagawa natin sa ating kaluluwa sa mga sandaling ito ay kadalasang maliit, simple, paunti-unti, nakapapanatag, at may-saysay.”10

Hinahangad natin ang “anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita o maipagkakapuri”—kahit sa ating paglilibang (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13). Bilang mga kinatawan ni Jesucristo dapat nating sikapin na “lahat ng [ating] binabasa o [pinanonood] … ay may itinuturong kabutihan o may kabutihang dulot sa [ating sarili] o [sa ating pamilya].” Ang ating mga libangan ay dapat “may mabuti at makabuluhang layunin … na [tumutulong sa atin] na makamit at maibahagi ang nais mangyari ng ating Ama sa Langit.”11

Alam natin na ang gayong marangal, kaaya-aya, at maipagkakapuring libangan—media na may kabuluhan—ay nagpapasigla sa atin, naghahanda sa atin sa mga hamon sa buhay, at nagpapatatag sa ating pagkadisipulo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129, nakasaad rito na ang “makabuluhang mga aktibidad sa paglilibang” ay isa sa mga alituntunin sa pagkakaroon ng maligayang pamilya.

  2. Para sa Lakas ng mga Kabataan, (2011), 11.

  3. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Powerful Ideas,” Ensign, Nob. 1995, 27.

  4. Brad Wilcox, “If We Can Laugh at It, We Can Live with It,” Ensign, Mar. 2000, 29.

  5. Ryan Holmes, “The Truth of All Things,” (Brigham Young University devotional, Mayo 7, 2013), speeches.byu.edu.

  6. Amy Petersen Jensen, “Some Hopeful Words on Media and Agency,” (Brigham Young University devotional, Mar. 20, 2012), speeches.byu.edu.

  7. Holmes, “The Truth of All Things,” speeches.byu.edu.

  8. Holmes, “The Truth of All Things,” speeches.byu.edu.

  9. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 11.

  10. Jensen, “Media and Agency,” speeches.byu.edu.

  11. Jensen, “Media and Agency,” speeches.byu.edu.

Paglalarawan ng Cienpies Design/Shutterstock